PAGGALANG
Pagbibigay ng partikular na atensiyon o pakundangan sa isa na itinuturing na karapat-dapat sa respeto; isang pagkilala at pagbibigay ng kaukulang pagpapahalaga sa isang bagay o, lalo na, sa isang tao, sa kaniyang mga katangian, mga nagawa, katungkulan, posisyon, o awtoridad. Ang pagpapakita ng paggalang ay nangangahulugan ng pag-uukol ng “karangalan.” Iba’t ibang salita sa orihinal na wika ang nagtatawid ng ideya ng pag-uukol sa iba ng karangalan, paggalang, o kapaki-pakinabang na pagkatakot.—Tingnan ang KARANGALAN; TAKOT.
Kay Jehova at sa Kaniyang mga Kinatawan. Yamang siya ang Maylalang, karapat-dapat ang Diyos na Jehova sa pinakamalaking karangalan mula sa lahat ng kaniyang matatalinong nilalang. (Apo 4:11) Upang mabigyan siya ng gayong karangalan, ang mga indibiduwal ay kailangang mag-ukol ng tapat na pagsunod sa kaniya, pagsunod na nakasalig sa pag-ibig sa kaniya at sa pagpapahalaga sa ginawa niya alang-alang sa kanila. (Mal 1:6; 1Ju 5:3) Kasama rin dito ang paggamit sa mahahalagang pag-aari alang-alang sa tunay na pagsamba.—Kaw 3:9.
Kapag inaangkin ng isa ang isang bagay na nauukol sa Maylalang, nagpapakita siya ng kawalang-galang sa mga bagay na sagrado. Ginawa ito nina Hopni at Pinehas, na mga anak ng mataas na saserdoteng si Eli. Inagaw nila ang pinakamaiinam na bahagi ng bawat handog para kay Jehova. At dahil hindi gumawa si Eli ng matatag na mga hakbang laban sa kaniyang mga anak sa bagay na ito, pinarangalan niya sila nang higit kaysa kay Jehova.—1Sa 2:12-17, 27-29.
Kung ang Diyos na Jehova ay pinararangalan ng mga tao sa pamamagitan ng tapat na pagsunod sa kaniya at pagpapalawak sa mga interes ng pagsamba sa kaniya, pinararangalan naman ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapala at pagbibigay-gantimpala sa kanila. (1Sa 2:30) Kaya naman, si Haring David, na tapat na naglingkod kay Jehova at nagnais na magtayo ng isang templo na paglalagyan ng sagradong kaban ng tipan, ay pinarangalan o ginantimpalaan ng isang tipan ukol sa isang kaharian.—2Sa 7:1-16; 1Cr 17:1-14.
Bilang mga tagapagsalita ni Jehova, ang mga propeta, lalo na ang Anak ng Diyos na si Jesu-Kristo, ay karapat-dapat sa paggalang. Ngunit sa halip na igalang ng mga Israelita, sila’y inabuso sa berbal at pisikal na paraan, anupat pinatay pa nga. Ang kawalang-galang ng Israel sa mga kinatawan ni Jehova ay umabot sa sukdulan nang patayin nila ang kaniyang Anak. Dahil dito, ginamit ni Jehova ang mga hukbong Romano upang maglapat ng kaniyang paghihiganti sa di-tapat na Jerusalem noong 70 C.E.—Mat 21:33-44; Mar 12:1-9; Luc 20:9-16; ihambing ang Ju 5:23.
Sa kongregasyong Kristiyano. Yaong mga pinagkatiwalaan ng pantanging mga pananagutan bilang mga guro sa kongregasyong Kristiyano ay karapat-dapat sa suporta at pakikipagtulungan ng mga kapananampalataya. (Heb 13:7, 17) Sila ay “karapat-dapat sa dobleng karangalan,” anupat kalakip dito ang kusang-loob na materyal na tulong para sa kanilang pagpapagal alang-alang sa kongregasyon.—1Ti 5:17, 18; tingnan ang MATANDANG LALAKI.
Gayunman, ang lahat ng Kristiyano ay karapat-dapat tumanggap ng karangalan mula sa kanilang mga kapananampalataya. Nagpayo ang apostol na si Pablo: “Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Ro 12:10) Yamang mas alam ng indibiduwal na Kristiyano, kaysa sa kaniyang mga kapananampalataya, ang sarili niyang mga kahinaan at mga pagkukulang, wasto lamang na unahin niya ang iba kaysa sa kaniyang sarili, anupat pinararangalan o lubhang pinahahalagahan sila dahil sa kanilang tapat na gawa. (Fil 2:1-4) Ang mga babaing balo na nagdarahop at karapat-dapat ay pinararangalan noon sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng materyal na tulong mula sa kongregasyon.—1Ti 5:3, 9, 10.
Sa gitna ng mga miyembro ng pamilya. Wasto lamang na magpakita ang isang asawang babae ng kapaki-pakinabang na pagkatakot, o matinding paggalang, sa kaniyang asawang lalaki bilang ulo ng pamilya. (Efe 5:33) Kaayon ito ng nakatataas na posisyong ibinigay sa lalaki sa kaayusan ng Diyos. Ang lalaki, hindi ang babae, ang unang nilalang, at siya ay “larawan at kaluwalhatian ng Diyos.” (1Co 11:7-9; 1Ti 2:11-13) Si Sara ay kilaláng halimbawa ng isang babaing nagpakita ng matinding paggalang sa kaniyang asawa. Mula sa puso ang paggalang niya, sapagkat tinukoy ni Sara ang kaniyang asawa bilang “panginoon,” hindi lamang para iparinig iyon sa iba kundi kahit “sa loob niya.”—1Pe 3:1, 2, 5, 6; ihambing ang Gen 18:12.
Sa kabilang dako, ang mga asawang lalaki ay pinaaalalahanan: “Patuloy na manahanang kasama [ng inyong mga asawang babae] sa katulad na paraan ayon sa kaalaman, na pinag-uukulan sila ng karangalang gaya ng sa isang mas mahinang sisidlan, yaong may katangiang pambabae, yamang kayo ay mga tagapagmana ring kasama nila ng di-sana-nararapat na biyaya ng buhay.” (1Pe 3:7) Kaya naman, dapat isaalang-alang ng mga pinahirang Kristiyanong asawang lalaki na ang kanilang mga asawang babae ay may katayuang kapantay ng sa kanila bilang mga kasamang tagapagmana ni Kristo (ihambing ang Ro 8:17; Gal 3:28) at dapat pakitunguhan sa marangal na paraan anupat kinikilalang sila’y hindi kasinlakas ng mga lalaki.
Kung tungkol sa kaugnayan ng mga magulang sa kanilang mga anak, sila ay mga kinatawan ng Diyos at may awtoridad na magsanay, dumisiplina, at pumatnubay sa mga ito. Dahil dito, ang mga magulang ay karapat-dapat tumanggap ng karangalan, o paggalang. (Exo 20:12; Efe 6:1-3; Heb 12:9) Hindi ito limitado sa pagkamasunurin ng isang anak at sa pagpapakita niya ng mataas na pagpapahalaga sa kaniyang mga magulang. Kung kinakailangan, kalakip dito ang maibiging pangangalaga sa mga magulang sa pagtanda ng mga ito. (Ihambing ang Mat 15:4-6.) Sa kongregasyong Kristiyano, ang isa na hindi naglalaan para sa magulang na matanda na at nagdarahop ay itinuturing na lalong masama kaysa sa taong walang pananampalataya. (1Ti 5:8) Gaya ng itinawag-pansin ng apostol na si Pablo kay Timoteo, hindi papasanin ng kongregasyon ang pananagutang pangalagaan ang mga babaing balo na may mga anak o mga apo na makapagbibigay naman ng materyal na tulong.—1Ti 5:4.
Sa mga Tagapamahala at sa Iba. Dapat ding pag-ukulan ng karangalan, o paggalang, ang mga taong may mataas na katungkulan sa pamahalaan. Ipinakikita ng isang Kristiyano ang gayong paggalang, hindi upang magtamo ng anumang pabor, kundi dahil kalooban ito ng Diyos. Maaaring tiwali ang mga taong ito bilang mga indibiduwal. (Ihambing ang Luc 18:2-6; Gaw 24:24-27.) Ngunit iginagalang sila dahil sa kanilang katungkulan. (Ro 13:1, 2, 7; 1Pe 2:13, 14) Sa katulad na paraan, dapat ituring ng mga alipin ang mga may-ari sa kanila bilang karapat-dapat sa buong karangalan, anupat ginagawa ang gawaing iniatas sa kanila at hindi nagbibigay ng anumang dahilan upang dustain ang pangalan ng Diyos.—1Ti 6:1.
Kapag ang iba ay humihingi sa isang Kristiyano ng katuwiran para sa kaniyang pag-asa, gagawin niya iyon “taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang [sa literal, takot].” Bagaman maaaring ibinangon ang mga tanong sa mapang-insultong paraan, ang isang Kristiyano ay mangangatuwiran sa mahinahon at banayad na paraan, anupat hindi sumasagot sa paraang naiinis, nagagalit, o masama ang loob. Bagaman hindi pinanghihinaan ng loob dahil sa takot sa mga tao, ang isang Kristiyano ay magpapamalas ng matinding paggalang, o mainam na pagkatakot, na para bang nasa harap siya ng presensiya ng Diyos na Jehova at ng Panginoong Jesu-Kristo. (1Pe 3:14, 15, tlb sa Rbi8) Sa bagay na ito, maaari niyang gawing halimbawa ang mga anghel na, bagaman mas malakas at makapangyarihan, ay hindi naghaharap ng mga akusasyon sa mapang-abusong mga salita.—2Pe 2:11.