Mga Lalaki, Nagpapasakop ba Kayo sa Pagkaulo ni Kristo?
“Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo.”—1 COR. 11:3.
1. Ano ang nagpapakitang si Jehova ay isang Diyos ng kaayusan?
“IKAW ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan,” ang sabi sa Apocalipsis 4:11, “sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.” Dahil siya ang Maylalang, ang Diyos na Jehova ang Kataas-taasang Soberano ng uniberso at may awtoridad sa lahat ng kaniyang nilalang. Si Jehova “ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” Makikita ito sa maayos na pagkakaorganisa niya sa kaniyang pamilya ng mga anghel.—1 Cor. 14:33; Isa. 6:1-3; Heb. 12:22, 23.
2, 3. (a) Sino ang kauna-unahang nilalang ni Jehova? (b) Ano ang posisyon ng panganay na Anak may kaugnayan sa Ama?
2 Bago pa man lumalang ng anumang bagay, umiiral na ang Diyos sa loob ng pagkahaba-habang panahon. Ang kauna-unahan niyang nilikha ay ang espiritung nilalang na nakilala bilang “ang Salita,” yamang siya ang Tagapagsalita ni Jehova. Sa pamamagitan ng Salita, ang lahat ng bagay ay umiral. Nang maglaon, naparito siya sa lupa bilang isang sakdal na tao at nakilala bilang si Jesu-Kristo.—Basahin ang Juan 1:1-3, 14.
3 Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa posisyon ng panganay na Anak may kaugnayan sa Diyos? Sa patnubay ng banal na espiritu, sinabi sa atin ni apostol Pablo: “Nais kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1 Cor. 11:3) Ang Kristo ay sakop ng pagkaulo ng kaniyang Ama. Napakahalaga ng pagkaulo at pagpapasakop para magkaroon ng kapayapaan at kaayusan sa gitna ng matatalinong nilalang. Maging ang isa na “sa pamamagitan niya ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang” ay kailangang magpasakop sa pagkaulo ng Diyos.—Col. 1:16.
4, 5. Ano ang saloobin ni Jesus tungkol sa kaniyang posisyon may kaugnayan kay Jehova?
4 Ano ang saloobin ni Jesus tungkol sa pagpapasakop sa pagkaulo ni Jehova at sa pagparito niya sa lupa? Sinasabi ng Kasulatan: “[Si Kristo Jesus,] bagaman umiiral sa anyong Diyos, ay hindi nag-isip na mang-agaw, samakatuwid nga, na siya ay maging kapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubad niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at napasawangis ng tao. Higit pa riyan, nang masumpungan niya ang kaniyang sarili sa anyong tao, nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.”—Fil. 2:5-8.
5 Sa lahat ng pagkakataon, mapagpakumbabang nagpasakop si Jesus sa kaniyang Ama. Sinabi niya: “Hindi ako makagagawa ng kahit isang bagay sa sarili kong pagkukusa; . . . ang hatol na ipinapataw ko ay matuwid, sapagkat hinahanap ko, hindi ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 5:30) “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa [aking Ama],” ang sabi niya. (Juan 8:29) Sa pagtatapos ng kaniyang buhay sa lupa, nanalangin si Jesus sa kaniyang Ama: “Niluwalhati kita sa lupa, nang matapos ang gawa na ibinigay mo sa akin upang gawin.” (Juan 17:4) Maliwanag na hindi naging problema kay Jesus ang pagkilala at pagtanggap sa pagkaulo ng Diyos.
Nakinabang ang Anak sa Pagpapasakop sa Ama
6. Anong magagandang katangian ang ipinakita ni Jesus?
6 Noong narito si Jesus, nagpakita siya ng maraming magagandang katangian. Isa na rito ang dakilang pag-ibig sa kaniyang Ama. “Iniibig ko ang Ama,” ang sabi niya. (Juan 14:31) Nagpakita rin siya ng dakilang pag-ibig sa mga tao. (Basahin ang Mateo 22:35-40.) Si Jesus ay mabait at makonsiderasyon, hindi malupit o dominante. “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan,” ang sabi niya, “at pagiginhawahin ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may-kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” (Mat. 11:28-30) Ang tulad-tupang mga tao, anuman ang edad, lalo na ang mga nasisiil at naaapi, ay naginhawahan nang husto sa kaayaayang personalidad at nakapagpapasiglang mensahe ni Jesus.
7, 8. Sa ilalim ng Kautusan, ano ang restriksiyon sa isang babaing inaagasan ng dugo? Paano siya pinakitunguhan ni Jesus?
7 Tingnan naman natin kung paano nakitungo si Jesus sa mga babae. Sa buong kasaysayan, maraming lalaki ang nagmalupit sa mga babae. Ganiyan ang mga lider ng relihiyon sa sinaunang Israel. Pero naging magalang si Jesus sa mga babae. Kitang-kita ito sa pakikitungo niya sa isang babaing 12 taon nang inaagasan ng dugo. “Siya ay pinaranas ng maraming pahirap” ng mga manggagamot at naubos na ang pera niya sa pagpapagamot. Pero nasayang lang ang kaniyang pagsisikap, at “lalo pa ngang lumubha” ang sakit niya. Sa ilalim ng Kautusan, siya ay marumi. Sinumang humipo sa kaniya ay magiging marumi rin.—Lev. 15:19, 25.
8 Nang mabalitaan ng babae na nagpapagaling si Jesus ng mga maysakit, nakipagsiksikan siya sa mga taong nakapalibot kay Jesus at sinabi: “Kung mahihipo ko kahit man lamang ang kaniyang mga panlabas na kasuutan ay gagaling ako.” Nang mahipo niya si Jesus, agad nga siyang gumaling. Alam ni Jesus na hindi dapat hipuin ng babae ang kaniyang damit. Pero hindi niya pinagalitan ang babae. Sa halip, mabait pa rin siya sa kaniya. Naunawaan niya ang nadarama nito matapos ang napakatagal na pagkakasakit at alam niyang kailangang-kailangan nito ng tulong. Buong-pagkahabag na sinabi ni Jesus sa kaniya: “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Yumaon kang payapa, at magkaroon ka ng mabuting kalusugan.”—Mar. 5:25-34.
9. Ano ang naging reaksiyon ni Jesus nang pigilan ng mga alagad ang paglapit sa kaniya ng mga bata?
9 Maging ang mga bata ay hindi natakot kay Jesus. Minsan, nang dalhin sa kaniya ng mga tao ang mga bata, sinaway sila ng mga alagad, sa pag-aakalang ayaw magpaistorbo ni Jesus sa mga bata. Pero hindi ganoon si Jesus. Sinasabi sa atin ng Kasulatan: “Sa pagkakita nito ay nagalit si Jesus at sinabi sa [mga alagad]: ‘Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang tangkaing pigilan, sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nauukol sa mga tulad nito.’” Hindi lang iyan, “kinuha niya sa kaniyang mga bisig ang mga bata at pinasimulan silang pagpalain, na ipinapatong sa kanila ang kaniyang mga kamay.” Hindi lang niya pinagbigyan ang mga bata, ipinakita rin niyang tuwang-tuwa siya sa kanila.—Mar. 10:13-16.
10. Paano nagkaroon si Jesus ng kahanga-hangang mga katangian?
10 Paano nagkaroon si Jesus ng gayong mga katangian? Bago naging tao, naobserbahan niya ang kaniyang makalangit na Ama sa loob ng napakahabang panahon at natutuhan niya ang Kaniyang mga daan. (Basahin ang Kawikaan 8:22, 23, 30.) Sa langit, nakita niya ang maibiging pagkaulo ni Jehova sa lahat ng Kaniyang nilalang at tinularan niya ito. Magagawa kaya ito ni Jesus kung hindi siya mapagpasakop? Gustung-gusto niyang magpasakop sa kaniyang Ama, at natutuwa naman si Jehova sa pagkakaroon ng gayong Anak. Noong narito si Jesus, tinularan niya ang lahat ng kahanga-hangang katangian ng kaniyang makalangit na Ama. Kaylaking pribilehiyo nga natin na magpasakop kay Kristo, ang inatasan ng Diyos na maging Tagapamahala ng makalangit na Kaharian!
Tularan ang mga Katangian ni Kristo
11. (a) Sino ang dapat nating pagsikapang tularan? (b) Bakit dapat tularan si Jesus, lalo na ng mga lalaki sa kongregasyon?
11 Ang lahat sa kongregasyong Kristiyano, lalo na ang mga lalaki, ay kailangang patuloy na magsikap na tumulad sa mga katangian ni Kristo. Gaya ng nabanggit na, sinasabi ng Bibliya: “Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo.” Kung paanong tinularan ni Kristo ang kaniyang Ulo, ang tunay na Diyos, kailangan ding tularan ng mga lalaking Kristiyano ang kanilang ulo—si Kristo. Ganiyan mismo ang ginawa ni apostol Pablo nang maging Kristiyano siya. “Maging mga tagatulad kayo sa akin,” ang payo niya sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano, “gaya ko naman kay Kristo.” (1 Cor. 11:1) Sinabi rin ni apostol Pedro: “Sa landasing ito ay tinawag kayo, sapagkat maging si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak.” (1 Ped. 2:21) May isa pang dahilan kung bakit dapat tularan si Kristo, lalo na ng mga lalaki. Sila kasi ang nagiging elder o ministeryal na lingkod. Kung paanong nagalak si Jesus na tularan si Jehova, dapat ding magalak ang mga lalaking Kristiyano na tularan si Kristo at ang kaniyang mga katangian.
12, 13. Paano dapat pakitunguhan ng mga elder ang mga tupa na nasa kanilang pangangalaga?
12 Obligasyon ng mga elder sa kongregasyon na tularan si Kristo. Pinayuhan ni Pedro ang matatandang lalaki, o mga elder: “Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangalaga, hindi napipilitan, kundi maluwag sa kalooban; ni hindi dahil sa pag-ibig sa di-tapat na pakinabang, kundi may pananabik; ni hindi namamanginoon sa mga mana ng Diyos, kundi maging mga halimbawa sa kawan.” (1 Ped. 5:1-3) Ang mga elder ay hindi dapat maging diktador, dominante, kapritsoso, o malupit. Bilang pagtulad sa halimbawa ni Kristo, sinisikap nilang maging maibigin, makonsiderasyon, mapagpakumbaba, at mabait sa pakikitungo sa mga tupa na ipinagkatiwala sa kanila.
13 Hindi sakdal ang mga lalaking nangunguna sa kongregasyon, at dapat na lagi nilang isaisip ang limitasyong iyon. (Roma 3:23) Kaya kailangang sabik silang matuto tungkol kay Jesus at tularan ang kaniyang pag-ibig. Kailangan nilang bulay-bulayin ang pakikitungo ng Diyos at ni Kristo sa mga tao at pagsikapang tularan sila. Pinapayuhan tayo ni Pedro: “Kayong lahat ay magbigkis ng kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa, sapagkat sinasalansang ng Diyos ang mga palalo, ngunit binibigyan niya ng di-sana-nararapat na kabaitan ang mga mapagpakumbaba.”—1 Ped. 5:5.
14. Paano makapagpapakita ng dangal sa iba ang mga elder?
14 Sa pakikitungo sa kawan ng Diyos, kailangang magpakita ng maiinam na katangian ang mga lalaking inatasan sa kongregasyon. Sinasabi sa Roma 12:10: “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon kayo ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” Ang mga elder at ministeryal na lingkod ay nagpapakita ng dangal sa iba. Gaya ng lahat ng Kristiyano, ang mga lalaking ito ay ‘hindi gumagawa ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa kanila.’ (Fil. 2:3) Oo, itinuturing ng mga nangunguna na ang iba ay nakatataas sa kanila. Sa paggawa nito, nasusunod nila ang payo ni Pablo: “Tayong malalakas ay dapat na magdala ng mga kahinaan niyaong hindi malalakas, at huwag magpalugod sa ating sarili. Palugdan ng bawat isa sa atin ang kaniyang kapuwa sa anumang mabuti para sa kaniyang ikatitibay. Sapagkat maging ang Kristo ay hindi nagpalugod sa kaniyang sarili.”—Roma 15:1-3.
‘Pag-uukol ng Karangalan sa Asawang Babae’
15. Paano dapat pakitunguhan ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak?
15 Isaalang-alang naman natin ang payo ni Pedro sa mga asawang lalaki. Isinulat niya: “Kayong mga asawang lalaki, patuloy na manahanang kasama [ng inyong asawa] sa katulad na paraan ayon sa kaalaman, na pinag-uukulan sila ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, yaong may katangiang pambabae.” (1 Ped. 3:7) Ang pag-uukol ng karangalan sa isa ay nangangahulugan ng mataas na pagtingin sa kaniya. Kaya isasaalang-alang mo ang opinyon, pangangailangan, at kagustuhan ng taong iyon at pagbibigyan mo siya kung wala namang mahalagang isyung nasasangkot. Ganiyan dapat pakitunguhan ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak.
16. Anong babala ang ibinibigay ng Salita ng Diyos sa mga asawang lalaki may kinalaman sa pag-uukol ng karangalan sa kanilang asawa?
16 Nang payuhan ni Pedro ang mga asawang lalaki na pag-ukulan ng karangalan ang kanilang asawa, nagbabala rin siya: “Upang hindi mahadlangan ang inyong mga panalangin.” (1 Ped. 3:7) Oo, napakahalaga kay Jehova ang paraan ng pakikitungo ng lalaki sa kaniyang asawa. Kung hindi siya mag-uukol ng karangalan sa kaniyang asawa, mahahadlangan ang kaniyang panalangin. Bukod diyan, hindi ba’t karaniwan namang nasisiyahan ang mga asawang babae na pinag-uukulan sila ng karangalan ng kanilang asawa?
17. Hanggang saan maipakikita ng asawang lalaki ang pag-ibig niya sa kaniyang kabiyak?
17 May kinalaman sa pag-ibig sa asawang babae, nagpayo ang Salita ng Diyos: ‘Dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan. Sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito, gaya ng ginagawa rin ng Kristo sa kongregasyon. Ibigin ng bawat isa sa inyo ang kani-kaniyang asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili.’ (Efe. 5:28, 29, 33) Hanggang saan maipakikita ng mga asawang lalaki ang pag-ibig nila sa kanilang kabiyak? “Mga asawang lalaki,” ang isinulat ni Pablo, “patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.” (Efe. 5:25) Oo, kailangang handang ibigay ng asawang lalaki ang kaniyang buhay alang-alang sa kaniyang kabiyak, gaya ng ginawa ni Kristo para sa iba. Kung ang Kristiyanong asawang lalaki ay mapagmahal, makonsiderasyon, maasikaso, at mapagbigay sa kaniyang asawa, hindi ito mahihirapang magpasakop sa kaniyang pagkaulo.
18. Ano ang makakatulong sa mga lalaki na magampanan ang responsibilidad nila sa kanilang asawa?
18 Masyado bang mabigat para sa mga asawang lalaki ang ganitong pag-uukol ng karangalan sa kanilang asawa? Hindi naman. Hindi kailanman hihiling si Jehova ng isang bagay na hindi nila kayang gawin. Bukod diyan, puwedeng hilingin ng mga mananamba ni Jehova ang pinakamalakas na puwersa sa uniberso—ang banal na espiritu ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Kung kayo, bagaman balakyot, ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, lalo pa ngang higit na ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!” (Luc. 11:13) Puwedeng ipanalangin ng mga asawang lalaki na sa pamamagitan ng Kaniyang espiritu, tulungan sana sila ni Jehova sa kanilang pakikitungo sa iba, pati na sa kanilang asawa.—Basahin ang Gawa 5:32.
19. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
19 Oo, isang mabigat na pananagutan para sa mga lalaki na magpasakop kay Kristo at tumulad sa kaniyang pagkaulo. Pero paano naman ang mga babae, partikular na ang mga may asawa? Tatalakayin sa susunod na artikulo ang dapat na maging pangmalas nila sa kanilang papel sa kaayusan ni Jehova.
Naaalaala Mo Ba?
• Anong mga katangian ni Jesus ang dapat nating tularan?
• Paano dapat pakitunguhan ng mga elder ang mga tupa?
• Paano dapat pakitunguhan ng asawang lalaki ang kaniyang kabiyak?
[Mga larawan sa pahina 10]
Tularan si Jesus sa pagpapakita ng dangal sa iba