KATOTOHANAN
Ang terminong Hebreo na ʼemethʹ, kadalasang isinasalin bilang “katotohanan,” ay maaaring tumukoy sa bagay na matatag, mapagkakatiwalaan, matibay, tapat, totoo, o naitatag bilang katotohanan. (Exo 18:21; 34:6; Deu 13:14; 17:4; 22:20; Jos 2:12; 2Cr 18:15; 31:20; Ne 7:2; 9:33; Es 9:30; Aw 15:2; Ec 12:10; Jer 9:5) Ang salitang Griego na a·leʹthei·a ay kabaligtaran naman ng kabulaanan o kalikuan at nagpapahiwatig ng bagay na kaayon ng katotohanan o ng tama at wasto. (Mar 5:33; 12:32; Luc 4:25; Ju 3:21; Ro 2:8; 1Co 13:6; Fil 1:18; 2Te 2:10, 12; 1Ju 1:6, 8; 2:4, 21) Maraming iba pang pananalita sa orihinal na wika ang maaari ring isalin bilang “katotohanan” depende sa konteksto.
Si Jehova, ang Diyos ng Katotohanan. Si Jehova ang “Diyos ng katotohanan.” (Aw 31:5) Tapat siya sa lahat ng kaniyang pakikitungo. Tiyak ang kaniyang mga pangako, sapagkat hindi siya makapagsisinungaling. (Bil 23:19; 1Sa 15:29; Aw 89:35; Tit 1:2; Heb 6:17, 18) Siya ay humahatol ayon sa katotohanan, samakatuwid nga, ayon sa kung ano talaga ang isang bagay, at hindi salig sa panlabas na kaanyuan. (Ro 2:2; ihambing ang Ju 7:24.) Ang lahat ng nagmumula sa kaniya ay dalisay at walang kapintasan. Ang kaniyang mga hudisyal na pasiya, kautusan, utos, at salita ay katotohanan. (Ne 9:13; Aw 19:9; 119:142, 151, 160) Ang mga ito ay laging tama at wasto, at kasalungat ng lahat ng kalikuan at kamalian.
Patotoo ng paglalang. Pinatototohanan ng mga gawang paglalang na may Diyos. Ngunit, ayon kay Pablo, ang katotohanang ito ay sinasawata maging ng ibang mga tao na ‘nakakakilala sa Diyos.’ Sa halip na paglingkuran nila ang Diyos kaayon ng katotohanan tungkol sa kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, gumawa sila ng mga idolo at sinamba nila ang mga ito. Palibhasa’y hindi mga tunay na diyos, ang mga idolo ay isang kabulaanan, isang kasinungalingan. (Jer 10:14) Kaya nga, bagaman taglay ng mga taong ito ang katotohanan ng Diyos, ipinagpalit nila iyon “sa kasinungalingan at nagpakundangan at nag-ukol ng sagradong paglilingkod sa nilalang sa halip na sa Isa na lumalang.” Ang pagbaling nila sa kabulaanan ng idolatriya ay umakay sa kanila sa lahat ng uri ng masasamang gawain.—Ro 1:18-31.
Kabaligtaran ng pagkamakasalanan ng tao. Ang masasamang gawain ng mga di-Judio at ang pagkamasuwayin ng mga Judio sa kautusan ng Diyos ay hindi sa anumang paraan personal na nakapagdulot ng pinsala sa Maylalang. Sa halip, dahil dito ay naging litaw na litaw ang kaniyang pagkamatapat, kabanalan, katuwiran, at nagdulot ito sa kaniya ng kaluwalhatian. Bagaman higit na natatanyag ang katuwiran ng Diyos dahil sa paggawa ng tao ng masama, hindi ito saligan upang sabihin na di-makatarungan ang Diyos sa paglalapat niya ng hatol laban sa mga manggagawa ng kasamaan. Yamang ang tao ay nilalang ng Diyos, wala siyang karapatan na saktan ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng paggawa ng kasalanan.
Iyan ang argumentong ginamit ni Pablo sa kaniyang liham sa mga taga-Roma, anupat sinabi niya: “Kung itinatanyag ng ating kalikuan ang katuwiran ng Diyos, ano ang sasabihin natin? Ang Diyos ay hindi tiwali kapag pinasisiklab niya ang kaniyang poot, hindi ba? (Nagsasalita akong gaya ng tao.) Huwag nawang mangyari iyan! Kung gayon nga, paanong hahatulan ng Diyos ang sanlibutan? Gayunman kung dahil sa aking kasinungalingan [ihambing ang Aw 62:9] ay higit na natanyag ang katotohanan ng Diyos sa kaniyang ikaluluwalhati, bakit hinahatulan pa rin ako bilang makasalanan? At bakit hindi sabihin, gaya ng may-kabulaanang ipinaparatang sa atin at gaya ng ipinahahayag ng ilang tao na sinasabi raw natin: ‘Gawin natin ang masasamang bagay upang dumating ang mabubuting bagay’? Ang hatol laban sa mga taong iyon ay kasuwato ng katarungan.” (Ro 3:5-8) Iniligtas ng Diyos ang kaniyang bayan, hindi upang sundin ang landasin ng kasalanan, kundi upang mamuhay ayon sa katuwiran, nang sa gayo’y maluwalhati nila Siya. Noong dakong huli, sinabi ng apostol sa kaniyang liham: ‘Ni huwag ninyong patuloy na iharap sa kasalanan ang inyong mga sangkap bilang mga sandata ng kalikuan, kundi iharap ninyo sa Diyos ang inyong sarili gaya niyaong mga buháy mula sa mga patay, gayundin ang inyong mga sangkap sa Diyos bilang mga sandata ng katuwiran.’—Ro 6:12, 13.
Ano ang kahulugan ng pananalitang si Jesu-Kristo mismo “ang katotohanan”?
Tulad ng kaniyang Ama na si Jehova, si Jesu-Kristo ay ‘puspos ng di-sana-nararapat na kabaitan at katotohanan.’ (Ju 1:14; Efe 4:21) Noong narito sa lupa si Jesus, lagi niyang sinasalita ang katotohanan na tinanggap niya mula sa kaniyang Ama. (Ju 8:40, 45, 46) “Hindi siya nakagawa ng kasalanan, ni kinasumpungan man ng panlilinlang ang kaniyang bibig.” (1Pe 2:22) Iniharap ni Jesus ang mga bagay ayon sa kung ano talaga ang mga ito. Bukod sa pagiging ‘puspos ng katotohanan,’ si Jesus mismo “ang katotohanan,” at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan niya. Ipinahayag niya: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay.” (Ju 14:6) At isinulat naman ng apostol na si Juan: “Sapagkat ang Kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises, ang di-sana-nararapat na kabaitan at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.”—Ju 1:17.
Ang mga sinabi ni Juan ay hindi nangangahulugang mali ang Kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Iyon din ay katotohanan, na kaayon ng pamantayan ng Diyos sa kabanalan, katuwiran, at kabutihan. (Aw 119:151; Ro 7:10-12) Gayunman, ang Kautusan ay nagsilbing tagapagturo na umaakay tungo kay Kristo (Gal 3:23-25) at may anino, o makahulang larawan, ng mas dakilang mga katunayan. (Heb 8:4, 5; 10:1-5) Bagaman ang Kautusan ay katotohanan, hindi ito ang buong katotohanan, yamang nagsilbi lamang itong anino, kaya naman kinailangan nitong magbigay-daan sa mga katunayang inilarawan nito. Idiniin ng apostol na si Pablo ang puntong ito sa kaniyang liham sa mga taga-Colosas: “Huwag kayong hatulan ng sinumang tao sa pagkain at pag-inom o may kinalaman sa kapistahan o sa pangingilin ng bagong buwan o ng isang sabbath; sapagkat ang mga bagay na iyon ay isang anino ng mga bagay na darating, ngunit ang katunayan ay sa Kristo.” (Col 2:16, 17) Sa gayon, “ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Kristo” sa diwa na ginawa niyang aktuwal na katotohanan ang mga bagay na inilalarawan ng Kautusan. Yamang siya mismo ay hindi anino kundi ang katunayan, si Jesus “ang katotohanan.” Si Jesus din ay naging ‘lingkod alang-alang sa pagkamatapat ng Diyos’ sapagkat tinupad niya ang mga pangako ng Diyos sa mga ninuno ng mga Judio sa pamamagitan ng paglilingkod sa tuling mga Judio at sa mga proselita.—Ro 15:8; tingnan ang JESU-KRISTO (‘Nagpatotoo sa Katotohanan’).
Sa katulad na paraan, nang banggitin ng apostol na si Pablo ang “katotohanan sa Kautusan,” hindi ito nangangahulugan na may anumang kabulaanan sa Kautusan (Ro 2:20) kundi ipinakikita nito na ang Kautusan ay hindi ang buong katotohanan.
“Ang Espiritu ng Katotohanan.” Ang espiritung nagmumula sa Diyos na Jehova ay dalisay at banal. Ito “ang espiritu ng katotohanan.” (Ju 14:17; 15:26) Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Marami pa akong mga bagay na sasabihin sa inyo, ngunit hindi ninyo makakaya ang mga iyon sa kasalukuyan. Gayunman, kapag dumating ang isang iyon, ang espiritu ng katotohanan, aakayin niya kayo sa lahat ng katotohanan, sapagkat hindi siya magsasalita udyok ng kaniyang sarili, kundi anumang bagay ang kaniyang marinig ay sasalitain niya, at ipahahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating.”—Ju 16:12, 13.
Ituturo sa kanila ng espiritu ng Diyos ang lahat ng kailangan nilang malaman upang maisakatuparan ang kanilang gawain, anupat ipaaalaala at ipauunawa nito sa kanila ang mga bagay na dati na nilang narinig mula kay Jesus ngunit hindi nila naunawaan. (Ju 14:26) Ipahahayag din sa kanila ng espiritu ng Diyos “ang mga bagay na darating.” Maaaring kasama rito ang pagbibigay-liwanag sa kahulugan ng kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus, yamang ang mga ito ay mangyayari pa lamang noon at kabilang sa mga bagay na hindi nauunawaan ng kaniyang mga alagad. (Mat 16:21-23; Luc 24:6-8, 19-27; Ju 2:19-22; 12:14-16; 20:9) Sabihin pa, nang maglaon, tinulungan din ng espiritu ng Diyos ang mga tagasunod ni Kristo na makapanghula ng mga magaganap sa hinaharap. (Gaw 11:28; 20:29, 30; 21:11; 1Ti 4:1-3) Yamang ang banal na espiritu ng Diyos ay “ang espiritu ng katotohanan,” hindi ito maaaring pagmulan kailanman ng kamalian kundi ipagsasanggalang nito ang mga tagasunod ni Kristo mula sa mga bulaang doktrina. (Ihambing ang 1Ju 2:27; 4:1-6.) Magpapatotoo ito sa katotohanan may kinalaman kay Jesu-Kristo. Mula noong Pentecostes 33 C.E. patuloy, nagpatotoo ang espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng pagtulong sa mga alagad ni Jesus na maunawaan ang mga hulang malinaw na nagpapatunay na si Jesus ang Anak ng Diyos. Salig sa mga hulang ito, nagpatotoo naman sila sa iba. (Ju 15:26, 27; ihambing ang Gaw 2:14-36; Ro 1:1-4.) Subalit, bago pa ang Pentecostes, nagpapatotoo na “ang espiritu ng katotohanan” hinggil sa bagay na si Jesus ang Anak ng Diyos (1Ju 5:5-8), sapagkat sa pamamagitan ng espiritung ito, si Jesus ay pinahiran at nakapagsagawa ng makapangyarihang mga gawa.—Ju 1:32-34; 10:37, 38; Gaw 10:38; tingnan ang ESPIRITU.
Ang Salita ng Diyos ay Katotohanan. Inihaharap ng Salita ng Diyos ang mga bagay ayon sa kung ano talaga ang mga ito, anupat isinisiwalat nito ang mga katangian, layunin, at utos ni Jehova, gayundin ang tunay na kalagayan ng mga bagay-bagay sa gitna ng sangkatauhan. Ipinakikita ng Salita ng katotohanan mula sa Diyos kung ano ang hinihiling upang ang isa ay mapabanal, maibukod para sa paggamit ni Jehova sa paglilingkod sa kaniya, at manatili sa kalagayang pinabanal. Kaya naman maaaring ipanalangin ni Jesus may kinalaman sa kaniyang mga tagasunod: “Pabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang iyong salita ay katotohanan.” (Ju 17:17; ihambing ang San 1:18.) Ang kanilang pagkamasunurin sa isiniwalat na katotohanan ng Salita ng Diyos ay umakay sa kanila tungo sa pagpapabanal, anupat ang katotohanan ang nagsilbing paraan na sa pamamagitan nito ay pinabanal nila ang kanilang kaluluwa. (1Pe 1:22) Sa gayon ay naging katangi-tangi sila bilang ‘hindi bahagi ng sanlibutan’ na hindi sumusunod sa katotohanan ng Diyos.—Ju 17:16.
‘Paglakad sa Katotohanan.’ Yaong mga nagnanais magtamo ng pagsang-ayon ng Diyos ay dapat lumakad sa kaniyang katotohanan at maglingkod sa kaniya sa katotohanan. (Jos 24:14; 1Sa 12:24; Aw 25:4, 5; 26:3-6; 43:3; 86:11; Isa 38:3) Kasama rito ang pagsunod sa mga kahilingan ng Diyos at ang paglilingkod sa kaniya sa katapatan at kataimtiman. Sinabi ni Jesu-Kristo sa isang babaing Samaritana: “Ang oras ay dumarating, at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya. Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” (Ju 4:23, 24) Ang gayong pagsamba ay hindi nakasalig sa imahinasyon kundi kaayon ng aktuwal na kalagayan ng mga bagay-bagay, anupat kasuwato ng isinisiwalat ng Diyos sa kaniyang Salita tungkol sa kaniya mismo at sa kaniyang mga layunin.
Ang Kristiyanismo ay “ang daan ng katotohanan” (2Pe 2:2), at yaong mga tumutulong sa iba sa pagpapalawak ng mga interes ng Kristiyanismo ay nagiging “mga kamanggagawa sa katotohanan.” (3Ju 8) Ang buong kalipunan ng mga turong Kristiyano, na naging bahagi noong dakong huli ng nasusulat na Salita ng Diyos, ay “ang katotohanan” o “ang katotohanan ng mabuting balita.” Ang pagsunod sa katotohanang ito, anupat ‘lumalakad’ dito, ay mahalaga upang magtamo ng kaligtasan ang isang indibiduwal. (Ro 2:8; 2Co 4:2; Efe 1:13; 1Ti 2:4; 2Ti 4:4; Tit 1:1, 14; Heb 10:26; 2Ju 1-4; 3Ju 3, 4) May kinalaman sa mga gumagawi nang wasto, ang katotohanan—ang pagiging nakaayon ng kanilang mga daan sa Salita ng Diyos at ang aktuwal na mga resulta ng kanilang landasin—ay nagpapatotoo na sila’y mga halimbawa na karapat-dapat tularan. (3Ju 11, 12) Sa kabilang dako naman, ang isang tao na humihiwalay mula sa mga saligang turo ng Kristiyanismo, sa pamamagitan man ng paggawi nang di-wasto o ng pagtataguyod ng huwad na doktrina, ay hindi na “lumalakad” sa katotohanan. Ito ang naging kalagayan noon niyaong mga naggigiit na ang pagtutuli ay kailangan upang maligtas ang isang tao. Salungat sa Kristiyanong katotohanan ang kanilang turo, at yaong mga tumanggap niyaon ay huminto sa pagsunod sa katotohanan o sa paglakad dito. (Gal 2:3-5; 5:2-7) Sa katulad na paraan, nang ang apostol na si Pedro, sa kaniyang mga pagkilos, ay nagpakita ng di-wastong pagtatangi sa pagitan ng mga Judio at ng mga di-Judio, itinuwid siya ng apostol na si Pablo dahil hindi siya “lumalakad” kaayon ng “katotohanan ng mabuting balita.”—Gal 2:14.
“Isang Haligi at Suhay ng Katotohanan.” Ang kongregasyong Kristiyano ay nagsisilbing “isang haligi at suhay ng katotohanan,” anupat iniingatan nito ang kadalisayan ng katotohanan at ipinagtatanggol at itinataguyod iyon. (1Ti 3:15) Dahil dito, napakahalaga na yaong mga pinagkatiwalaang mangasiwa sa kongregasyon ay may kakayahang gumamit ng “salita ng katotohanan” nang wasto. Nakatutulong sa kanila ang wastong paggamit ng Salita ng Diyos upang masugpo ang huwad na turo sa loob ng kongregasyon, anupat nagtuturo sa “mga hindi nakahilig sa mabuti; baka sakaling bigyan sila ng Diyos ng pagsisisi na umaakay sa isang tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (2Ti 2:15-18, 25; ihambing ang 2Ti 3:6-8; San 5:13-20.) Hindi lahat ay kuwalipikadong gumawa ng ganitong uri ng pagtuturo sa kongregasyon. Yaong mga lalaking may mapait na paninibugho at mahilig makipagtalo ay walang saligan para ipagyabang ang pagiging kuwalipikado nilang magturo. Magiging mali ang kanilang pag-aangkin. Gaya ng isinulat ng alagad na si Santiago: “Sino ang marunong at may-unawa sa inyo? Ipakita niya mula sa kaniyang mainam na paggawi ang kaniyang mga gawa na may kahinahunan na nauukol sa karunungan. Ngunit kung kayo ay may mapait na paninibugho at hilig na makipagtalo sa inyong mga puso, huwag kayong magyabang at magsinungaling laban sa katotohanan.”—San 3:13, 14.
Upang ang kongregasyong Kristiyano ay maging “isang haligi at suhay ng katotohanan,” kailangang ipamalas ng mga miyembro nito sa kanilang buhay ang katotohanan, sa pamamagitan ng mainam na paggawi. (Efe 5:9) Sila ay dapat na nagpapatuloy at hindi lumilihis sa tamang paggawi, na para bang “may bigkis na katotohanan.” (Efe 6:14) Bukod sa pag-iingat ng personal na kadalisayan, dapat na mabahala ang mga Kristiyano hinggil sa kadalisayan ng kongregasyon. Nang idiniriin niya ang pangangailangan na panatilihing malinis ang kongregasyong Kristiyano mula sa karungisan ng mga taong tampalasan, isinulat ng apostol na si Pablo: “Alisin ninyo ang lumang lebadura, upang kayo ay maging isang bagong limpak, yamang sa inyo ay walang pampaalsa. Sapagkat si Kristo nga na ating paskuwa ay inihain na. Dahil dito ay ipagdiwang natin ang kapistahan, hindi sa lumang lebadura, ni sa lebadura ng kasamaan at kabalakyutan, kundi sa mga walang-pampaalsang tinapay ng kataimtiman at katotohanan.” (1Co 5:7, 8) Yamang si Jesu-Kristo ay inihain nang minsan lamang (ihambing ang Heb 9:25-28) bilang ang katunayan ng kordero ng Paskuwa, ang buong landasin ng buhay ng isang Kristiyano, tulad ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, ay dapat na maging malaya mula sa pagiging mapaminsala at sa kabalakyutan. Dapat na handa niyang alisin ang bagay na makasalanan upang maingatan ang kaniyang personal na kadalisayan at ang kadalisayan ng kongregasyon at sa gayon ay ‘maipagdiwang ang kapistahan sa mga walang-pampaalsang tinapay ng kataimtiman at katotohanan.’