Laging Magpakita ng Pag-ibig at Pananampalataya
“Ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili na kaisa ng Diyos.” “At ito ang pagtatagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya.”—1 JUAN 4:16; 5:4.
1, 2. Anong mga kuwalidad o katangian ang lalo nang pinatitingkad sa 1 Juan 4:7–5:21?
SI Jehova ang pinaka-sagisag ng pag-ibig, at yaong mga nagnanais na makalugod sa kaniya ay kailangang magpakita ng maka-Diyos na kuwalidad o katangiang ito. Ito’y nililiwanag ni apostol Juan sa huling bahagi ng kaniyang unang kinasihang liham.
2 Ang mga tunay na Kristiyano ay kailangan din na magpakita ng pananampalataya. Sa ganito lamang paraan madadaig nila ang sanlibutan at sila’y mananatiling matatag sa paglingap ni Jehova. Kung gayon, samantalang pinag-aaralan natin ang huling bahagi ng liham ni Juan may dalangin na isaalang-alang natin ang kahalagahan ng pagpapakita ng pag-ibig at pananampalataya.
‘Mag-ibigan Tayo sa Isa’t-Isa’
3, 4. Ano ang kaugnayan ng pagpapakita ng pag-ibig at ng ating pagkakilala sa Diyos?
3 Idiniriin ni Juan ang kahalagahan ng pag-ibig. (Basahin ang 1 Juan 4:7, 8.) Ang “mga minamahal” na Kristiyano ay hinihimok na “patuloy na mag-ibigan, sapagkat ang pag-ibig ay sa Diyos,” yamang si Jehova ang Bukal nito. “Ang bawat umiibig ay ipinanganak ng Diyos [bilang isang indibiduwal na inianak-sa-espiritu] at nagtatamo ng kaalaman sa Diyos,” palibhasa’y kaniyang nakikilala ang mga katangian at mga layunin ni Jehova, at kung paanong siya’y nagpapahayag ng pag-ibig. Sa ngayon ang “kaalaman sa Diyos” na ito ay nakamit din ng “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” ni Kristo.
4 Ang pagtatamo ng kaalaman sa Diyos ay nangangahulugan ng pagpapahalaga sa kaniyang mga kuwalidad, na iniibig siya ng lubusan, at nananatili sa kaniyang panig bilang ating Soberano. Ngunit “siyang hindi umiibig ay walang kaalaman sa Diyos.” Yaong mga hindi nagpapakita ng pag-ibig-Kristiyano ay hindi “nakakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.” Oo, ang pag-ibig ang siyang nangingibabaw na katangian ni Jehova, na makikita sa kaniyang espirituwal at materyal na paglalaan para sa sangkatauhan.
5. Ano ang pinakadakilang ebidensiya na “ang Diyos ay pag-ibig”?
5 Susunod na binabanggit ay ang pinakadakilang ebidensiya na “ang Diyos ay pag-ibig.” (Basahin ang 1 Juan 4:9, 10.) Sinasabi ni Juan: “Dito nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin [bilang mga makasalanan na karapatdapat sa kamatayan], sapagkat ang kaniyang bugtong na Anak ay sinugo ng Diyos sa sanlibutan upang tayo’y magkamit ng buhay sa pamamagitan niya.” Si Jesus ang “bugtong na Anak” ni Jehova dahil sa siya lamang ang tuwirang nilalang ng Diyos. (Juan 1:1-3, 14; Colosas 1:13-16) At si Jesus ‘ay sinugo sa sanlibutan’ sa pamamagitan ng pagiging isang tao, ginaganap niya sa madla ang kaniyang ministeryo, at pagkatapos ay namatay bilang isang handog na hain. (Juan 11:27; 12:46) ‘Upang kamtin ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan niya,’ sa langit man o sa lupa, kailangan ang pananampalataya sa bisa ng kaniyang inihaing pantubos.
6. Samantalang tayo ay mga makasalanan pa na hindi umiibig sa Diyos, ano ang kaniyang ginawa?
6 Tayo’y mga makasalanan pa na walang pag-ibig sa Diyos nang “kaniyang ibigin tayo at suguin ang kaniyang Anak bilang isang pampalubag-loob na hain ukol sa ating mga kasalanan.” Dahil sa inihandog na hain ni Kristo ay maaari na tayong maipanumbalik sa matuwid na kaugnayan sa Diyos. (Roma 3:24, 25; Hebreo 2:17) Iyo bang pinahahalagahan ang pinakadakilang pagpapakitang ito ng pag-ibig ng ating makalangit na Ama na di-nararapat sa atin?
7. (a) Yamang hindi natin masasabi na iniibig natin si Jehova dahilan sa nakita natin siya, paano natin maipakikita na talagang iniibig natin siya? (b) Ang ating pagpapakita ng pag-ibig-kapatid ay nagpapatunay ng ano?
7 Ang pag-ibig ng Diyos sa atin ay dapat makaapekto sa ating saloobin sa iba. (Basahin ang 1 Juan 4:11-13.) Yamang kaniyang inibig tayo samantalang tayo’y makasalanan pa, “tayo naman ay nasa-ilalim ng obligasyon na mag-ibigan sa isa’t-isa.” Para sa mga tao, “kailanman ay walang sinoman na nakakita sa Diyos.” Kayat hindi natin masasabi na ating iniibig si Jehova dahilan sa nakita natin siya. (Exodo 33:20; Juan 1:18; 4:24) Subalit, sa pamamagitan ng pagpapakita ng pag-ibig ay ipinakikita naman natin na ating iniibig ang Bukal ng kuwalidad na ito. Ang ating pag-ibig-kapatid ay nagpapatunay na “ang Diyos ay nananahan sa atin at napasasakdal sa atin ng kaniyang pag-ibig,” o sumasapit sa ganap na kapahayagan, sa atin. Dito ay “makikilala natin na tayo’y kaisa” ni Jehova “sapagkat binigyan niya tayo ng kaniyang espiritu.” Ang pagpapakita natin ng pag-ibig-kapatid ay nagpapatunay na kumikilos sa loob natin ang espiritu ni Jehova, sapagkat ang pag-ibig ay isa sa mga bunga nito. (Galacia 5:22, 23) Ipinakikita nito na ating nakikilala ang Diyos at tayo’y sinasang-ayunan niya.
8. Ano ang karagdagang ebidensiya na tayo ay “kaisa ng Diyos”?
8 Mayroong karagdagang ebidensiya na tayo ay “kaisa ng Diyos.” (Basahin ang 1 Juan 4:14-16a.) Yamang “nakita” niya kung ano ang ginawa ni Jesus sa lupa at kung paano siya nagdusa alang-alang sa sangkatauhan, si Juan ay maaaring ‘magpatotoo nga na sinugo ng Ama ang kaniyang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan’ ng makasalanang sangkatauhan. (Juan 4:42; 12:47) Isa pa, ‘ang Diyos ay nananatiling kaisa natin at tayo’y kaisa niya’ kung tayo’y gagawa ng taus-pusong pagpapahayag na si Jesus ang kaniyang Anak. Dito’y kailangan ang pananampalataya at pagpapatotoo sa madla na si Jesus ang Anak ng Diyos. (Juan 3:36; Roma 10:10) Ang ating pagtitiwala sa “pag-ibig na taglay ng Diyos sa atin” ay isa pang ebidensiya na kabilang man tayo sa pinahirang nalabi o sa “mga ibang tupa,” tayo ay kaisa ni Jehova.
9. (a) Sa anong diwa maaaring “pasakdalin” ang pag-ibig sa Diyos, at paano ito may epekto sa ating kaugnayan sa iba? (b) Dahil sa “sakdal” na pag-ibig ay nagkakaroon ng ano?
9 Susunod ay ipinakikita ni Juan na ang pag-ibig ay maaaring “pasakdalin.” (Basahin ang 1 Juan 4:16b, 17.) Sa atin ay ipinaaalaala na “ang Diyos ay pag-ibig.” Dahil sa tayo ay ‘nanatili sa pag-ibig,’ anupat nagpapakita ng bungang ito ng espiritu ni Jehova, tayo’y ‘nananatiling kaisa ng Diyos.’ Kung ang pag-ibig kay Jehova ay “napasakdal sa atin,” yamang sumapit sa lubusang kapahayagan sa kaniya, ating iibigin ang ating kapananampalataya. (Ihambing ang 1 Juan 4 talatang 12.) Dahil sa “sakdal” na pag-ibig ay nagkakaroon din ng ‘kalayaan ng pagsasalita’ sa pananalangin sa Diyos ngayon at “sa araw ng paghuhukom” na may kaugnayan sa pagkanaririto ni Kristo. Yaong mga nagpapakita ng gayong pag-ibig ay sa panahong iyon walang dahilan na mangambang magiging laban sa kanila ang hatol ni Jehova. Kung tayo’y magpapakita ng pag-ibig, sa diwang iyan “kung ano ang isang iyon [si Jesus], ganoon din tayo sa sanlibutang ito.” Oo, tayo’y katulad niya sa pagtatamasa ng biyaya bilang mga anak ng Diyos sa sanlibutang ito ng sangkatauhan na hiwalay sa Diyos.
10. Yaong mga “pinasakdal” ang pag-ibig ay hindi nakakaranas ng ano?
10 Yaong mga may pag-ibig na “pinasakdal” ay hindi nakakaranas ng takot na pumipigil sa panalangin. (Basahin ang 1 Juan 4:18, 19.) “Ang takot ay pumipigil” at nakahahadlang sa atin sa malayang paglapit kay Jehova. Kaya kung tayo ay nakakaranas ng gayong pagkatakot, ‘tayo ay hindi pa napasasakdal sa pag-ibig.’ Ngunit kung tayo ay “pinasakdal sa pag-ibig,” ang katangiang ito ang pumupuno sa ating mga puso, nagtutulak sa atin na gawin ang banal na kalooban, at magpapakilos sa atin na manatiling malapit sa ating makalangit na Ama sa panalangin. Tunay na may dahilan tayong ibigin si Jehova at manalangin sa kaniya, sapagkat gaya ng sinasabi ni Juan, ‘Tayo’y umiibig, sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin.’
11. Bakit makatuwiran na tupdin natin ang utos na, “Ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kaniyang kapatid”?
11 Mangyari pa, hindi sapat ang basta sabihin na ating iniibig ang Diyos. (Basahin ang 1 Juan 4:20, 21.) Sinomang nagsasabing, “Iniibig ko ang Diyos” ngunit napopoot naman sa kaniyang espirituwal na kapatid “ay isang sinungaling.” Yamang ating nakikita ang ating kapatid at napapagmasdan ang kaniyang maka-Diyos na mga katangian, ang pagpapakita ng pag-ibig sa kaniya ay mas madali kaysa pag-ibig sa isang di-nakikitang Diyos. Oo nga, “siyang hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na kaniyang nakikita, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita.” Kayat makatuwiran lamang na sundin natin ang “utos” na ito: “Ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kaniyang kapatid.”
Sino ang Dumadaig sa Sanlibutan?
12. Yamang tayo’y umiibig sa Diyos, anong iba pang pag-ibig ang aasahang taglay natin?
12 Susunod ay ipinakikita ni Juan kung ano talaga ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos. (Basahin ang 1 Juan 5:1-5.) Una, binabanggit ng apostol na “ang sinomang nananampalataya na si Jesus ang siyang Kristo” (ang Mesias o Pinahiran ni Jehova) “ay ipinanganak ng Diyos,” o inianak-ng-espiritu ni Jehova. Isa pa, sinomang umiibig sa Tagapag-anak, si Jehova, ay umiibig din sa sinoman na “ipinanganak ng isang iyan.” Oo, lahat ng mga pinahirang anak ng Diyos ay umiibig sa kaniya at maaasahan na umiibig sa isa’t-isa. Ang gayong pag-ibig-kapatid ay katangian din ng “malaking pulutong” ng “mga ibang tupa” na may makalupang pag-asa.—Juan 10:16; Apocalipsis 7:9.
13. (a) Bakit ang mga utos ng Diyos ay hindi “mabibigat” sa atin? (b) Paano natin ‘pinagtatagumpayan ang sanlibutan’?
13 ‘Ating nakikilala na tayo’y umiibig sa mga anak ng Diyos pagka tayo’y umiibig sa Diyos at tumutupad ng kaniyang mga utos.’ Sa katunayan, ‘ang pag-ibig sa Diyos ay nangangahulugan na ating tuparin ang kaniyang mga utos.’ Yamang ating iniibig ang Diyos at ang katuwiran, tayo’y naliligayahan na tumupad ng kaniyang mga utos. Sinasabi ni Juan na ang mga ito ay hindi naman “mabibigat” para sa atin “sapagkat ang lahat ng ipinanganak ng Diyos ay dumadaig sa sanlibutan.” Marahil ang tinutukoy sa “lahat” ay ang bigay-Diyos na kapangyarihang ‘dumaig sa sanlibutan,’ o magtagumpay sa di-matuwid na lipunan ng sangkatauhan pati na sa mga tukso na labagin ang mga utos ni Jehova. (Juan 16:33) “Ang pagtatagumpay na dumadaig sa sanlibutan” ay “ang ating pananampalataya” sa Diyos, sa kaniyang Salita, at sa kaniyang Anak. Kung taglay natin “ang pananampalataya na si Jesus ay Anak ng Diyos,” ating ‘pinagtatagumpayan ang sanlibutan’ sa pamamagitan ng pagtanggi sa maling kaisipan nito at sa mga daan ng imoralidad, at sa pamamagitan ng pagtupad sa mga kautusan ng Diyos.
14. (a) Paano naparito si Jesus “sa pamamagitan ng tubig”? (b) Paano ipinakita na si Kristo ay Anak ng Diyos “sa pamamagitan ng dugo”? (c) Paanong ang banal na espiritu ay ‘nagpatotoo’ tungkol kay Jesu-Kristo?
14 Yamang ang pananampalataya kay Jesus ay totoong mahalaga sa ating pagiging ‘mga mananagumpay sa sanlibutan,’ binabanggit ni Juan ang ebidensiya na ibinigay tungkol kay Kristo sa pamamagitan ng “tatlong nagpapatotoo.” (Basahin ang 1 Juan 5:6-8.) Una’y sinasabi ni Juan na si Jesus ay “naparito sa pamamagitan ng tubig.” Nang si Jesus ay bautismuhan sa tubig upang sagisagan ang pagpipresenta ng kaniyang sarili sa Diyos, sinabi ni Jehova: “Ito ang aking Anak, ang sinisinta, na aking sinang-ayunan.” (Mateo 3:17) Ipinakita rin na si Kristo ay Anak ng Diyos “sa pamamagitan ng dugo” na kaniyang ibinuhos sa kaniyang kamatayan bilang isang pantubos. (1 Timoteo 2:5, 6) Bukod dito, sinasabi ni Juan, “ang [banal] na espiritu ay siyang nagpapatotoo, sapagkat ang espiritu ay siyang katotohanan.” Ang pagbaba ng espiritu kay Jesus sa kaniyang bautismo ay nagpatunay na siya nga ang Anak ng Diyos. (Mateo 3:16; Juan 1:29-34) Dahilan sa espiritu ni Jehova nagampanan ni Jesus ang gawaing pinagsuguan sa kaniya at gumawa siya ng mga himala. (Juan 10:37, 38; Gawa 10:38) Sa pamamagitan ng espiritu ay pinapangyari ng Diyos ang pambihirang kadiliman, ang isang lindol, at ang pagkahapak ng tabing ng templo nang mamatay si Jesus, at pagkatapos sa pamamagitan ng espiritu ding iyon siya ay binuhay ng Diyos.—Mateo 27:45-54.
15. Ano ang “tatlong nagpapatotoo”?
15 Sa gayon “mayroong tatlong nagpapatotoo” sa bagay na si Jesus ang Anak ng Diyos. Ito ay (1) ang banal na espiritu, (2) ang tubig nang bautismuhan si Jesus at ang sinasagisagan niyaon (ang pagpipresenta ng kaniyang sarili kay Jehova), at (3) ang dugo na kaniyang ibinuhos sa kamatayan bilang isang pantubos. Ang tatlong ito “ay nagkakaisa” sa pagbibigay ng ebidensiya na si Jesus ay Anak ng Diyos, at tayo’y kailangang may tunay na pananampalataya sa kaniya kung ibig nating tumanggap ng buhay na walang hanggan.—Ihambing ang Deuteronomio 19:15.
Ang Patotoo ng Diyos
16. Paanong si Jehova ay nagpatotoo tungkol kay Jesus?
16 Ang Diyos mismo ay nagpatotoo sa kaniyang Anak. (Basahin ang 1 Juan 5:9-12.) “Kung ating tinatanggap [bilang katotohanan] ang patotoo ng [di-sakdal] na mga tao [gaya ng kinaugalian nating gawin kung tayo’y nakikipag-usap at kung nasa hukuman], ang patotoo ng Diyos ay lalong dakila.” (Juan 8:17, 18) Yamang ‘ang Diyos ay hindi nagsisinungaling,’ tayo’y makapaglalagak ng lubusang pagtitiwala sa ‘patotoo na kaniyang ibinigay tungkol sa kaniyang Anak.’ At si Jehova ay nagsabi na si Jesu-Kristo’y kaniyang Anak. (Tito 1:2; Mateo 3:17; 17:5) Isa pa, ang Diyos ang nasa likod ng “tatlong nagpapatotoo,” samakatuwid nga, ang Kaniyang banal na espiritu, ang tubig sa bautismo ni Jesus, at ang itinigis na dugo ni Kristo.
17. Ano ang tanging paraan ng pagkakamit ng kaligtasan?
17 “Ang nananampalataya sa Anak ng Diyos ay may patotoo sa kaniya,” o “sa kaniyang sarili,” sapagkat lahat ng ebidensiya ay kumukumbinse sa kaniya na si Jesus ay Anak ng Diyos. Subalit “ang taong hindi sumasampalataya sa Diyos” bilang isang mapanghahawakang saksi tungkol sa Kaniyang Anak ay pinagtitingin na sinungaling si Jehova. Mangyari pa, ang kabuuan ng patotoo na ibinigay ay “na tayo’y binigyan ng Diyos ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak.” Sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Jesus bilang Anak ng Diyos maaaring kamtin ang kaligtasan tungo sa buhay na walang hanggan. (Juan 11:25, 26; 14:6; 17:1-3) Samakatuwid “siyang kinaroroonan ng Anak,” dahil sa sumasampalataya sa kaniya ay may di-sana nararapat na regalong buhay na walang hanggan. (Juan 20:31) Subalit “ang buhay na ito” ay hindi tatamasahin ng sinoman na walang pananampalataya kay Jesus bilang Anak ng Diyos.
Gumagana ang Panalangin!
18. Bakit isinulat ni Juan “ang mga bagay na ito”?
18 Susunod ay binabanggit ni Juan ang layunin ng kaniyang liham at tinatalakay ang panalangin. (Basahin ang 1 Juan 5:13-15.) Kaniyang isinulat “ang mga bagay na ito” upang maalaman ‘na tayo’y may buhay na walang hanggan.’ Ito ang ating matibay na paniniwala bilang mga naglalagak ng pananampalataya sa “pangalan” ng Anak ng Diyos. (Ihambing an 1 Juan 3:23.) At ang mga apostata, na hindi natin kauri, ay hindi maaaring lumipol sa pananampalatayang iyan.—1 Juan 2:18, 19.
19. (a) Sang-ayon sa 1 Juan 5:14, 15, tayo’y may anong “pagtitiwala” sa Diyos? (b) Ano ang ilan sa mga bagay na tama namang hilingin natin sa panalangin?
19 Sa Diyos ay mayroon tayong “tiwala,” o “tahasang pagsasalita,” na anoman ang hilingin natin sa panalangin “ayon sa kaniyang kalooban, kaniyang dinidinig tayo.” Matuwid naman na ipanalangin natin ang gaya baga ng pagbanal sa pangalan ni Jehova, ang kaniyang espiritu, maka-Diyos na karunungan, at pagkaligtas buhat sa balakyot. (Mateo 6:9, 13; Lucas 11:13; Santiago 1:5-8) At “ating nalalaman na ibibigay sa atin ang mga bagay na hinihingi natin yamang ating hiningi ito sa kaniya,” ang “Dumidinig ng panalangin.”—Awit 65:2.
20, 21. (a) Ano ang “kasalanan na hindi ikamamatay”? (b) Bakit mali na ipanalangin ang “kasalanan na ikamamatay”?
20 Pagkatapos nito ay binabanggit naman ni Juan ang panalangin at ang dalawang klase ng kasalanan. (Basahin ang 1 Juan 5:16, 17.) “Ang kasalanang hindi ikamamatay” ay hindi sinasadya, at hindi naman masama na ipanalangin na ang nagsising nagkasala ay patawarin. (Gawa 2:36-38; 3:19; Santiago 5:13-18) Subalit isang pagkakamali na manalangin tungkol sa “kasalanan na ikamamatay” sapagkat ito ay kinukusang pagkakasala laban sa banal na espiritu, at imposible na patawarin. (Mateo 12:22-32; Hebreo 6:4-6; 10:26-31) Ang gayong mga nagkakasala ay doon sa Gehenna pumupunta, at dumaranas ng walang hanggang pagkapuksa sa “ikalawang kamatayan.” (Apocalipsis 21:8; Mateo 23:15) Kaya nga samantalang si Jehova ang ultimong Hukom, tayo’y hindi lumalagay sa panganib na siya’y di-mapalugdan dahil sa pananalangin natin ukol sa isang nagkasala gayong ang ebidensiya ay nagpapakita na siya’y kusang “nagkakasala ng ikamamatay.”
21 Kung gayon, “kung nakita ng sinoman [lalung-lalo na ng isang matanda na pinahiran-ng-espiritu] na ang kaniyang kapatid ay nagkakasala ng kasalanang hindi ikamamatay [“ikalawang kamatayan”], kaniyang idadalangin ito, at bibigyan [ng Diyos] ng buhay [ang nagkasala],” at ililigtas siya sa walang hanggang pagkapuksa. Mangyari pa, “lahat ng kalikuan ay kasalanan,” o pagsala sa pamantayan kung ang pinag-uusapan ay ang matuwid na mga pamantayan ng Diyos. “Gayunman ay may kasalanan na hindi ikamamatay” dahilan sa resulta ito ng ating di-kasakdalan, at kung tayo ay magsisisi, ang kasalanan ay natatakpan ng hain ni Kristo.
Mga Tampok sa Liham ni Juan
22. Sino ang ‘hindi sumusupil’ sa isang tapat na Kristiyano, at ano ang maipananalangin na may pagtitiwala ng gayong tao?
22 Ngayon ay tinatalakay ni Juan ang kabuuan ng mga pangunahing punto sa kaniyang liham. (Basahin ang 1 Juan 5:18-21.) Sinomang “ipinanganak ng Diyos” bilang isang pinahiran-ng-espiritung Kristiyano ay “hindi namimihasa sa pagkakasala.” Si Jesu-Kristo, “ang Isang inianak ng Diyos” sa pamamagitan ng banal na espiritu, ay nagbabantay sa kaniya, at siya’y hindi nasusupil ng balakyot [si Satanas].” Ang gayong tapat na pinahirang Kristiyano ay may tiwalang makapananalangin sa Diyos na siya’y iligtas sa balakyot at maaaring sa pamamagitan ng “malaking kalasag ng pananampalataya” makaligtas sa espirituwal na kapinsalaan buhat sa “nagniningas na mga suligi” ni Satanas.—Mateo 6:13; Efeso 6:16.
23. Papaano ngang “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot”?
23 Yamang ang mga pinahiran ay may ebidensiya na sila’y mga espirituwal na anak ni Jehova, kanilang masasabi, “Nalalaman natin na tayo’y sa Diyos.” Ang bagay na sila’y may pananampalataya kay Kristo at hindi namimihasa sa pagkakasala ay nagpapatunay na sila’y mga anak ng Diyos na “hindi nasusupil” ni Satanas. “Ngunit ang buong sanlibutan [ang lipunan ng likong sangkatauhan] ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot,” si Satanas na Diyablo. (Efeso 2:1, 2; Apocalipsis 12:9) Ang sanlibutan ay napadadala sa balakyot na impluwensiya at kapangyarihan ni Satanas, at hindi nagsisikap na makaalpas upang magawa nila ang kalooban ng Diyos.
24. Sa anong layunin “tayo’y binigyan [ni Jesus] ng kakayahan ng isip”?
24 May mga bulaang guro na nangangaral na si Kristo ay hindi naparito sa anyong laman. (2 Juan 7) Subalit dahil sa ebidensiya na binanggit sa liham na ito si Juan ay nakapagsabi: “Nalalaman natin na ang Anak ng Diyos ay naparito.” (1 Juan 1:1-4; 5:5-8) At, “tayo’y binigyan [ni Jesus] ng kakayahan ng isip,” o “talino ng isip,” upang “tayo’y magtamo ng kaalaman ng isang totoo,” isang pasulong na pagkaunawa sa Diyos. (Mateo 11:27) Kaya “tayo ay kaisa ng isang tunay [si Jehovang Diyos], sa pamamagitan ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo.”—Ihambing ang Juan 17:20, 21.
25. Bilang mga Kristiyano paano natin maikakapit ang payo sa 1 Juan 5:21?
25 Yaong mga kaisa ng tunay na Diyos, si Jehova, sila’y kabilang man sa pinahirang nalabi o sa “mga ibang tupa,” ay nagnanais na palugdan siya sa lahat na paraan. Subalit ang tukso na padala sa idolatriya ay umiral noong unang siglo, gaya rin ngayon. Kaya angkop ang ginawang pagwawakas ni Juan sa kaniyang liham sa pamamagitan ng payo na tulad ng sa isang ama: “Mumunti kong mga anak, mag-ingat kayo laban sa mga idolo.” Bilang mga Kristiyano, tayo’y hindi yumuyukod sa harap ng mga imahen. (Exodo 20:4-6) Nalalaman din natin na masama na unahin ang ating sarili, ang kalayawan, o ano pa man higit kaysa Diyos. (2 Timoteo 3:1, 2, 4) At ang ating pag-aalay ng sarili sa kaniya ang panghadlang upang huwag tayong sumamba sa politikal na “mabangis na hayop” at sa “larawan” nito. (Apocalipsis 13:14-18; 14:9-12) Kaya upang mapalugdan ang ating makalangit na Ama at tanggapin ang kaniyang inireregalong buhay na walang hanggan, maging matatag tayo sa ating determinasyon na iwasan ang lahat ng idolatriya, at huwag payagang sirain nito ang ating mahalagang kaugnayan kay Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.
Ang Di-kumukupas na Tulong Para sa Atin
26. Ano ang ilan sa mga tampok na bahagi ng Unang Juan?
26 Ang unang kinasihang liham ni Juan ay tumulong sa mga sinaunang Kristiyano na iwasan ang idolatriya. Kanilang ginamit ito sa paglaban sa mga kasinungalingan ng mga apostata, at nagsisilbi rin sa ganoong layunin sa ngayon. Halimbawa, pinatunayan nito na si Jesu-Kristo ay namuhay bilang isang tao at namatay bilang isang pampalubag-loob na hain “para sa mga kasalanan.” Ipinakikilala ng liham na ito “ang antikristo” at nakikita ang pagkakaiba ng mga anak ng Diyos at ng mga anak ng Diyablo. Ipinakikita nito kung paano susubukin “ang kinasihang mga pananalita” upang alamin kung ang mga ito ay nanggagaling kay Jehova. Isa pa, kumbinsido tayo sa mga salita ni Juan na “ang Diyos ay pag-ibig,” na ang tunay na pananampalataya ang nagtatagumpay sa sanlibutan, at na dinidinig ni Jehova ang mga panalangin ng kaniyang tapat na mga saksi.
27. Sa paano tayo matutulungan ng unang liham ni Juan na kinasihan ng Diyos?
27 Sa harap ng mga tuksong makasanlibutan, anong laking karunungan ang laging isaisip ang babala ni Juan laban sa pag-ibig sa sanlibutan! Kung dahil sa personal na mga di-pagkakaunawaan ay masisira ang ating kaugnayan sa mga ilang kapananampalataya natin, ang mga salita ng apostol ay makapagpapaalaala sa atin na ating mapatutunayan na tayo’y mga mangingibig sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapakita ng pag-ibig-kapatid. Sa tulong ng Diyos at sa pagkakapit ng payo ni Juan, maiiwasan natin ang pamimihasa sa kasalanan at ating mapananatili ang pananampalataya na nagtatagumpay sa sanlibutan. Kayat ipakita natin ang ating pasasalamat dahil sa kinasihang liham na ito habang tayo’y patuloy na lumalakad ayon sa liwanag ng Diyos, patuloy na namumuhay bilang mga anak ng Diyos, at laging magpakita ng pag-ibig at pananampalataya sa ikaluluwalhati ng ating makalangit na Ama, si Jehova.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Kung iniibig natin si Jehova, paano dapat itong makaapekto sa ating kaugnayan sa mga kapananampalataya?
◻ Paano natin ‘mapagtatagumpayan ang sanlibutan’?
◻ Ano ang “tatlong saksing nagpapatotoo” tungkol sa Anak ng Diyos?
◻ Tungkol sa panalangin, anong “pagtitiwala” ang maaari nating taglayin?
◻ Ang Unang Juan ay tutulong sa atin sa anu-anong paraan?
[Blurb sa pahina 22]
Yamang tayo’y inibig na ni Jehova nang tayo’y mga makasalanan pa, ‘tayo’y nasa ilalim ng obligasyon na mag-ibigan sa isa’t-isa’
[Blurb sa pahina 23]
Dahil sa ating pananampalataya sa Diyos, sa kaniyang Salita, at sa kaniyang bugtong na Anak ating ‘napagtatagumpayan ang sanlibutan’
[Larawan sa pahina 25]
Ang banal na espiritu, ang tubig sa bautismo ni Jesus, ang kaniyang itinigis na dugo, at si Jehova mismo ay nagpatotoo na si Jesu-Kristo ay Anak ng Diyos