Isang Masusing Pagsusuri sa Ilang Haka-haka Tungkol sa Kamatayan
SA BUONG kasaysayan, ang mga tao ay nagugulumihanan at nangangamba sa malungkot na hantungan natin, ang kamatayan. Bukod dito, ang pagkatakot sa kamatayan ay pinatitindi pa ng iba’t ibang huwad na mga relihiyosong ideya, popular na mga kaugalian, at personal na mga paniniwala na malalim ang pagkakaugat. Ang problemang dulot ng takot sa kamatayan ay na maaari nitong pigilin ang kakayahan ng isa na masiyahan sa buhay at sirain ang pagtitiwala ng isa na may kabuluhan ang buhay.
Ang kilaláng relihiyon ay lalo nang dapat sisihin sa pagtataguyod ng iba’t ibang popular na haka-haka hinggil sa kamatayan. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa ilan sa mga ito sa tulong ng katotohanan sa Bibliya, tingnan mo kung mabibigyang-linaw ang iyong personal na mga pagkaunawa tungkol sa kamatayan.
Haka-haka 1: Ang kamatayan ay likas na wakas ng buhay.
“Ang kamatayan . . . ay isang mahalagang bahagi ng ating buhay,” ang sabi ng aklat na Death—The Final Stage of Growth. Makikita sa mga komentong tulad nito ang paniniwala na ang kamatayan ay normal, ang likas na wakas ng lahat ng nabubuhay na organismo. Dahil dito, ang gayong paniniwala ay naging dahilan upang itaguyod ng marami ang pilosopiyang nihilismo (teoriya na walang totoong pag-iral ang lahat ng bagay) at ang mapagsamantalang paggawi.
Ngunit ang kamatayan nga ba ang likas na wakas ng buhay? Hindi lahat ng mananaliksik ay naniniwala na gayon nga. Halimbawa, si Calvin Harley, isang biyologo na nagsusuri sa pagtanda ng tao, ay nagsabi sa isang panayam na hindi siya naniniwala na ang mga tao ay “nakaprogramang mamatay.” Ganito ang sinabi ng imyunologong si William Clark: “Ang kamatayan ay hindi kailangang maging bahagi ng pagpapakahulugan sa buhay.” At sa palagay ni Seymour Benzer, ng California Institute of Technology, ang “pagtanda ay maaaring mas angkop na ilarawan hindi bilang isang orasan kundi bilang isang situwasyon, na puwede nating baguhin.”
Kapag pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang disenyo ng mga tao, sila ay naguguluhan. Natutuklasan nila na tayo ay pinagkalooban ng mga abilidad at mga kakayahan na lubhang nakahihigit sa kinakailangan ng ating 70 hanggang 80 taóng haba ng buhay. Halimbawa, natuklasan ng mga siyentipiko na napakalaki ng kakayahan ng utak ng tao na magmemorya. Isang mananaliksik ang tumantiya na ang ating utak ay maaaring mag-ipon ng impormasyon na “kakasya sa mga dalawampung milyong tomo, kasindami ng mga tomo na nasa pinakamalalaking aklatan sa daigdig.” Naniniwala ang ilang neuroscientist (siyentipiko hinggil sa nerbiyo) na sa panahon ng katamtamang haba ng buhay, nagagamit lamang ng isang tao ang 1/100 ng 1 porsiyento (.0001) ng potensiyal na kakayahan ng kaniyang utak. Angkop lamang na itanong, ‘Bakit mayroon tayong utak na may gayon kalaking kakayahan samantalang napakaliit na bahagi lamang nito ang nagagamit natin sa katamtamang haba ng buhay?’
Isaalang-alang din ang lubhang di-pangkaraniwang reaksiyon ng mga tao sa kamatayan! Para sa karamihan, ang kamatayan ng asawang babae, asawang lalaki, o ng anak ay maaaring maging ang pinakamasaklap na karanasan sa buong buhay. Ang buong kayarian ng emosyon ng mga tao ay kadalasang naliligalig sa loob ng mahabang panahon pagkamatay ng isang tao na lubhang minamahal. Maging yaong nag-aangking likas lamang ang kamatayan sa mga tao ay nahihirapang tanggapin ang ideya na ang kanilang kamatayan ay nangangahulugang katapusan na ng lahat ng bagay. Binabanggit ng British Medical Journal ang hinggil sa “karaniwang palagay ng mga eksperto na ang lahat ay nagnanais mabuhay nang matagal hangga’t maaari.”
Matapos isaalang-alang ang pangkalahatang reaksiyon ng tao sa kamatayan, ang kaniyang kamangha-manghang potensiyal sa pagmememorya at pagkatuto, at ang kaniyang panloob na pananabik ukol sa kawalang-hanggan, hindi ba’t maliwanag na ginawa siya upang mabuhay? Sa katunayan, nilalang ng Diyos ang mga tao, hindi upang mamatay lamang, kundi upang matamasa ang pag-asang mabuhay nang walang hanggan. Pansinin kung ano ang iniharap ng Diyos sa unang mag-asawang tao bilang kanilang kinabukasan: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:28) Tunay ngang kamangha-mangha at namamalaging kinabukasan iyon!
Haka-haka 2: Kinukuha ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng kamatayan upang makasama niya.
Isang 27-taóng-gulang na ina na naghihingalo na at mag-iiwan ng tatlong anak ang nagsabi sa isang Katolikong madre: “Huwag kang pumasok dito para sabihin sa akin na kalooban ito ng Diyos para sa akin. . . . Nagagalit ako nang husto kapag may nagsasabi sa akin ng ganoon.” Gayunman, ito ang itinuturo ng maraming relihiyon tungkol sa kamatayan—na kinukuha raw ng Diyos ang mga tao upang makasama niya.
Gayon nga ba kalupit ang Maylalang anupat basta na lamang siya nagpapasapit ng kamatayan sa atin, bagaman alam niya na ito’y lubhang nakapipighati sa atin? Hindi, ang Diyos ng Bibliya ay hindi gayon. Ayon sa 1 Juan 4:8, “ang Diyos ay pag-ibig.” Pansinin na hindi nito sinasabi na ang Diyos ay may pag-ibig o na ang Diyos ay maibigin, kundi sinasabi nito na ang Diyos ay pag-ibig. Gayon na lamang kasidhi, kadalisay at kasakdal ang pag-ibig ng Diyos, anupat lubusan itong mamamalas sa kaniyang personalidad at mga kilos kung kaya’t siya ay wastong maituturing na ang mismong personipikasyon ng pag-ibig. Hindi ito isang Diyos na kumukuha ng mga tao sa pamamagitan ng kamatayan upang makasama niya.
Nililito ng huwad na relihiyon ang marami tungkol sa kinaroroonan at kalagayan ng mga patay. Ang langit, impiyerno, purgatoryo, Limbo—ang mga ito at ang iba’t iba pang hantungan ay imposibleng unawain o lubhang nakapanghihilakbot. Sa kabilang panig, sinasabi sa atin ng Bibliya na ang mga patay ay walang malay; sila ay nasa kalagayan na angkop na angkop na maihahambing sa pagtulog. (Eclesiastes 9:5, 10; Juan 11:11-14) Kaya, hindi tayo kailangang mag-alala kung ano ang mangyayari sa atin pagkamatay natin, kung paanong hindi tayo nag-aalala kapag nakikita natin ang isa na mahimbing na natutulog. May binanggit si Jesus na panahon na “ang lahat ng nasa mga alaalang libingan” ay “lalabas” tungo sa panibagong buhay sa isang paraisong lupa.—Juan 5:28, 29; Lucas 23:43.
Haka-haka 3: Kinukuha ng Diyos ang maliliit na bata upang maging mga anghel.
Tinukoy ni Elisabeth Kübler-Ross, na gumawa ng pagsusuri sa mga indibiduwal na may malulubhang karamdaman, ang isa pang karaniwang paniniwala ng relihiyosong mga tao. Sa paglalarawan sa isang tunay na pangyayari, sinabi niya na “hindi katalinuhang sabihin sa isang munting bata na namatayan ng kapatid na lalaki na gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa mumunting batang lalaki anupat kinuha niya ang musmos na si Johnny at dinala sa langit.” Ang gayong pananalita ay nakasisirang-puri sa Diyos at hindi nagpapamalas ng kaniyang personalidad at paggawi. Nagpatuloy pa si Dr. Kübler-Ross: “Nang lumaki na ang munting batang ito at naging may-gulang na babae, hindi niya napawi ang kaniyang galit sa Diyos, na naging dahilan ng nakababaliw na panlulumo nang mamatay ang kaniyang musmos na anak na lalaki tatlong dekada na ang nakalipas.”
Bakit kukunin ng Diyos ang isang bata upang magkaroon ng isa pang anghel—na para bang mas nangangailangan ang Diyos ng isang bata kaysa sa magulang ng bata? Kung totoo ngang kinukuha ng Diyos ang mga bata, hindi ba’t dahil doon ay magiging isa siyang di-maibigin at sakim na Maylalang? Kabaligtaran ng gayong pagkaunawa, sinasabi ng Bibliya: “Ang pag-ibig ay mula sa Diyos.” (1 Juan 4:7) Pangyayarihin ba ng Diyos ng pag-ibig ang isang kamatayan na hindi mapahihintulutan maging ng mga tao na may isang antas lamang ng kagandahang-asal?
Kung gayon, bakit namamatay ang mga bata? Ang isang bahagi ng sagot ng Bibliya ay nakaulat sa Eclesiastes 9:11: “Ang panahon at di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa kanilang lahat.” At sinasabi sa atin ng Awit 51:5 na tayong lahat ay di-sakdal, makasalanan, mula pa nang tayo ay ipaglihi, at na ang hantungan ng lahat ng tao sa ngayon ay ang kamatayan na dulot ng maraming iba’t ibang kadahilanan. Kung minsan ay sumasapit ang kamatayan bago pa man ang pagsilang, na nagbubunga ng pagsisilang ng patay na sanggol. Sa ibang kaso naman, ang mga bata ay napapahamak dahil sa kalunus-lunos na mga kalagayan o naaaksidente at namamatay. Ang Diyos ay walang pananagutan sa gayong mga pangyayari.
Haka-haka 4: Ang ilang tao ay pinahihirapan pagkamatay nila.
Maraming relihiyon ang nagtuturo na magtutungo ang mga balakyot sa isang maapoy na impiyerno at pahihirapan magpakailanman. Makatuwiran ba at maka-Kasulatan ang turong ito? Ang haba ng buhay ng tao ay hanggang 70 o 80 taon lamang. Kahit na ang isa ay nakagawa ng sobrang kabalakyutan sa buong buhay niya, makatuwiran bang parusa ang walang-hanggang pagpapahirap? Hindi. Magiging ganap na di-makatuwiran na parusahan nang walang hanggan ang isang tao dahil sa mga kasalanang nagawa niya sa loob ng maikling yugto ng buhay.
Tanging ang Diyos lamang ang makapagsisiwalat kung ano ang nangyayari sa mga tao pagkamatay nila, at isiniwalat niya iyon sa kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya. Ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Kung paanong ang [hayop] ay namamatay, gayundin namamatay [ang tao]; at silang lahat ay may iisang espiritu . . . Ang lahat ay pumaparoon sa iisang dako. Silang lahat ay nanggaling sa alabok, at silang lahat ay bumabalik sa alabok.” (Eclesiastes 3:19, 20) Walang binabanggit dito na maapoy na impiyerno. Ang mga tao ay bumabalik sa alabok—sa di-pag-iral—kapag sila ay namatay.
Upang ang isang tao ay mapahirapan, siya ay kailangang may malay. May malay ba ang mga patay? Minsan pa, ang Bibliya ay sumasagot: “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran, ni mayroon pa man silang kabayaran, sapagkat ang alaala sa kanila ay nalimutan.” (Eclesiastes 9:5) Imposible para sa mga patay, na “walang anumang kabatiran,” na makaranas ng matinding paghihirap saanman.
Haka-haka 5: Ang kamatayan ay nangangahulugan ng permanenteng wakas ng ating pag-iral.
Tumitigil ang ating pag-iral kapag tayo ay namatay, ngunit hindi ito nangangahulugan na tapos na ang lahat. Batid ng tapat na lalaking si Job na magtutungo siya sa libingan, ang Sheol, kapag siya ay namatay. Ngunit pakinggan ang kaniyang panalangin sa Diyos: “O ikubli mo nawa ako sa Sheol, na ingatan mo nawa akong lihim hanggang sa mapawi ang iyong galit, na takdaan mo nawa ako ng hangganang panahon at alalahanin mo ako! Kung ang isang matipunong lalaki ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli? . . . Ikaw ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo.”—Job 14:13-15.
Naniwala si Job na kung siya ay mananatiling tapat hanggang kamatayan, aalalahanin siya ng Diyos at bubuhaying muli pagdating ng panahon. Ito ang paniniwala ng lahat ng lingkod ng Diyos noong sinaunang panahon. Tiniyak mismo ni Jesus ang pag-asang ito at ipinakita na gagamitin siya ng Diyos upang ibangon ang mga patay. Ang mismong mga salita ni Kristo ang nagbibigay sa atin ng ganitong katiyakan: “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng . . . tinig [ni Jesus] at lalabas, yaong mga gumawa ng mabubuting bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa buhay, yaong mga gumawa ng buktot na mga bagay tungo sa pagkabuhay-muli sa paghatol.”—Juan 5:28, 29.
Hindi magtatagal at aalisin na ng Diyos ang lahat ng kabalakyutan at itatatag ang isang bagong sanlibutan sa ilalim ng makalangit na pamamahala. (Awit 37:10, 11; Daniel 2:44; Apocalipsis 16:14, 16) Ang resulta nito ay isang paraiso sa buong lupa, na tinatahanan ng mga tao na naglilingkod sa Diyos. Mababasa natin sa Bibliya: “Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’ ”—Apocalipsis 21:3, 4.
Malaya sa Takot
Ang kaalaman hinggil sa pag-asa sa pagkabuhay-muli lakip na ang kaalaman tungkol sa Isa na siyang pinagmumulan ng gayong paglalaan ay makaaaliw sa iyo. Ipinangako ni Jesus: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Kasali riyan ang pagpapalaya sa atin mula sa takot sa kamatayan. Si Jehova lamang ang aktuwal na makababago sa proseso ng pagtanda at kamatayan at makapagkakaloob sa atin ng walang-hanggang buhay. Mapaniniwalaan mo ba ang mga pangako ng Diyos? Oo, mapaniniwalaan mo sapagkat laging nagkakatotoo ang Salita ng Diyos. (Isaias 55:11) Hinihimok ka namin na mag-aral pa nang higit tungkol sa mga layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tumulong sa iyo.
[Blurb sa pahina 6]
Ang problemang dulot ng takot sa kamatayan ay na maaari nitong pigilin ang kakayahan ng isa na masiyahan sa buhay
[Chart sa pahina 7]
ILANG KARANIWANG HAKA-HAKA ANO ANG SINASABI NG KASULATAN?
TUNGKOL SA KAMATAYAN
● Ang kamatayan ang likas Genesis 1:28; 2:17; Roma 5:12
na wakas ng buhay
● Kinukuha ng Diyos ang Job 34:15; Awit 37:11, 29;
mga tao sa pamamagitan ng Awit 115:16
kamatayan upang makasama niya
● Ang ilang tao ay Awit 146:4; Eclesiastes 9:5, 10;
pinahihirapan pagkamatay nila Roma 6:23
● Ang kamatayan ay Job 14:14, 15; Juan 3:16;
nangangahulugan ng Juan 17:3; Gawa 24:15
permanenteng wakas ng
ating pag-iral
[Larawan sa pahina 8]
Ang pagkaalam sa katotohanan tungkol sa kamatayan ay nagpapalaya sa atin mula sa takot
[Picture Credit Line sa pahina 5]
Barrators—Giampolo/The Doré Illustrations For Dante’s Divine Comedy/Dover Publications Inc.