Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa mga Liham ni Juan at ni Judas
MALAMANG na isinulat ang tatlong liham ni apostol Juan noong 98 C.E. sa Efeso. Kabilang ang mga ito sa mga huling aklat ng kinasihang Kasulatan. Ang unang dalawang liham ay nagpapasigla sa mga Kristiyano na patuloy na lumakad sa liwanag at lumaban sa apostasya. Sa ikatlong liham, hindi lamang sinabi ni Juan ang tungkol sa paglakad sa katotohanan kundi pinasigla rin niya ang mga Kristiyano na magtulungan sa isa’t isa.
Ang liham naman ni Judas, na kapatid sa ina ni Jesus, ay isinulat sa Palestina, malamang noong 65 C.E. Binabalaan ni Judas ang kaniyang kapuwa mga Kristiyano laban sa masasamang indibiduwal na nakapasok sa kongregasyon, at binigyan niya sila ng payo kung paano lalabanan ang masasamang impluwensiya. Ang pagbibigay-pansin sa mensahe ng tatlong liham ni Juan at ng liham ni Judas ay makatutulong sa atin na manatiling matibay sa pananampalataya sa kabila ng mga balakid.—Heb. 4:12.
PATULOY NA LUMAKAD SA LIWANAG AT SA PAG-IBIG AT SA PANANAMPALATAYA
Isinulat ni Juan ang kaniyang unang liham para sa buong kongregasyon na kaisa ni Kristo. Naglalaan ito ng mahusay na payo upang matulungan ang mga Kristiyano na labanan ang apostasya at patuloy na makapanindigan sa katotohanan at katuwiran. Idiniin niya ang kahalagahan ng patuloy na paglakad sa liwanag at sa pag-ibig at sa pananampalataya.
Sumulat si Juan: “Kung lumalakad tayo sa liwanag gaya [ng Diyos] mismo na nasa liwanag, may pakikibahagi nga tayo sa isa’t isa.” At yamang ang Diyos ang Pinagmumulan ng pag-ibig, sinabi ng apostol: “Patuloy tayong mag-ibigan sa isa’t isa.” Habang pinakikilos tayo ng “pag-ibig sa Diyos” na ‘tuparin ang kaniyang mga utos,’ dinaraig natin ang sanlibutan sa pamamagitan ng “ating pananampalataya” sa Diyos na Jehova, sa kaniyang Salita, at sa kaniyang Anak.—1 Juan 1:7; 4:7; 5:3, 4.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
2:2; 4:10—Paano naging “pampalubag-loob na hain” si Jesus? Ang buhay ni Jesus ay nagsilbing pampalubag-loob na hain sa diwa na sinapatan nito ang hinihiling ng sakdal na katarungan. Salig sa haing iyon, ang Diyos ay maaaring magpakita ng kaawaan, at maaari niyang pagpaumanhinan ang mga kasalanan ng mga nananampalataya kay Jesus.—Juan 3:16; Roma 6:23.
2:7, 8—Anong utos ang tinutukoy ni Juan na ‘luma’ at ‘bago’? Ang tinutukoy ni Juan ay ang utos hinggil sa mapagsakripisyong pag-ibig na pangkapatid. (Juan 13:34) Sinasabi niyang ‘luma’ ito dahil ibinigay ito ni Jesus mga 60 taon na ang nakalilipas bago isulat ni Juan ang kaniyang unang kinasihang liham. Kaya taglay ito ng mga mananampalataya “buhat pa nang pasimula” ng kanilang buhay bilang Kristiyano. Ang utos na ito ay ‘bago’ rin sa diwa na nakahihigit ito sa pagpapakita ng ‘pag-ibig sa kapuwa gaya ng sa sarili’ at hinihiling nito ang pagpapakita ng mapagsakripisyong pag-ibig.—Lev. 19:18; Juan 15:12, 13.
3:2—Ano ang “hindi pa nahahayag” sa mga pinahirang Kristiyano, at sino ang makikita nila “kung ano nga siya”? Ang hindi pa nahahayag sa mga Kristiyanong ito ay ang kayarian nila kapag binuhay na silang muli sa langit bilang mga espiritu. (Fil. 3:20, 21) Gayunman, alam nila na “kailanma’t mahayag [ang Diyos], [sila] ay magiging tulad niya, sapagkat makikita [nila] siya kung ano nga siya,” samakatuwid nga, bilang “Espiritu.”—2 Cor. 3:17, 18.
5:5-8—Paano nagpatotoo ang tubig, dugo, at espiritu na si “Jesus ang Anak ng Diyos”? Ang tubig ay nagsilbing tagapagpatotoo dahil nang si Jesus ay bautismuhan sa tubig, ipinahayag mismo ni Jehova ang Kaniyang pagsang-ayon kay Jesus bilang Kaniyang Anak. (Mat. 3:17) Ang pagbibigay ng dugo, o buhay, ni Jesus bilang “katumbas na pantubos para sa lahat” ay nagpapakita rin na si Jesus ang Anak ng Diyos. (1 Tim. 2:5, 6) At ang banal na espiritu naman ay nagpatotoo na si Jesus ang Anak ng Diyos nang bumaba ito kay Jesus sa kaniyang bautismo. Ito ang nagpakilos sa kaniya na ‘lumibot sa lupain upang gumawa ng mabuti at pagalingin ang lahat ng sinisiil ng Diyablo.’—Juan 1:29-34; Gawa 10:38.
Mga Aral Para sa Atin:
2:9-11; 3:15. Kapag hinayaan ng isang Kristiyano na sirain ng sinumang tao o anumang bagay ang kaniyang pag-ibig na pangkapatid, siya ay lumalakad sa espirituwal na kadiliman, anupat hindi niya alam kung saan siya paroroon.
PATULOY NA ‘LUMAKAD SA KATOTOHANAN’
Pinasimulan ni Juan ang kaniyang ikalawang liham sa pagsasabi: “Ang matandang lalaki sa piniling ginang at sa kaniyang mga anak.” Ipinahayag niya ang kaniyang kagalakan nang masumpungan niyang ang ‘ilan sa mga anak ng ginang ay lumalakad sa katotohanan.’—2 Juan 1, 4.
Pagkatapos patibayin ang kaniyang mga kapananampalataya na linangin ang pag-ibig, sumulat si Juan: “Ito ang kahulugan ng pag-ibig, na patuloy tayong lumakad ayon sa kaniyang mga utos.” Nagbabala rin si Juan laban sa “manlilinlang at [sa] antikristo.”—2 Juan 5-7.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1, 13—Sino ang “piniling ginang”? Maaaring tinutukoy ni Juan ang isang espesipikong babae na nagngangalang Kyria, ang salitang Griego para sa “ginang.” O baka para lituhin ang mga mang-uusig, gumamit siya ng makasagisag na pananalita upang tukuyin ang isang partikular na kongregasyon. Kung ang huling nabanggit ang nangyari, ang mga anak ng ginang ay tumutukoy sa mga miyembro ng kongregasyon at ang “mga anak ng [kaniyang] kapatid na babae” ay tumutukoy sa mga miyembro ng ibang kongregasyon.
Mga Aral Para sa Atin:
2, 4. Ang pagkuha natin ng kaalaman hinggil sa “katotohanan”—ang buong kalipunan ng turong Kristiyano na naging bahagi ng Bibliya—at ang panghahawakan dito ay mahalaga sa ating kaligtasan.—3 Juan 3, 4.
8-11. Kung ayaw nating mawala sa atin ang “di-sana-nararapat na kabaitan, awa at kapayapaan mula sa Diyos na Ama at mula kay Jesu-Kristo,” gayundin ang maibiging samahan ng mga kapananampalataya, dapat nating “ingatan” ang ating espirituwalidad at itakwil ang sinumang “hindi nananatili sa turo ng Kristo.”—2 Juan 3.
MAGING “MGA KAMANGGAGAWA SA KATOTOHANAN”
Ang ikatlong liham ni Juan ay ipinatungkol niya sa kaniyang matalik na kaibigang si Gayo. Sumulat siya: “Wala na akong mas dakilang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.”—3 Juan 4.
Pinapurihan ni Juan si Gayo sa “ginagawa [nitong] tapat na gawa” may kaugnayan sa pagtulong sa dumadalaw na mga kapatid. “Tayo . . . ay may pananagutan na magiliw na tanggapin ang gayong mga tao, upang tayo ay maging mga kamanggagawa sa katotohanan,” ang sabi ng apostol.—3 Juan 5-8.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
11—Bakit nasasangkot sa masamang paggawi ang ilan? Yamang mahina ang kanilang espirituwalidad, hindi nakikita ng ilan ang Diyos sa pamamagitan ng kanilang mata ng unawa. Dahil hindi nila siya nakikita ng kanilang literal na mata, kumikilos sila na para bang hindi sila nakikita ng Diyos.—Ezek. 9:9.
14—Sino ang tinutukoy na “mga kaibigan”? Ang pananalitang “mga kaibigan” ay tumutukoy hindi lamang sa mga magkakaibigan na may malapit na ugnayan sa isa’t isa. Ginamit ni Juan ang pananalitang ito upang tukuyin ang mga kapananampalataya sa pangkalahatan.
Mga Aral Para sa Atin:
4. Ang may-gulang sa espirituwal na mga miyembro ng kongregasyon ay labis na natutuwa kapag nakikita nila ang nakababatang mga kapananampalataya na ‘patuloy na lumalakad sa katotohanan.’ At tunay ngang walang kahulilip na kaligayahan ang nadarama ng mga magulang kapag nagtagumpay sila sa pagtulong sa kanilang mga anak na maging mga lingkod ni Jehova!
5-8. Kabilang sa mga nagpapagal para sa kanilang mga kapatid udyok ng kanilang pag-ibig sa mga ito at kay Jehova ang mga naglalakbay na tagapangasiwa, misyonero, naglilingkod sa mga tahanang Bethel o tanggapang pansangay, at mga payunir. Nararapat tularan ang kanilang pananampalataya, at nararapat din silang tumanggap ng ating pag-ibig at suporta.
9-12. Dapat nating tularan ang halimbawa ng tapat na si Demetrio at hindi ang halimbawa ng madaldal na si Diotrepes, na isang maninirang-puri.
“PANATILIHIN ANG INYONG SARILI SA PAG-IBIG NG DIYOS”
Inilarawan ni Judas ang ilang nakapasok sa kongregasyon bilang “mga mapagbulong, mga reklamador tungkol sa kanilang kalagayan sa buhay, lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa.” “Nagsasalita [sila] ng mapagmalaking mga bagay, habang sila ay humahanga sa mga personalidad.”—Jud. 4, 16.
Paano malalabanan ng mga Kristiyano ang masasamang impluwensiya? Sumulat si Judas: “Mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga pananalita na sinalita na noong una ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” Sinabi pa niya: “Panatilihin ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos.”—Jud. 17-21.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
3, 4—Bakit hinimok ni Judas ang mga Kristiyano na “puspusang makipaglaban ukol sa pananampalataya”? Dahil may ‘mga taong di-makadiyos na nakapuslit sa loob ng kongregasyon.’ ‘Ginagawang dahilan ng mga taong ito ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos para sa mahalay na paggawi.’
20, 21—Paano tayo ‘makapananatili sa pag-ibig ng Diyos’? Magagawa natin ito sa tatlong paraan: (1) sa pagpapatibay ng ating “kabanal-banalang pananampalataya” sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral sa Salita ng Diyos at masigasig na pakikibahagi sa gawaing pangangaral; (2) sa pananalangin “taglay ang banal na espiritu,” o kaayon ng impluwensiya nito; at (3) sa pagkakaroon ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo—ang inilaan upang maging posible ang buhay na walang hanggan.—Juan 3:16, 36.
Mga Aral Para sa Atin:
5-7. Matatakasan ba ng masasama ang hatol ni Jehova? Ayon sa mga halimbawang itinala ni Judas na nagsisilbing babala sa atin, imposible iyan.
8-10. Dapat nating tularan ang halimbawa ni Miguel na arkanghel at magpakita ng paggalang sa awtoridad na itinalaga ni Jehova.
12. Ang mga apostatang nagpapakita ng mapagpaimbabaw na pag-ibig ay mapanganib sa ating pananampalataya gaya ng mga batong nakatago sa ilalim ng tubig na kapaha-pahamak sa mga barko o mga manlalangoy. Ang mga bulaang guro naman ay waring bukas-palad, pero gaya sila ng mga ulap na walang tubig, samakatuwid nga, wala silang espirituwalidad. Ang gayong mga tao ay walang bunga gaya ng mga patay na punungkahoy sa pagtatapos ng taglagas. Napapaharap sa pagkapuksa ang mga taong ito, gaya ng mga binunot na punungkahoy. Matalino tayo kung iiwasan natin ang mga apostata.
22, 23. Kinapopootan ng mga tunay na Kristiyano ang masama. Upang mailigtas mula sa apoy ng walang-hanggang pagkapuksa ang “ilan na may mga pag-aalinlangan,” ang mga maygulang sa kongregasyon—lalo na ang mga hinirang na tagapangasiwa—ay nagbibigay ng tulong upang mapanumbalik ng mga nag-aalinlangang ito ang kanilang espirituwalidad.
[Mga larawan sa pahina 28]
Ang tubig, espiritu, at dugo ay nagpatotoo na si “Jesus ang Anak ng Diyos”