-
Magpatawad Mula sa Iyong PusoAng Bantayan—1999 | Oktubre 15
-
-
ipagpatawad ninyo ang anumang taglay ninyo laban sa kaninuman; upang patawarin din kayo ng inyong Ama na nasa mga langit sa inyong mga pagkakamali.”—Marcos 11:25.
22, 23. Paano makaaapekto sa ating kinabukasan ang ating pagiging handang magpatawad?
22 Oo, ang ating pag-asang patuloy na tumanggap ng kapatawaran ng Diyos ay nakasalalay nang malaki sa ating pagiging handang magpatawad sa ating mga kapatid. Kapag bumangon ang isang personal na problema sa pagitan ng mga Kristiyano, tanungin ang sarili, ‘Hindi kaya makapupong higit na mahalaga na matamo ang kapatawaran ng Diyos kaysa mapatunayan ko na ang isang kapatid ay nagkamali hinggil sa ilang bahagyang pananakit ng damdamin, ilang maliliit na pagkakasala, o ilang pagpapaaninag ng di-kasakdalan ng tao?’ Alam mo ang sagot.
23 Subalit, paano kaya kung ang pangyayari ay mas malubha at hindi lamang isang maliit na personal na pagkakamali o problema? At kailan kumakapit ang payo ni Jesus na nakaulat sa Mateo 18:15-18? Isaalang-alang natin sa susunod ang mga bagay na ito.
-
-
Maaari Mong Matamo ang Iyong KapatidAng Bantayan—1999 | Oktubre 15
-
-
Maaari Mong Matamo ang Iyong Kapatid
“Pumaroon ka at ihayag ang kaniyang pagkakamali na ikaw at siya lamang. Kung siya ay makinig sa iyo, natamo mo ang iyong kapatid.”—MATEO 18:15.
1, 2. Anong praktikal na payo ang ibinigay ni Jesus hinggil sa pagharap sa mga pagkakamali?
NANG wala nang isang taon ang natitira sa kaniyang ministeryo, si Jesus ay nagbigay ng mahahalagang aral sa kaniyang mga alagad. Mababasa mo iyon sa Mateo kabanata 18. Ang isa ay tungkol sa kahalagahan ng ating pagiging mapagpakumbaba, gaya ng mga bata. Pagkatapos ay idiniin niya na iwasan nating makatisod sa “isa sa maliliit na ito” at na sikapin nating maibalik ang naliligaw na “maliliit” upang hindi sila mawala. Saka idinagdag ni Jesus ang mahalaga at praktikal na payo sa paglutas ng di-pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Kristiyano.
2 Magugunita mo ang kaniyang mga salita: “Kung ang kapatid mo ay makagawa ng kasalanan, pumaroon ka at ihayag ang kaniyang pagkakamali na ikaw at siya lamang. Kung siya ay makinig sa iyo, natamo mo ang iyong kapatid. Subalit kung hindi siya makinig, magsama ka ng isa o dalawa pa, upang sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ang bawat bagay ay maitatag. Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo sa kongregasyon. Kung hindi siya makinig kahit sa kongregasyon, siya ay maging gaya ng tao ng mga bansa at gaya ng maniningil ng buwis sa iyo.” (Mateo 18:15-17) Kailan natin ikakapit ang gayong payo, at ano ang dapat na maging saloobin natin sa paggawa nito?
3. Anong pangkalahatang pangmalas ang dapat nating isaisip hinggil sa pagkakamali ng iba?
3 Idiniin ng sinundang artikulo na yamang tayong lahat ay di-sakdal at madaling magkamali, kailangan nating pasulungin ang pagiging mapagpatawad. Lalo na kung nakasasakit ang sinabi o ginawa ng kapuwa Kristiyano. (1 Pedro 4:8) Karaniwan nang pinakamabuti na palampasin na lamang ang pang-iinsulto—magpatawad at lumimot. Maaari nating malasin na ang paggawa nito ay isang tulong sa ikapapayapa ng kongregasyong Kristiyano. (Awit 133:1; Kawikaan 19:11) Gayunman, baka may pagkakataon na sa palagay mo’y dapat ipakipag-usap ang isang bagay sa iyong kapatid na nakasakit sa iyo. Sa ganiyang kaso, pinapatnubayan tayo ng mga salita ni Jesus sa itaas.
4. Sa simulain, paano natin maikakapit ang Mateo 18:15 sa pagkakamali ng iba?
4 Ipinayo ni Jesus na iyong “ihayag ang kaniyang pagkakamali na ikaw at siya lamang.” Iyan ay isang katalinuhan. Ang pagkakasabi ng ilang salin sa wikang Aleman ay, ipakilala ang kaniyang pagkakamali “sa harap ng apat na mata,” na ang ibig sabihin ay mga mata mo at mga mata niya. Kung may-kabaitan mong uungkatin ang isang problema nang sarilinan, karaniwan nang mas madali itong malutas. Baka mas madaling matanggap ng isang kapatid na nakagawa o nakapagsalita ng isang bagay na nakaiinsulto o nakasasakit ang pagkakamali sa iyo kung kayo lamang dalawa. Kung may ibang nakaririnig, ang di-sakdal na tao ay may tendensiyang itanggi ang pagkakamali o sikaping ipangatuwiran ang kaniyang ginawa. Subalit kung uungkatin mo ang isyu “sa harap ng apat na mata,” baka maliwanagan mong iyon pala’y isang di-pagkakaunawaan lamang sa halip na isang kasalanan o kusang pagkakamali. Kapag nagkaintindihan kayo na iyon pala ay isang di-pagkakaunawaan lamang, malulutas ninyo iyon, anupat hindi na hahayaang lumaki pa at sumira sa inyong pagsasamahan ang isang maliit na isyu. Kaya nga, ang simulain sa Mateo 18:15 ay maikakapit kahit sa maliliit na pagkakamali sa pang-araw-araw na buhay.
Ano ang Ibig Niyang Sabihin?
5, 6. Ayon sa konteksto, sa anong uri ng kasalanan tumutukoy ang Mateo 18:15, at ano ang nagpapahiwatig niyan?
5 Ang totoo, ang ipinayo ni Jesus ay may kaugnayan sa mas malulubhang bagay. Sinabi ni Jesus: “Kung ang kapatid mo ay makagawa ng kasalanan.” Sa malawakang diwa, ang isang “kasalanan” ay maaaring anumang pagkakamali o pagkukulang. (Job 2:10; Kawikaan 21:4; Santiago 4:17) Gayunman, ipinahihiwatig ng konteksto na ang kasalanang ibig sabihin ni Jesus ay yaong mas malubha. Gayon na lamang ang kaselangan nito anupat nagiging dahilan tuloy ito upang ituring ang nagkamali bilang “gaya ng tao ng mga bansa at gaya ng maniningil ng buwis.” Ano ang ipinahihiwatig ng pariralang iyan?
6 Batid ng mga alagad ni Jesus na nakarinig ng mga salitang iyon na ang kanilang mga kababayan ay hindi nakikisalamuha sa mga Gentil. (Juan 4:9; 18:28; Gawa 10:28) At tiyak na iniiwasan nila ang mga maniningil ng buwis, na mga ipinanganak na mga Judio subalit naging mga abusado sa mga tao. Kaya ang totoo, ang tinutukoy sa Mateo 18:15-17 ay hinggil sa malulubhang kasalanan, hindi personal na pang-iinsulto o pananakit na madaling patawarin at limutin.—Mateo 18:21, 22.a
7, 8. (a) Anong uri ng mga kasalanan ang kailangang ayusin ng matatanda? (b) Anong klase ng kasalanan ang maaaring malutas sa pagitan ng dalawang Kristiyano, may kaugnayan sa Mateo 18:15-17?
7 Sa ilalim ng Kautusan, may mga kasalanan na hindi basta mapatatawad na lamang ng pinagkasalahan. Ang pamumusong, apostasya, idolatriya, at mga seksuwal na kasalanan na pakikiapid, pangangalunya, at homoseksuwalidad ay dapat isumbong sa matatanda (o mga saserdote) upang ayusin. Totoo rin iyan sa kongregasyong Kristiyano. (Levitico 5:1; 20:10-13; Bilang 5:30; 35:12; Deuteronomio 17:9; 19:16-19; Kawikaan 29:24) Subalit pansinin na ang uri ng kasalanang binabanggit dito ni Jesus ay maaaring lutasin ng dalawang tao. Bilang mga halimbawa: Dahil sa galit o paninibugho, siniraang-puri ng isang tao ang kaniyang kapuwa. Nakipagkontrata ang isang Kristiyano na gagawin niya ang isang trabaho na gagamitan ng partikular na mga materyales at tatapusin sa takdang petsa. Sumang-ayon ang isa na magbabayad siya ayon sa napag-usapan o pagsapit ng nasabing petsa. Ang isang tao ay nangako na kapag sinanay siya ng kaniyang amo, hindi siya makikipagkompitensiya o sisikaping agawin ang mga kliyente ng kaniyang amo sa loob ng isang takdang panahon o sa isang itinalagang lugar.b Kung hindi tutuparin ng isang kapatid ang kaniyang salita at hindi pinagsisisihan ang ginawang pagkakamali, iyon ay tiyak na magiging maselan. (Apocalipsis 21:8) Subalit ang gayong pagkakamali ay maaaring malutas sa pagitan ng dalawang nasasangkot.
8 Kung gayon, paano mo lulutasin ang bagay na ito? Kadalasan nang minamalas ang mga salita ni Jesus ayon sa tatlong hakbang. Tingnan nating isa-isa. Sa halip na malasin ito bilang permanente at legal na pamamaraan, sikaping unawain ang diwa ng mga ito, anupat hindi kailanman kinalilimutan ang iyong maibiging tunguhin.
Sikaping Matamo ang Iyong Kapatid
9. Ano ang dapat nating tandaan sa pagkakapit sa Mateo 18:15?
9 Nagsimula si Jesus: “Kung ang kapatid mo ay makagawa ng kasalanan, pumaroon ka at ihayag ang kaniyang pagkakamali na ikaw at siya lamang. Kung siya ay makinig sa iyo, natamo mo ang iyong kapatid.” Maliwanag, ito’y hindi isang hakbang na batay sa hinala lamang. Dapat na mayroon kang ebidensiya o partikular na impormasyon na magagamit mo upang matulungan ang iyong kapatid na makitang siya’y nagkamali at kailangang ituwid ang mga bagay-bagay. Makabubuti na kumilos agad, anupat huwag hayaang lumaki pa ang isyu o mamihasa siya rito. At huwag mong kalilimutan na makasásamâ rin sa iyo kung laging ito ang laman ng iyong isip. Yamang kayo lamang dalawa ang mag-uusap, iwasan na ipakipag-usap muna ito sa iba upang kumuha ng kakampi o kaya’y pagandahin ang tingin sa iyong sarili. (Kawikaan 12:25; 17:9) Bakit? Dahil sa iyong tunguhin.
10. Ano ang tutulong sa atin na matamo ang ating kapatid?
10 Dapat na ang layunin mo ay matamo ang iyong kapatid, hindi upang kastiguhin, hiyain, o ipahamak siya. Kung talagang nagkamali siya, nanganganib ang kaniyang kaugnayan kay Jehova. Tiyak na nais mong manatili siya bilang iyong Kristiyanong kapatid. Mapalálakí ang posibilidad ng tagumpay kung sa inyong pag-uusap na dalawa ay mananatili kang mahinahon, anupat iniiwasan ang masasakit na salita o isang tono na nagpaparatang. Sa maibiging paghaharap na ito, tandaan na kayo kapuwa ay di-sakdal at makasalanan. (Roma 3:23, 24) Kapag naliwanagan niya na hindi mo siya itsinismis at nakitang taimtim ka sa kagustuhan mong makatulong, baka madali itong malutas. Ang mabait at maliwanag na pamamaraang ito ay pantanging kababanaagan ng karunungan kapag lumitaw na sa paanuman ay pareho kayong nagkamali o kaya’y hindi lamang talaga nagkaunawaan.—Kawikaan 25:9, 10; 26:20; Santiago 3:5, 6.
11. Kahit na hindi nakinig sa atin ang isang nagkasala, ano ang maaari nating gawin?
11 Kung tutulungan mo siya na maunawaang siya’y may nagawang kamalian at na ito’y maselan, baka sakaling mahimok mo siyang magsisi. Gayunman, makatotohanan lamang na mahadlangan ito ng amor propyo. (Kawikaan 16:18; 17:19) Kaya kahit hindi niya aminin sa pasimula at pagsisihan ang pagkakamali, maghintay ka muna bago ka gumawa ng susunod na hakbang. Hindi sinabi ni Jesus na ‘pumaroon ka nang minsan lamang at ihayag ang kaniyang pagkakamali.’ Yamang ito’y isang kasalanang kaya mong lutasin, subuking lapitan siyang muli sa diwa ng Galacia 6:1 at “sa harap ng apat na mata.” Posibleng magtagumpay ka. (Ihambing ang Judas 22, 23.) Subalit, paano kung natitiyak mong may nagawa siyang kasalanan, at ayaw niyang aminin?
Humingi ng Tulong sa mga Maygulang
12, 13. (a) Anong pangalawang hakbang ang binalangkas ni Jesus sa pagharap sa mga pagkakamali? (b) Ano ang angkop na mga payo sa pagkakapit sa hakbang na ito?
12 Matutuwa ka ba sakaling iwan ka na agad ng iba kung ikaw ay nakagawa ng malubhang pagkakamali? Malamang na hindi. Alinsunod dito, ipinakita ni Jesus na pagkatapos ng unang hakbang, hindi ka dapat sumuko sa pagsisikap na matamo ang iyong kapatid, upang mapanatili siyang kaisa mo at ng iba sa pagsamba sa Diyos sa paraang kalugud-lugod. Binalangkas ni Jesus ang pangalawang hakbang: “Kung hindi siya makinig, magsama ka ng isa o dalawa pa, upang sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ang bawat bagay ay maitatag.”
13 Sinabi niya na “magsama ka ng isa o dalawa pa.” Hindi niya sinabi na pagkagawa mo ng unang hakbang, malaya ka nang ipagsabi ang problema kahit kanino, kumontak ng isang naglalakbay na tagapangasiwa, o isulat sa mga kapatid ang tungkol sa problema. Gaano ka man kakumbinsido hinggil sa pagkakamali, hindi pa naman ito lubusang matatag. Hindi mo nanaising magkalat ng negatibong impormasyon na magiging isang paninirang puri sa iyong bahagi. (Kawikaan 16:28; 18:8) Kundi sinabi ni Jesus na magsama ka ng isa o dalawa pa. Bakit? At sino kaya ang mga ito?
14. Sino kaya ang maaari nating isama sa pangalawang hakbang?
14 Sinisikap mong matamo ang iyong kapatid sa pamamagitan ng pagkumbinsi sa kaniya na siya’y may nagawang pagkakasala at sa pamamagitan ng paghimok sa kaniya na magsisi upang makipagpayapaan sa iyo at sa Diyos. Sa layuning iyan, mas makabubuti kung ang “isa o dalawa” ay mga saksi sa nagawang pagkakamali. Marahil ay naroroon sila nang maganap iyon, o mayroon silang matibay na impormasyon tungkol sa ginawa (o sa hindi ginawa) may kinalaman sa negosyo. Kung walang ganitong mga saksi, ang isasama mo ay yaong makaranasan sa isyung pinagtatalunan at sa gayon ay maitatatag niya kung talaga ngang ang nangyari ay isang pagkakamali. Isa pa, kung kakailanganin, maaari silang maging saksi sa sinabi, anupat pinatutunayan ang mga pangyayaring iniharap at ang pagsisikap na ginawa. (Bilang 35:30; Deuteronomio 17:6) Kaya hindi lamang sila mga neutral na kasama o mga reperi; kundi, ang kanilang pagkanaroroon ay upang makatulong na matamo ninyo kapuwa ang inyong kapatid.
15. Bakit maaaring makatulong ang Kristiyanong matatanda kung gagawin natin ang pangalawang hakbang?
15 Huwag mong isipin na ang isasama mo ay dapat na mga lalaking matatanda sa kongregasyon. Gayunman, ang maygulang na matatandang lalaki ay makatutulong sa pamamagitan ng kanilang espirituwal na mga kuwalipikasyon. Ang matatandang ito ay “gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan, gaya ng mga bukal ng tubig sa lupaing walang tubig, gaya ng lilim ng malaking bato sa lupaypay na lupain.” (Isaias 32:1, 2) Sila’y makaranasan sa pangangatuwiran at pagbabalik sa ayos ng mga kapatid. At may mabuting dahilan ang mga nagkakamali na magtiwala sa gayong “mga kaloob na mga tao.”c (Efeso 4:8, 11, 12) Ang pag-uusap hinggil sa bagay na iyon sa harap ng gayong maygulang na mga lalaki at pakikibahagi sa panalangin kasama nila ay nakalilikha ng panibagong kapaligiran at nalulutas ang sa akala’y hindi na kayang lutasin.—Ihambing ang Santiago 5:14, 15.
Ang Panghuling Pagsisikap na Matamo Siya
16. Ano ang pangatlong hakbang na binalangkas ni Jesus?
16 Kapag nabigong lutasin ng pangalawang hakbang ang bagay na iyon, ang mga tagapangasiwa sa kongregasyon ay tiyak na kasangkot na sa pangatlong hakbang. “Kung hindi siya makinig sa [isa o dalawa], sabihin mo sa kongregasyon. Kung hindi siya makinig kahit sa kongregasyon, siya ay maging gaya ng tao ng mga bansa at gaya ng maniningil ng buwis sa iyo.” Nangangailangan ito ng ano?
17, 18. (a) Anong parisan ang tumutulong sa atin upang maunawaan ang kahulugan ng ‘sabihin sa kongregasyon’? (b) Paano natin ikakapit ang hakbang na ito sa ngayon?
17 Hindi natin inuunawa ito bilang isang tagubilin na pag-usapan ang kasalanan o kamalian sa isang regular o pantanging pulong ng buong kongregasyon. Matitiyak natin ang angkop na paraan mula sa Salita ng Diyos. Tingnan ang ginawa noon sa sinaunang Israel sa isang kaso ng rebelyon, katakawan, at paglalasing: “Kung ang isang lalaki ay may isang anak na sutil at mapaghimagsik, na hindi siya nakikinig sa tinig ng kaniyang ama o sa tinig ng kaniyang ina, at itinuwid na nila siya ngunit hindi siya nakikinig sa kanila, hahawakan nga siya ng kaniyang ama at ng kaniyang ina at ilalabas siya sa matatandang lalaki ng kaniyang lunsod at sa pintuang-daan ng kaniyang dako, at sasabihin nila sa matatandang lalaki ng kaniyang lunsod, ‘Ang anak naming ito ay sutil at mapaghimagsik; hindi siya nakikinig sa aming tinig, palibhasa’y matakaw at lasenggo.’ Kung magkagayon ay pagpupupukulin siya ng mga bato ng lahat ng lalaki sa kaniyang lunsod.”—Deuteronomio 21:18-21.
18 Ang mga kasalanan ng taong iyon ay hindi dininig at hinatulan ng buong bansa ni ng lahat sa kaniyang sariling tribo. Sa halip, ang kinikilalang “matatandang lalaki” ang nag-asikaso roon bilang mga kinatawan ng kongregasyon. (Ihambing ang Deuteronomio 19:16, 17 hinggil sa isang kasong hinawakan ng “mga saserdote at ng mga hukom na nanunungkulan sa mga araw na iyon.”) Sa katulad na paraan ngayon, kapag kinailangang gawin ang pangatlong hakbang, ang matatanda, na kumakatawan sa kongregasyon, ang hahawak sa kaso. Pareho rin ang kanilang tunguhin, upang matamo ang Kristiyanong kapatid hangga’t maaari. Ipinamamalas nila ito sa pamamagitan ng di-pagkampi sa kaninuman, anupat hindi humahatol nang patiuna o walang kinikilingan.
19. Ano ang sisikaping gawin ng matatanda na inatasang duminig sa kaso?
19 Pag-aaralan nila ang mga pangyayari at pakikinggan ang mga saksing kailangan upang maitatag kung talaga ngang may nagawang pagkakamali (o patuloy pa ring ginagawa). Hangad nilang maingatan ang kongregasyon mula sa kasiraan at mapanatiling hiwalay mula sa espiritu ng sanlibutan. (1 Corinto 2:12; 5:7) Kasuwato ng kanilang mga kuwalipikasyon ayon sa Kasulatan, sisikapin nilang “magpayo nang masidhi sa pamamagitan ng turo na nakapagpapalusog at sumaway doon sa mga sumasalungat.” (Tito 1:9) Sana, ang mga nagkamali ay hindi maging gaya ng mga Israelita na tungkol sa kanila’y sumulat ang propeta ni Jehova: “Ako ay tumawag, ngunit hindi kayo sumagot; ako ay nagsalita, ngunit hindi kayo nakinig; at patuloy ninyong ginawa ang masama sa aking paningin, at ang bagay na hindi ko kinalugdan ay pinili ninyo.”—Isaias 65:12.
20. Ano ang sinabi ni Jesus na mangyayari kapag ayaw makinig at magsisi ang nagkasala?
20 Gayunman, sa ilang kaso, ang nagkasala’y nagpapamalas ng ganiyan ding saloobin. Kung gayon, ang tagubilin ni Jesus ay maliwanag: “Siya ay maging gaya ng tao ng mga bansa at gaya ng maniningil ng buwis sa iyo.” Hindi iminumungkahi ng Panginoon ang pagiging di-makatao o pagkahilig na makasakit. Gayunman, hindi malabo ang tagubilin ni apostol Pablo na alisin ang mga di-nagsisising nagkasala mula sa kongregasyon. (1 Corinto 5:11-13) Maaaring maging dahilan din ito upang sa wakas ay maabot ang tunguhin na matamo ang nagkasala.
21. Anong posibilidad ang nananatili pa ring nakabukas para sa isang inalis na sa kongregasyon?
21 Makikita natin ang posibilidad na iyan mula sa talinghaga ni Jesus tungkol sa alibughang anak. Ayon sa pagkakalarawan, makalipas ang panahon ng pamumuhay sa labas ng maibiging pagsasamahan sa tahanan ng kaniyang ama, ang nagkasalang iyan ay ‘sumapit sa kaniyang katinuan.’ (Lucas 15:11-18) Binanggit ni Pablo kay Timoteo na balang araw ang ilang nagkamali ay magsisisi at “makababalik sila sa kanilang wastong katinuan mula sa silo ng Diyablo.” (2 Timoteo 2:24-26) Tiyak na umaasa tayong sana’y madama ng sinumang di-nagsisising nagkasala at kinailangang alisin mula sa kongregasyon na sila ang nawalan—kapuwa ng pagsang-ayon ng Diyos at ng mainit na pakikipagsamahan at pakikisalamuha sa tapat na mga Kristiyano—at saka bumalik sa kanilang katinuan.
22. Paano pa natin matatamo ang ating kapatid?
22 Hindi itinuring ni Jesus na wala nang pag-asang makapanumbalik pa ang tao ng mga bansa at mga maniningil ng buwis. Isa rito, si Mateo Levi, ay nagsisi, taimtim na ‘sumunod kay Jesus,’ at napili pa ngang apostol. (Marcos 2:15; Lucas 15:1) Dahil dito, kung ang isang nagkasala sa ngayon ay ‘hindi nakinig kahit sa kongregasyon’ at inalis mula roon, hintayin natin kung siya, balang araw, ay magsisisi at magtutuwid ng landas na kaniyang tatahakin. Kapag ginawa niya iyon at naging miyembro uli ng kongregasyon, matutuwa tayo kung gayon na natamo natin ang ating kapatid pabalik sa kawan ng tunay na pagsamba.
[Mga talababa]
a Ganito ang sinasabi sa McClintock and Strong’s Cyclopedia: “Ang mga publikano [maniningil ng buwis] ng Bagong Tipan ay itinuturing na mga traidor at apostata, na pinarumi ng kanilang malimit na pakikipag-ugnayan sa mga pagano at mga taong handang magpagamit sa umaapi. Sila’y ibinilang na makasalanan . . . Palibhasa’y nilalayuan, anupat ayaw makasalamuha ng mga taong may marangal na pamumuhay, ang tangi nilang mga kaibigan o kasamahan ay yaong mula sa mga tulad din nilang itinakwil ng lipunan.”
b Ang mga bagay na may kinalaman sa negosyo o pananalapi na nagsasangkot ng isang antas ng pagsisinungaling, pandaraya, o panlilinlang ay maaaring ibilang sa uri ng kasalanan na ibig sabihin ni Jesus. Bilang pahiwatig, matapos ibigay ang tagubiling nakaulat sa Mateo 18:15-17, nagbigay si Jesus ng isang ilustrasyon hinggil sa mga alipin (empleyado) na may utang at hindi nakabayad.
c Ganito ang sabi ng isang iskolar ng Bibliya: “Kung minsan ay mas pinakikinggan ng nagkamali ang dalawa o tatlo (lalo na kung ang mga ito’y karapat-dapat igalang) kaysa sa isa, lalo na kung ang isang iyon ay siyang kasamaan niya ng loob.”
Natatandaan Mo Ba?
◻ Pangunahin nang sa anong uri ng kasalanan kumakapit ang Mateo 18:15-17?
◻ Ano ang dapat nating tandaan kung gagawin natin ang unang hakbang?
◻ Sino kaya ang makatutulong kung gagawin natin ang pangalawang hakbang?
◻ Sino ang nasasangkot sa paggawa ng pangatlong hakbang, at paano pa natin matatamo ang ating kapatid?
[Larawan sa pahina 18]
Iniwasan ng mga Judio ang mga maniningil ng buwis. Nagbago si Mateo at sumunod kay Jesus
[Larawan sa pahina 20]
Kadalasan nang nalulutas natin ang kaso “sa harap ng apat na mata”
-