Kabanata 43
Ang Maringal na Lunsod
Pangitain 16—Apocalipsis 21:9–22:5
Paksa: Paglalarawan sa Bagong Jerusalem
Panahon ng katuparan: Pagkaraan ng malaking kapighatian at ng pagbubulid kay Satanas sa kalaliman
1, 2. (a) Saan dinala ng anghel si Juan upang makita ang Bagong Jerusalem, at anong pagkakaiba ang mapapansin natin dito? (b) Bakit ito ang dakilang kasukdulan ng Apocalipsis?
ANGHEL ang nagdala kay Juan sa ilang upang ipakita sa kaniya ang Babilonyang Dakila. Isa rin sa grupong iyon ng mga anghel ang naghahatid ngayon kay Juan sa isang napakataas na bundok. Kabaligtaran naman ang nakikita niya! Hindi ang karumal-dumal at imoral na lunsod na gaya ng isang maka-Babilonyang patutot ang naririto, kundi ang Bagong Jerusalem—dalisay, espirituwal, banal—at bumababa ito mula sa langit mismo.—Apocalipsis 17:1, 5.
2 Maging ang makalupang Jerusalem ay hindi kailanman nagkaroon ng gayong kaluwalhatian. Sinasabi sa atin ni Juan: “At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok na punô ng pitong huling salot, at nakipag-usap siya sa akin at nagsabi: ‘Halika rito, ipakikita ko sa iyo ang kasintahang babae, ang asawa ng Kordero.’ Kaya dinala niya ako sa kapangyarihan ng espiritu sa isang malaki at napakataas na bundok, at ipinakita niya sa akin ang banal na lunsod na Jerusalem na bumababang galing sa langit mula sa Diyos at taglay ang kaluwalhatian ng Diyos.” (Apocalipsis 21:9-11a) Mula sa taluktok ng napakataas na bundok na iyon, minamasdan ni Juan ang bawat marikit na detalye ng magandang lunsod. Mula nang mahulog sa kasalanan at kamatayan ang sangkatauhan, buong-pananabik nang inaasam ng mga taong may pananampalataya ang pagdating nito. Sa wakas, naririto na ito! (Roma 8:19; 1 Corinto 15:22, 23; Hebreo 11:39, 40) Ito ang maringal at espirituwal na lunsod, na binubuo ng 144,000 na nakapanatiling tapat, anupat nagniningning sa kabanalan at nagpapaaninaw ng mismong kaluwalhatian ni Jehova. Ito ang dakilang kasukdulan ng Apocalipsis!
3. Paano inilalarawan ni Juan ang kagandahan ng Bagong Jerusalem?
3 Makapigil-hininga ang kagandahan ng Bagong Jerusalem: “Ang kaningningan nito ay tulad ng isang napakahalagang bato, gaya ng batong jaspe na kumikinang na sinlinaw ng kristal. Ito ay may malaki at napakataas na pader at may labindalawang pintuang-daan, at sa mga pintuang-daan ay may labindalawang anghel, at may nakasulat na mga pangalan niyaong labindalawang tribo ng mga anak ni Israel. Sa silangan ay may tatlong pintuang-daan, at sa hilaga ay tatlong pintuang-daan, at sa timog ay tatlong pintuang-daan, at sa kanluran ay tatlong pintuang-daan. Ang pader ng lunsod ay mayroon ding labindalawang batong pundasyon, at sa mga iyon ay naroon ang labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.” (Apocalipsis 21:11b-14) Angkop ngang ang unang impresyon na iniuulat ni Juan ay tungkol sa nagniningning na kaliwanagan! Maningning na gaya ng isang babaing bagong kasal, ang Bagong Jerusalem ay karapat-dapat na kabiyak para kay Kristo. Talagang kumikinang ito, na angkop sa isa na nilalang ng “Ama ng makalangit na mga liwanag.”—Santiago 1:17.
4. Ano ang nagpapahiwatig na ang Bagong Jerusalem ay hindi ang bansang Israel sa laman?
4 Sa 12 pintuang-daan nito, nakasulat ang mga pangalan ng 12 tribo ng Israel. Kaya ang makasagisag na lunsod ay binubuo ng 144,000, na tinatakan “mula sa bawat tribo ng mga anak ni Israel.” (Apocalipsis 7:4-8) Kasuwato nito, ang mga batong pundasyon ay may mga pangalan ng 12 apostol ng Kordero. Oo, ang Bagong Jerusalem ay hindi ang bansang Israel sa laman na itinatag mula sa 12 anak ni Jacob. Ito ang espirituwal na Israel, na itinatag sa “mga apostol at mga propeta.”—Efeso 2:20.
5. Ano ang ipinahihiwatig ng “malaki at napakataas na pader” ng Bagong Jerusalem at ng paglalagay ng mga anghel sa bawat pasukán nito?
5 Napakalaki ng pader ng makasagisag na lunsod. Noong sinaunang panahon, itinatayo ang mga pader ng lunsod bilang depensa upang hindi makapasok ang mga kaaway. Ipinakikita ng “malaki at napakataas na pader” ng Bagong Jerusalem na tiwasay siya sa espirituwal na paraan. Hindi makapapasok ang sinumang kaaway ng katuwiran, marumi o di-tapat. (Apocalipsis 21:27) Subalit para sa mga pinatutuloy, ang pagpasok sa napakagandang lunsod na ito ay para na ring pagpasok sa Paraiso. (Apocalipsis 2:7) Pagkatapos palayasin si Adan, inilagay ang mga kerubin sa harap ng orihinal na Paraiso upang hindi makapasok ang maruruming tao. (Genesis 3:24) Kasuwato nito, inilagay rin ang mga anghel sa bawat pasukán ng banal na lunsod ng Jerusalem upang maingatan ang espirituwal na katiwasayan ng lunsod. Sa katunayan, sa mga huling araw, patuloy na binabantayan ng mga anghel ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano, na siyang nagiging Bagong Jerusalem, laban sa maka-Babilonyang karumihan.—Mateo 13:41.
Pagsukat sa Lunsod
6. (a) Paano inilalarawan ni Juan ang pagsukat sa lunsod, at ano ang ipinahihiwatig ng pagsukat dito? (b) Ano ang malamang na kahulugan ng paggamit ng panukat na “ayon sa panukat ng tao, na siya ring sa anghel”? (Tingnan ang talababa.)
6 Ipinagpapatuloy ni Juan ang kaniyang ulat: “At ang isa na nakikipag-usap sa akin ay may hawak na panukat na isang ginintuang tambo, upang masukat niya ang lunsod at ang mga pintuang-daan nito at ang pader nito. At ang lunsod ay nakatayong parisukat, at ang haba nito ay kasinlaki ng lapad nito. At sinukat niya ng tambo ang lunsod, labindalawang libong estadyo; ang haba at ang lapad at ang taas nito ay magkakasukat. Gayundin, sinukat niya ang pader nito, isang daan at apatnapu’t apat na siko, ayon sa panukat ng tao, na siya ring sa anghel.” (Apocalipsis 21:15-17) Nang sukatin ang santuwaryo ng templo, garantiya ito na matutupad ang mga layunin ni Jehova may kinalaman dito. (Apocalipsis 11:1) Ngayon, ipinakikita ng pagsukat ng anghel sa Bagong Jerusalem na talagang hindi magbabago ang mga layunin ni Jehova may kinalaman sa maluwalhating lunsod na ito.a
7. Ano ang kapuna-puna sa sukat ng lunsod?
7 Tunay na kagila-gilalas ang lunsod na ito! Isang perpektong kubiko na 12,000 estadyo (mga 2,220 kilometro) ang perimetro, at napalilibutan ng isang pader na may taas na 144 na siko, o 64 na metro. Walang literal na lunsod ang maaaring maging ganito kalaki. Mga 14 na ulit ng makabagong Israel ang laki nito, at aabot ito sa taas na halos 560 kilometro hanggang sa kalawakan! Ang Apocalipsis ay isiniwalat sa pamamagitan ng mga tanda. Kaya ano ang ipinahihiwatig sa atin ng mga sukat na ito tungkol sa makalangit na Bagong Jerusalem?
8. Ano ang ipinahihiwatig ng (a) pader ng lunsod na may taas na 144 na siko? (b) sukat ng lunsod na 12,000 estadyo? (c) pagiging hugis-perpektong kubiko ng lunsod?
8 Ipinaaalaala sa atin ng mga pader na may taas na 144 na siko na ang lunsod ay binubuo ng 144,000 na inampon ng Diyos bilang kaniyang espirituwal na mga anak. Ang bilang na 12 na makikita sa sukat ng lunsod na 12,000 estadyo—na magkakapareho ang haba, luwang, at taas—ay ginagamit sa hula ng Bibliya upang sumagisag sa mga organisasyonal na kaayusan. Kaya ang Bagong Jerusalem ay isang napakaorganisadong kaayusan para sa pagsasakatuparan ng walang-hanggang layunin ng Diyos. Ang Bagong Jerusalem, kasama ng Hari nitong si Jesu-Kristo, ang organisasyon ng Kaharian ni Jehova. At ang hugis ng lunsod: isang perpektong kubiko. Sa templo ni Solomon, ang Kabanal-banalan, na kinaroroonan ng makasagisag na representasyon ng presensiya ni Jehova, ay perpektong kubiko. (1 Hari 6:19, 20) Kung gayon, angkop lamang na ang anyo ng Bagong Jerusalem, na nagliliwanag dahil sa kaluwalhatian mismo ni Jehova, ay isang perpekto at napakalaking kubiko! Perpekto ang pagkakabalanse ng lahat ng sukat nito. Walang kakulangan o depekto ang lunsod na ito.—Apocalipsis 21:22.
Mamahaling mga Materyales sa Pagtatayo
9. Paano inilalarawan ni Juan ang mga materyales na ginamit sa pagtatayo ng lunsod?
9 Ipinagpapatuloy ni Juan ang kaniyang paglalarawan: “At ang kayarian ng pader nito ay jaspe, at ang lunsod ay dalisay na ginto na tulad ng malinaw na salamin. Ang mga pundasyon ng pader ng lunsod ay nagagayakan ng bawat uri ng mahalagang bato: ang unang pundasyon ay jaspe, ang ikalawa ay safiro, ang ikatlo ay calcedonia, ang ikaapat ay esmeralda, ang ikalima ay sardonica, ang ikaanim ay sardio, ang ikapito ay crisolito, ang ikawalo ay berilo, ang ikasiyam ay topacio, ang ikasampu ay crisopasio, ang ikalabing-isa ay jacinto, ang ikalabindalawa ay amatista. Gayundin, ang labindalawang pintuang-daan ay labindalawang perlas; ang bawat isa sa mga pintuang-daan ay gawa sa isang perlas. At ang malapad na daan ng lunsod ay dalisay na ginto, gaya ng malinaw na salamin.”—Apocalipsis 21:18-21.
10. Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ang lunsod ay yari sa jaspe, ginto, at “bawat uri ng mahalagang bato”?
10 Tunay na napakaringal ng kayarian ng lunsod. Sa halip na pangkaraniwan at makalupang mga materyales sa pagtatayo gaya ng luwad o bato, ang binanggit ay jaspe, dalisay na ginto, at “bawat uri ng mahalagang bato.” Angkop ngang lumarawan ang mga ito sa makalangit na mga materyales sa pagtatayo! Walang papantay sa karingalan nito. Ang sinaunang kaban ng tipan ay kinalupkupan ng dalisay na ginto, at sa Bibliya, kadalasang kumakatawan ang elementong ito sa mga bagay na mabuti at mahalaga. (Exodo 25:11; Kawikaan 25:11; Isaias 60:6, 17) Subalit ang kabuuan ng Bagong Jerusalem, at maging ang malapad na daan nito, ay yari sa “dalisay na ginto na tulad ng malinaw na salamin,” na lumalarawan sa kagandahan at likas na halaga na hindi kayang gunigunihin.
11. Ano ang tumitiyak na magniningning sa pinakamataas na uri ng espirituwal na kadalisayan ang bumubuo sa Bagong Jerusalem?
11 Walang sinumang taong platero ang makalilikha ng ginto na gayon kadalisay. Subalit si Jehova ang Dalubhasang Tagapagdalisay. Nauupo siya na “gaya ng tagapagdalisay at tagapaglinis ng pilak,” at kaniyang dinadalisay ang indibiduwal, tapat na mga miyembro ng espirituwal na Israel na “parang ginto at parang pilak,” anupat inaalis sa kanila ang lahat ng karumihan. Ang mga indibiduwal lamang na talagang dinalisay at nilinis ang bubuo sa Bagong Jerusalem, at sa ganitong paraan itinatayo ni Jehova ang lunsod sa pamamagitan ng buháy na mga materyales na nagniningning sa pinakamataas na uri ng espirituwal na kadalisayan.—Malakias 3:3, 4.
12. Ano ang isinasagisag ng bagay na (a) ang pundasyon ng lunsod ay nagagayakan ng 12 mahahalagang bato? (b) ang mga pintuang-daan ng lunsod ay mga perlas?
12 Maging ang mga pundasyon ng lunsod ay kaakit-akit, palibhasa’y nagagayakan ng 12 mahahalagang bato. Ipinaaalaala nito ang sinaunang mataas na saserdoteng Judio, na sa mga araw ng seremonya ay nakasuot ng epod na nagagayakan ng 12 iba’t ibang mahahalagang bato na halos nakakatulad ng inilalarawan dito. (Exodo 28:15-21) Tiyak na hindi ito nagkataon lamang! Sa halip, idiniriin nito ang makasaserdoteng tungkulin ng Bagong Jerusalem, kung saan si Jesus na dakilang Mataas na Saserdote ang siyang “lampara.” (Apocalipsis 20:6; 21:23; Hebreo 8:1) Bukod dito, ang mga kapakinabangan ng paglilingkod ni Jesus bilang mataas na saserdote ay pinaaagos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Bagong Jerusalem. (Apocalipsis 22:1, 2) Ipinaaalaala ng 12 pintuang-daan ng lunsod, na bawat isa’y napakagandang perlas, ang ilustrasyon ni Jesus kung saan inihalintulad niya ang Kaharian sa isang perlas na may mataas na halaga. Ang lahat ng papasok sa mga pintuang-daan na iyon ay nakapagpakita ng tunay na pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay.—Mateo 13:45, 46; ihambing ang Job 28:12, 17, 18.
Isang Lunsod ng Liwanag
13. Ano ang sumunod na sinabi ni Juan hinggil sa Bagong Jerusalem, at bakit hindi nangangailangan ang lunsod na ito ng anumang literal na templo?
13 Noong panahon ni Solomon, kitang-kita sa Jerusalem ang templo na itinayo sa pinakamataas na dako sa lunsod, sa Bundok Moria sa hilaga. Kumusta naman ang Bagong Jerusalem? Sinasabi ni Juan: “At wala akong nakitang templo roon, sapagkat ang Diyos na Jehova na Makapangyarihan-sa-lahat ang templo nito, gayundin ang Kordero. At ang lunsod ay hindi nangangailangan ng araw ni ng buwan man upang sumikat dito, sapagkat nililiwanagan ito ng kaluwalhatian ng Diyos, at ang lampara nito ay ang Kordero.” (Apocalipsis 21:22, 23) Ang totoo, hindi naman talaga kailangang magtayo ng isang literal na templo rito. Isa lamang parisan ang sinaunang templo ng mga Judio, at ang realidad ng parisang iyan, ang dakilang espirituwal na templo, ay umiral nang pahiran ni Jehova si Jesus bilang Mataas na Saserdote noong 29 C.E. (Mateo 3:16, 17; Hebreo 9:11, 12, 23, 24) Ang templo ay nagpapahiwatig din na may isang uring makasaserdote na maghahandog ng mga hain kay Jehova alang-alang sa mga tao. Subalit pawang mga saserdote ang lahat ng kabilang sa Bagong Jerusalem. (Apocalipsis 20:6) At ang dakilang hain, ang sakdal na buhay ni Jesus bilang tao, ay naihandog nang minsan at magpakailanman. (Hebreo 9:27, 28) Bukod dito, si Jehova ay maaaring personal na lapitan ng bawat naninirahan sa lunsod.
14. (a) Bakit hindi kailangan ng Bagong Jerusalem ang sikat ng araw o liwanag ng buwan? (b) Ano ang inihula ni Isaias hinggil sa pansansinukob na organisasyon ni Jehova, at paano nasasangkot dito ang Bagong Jerusalem?
14 Nang dumaan ang kaluwalhatian ni Jehova sa harap ni Moises sa Bundok Sinai, nagningning nang buong liwanag ang mukha ni Moises anupat kinailangan niyang maglambong sa harap ng kaniyang mga kapuwa Israelita. (Exodo 34:4-7, 29, 30, 33) Kung gayon, naguguniguni mo ba ang kaningningan ng isang lunsod na permanenteng naliliwanagan ng kaluwalhatian ni Jehova? Walang gabi sa gayong lunsod. Hindi nito kailangan ang literal na araw o buwan. Habang panahon itong magpapasikat ng liwanag. (Ihambing ang 1 Timoteo 6:16.) Nalalaganapan ng gayon karilag na kaningningan ang Bagong Jerusalem. Sa katunayan, ang kasintahang babaing ito at ang kaniyang Kasintahang Lalaki na Hari ang nagiging kabisera ng pansansinukob na organisasyon ni Jehova—ang kaniyang “babae,” “ang Jerusalem sa itaas”—na tungkol dito’y inihula ni Isaias: “Sa iyo ay hindi na magiging liwanag ang araw kapag araw, at ang buwan ay hindi na magbibigay sa iyo ng ningning ng liwanag. At si Jehova ay magiging liwanag na namamalagi nang walang takda para sa iyo, at ang iyong Diyos ang magiging iyong kagandahan. Hindi na lulubog ang iyong araw, ni liliit man ang iyong buwan; sapagkat si Jehova ay magiging liwanag na namamalagi nang walang takda para sa iyo, at ang mga araw ng iyong pagdadalamhati ay matatapos na.”—Isaias 60:1, 19, 20; Galacia 4:26.
Isang Liwanag Para sa mga Bansa
15. Anong mga pananalita ng Apocalipsis hinggil sa Bagong Jerusalem ang katulad ng hula ni Isaias?
15 Ganito rin ang sinabi ng hulang ito: “At ang mga bansa ay tiyak na paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari sa kaningningan ng iyong pagsikat.” (Isaias 60:3) Ipinakikita ng Apocalipsis na kapit din sa Bagong Jerusalem ang mga salitang ito: “At ang mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito, at dadalhin ng mga hari sa lupa ang kanilang kaluwalhatian sa loob nito. At ang mga pintuang-daan nito ay hindi na isasara pa sa araw, sapagkat ang gabi ay hindi iiral doon. At dadalhin nila ang kaluwalhatian at ang karangalan ng mga bansa sa loob nito.”—Apocalipsis 21:24-26.
16. Sino ang “mga bansa” na lalakad sa pamamagitan ng liwanag ng Bagong Jerusalem?
16 Sino ang “mga bansa” na lalakad sa pamamagitan ng liwanag ng Bagong Jerusalem? Sila ang mga tao na dating bahagi ng mga bansa ng balakyot na sanlibutang ito ngunit tumugon sa liwanag na pinasisikat sa pamamagitan ng maluwalhating makalangit na lunsod na ito. Pangunahin sa mga ito ang malaking pulutong, na lumabas mula “sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika” at sumasamba sa Diyos araw at gabi kasama ng uring Juan. (Apocalipsis 7:9, 15) Pagkatapos bumaba mula sa langit ang Bagong Jerusalem at gamitin ni Jesus ang mga susi ng kamatayan at ng Hades upang buhaying muli ang mga patay, milyun-milyon pa ang makikisama sa kanila, na dating kabilang sa “mga bansa,” ngunit umiibig na ngayon kay Jehova at sa kaniyang Anak, ang tulad-Korderong Asawang Lalaki ng Bagong Jerusalem.—Apocalipsis 1:18.
17. Sino ang “mga hari sa lupa” na ‘nagdadala ng kanilang kaluwalhatian’ sa Bagong Jerusalem?
17 Kung gayon, sino ang “mga hari sa lupa” na ‘nagdadala ng kanilang kaluwalhatian sa loob nito’? Hindi sila ang literal na mga hari sa lupa bilang isang grupo, sapagkat malilipol ang mga ito sa pakikipagdigma laban sa Kaharian ng Diyos sa Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16; 19:17, 18) Ang mga hari bang ito ay yaong may matataas na ranggo sa mga bansa na naging kabilang sa malaking pulutong, o sila kaya yaong mga haring binuhay muli na magpapasakop sa Kaharian ng Diyos sa bagong sanlibutan? (Mateo 12:42) Malayong mangyari, sapagkat sa kalakhan, ang kaluwalhatian ng mga haring ito ay makasanlibutan at malaon nang kumupas. Kung gayon, “ang mga hari sa lupa” na nagdadala ng kanilang kaluwalhatian sa Bagong Jerusalem ay walang-pagsalang ang 144,000, na mga ‘binili mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa’ upang mamahala bilang mga hari na kasama ng Kordero, si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 5:9, 10; 22:5) Dinadala nila ang kanilang bigay-Diyos na kaluwalhatian sa loob ng lunsod upang makaragdag sa kaningningan nito.
18. (a) Sino ang hindi magiging bahagi ng Bagong Jerusalem? (b) Sino lamang ang pahihintulutang makapasok sa lunsod?
18 Nagpapatuloy si Juan: “Ngunit anumang bagay na hindi sagrado at sinumang gumagawa ng kasuklam-suklam na bagay at ng kasinungalingan ay hindi sa anumang paraan papasok sa loob nito; tangi lamang yaong mga nakasulat sa balumbon ng buhay ng Kordero.” (Apocalipsis 21:27) Hindi maaaring maging bahagi ng Bagong Jerusalem ang anumang may bahid ng sistema ng mga bagay ni Satanas. Bagaman permanenteng nakabukas ang mga pintuang-daan nito, hindi pahihintulutang makapasok doon ang sinumang “gumagawa ng kasuklam-suklam na bagay at ng kasinungalingan.” Hindi magkakaroon ng mga apostata sa lunsod na iyon ni ng sinumang kaanib ng Babilonyang Dakila. At kung sisikapin ng sinuman na lapastanganin ang lunsod sa pamamagitan ng pagpapasama sa magiging mga miyembro nito na narito pa sa lupa, mabibigo ang kanilang mga pagsisikap. (Mateo 13:41-43) Tangi lamang “yaong mga nakasulat sa balumbon ng buhay ng Kordero,” ang 144,000, ang sa wakas ay makapapasok sa Bagong Jerusalem.b—Apocalipsis 13:8; Daniel 12:3.
Ang Ilog ng Tubig ng Buhay
19. (a) Paano inilalarawan ni Juan ang pagpapaagos ng Bagong Jerusalem ng mga pagpapala sa sangkatauhan? (b) Kailan umagos ang “ilog ng tubig ng buhay,” at paano natin nalaman?
19 Ang maringal na Bagong Jerusalem ay magpapaagos ng dakilang mga pagpapala sa sangkatauhan sa lupa. Ito ang sumunod na nalaman ni Juan: “At ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, malinaw na gaya ng kristal, na umaagos mula sa trono ng Diyos at ng Kordero sa gitna ng malapad na daan nito.” (Apocalipsis 22:1, 2a) Kailan umagos ang “ilog” na ito? Yamang ‘nagmumula ito sa trono ng Diyos at ng Kordero,’ umagos lamang ito nang magsimula ang araw ng Panginoon noong 1914. Noon naganap ang pangyayaring inihayag ng paghihip sa ikapitong trumpeta at ang dakilang kapahayagan: “Ngayon ay naganap na ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang awtoridad ng kaniyang Kristo.” (Apocalipsis 11:15; 12:10) Sa panahon ng kawakasan, inaanyayahan ng espiritu at ng kasintahang babae ang mga wastong nakaayon na kumuha ng tubig ng buhay na walang bayad. Patuloy na makakakuha ang mga ito ng tubig mula sa ilog na ito hanggang sa katapusan ng sistemang ito ng mga bagay at, pagkatapos, hanggang sa bagong sanlibutan, kapag ang Bagong Jerusalem ay ‘bumabang galing sa langit mula sa Diyos.’—Apocalipsis 21:2.
20. Ano ang nagpapahiwatig na makakakuha na ngayon sa paanuman ng tubig ng buhay?
20 Hindi ito ang unang pagkakataon na inialok sa sangkatauhan ang nagbibigay-buhay na tubig. Noong nasa lupa si Jesus, binanggit niya ang hinggil sa tubig na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. (Juan 4:10-14; 7:37, 38) Bukod dito, malapit nang marinig ni Juan ang maibiging paanyaya: “Ang espiritu at ang kasintahang babae ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nauuhaw ay pumarito; ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apocalipsis 22:17) Ngayon pa lamang ay ipinaaabot na ang paanyayang ito, na nagpapahiwatig na makakakuha na ngayon sa paanuman ng tubig ng buhay. Ngunit sa bagong sanlibutan, aagos ang mga tubig na ito na gaya ng isang ilog mula sa trono ng Diyos at sa gitna ng Bagong Jerusalem.
21. Saan lumalarawan ang “ilog ng tubig ng buhay,” at paano nakatutulong ang pangitain ni Ezekiel hinggil sa ilog na ito upang malaman ito?
21 Ano ang “ilog [na ito] ng tubig ng buhay”? Napakahalaga ng literal na tubig para mabuhay. Maaaring mabuhay nang ilang linggo ang isang tao kahit walang pagkain, subalit mamamatay siya sa loob lamang ng mga isang linggo kung walang tubig. Ang tubig ay panlinis din at napakahalaga sa kalusugan. Kaya ang tubig ng buhay ay tiyak na kumakatawan sa isang bagay na mahalaga sa buhay at kalusugan ng tao. Si propeta Ezekiel ay pinagkalooban din ng isang pangitain hinggil sa ganitong “ilog ng tubig ng buhay,” at sa kaniyang pangitain, umaagos ang ilog mula sa templo pababa sa Dagat na Patay. At himala ng mga himala! Ang walang-buhay na tubig nito na dating tigmak sa kemikal ay nabago hanggang sa maging tubig-tabang na namumutiktik sa isda! (Ezekiel 47:1-12) Oo, binubuhay ng ilog sa pangitain ang bagay na dating patay, na nagpapatunay na ang ilog ng tubig ng buhay ay lumalarawan sa paglalaan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ukol sa pagsasauli ng sakdal na buhay bilang tao sa “patay” na lahi ng sangkatauhan. Ang ilog na ito ay “malinaw na gaya ng kristal,” na nagpapakitang dalisay at banal ang mga paglalaan ng Diyos. Hindi ito gaya ng mga “tubig” ng Sangkakristiyanuhan na may bahid ng dugo at nakamamatay.—Apocalipsis 8:10, 11.
22. (a) Saan nagmumula ang ilog, at bakit angkop ito? (b) Ano ang kasama sa tubig ng buhay, at sa ano pa tumutukoy ang makasagisag na ilog na ito?
22 Ang ilog ay nagmumula sa “trono ng Diyos at ng Kordero.” Angkop ito, yamang ang saligan ng nagbibigay-buhay na mga paglalaan ni Jehova ay ang haing pantubos, na inilaan sapagkat “gayon na lamang ang pag-ibig [ni Jehova] sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Kasama rin sa tubig ng buhay ang Salita ng Diyos, na sa Bibliya ay tinutukoy na tubig. (Efeso 5:26) Subalit ang ilog ng tubig ng buhay ay tumutukoy hindi lamang sa katotohanan kundi sa lahat ng iba pang paglalaan ni Jehova, salig sa hain ni Jesus, upang iligtas ang masunuring sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan at pagkalooban sila ng buhay na walang hanggan.—Juan 1:29; 1 Juan 2:1, 2.
23. (a) Bakit angkop na ang ilog ng tubig ng buhay ay umagos sa gitna ng malapad na daan ng Bagong Jerusalem? (b) Anong pangako ng Diyos kay Abraham ang matutupad kapag saganang umagos ang tubig ng buhay?
23 Sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari, ang kapakinabangan sa pantubos ay ikakapit nang lubusan sa pamamagitan ng pagkasaserdote ni Jesus at ng kaniyang 144,000 katulong na mga saserdote. Angkop kung gayon, na ang ilog ng tubig ng buhay ay umagos sa gitna ng malapad na daan ng Bagong Jerusalem na binubuo ng espirituwal na Israel. Ito at si Jesus ang bumubuo sa tunay na binhi ni Abraham. (Galacia 3:16, 29) Kung gayon, kapag ang tubig ng buhay ay saganang umagos sa gitna ng malapad na daan ng makasagisag na lunsod, magkakaroon ng lubos na pagkakataon ang “lahat ng bansa sa lupa” na pagpalain ang kanilang sarili sa pamamagitan ng binhi ni Abraham. Lubusang matutupad ang pangako ni Jehova kay Abraham.—Genesis 22:17, 18.
Mga Punungkahoy ng Buhay
24. Ano ngayon ang nakikita ni Juan sa magkabilang pampang ng ilog ng tubig ng buhay, at saan lumalarawan ang mga ito?
24 Sa pangitain ni Ezekiel, ang ilog ay naging isang malakas na agos, at nakita ng propeta na sa magkabilang pampang nito ay tumutubo ang lahat ng uri ng namumungang punungkahoy. (Ezekiel 47:12) Subalit ano naman ang nakikita ni Juan? Ito: “At sa panig na ito ng ilog at sa panig na iyon ay may mga punungkahoy ng buhay na nagluluwal ng labindalawang ani ng bunga, na nagbibigay ng kanilang mga bunga sa bawat buwan. At ang mga dahon ng mga punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa.” (Apocalipsis 22:2b) Ang “mga punungkahoy ng buhay” na ito ay malamang na lumalarawan din sa ilang paglalaan ni Jehova sa pagkakaloob ng buhay na walang hanggan sa masunuring sangkatauhan.
25. Anong saganang paglalaan ang ginagawa ni Jehova para sa masunuring mga tao sa pangglobong Paraiso?
25 Napakasagana nga ng paglalaan ni Jehova para sa masunuring mga tao! Hindi lamang sila makaiinom mula sa nakagiginhawang tubig kundi maaari pa silang pumitas ng sari-saring nakapagpapalusog na bunga mula sa mga punungkahoy na walang patid na namumunga. O, kung nakontento lamang sana ang ating unang mga magulang sa ganitong “kanais-nais” na paglalaan sa Paraiso ng Eden! (Genesis 2:9) Subalit naririto na ngayon ang isang pangglobong Paraiso, at gumagawa pa man din si Jehova ng paglalaan sa pamamagitan ng mga dahon ng makasagisag na punungkahoy para sa “pagpapagaling sa mga bansa.”c Ang nakagiginhawang paglalapat ng makasagisag na mga dahong ito ay higit na mabisa kaysa alinmang gamot na makukuha sa ngayon, mula man ito sa mga halaman o sa ibang pinagmulan, sapagkat magdudulot ito ng espirituwal at pisikal na kasakdalan sa sumasampalatayang sangkatauhan.
26. Ano ang maaaring kabilang sa mga punungkahoy ng buhay, at bakit?
26 Maaaring kabilang sa mga punungkahoy na iyon, na nasa tabi ng ilog at natutubigang mainam, ang 144,000 miyembro ng asawa ng Kordero. Samantalang nasa lupa, nakikinabang din sila mula sa paglalaan ng Diyos para sa buhay sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Kapansin-pansin, makahulang tinatawag na “malalaking punungkahoy ng katuwiran” ang inianak-sa-espiritung mga kapatid na ito ni Jesus. (Isaias 61:1-3; Apocalipsis 21:6) Nakapagluwal na sila ng saganang espirituwal na bunga sa kapurihan ni Jehova. (Mateo 21:43) At sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari, makikibahagi sila sa pagtulong sa mga tao na makinabang sa nagbibigay-buhay na mga paglalaan ni Jehova para sa “pagpapagaling sa mga bansa” mula sa kasalanan at kamatayan.—Ihambing ang 1 Juan 1:7.
Wala Nang Gabi
27. Anong karagdagang mga pagpapala ang binabanggit ni Juan para sa mga may pribilehiyong makapasok sa Bagong Jerusalem, at bakit masasabi na “hindi na magkakaroon pa ng anumang sumpa”?
27 Pagpasok sa Bagong Jerusalem—tiyak na wala nang mas kamangha-mangha pang pribilehiyo kaysa rito! Isip-isipin na lamang—ang mga dating hamak at di-sakdal na mga taong ito ay makakasama ni Jesus sa langit upang maging bahagi ng gayon kaluwalhating kaayusan! (Juan 14:2) Nagbibigay si Juan ng ilang pahiwatig hinggil sa mga pagpapalang tatamasahin ng mga ito, sa pagsasabing: “At hindi na magkakaroon pa ng anumang sumpa. Kundi ang trono ng Diyos at ng Kordero ay doroon sa lunsod, at ang kaniyang mga alipin ay mag-uukol sa kaniya ng sagradong paglilingkod; at makikita nila ang kaniyang mukha, at ang kaniyang pangalan ay sasakanilang mga noo.” (Apocalipsis 22:3, 4) Nang sumamâ ang pagkasaserdoteng Israelita, isinumpa sila ni Jehova. (Malakias 2:2) Inihayag ni Jesus na pinabayaan ang walang-pananampalatayang “bahay” ng Jerusalem. (Mateo 23:37-39) Pero sa Bagong Jerusalem, “hindi na magkakaroon pa ng anumang sumpa.” (Ihambing ang Zacarias 14:11.) Ang lahat ng mamamayan nito ay dumaan na sa maapoy na mga pagsubok dito sa lupa, at palibhasa’y nagtagumpay, ‘makapagbibihis sila ng kawalang-kasiraan at imortalidad.’ Alam ni Jehova na hindi sila kailanman mahuhulog sa pananampalataya, gaya ni Jesus. (1 Corinto 15:53, 57) Bukod dito, doroon “ang trono ng Diyos at ng Kordero,” upang maging tiwasay ang lunsod sa panahong walang hanggan.
28. Bakit nakasulat ang pangalan ng Diyos sa noo ng mga miyembro ng Bagong Jerusalem, at anong kapana-panabik na pag-asa ang nasa harap nila?
28 Gaya mismo ni Juan, lahat ng magiging miyembro ng makalangit na lunsod na iyon ay “mga alipin” ng Diyos. Kaya naman kitang-kitang nakasulat sa kanilang noo ang pangalan ng Diyos, anupat ipinakikilala siya bilang kanilang May-ari. (Apocalipsis 1:1; 3:12) Ituturing nilang walang-kapantay na pribilehiyo ang mag-ukol sa kaniya ng sagradong paglilingkod bilang bahagi ng Bagong Jerusalem. Noong nasa lupa si Jesus, nagbitiw siya ng kapana-panabik na pangako sa magiging mga tagapamahalang iyon, sa pagsasabing: “Maligaya ang mga dalisay ang puso, yamang makikita nila ang Diyos.” (Mateo 5:8) Anong ligaya ng mga aliping ito na aktuwal na makita at sambahin si Jehova!
29. Bakit sinasabi ni Juan tungkol sa makalangit na Bagong Jerusalem na “ang gabi ay mawawala na”?
29 Nagpapatuloy si Juan: “Gayundin, ang gabi ay mawawala na, at hindi sila mangangailangan ng liwanag ng lampara ni mayroon man silang liwanag ng araw, sapagkat ang Diyos na Jehova ang magpapasikat ng liwanag sa kanila.” (Apocalipsis 22:5a) Gaya ng alinmang lunsod sa lupa, ang sinaunang Jerusalem ay umasa sa araw ukol sa liwanag sa maghapon at sa liwanag ng buwan at artipisyal na liwanag sa gabi. Ngunit sa makalangit na Bagong Jerusalem, hindi na kakailanganin ang gayong liwanag. Si Jehova mismo ang magbibigay-liwanag sa lunsod. Ang “gabi” ay maaari ding gamitin sa makasagisag na paraan, at maaaring tumukoy sa kahirapan o sa pagkahiwalay mula kay Jehova. (Mikas 3:6; Juan 9:4; Roma 13:11, 12) Kailanma’y hindi na magkakaroon pa ng ganitong uri ng gabi sa maluwalhati at maningning na presensiya ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat.
30. Paano tinatapos ni Juan ang kagila-gilalas na pangitain, at ano ang tinitiyak sa atin ng Apocalipsis?
30 Tinatapos ni Juan ang kagila-gilalas na pangitaing ito sa pamamagitan ng pagsasabi hinggil sa mga aliping ito ng Diyos: “At mamamahala sila bilang mga hari magpakailan-kailanman.” (Apocalipsis 22:5b) Tunay, sa katapusan ng isang libong taon, ang mga kapakinabangan ng pantubos ay naikapit na nang lubusan, at ihaharap na ni Jesus ang pinasakdal na lahi ng tao sa kaniyang Ama. (1 Corinto 15:25-28) Kung ano pa ang nasa sa isip ni Jehova para kay Jesus at sa 144,000 pagkaraan nito, hindi natin alam. Pero tinitiyak sa atin ng Apocalipsis na ang kanilang pribilehiyo ng sagradong paglilingkod kay Jehova ay magpapatuloy sa panahong walang hanggan.
Ang Maligayang Kasukdulan ng Apocalipsis
31. (a) Ang pangitain hinggil sa Bagong Jerusalem ay nagsisilbing kasukdulan ng ano? (b) Ano ang gagawin ng Bagong Jerusalem para sa iba pang tapat na mga tao?
31 Ang katuparan ng pangitaing ito hinggil sa Bagong Jerusalem, ang kasintahang babae ng Kordero, ang siyang maligayang kasukdulan na tinutukoy ng Apocalipsis, at angkop lamang ito. Ang lahat ng kapuwa Kristiyano ni Juan noong unang siglo na siyang unang pinatungkulan ng aklat na ito ay pawang umasa na makapasok sa lunsod na ito bilang imortal na mga espiritu at makasama ni Jesu-Kristo bilang tagapamahala. Ganito rin ang pag-asa ng nalabi sa mga pinahirang Kristiyano na nabubuhay pa sa lupa hanggang sa ngayon. Kaya sasapit sa dakilang kasukdulan ang Apocalipsis kapag pinag-isa na ang Kordero at ang kabuuang bilang ng kasintahang babae. Pagkatapos nito, sa pamamagitan ng Bagong Jerusalem, ang mga kapakinabangan mula sa haing pantubos ni Jesus ay ikakapit sa sangkatauhan, upang sa wakas ay mabuhay nang walang hanggan ang lahat ng tapat. Sa ganitong paraan, ang kasintahang babae, ang Bagong Jerusalem, bilang matapat na kasama ng kaniyang Haring Kasintahang Lalaki, ay makikibahagi sa pagtatatag ng matuwid na bagong lupa magpakailanman—ang lahat ay sa ikaluluwalhati ng ating Soberanong Panginoong Jehova.—Mateo 20:28; Juan 10:10, 16; Roma 16:27.
32, 33. Ano ang natutuhan natin mula sa Apocalipsis, at ano ang dapat na maging taos-pusong pagtugon natin?
32 Kaylaki nga ng nadarama nating kagalakan ngayong malapit na nating matapos ang pagsasaalang-alang sa aklat ng Apocalipsis! Nakita natin ang lubos na pagkabigo ng kahuli-hulihang mga pagsisikap ni Satanas at ng kaniyang binhi at ang lubusang pagsasakatuparan ng matuwid na mga kahatulan ni Jehova. Dapat nang maglaho magpakailanman ang Babilonyang Dakila, kasunod ang iba pang hindi na magbabagong balakyot na mga elemento ng sanlibutan ni Satanas. Si Satanas mismo at ang kaniyang mga demonyo ay ibubulid sa kalaliman at pupuksain sa dakong huli. Ang Bagong Jerusalem ay mamamahalang kasama ni Kristo mula sa langit habang nagaganap ang pagkabuhay-muli at paghuhukom, at ang pinasakdal na sangkatauhan sa wakas ay magtatamasa na rin ng buhay na walang hanggan sa Paraisong lupa. Napakalinaw ng paglalarawan ng Apocalipsis sa lahat ng bagay na ito! Kaylaking pampatibay nito sa ating determinasyon na ‘ihayag ang walang-hanggang mabuting balitang ito bilang masayang pabalita sa bawat bansa at tribo at wika at bayan’ sa lupa ngayon! (Apocalipsis 14:6, 7) Lubusan ka bang nagpapagal sa dakilang gawaing ito?
33 Ngayong nag-uumapaw sa pasasalamat ang ating puso, pag-ukulan natin ng pansin ang pangwakas na mga pananalita ng Apocalipsis.
[Mga talababa]
a Ang paggamit ng panukat na “ayon sa panukat ng tao, na siya ring sa anghel” ay malamang na may kaugnayan sa bagay na ang lunsod ay binubuo ng 144,000, na mga tao noong una, subalit nagiging espiritung mga nilalang na kasama ng mga anghel.
b Pansinin na mga pangalan lamang ng 144,000 ng espirituwal na Israel ang nakatala sa “balumbon ng buhay ng Kordero.” Kaya naiiba ito sa “balumbon ng buhay” kung saan nakatala rin ang pangalan ng mga magsisitanggap ng buhay sa lupa.—Apocalipsis 20:12.
c Pansinin na ang pananalitang “mga bansa” ay madalas tumukoy sa mga hindi kabilang sa espirituwal na Israel. (Apocalipsis 7:9; 15:4; 20:3; 21:24, 26) Ang paggamit dito ng gayong mga pananalita ay hindi nagpapahiwatig na ang sangkatauhan ay patuloy na oorganisahin sa magkakabukod na pambansang grupo sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari.