Lumakad Bilang Magkakasamang Manggagawa sa Katotohanan
Mga Tampok Mula sa Ikalawa at Ikatlong Juan
ANG kaalaman sa katotohanan ay isang tanda na pagkakakilanlan sa mga sumasamba kay Jehova. (Juan 8:31, 32; 17:17) Ang paglakad ayon sa banal na katotohanan ay kailangan sa kaligtasan. At ang mga lingkod ng Diyos ay kailangang maging mga kamanggagawa sa katotohanan.
Ang ikalawa at ikatlong kinasihang mga liham ni apostol Juan ay tumatalakay sa ‘paglakad sa katotohanan.’ (2 Juan 4; 3 Juan 3, 4) Ang ikatlong Juan ay nagpapatibay-loob din sa pagtutulungan bilang ‘magkakamanggagawa sa katotohanan.’ (3 Juan 5-8) Malamang, ang kapuwa mga liham na iyan ay isinulat sa Efeso o malapit dito mga 98 C.E. Subalit ang sinasabi nito ay pakikinabangan ng bayan ni Jehova sa ngayon.
Idiniriin ng Ikalawang Juan ang Katotohanan
Sa ikalawang Juan ay idiniriin muna ang katotohanan at pag-ibig at nagbibigay-babala laban sa “anti-Kristo.” (Talatang 1-7) Ang liham ay pahatid sa “hirang na ginang,” marahil isang indibiduwal. Subalit kung sakaling pahatid iyon sa isang kongregasyon, ang kaniyang “mga anak” ay inianak-sa-espiritung mga Kristiyano na ‘hinirang’ ng Diyos ukol sa makalangit na buhay. (Roma 8:16, 17; Filipos 3:12-14) Ikinagalak ni Juan na doon ay may mga “lumalakad sa katotohanan” at sa gayo’y lumalaban sa apostasya. Gayunman, sila’y kailangang mag-ingat laban sa “anti-Kristo,” na tumatangging si Jesus ay naparito sa laman. Pinakikinggan ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang ganiyang mga babala laban sa apostasya.
Pagkatapos ay nagbibigay ng payo si Juan tungkol sa pakikitungo sa mga apostata at sa wakas ay nagtatapos sa pamamagitan ng isang personal na pagpapaalaala at mga pagbati. (Talatang 8-13) Sa pamamagitan ng gawang pangangaral, siya at ang mga iba ay nangagbunga na ang resulta’y ang kombersiyon ng mga pinadalhan niya ng kaniyang liham. Sa pamamagitan lamang ng ‘pag-iingat’ sa kanilang espirituwalidad kanilang “makakamit ang lubos na kagantihan,” malinaw na kasali na rito ang makalangit na “putong” na inilaan sa tapat na mga pinahiran. (2 Timoteo 4:7, 8) Kung sinuman na ‘hindi nananatili sa turo ng Kristo’ ay lumapit sa kanila, ‘huwag nilang tatanggapin siya sa kanilang mga tahanan ni babatiin man’ upang huwag silang maparamay sa kaniyang “mga gawang kabalakyutan.” Pagkatapos ipahayag ang pag-asa na siya’y paroroon at kakausapin nang mukhaan ang mga kapananampalatayang iyon, si Juan ay nagsara sa pamamagitan ng mga pagbati.
Sa Ikatlong Juan ay Idiniriin ang Pagtutulungan
Sa ikatlong Juan ang kinakausap ay si Gayo at ang unang binanggit ay yaong kaniyang ginagawa para sa mga kapananampalataya. (Talatang 1-8) Si Gayo ay “lumalakad sa katotohanan” sa pamamagitan ng hindi paghiwalay sa buong kalipunan ng mga turong Kristiyano. Siya rin naman ay “gumagawa ng tapat na gawa” sa pagtulong sa mga kapatid na dumadalaw. Si Juan ay sumulat: “Tayo . . . ay obligado na tanggapin nang may kagandahang-loob ang gayong mga tao, upang tayo’y maging mga magkakamanggagawa sa katotohanan.” Ang mga Saksi ni Jehova ay nagpapakita rin ng gayong kagandahang-loob sa pagpapatuloy sa naglalakbay na mga tagapangasiwa sa ngayon.
Pagkatapos ipakita ang pagkakaiba ng masamang iginawi ni Diotrephes sa iginawi naman ni Demetrio, tinapos ni Juan ang kaniyang liham. (Talatang 9-14) Ang mapaghanap-ng-karangalang si Diotrephes ay hindi nagpakita ng paggalang kay Juan at sinubok pa man din niya na paalisin sa kongregasyon yaong mga nagmamagandang-loob sa mga kapatid. Gayunman, isang nagngangalang Demetrio ang binanggit bilang isang mainam na halimbawa. Inaasahan ni Juan na makikita niya si Gayo sa madaling panahon at nagtapos sa pamamagitan ng mga pagbati at ng paghahangad na si Gayo ay magtamasa ng kapayapaan.
[Kahon/Larawan sa pahina 30]
Taglay ang Papel, Panulat, at Tinta: Nais ni Juan na dalawin “ang hirang na ginang” at ang kaniyang “mga anak” sa halip na isulat sa kanila ang maraming bagay “sa papel at tinta.” Imbis na patuloy na sumulat kay Gayo “sa tinta at panulat,” ang apostol ay umasa rin na makikita siya sa lalong madaling panahon. (2 Juan 1, 12; 3 Juan 1, 13, 14) Ang salitang Griego na isinaling “panulat” (kaʹla·mos) ay tumutukoy sa isang baston o tambo at maisasalin na “panulat-na-tambo.” Sa mga Griego at sa mga Romano, ang isang panulat na tambo ay tulís at may laslas na gaya ng mga panulat na pakpak nang bandang huli. Ang salitang Griego na meʹlan, isinaling “tinta,” ang anyong pambalaki ng panlalaking pang-uri na meʹlas, nangangahulugang “itim.” Sa pinakaantigong mga tinta, ang ginagamit ay isang pangkulay na itim na maraming halong karbon—isang anyo ng uling na kinukuha sa nagniningas na langis o kahoy, o isang malakristal na uling na nanggagaling sa gulay o mga hayop. Karaniwan, ang tinta ay iniimbak bilang tuyong mga bareta o mga buong piraso, na medyo binabasâ ng eskriba at ginagamit sa kaniyang pinsel o tambo. Ang papel noong mga kaarawang iyon ay isang manipis na materyales na ginawang mga pilyego buhat sa mga pirasong kinuha sa halamang papiro. Ang sinaunang mga Kristiyano ay gumamit ng gayong papel para sa mga liham, balumbon, at mga codices.