TAONG TAMPALASAN
Isang pananalitang ginamit ng apostol na si Pablo sa 2 Tesalonica 2:2, 3 nang magbabala siya hinggil sa malaking apostasya laban sa Kristiyanismo na lilitaw bago “ang araw ni Jehova.” Dito, ang salitang Griego na ginamit para sa “apostasya,” ang a·po·sta·siʹa, ay hindi lamang nagpapahiwatig ng basta paghiwalay, o isang di-seryosong paglayo. Ito’y nangangahulugan ng paglipat ng panig, isang pagsalansang, isang planado at sinasadyang paghihimagsik. Sa mga sinaunang dokumentong papiro, ang a·po·sta·siʹa ay ginagamit sa diwang pulitikal may kinalaman sa mga rebelde.
Isang Relihiyosong Pagsalansang. Gayunman, ang paghihimagsik na ito ay hindi pulitikal. Isa itong relihiyosong paghihimagsik, isang pagsalansang sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo at samakatuwid ay pagsalansang sa kongregasyong Kristiyano.
Inihula. Ang mga apostol na sina Pablo at Pedro ay bumigkas at sumulat ng mga hula hinggil sa apostasyang ito, at ang Panginoong Jesu-Kristo mismo ay nagbabala hinggil sa pagdating nito. Sa kaniyang ilustrasyon tungkol sa trigo at sa mga panirang-damo (Mat 13), sinabi ni Jesus na ang Diyablo ay maghahasik ng “mga panirang-damo,” mga imitasyong Kristiyano, “mga anak ng isa na balakyot,” sa gitna ng “trigo,” ang “mga anak ng kaharian.” Sila ay iiral hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay, kung kailan sila makikilala at ‘susunugin.’
Binabalaan ni Pablo ang Kristiyanong mga tagapangasiwa sa Efeso na pag-alis niya, papasok sa gitna ng mga tunay na Kristiyano ang “mapaniil na mga lobo” at ang mga ito ay hindi makikitungo nang magiliw sa kawan kundi magsisikap na ilayo “ang mga alagad” upang pasunurin ang mga ito sa kanila, anupat hindi lamang sila gagawa ng mga alagad para sa kanilang sarili kundi magsisikap din na ilayo ang mga alagad, mga alagad ni Kristo. (Gaw 20:29, 30) Sa 1 Timoteo 4:1-3, sumulat siya: “Gayunman, ang kinasihang pananalita ay tiyakang nagsasabi na sa mga huling yugto ng panahon ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga pananalita at mga turo ng mga demonyo, sa pamamagitan ng pagpapaimbabaw ng mga tao na nagsasalita ng mga kasinungalingan, na natatakan sa kanilang budhi na waring sa pamamagitan ng pangherong bakal [walang-pakiramdam, may pilat dahil sa pagkapaso, anupat hindi sila inuusig ng kanilang budhi dahil sa mapagpaimbabaw na pagsasalita ng mga kasinungalingan]; na ipinagbabawal ang pag-aasawa, ipinag-uutos ang pag-iwas sa mga pagkain na nilalang ng Diyos upang pagsaluhan nang may pasasalamat.”
Nang maglaon, isinulat ni Pablo kay Timoteo na “darating ang isang yugto ng panahon kapag hindi nila titiisin ang nakapagpapalusog na turo, kundi, ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, sila ay magtitipon ng mga guro para sa kanilang sarili upang kumiliti sa kanilang mga tainga; at itatalikod nila ang kanilang mga tainga mula sa katotohanan.”—2Ti 4:3, 4.
Ipinaghalintulad ng apostol na si Pedro ang pag-aapostata mula sa Kristiyanismo at yaong naganap sa likas na Israel. Sinabi niya: “Gayunman, nagkaroon din ng mga bulaang propeta sa gitna ng mga tao, kung paanong magkakaroon din ng mga bulaang guro sa gitna ninyo. Ang mga ito ay tahimik na magpapasok ng mapanirang mga sekta at magtatatwa maging sa may-ari na bumili sa kanila, na nagdadala ng mabilis na pagkapuksa sa kanilang sarili. Karagdagan pa, marami ang susunod sa kanilang mahahalay na paggawi, at dahil sa mga ito ay pagsasalitaan nang may pang-aabuso ang daan ng katotohanan.” Itinawag-pansin pa ni Pedro na pagsasamantalahan ng mga ito ang kongregasyon ngunit “ang pagkapuksa sa kanila ay hindi umiidlip.”—2Pe 2:1-3.
Isang “taong” binubuo ng marami. Kung gayon, ang ‘tao’ sa 2 Tesalonica 2:1-12 ay hindi isang indibiduwal lamang kundi isang “taong” binubuo ng maraming indibiduwal, isang kalipunan, gaya ng ipinakikita ng nabanggit na mga kasulatan, at ang “taong” ito ay patuloy na iiral pagkamatay ng mga apostol hanggang sa panahon ng pagkanaririto ng Panginoon.
Kataksilan laban sa Diyos. Ang “katampalasanang” ginagawa ng makasagisag na apostatang “taong” ito ay katampalasanan laban sa Diyos na Jehova, ang Soberano ng Sansinukob. Nagkakasala ang “taong” ito ng kataksilan. Tinatawag siyang “anak ng pagkapuksa,” gaya ni Hudas Iscariote, ang traidor na nagkanulo sa Panginoong Jesu-Kristo at naging kasangkapan upang siya’y maipapatay. Ang “taong” ito, gaya ni Hudas, ay lilipulin, anupat hindi na iiral magpakailanman. Ang “taong” ito ay hindi ang “Babilonyang Dakila,” na lumalaban din sa Diyos, sapagkat iyon ay isang babae, isang patutot. Gayunman, yamang nagsasagawa siya ng isang relihiyosong paghihimagsik laban sa Diyos, maliwanag na siya ay bahagi ng mistikong Babilonya.—Ju 17:12; Apo 17:3, 5.
Inihahanda ng “taong tampalasan” ang kaniyang sarili sa pagsalansang sa Diyos at samakatuwid ay isang “satanas,” na nangangahulugang “mananalansang.” At ang kaniyang pagkanaririto ay talaga ngang “ayon sa pagkilos ni Satanas.” (2Te 2:9) Noong mga araw ng apostol na si Pablo, nagkaroon ng isang “hiwaga,” o isang relihiyosong lihim, tungkol sa pagkakakilanlan ng “taong tampalasan” na ito. Hanggang sa araw na ito, ang kaniyang pagkakakilanlan ay nababalot ng hiwaga sa isipan ng maraming tao, sapagkat ang kaniyang kabalakyutan ay isinasagawa sa likod ng balatkayo ng makadiyos na debosyon. (2Te 2:7) Sa pamamagitan ng kaniyang bulaang mga turo na salungat o humahalili, wika nga, sa kautusan ng Diyos, itinataas ng “taong tampalasan” ang kaniyang sarili sa ibabaw ng Diyos na Jehova at ng iba pang ‘mga diyos,’ mga makapangyarihan sa lupa, at laban din sa mga banal ng Diyos, ang tunay na espirituwal na mga kapatid ni Jesu-Kristo. (Ihambing ang 2Pe 2:10-13.) Yamang siya’y isang mapagpaimbabaw, isang bulaang guro na nag-aangking isang Kristiyano, “umuupo siya sa templo ng Diyos,” samakatuwid nga, ang templo na inaangkin ng mga bulaang guro bilang sa Diyos.—2Te 2:4.
Isang pamigil. May binabanggit si Pablo na isang “bagay na nagsisilbing pamigil.” (2Te 2:6) Lumilitaw na ang pamigil na ito ay ang mga apostol. Sinabihan ni Pablo ang mga tagapangasiwang taga-Efeso na pag-alis niya ay papasok ang mga taong tulad-lobo. (Gaw 20:29) Paulit-ulit siyang sumulat ng mga babala tungkol sa apostasyang iyon hindi lamang sa Ikalawang Tesalonica kundi maging sa maraming payo niya kay Timoteo. At pinayuhan niya si Timoteo na ang mga bagay na narinig nito kay Pablo ay ipagkatiwala nito sa mga taong tapat na magiging kuwalipikado na magturo naman sa iba. Tinukoy niya ang kongregasyon ng Diyos na buháy bilang “isang haligi at suhay ng katotohanan.” Ibig niyang patibayin ito nang husto hangga’t maaari bago tuluyang lumaganap ang malaking apostasya.—2Ti 2:2; 1Ti 3:15.
Pagkaraan ng mahabang panahon, sa utos ni Kristo, ang apostol na si Juan ay sinabihang sumulat, na nagbababala laban sa mga sekta, anupat espesipiko niyang binanggit ang sekta ni Nicolas at tinukoy ang mga bulaang propeta na gaya ni Balaam at ang babaing si Jezebel na ang tawag sa kaniyang sarili ay propetisa.—Apo 2:6, 14, 15, 20.
Gumagana na noong panahon ng mga apostol. Sinabi ng apostol na si Pablo na ang hiwaga ay “gumagana na.” (2Te 2:7) May mga tao noon na nagsisikap na magturo ng huwad na doktrina, anupat nililigalig pa nga ng ilan sa mga ito ang kongregasyon ng Tesalonica, at isa ito sa mga dahilan kung bakit isinulat niya ang kaniyang ikalawang liham sa kanila. Mayroon nang mga antikristo nang isulat ni Juan ang kaniyang mga liham, at walang alinlangang bago pa niyaon. Tinukoy ni Juan “ang huling oras” ng kapanahunang apostoliko, at sinabi niya: “Gaya ng inyong narinig na ang antikristo ay darating, maging sa ngayon ay lumitaw na ang maraming antikristo . . . Sila ay lumabas mula sa atin, ngunit hindi natin sila kauri; sapagkat kung kauri natin sila, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit sila ay lumabas upang maipakita na hindi lahat ay kauri natin.”—1Ju 2:18, 19; tingnan ang ANTIKRISTO.
Isiniwalat. Pagkamatay ng mga apostol, “ang taong tampalasan” ay nahayag taglay ang kaniyang relihiyosong pagpapaimbabaw at mga bulaang turo. (2Te 2:3, 6, 8) Ayon sa mga salita ni Pablo, ang “taong” ito ay magkakaroon ng malaking kapangyarihan, na kumikilos sa ilalim ng kontrol ni Satanas, anupat nagsasagawa ng “bawat makapangyarihang gawa at kasinungalingang mga tanda at mga palatandaan.” Ang mga taong malilinlang sa pagkilos ng makasagisag na “taong tampalasan” ay tinutukoy bilang “mga nalilipol [sa literal, “pinupuksa ang kanilang sarili”], bilang kagantihan sapagkat hindi nila tinanggap ang pag-ibig sa katotohanan upang sila ay maligtas.” Ipinakikita ng apostol na ang mga ito ay ‘napaniwala sa kasinungalingan’ at silang lahat ay ‘hahatulan sapagkat hindi nila pinaniwalaan ang katotohanan kundi nalugod sila sa kalikuan.’ (2Te 2:9-12; tingnan ang Int.) Kung gayon, ang kahatulang iyon ay isang kahatulan ng pagkondena.—Tingnan ang PAGKABUHAY-MULI (Kasalanan laban sa banal na espiritu).
Pupuksain. Ang makasagisag at mapagpaimbabaw na “taong tampalasan” na ito ay lilipulin ng Panginoong Jesus “sa pamamagitan ng espiritu ng kaniyang bibig” at papawiin “sa pamamagitan ng pagkakahayag ng kaniyang pagkanaririto.” Ang pagkalipol ng balakyot na mananalansang na ito ng Diyos ay magiging isang nakikita at matibay na patotoo na ang Panginoong Jesu-Kristo ay nakaupo na at gumaganap bilang Hukom. Hindi siya hahatol ayon sa kaniyang sariling mga pamantayan, samakatuwid, ang pagpuksa “sa pamamagitan ng espiritu ng kaniyang bibig” ay maliwanag na nangangahulugang isasagawa niya ang kahatulan ni Jehova laban sa balakyot na grupong ito ng mga tao.—2Te 2:8; ihambing ang Apo 19:21, may kinalaman sa “mahabang tabak . . . na siyang tabak na lumalabas mula sa kaniyang bibig.”