‘Kayo Mismo ay Magpakabanal sa Lahat ng Inyong Paggawi’
“Alinsunod sa Isa na Banal na tumawag sa inyo, kayo rin mismo ay magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi, sapagkat nasusulat: ‘Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.’ ”—1 PEDRO 1:15, 16.
1. Bakit pinasigla ni Pedro na magpakabanal ang mga Kristiyano?
BAKIT ibinigay ni apostol Pedro ang nabanggit na payo? Sapagkat nakita niya ang pangangailangan na bantayan ng bawat Kristiyano ang kaniyang kaisipan at pagkilos upang ang mga ito’y mapanatiling kasuwato ng kabanalan ni Jehova. Kaya naman, bago ang nabanggit na mga salita ay sinabi niya: “Bigkisan ang inyong mga pag-iisip ukol sa gawain, panatilihing lubos ang inyong katinuan . . . Bilang masunuring mga anak, huwag na kayong pahubog alinsunod sa mga pagnanasa na dati ninyong taglay sa inyong kawalang-alam.”—1 Pedro 1:13, 14.
2. Bakit di-banal ang ating mga pagnanasa bago natin natutuhan ang katotohanan?
2 Ang dati nating mga pagnanasa ay di-banal. Bakit? Sapagkat marami sa atin ang may makasanlibutang landasin ng pagkilos bago natin tinanggap ang Kristiyanong katotohanan. Batid ito ni Pedro nang isulat niya nang maliwanag: “Ang panahong nagdaan ay sapat na upang maisagawa ninyo ang kalooban ng mga bansa nang lumalakad kayo sa mga gawa ng mahalay na paggawi, mga kalibugan, mga pagpapakalabis sa alak, maiingay na pagsasaya, mga paligsahan sa pag-inom, at mga ilegal na idolatriya.” Mangyari pa, hindi itinala ni Pedro ang di-banal na mga gawa na natatangi sa ating modernong sanlibutan, yamang hindi pa kilala ang mga ito noon.—1 Pedro 4:3, 4.
3, 4. (a) Paano natin mapaglalabanan ang mga maling pagnanasa? (b) Dapat bang supilin ng mga Kristiyano ang kanilang emosyon? Ipaliwanag.
3 Napansin ba ninyo na ang mga pagnanasang ito ay yaong nakaaakit sa laman, sa mga pandamdam, at sa emosyon? Kapag hinayaan nating mangibabaw ang mga ito, kung gayo’y madaling maging di-banal ang ating mga kaisipan at pagkilos. Inilalarawan nito ang pangangailangan na hayaang ang kakayahan sa pangangatuwiran ang sumupil sa ating pagkilos. Ganito ang pagkasabi ni Pablo tungkol dito: “Dahil dito ay namamanhik ako sa inyo sa pamamagitan ng pagkamadamayin ng Diyos, mga kapatid, na iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos, isang sagradong paglilingkod taglay ang inyong kakayahan sa pangangatuwiran.”—Roma 12:1, 2.
4 Upang makapaghandog sa Diyos ng isang banal na hain, dapat na hayaan nating mangibabaw ang kakayahan sa pangangatuwiran, hindi ang emosyon. Kayrami nang nahulog sa imoralidad dahil hinayaan nilang damdamin ang siyang sumupil sa kanilang paggawi! Hindi nangangahulugan iyan na susupilin na natin ang ating emosyon; dahil kung gayon, paano natin maipahahayag ang ating kagalakan sa paglilingkod kay Jehova? Gayunman, kung ibig nating magpamalas ng mga bunga ng espiritu sa halip na mga gawa ng laman, kung gayo’y dapat nating baguhin ang ating pag-iisip kaayon ng paraan ng pag-iisip ni Kristo.—Galacia 5:22, 23; Filipos 2:5.
Banal na Buhay, Banal na Halaga
5. Bakit nabahala si Pedro hinggil sa pangangailangan ukol sa kabanalan?
5 Bakit gayon na lamang ang pagkabahala ni Pedro ukol sa pangangailangan ng Kristiyanong kabanalan? Sapagkat alam na alam niya ang banal na halaga na ibinayad upang tubusin ang masunuring sangkatauhan. Sumulat siya: “Alam ninyo na hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira, sa pamamagitan ng pilak o ginto, na kayo ay iniligtas mula sa inyong walang-bungang anyo ng paggawi na tinanggap sa pamamagitan ng tradisyon mula sa inyong mga ninuno. Kundi iyon ay sa pamamagitan ng mahalagang dugo, tulad niyaong sa walang dungis at walang batik na kordero, kay Kristo mismo.” (1 Pedro 1:18, 19) Oo, ang Bukal ng kabanalan, ang Diyos na Jehova, ay nagsugo ng kaniyang bugtong na Anak, “ang Isa na Banal,” sa lupa upang bayaran ang pantubos na magpapangyaring magkaroon ang mga tao ng mabuting kaugnayan sa Diyos.—Juan 3:16; 6:69; Exodo 28:36; Mateo 20:28.
6. (a) Bakit hindi madali para sa atin na itaguyod ang banal na paggawi? (b) Ano ang makatutulong sa atin upang mapanatiling banal ang ating paggawi?
6 Gayunman, kailangang kilalanin natin na hindi madaling mamuhay nang may kabanalan samantalang nasa gitna ng bulók na sanlibutan ni Satanas. Naglalagay siya ng silo para sa mga tunay na Kristiyano, na nagsisikap makaligtas sa kaniyang sistema ng mga bagay. (Efeso 6:12; 1 Timoteo 6:9, 10) Ang panggigipit sa sekular na trabaho, pagsalansang ng pamilya, panunuya ng mga kaeskuwela, at panggigipit ng mga kasamahan ay humihiling sa isa na maging matibay sa espirituwal upang mapanatili ang kabanalan. Idiniriin nito ang mahalagang papel ng ating personal na pag-aaral at ng ating regular na pagdalo sa mga pulong Kristiyano. Pinayuhan ni Pablo si Timoteo: “Patuloy kang manghawakan sa parisan ng nakapagpapalusog na mga salita na narinig mo mula sa akin kasama ng pananampalataya at pag-ibig na may kaugnayan kay Kristo Jesus.” (2 Timoteo 1:13) Naririnig natin ang nakapagpapalusog na mga salitang ito sa ating Kingdom Hall at nababasa sa ating sarilinang pag-aaral ng Bibliya. Makatutulong sa atin ang mga ito upang maging banal sa ating paggawi sa araw-araw sa iba’t ibang kalagayan.
Banal na Paggawi sa Pamilya
7. Paano dapat maapektuhan ng kabanalan ang ating buhay pampamilya?
7 Nang sipiin ni Pedro ang Levitico 11:44, ginamit niya ang Griegong salitang haʹgi·os, na ang ibig sabihin, “hiwalay mula sa kasalanan at sa gayo’y itinalaga sa Diyos, sagrado.” (An Expository Dictionary of New Testament Words, ni W. E. Vine) Paano ito dapat na makaapekto sa ating Kristiyanong buhay pampamilya? Tiyak na nangangahulugan ito na ang ating buhay pampamilya ay nararapat na salig sa pag-ibig, sapagkat “ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Ang pag-ibig na mapagsakripisyo sa sarili ang siyang langis na nag-aalis ng igting sa pagsasama ng mga mag-asawa at ng mga magulang at mga anak.—1 Corinto 13:4-8; Efeso 5:28, 29, 33; 6:4; Colosas 3:18, 21.
8, 9. (a) Anong kalagayan ang umiiral kung minsan sa isang tahanang Kristiyano? (b) Anong mahusay na payo ang ibinibigay ng Bibliya hinggil sa bagay na ito?
8 Baka isipin nating ang kapahayagan ng gayong pag-ibig ay kusang mamamalas sa isang pamilyang Kristiyano. Subalit, kailangang aminin na ang pag-ibig ay hindi laging namamayani ayon sa nararapat sa ilang tahanang Kristiyano. Baka sa malas ay gayon nga sa Kingdom Hall, ngunit kaydaling nawawala ang ating kabanalan pagdating sa tahanan. Sa gayo’y baka agad nating nalilimutan na ang asawang babae ay Kristiyanong kapatid din natin o na ang asawang lalaki ay siya pa ring kapatid (at marahil isang ministeryal na lingkod o matanda) na nakikitang iginagalang sa Kingdom Hall. Napupukaw tayo sa galit, at maaaring sumiklab ang maiinit na pagtatalo. Maaaring makasingit pa nga sa ating buhay ang dobleng pamantayan. Hindi na iyon pagsasama ng tulad-Kristong mag-asawa kundi isa na lamang lalaki at babae na hindi magkasundo. Nalilimutan nilang dapat na may kabanalan sa tahanan. Marahil ang pagsasalita nila ay nagsimula nang maging katulad niyaong sa mga taong makasanlibutan. Napakadali ngang lumabas mula sa bibig ang nakayayamot at nakasasakit na mga salita!—Kawikaan 12:18; ihambing ang Gawa 15:37-39.
9 Subalit, ganito ang payo ni Pablo: “Huwag lumabas ang bulok na pananalita [sa Griego, loʹgos sa·prosʹ, “maruming pananalita,” samakatuwid ay di-banal] mula sa inyong bibig, kundi anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibigay nito kung ano ang mabuti sa mga nakikinig.” At iyan ay tumutukoy sa lahat ng mga tagapakinig sa tahanan, kasali na ang mga anak.—Efeso 4:29; Santiago 3:8-10.
10. Paano kumakapit sa mga anak ang payo tungkol sa kabanalan?
10 Kumakapit din ngayon ang tuntuning ito tungkol sa kabanalan sa mga anak sa isang pamilyang Kristiyano. Talaga namang madali para sa kanila na dalhin sa tahanan ang rebelyoso at walang-galang na pananalita ng kanilang makasanlibutang mga kasamahan sa paaralan! Mga anak, huwag maakit sa saloobing ipinamamalas ng magagaspang na batang humamak sa propeta ni Jehova at sa kanilang mahalay-ang-bibig at mapamusong na mga katumbas sa ngayon. (2 Hari 2:23, 24) Ang inyong pananalita ay hindi dapat marumihan ng magagaspang na salitang-kalye ng mga taong napakatamad o walang konsiderasyon na gumamit ng disenteng mga salita. Bilang mga Kristiyano, ang ating pananalita ay nararapat na maging banal, kalugud-lugod, nakapagpapatibay, may kabaitan, at “tinimplahan ng asin.” Ito’y dapat na magpakitang hindi tayo katulad ng ibang tao.—Colosas 3:8-10; 4:6.
Ang Kabanalan at ang Ating mga Kapamilyang Di-nananampalataya
11. Bakit ang pagiging banal ay hindi nangangahulugan ng pagiging mapagmatuwid-sa-sarili?
11 Samantalang maingat nating sinisikap na isagawa ang kabanalan, hindi tayo dapat na mag-astang nakatataas at matuwid-sa-sarili, lalo na kapag nakikitungo sa ating mga kapamilyang di-nananampalataya. Ang ating may kabaitang Kristiyanong paggawi ay dapat na sa paano man makatulong sa kanila na makitang tayo’y naiiba sa isang positibong paraan, na marunong tayong umibig at dumamay, gaya ng ginawa ng mabuting Samaritano sa ilustrasyon ni Jesus.—Lucas 10:30-37.
12. Paano magagawa ng mga Kristiyanong asawa na maging mas nakaaakit ang katotohanan sa kanilang kabiyak?
12 Idiniin ni Pedro ang kahalagahan ng wastong saloobin sa ating mga kapamilyang di-nananampalataya nang sumulat siya sa mga Kristiyanong asawang babae: “Sa katulad na paraan, kayong mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong sariling mga asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, ay mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kanilang mga asawang babae, dahil sa pagiging mga saksing nakakita sa inyong malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang.” Magagawa ng isang Kristiyanong asawang babae (gayundin naman ng isang asawang lalaki) na maging kaakit-akit ang katotohanan sa di-nananampalatayang kabiyak kung ang kaniyang paggawi ay malinis, makonsiderasyon, at magalang. Nangangahulugan ito na maaaring baguhin ang teokratikong iskedyul upang hindi mapabayaan o maipagwalang-bahala ang di-nananampalatayang asawa.a—1 Pedro 3:1, 2.
13. Paano makatutulong kung minsan ang matatanda at mga ministeryal na lingkod upang mapahalagahan ng mga di-nananampalatayang asawang lalaki ang katotohanan?
13 Makatutulong kung minsan ang matatanda at mga ministeryal na lingkod sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa di-nananampalatayang asawang lalaki. Sa ganitong paraan ay maaaring makita niya na ang mga Saksi ay normal at disenteng mga tao na may maraming interes, kasali na ang ibang paksa bukod pa sa Bibliya. Sa isang kaso, nagpakita ng interes ang isang matanda sa pangingisda na siyang libangan ng isang asawang lalaki. Doon nagsimula ang kanilang pagiging magkaibigan. Ang asawang lalaki ay naging isang bautisadong kapatid nang dakong huli. Sa isa pang kaso, ang di-nananampalatayang asawang lalaki ay wiling-wili sa mga kanaryo. Hindi sumuko ang matatanda. Pinag-aralan ng isa sa kanila ang tungkol doon upang sa susunod na makatagpo niya ang lalaki, maaari niyang mabuksan ang usapan sa paboritong paksa ng asawang lalaki! Samakatuwid, ang pagiging banal ay hindi nangangahulugan ng pagiging mahigpit o pagkakaroon ng makitid na utak.—1 Corinto 9:20-23.
Paano Tayo Magiging Banal sa Kongregasyon?
14. (a) Ano ang isa sa pamamaraan ni Satanas upang pahinain ang kongregasyon? (b) Paano natin mapaglalabanan ang silo ni Satanas?
14 Si Satanas na Diyablo ay isang maninirang-puri, sapagkat ang Griegong pangalan para sa Diyablo, ang di·aʹbo·los, ay nangangahulugang “tagapagsumbong” o “maninirang-puri.” Ang paninirang-puri ay isa sa kaniyang mga espesyalidad, at sinisikap niyang gamitin ito sa kongregasyon. Tsismis ang paborito niyang pamamaraan. Hinahayaan ba nating madali niya tayong mailigaw sa ganitong di-banal na paggawi? Paano mangyayari iyan? Sa pamamagitan ng pag-uumpisa nito, pag-ulit nito, o pakikinig dito. Ganito ang sabi ng isang pantas na kawikaan: “Ang taong mapang-intriga ay patuloy na nagdadala ng mga pagtatalo, at ang isang maninirang-puri ay naghihiwalay doon sa mga pamilyar sa isa’t isa.” (Kawikaan 16:28) Ano ang pangontra sa tsismis at paninirang-puri? Dapat nating tiyakin na ang ating pananalita ay laging nakapagpapatibay at salig sa pag-ibig. Kung titingnan natin ang kagalingan sa halip na ang inaakalang kasamaan ng ating mga kapatid, sa tuwina’y magiging kanais-nais at espirituwal ang ating pakikipag-usap. Tandaan na madaling mamintas. At ang taong naghahatid ng tsismis sa iyo tungkol sa iba ay maaaring naghahatid din sa iba ng tsismis tungkol sa iyo!—1 Timoteo 5:13; Tito 2:3.
15. Anong tulad-Kristong mga katangian ang tutulong upang mapanatiling banal ang lahat sa kongregasyon?
15 Upang mapanatiling banal ang kongregasyon, lahat tayo ay kailangang magtaglay ng pag-iisip ni Kristo, at batid natin na pag-ibig ang kaniyang nangingibabaw na katangian. Kaya naman, pinayuhan ni Pablo ang mga taga-Colosas na maging madamayin tulad ni Kristo: “Alinsunod dito, bilang mga pinili ng Diyos, banal at iniibig, damtan ninyo ang inyong mga sarili ng magiliw na pagmamahal ng pagkamadamayin, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang-pagtitiis . . . , malayang patawarin ang isa’t isa . . . Bukod pa sa lahat ng mga bagay na ito, damtan ninyo ang inyong mga sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” Pagkatapos ay idinagdag niya: “Gayundin, hayaang ang kapayapaan ng Kristo ang sumupil sa inyong mga puso.” Tiyak na sa pagtataglay ng ganitong mapagpatawad na saloobin, mapananatili natin ang pagkakaisa at kabanalan ng kongregasyon.—Colosas 3:12-15.
Namamalas ba sa Ating Kapaligiran ang Ating Kabanalan?
16. Bakit dapat na maging maligayang pagsamba ang ating banal na pagsamba?
16 Kumusta naman ang ating mga kapitbahay? Paano nila tayo minamalas? Naaaninag ba sa atin ang kagalakan sa katotohanan, o ginagawa natin itong tila isang pasanin? Kung tayo ay banal kung paanong si Jehova ay banal, kung gayo’y dapat na makita iyon sa ating pananalita at paggawi. Dapat na maging malinaw na ang ating banal na pagsamba ay maligayang pagsamba. Bakit gayon? Sapagkat si Jehova na ating Diyos ay isang maligayang Diyos, na ibig na maging maligaya ang mga sumasamba sa kaniya. Kaya naman, ganito ang nasabi ng salmista tungkol sa bayan ni Jehova noong sinaunang panahon: “Maligaya ang bayan na ang Diyos ay si Jehova!” Nasasalamin ba sa atin ang kaligayahang iyan? Ipinamamalas din ba ng ating mga anak ang pagiging kontento sa gitna ng bayan ni Jehova sa Kingdom Hall at sa mga asamblea?—Awit 89:15, 16; 144:15b.
17. Ano ang magagawa natin sa isang praktikal na paraan upang maipakita ang timbang na kabanalan?
17 Maipakikita rin natin ang ating timbang na kabanalan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan at kabaitan sa ating mga kapitbahay. Kung minsan ay kailangang magtulungan ang magkakapitbahay, marahil sa paglilinis ng kapaligiran o, gaya sa ilang bansa, tumulong sa pagpapaayos ng mga kalye at mga lansangang-bayan. Hinggil dito, ang ating kabanalan ay makikita rin sa pangangalaga natin sa ating mga halamanan, bakuran, o iba pang ari-arian. Kung hinahayaan nating nakakalat ang basura o masukal ang ating bakuran, marahil mayroon pang luma at sirang mga sasakyan na kitang-kita ng lahat, masasabi ba natin na pinakikitunguhan natin nang may paggalang ang ating mga kapitbahay?—Apocalipsis 11:18.
Kabanalan sa Trabaho at sa Paaralan
18. (a) Ano ang isang suliranin ng mga Kristiyano sa ngayon? (b) Paano tayo magiging naiiba sa sanlibutan?
18 Sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano na nasa di-banal na lunsod ng Corinto: “Sa aking liham ay isinulat ko sa inyo na tumigil sa pakikihalubilo sa mga mapakiapid, hindi ang ibig sabihin ay sa lahat ng mapakiapid ng sanlibutang ito o sa mga taong sakim at sa mga mangingikil o sa mga mananamba sa idolo. Kung di-gayon, kailangan ngang lumabas kayo mula sa sanlibutan.” (1 Corinto 5:9, 10) Ito ay isang suliranin para sa mga Kristiyano, na sa araw-araw ay kailangang makisalamuha sa mga taong imoral o walang prinsipyo. Ito ay isang malaking pagsubok sa integridad, lalo na sa mga kultura na doo’y pinasisigla o kinukunsinti ang seksuwal na panliligalig, katiwalian, at pandaraya. Sa ganitong kapaligiran ay hindi natin maaaring ibaba ang ating mga pamantayan para malasin tayong “normal” ng mga taong nakapaligid sa atin. Sa halip, ang ating may kabaitan ngunit naiibang Kristiyanong paggawi ay dapat na kitang-kita ng mga taong may unawa, yaong nakababatid ng kanilang espirituwal na pangangailangan at naghahanap ng mas mabuti.—Mateo 5:3; 1 Pedro 3:16, 17.
19. (a) Anong mga pagsubok ang napapaharap sa inyong mga anak sa paaralan? (b) Ano ang magagawa ng mga magulang upang masuportahan ang kanilang mga anak at ang kanilang banal na paggawi?
19 Gayundin naman, maraming pagsubok na napapaharap sa ating mga anak sa paaralan. Dinadalaw ba ninyong mga magulang ang paaralan ng inyong mga anak? Alam ba ninyo kung anong uri ng kapaligiran ang umiiral doon? Nagkakaunawaan ba kayo ng mga guro? Bakit mahalaga ang mga tanong na ito? Sapagkat sa maraming lunsod sa daigdig, ang mga paaralan ay naging mistulang kagubatan ng karahasan, droga, at sekso. Paano mapananatiling banal ng inyong mga anak ang kanilang integridad at paggawi kung hindi nila nakukuha ang lubusang madamaying suporta ng kanilang mga magulang? Tama naman ang ipinayo ni Pablo sa mga magulang: “Kayong mga ama, huwag ninyong pukawin sa galit ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.” (Colosas 3:21) Ang isang paraan upang pukawin sa galit ang mga anak ay ang hindi pag-unawa sa kanilang mga suliranin at pagsubok sa araw-araw. Ang paghahanda para sa mga tukso sa paaralan ay nagsisimula sa espirituwal na kapaligiran ng isang Kristiyanong tahanan.—Deuteronomio 6:6-9; Kawikaan 22:6.
20. Bakit kailangan nating lahat ang kabanalan?
20 Bilang pagtatapos, bakit kailangan nating lahat ang kabanalan? Sapagkat ito’y nagsisilbing proteksiyon laban sa impluwensiya ng sanlibutan at kaisipan ni Satanas. Ito’y isang pagpapala ngayon at sa hinaharap. Tumutulong itong tiyakin sa atin ang buhay na siyang magiging tunay na buhay sa bagong sanlibutan ng katuwiran. Tumutulong ito sa atin upang maging mga Kristiyanong timbang, madaling lapitan at kausapin—hindi labis na panatiko. Sa maikli, ginagawa tayo nitong tulad-Kristo.—1 Timoteo 6:19.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mataktikang pakikipag-ugnayan sa di-nananampalatayang asawa, tingnan Ang Bantayan ng Agosto 15, 1990, “Huwag Pabayaan ang Iyong Kabiyak!” pahina 20-2 at Nobyembre 1, 1988, pahina 24-5, parapo 20-2.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit nakita ni Pedro ang pangangailangang payuhan ang mga Kristiyano tungkol sa kabanalan?
◻ Bakit hindi madali ang mamuhay nang may kabanalan?
◻ Ano ang magagawa nating lahat upang mapasulong ang kabanalan sa pamilya?
◻ Upang manatiling banal ang kongregasyon, anong di-banal na paggawi ang dapat nating iwasan?
◻ Paano tayo makapananatiling banal sa trabaho at sa paaralan?
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Bilang mga Saksi ni Jehova, dapat tayong maging maligaya sa paglilingkod sa Diyos at sa iba pang gawain