Biglang Pagkawasak!—Paano Nila Naligtasan?
NANG humampas ang Bagyong Hugo sa Guadeloupe noong Sabado, Setyembre 16, 1989, ang gabi ay tila walang katapusan. “ISANG GABI NG BANGUNGOT” ang itinawag dito. Pagkatapos, sinindak ang Montserrat ng 230 kilometro-bawat-oras na hangin. Mahigit sa 20 katao ang namatay sa mga islang ito ng Caribbean.
Sa patuloy na pagsalakay nito, binugbog ng bagyong Hugo ang Leeward Islands ng St. Kitts at Nevis. Sumunod na gabi ay pinagmalupitan nito ang U.S. Virgin Islands ng St. Croix at St. Thomas. Ang pagkawasak na iniwan nito sa St. Croix ay halos hindi kapani-paniwala. Sa pagpapatuloy, noong Lunes ng tanghali pinatag ng bagyo ang hilaga-silangang bahagi ng Puerto Rico, winasak lalo na ang maliliit na mga isla ng Vieques at Culebra sa baybayin.
Sa pagpapanibagong-lakas nito sa ibabaw ng tubig, ang bagyong si Hugo ay naghanda para sa isa pang panggabing pagsalakay. Maghahatinggabi noong Huwebes, taglay ang hanging 220 kilometro bawat oras, ang malakas na bagyo ay humampas sa baybayin ng South Carolina sa Estados Unidos. Ito’y gumawa ng pagkawasak ng mahigit na isang daan at animnapung kilometro mula sa timog ng Charleston hanggang sa kabila ng Myrtle Beach. Ang mapangwasak na hampas nito ay pinanatili sa lupa nang mahigit na 320 kilometro, itinumba ang mga poste ng koryente at ibinagsak ang malalaking puno ng encina hanggang sa Charlotte, North Carolina.
Daan-daang libo ang nagsitakas mula sa mga baybaying dako at nakaligtas nang tangayin ng hangin at ng 5 metrong mga alon ang mga bahay at winasak ang daan-daang iba pa. Aktuwal na sampu-sampung libo ng mga tahanan at iba pang mga gusali ang napinsala.
Ang pagkawasak ay kailangang makita upang paniwalaan—ang mga bangkang isinalansan nang tig-aanim na animo’y mga laruan, buhanging isang metro ang taas na itinambak sa mga kalsada, malalaking puno sa tuktok ng mga bahay, mga bubong na may malalaking siwang na para bang tinuklap ng isang higanteng kamay. ‘Ang aking anak na lalaki ay nag-aalaga ng mga tandang upang ipagbili,’ ulat ng isang babae. ‘Kaniyang itinali ang lahat ng ito upang huwag itong liparin, at karamihan sa kanila’y hindi nga nilipad. Subalit wala sila ni isang balahibo.’
Ngunit, dahilan sa ang mga babala ay sinunod, 26 katao lamang sa Estados Unidos ang namatay noong panahon ng bagyo, at mas marami nang kaunti kaysa mga namatay sa Caribbean. Sa kabilang dako, pagkalaki-laki ng mga kawalang-pangkabuhayan, umaabot sa libu-libong milyong dolyar. Ang ginawang batas ng pamahalaang E.U. pagkatapos ng bagyo ay naglaan ng patiunang $1.1 libong milyon sa emergency aid para sa mga biktima ng bagyong Hugo, ang pinakamalaking tulong-pinsala na panukalang-batas na kailanma’y naaprubahan. Gayumpaman, ang ulat na iyan, di-nagtagal ay nalampasan.
Isang Mas Biglang Pagkawasak
Noong Oktubre 17, isang buwan pagkaraang sumalakay ng bagyong Hugo, ang hilagang California ay niyanig ng isang lindol na sumusukat ng 7.1 sa Richter scale. Bumagsak ang mga tulay, lumagpak ang mga gusali, at libu-libo ang tumatakbong nagtititili mula sa kanilang mga tahanan o hindi makakilos sa takot habang gumiray-giray at yumanig ng 15 o higit pang mga segundo. Mahigit na isang daang libong mga tahanan ang napinsala, at mula sa ilang daan hanggang sa isang libo ang nawasak. Isang linggo pagkatapos ng lindol, hindi pa makapagmaneho pauwi ng kani-kanilang mga tahanan ang sampung libong residente ng Santa Cruz dahil sa mga pagguho ng lupa na humarang sa mga kalsada.
Ang kamatayan at pagkawasak ay higit pa sana kung hindi nanghawakan ang mga tagapagtayo sa mga kodigo ng pagtatayo na nag-uutos ng mga konstruksiyong tatagal-sa-lindol. Ang 1988 na lindol sa Armenia, halimbawa, ay hindi gaanong malakas subalit pumatay ng 25,000 katao. Subalit, maliwanag na wala pang 70 ang namatay sa lindol sa California, marami sa kanila ay nang ang itaas na roadway ng isang milyang-haba na seksiyon ng Interstate 880 na highway ay bumagsak sa mga kotse sa ibabang roadway.
Hindi pa nagkaroon ng gayon kamahal na likas na malaking sakuna sa kasaysayan ng E.U. Nang sumunod na linggo, ang batas na ginawa ng pamahalaan ay naglaan ng mahigit na tatlong libong milyong dolyar na tulong. Gayumpaman, higit pa ang kakailanganin upang itayong-muli. Ang pangulo ng Personal Insurance Federation of California ay nagsabi na “maaaring makatuwiran” ang sampung libong milyong dolyar tinatayang kabuuang pinsala para sa lindol.
Paalala ng Pangunahing mga Pangangailangan
Isang lalaki ang nasa bakuran niya sa isang seksiyong residensiyal ng Charleston ilang araw pagkatapos humampas ang bagyong Hugo. Habang nagdaraan ang sasakyan ng isang manggagawang-tagasaklolo, nagtanong ang lalaki: “Mayroon ka bang isang baso ng tubig?” Sa loob ng isang saglit hindi naisip ng manggagawa na ang mga tao’y wala man lamang ni tubig na mainom!
Mahigit na 1,900 taon ang nakaraan, binanggit ni apostol Pedro ang isang pangunahing pangangailangan niyaong mga nasa gipit na mga kalagayan. “Ang wakas ng lahat ng bagay ay malapit na,” sabi niya. “Higit sa lahat, kayo’y magkaroon ng maningas na pag-iibigan.” (1 Pedro 4:7, 8) Ang wakas ng buong Judiong sistema ng mga bagay ay malapit na nang isulat ni Pedro ang mga salitang iyon. Dumating ang wakas mga ilang taon pagkaraan, noong 70 C.E., nang wasakin ng mga hukbong Romano ang Jerusalem. Gayumpaman, ang mga Kristiyano ay patiunang binigyan ng isang tanda, at kanila itong sinunod at nagsitakas sila tungo sa mga bundok sa kabila ng Ilog Jordan malapit sa bayan ng Pella.—Lucas 21:20-22.
Gunigunihin ang kalagayan habang marahil ay libu-libong mga Kristiyano ang dumating sa bulubunduking dakong iyon. Maliwanag na wala silang tirahan o iba pang pangunahing mga pangangailangan subalit kailangang magsipagtayo sila ng pansamantalang mga tirahan. Nagkaroon ng mga kakulangan at mga kahirapan. (Mateo 24:16-20) Ano ang partikular na kailangan nila sa gipit na panahong iyon? “Maningas na pag-iibigan,” sabi ni Pedro. Oo, tulungan ang isa’t isa na makapagtagumpay.
Ang gayon bang espiritu ng pagtutulungan at pag-ibig ay nakita pagkatapos ng kamakailang mga pagkawasak na dala ng bagyong Hugo at ng lindol?
Pinagtagumpayan ang Pagwasak ni Hugo
Sa St. Croix, ang mga nakaligtas kay Hugo ay nagbatian sa isa’t isa ng mga yakap ng katuwaan at ginhawa, tuwang-tuwa na sila’y buháy. Di-nagtagal maraming tulong ay papadating, naglaan sa mga biktima ng tirahan at pagkain. Gayumpaman, sinikap ng ilan na samantalahin ang kasawian ng mga biktima. Ang mga negosyante ay sumingil ng pagkamamahal na mga halaga. Bilang halimbawa, ang isang supot ng yelo na karaniwang 79 cents ay ipinagbili ng $10. Nagkaroon pa man din ng pandarambong. Subalit ang gayong manhid na mga gawain ay nahigitan ng maraming gawa ng kabutihan at pagkahabag. Lalo nang kapansin-pansin ay ang mga ulat tungkol sa mga pagtulong ng mga Saksi ni Jehova.
Bago pa man humampas ang bagyong Hugo, dinalaw ng mga Kristiyanong matatanda ang mga naninirahan sa mga bahay na hindi gaanong matatag at hinimok sila na magsilipat sa mas matitibay ang pagkatayong mga Kingdom Hall o sa mas ligtas na mga bahay ng kanilang mga kapatid na Kristiyano. Ang Kingdom Hall sa Summerville, South California, ay may mahigit na 50 katao na nagpalipas ng gabi noong bagyo!
Sa Guadeloupe ang gayong mga paghahanda para sa bagyo ay napatunayang nagliligtas-buhay. Sa islang iyon lamang, 117 mga bahay ng mga Saksi ni Jehova ang nawasak, samantalang mga 300 bahay ng iba pang mga Saksi ang malubhang napinsala. Bilang karagdagan, 8 Kingdom Hall ang malubhang napinsala, samantalang ang 14 na iba pa ay hindi gaanong napinsala.
Bagaman maraming mga Saksi ang nasugatan, wala namang namatay, alinman sa Guadeloupe o saanman sa Caribbean. Gayunman, ang malaki nang anak na lalaki ng isa sa mga Saksi, ay napatay nang siya’y literal na higupin ng hangin na biglang tumangay sa bubong ng bahay.
Noong ikatlong araw pagkatapos ng bagyo lamang natawagan sa telepono ng mga kapuwa Saksi ang kanilang mga kapatid sa Guadeloupe. Gayunman, pansamantala, nagtipon ang naglalakbay na mga tagapangasiwa at ang mga miyembro ng tanggapang sangay upang organisahin ang isang surbey sa pangangailangan ng kanilang mga kapatid, yaon nga’y, ang kanilang kapuwa mga Saksi.
Di-nagtagal ang tubig, pagkain, pananamit, at iba pang mga pangangailangan ay saganang inabuloy niyaong mga di-gaanong naapektuhan. Ang tubig ay makukuha sa tanggapang sangay, at nakagagalak-pusong makita ang mga kapatid na may dalang mga lalagyan, pinunô ang mga ito, at pagkatapos ay ipinamahagi ito sa mga nangangailangan. Ang mga Saksi sa Martinique ay kabilang sa mga unang tumugon mula sa ibang bansa sa mga pangangailangan ng kanilang mga kapatid sa Guadeloupe.
Dahil sa ang Guadeloupe ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Pransiya, ang mga Saksi ni Jehova sa Pransiya ay dali-daling nagpadala sa isla sa pamamagitan ng eruplano ng mabigat na mga plastik sheeting, lubid na nylon, at plastik na mga sisidlan para sa tubig. Di-nagtagal, mga 100-metriko-tonelada ng mga suplay para sa pagtatayo ang inilulan sa bapor at ipinadala sa Guadeloupe at mabilis na ipinamahagi.
Agad-agad, ang mga Saksi sa Puerto Rico ay nag-organisa rin ng isang programa ng pagtulong. Noong dulong-sanlinggo pagkaraan ng bagyo, daan-daan mula sa mga dako sa isla na hindi naapektuhan ang nagsibaba sa winasak na mga bayan upang tumulong sa pagkukumpuni ng mga bahay. Gayundin, dalawang bangkang naglalaman ng pagkain, materyales, at mga 40 Saksi ang naglayag tungo sa maliit na isla ng Culebra. Di-nagtagal pinuri ng istasyon ng radyo roon ang gawaing pagtatayong-muli na ginagawa. Nang sumunod na dulong-sanlinggo 112 mga Saksi, kasama ang anim na tonelada ng mga materyales para sa pagtatayo, ang naglayag tungo sa maliit na isla ng Vieques para sa isang kahawig na gawain ng pagtatayong-muli.
Noong lamang Biyernes, limang araw pagkatapos ng bagyo, nakapag-arkila ang mga kapatid mula sa Puerto Rico ng isang eruplanong pangkargada upang magdala ng pagkain at gamot sa St. Croix. Isa sa mga kapatid ay nag-uuulat: “Mula sa himpapawid ang buong isla ay tila isang tambakan ng basura. Ang buong mga nayon ay wasak at pinilipit. Nagkalat sa mga burol ang pira-pirasong kahoy, metal, at dumi; walang anumang luntian, kundi kulay-kayumangging mga tuód ng punungkahoy at sunóg na mga damo, hinagupit ng hanging umabot sa 320 kilometro-bawat-oras.”
Matapos matiyak ang lawak ng pinsala, ang mga Saksi ay nagpadala ng 75 tonelada ng mga suplay para sa pagtatayo. Noong Oktubre, mga isang daang boluntaryo mula sa Puerto Rico ang tumulong sa mga kapatid sa pagtatayong-muli sa St. Croix. Isang Kingdom Hall ay nagsilbing dormitoryo. Bawat araw ay sinisimulan sa pagtalakay ng isang teksto sa Bibliya, gaya ng ginagawa sa lahat ng mga tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova. Ang lokal na mga Kristiyanong kapatid na babae ay naglaba, naglinis, at nagluto para sa mga kapatid na lalaki.
Si Sheila Williams ay nag-iimpok sa loob ng maraming taon upang makapagpatayo ng isang bagong tahanan, at kalilipat lamang niya rito nang wasakin ito ni Hugo. Nang marinig niya na ang kaniyang mga kapatid na Kristiyano ay darating mula sa Puerto Rico upang tulungan ang mga biktima, sinabi niya sa kaniyang mga kasama sa trabaho. Subalit sinabi nila: “Hindi ka nila tutulungan. Ikaw ay itim, hindi Kastila na gaya nila.” Anong laki ng pagkagulat nila nang di-nagtagal si Sheila ay may ganap na bagong bahay!
Isang limang-taóng gulang sa Michigan, E.U.A., na nakita ang pagbabalita tungkol sa pagkawasak sa St. Croix, ay ibig na tumulong sa mga nawalan ng kanilang mga ari-arian. Kaniyang hiniling ang pagsang-ayon ng kaniyang ina na ibigay ang isang damit para sa isang maliit na batang babae upang ‘siya’y magmukhang maganda kapag dumadalo sa Kingdom Hall.’
“Sa aking pagkagulat,” sabi ng ina, “pinili niya ang isa sa kaniyang pinakamagandang damit.” Ipinadala ang damit, at gaya ng makikita ninyo sa pahina 18, isang bata sa St. Croix ay tuwang-tuwang matanggap ito.
Matapos dumaluhong si Hugo sa South Carolina noong Biyernes ng umaga, Setyembre 22, mabilis na binuo ang isang komite sa pagtulong. Ang Kristiyanong matatanda sa bawat kongregasyon sa mga apektadong lugar ay nilapitan, at ang mga ito naman, ay nagbigay-sulit sa bawat miyembro ng kanilang mga kongregasyon. Nakagagalak naman, walang sinuman na nasugatan o namatay, bagaman ang mga tahanan ng ilan sa mga Saksi ay nawasak at yaong sa iba’y malubhang napinsala. Ang isang Kingdom Hall ay malubhang napinsala, at ang iba pa ay dumanas rin ng ilang pinsala.
Mapanglaw ang tanawin lalo na sa loob at palibot ng Charleston, kung saan libu-libong mga puno ang natumba, daan-daang mga bubong ang tumutulo, ang mga bahay ay nawasak o nasira, walang tubig na maiinom, walang koryente, walang refrigeration, at walang makukuhang gasolina. Gayumpaman, ang larawan ay kaagad na nagbago.
Maraming mga kapatid mula sa dako ng Charleston ay nagtipon noong umaga ng Sabado, ang araw pagkatapos ng bagyo, naghihintay ng tulong. Inilalarawan ni Ron Edling, ang tagapangasiwa ng lungsod, ang nangyari nang malaman nila sa wakas na ang mga Saksi sa kalapit na lugar ay paparating. “Kami’y nagsilabas, at nakita namin ang isa sa pinakamagandang tanawin na kailanma’y aming nakita. May isang convoy, at sa harap na salamin ng unang trak at ng sumusunod na mga trak ay may isang karatulang kababasahang ‘JW Hurricane Relief Crews.’
“May mga pickup truck, kotse, pickup truck na humihila ng trailers, at dala-dala nila ang libu-libong galon ng tubig. Nagdala sila ng mga lagareng-de-koryente, at 1,100 litro ng gasolina upang patakbuhin ang mga ito. Iyo’y isang tanawing hindi ko malilimutan. Nang sandaling iyon naisip ko, ‘Ito ang isa sa pinakamahuhusay na sandaling naranasan ko sa organisasyon ng Diyos.’ Ang mga kapatid na iyon ay hindi lamang nagdala ng lubhang kinakailangang mga suplay kundi nagdala rin naman sila ng pag-asa. Natitiyak kong natanto ng lahat kung anong uring pagkakapatiran mayroon tayo. Bagaman maaaring abutin nang matagal, sisikapin naming makaahon.”
Nang sumunod na dulong-sanlinggo sindami ng 400 mga Saksing mangagawang tagatulong ang naroon. Lahat-lahat, ang gawain ay ginawa sa mga bubong o sa mga bakuran ng halos 800 pamilya, pati na yaong marami na hindi mga Saksi. Sa isang sentro ng tulong, ang mga kapatid ay nagpapakain ng halos 3,000 katao araw-araw. Lahat-lahat, ang mga Saksi ay tumanggap at namahagi ng mahigit 230,000 kilo ng pagkain at 78,000 kilo ng pananamit, huwag nang banggitin pa ang maraming materyales para sa pagtatayo at maraming iba pang bagay. Noong Linggo, Oktubre 8, mga 16 na araw lamang pagkatapos dumaluhong ni Hugo, lahat ng mga Kingdom Hall ay nakumpuni na anupa’t ang lahat ng mga kongregasyon ay nagbalik sa kanilang regular na iskedyul ng mga pagpupulong.
Pagkaligtas sa Lindol sa California
Ang epicenter ng lindol noong Oktubre 17 ay mga 110 kilometro timog ng San Francisco, mga 16 kilometro hilaga-silangan ng Santa Cruz. Sa mataong lugar na ito, kung saan karaniwan ang maiigsing pagyanig ng lupa, milyun-milyon ang nasindak ng tila baga walang-katapusang pagyanig ng 15 segundo o higit pa.
“Aktuwal na gumiray-giray ang gusali,” sabi ni Ray Vaden, isang Kristiyanong matanda sa San Jose. “Nag-isip ako kung mananatili itong nakatayo. Nang tumingin ako sa labas ng aking bintana, nakita ko na ang mga kalsada ay nagsisikip sa trapiko ng mga taong nagmamadali. Iyo’y 5:04 n.h.
“Sa wakas sinimulan naming makipag-ugnayan sa mga kapatid sa aming kongregasyon. Isinaayos naming dalawin sa kanilang mga tahanan yaong hindi namin matawagan sa telepono. Ito’y inabot ng ilang oras dahil sa pagsisikip ng trapiko. Nang 8:30 n.g. nalamam namin na walang napinsala, bagamat may mga nasirang gamit sa loob ng maraming bahay. Kinabukasan nalaman namin na ang tahanan ng ilan sa aming mga kapatid sa dakong iyon ay malubhang napinsala anupat kailangan nilang lisanin ito. Sila’y dinala sa mga tahanan ng kapuwa mga Saksi.”
Malapit sa Los Gatos, ang isang Kristiyanong kapatid na babae ay naliligo sa ikalawang palapag ng kaniyang dalawang-palapag na tirahan nang gumuho ang buong unang palapag. Kaya umalis siya sa bathtub sa kapantay ng unang palapag, at kataka-takang hindi nasaktan. Kung siya ay nasa unang palapag, tiyak na siya’y napatay.
Agad-agad, ibig malaman ng mga kaibigan kung ano ang maaari nilang gawin para sa mga biktima. Noong Huwebes, dalawang araw pagkatapos ng lindol, isang komite na mangangalaga sa mga ito ang itinayo. Noong Sabado, malalaking van at iba pang mga sasakyan ang naghatid ng mga tolda, sleeping bags, mga ilawan at kalan, damit, flashlights, de-latang pagkain, tubig na maiinom, at iba pa, sa mga nangangailangan. Nang umagang iyon lamang, $41,000 ang iniabuloy sa pondo na pantulong!
Anong kabaligtaran sa saloobin ipinamalas ng ilang tao sa sanlibutan! Isang lalaki ang gumapang tungo sa isang biktimang nakulong sa kaniyang kotse sa ilalim ng gumuhong seksiyon ng Interstate 880. Nangako ang lalaki na hindi siya sasaktan subalit kinuha nito ang kaniyang mga singsing, alahas, pitaka, at tumakas nang hindi siya tinutulungan. Sa kabuuan mahigit 40 katao ang namatay sa pagguho ng roadway, kasama sa mga ito si Mary Washington, isa sa mga Saksi ni Jehova.
Ang Regional Building Committee ng mga Saksi ni Jehova ay agad na tinaya ang mga pinsala. Dalawang Kingdom Hall ang may bahagyang pinsala. Gayumpaman, ang tahanan ng ilang mga Saksi ay malubhang napinsala anupa’t kailangang gibain ang mga ito. Naibalik ng mga koponan ng manggagawa ang mga trailers sa mga pundasyon nito at kinumpuni ang marami sa tahanan ng mga kapatid at itinayong-muli ang iba pa. Daan-daang libong dolyar ang iniabuloy upang isagawa ito.
Habang papalapit ang wakas ng sistemang ito, bilang katuparan sa hula ni Jesus, makakaasa tayo ng higit pang mga lindol at iba pang mga sakuna. (Mateo 24:3-8) Tiyak na magkakaroon ng mga kahirapang mas malubha kaysa naranasan ng sinaunang mga Kristiyano nang puksain ang Jerusalem. Ang hula ng Bibliya ay mas mapuwersa sa ating kaarawan: “Ang wakas ng lahat ng bagay ay malapit na.” Kung gayon, ano ang kailangan? “Higit sa lahat, kayo’y magkaroon ng maningas na pag-iibigan.” (1 Pedro 4:7, 8) Tunay na nakagagalak-pusong makita natin ang gayong pag-ibig na ipinamamalas sa gitna ng pagkakapatiran ng mga Saksi ni Jehova!
[Mga mapa sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
CALIFORNIA
Oakland
San Francisco
Los Gatos
Santa Cruz
[Map]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
U.S.A.
Charleston
Atlantic Ocean
Puerto Rico
Guadeloupe
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Kanan: Ang pagwasak ni Hugo sa baybayin ng South Carolina
[Credit Line]
Maxie Roberts/Sa kagandahang-loob ng THE STATE
Ibaba: Ang mga kotse ay nakasalansan sa harap ng isang mataas na paaralan
[Credit Line]
Maxie Roberts/Sa kagandahang-loob ng THE STATE
Ilalim: Ang grupong tagatulong ng mga Saksi ni Jehova na tumulong sa paglilinis at pagsasauli
[Mga larawan sa pahina 18]
Kaliwa: Isang bata sa St. Croix na suot ang damit na padala ng isang batang limang-taóng-gulang sa Michigan na nais makatulong
Ibaba: Ang mga Saksi ni Jehova sa Guadeloupe na inaayos ang abuloy na pagkain
Ibabang kaliwa: Si Sheila Williams kasama ng manggagawang tagatulong na tumulong na itayong-muli ang kaniyang bahay na nawasak
[Mga larawan sa pahina 21]
Itaas: Ang itaas na roadway ng Interstate 880 ay gumuho sa ibabang roadway
Kaliwa: Si Raim Manor sa ikalawang palapag ng kaniyang bahay na bumagsak sa unang palapag