Mga Kabataan—Naaapektuhan Ninyo ang Puso ng Inyong mga Magulang
“WALA na akong mas dakilang dahilan sa pagpapasalamat kaysa sa mga bagay na ito, na marinig ko na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan,” ang isinulat ng matanda nang si apostol Juan. (3 Juan 4) Bagaman mga alagad na Kristiyano ang tinutukoy na mga anak sa talatang ito ng Bibliya, madaling mauunawaan ng isang magulang na may takot sa Diyos ang damdaming ito na ipinahayag ni Juan. Kung paanong may malaking epekto ang mga magulang sa buhay ng kanilang mga anak, ang mga anak ay may malaki ring epekto sa buhay ng kanilang mga magulang.
Sinabi ni Haring Solomon ng Israel kung gaano kalaki ang epekto ng mga anak sa kanilang mga magulang. Isinulat niya: “Ang anak na marunong ay yaong nagpapasaya sa ama, at ang anak na hangal ay pighati ng kaniyang ina.” (Kawikaan 10:1) Samakatuwid, makabubuting pag-isipan ng lahat ng mga anak—kahit malalaki na—ang magiging epekto sa kanilang nanay at tatay ng kanilang mga ginagawa. Bakit angkop ito?
Isip-isipin na lamang ang pag-aalagang ibinuhos sa pagpapalaki sa inyo ng inyong mga magulang na may-takot sa Diyos! Hindi pa man kayo isinisilang, nagmamalasakit at nananalangin na sila para sa inyo. Nang isilang kayo, napamahal na agad kayo sa inyong mga magulang at malamang na nagpapasalamat sila sa Diyos sa napakagandang pribilehiyo ngunit napakabigat na pananagutan ng pagiging magulang. Isang maliit at walang kalaban-labang sanggol ang nasa ilalim ngayon ng kanilang pagkalinga, at bilang mga mananamba ni Jehova, dinibdib nila ito.
Yamang mga tunay na Kristiyano ang inyong mga magulang, kumokonsulta sila sa Bibliya at sa mga literaturang salig sa Bibliya para sa maaasahang patnubay, at humihingi sila ng payo sa mga nakapagpalaki na ng mga anak. Patuloy rin silang nananalangin sa Diyos upang sabihin ang kanilang mga ikinababahala. (Hukom 13:8) Habang lumalaki kayo, nalalaman ng inyong mga magulang ang inyong magagandang katangian at nalalaman din nila ang inyong mga kahinaan. (Job 1:5) Sa inyong pagbibinata o pagdadalaga, nagkakaroon ng panibagong mga hamon. Kung minsan, baka nagiging rebelyoso kayo, kaya naman ang inyong mga magulang ay lalo pang nananalangin, lalo pang nagbabasa, at lalo pang nag-iisip kung paano kayo matutulungang magpatuloy sa pagsamba sa inyong makalangit na Ama, si Jehova.
Ang inyong mga magulang ay hindi natatapos sa kanilang pagiging nanay at tatay. Patuloy silang nagmamalasakit sa inyong pisikal, mental, emosyonal, at espirituwal na kapakanan kahit malalaki na kayo. Pero mula’t sapol, alam ng inyong mga magulang na kayo ay may sariling pagpapasiya at walang makatitiyak kung ano ang kahihinatnan ng inyong buhay. Sa bandang huli, kayo mismo ang magpapasiya kung anong landasin ang pipiliin ninyo.
Kung gayon, hindi ba’t makatuwirang sabihin na kung ang mga magulang ay ‘wala nang mas dakilang dahilan sa pagpapasalamat’ kundi ang marinig na ang kanilang mga anak ay “patuloy na lumalakad sa katotohanan,” totoo rin ang kabaligtaran nito? Oo, napipighati ang mga magulang kapag kumikilos nang may kamangmangan ang kanilang mga anak. Sinabi ni Solomon: “Ang anak na hangal ay kaligaligan sa kaniyang ama at kapaitan sa nanganak sa kaniya.” (Kawikaan 17:25) Isa ngang malaking dagok para sa mga magulang kapag tinalikuran ng kanilang anak ang pagsamba sa tunay na Diyos!
Maliwanag na napakalaki ng impluwensiya ninyo sa inyong pamilya at sa ibang tao. Naaapektuhan ng inyong paggawi ang puso ng inyong mga magulang. Kung tatalikuran ninyo ang Diyos at ang kaniyang mga simulain, magdurusa ang inyong mga magulang. Totoo rin naman ang kabaligtaran nito. Kung mananatili kayong tapat at masunurin kay Jehova, matutuwa ang inyong mga magulang. Maging determinadong pasayahin ang puso ng inyong mga magulang! May hihigit pa bang regalo na maibibigay ninyo sa mga nagpalaki, nag-alaga, at umibig sa inyo?