Liham sa mga Taga-Galacia
2 Pagkalipas ng 14 na taon, bumalik ako sa Jerusalem kasama si Bernabe,+ at isinama ko rin si Tito.+ 2 Bumalik ako dahil sa isang pagsisiwalat, at inilahad ko ang mabuting balita na ipinangangaral ko sa gitna ng mga bansa. Pero sa iginagalang na mga lalaki ko lang ito sinabi, para matiyak ko na ang ministeryong isinasagawa ko o naisagawa na ay may kabuluhan. 3 Gayunman, hindi pinilit na magpatuli ang kasama kong si Tito,+ kahit isa siyang Griego. 4 Pero naging isyu ito dahil sa nagkukunwaring mga kapatid na pumasok nang tahimik+ at nag-espiya para sirain ang kalayaang+ taglay natin bilang mga kaisa ni Kristo Jesus, nang sa gayon ay lubusan nila tayong maging alipin;+ 5 hindi kami nagpasakop sa kanila,+ hindi, kahit isang saglit,* para ang katotohanan ng mabuting balita ay manatili sa inyo.
6 Pero pagdating sa mga taong itinuturing na mahalaga,+ ang totoo, wala namang ibinahaging bago sa akin ang iginagalang na mga lalaking iyon—anuman ang katayuan nila noon ay walang halaga sa akin, dahil ang pananaw ng Diyos ay hindi katulad ng pananaw ng tao. 7 Ang totoo, nang makita nilang ipinagkatiwala sa akin ang pangangaral ng mabuting balita para sa mga di-tuli,+ kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro ang pangangaral sa mga tuli— 8 dahil ang nagbigay kay Pedro ng kakayahan para maging apostol sa mga tuli ay nagbigay rin sa akin ng kakayahan para maging apostol sa ibang mga bansa+— 9 at nang malaman nila na tumanggap ako ng walang-kapantay* na kabaitan,+ iniabot ng kinikilalang mga haligi na sina Santiago,+ Cefas, at Juan ang kanang kamay nila sa amin ni Bernabe,+ na nagpapakitang sang-ayon sila na pumunta kami sa ibang mga bansa at sila naman sa mga tuli. 10 Ang hiling lang nila ay lagi naming isaisip ang mahihirap, at lagi ko itong pinagsisikapang gawin.+
11 Pero nang dumating si Cefas+ sa Antioquia,+ sinaway ko siya nang harapan, dahil malinaw na mali ang ginawa niya.* 12 Dahil bago dumating ang mga lalaking isinugo ni Santiago,+ kumakain siyang kasama ng mga tao ng ibang mga bansa;+ pero nang dumating sila, itinigil niya ito at iniwasan ang mga taong iyon, dahil natakot siya sa mga tagasuporta ng pagtutuli.+ 13 Ginaya ng ibang mga Judio ang pagkukunwari niya, kaya kahit si Bernabe ay naimpluwensiyahan nilang magkunwari. 14 Pero nang makita kong hindi sila lumalakad ayon sa katotohanan ng mabuting balita,+ sinabi ko kay Cefas sa harap nilang lahat: “Kung ikaw, na isang Judio, ay namumuhay na gaya ng mga tao ng ibang mga bansa at hindi gaya ng mga Judio, bakit mo inoobliga ang mga tao ng ibang mga bansa na mamuhay ayon sa kaugalian ng mga Judio?”+
15 Tayo na mga ipinanganak na Judio, at hindi mga makasalanan mula sa ibang mga bansa, 16 ay nakaaalam na ang isang tao ay ipinahahayag na matuwid, hindi dahil sa pagsunod sa kautusan, kundi sa pamamagitan lang ng pananampalataya+ kay Jesu-Kristo.+ Kaya nananampalataya tayo kay Kristo Jesus para maipahayag tayong matuwid dahil sa pananampalataya kay Kristo at hindi sa pagsunod sa kautusan, dahil walang sinumang* maipahahayag na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan.+ 17 Pero kung tayo rin ay itinuturing na makasalanan habang sinisikap natin na maipahayag tayong matuwid sa pamamagitan ni Kristo, ibig bang sabihin, si Kristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Siyempre hindi! 18 Kung itatayo kong muli ang mismong mga bagay na ibinagsak ko, ipinapakita ko na ako ay isang manlalabag-batas.+ 19 Dahil sa pamamagitan ng Kautusan, namatay ako may kinalaman sa Kautusan,+ nang sa gayon ay mabuhay ako para sa Diyos. 20 Ipinako ako sa tulos kasama ni Kristo.+ Hindi na ako ang nabubuhay,+ kundi si Kristo na kaisa ko. Oo, ang buhay ko ngayon bilang tao ay ayon sa pananampalataya sa Anak ng Diyos,+ na nagmahal sa akin at nagbigay ng sarili niya para sa akin.+ 21 Hindi ko itinatakwil* ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos,+ dahil kung magiging matuwid ang tao sa pamamagitan ng kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Kristo.+