ARALING ARTIKULO 45
Kung Paano Tayo Tinutulungan ng Banal na Espiritu
“May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”—FIL. 4:13.
AWIT 104 Tulong ng Banal na Espiritu ng Diyos
NILALAMANa
1-2. (a) Ano ang makakatulong sa atin na makapagtiis? Ipaliwanag. (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
“KAPAG naiisip ko ang problemang pinagdaanan ko, alam kong hindi ko iyon makakayanan kung ako lang.” Naisip mo na rin ba iyan? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Baka naisip mo iyan noong namatayan ka ng mahal sa buhay o nagkaroon ka ng malubhang sakit at nakayanan mo ito. Kapag binabalikan mo iyon, alam mong nakapagtiis ka dahil binigyan ka ng banal na espiritu ni Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan.”—2 Cor. 4:7-9.
2 Umaasa rin tayo sa tulong ng banal na espiritu para mapaglabanan ang impluwensiya ng sanlibutang ito. (1 Juan 5:19) Kailangan din nating makipaglaban sa “hukbo ng napakasasamang espiritu.” (Efe. 6:12) Para maharap ang mga problemang iyan, talakayin natin ang dalawang paraan ng pagtulong ng banal na espiritu. Pagkatapos, talakayin natin ang puwede nating gawin para lubusan tayong makinabang sa banal na espiritu.
NAGBIBIGAY NG LAKAS ANG BANAL NA ESPIRITU
3. Ano ang isang paraan ng pagtulong sa atin ni Jehova para makapagtiis sa mga problema?
3 Tinutulungan tayo ng espiritu ni Jehova sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng lakas para magampanan ang ating responsibilidad kahit may problema. Alam ni apostol Pablo na patuloy siyang nakapaglingkod kahit may mga problema dahil umasa siya sa “kapangyarihan ng Kristo.” (2 Cor. 12:9) Noong ikalawang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero, hindi lang siya lubusang nangaral—sinuportahan din niya ang sarili sa pinansiyal. Nanirahan siya sa Corinto, sa bahay nina Aquila at Priscila, na mga manggagawa ng tolda. Ganiyan din ang hanapbuhay ni Pablo, kaya may mga araw na nagtatrabaho siyang kasama nila. (Gawa 18:1-4) Ang banal na espiritu ay nagbigay kay Pablo ng lakas para makapangaral at makapagtrabaho.
4. Ayon sa 2 Corinto 12:7b-9, ano ang nagpapahirap kay Pablo?
4 Basahin ang 2 Corinto 12:7b-9. Sa tekstong ito, ano ang ibig sabihin ni Pablo nang banggitin niyang mayroon siyang “tinik sa laman”? Kapag natinik ka, siguradong masasaktan ka. Kaya parang sinasabi ni Pablo na pinapahirapan siya ng isang partikular na problema. Tinawag niya itong “isang anghel ni Satanas” na laging ‘sumasampal’ (‘humahampas,’ tlb.) sa kaniya. Maaaring hindi naman si Satanas o ang mga demonyo ang direktang nagbigay ng problema kay Pablo, na para bang nagtutusok ng tinik sa laman niya. Pero nang mapansin ng masasamang espiritung iyon ang “tinik,” malamang na lalo pa nila itong ibinaón, wika nga, para lalong mahirapan si Pablo. Ano ang ginawa niya?
5. Paano sinagot ni Jehova ang mga panalangin ni Pablo?
5 Noong una, gusto sana ni Pablo na alisin ni Jehova ang “tinik” na iyon. Inamin niya: “Tatlong beses akong nakiusap sa Panginoon na alisin ito.” Pero sa kabila ng mga panalangin ni Pablo, nandoon pa rin ang tinik. Ibig bang sabihin, binale-wala ni Jehova ang panalangin ni Pablo? Hindi! Sinagot ito ni Jehova. Hindi niya inalis ang problema, pero binigyan niya si Pablo ng lakas para makapagtiis. Sinabi ni Jehova: “Lubusang makikita ang kapangyarihan ko kapag mahina ang isa.” (2 Cor. 12:8, 9) At sa tulong ng Diyos, napanatili ni Pablo ang kagalakan at kapanatagan!—Fil. 4:4-7.
6. (a) Paano maaaring sagutin ni Jehova ang mga panalangin natin? (b) Sa binanggit na mga teksto, anong mga katiyakan ang nagbibigay sa iyo ng lakas?
6 Gaya ni Pablo, nasubukan mo na rin bang makiusap kay Jehova na alisin ang problema mo? Baka maraming beses ka nang taimtim na nanalangin pero nandiyan pa rin ang problema, o mas lumala pa nga. Inisip mo ba na baka hindi nalulugod sa iyo si Jehova? Kung oo, alalahanin si Pablo. Kung paanong sinagot ni Jehova ang mga panalangin niya, siguradong sasagutin din ni Jehova ang mga panalangin mo! Baka hindi alisin ni Jehova ang problema. Pero sa pamamagitan ng banal na espiritu, bibigyan ka niya ng lakas na kailangan mo para makapagtiis. (Awit 61:3, 4) Posibleng ‘mapabagsak’ ka, pero hindi ka iiwan ni Jehova.—2 Cor. 4:8, 9; Fil. 4:13.
TINUTULUNGAN TAYO NG BANAL NA ESPIRITU PARA PATULOY NA MAKAPAGLINGKOD
7-8. (a) Sa anong paraan gaya ng hangin ang banal na espiritu? (b) Paano inilarawan ni Pedro ang pagkilos ng banal na espiritu?
7 Paano pa tayo tinutulungan ng banal na espiritu? Kung paanong itinutulak ng hangin ang isang barko sa mabagyong dagat, ganiyan din ang ginagawa ng banal na espiritu para malampasan natin ang tulad-bagyong mga problema at marating ang ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos.
8 Bilang mangingisda, maraming alam si apostol Pedro sa paglalayag. Ito siguro ang dahilan kung kaya nang ilarawan niya ang pagkilos ng banal na espiritu, gumamit siya ng ekspresyon na posibleng may kaugnayan sa paglalayag. Isinulat niya: “Ang hula ay hindi kailanman dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.” Ang salitang Griego na isinaling “ginagabayan” ay literal na nangangahulugang “dinadala.”—2 Ped. 1:21; tlb.
9. Anong paglalarawan ang maiisip natin sa paggamit ni Pedro ng salitang “dinadala”?
9 Anong paglalarawan ang maiisip natin sa paggamit ni Pedro ng salitang “dinadala”? Isang halos katulad na anyo ng salitang Griego para sa “dinadala” ang ginamit din ni Lucas, manunulat ng Gawa, para ilarawan ang isang barko na ‘tinatangay’ ng hangin. (Gawa 27:15) Kaya nang isulat ni Pedro na ang mga manunulat ng Bibliya ay “dinadala,” gumamit siya ng “napakagandang metapora tungkol sa paglalayag,” gaya ng sinabi ng isang iskolar ng Bibliya. Para na ring sinabi ni Pedro na kung paanong itinutulak ng hangin ang barko para makarating sa destinasyon nito, ginagabayan din ng banal na espiritu ang mga propeta at manunulat ng Bibliya para magawa ang atas nila. Dagdag pa ng iskolar na iyon: “Iniladlad ng mga propeta ang layag nila, wika nga.” Ginawa ni Jehova ang papel niya. Naglaan siya ng “hangin,” o banal na espiritu. Ginawa naman ng mga manunulat ng Bibliya ang papel nila. Sumunod sila sa paggabay ng espiritung iyon.
10-11. Anong dalawang hakbang ang kailangan nating gawin para matiyak na ginagabayan tayo ng banal na espiritu? Ilarawan.
10 Sa ngayon, hindi na ginagamit ang banal na espiritu para gabayan ang mga tao na sumulat ng mga aklat ng Bibliya. Pero ginagabayan pa rin ng banal na espiritu ang bayan ng Diyos. Ginagawa pa rin ni Jehova ang papel niya. Paano tayo makikinabang sa banal na espiritu ng Diyos? Kailangan nating tiyakin na patuloy nating ginagawa ang ating papel. Paano?
11 Halimbawa, para makinabang sa hangin, dalawang bagay ang dapat gawin ng isang naglalayag. Una, dapat niyang ipuwesto ang barko sa lugar kung saan malakas ang hangin. Hindi kasi aandar ang barko kung nasa daungan lang ito na malayo sa lugar kung saan humihihip ang hangin. Ikalawa, kailangan niyang iladlad nang mabuti ang layag. Siyempre, kahit malakas ang hangin, hindi aandar ang barko kung walang layag na sasalo sa hangin. Sa katulad na paraan, makakapagpatuloy lang tayo sa paglilingkod kay Jehova kung tutulungan tayo ng banal na espiritu. Para makinabang sa espiritung iyan, dalawang hakbang ang dapat nating gawin. Una, dapat tayong pumunta kung saan naroon ang espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng pakikibahagi sa espirituwal na mga gawain. Ikalawa, kailangan nating iladlad nang mabuti ang ating layag, wika nga, sa pamamagitan ng lubusang pakikibahagi sa mga gawaing iyan. (Awit 119:32) Kung gagawin natin ang mga ito, tutulungan tayo ng banal na espiritu na malampasan ang tulad-alon na mga pagsubok at patuloy na makapaglingkod nang tapat kay Jehova hanggang sa bagong sanlibutan.
12. Ano naman ang tatalakayin natin ngayon?
12 Natalakay na natin ang dalawang paraan kung paano tayo tinutulungan ng banal na espiritu. Binibigyan tayo nito ng lakas at tinutulungang manatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok. Tinutulungan din tayo nitong patuloy na maglingkod at manatili sa daan tungo sa buhay na walang hanggan. Tatalakayin naman natin ngayon ang apat na bagay na dapat nating gawin para lubusang makinabang sa banal na espiritu.
LUBUSANG MAKINABANG SA BANAL NA ESPIRITU
13. Ayon sa 2 Timoteo 3:16, 17, ano ang magagawa ng Kasulatan para sa atin, pero ano ang dapat nating gawin?
13 Una, pag-aralan ang Salita ng Diyos. (Basahin ang 2 Timoteo 3:16, 17.) Sa Griego, ang pananalitang “mula sa Diyos” ay literal na nangangahulugang “hiningahan ng Diyos.” Ginamit ng Diyos ang kaniyang espiritu para “ihinga,” o ilagay, ang kaisipan niya sa isip ng mga manunulat ng Bibliya. Kapag binabasa natin ang Bibliya at binubulay-bulay ito, pumapasok sa isip at puso natin ang mga tagubilin ng Diyos. Ang mga kaisipang iyan mula sa Diyos ang nag-uudyok sa atin na iayon ang ating buhay sa kalooban Niya. (Heb. 4:12) Pero para lubusang makinabang sa banal na espiritu, dapat na regular nating pag-aralan ang Bibliya at bulay-bulayin ito. Sa gayon, maiimpluwensiyahan nito ang lahat ng ating sinasabi at ginagawa.
14. (a) Bakit natin masasabing “humihihip ang hangin” sa ating mga Kristiyanong pagpupulong? (b) Paano tayo makakadalo nang “nakaladlad ang layag”?
14 Ikalawa, sama-samang sambahin ang Diyos. (Awit 22:22) Sa diwa, “humihihip ang hangin” sa ating mga Kristiyanong pagpupulong. Naroon kasi ang espiritu ni Jehova. (Apoc. 2:29) Bakit natin nasabi iyan? Dahil kapag nagtitipon tayo kasama ng mga kapatid, tayo ay nananalangin para sa banal na espiritu, kumakanta ng mga awiting pang-Kaharian batay sa Salita ng Diyos, at nakikinig sa salig-Bibliyang mga pahayag ng mga kapatid na hinirang ng banal na espiritu. Ang espiritu ring iyon ang tumutulong sa mga sister na ihanda at gampanan ang mga bahagi nila. Pero para lubusang makinabang sa banal na espiritu, kailangang maghanda tayo para makapagkomento sa pulong. Sa paraang iyon, dumadalo tayo sa pulong nang “nakaladlad ang layag.”
15. Paano masasabing nagpapatulong tayo sa banal na espiritu sa ating ministeryo?
15 Ikatlo, mangaral. Kapag ginagamit natin ang Bibliya sa pangangaral at pagtuturo, nagpapatulong tayo sa banal na espiritu. (Roma 15:18, 19) Pero para lubusang makinabang sa espiritu ng Diyos, dapat na regular kang mangaral at gamitin mo ang Bibliya hangga’t posible. Ang isang paraan para maging mas epektibo ka sa ministeryo ay ang paggamit ng sampol na pakikipag-usap sa Workbook sa Buhay at Ministeryo.
16. Ano ang pinakadirektang paraan para tumanggap ng banal na espiritu?
16 Ikaapat, manalangin kay Jehova. (Mat. 7:7-11; Luc. 11:13) Ang pinakadirektang paraan para tumanggap ng banal na espiritu ay hilingin ito kay Jehova sa panalangin. Walang puwedeng humadlang sa mga panalangin natin kay Jehova at wala ring puwedeng humadlang sa pagtanggap natin ng espiritu ng Diyos—kahit pa ang bilangguan o si Satanas. (Sant. 1:17) Paano tayo dapat manalangin para lubusang makinabang sa banal na espiritu? Para masagot iyan, pag-aralan natin ang isang ilustrasyon tungkol sa panalangin na makikita lang sa Ebanghelyo ni Lucas.b
MATIYAGANG MANALANGIN
17. Anong aral tungkol sa panalangin ang matututuhan natin sa ilustrasyon ni Jesus sa Lucas 11:5-9, 13?
17 Basahin ang Lucas 11:5-9, 13. Ipinapakita ng ilustrasyon ni Jesus kung paano tayo dapat manalangin para sa banal na espiritu. Sa ilustrasyon, natanggap ng lalaki ang kailangan niya “dahil sa mapilit siya.” Hindi siya natakot na humingi ng tulong sa kaibigan niya kahit gabing-gabi na.c Paano ito iniugnay ni Jesus sa panalangin? Sinabi niya: “Patuloy na humingi at bibigyan kayo, patuloy na maghanap at makakakita kayo, patuloy na kumatok at pagbubuksan kayo.” Ang aral? Para tumanggap ng tulong ng banal na espiritu, dapat natin itong matiyagang ipanalangin.
18. Ayon sa ilustrasyon ni Jesus, bakit tayo makakatiyak na bibigyan tayo ni Jehova ng banal na espiritu?
18 Ipinapakita rin ng ilustrasyon ni Jesus kung bakit tayo makakatiyak na bibigyan tayo ni Jehova ng banal na espiritu. Sa ilustrasyon, gusto ng lalaki na maging mapagpatuloy. Iniisip niyang dapat niyang pakainin ang kaniyang bisita na gabing-gabi nang dumating, pero wala siyang maibigay. Sinabi ni Jesus na tumugon ang kapitbahay ng lalaki kasi mapilit ito sa paghingi ng tinapay. Ano ang punto ni Jesus? Kung ang isang di-perpektong tao ay handang tumulong sa mapilit na kapitbahay, lalo nang handang tumulong ang ating mabait na Ama sa langit sa matiyagang humihingi sa kaniya ng banal na espiritu! Kaya makakatiyak tayo na sasagutin ni Jehova ang mga panalangin natin para sa banal na espiritu.—Awit 10:17; 66:19.
19. Bakit tayo makakatiyak na magtatagumpay tayo?
19 Makakatiyak tayo na sa kabila ng walang-tigil na pag-atake ni Satanas sa atin, magtatagumpay tayo. Bakit? Dahil tinutulungan tayo ng banal na espiritu sa dalawang paraan. Una, binibigyan tayo nito ng lakas na kailangan natin para matiis ang mga problema. Ikalawa, ito ang “hanging humihihip sa ating layag,” o ang puwersang tumutulong sa atin para patuloy na makapaglingkod kay Jehova hanggang sa bagong sanlibutan. Maging determinado nawa tayo na lubusang makinabang sa banal na espiritu!
AWIT 41 Pakinggan Sana ang Aking Dalangin
a Ipinapaliwanag sa artikulong ito kung paano tayo matutulungan ng banal na espiritu ng Diyos na makapagtiis. Tinatalakay rin dito kung paano tayo lubusang makikinabang sa banal na espiritu.
b Higit sa iba pang manunulat ng Ebanghelyo, itinampok ni Lucas na ang panalangin ay isang mahalagang bahagi sa buhay ni Jesus.—Luc. 3:21; 5:16; 6:12; 9:18, 28, 29; 18:1; 22:41, 44.
c Tingnan ang study note na “may-tapang na pagpupumilit” sa Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo, Hulyo 2018, pahina 9.
d LARAWAN: UNANG HAKBANG: Dumating ang isang brother at sister sa Kingdom Hall. Sa pagdalo sa pulong kasama ng mga kapatid, nagpupunta sila sa lugar kung saan naroon ang espiritu ni Jehova. IKALAWANG HAKBANG: Handa silang makibahagi sa pulong. Totoo rin ang dalawang hakbang na ito para sa ibang gawain na tinalakay sa artikulong ito: pag-aaral ng Salita ng Diyos, pangangaral, at pananalangin kay Jehova.