‘Huwag Madaling Matitinag sa Inyong Pag-iisip’
“Aming ipinamamanhik sa inyo na huwag kayong madaling matitinag sa inyong pag-iisip ni mababagabag man maging sa pamamagitan ng isang kinasihang pangungusap o sa pamamagitan ng isang bibigang pasabi o sa pamamagitan ng isang sulat na waring mula sa amin.”—2 TESALONICA 2:1, 2.
1. Anong kalugud-lugod na mga alaala ang sumasaisip samantalang ating binubulaybulay ang tungkol sa mga karanasan natin nang tayo’y unang makaalam ng katotohanan?
KALUGUD-LUGOD na mga alaala ang sumasaisip pagka tayo bilang mga Kristiyano ay nagbubulaybulay tungkol sa panahon nang tayo’y unang makaalam ng katotohanan buhat sa Salita ng Diyos. Iyon ay maganda, makatuwiran, kasiya-siya. Ang ating mga puso ay nag-umapaw ng pagpapahalaga nang unang makilala natin si Jehova at ang kaniyang dakilang mga katangian, kasali na ang kaniyang dakilang pag-ibig at kaawaan! Anong laki ng ating katuwaan nang tayo’y mapasama sa mga kapananampalataya na may tunay na pag-ibig Kristiyano at namumuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya.
2. Anong magandang kinabukasan mayroon tayo bilang mga lingkod ni Jehova, at tayo’y nasa anong espirituwal na kalagayan?
2 Anong laki ng ating pasasalamat nang malaman natin na hindi magtatagal at aalisin ni Jehova ang sakit, kalungkutan, at maging kamatayan man. (Apocalipsis 21: 3, 4) Gunigunihin ninyo, ang pamumuhay nang walang katapusan sa isang lupang paraiso, taglay ang sakdal na kalusugan at lubos ng kaligayahan! Halos napakabuti ito upang magkatotoo. Ngunit iyon ay totoo. Sinusuhayan iyon ng Salita ng Diyos. Totoong nakagagalak isipin! Walang alinlangan, nadama natin ang gaya ng nadama ng mga alagad ni Jesus nang siya’y magpakita sa kanila nang siya’y mabuhay uli. Isa’t isa’y nagsabi: “Hindi baga nag-aalab ang ating puso sa loob natin habang tayo’y kinakausap niya sa daan, habang binubuksan niya sa atin ang Kasulatan?” (Lucas 24:32) Oo, nang makilala natin ang katotohanan at mag-alay tayo ng ating buhay kay Jehova, ating natagpuan ang espirituwal na paraiso. Anong laking pagpapala!
3. Paano sinisikap ng Diyablo at ng mga ibang kaaway na nakawan tayo ng mga kapakinabangan buhat sa espirituwal na paraiso ni Jehova?
3 Subalit ang pagiging nasa espirituwal na paraiso ay hindi natin maipagwawalang-bahala. Tayo’y kusang pumasok sa paraisong ito; tayo’y maaaring lumabas (o ilabas) kung tayo’y uurong sa pananampalataya o kusang lalabag sa matuwid na mga kautusan ni Jehova. Mangyari pa, ito’y hindi mangyayari kung tayo’y mananatiling malakas sa ‘pag-ibig na taglay natin noong una,’ kung tayo’y magpapatuloy na magpahalaga sa lahat ng paglalaan ni Jehova upang tayo’y manatiling malakas sa espirituwal. (Apocalipsis 2:4) Subalit ang Diyablo at ang iba pang mga kaaway ng tunay na pagsamba ay sanay na sanay sa pandaraya. Huwag nating kalilimutan na sila’y laging handa na sirain ang ating katapatan kung magagawa nila ito. Ang kanilang propaganda ay nilayon na pahinain ang ating pananampalataya, palamigin ang ating pag-ibig sa Diyos, maghasik ng pag-aalinlangan sa ating isip—oo, upang ang espirituwal na paraiso ay magtingin na hindi nga paraiso.
4. Ano ang maaaring maging resulta kung papayagan nating humina ang ating pananampalataya at tubuan tayo ng malubhang pag-aalinlangan?
4 Gaya ng sinasabi ng isang kawikaan, maaaring sumapit tayo sa punto na kung saan magiging mahirap, marahil imposible pa, na makita ang kagubatan ng espirituwal na paraiso dahilan sa malapitang pagmamasid sa di-sakdal na mga tao na siyang mga punungkahoy ngayon doon. Ang kagalakan na taglay natin nang makilala natin ang katotohanan ng Salita ng Diyos, ang maligayang pag-asa na natamo natin, ang pag-ibig sa Diyos at sa ating espirituwal na mga kapatid, at ang sigasig natin sa paglilingkod kay Jehova ay maaaring maglaho. Kung hindi agad-agad kikilos upang mapigil ang gayong espirituwal na pag-atras, hindi magtatagal at ang maibiging mga kahilingan ng Diyos ay nagtitingin na mahirap masunod. Ang nagpapalusog na espirituwal na pagkain buhat sa “tapat at maingat na alipin” ay baka waring walang halaga, at ang kapatiran ng nag-iibigang mga lingkod ni Jehova ay baka waring isang sambahayan ng mga kaaway. Saka ang tanging kinatutuwaan, na likung-liko, ay baka ang panggugulpe sa kaniyang mga kapuwa alipin sa pamamagitan ng paninira sa kanila at ng pagsasalita ng mga bagay na hindi lubusang katotohanan.—Mateo 24:45-51.
5. Paanong ang naiwawala ng isa ay maihahambing sa naiwala ni Adan at ni Eva nang sila’y palabasin sa Paraiso ng Eden?
5 Oo, baka maiwala natin ang mga pagpapala ng espirituwal na paraiso ngayon at, lalong malubha, maiwala rin natin ang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa makalupang Paraiso. At maaaring maiwala natin ito dahil sa kaparehong dahilan ng pagkawala ni Adan at ni Eva ng Paraiso ng Eden. Taglay nila noon ang lahat ng kinakailangan upang malubos ang kanilang kaligayahan at maaari sana silang mabuhay nang walang hanggan. Subalit ang pagsasarili—sa aktuwal ay isang naiibang turo—ang naging lalong mahalaga sa kanila kaysa pagsunod kay Jehova at sa mga pagpapala na naroon sa Eden. Si Eva ay nadaya. Bagama’t si Adan ay hindi nadaya, pinayagan niyang ang mga kalagayan, pati na yaong matalik na kaugnayan niya sa kaniyang asawa, ang makaimpluwensiya sa kaniya upang magkasala rin. Sa gayon, sila’y pinalabas sa Paraiso, upang dumanas ng isang miserableng buhay hanggang sa sila’y mamatay. Kanilang iniwala ang pag-asa sa walang hanggang buhay para sa kanilang sarili at ipinamana nila ang kasalanan at kamatayan sa kanilang supling. (Genesis 3:1-7, 14-19, 24; 1 Timoteo 2:14; Roma 5:12) Anong laking halaga na ibayad dahil sa kanilang di-umano’y pagsasarili!
6. (a) Anong pagkabahala ang ipinahayag ni Pablo tungkol sa ilan sa kongregasyon sa Corinto? (b) Paanong ang ganito ring pagkabahala ay mahihiwatigan sa isinulat sa kongregasyon sa Tesalonica?
6 Si apostol Pablo ay nagpahayag ng ganitong pagkabahala: “Ako’y natatakot na sa paanuman, kung paano nadaya si Eva ng ahas sa kaniyang katusuhan, baka ang inyong mga isip naman ay pasamain upang mailayo sa kataimtiman at sa kalinisan na nauukol sa Kristo.” (2 Corinto 11:3) Kaya si Pablo’y sumulat tungkol sa ilang maling turo na kumakalat noong kaniyang kaarawan. Sa kaniyang ikalawang sulat sa kongregasyon sa Tesalonica, siya’y nagsabi: “Aming ipinamamanhik sa inyo na huwag kayong madaling matitinag sa inyong pag-iisip ni mababagabag man maging sa pamamagitan ng isang kinasihang pangungusap o sa pamamagitan ng isang bibigang pasabi o sa pamamagitan ng isang sulat na waring mula sa amin, na nagsasabing ang araw ni Jehova ay naririto na. Huwag kayong padaya kanino man sa anumang paraan.”—2 Tesalonica 2:1-3.
Huwag Makitungo sa mga Apostata
7. (a) Anong mga tanong ang bumabangon pagka sa koreo ay tumanggap ka ng mga babasahing apostata? (b) Bakit ang labis na pagtitiwala sa sarili ay mapanganib kung ibig ng isa na maingatan ang sarili buhat sa impluwensiya ng mga apostata?
7 Bueno, ano ang gagawin mo kung ikaw ay mapaharap sa mga turo ng apostata—tusong pangangatuwiran—na nagsasabi na ang iyong pinaniniwalaan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova ay hindi siyang katotohanan? Halimbawa, ano ang gagawin mo kung makatanggap ka ng isang liham o mga ilang babasahin, binuksan mo iyon, at nakita mo na iyon ay galing sa isang apostata? Babasahin mo ba iyon, sa iyong kasabikan kung ano ang sinasabi niyaon? Baka mangatuwiran ka pa: ‘Hindi naman ako madadala nito; napakatibay ko na sa katotohanan. At, isa pa, kung taglay natin ang katotohanan, wala tayong dapat ikatakot. Ang katotohanan ay mananaig pagka sinubok.’ Sa ganitong paraan, ang iba’y nagpasok sa kanilang isip ng mga kuru-kurong apostata at sa gayo’y pinasukan ng malubhang pag-aalinlangan at pagdududa. (Ihambing ang Santiago 1:5-8.) Kaya alalahanin ang babala sa 1 Corinto 10:12: “Ang may akalang siya’y nakatayo ay mag-ingat na baka mabuwal.”
8. Anong tulong ang kailangan ng ilan na nadaig ng pag-aalinlangan?
8 Pagkatapos na tulungan ng nagmamahal at nagmamalasakit na mga kapatid, ang mga ilan na hinasikan ng mga apostata ng pag-aalinlangan ay nakabangon din pagkatapos ng isang panahon ng ligalig at dalamhati sa espirituwal. Ngunit ang ganitong suliranin ay maiiwasan sana. Sa Kawikaan 11:9 ay sinasabi: “Sa pamamagitan ng kaniyang bibig ay ipinahahamak ng apostata ang kaniyang kapuwa, ngunit sa pamamagitan ng kaalaman ay inililigtas ang mga matuwid.” Sinabihan ni Judas ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na “patuloy na pakitaan ninyo ng awa ang mga iba na nag-aalinlangan; iligtas ninyo sila sa pamamagitan ng pag-agaw sa kanila sa apoy.” (Judas 22, 23) Ang tagapangasiwang si Timoteo ay tinagubilinan ni Pablo na magturo “nang mahinahon sa mga sumasalansang; baka sakaling pagsisihin sila ng Diyos na aakay sa kanila sa tumpak na kaalaman sa katotohanan, at magsauli sila sa hustong katinuan pagkatapos makalaya sa silo ng Diyablo, matapos mahuling buháy para sa kalooban niya.”—2 Timoteo 2:25, 26.
9. Ano ang malungkot na kinahihinatnan niyaong mga umaalis sa tunay na pagsamba?
9 Nakalulungkot sabihin, ang iba ay tuluyang nahulog sa kadiliman, sila’y nagsibalik sa mga maling turo ng Sangkakristiyanuhan. Si apostol Pedro ay sumulat tungkol sa malungkot na kinahinatnan ng iba na dati’y nasa katotohanan ngunit nagsihiwalay. Sinabi niya: “Tunay na kung, pagkatapos na makaiwas sa karumihan ng sanlibutan sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo, sila’y mapasangkot muli sa mismong mga bagay na ito at nadaig sila, lalong sumasamâ ang huling kalagayan nila kaysa nang una.” Sinabi ni Pedro na sila’y gaya ng aso na bumalik sa sariling suka at ng baboy na pagkatapos mahugasan ay naglubalob uli sa putik.—2 Pedro 2:20-22.
10. (a) Ano ang sinasabi ni Jehova tungkol sa pakikinig sa mga apostata? (b) Ang pagbabasa ng mga babasahíng apostata ay katulad na rin ng paggawa ng ano?
10 Pagka isang kapuwa-tao natin ang nagsabi sa atin, ‘Huwag mong basahin ito’ o, ‘Huwag kang makinig diyan,’ baka mahikayat tayo na ipagwalang-bahala ang kaniyang payo. Subalit tandaan, si Jehova ang Siyang nagsasabi sa atin sa kaniyang Salita, kung ano ang dapat gawin. At ano ba ang sinasabi niya tungkol sa mga apostata? “Iwasan sila” (Roma 16:17, 18); “huwag makisama sa” kanila (1 Corinto 5:11); at “huwag [silang] tanggapin sa inyong tahanan o batiin man [sila]” (2 Juan 9, 10). Ito’y maririing pananalita, malinaw na mga tagubilin. Kung, dahil sa pananabik, babasahin natin ang mga babasahin na galing sa isang kilalang apostata, hindi ba iyon ay katulad na rin ng pag-aanyaya sa kaaway na ito ng tunay na pagsamba upang pumaroon sa ating tahanan para makahalubilo natin at makinig sa kaniyang mga kuru-kurong apostata?
11, 12. (a) Anong paghahalimbawa ang ibinibigay upang ipaunawa sa atin na mapanganib para sa atin ang bumasa ng literatura ng apostata? (b) Paanong maikakapit ito kung tungkol sa pagmamalasakit ni Jehova sa kaniyang mga lingkod?
11 Ipaghalimbawa natin iyan sa ganitong paraan: Ipagpalagay natin na ang iyong anak na tin-edyer ay tumanggap sa koreo ng mga ilang mahahalay na babasahin. Ano ba ang gagawin mo? Kung ibig niyang basahin iyon dahil sa kasabikang malaman ang nilalaman niyaon, sasabihin mo ba: ‘Sige, anak, basahin mo. Hindi naman makapipinsala iyan sa iyo. Sapol sa pagkasanggol ay tinuruan ka na namin na masama ang imoralidad. Isa pa, dapat mong malaman kung ano ang nangyayari sa daigdig upang makita kung ano talaga ang kasamaan’? Ganiyan ka ba mangangatuwiran? Tunay na hindi! Bagkus, tiyak na ipaliliwanag mo ang mga panganib ng pagbabasa ng mahahalay na babasahin at sasabihin mong sunugin niya iyon. Bakit? Sapagkat gaano man katibay ng isang tao sa katotohanan, kung pinapasukan niya ang kaniyang isip ng mahahalay na mga ideya na nasa gayong mga babasahin, ang kaniyang isip at puso ay maaapektuhan. Kung patuloy na naroroon sa kaibuturan ng puso ang maling nasa balang araw ay lilikha iyon ng maling pita sa sekso. Ang resulta? Sinasabi ni Santiago na pagka ang maling pita ay tumubo, nagbubunga iyon ng kasalanan, at ang kasalanan ay humahantong sa kamatayan. (Santiago 1:15) Kaya bakit pasisimulan ang sunud-sunod na reaksiyon?
12 Ngayon, kung tayo’y dagling kikilos upang mailayo ang ating mga anak sa mahahalay na babasahin, hindi baga aasahan natin na ang ating maibiging Ama sa langit ay magbibigay-babala rin sa atin at iingatan tayo buhat sa espirituwal na pakikiapid, kasali na ang apostasya? Ang sabi niya, Lumayo kayo rito!
13. Ano ang maaaring gawin kung humahamong mga tanong, salig sa sinabi o isinulat ng mga apostata, ang ibinabangon samantalang tayo’y nangangaral?
13 Ngunit halimbawa tayo ay nangangaral ng mabuting balita at may mga taong nagbangon ng mga tanong o ng mga pagtutol na gaya niyaong sa mga mananalansang? Siempre, kung ang isang tao ay hindi taimtim at gusto lamang niyang makipagtalo, ang pinakamabuti ay magpaalam na tayo at magtungo sa susunod na bahay. Subalit kung mayroong sino mang taimtim na nagtatanong tungkol sa mga ilang pag-aangkin ng mga apostata, ano ang maaaring gawin? Una, maaari nating itanong kung ano ang dahilan at itinatanong niya iyon. Baka tungkol iyon sa isa lamang o kaya’y dalawang punto. Ito lamang ang ating talakayin at sagutin buhat sa Kasulatan, sa mga publikasyon ng Samahan, at sa alam nating katotohanan tungkol sa paksang iyon. Huwag nating isipin na kailangan pang magbasa tayo ng isang aklat o isang pampleta na punô ng paninira at bahagyang mga katotohanan upang maibuwal ang kasinungalingang mga pag-aangkin at mga turo ng mga mananalansang.
Pagtitiwala kay Jehova
14. Anong maibiging pagmamalasakit mayroon para sa atin ang ating Ama sa langit, at bakit tayo lubos na makapagtitiwala sa kaniya?
14 Samantalang tayo’y nagpapatuloy, na nagpapatibay ng pananampalataya at laging abala sa paglilingkuran sa Kaharian, tayo’y manalig na makapagtitiwala tayo kay Jehova, sa pagkaalam na, bilang ating maibiging Ama sa langit, ang pinakamabuti ang hinahangad niya para sa atin. Ang Diyos ang nagtuturo sa atin; ang nagbibigay-babala sa atin. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng malinaw na mga tagubilin buhat sa kaniyang nakikitang organisasyon. Kung isang mapagmahal na magulang ang hihingan natin ng tinapay at isda, hindi niya tayo bibigyan ng bato o ahas. Gayundin naman ang Diyos na hindi tayo lilinlangin o dadayain. (Mateo 7:7-11) Gayunman, hindi naman tayo lubusang ilalayo ng Diyos buhat sa mga tukso o kahit na sa mapandayang mga kasinungalingan at propaganda ng Diyablo. Kaniyang sinasabi tungkol sa kaniyang sarili: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, na Siyang nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, na Siyang pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong marapat lakaran.” (Isaias 48:17) Oo, si Jehova ang ‘nagtuturo sa atin ng mapapakinabangan.’ Kaniyang sinasabihan tayo na humiwalay sa mga apostata at sa kanilang turo, at ito’y sa ating sariling proteksiyon. Buhay ang idudulot nito sa atin.
15. Anong babala ang ibinigay ni apostol Pablo tungkol sa ilan na nagsikap na makaakit ng mga alagad?
15 Si apostol Pablo ay nagbabala sa kapuwa Kristiyanong matatanda: “Sa mga kasamahan din ninyo lilitaw ang mga taong magsasalita ng mga bagay na pinilipit upang makaakit ng mga alagad.” (Gawa 20:30) Kung tayo’y patuloy na makikinig sa tusong mga argumento at mababaw na pangangatuwiran, ang “mga bagay na pinilipit” ay maaaring parang katotohanan kung pakikinggan. Mientras patuloy na minamasdan ni Eva ang bawal na bungangkahoy at nakikinig sa pilipit na pangangatuwiran ng Diyablo, lalo naman siyang kumbinsido na katotohanan ang sinasabi ng Diyablo. Si Pablo ay nagbabala: “Mag-ingat kayo: baka may bumihag sa inyo sa pamamagitan ng pilosopya at walang kabuluhang pagdaraya ayon sa sali’t-saling sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.” (Colosas 2:8) Binanggit din ng apostol na “sa pamamagitan ng madulas na pangungusap at mga pananalitang papuri ay dinadaya [ng mga apostata] ang mga puso ng mga taong walang malay.” (Roma 16:17, 18; ihambing ang 2 Corinto 11:13-15.) Mangyari pa, ang bagay na ang ilan ay nadadala ng ganiyang uri ng propaganda ay hindi naman nangangahulugan na tayo’y susunod sa kanila. Gayunman, kailangang patuloy na alisto tayo.
16. Ang pagsunod sa anong mga babala ng Kasulatan ang tutulong sa atin na labanan ang pagsisikap ni Satanas na dayain at ihiwalay ang mga tao sa tunay na pagsamba?
16 Hindi nagbabago ang mga pamamaraan ng Diyablo magbuhat pa sa Eden. Siya’y gumagamit ng tusong mga pagtatanong at pinupukaw niya ang sariling kapakanan. Si Pedro ay sumulat: “Magkakaroon din ng mga bulaang guro sa gitna ninyo. Ang mga ito na rin ang lihim na magpapasok ng magpapahamak na mga sekta . . . At, may kasakiman na sa pamamagitan ng mga pakunwaring salita ay kanilang pagsasamantalahan kayo.” (2 Pedro 2:1-3) Ang isang bagay na pakunwari ay nilayon na magtingin na tunay o kung pakinggan ay tama. Sa 2 Timoteo 2:14-19, idiniin ni Pablo ang kahalagahan ng paggamit ng Salita ni Jehova upang ituwid ang mga bagay-bagay ngunit nagbabala na kailangang iwasan ang mga apostata, na ang ‘mga usapang walang kabuluhan ay labag sa kabanalan,’ sapagkat, sinabi niya, “ang kanilang salita ay kakalat na gaya ng gangrena.”
17, 18. (a) Paanong ang turong apostata ay gaya ng gangrena? (b) Anong babala ang ibinibigay ni apostol Pedro tungkol sa mga nagsisikap na ihiwalay tayo sa tunay na pagsamba? (c) Anong mga tanong ang sasagutin sa susunod na pag-aaral?
17 Isang angkop na paghahambing nga! Gaya ng gangrena, ang apostatang pangangatuwiran ay wala kundi dagling-kumakalat na kamatayan sa espirituwal. At yamang ang mga miyembro ng kongregasyon ay tulad ng isang katawan, may panganib na ang iba ay mahawa. Kung ang taong nagkakalat ng mga turong apostata ay hindi maipanunumbalik sa espirituwal na kalusugan sa pamamagitan ng maibigin ngunit matatag na pagkakapit ng lunas buhat sa Salita ng Diyos, ang pagputol sa miyembrong ito (ang pagtitiwalag) ang baka tanging lunas upang maingatan ang mga ibang miyembro ng katawan. (Ihambing ang Tito 1:10, 11.) Huwag sana kayong mahawahan ng nakamamatay na gangrena sa espirituwalidad! Manatiling nasa mabuting espirituwal na kalusugan sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagkahawa sa kaisipang apostata. Dinggin ang mainam na payo sa 2 Pedro 3:17, 18: “Kaya nga, mga minamahal, yamang mayroon kayo ng patiunang kaalamang ito, kayo’y magsipag-ingat upang huwag kayong maakay nila sa pamamagitan ng kamalian ng mga taong manlalabag-kautusan at maihiwalay kayo sa inyong katatagan. Hindi, kundi patuloy na magsilago kayo sa di-sana-nararapat na awa at sa kaalaman sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.”
18 Ngunit paano natin maiingatan ang ating sarili buhat sa apostasya? Paano natin maiingatan ang ating mga puso upang huwag pasukan ng apostasya ang pangangatuwiran? Ang mga tanong na ito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Papaano maaaring maiwala natin ang mga pakinabang sa espirituwal na paraiso ni Jehova?
◻ Bakit ang pagbabasa ng mga babasahing apostata ay katulad na rin ng pagbabasa ng mahahalay na babasahin?
◻ Ano ang maaaring gawin sakaling tayo’y tinanong tungkol sa mga ilang pamamarali ng mga apostata?
◻ Bakit ang mga turong apostata ay gaya ng gangrena?
[Larawan sa pahina 12]
Iyo bang sinusunog ang mga babasahing apostata?