Patuloy na Mamuhay Bilang mga Anak ng Diyos
“Ang sinomang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos, ni ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid.”—1 JUAN 3:10.
1, 2. Samantalang ipinagpapatuloy natin ang pag-aaral ng Unang Juan, anong payo ng apostol ang ating isasaalang-alang?
SI Jehova ay may pansansinukob na pamilya, at may mga tao ngayon na bahagi nito. Sila’y mga anak ng Diyos. Subalit paano ba sila naiiba?
2 Sa kaniyang unang kinasihang liham, ipinakikilala ni apostol Juan ang lubhang pinagpalang mga taong ito. Siya’y nagbibigay rin ng payo na tumutulong sa kanila na magpatuloy ng pamumuhay bilang mga anak ng Diyos. At ang kaniyang sinasabi ay pakikinabangan ng lahat ng nag-alay na mga saksi ni Jehova.
Anong Pagkadaki-dakila ng Pag-ibig ng Diyos!
3. Paanong ang mga iba ay ginawang “mga anak ng Diyos,” at ano ang pagkamalas sa kanila ng sanlibutan?
3 Binabanggit ni Juan ang pag-asa ng mga pinahirang Kristiyano. (Basahin ang 1 Juan 3:1-3.) Anong pagkadaki-dakilang pag-ibig ang ipinakita ni Jehova sa pamamagitan ng pag-ampon sa kanila bilang mga espirituwal na anak, na ginagawa silang “mga anak ng Diyos”! (Roma 5:8-10) Ang kanilang espiritu ng kabanalan, mga layunin, at mga pag-asa ay hindi taglay ng “sanlibutan”—ang di-matuwid na lipunan ng sangkatauhan. Ang gayong makasanlibutang lipunan ay napopoot kay Kristo at sa kaniyang mga tagasunod at sa gayon ay pati sa Ama. (Juan 15:17-25) Kaya’t ang mga pinahiran ay maaaring nakikilala ng sanlibutan bilang mga indibiduwal ngunit hindi bilang mga anak ng Diyos sapagkat “hindi nito nakikilala” si Jehova.—1 Corinto 2:14.
4. Sinomang may pag-asa sa makalangit na buhay ay dapat gumawa ng ano?
4 Sa mismong sandaling ito, ang mga pinahiran ay mga anak ng Diyos. “Ngunit,” ang sabi ni Juan, “hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo” pagkatapos na mamatay sa katapatan at buhaying muli tungo sa makalangit na buhay na taglay ang mga katawang espiritu. (Filipos 3:20, 21) Gayunman, pagka ang Diyos ay ‘nahayag,’ sila ay magiging “katulad niya” at siya’y kanilang “makikitang gaya ng kaniyang sarili,” gaya ni “Jehova na Espiritu.” (2 Corinto 3:17, 18) Sinoman na mayroon ng “pag-asang ito” na pagtatamo ng buhay sa langit ay dapat na pakilusing maglinis ng kaniyang sarili “gaya ng isang iyon [si Jehova] na malinis.” Bagaman ang mga pinahiran ay di sakdal ngayon, sila ay kailangang mamuhay nang may kalinisan at kasuwato ng kanilang pag-asa na makita ang malinis, banal na Diyos sa kalangitan.—Awit 99:5, 9; 2 Corinto 7:1.
Mamihasa sa Paggawa ng Katuwiran
5, 6. Bawat namimihasa sa pagkakasala ay gumagawa ng ano kung ayon sa pangmalas ng Diyos, ngunit tungkol dito, ano ang totoo tungkol sa mga nananatiling “kaisa” ni Jesu-Kristo?
5 Ang pamumuhay bilang mga anak ng Diyos ay nangangahulugan din ng paggawa ng mga bagay na matuwid. (Basahin ang 1 Juan 3:4, 5.) “Bawat namimihasa sa kasalanan ay namimihasa rin sa paglabag sa kautusan” ayon sa pangmalas ni Jehova, na ang mga batas ay nilalabag ng nagkakasala. (Isaias 33:22; Santiago 4:12) Lahat ng “kasalanan ay paglabag sa kautusan,” pagsuway sa mga batas ng Diyos. Ang pamimihasa sa kasalanan ay laban sa espiritung Kristiyano, at tayo’y nagpapasalamat na si Jesu-Kristo “ay nahayag” bilang isang tao na “mag-aalis ng ating mga kasalanan.” Yamang “siya’y walang kasalanan,” naihandog niya sa Diyos ang kaisa-isang lubusang nagtatakip-kasalanang hain.—Isaias 53:11, 12; Hebreo 7:26-28; 1 Pedro 2:22-25.
6 “Bawat nananatiling kaisa niya [ng Anak] ay hindi namimihasa sa pagkakasala.” (Basahin ang 1 Juan 3:6.) Palibhasa’y di-sakdal, tayo’y baka nagkakasala kung minsan. Subalit ang pagkakasala ay hindi isang kaugalian sa mga nananatiling kaisa ng Anak at sa gayo’y kaisa ng Ama. Ang namimihasa sa pagkakasala ay hindi “nakakakita” kay Jesus sa pamamagitan ng mata ng pananampalataya; at ang gayong mga namihasa na sa pagkakasala na gaya baga ng mga apostata ay hindi “nakakakilala” at nagpapahalaga kay Kristo bilang ang “Kordero ng Diyos” na nagtatakip-kasalanan.—Juan 1:36.
7, 8. Sang-ayon sa 1 Juan 3:7, 8, ang sadyang namimihasa sa pagkakasala ay nagmumula kanino, ngunit ang Anak ng Diyos “ay nahayag” upang gawain ang ano kung tungkol dito?
7 Si Juan ay nagbababala laban sa pagkadaya. (Basahin ang 1 Juan 3:7, 8.) “Huwag kayong padaya kaninoman,” ang sabi ng apostol, at sinabi pa: “Siyang gumagawa ng katuwiran [sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan ng Diyos] ay matuwid, gaya ng isang iyon [si Jesu-Kristo] na matuwid.” Dahil sa tayo’y makasalanan kaya hindi tayo maaaring maging kasing matuwid ng Dakilang Halimbawa. Subalit dahilan sa di-sana nararapat na awa ni Jehova, ang pinahirang mga tagasunod ni Jesus ay maaari na ngayong patuloy na mamuhay bilang mga anak ng Diyos.
8 Ang sadyang namimihasa sa pagkakasala ay nagmumula “sa Diyablo,” na nagkakasala na sa “mula’t-sapol” ng kaniyang paghihimagsik kay Jehova. Subalit ang Anak ng Diyos “ay nahayag” upang “iwasak” ang “mga gawa” ni Satanas na panghihikayat tungo sa kasalanan at kasamaan. Kasali na rito ang pagbuwag sa mga epekto ng Adamikong kamatayan sa pamamagitan ng pagtatakip sa kasalanan sa pamamagitan ni Kristo at ng pagbuhay muli sa mga patay na nasa Sheol (Hades), at gayundin ng pagdurog sa ulo ni Satanas. (Genesis 3:15; 1 Corinto 15:26) Samantala, tayo, ang pinahirang nalabi at ang “malaking pulutong,” ay dapat mag-ingat laban sa pamimihasa sa kasalanan at kalikuan.
Sundin ang Kautusan ng Diyos
9. Sa anong diwa na ang inianak-sa-espiritung Kristiyano ay “hindi makapamimihasa sa pagkakasala,” at bakit nga gayon?
9 Susunod ay nakikita ni Juan ang pagkakaiba ng mga anak ng Diyos at ng mga anak ng Diyablo. (Basahin ang 1 Juan 3:9-12.) Ang sinomang “ipinanganak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala,” o namimihasa rito. Ang “binhi [ni Jehova] sa pag-aanak,” o banal na espiritu na nagbibigay sa isa ng “isang bagong kapanganakan” na taglay ang makalangit na pag-asa, ay nananatili sa indibiduwal maliban sa ito’y tanggihan niya at sa gayo’y ‘pinamimighati’ ang espiritu, kaya naman inaalis iyon ng Diyos sa kaniya. (1 Pedro 1:3, 4, 18, 19; Efeso 4:30) Upang manatiling isa sa mga anak ng Diyos, ang inianak-sa-espiritung Kristiyano ay “hindi maaaring mamihasa sa pagkakasala.” Bilang isang “bagong nilalang” na may “bagong personalidad,” siya’y nakikipagpunyagi laban sa kasalanan. Siya’y “nakatakas na buhat sa kabulukan na nasa sanlibutan dahil sa masamang pita,” at sa kaniyang puso ay wala siyang hangad na mamihasa sa pagkakasala.—2 Corinto 5:16, 17; Colosas 3:5-11; 2 Pedro 1:4.
10. Paano makikilala ang pagkakaiba ng mga anak ng Diyos at ng mga anak ng Diyablo?
10 Ganito makikilala ang pagkakaiba ng mga anak ng Diyos at ng mga anak ng Diyablo: “Ang sinomang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos.” Ang kalikuan ay kinaugalian na ng mga anak ng Diyablo na anupat sila’y “hindi natutulog maliban na sila’y nakagawa ng kasamaan, at ang kanilang tulog ay napapawi maliban na sila’y nakatisod,” at ito ang nais na gawin ng mga apostata sa tapat na mga Kristiyano.—Kawikaan 4:14-16.
11. (a) Ano ang isa pang paraan upang makilala yaong mga hindi anak ng Diyos? (b) Ang pagbubulay-bulay sa ginawa ni Cain ay dapat mag-udyok sa atin na gawin ang ano?
11 Gayundin, “hindi sa Diyos [yaong isa] na hindi umiibig sa kaniyang kapatid.” Sa katunayan, ang “pasabi” na narinig natin “buhat nang pasimula” ng ating buhay bilang mga Saksi ni Jehova ay na “mag-ibigan tayo sa isa’t-isa.” (Juan 13:34) Kaya’t tayo’y “hindi gaya ni Cain,” na nagpakitang siya’y “nagmula sa balakyot,” dahil sa ‘pinatay niya ang kaniyang kapatid’ sa marahas na paraan gaya ng kaugalian ng mamamatay-taong si Satanas. (Genesis 4:2-10; Juan 8:44) Pinatay ni Cain si Abel “sapagkat ang kaniyang sariling mga gawa ay balakyot, ngunit yaong sa kaniyang kapatid ay matuwid.” Tunay, ang pagbubulay-bulay sa ginawa ni Cain ay dapat mag-udyok sa atin na mag-ingat laban sa ganoon ding pagkapoot sa ating mga espirituwal na kapatid.
Umibig Ayon “sa Gawa at sa Katotohanan”
12. Paano natin “nalalaman na tayo’y nangalipat na sa buhay mula sa kamatayan,” at ano ang ibig sabihin nito?
12 Kung si Cain ang gagayahin natin, tayo’y mamamatay sa espirituwal. (Basahin ang 1 Juan 3:13-15.) Kaniyang kinapootan ang kaniyang kapatid hanggang sa kaniyang patayin ito, at hindi natin ipinagtataka na tayo man ay kinapopootan din ng sanlibutan, sapagkat ito’y inihula ni Jesus. (Marcos 13:13) Ngunit “nalalaman natin [o, nagtitiwala tayo] na tayo’y nangalipat na sa buhay [na walang hanggan] mula sa [espirituwal] na kamatayon, sapagkat ating iniibig ang mga kapatid,” ang ating mga kapuwa Saksi ni Jehova. Dahilan sa pag-ibig pangkapatirang iyan, lakip na ang pananampalataya sa Kristo, tayo ay hindi na ‘patay’ sa mga pagsalansang at kasalanan, kundi tayo’y naalis na sa Kaniyang sumpa, at tayo’y binuhay na buhat sa espirituwal na kamatayan, at binigyan ng pag-asang buhay na walang hanggan. (Juan 5:24; Efeso 2:1-7) Ang salat sa pag-ibig na mga apostata ay wala ng ganiyang pag-asa, sapagkat “ang hindi umiibig ay nananatili sa [espirituwal] na kamatayan.”
13. Kung tayo’y napopoot sa ating kapatid, bakit tayo dapat manalangin dahil dito?
13 Oo, “sinomang napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao.” Marahil ay hindi naman literal na pagpatay iyon (gaya ng pagpatay ni Cain kay Abel dahilan sa inggit at pagkapoot), ngunit ang napopoot ay nagnanais na mamatay na sana ang kaniyang espirituwal na kapatid. Yamang nababasa ni Jehova ang puso, ang taong napopoot ay hinahatulan niya. (Kawikaan 21:2; ihambing ang Mateo 5:21, 22.) Ang gayong “mamamatay-tao” na hindi nagsisisi, o napopoot sa kaniyang kapananampalataya, “ay hindi pinananahanan ng buhay na walang-hanggan.” Kaya’t kung tayo’y napopoot sa kaninumang kapuwa Saksi, di ba dapat tayong manalangin na tulungan tayo ni Jehova na baguhin ang ating espiritu upang mahalinhan iyon ng pag-ibig-kapatid?
14. Hanggang sa anong sukdulan tinatawagan tayo na magpakita ng pag-ibig-kapatid?
14 Kung ibig nating tayo’y patuloy na mamuhay bilang mga anak ng Diyos, tayo’y magpakita ng pag-ibig-kapatid ayon sa salita at gawa. (Basahin ang 1 Juan 3:16-18.) Ito’y posible, sapagkat ating “nakikilala ang pag-ibig, dahil sa ibinigay ng isang iyon [si Jesu-Kristo] ang kaniyang kaluluwa [o, “buhay”] alang-alang sa atin.” Yamang si Jesus ay nagpakita ng pag-ibig hanggang sa sukdulang iyan, tayo’y dapat ding magpakita ng gayong may simulaing pag-ibig (Griego, a·gaʹpe) para sa mga kapananampalataya. Sa mga panahon ng pag-uusig, halimbawa, “nasa ilalim tayo ng obligasyon na ibigay ang ating mga kaluluwa dahil sa ating mga kapatid,” gaya nina Prisca at Aquila na “nagsapanganib ng kanilang sariling mga leeg dahil sa kaluluwa [ni apostol Pablo].”—Roma 16:3, 4; Juan 15:12, 13.
15. Kung ang isang kapatid ay nangangailangan at tayo’y mayroon ng “panustos-buhay ng sanlibutang ito,” dahil sa pag-ibig ay ano ang gagawin natin?
15 Kung alang-alang sa ating mga kapatid ay ibibigay natin ang ating buhay, dapat na handa rin tayong gumawa ng di-gaanong mabibigat na bagay alang-alang sa kanila. Halimbawa ay mayroon tayo ng “mga panustos-buhay ng sanlibutang ito”—salapi, pagkain, damit, at iba pa, na posibleng makamtan sa sanlibutan. Baka ating ‘nakikita’ ang isang kapatid na nangangailangan, at hindi lamang pahapyaw na nakikita natin ito kundi pinagmamasdan pa natin ang katayuan. Sa ganiyang pagkakita sa kaniyang kalagayan baka “ang pinto” ng ating “malumanay na awa,” o pinakamatitinding damdamin ay mabuksan. Subalit ano kung ating biglang isasara ‘ang pintong’ iyon kung dahil sa kaimbutan ay mapipigil ang ating layunin na tulungan siya? Kung gayon “paano mananahan ang pag-ibig ng Diyos” sa atin? Hindi sapat ang basta magsalita tungkol sa pag-ibig-kapatid. Bilang mga anak ng Diyos, kailangang makita ito sa atin “sa gawa at katotohanan.” Halimbawa, kung ang isang kapatid ay nagugutom, siya’y nangangailangan ng pagkain, hindi lamang ang kailangan niya’y mga salita.—Santiago 2:14-17.
Mga Puso na Hindi Humahatol sa Atin
16. (a) Paanong ang Diyos ay “lalong dakila kaysa ating mga puso”? (b) Sang-ayon kay Juan, bakit sinasagot ni Jehova ang ating mga panalangin?
16 Ang susunod na binabanggit ni Juan ay mga katiyakan na tayo’y mga anak ni Jehova. (Basahin ang 1 Juan 3:19-24.) “Makikilala natin na tayo’y sa katotohanan” at hindi mga biktima ng panlilinlang ng mga apostata “sa pamamagitan nito”—ng bagay na tayo’y nagpapakita ng pag-ibig-kapatid. Sa gayo’y ating ‘pinapanatag ang ating mga puso’ sa harap ng Diyos. (Awit 119:11) Kung tayo’y hinahatulan ng ating mga puso, baka ito’y dahil sa inaakala nating ang ating mga kapananampalataya ay hindi natin pinagpakitaan ng sapat na pag-ibig, alalahanin na “ang Diyos ay lalong dakila kaysa ating mga puso at nalalaman niya ang lahat ng bagay.” Siya’y maawain sapagkat alam niya ang ating “walang paimbabaw na mga pagmamahal sa kapatid,” ang ating pakikipagbaka laban sa pagkakasala, at ang ating pagsisikap na mamuhay sa paraan na kalugud-lugod sa kaniya. (1 Pedro 1:22; Awit 103:10-14.) “Kung tayo’y hindi hinahatulan ng ating puso” dahilan sa mga gawang nagpapatunay ng ating pag-ibig sa kapatid, at tayo’y hindi nagkakasala ng lihim na mga kasalanan, “tayo’y may kalayaan ng pagsasalita sa harap ng Diyos” kung nananalangin tayo. (Awit 19:12) At kaniyang sinasagot ang ating mga panalangin “sapagkat tinutupad natin ang kaniyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na nakalulugod sa kaniyang paningin.”
17. Ang “mga utos” ng Diyos ay tungkol sa anong dalawang kahilingan?
17 Kung inaasahan natin na sasagutin ang ating mga panalangin, kailangan na sundin natin ang “utos” ng Diyos tungkol sa dalawang kahilingang ito: (1) Kailangang may pananampalataya tayo sa “pangalan” ni Jesus, na anupat naniniwala tayo sa pantubos at kinikilala ang kaniyang bigay-Diyos na autoridad. (Filipos 2:9-11) (2) Kailangan din na tayo ay “nag-iibigan sa isa’t-isa” gaya ng iniutos ni Jesus. (Juan 15:12, 17) Oo, sinoman na may pananampalataya sa pangalan ni Kristo ay dapat umibig sa lahat ng mga iba pang may gayong pananampalataya.
18. Paano natin nalalaman na si Jehova ay “nananatiling kaisa natin”?
18 Ang isang taong tumutupad ng mga utos ng Diyos ay “nananatiling kaisa niya,” na may pakikipagkaisa kay Jehova. (Ihambing ang Juan 17:20, 21.) Ngunit paano “nakikilala natin” na ang Diyos ay “nananatiling kaisa natin”? Alam natin ito “dahil sa [banal na] espiritu na kaniyang ibinigay sa atin.” Ang pagkakaroon ng banal na espiritu ng Diyos at ang katangian na ipakita ang bunga nito, kasali na ang pag-ibig-kapatid, ay patotoo na tayo ay kaisa ni Jehova.—Galacia 5:22, 23.
Maging Mapagbantay!
19, 20. Bakit natin dapat “subukin ang mga kinasihang pananalita,” at ano ang tulong na ibinibigay ni Juan tungkol sa bagay na ito?
19 Susunod ay ipinakikita ni Juan kung paano tayo dapat maging mapagbantay. (Basahin ang 1 Juan 4:1.) Huwag tayong maniniwala sa bawat espiritu, o “mga kinasihang pananalita,” kundi dapat na ating “subukin ang mga kinasihang pananalita upang mapatunayan kung ang mga ito’y nanggagaling sa Diyos.” Bakit? “Sapagkat maraming bulaang propeta na naglipana sa sanlibutan.” Ang ilan sa mga magdarayang gurong ito ay naglalakbay noon paroo’t-parito, nakikihalubilo sa iba’t-ibang kongregasyon, at sinisikap nilang “makaakit ng magiging mga alagad nila.” (Gawa 20:29, 30; 2 Juan 7) Kaya ang mga mananampalataya ay kailangang maging mapagbantay.
20 May mga Kristiyano noong unang siglo na mayroong “pagkaunawa sa mga kinasihang kapahayagan,” isang kahima-himalang kaloob ng aktibong puwersa ng Diyos na marahil nagpapangyari sa kanila na tiyakin kung ang kinasihang mga pananalitang iyon ay nanggagaling kay Jehova. (1 Corinto 12:4, 10) Subalit ang babala ni Juan ay waring kumakapit sa mga Kristiyano sa pangkalahatan at nakatutulong sa ngayon pagka ang mga apostata ay nagsisikap na sirain ang pananampalataya ng mga Saksi ni Jehova. Bagamat ang kaloob ng espiritu na ‘pagkaunawa sa kinasihang mga kapahayagan’ ay lumipas na, ang mga salita ni Juan ang tumutulong upang matiyak kung ang mga guro ay pinakikilos ng espiritu ng Diyos o ng impluwensiya ng mga demonyo.
21. Ano ang isang paraan ng pagsubok sa “mga kinasihang pananalita”?
21 Pansinin ang isang paraan ng pagsubok. (Basahin ang 1 Juan 4:2, 3.) “Bawat kinasihang pananalita na nagpapahayag na si Jesu-Kristo’y naparito sa laman ay nagmumula sa Diyos.” Kinikilala natin na si Jesus noong minsan ay namuhay bilang isang tao at siya ay Anak ng Diyos, at ang ating pananampalataya ang nag-uudyok sa atin na turuan ang mga iba ng gayong katotohanan. (Mateo 3:16, 17; 17:5; 20:28; 28:19, 20) “Ngunit bawat kinasihang pananalita na hindi ipinahahayag si Jesus ay hindi nagmumula sa Diyos.” Bagkus, “ito ang sa antikristong kinasihang pananalita” laban kay Kristo at laban sa itinuturo ng Kasulatan tungkol sa kaniya. Maliwanag, si Juan at ang mga iba pang apostol ay nagbabala na darating noon “ang kinasihang pananalita ng antikristo.” (2 Corinto 11:3, 4; 2 Pedro 2:1) Yamang ang mga bulaang guro noon ay nagbabanta sa mga tunay na Kristiyano kaya naman sinabi ni Juan, “Ngayon ay naririto na ito sa sanlibutan.”
22. Ano ang isa pang paraan upang masubok “ang mga kinasihang pananalita”?
22 Isa pang paraan upang subukin ang mga “kinasihang pananalita” ay ang pansinin kung sino ang nakikinig sa mga iyan. (Basahin ang 1 Juan 4:4-6.) Bilang mga lingkod ni Jehova, ating “dinaig,” o napagtagumpayan, ang mga bulaang guro, pinagtagumpayan natin ang kanilang mga pagtatangka na ilayo tayo sa katotohanan ng Diyos. Ang espirituwal na tagumpay na ito ay nangyari sapagkat ang Diyos, na “kaisa” ng tapat na mga Kristiyano, “ay lalong dakila kaysa kaniya [ang Diyablo] na kaisa ng sanlibutan,” o ng di-matuwid na lipunan ng mga tao. (2 Corinto 4:4) Dahil sa ang mga apostata ay “nagmumula sa sanlibutan,” at taglay nila ang balakyot na espiritu nito, “ang kanilang sinasalita ay yaong nanggagaling sa sanlibutan at ang sanlibutan ang nakikinig sa kanila.” Yamang taglay natin ang espiritu ni Jehova, ating nakikilala ang di-espirituwal na kaurian ng kanilang mga “kinasahang pananalita” kaya naman ating tinatanggihan ang mga ito.
23. Sino ang nakikinig sa atin at kumikilala na tayo’y inaakay ng espiritu ng Diyos?
23 Subalit batid natin na tayo’y “nagmumula sa Diyos” sapagkat “ang nagtatamo ng kaalaman ng Diyos ay makikinig sa atin.” Ang mga taong tulad-tupa ay nakababatid na katotohanan na nakasalig sa Salita ng Diyos ang itinuturo natin. (Ihambing ang Juan 10:4, 5, 16, 26, 27.) Mangyari pa, “ang hindi nagmumula sa Diyos ay hindi nakikinig sa atin.” Ang mga bulaang propeta, o mga guro ay hindi nakinig kay Juan o sa mga iba pa na ‘nagmula sa Diyos’ at nagturo ng espirituwal na katotohanan. Kaya “ganito natin nakikilala ang kinasihang pananalita ng katotohanan at ang kinasihang pananalita ng kamalian.” Tayo na bumubuo ng pamilya ng mga sumasamba kay Jehova ay nagsasalita ng “dalisay na wika” ng maka-Kasulatang katotohanan na inilalaan sa pamamagitan ng organisasyon ng Diyos. (Zefanias 3:9) At buhat sa sinasabi natin, maliwanag na nakikilala ng mga taong tulad-tupa na tayo ay inaakay ng banal na espiritu ng Diyos.
24. Ano ang susunod na tatalakayin ni Juan?
24 Hanggang sa puntong ito, si Juan ay nagharap ng mga ilang saligang kahilingan na kailangang matugunan natin kung ibig nating patuloy na mamuhay bilang mga anak ng Diyos. Susunod ay makikita natin kung bakit kailangang sa tuwina’y magpakita tayo ng pag-ibig at pananampalataya.
Ano ang Inyong Sagot?
◻ Paano ngang ang mga iba ay ginagawang “mga anak ng Diyos”?
◻ Paano natin masasabi ang pagkakaiba ng mga anak ng Diyos at ng mga anak ng Diyablo?
◻ Kung pag-iisipan natin ang ginawa ni Cain ano ang mauudyukan tayo na gawin?
◻ Hanggang saan dapat tayong magpakita ng pag-ibig-kapatid?
◻ Paano masusubok ang “mga kinasihang pananalita”?
[Larawan sa pahina 18]
Kung pag-iisipan natin ang ginawa ni Cain ay mauudyukan tayo na iwasan ang pagkapoot sa kaninoman sa ating mga kapatid
[Larawan sa pahina 20]
Ang mga sumasamba kay Jehova ay nagsasalita ng “dalisay na wika” ng maka-Kasulatang katotohanan na inilalaan sa pamamagitan ng organisasyon ng Diyos