Paano Ka Maiingatan ng Kakayahang Mag-isip?
KAGILA-GILALAS na tanawin ang pagkalalaking alon, subalit para sa mga magdaragat ang mga ito ay nagbabadya ng panganib. Ang dumadaluyong na mga tubig na iyon ay maaaring kumitil ng kanilang buhay.
Sa katulad na paraan, ang mga lingkod ng Diyos ay maaaring mapaharap sa gabundok na mga panggigipit na nagbabantang tumabon sa kanila. Maaaring batid mo na sunud-sunod na mga daluyong ng pagsubok at tukso ang nagpapahirap sa mga Kristiyano. Tiyak na nais mong labanan ang mga ito nang lubusan, anupat determinadong iwasan ang espirituwal na pagkawasak. (1 Timoteo 1:19) Ang kakayahang mag-isip ay isang mahalagang bahagi ng iyong depensa. Ano ito, at paano ito natatamo?
Ang salitang Hebreo na isinaling “kakayahang mag-isip,” mezim·mahʹ, ay galing sa salitang-ugat na nangangahulugang “magplano o magpakana.” (Kawikaan 1:4) Kaya naman, isinasalin ng ilang bersiyon ng Bibliya ang mezim·mahʹ bilang “maingat sa pagpapasiya” o “pananaw sa hinaharap.” Inilalarawan ng mga iskolar sa Bibliya na sina Jamieson, Fausset, at Brown ang mezim·mahʹ bilang “pagiging maingat upang makaiwas sa masama at makasumpong ng mabuti.” Nangangahulugan ito ng pagsasaalang-alang sa matatagal at kagyat na mga epekto ng ating mga pagkilos. Sa pagkakaroon ng kakayahang mag-isip, maingat nating isasaalang-alang ang ating mga mapagpipilian bago tayo kumilos, lalo na kapag kailangang gumawa ng mahahalagang pasiya.
Kapag ang isang taong may kakayahang mag-isip ay gumagawa ng mga pasiya tungkol sa kinabukasan o tungkol sa kaniyang kalagayan sa kasalukuyan, sinusuri muna niya ang posibleng mga panganib o mga patibong. Kapag nalaman na ang posibleng mga panganib, pinagpapasiyahan niya kung paano niya maiiwasan ang mga ito, anupat isinasaalang-alang ang epekto ng kaniyang kapaligiran at mga kasamahan. Sa gayon ay maisasaplano niya ang isang landasin na magdudulot ng mabuting resulta, marahil ng mga pagpapala pa nga ng Diyos. Isaalang-alang natin ang ilang praktikal na halimbawa na naglalarawan sa prosesong ito.
Iwasan ang Silo ng Seksuwal na Imoralidad
Kapag itinutulak ng hangin ang malalakas na alon sa proa ng isang bangka, ang kalagayang ito ay inilalarawan bilang pasalubong na alon. Isinasapanganib ng mga magdaragat na tumaob ang kanilang bangka malibang sumalubong sila sa alon.
Napapaharap tayo sa katulad na situwasyon, yamang nabubuhay tayo sa isang daigdig na haling sa sekso. Araw-araw, napapaharap sa atin ang mga daluyong ng mahahalay na ideya at mga larawan. Hindi natin maipagwawalang-bahala ang epektong maidudulot nito sa ating normal na mga hangarin sa sekso. Dapat nating gamitin ang kakayahang mag-isip at matatag na harapin ang tukso sa halip na basta magpatangay sa mapanganib na mga situwasyon.
Halimbawa, ang mga lalaking Kristiyano ay kadalasang nagtatrabaho kasama ng mga taong may kakaunting paggalang sa mga babae, anupat itinuturing na sila’y nauukol lamang sa sekso. Maaaring haluan ng mga katrabaho ng malalaswang biruan at mga seksuwal na pasaring ang kanilang usapan. Ang ganitong kapaligiran ay makapaghahasik sa dakong huli ng imoral na mga ideya sa isipan ng isang Kristiyano.
Ang isang babaing Kristiyano ay baka kailangan ding mamasukan at sa gayon ay maaaring makaranas ng mga problema. Maaaring makapagtrabaho siya kasama ng mga lalaki at babae na ang mga pamantayan sa moral ay hindi katulad ng sa kaniya. Marahil ang isa sa kaniyang mga katrabahong lalaki ay nagpapakita ng interes sa kaniya. Sa simula, maaaring makonsiderasyon itong makikitungo sa kaniya, anupat iginagalang pa nga siya dahil sa kaniyang relihiyosong mga pangmalas. Ang matiyagang pag-uukol nito ng atensiyon at pagiging malapit ay makagaganyak sa kapatid na babae na makisama nang mas malapitan.
Bilang mga Kristiyano, paano tutulong sa atin ang kakayahang mag-isip sa gayong mga kalagayan? Una, maaari itong magbabala sa atin hinggil sa espirituwal na mga panganib, at ikalawa, maaari itong mag-udyok sa atin na magplano ng angkop na hakbang. (Kawikaan 3:21-23) Sa mga situwasyong gaya nito, baka kailangang iparating ang isang malinaw na mensahe sa mga katrabaho na ang ating mga pamantayan ay naiiba dahil sa ating maka-Kasulatang mga paniniwala. (1 Corinto 6:18) Maaaring patibayin ng ating pananalita at paggawi ang mensaheng iyan. Karagdagan pa, baka kailangang limitahan ang pakikitungo sa ilang kasamahan.
Gayunman, ang mga imoral na panggigipit ay hindi lamang nagaganap sa lugar ng trabaho. Maaari rin itong bumangon kapag hinayaan ng mag-asawa na sirain ng mga problema ang kanilang pagkakaisa. Ganito ang napansin ng isang naglalakbay na ministro: “Ang pagkasira ng pag-aasawa ay hindi biglang nangyayari. Ang mag-asawa ay maaaring unti-unting maging malayo sa isa’t isa, anupat madalang mag-usap o gumugol ng panahong magkasama. Baka magsikap silang magkamit ng materyal na mga pag-aari upang punan ang kahungkagan ng kanilang pag-aasawa. At dahil madalang nilang papurihan ang isa’t isa, maaaring maakit sila sa ibang di-kasekso.”
Ganito pa ang sinabi ng makaranasang ministrong ito: “Sa pana-panahon, dapat na maupo ang mag-asawa at pag-usapan kung may anumang bagay na nakasisira sa kanilang ugnayan. Dapat silang magplano kung paano makapag-aaral, makapananalangin, at makapangangaral nang magkasama. Makikinabang sila nang malaki kung mag-uusap sila ‘sa bahay, sa daan, kapag nakahiga, at kapag bumabangon,’ gaya ng ginagawa ng mga magulang at ng mga anak.”—Deuteronomio 6:7-9.
Pagharap sa Di-makakristiyanong Paggawi
Bukod sa pagtulong sa atin na matagumpay na harapin ang mga tukso sa moral, matutulungan din tayo ng kakayahang mag-isip na harapin ang mga problema sa mga kapuwa Kristiyano. Kapag itinutulak ng hangin ang mga alon sa popa ng bangka, lumilikha ito ng tinatawag na paayon na alon. Maaaring iangat ng mga alon ang popa at ipaling ito sa isang panig. Inihaharap nito ang tagiliran ng bangka sa direksiyon ng alon anupat maaaring masira ito.
Maaari rin tayong mahantad sa panganib mula sa di-inaasahang direksiyon. Naglilingkod tayo kay Jehova nang “balikatan” kasama ng ating napakaraming tapat na mga kapatid na Kristiyano. (Zefanias 3:9) Kung ang isa sa kanila ay gumagawi sa di-makakristiyanong paraan, ito ay tila pagkasira ng pagtitiwala at maaaring magdulot sa atin ng matinding kapighatian. Paano tayo hahadlangan ng kakayahang mag-isip upang hindi maging di-timbang at labis na masaktan?
Alalahanin na “walang taong hindi nagkakasala.” (1 Hari 8:46) Kung gayon, hindi natin dapat ipagtaka na kung minsan ay maaaring mapagalit o masaktan tayo ng isang kapatid na Kristiyano. Sa pagkaalam nito, makapaghahanda tayo para sa gayong pangyayari at makapagbubulay-bulay kung paano tayo dapat tumugon. Paano tumugon si apostol Pablo nang ang ilan sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano ay nagsalita tungkol sa kaniya sa paraang masakit at mapanlait? Sa halip na mawala ang kaniyang espirituwal na pagkatimbang, inisip niya na ang pagtatamo ng pagsang-ayon ni Jehova ay higit na mahalaga kaysa sa pagtatamo ng pagsang-ayon ng tao. (2 Corinto 10:10-18) Ang gayong saloobin ay tutulong sa atin na maiwasan ang padalus-dalos na reaksiyon kapag tayo’y napukaw sa pagkagalit.
Ito ay gaya ng pagkatisod ng ating daliri sa paa. Kapag nangyari ito, maaaring hindi tayo makapag-isip nang malinaw sa loob ng isang minuto o higit pa. Ngunit kapag naibsan na ang kirot, maaari na tayong mangatuwiran at kumilos nang normal. Gayundin naman, hindi tayo dapat tumugon kaagad sa isang magaspang na komento o paggawi. Sa halip, huminto muna at isaalang-alang ang mga epekto ng padalus-dalos na pagganti.
Ipinaliwanag ni Malcolm, isang matagal nang misyonero, kung ano ang ginagawa niya kapag nasaktan ang kaniyang damdamin. “Ang una kong ginagawa ay sinusuri ko ang isang talaan ng mga tanong: Galít ba ako sa kapatid na ito dahil di-magkatugma ang aming personalidad? Talaga bang mahalaga ang kaniyang sinabi? Ang epekto ba ng malarya sa aking emosyon ang nagpapatindi sa aking damdamin? Mamalasin ko kaya ang mga bagay-bagay sa naiibang paraan pagkalipas ng ilang oras?” Kadalasan, gaya ng nasumpungan ni Malcolm, ang di-pagkakaunawaan ay hindi mahalaga at maaaring palampasin.a
Dagdag pa ni Malcolm: “Kung minsan, sa kabila ng aking mga pagsisikap na lutasin ang situwasyon, ang saloobin ng ibang kapatid ay nananatiling di-palakaibigan. Sinisikap kong hindi ito makabagabag sa akin. Kapag ginawa ko na ang lahat, minamalas ko ang mga bagay-bagay sa naiibang paraan. Isinasaisantabi ko muna ito sa isipan para palipasin ang panahon, sa halip na malasin ito na isang bagay na kailangan kong lutasin agad. Hindi ko hahayaang sirain nito ang aking espirituwalidad o pinsalain ang aking kaugnayan kay Jehova at sa aking mga kapatid.”
Gaya ni Malcolm, hindi natin dapat hayaang labis tayong mabagabag sa maling paggawi ng isang indibiduwal. Sa bawat kongregasyon ay maraming kalugud-lugod at tapat na mga kapatid. Isang kaluguran na lumakad nang “magkakaagapay” na kasama nila sa landasing Kristiyano. (Filipos 1:27) Ang pag-alaala sa maibiging suporta ng ating makalangit na Ama ay tutulong din sa atin na malasin ang mga bagay-bagay sa tamang paraan.—Awit 23:1-3; Kawikaan 5:1, 2; 8:12.
Hindi Iniibig ang mga Bagay sa Sanlibutan
Matutulungan tayo ng kakayahang mag-isip na harapin ang isa pang tusong panggigipit. Kapag inihahampas ng hangin ang mga alon sa barakilan, o tagiliran, ng barko, tinatawag itong pahalang na alon. Sa normal na mga kalagayan, maaaring unti-unting ilihis ng gayong alon ang barko sa destinasyon nito. Gayunman, kapag may bagyo, maaaring itaob ng pahalang na alon ang bangka.
Gayundin naman, kung padadaig tayo sa panggigipit na tamasahin ang lahat ng iniaalok ng balakyot na sanlibutan, maaari tayong ilihis sa espirituwal na paraan ng materyalistikong istilong ito ng pamumuhay. (2 Timoteo 4:10) Kung hindi ito pipigilan, ang pag-ibig sa sanlibutan ang magpapangyari na iwan na nating lubusan sa dakong huli ang ating landasing Kristiyano. (1 Juan 2:15) Paano tutulong sa atin ang kakayahang mag-isip?
Una, tutulungan tayo nito na tayahin ang mga panganib na maaaring mapaharap sa atin. Ginagamit ng sanlibutan ang lahat ng maaaring isiping paraan ng pandaraya upang akitin tayo. Wala itong tigil sa pagtataguyod ng isang istilo ng pamumuhay na ipinalalagay na dapat sikaping makamit ng lahat—ang mapagparangyang istilo ng pamumuhay ng mayayaman, ng mga kahali-halina, at ng mga “matagumpay.” (1 Juan 2:16) Ipinangangako sa atin ang paghanga at pagsang-ayon ng lahat, lalo na ng ating mga kasamahan at mga kapitbahay. Tutulong ang kakayahang mag-isip upang labanan ang propagandang ito, anupat ipinaaalaala sa atin ang kahalagahan ng ‘pagiging malaya sa pag-ibig sa salapi,’ yamang nangangako si Jehova na ‘sa anumang paraan ay hindi tayo pababayaan.’—Hebreo 13:5.
Ikalawa, ang kakayahang mag-isip ay hahadlang sa atin sa pagsunod sa mga “lumihis mula sa katotohanan.” (2 Timoteo 2:18) Napakahirap kontrahin yaong mga naiibigan at pinagkakatiwalaan natin. (1 Corinto 15:12, 32-34) Kahit maimpluwensiyahan lamang tayo nang kaunti ng mga tumalikod sa landasing Kristiyano, makahahadlang pa rin ito sa ating espirituwal na pagsulong at sa dakong huli ay magsasapanganib sa atin. Maaaring matulad tayo sa isang bapor na lumihis nang kahit kaunti lamang mula sa tamang landas nito. Pagkalipas ng mahabang paglalakbay, maaari itong mapalayo nang husto sa talagang destinasyon nito.—Hebreo 3:12.
Matutulungan tayo ng kakayahang mag-isip na matiyak kung nasaan na tayo sa espirituwal na diwa at kung saan tayo patungo. Marahil ay nakikita natin ang pangangailangang magkaroon ng higit pang bahagi sa mga gawaing Kristiyano. (Hebreo 6:11, 12) Pansinin kung paano ginamit ng isang kabataang Saksi ang kakayahang mag-isip upang tulungan siyang itaguyod ang espirituwal na mga tunguhin: “Nagkaroon ako ng pagkakataong itaguyod ang isang karera sa pamamahayag. Ito ay talagang kaakit-akit sa akin, ngunit naalaala ko ang talata sa Bibliya na nagsasabi na ang ‘sanlibutan ay lumilipas,’ samantalang ‘siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.’ (1 Juan 2:17) Nangatuwiran ako na dapat masalamin sa paraan ng aking pamumuhay ang aking mga paniniwala. Iniwan ng mga magulang ko ang pananampalatayang Kristiyano, at ayaw kong sundin ang kanilang halimbawa. Kaya sinikap kong mamuhay nang may layunin at nagpatala ako sa buong-panahong paglilingkod bilang isang regular pioneer. Pagkalipas ng apat na kasiya-siyang mga taon, alam kong tama ang naging desisyon ko.”
Matagumpay na Pagharap sa Espirituwal na mga Bagyo
Bakit apurahan na sanayin ang kakayahang mag-isip sa ngayon? Ang mga magdaragat ay kailangang maging alisto sa mga tanda ng panganib, lalo na kapag may namumuong mga bagyo. Kapag lumalamig ang temperatura at lumalakas ang hangin, tinatakpan nila ang mga lagusan sa loob ng bapor at naghahanda para sa masamang mangyayari. Gayundin naman, dapat tayong maghanda na harapin ang mga panggigipit ng napakatinding unos habang papalapit ang kawakasan ng balakyot na sistemang ito. Ang moral na kayarian ng lipunan ay nasisira, at ‘ang mga taong balakyot ay nagpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama.’ (2 Timoteo 3:13) Kung paanong ang mga magdaragat ay laging nakikinig sa mga balita hinggil sa lagay ng panahon, dapat din tayong makinig sa makahulang mga babala ng kinasihang Salita ng Diyos.—Awit 19:7-11.
Kapag ginagamit natin ang kakayahang mag-isip, ikinakapit natin ang kaalaman na umaakay tungo sa buhay na walang hanggan. (Juan 17:3) Maaari nating patiunang makita ang mga problema at mapagpasiyahan kung paano pagtatagumpayan ang mga ito. Sa gayon ay matatag nating maipapasiya na hindi mailihis mula sa landasing Kristiyano, at makapaglalatag tayo ng “isang mainam na pundasyon para sa hinaharap” sa pamamagitan ng pagtatakda at pagsisikap na makamit ang espirituwal na mga tunguhin.—1 Timoteo 6:19.
Kung iingatan natin ang praktikal na karunungan at kakayahang mag-isip, hindi natin dapat “katakutan ang anumang biglaang panghihilakbot.” (Kawikaan 3:21, 25, 26) Sa halip, maaaliw tayo sa pangako ng Diyos: “Kapag ang karunungan ay pumasok sa iyong puso at ang kaalaman ay naging kaiga-igaya sa iyo mismong kaluluwa, ang kakayahang mag-isip ay magbabantay sa iyo.”—Kawikaan 2:10, 11.
[Talababa]
a Dapat sikapin ng mga Kristiyano na makipagpayapaan, kasuwato ng payo na nasa Mateo 5:23, 24. Kung ang problema ay nagsasangkot ng malulubhang pagkakasala, dapat nilang sikapin na matamo ang kanilang kapatid, gaya ng binalangkas sa Mateo 18:15-17. Tingnan Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1999, pahina 17-22.
[Larawan sa pahina 23]
Ang regular na pag-uusap ay nagpapatibay sa pag-aasawa