Itinataguyod ng Organisasyon ni Jehova ang Inyong Ministeryo
“Nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, at siya ay may walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita.”—APOCALIPSIS 14:6.
1. Paano sinubok ang mga Saksi ni Jehova, at bakit sila nakaligtas?
BAKIT gayon na lamang kahalaga na kilalanin ang papel ng makalangit na organisasyon ni Jehova sa pagtataguyod ng ministeryong Kristiyano? Buweno, magagawa kaya ng mga Saksi ni Jehova ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa isang napopoot na sanlibutan kung walang suporta ng makalangit na mga pulutong ni Jehova? Naisagawa ng mga Saksi ang gayong pangangaral sa loob ng isang siglo ng sukdulang nasyonalismo, makadiktador na mga sistemang pulitikal, mga digmaang pandaigdig, at sari-saring kagipitan. Maliligtasan kaya ng mga Saksi ang daluyong ng pagtatangi, pagkiling, at kadalasa’y marahas na pag-uusig na itinutuon laban sa kanila sa buong daigdig kung walang tulong ni Jehova?—Awit 34:7.
Pagkaligtas sa Kabila ng Pagsalansang ng Buong Daigdig
2. Ano ang pagkakatulad sa pagitan ng tunay na mga Kristiyano noong unang siglo at sa ngayon?
2 Sa ika-20 siglong ito, ang mga kaaway, kapuwa relihiyoso at pulitikal, ay naglagay ng lahat ng posibleng hadlang, legal at hindi legal, upang sikaping mapigil o mapahinto ang gawain ni Jehova. Ang Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae ay pinag-usig, pinaratangan, nilapastangan, at siniraang-puri—marami ang pinatay pa nga—malimit na sa panunulsol ng klero ng Babilonyang Dakila. Gaya sa kalagayan ng mga naunang Kristiyano, masasabi na “totoong kung tungkol sa sektang ito nalalaman namin na sa lahat ng dako ay pinagsasalitaan ito nang laban.” Kung paanong ang klerong Judio noong panahon ni Kristo ay buong-lupit na nakipaglaban upang pahintuin ang kaniyang ministeryo, gayundin ang pagsisikap ng klero at mga apostata, kasama ng kanilang pulitikal na mga kalaguyo, na sikilin ang dakilang gawain ng pagtuturo at pagpapatotoo ng bayan ni Jehova.—Gawa 28:22; Mateo 26:59, 65-67.
3. Ano ang matututuhan natin sa integridad ni Henryka Żur?
3 Kuning halimbawa ang nangyari sa Poland noong Marso 1, 1946. Si Henryka Żur, isang 15-anyos na babaing Saksi na nakatira malapit sa Chełm, ay sumama sa isa pang Saksi, isang kapatid na lalaki, upang dalawin ang mga taong interesado sa isang kalapit na nayon. Sila’y dinampot ng mga miyembro ng isang Katolikong pangkat militar na tinatawag na Narodowe Siły Zbrojne (Pambansang Hukbong Sandatahan). Binugbog nang husto ang kapatid na lalaki ngunit nakaligtas siya. Si Henryka ay hindi. Siya’y nakapangingilabot na pinahirapan sa loob ng maraming oras habang sinisikap nilang pilitin siyang gawin ang Katolikong tanda ng krus. Sinabi ng isa sa mga nagpahirap sa kaniya: “Wala akong pakialam kung anuman ang pananalig mo, basta mag-antanda ka. Kung hindi ay bala ang naghihintay sa iyo!” Nanghina ba ang kaniyang integridad? Hindi. Kinaladkad siya ng mga relihiyosong duwag na iyon sa isang gubat sa di-kalayuan at binaril siya. Gayunpaman, siya’y nagtagumpay! Nabigo silang sirain ang kaniyang integridad.a—Roma 8:35-39.
4. Paano sinikap ng pulitikal at relihiyosong mga grupo na pigilin ang gawaing pangangaral ng Kaharian?
4 Sa loob ng mahigit na isang daang taon, buong-kalupitan at kapangahasang pinakitunguhan ang mga lingkod ng Diyos sa modernong panahon. Sapagkat ang mga Saksi ni Jehova ay hindi bahagi, at hindi nagnanais na maging bahagi, ng mga pangunahing relihiyon ni Satanas, sila’y itinuturing na nararapat lamang na maging biktima ng sinumang may kinikilingang kritiko o panatikong kaaway. Sila’y buong-bangis na sinalakay ng pulitikal na mga grupo. Maraming Saksi ang naging martir dahil sa kanilang pananampalataya. Maging ang tinaguriang mga demokrasya ay nagsikap na hadlangan ang pangangaral ng mabuting balita. Noon pa mang 1917 sa Canada at Estados Unidos, nagsulsol ang klero ng mga bintang na paghihimagsik laban sa mga Estudyante ng Bibliya, na siyang tawag noon sa mga Saksi. May kamaliang ibinilanggo ang mga opisyal ng Samahang Watch Tower, upang mapawalang-sala lamang nang dakong huli.—Apocalipsis 11:7-9; 12:17.
5. Anong mga salita ang nagsisilbing pampatibay-loob sa mga lingkod ni Jehova?
5 Sinasamantala ni Satanas ang lahat ng paraan na magagamit niya upang sikaping pahintuin ang gawaing pagpapatotoo ng mga kapatid ni Kristo at ng kanilang matapat na mga kasamahan. Gayunman, gaya ng ipinakikita ng napakaraming karanasan, ang mga pagbabanta, pananakot, pisikal na karahasan, mga bilangguan, kampong piitan, maging ang kamatayan ay hindi nakapagpatahimik sa mga Saksi ni Jehova. At ito ang nangyayari sa buong kasaysayan. Paulit-ulit, nagsilbing pampatibay-loob ang mga salita ni Eliseo: “Huwag kang matakot, sapagkat mas marami ang kasama natin kaysa sa mga kasama nila.” Ang isang dahilan ay na mas marami ang tapat na mga anghel kaysa sa mga kampon ng Diyablo!—2 Hari 6:16; Gawa 5:27-32, 41, 42.
Pinagpapala ni Jehova ang Masigasig na Pangangaral
6, 7. (a) Anong naunang mga pagsisikap ang ginawa upang maipangaral ang mabuting balita? (b) Anong kapaki-pakinabang na pagbabago ang naganap simula noong 1943?
6 Sa ika-20 siglong ito, ginamit ng mga Saksi ni Jehova ang maraming pagsulong sa teknolohiya upang mapalawak at mapabilis ang malaking gawaing pagpapatotoo bago sumapit ang kawakasan. Noon pa mang 1914, itinaguyod na ni Pastor Russell, unang presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society, ang kauna-unahang paggamit ng mga slide at pelikula, na sinasabayan ng isang salig-sa-Bibliyang komentaryo na isinaplaka, sa isang walong-oras na palabas tungkol sa Bibliya na tinawag na “The Photo-Drama of Creation.” Hinangaan ito ng maraming nakapanood sa maraming bansa noong panahong iyon. Nang maglaon, noong mga dekada ng 1930 at 1940, nakilala ang mga Saksi sa kanilang pangangaral sa bahay-bahay taglay ang mga nabibitbit na ponograpo, na gumagamit ng isinaplakang mga pahayag sa Bibliya na binigkas ni J. F. Rutherford, ang pangalawang presidente ng Samahan.
7 Noong 1943, isang buong-tapang na hakbang ang isinagawa sa ilalim ng pangunguna ni Nathan H. Knorr, ang pangatlong presidente ng Samahan, nang ipasiyang magtatag ng isang paaralan para sa mga ministro sa bawat kongregasyon. Sasanayin ang mga Saksi upang mangaral at magturo sa bahay-bahay nang hindi gumagamit ng mga plaka ng ponograpo. Mula noon, nakapag-organisa na ng iba pang mga paaralan upang sanayin ang mga misyonero, buong-panahong mga ministrong payunir, matatanda sa kongregasyon, at responsableng mga tagapangasiwa sa mga sangay ng Samahang Watch Tower. Ano ang naging resulta?
8. Paano nagpakita ng malaking pananampalataya ang mga Saksi noong 1943?
8 Noong 1943, sa gitna ng Digmaang Pandaigdig II, mayroon lamang 129,000 aktibong Saksi sa 54 na lupain. Gayunman, sila’y may pananampalataya at determinasyon na matutupad ang Mateo 24:14 bago dumating ang wakas. Kumbinsido sila na pangyayarihin ni Jehova na maipahayag muna ang mahalagang babalang mensahe bago ang sunud-sunod na mga pangyayari na siyang tatapos sa tiwaling sistemang ito ng mga bagay. (Mateo 24:21; Apocalipsis 16:16; 19:11-16, 19-21; 20:1-3) Ginantimpalaan ba ang kanilang pagsisikap?
9. Anong mga bagay ang nagpapakita na sumulong ang gawaing pagpapatotoo?
9 May di-kukulangin sa 13 bansa ngayon na sa bawat isa ay may mahigit sa 100,000 aktibong Saksi. Ang ilan sa mga ito ay mga lupaing dominado ng Simbahang Katoliko. Gayunman, tingnan ninyo ang situwasyon. Ang Brazil ay mayroong mga 450,000 mamamahayag ng mabuting balita, at mahigit na 1,200,000 ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo noong 1997. Isa pang halimbawa ang Mexico, na may halos 500,000 Saksi at mahigit na 1,600,000 ang dumalo sa pagdiriwang ng Memoryal. Ang iba pang Katolikong mga bansa ay ang Italya (mga 225,000 Saksi), Pransiya (mga 125,000), Espanya (mahigit na 105,000), at Argentina (mahigit na 115,000). Sa Estados Unidos, kung saan nangingibabaw ang mga relihiyong Protestante, Katoliko, at Judio, may mga 975,000 Saksi at mahigit na 2,000,000 ang dumalo sa Memoryal. Tiyak, malalaking pulutong ang lumalabas mula sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, pati sa mahiwagang mga turo nito at bumabaling sa simple at tiyak na mga pangako ng Diyos na “mga bagong langit at isang bagong lupa.”—2 Pedro 3:13; Isaias 2:3, 4; 65:17; Apocalipsis 18:4, 5; 21:1-4.
Pakikibagay sa Pangangailangan ng mga Tao
10. Paano nagbago ang mga kalagayan sa ilang lugar?
10 Marami sa mga bumaling kay Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus ang nasumpungan sa bahay-bahay. (Juan 3:16; Gawa 20:20) Ngunit gumagamit ng iba pang pamamaraan. Nagbago na ang panahon, at gayon na lamang ang mga kalagayan sa ekonomiya anupat maraming kababaihan ang nagtatrabaho ngayon sa labas ng tahanan. Kadalasan, sa loob ng isang linggo, kakaunting tao ang masusumpungan sa tahanan. Kaya naman, bumabagay ang mga Saksi ni Jehova sa situwasyon. Tulad ni Jesus at ng mga naunang alagad, pumupunta sila kung saan at kung kailan masusumpungan ang mga tao.—Mateo 5:1, 2; 9:35; Marcos 6:34; 10:1; Gawa 2:14; 17:16, 17.
11. Saan nangangaral ngayon ang mga Saksi ni Jehova, at ano ang resulta?
11 Ang mga Saksi ay nagkukusa at maingat na nangangaral sa mga tao sa malalaking paradahan ng sasakyan, malalaking gusaling pamilihan, mga pabrika, opisina at negosyo, paaralan, istasyon ng pulisya, gasolinahan, otel at restawran, at sa mga lansangan. Sa katunayan, nangangaral sila saanman masusumpungan ang mga tao. At kapag nasa tahanan ang mga tao, patuloy pa ring dumadalaw sa kanila roon ang mga Saksi. Ang ganitong nababagay at praktikal na pamamaraan ay nagbubunga ng pagdami ng naipamamahaging literatura sa Bibliya. Natatagpuan ang mga taong tulad-tupa. Napasisimulan ang mga bagong pag-aaral sa Bibliya. Buong-sigasig na naisasagawa ng mahigit sa lima at kalahating milyong boluntaryong ministro ang pinakadakilang gawaing pagtuturo sa kasaysayan ng tao! May pribilehiyo ka ba na mapabilang sa kanila?—2 Corinto 2:14-17; 3:5, 6.
Ano ang Nag-uudyok sa mga Saksi ni Jehova?
12. (a) Paano tinuturuan ni Jehova ang kaniyang bayan? (b) Ano ang epekto ng pagtuturong ito?
12 Paano nauugnay ang makalangit na organisasyon sa lahat ng ito? Humula si Isaias: “Lahat ng iyong mga anak ay magiging mga taong naturuan ni Jehova, at ang kapayapaan ng iyong mga anak ay magiging sagana.” (Isaias 54:13) Tinuturuan ni Jehova ang pambuong-daigdig na nagkakaisang kapatirang ito sa pamamagitan ng kaniyang nakikitang organisasyon sa lupa—sa mga Kingdom Hall, mga kombensiyon, at sa mga asamblea. Pagkakaisa at kapayapaan ang ibinubunga. Ang pagtuturo ni Jehova ay nakabuo ng isang naiibang bayan, anupat naturuan na umibig sa isa’t isa at sa kanilang kapuwa gaya sa kanilang sarili, huwag mapoot sa kanilang kapuwa, saanman sila nakatira sa baha-bahagi at watak-watak na sanlibutang ito.—Mateo 22:36-40.
13. Paano tayo makatitiyak na pinapatnubayan ng mga anghel ang gawaing pangangaral?
13 Pag-ibig ang nag-uudyok sa mga Saksi ni Jehova na ipagpatuloy ang pangangaral sa kabila ng kawalang-interes o pag-uusig. (1 Corinto 13:1-8) Batid nila na ang kanilang nagliligtas-buhay na gawain ay pinapatnubayan mula sa langit, gaya ng sinasabi ng Apocalipsis 14:6. Ano ba ang mensahe na ipinahahayag sa ilalim ng patnubay ng mga anghel? “Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian, sapagkat ang oras ng paghatol niya ay dumating na, kaya sambahin ninyo ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at dagat at mga bukal ng mga tubig.” Ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ay dumadakila sa pangalan ni Jehova. Inaanyayahan ang mga tao na lumuwalhati sa Maylalang, sa Diyos, hindi sa mga nilalang at sa di-makatuwirang ebolusyon. At bakit gayon kaapurahan ang gawaing pangangaral? Dahil dumating na ang oras ng paghatol—paghatol laban sa Babilonyang Dakila at sa lahat ng iba pang bahagi ng nakikitang sistema ng mga bagay ni Satanas.—Apocalipsis 14:7; 18:8-10.
14. Sino ang nasasangkot sa malaking kampanyang ito ng pagtuturo?
14 Walang nakaalay na Kristiyano ang libre mula sa gawaing pangangaral na ito. Nangunguna ang espirituwal na matatanda sa pangangaral kasama ng kongregasyon. Abalang-abala sa gawaing ito ang sinanay na mga payunir. Ang masisigasig na mamamahayag ng mensahe ng Kaharian, kahit nakapangangaral sa loob ng ilang oras lamang o nang maraming oras sa isang buwan, ay nagpapalaganap ng mensahe sa lahat ng sulok ng lupa.—Mateo 28:19, 20; Hebreo 13:7, 17.
15. Ano ang nagpapahiwatig ng epekto ng pangangaral ng mga Saksi ni Jehova?
15 Mayroon bang epekto sa daigdig ang lahat ng pagsisikap na ito? Ang isang simpleng patotoo na mayroon ay ang bilang ng mga pagkakataon na itinatampok ang mga Saksi ni Jehova sa mga programa sa TV at sa mga tudling ng balita. Malimit na idiniriin sa mga ito ang ating pagtitiyaga at determinasyon na maabot ang lahat ng tao. Oo, malaking impresyon ang nagagawa ng ating sigasig at paulit-ulit na pagdalaw, kahit na ang karamihan sa mga tao ay tumatanggi sa mensahe at sa mga mensahero!
Ang Ating Sigasig na Lubusin ang Pagpapatotoo
16. Anong saloobin ang dapat na ipakita ngayon sa limitadong panahon na natitira?
16 Hindi natin alam kung gaano pa kalaking panahon ang natitira sa sistemang ito ng mga bagay, ni kailangan pa nating malaman hangga’t dalisay ang ating motibo sa paglilingkod kay Jehova. (Mateo 24:36; 1 Corinto 13:1-3) Ngunit alam natin na upang mahayag ang pag-ibig, kapangyarihan, at katarungan ni Jehova, kailangang maipangaral “muna” ang mabuting balita. (Marcos 13:10) Samakatuwid, gaano man karaming taon na ang ating buong-pananabik na ipinaghintay sa wakas ng balakyot, di-makatarungan, at marahas na sanlibutang ito, dapat na buong-sigasig nating tuparin ang ating pag-aalay ayon sa ating kalagayan. Maaaring tayo ay matanda na o may sakit, ngunit makapaglilingkod pa rin tayo kay Jehova taglay ang sigasig na tinaglay natin noong medyo bata o mas malusog pa tayo. Baka hindi na tayo makagugol ng panahon na kasindami ng dati nating nagugugol sa ministeryo, ngunit tiyak na mapananatili natin ang kalidad ng ating hain ng papuri kay Jehova.—Hebreo 13:15.
17. Ilahad ang isang nakapagpapasiglang karanasan na maaaring makatulong sa ating lahat.
17 Kung gayon, bata man o matanda, tayo’y magpakita ng sigasig at ibahagi ang ating positibong mensahe tungkol sa bagong sanlibutan sa lahat ng taong natatagpuan natin. Maging kagaya sana tayo ng mahiyaing pitong-taong-gulang na batang babaing taga-Australia na sumama sa kaniyang nanay papunta sa tindahan. Narinig niya sa Kingdom Hall kung gaano kahalaga para sa ating lahat na mangaral, kaya naglagay siya sa kaniyang bag ng dalawang brosyur sa Bibliya. Habang abala sa counter ang kaniyang nanay, nawala ang munting bata. Nang hanapin siya ng kaniyang nanay, naroon siya at nag-aalok ng isang brosyur sa isang babae! Lumapit ang ina upang humingi ng paumanhin sa pang-aabala na maaaring idinulot ng kaniyang anak sa babae. Ngunit malugod na tinanggap ng babae ang brosyur. Nang silang dalawa na lamang ng kaniyang anak, tinanong ng ina kung paano ito nagkaroon ng lakas ng loob na lumapit sa isang di-kakilala. “Basta sinabi ko, Ready, Set, Go! At lumapit na ako!”
18. Paano natin maipakikita ang isang kahanga-hangang saloobin?
18 Kailangan nating lahat ang isang saloobin na gaya niyaong sa batang taga-Australia, lalo na upang makalapit sa mga di-kakilala o maging sa mga opisyal taglay ang mabuting balita. Baka tayo’y natatakot na tanggihan. Huwag nating kalilimutan ang sinabi ni Jesus: “Huwag kayong mabalisa tungkol sa kung paano o kung ano ang inyong sasalitain bilang pagtatanggol o kung ano ang inyong sasabihin; sapagkat ang banal na espiritu ang magtuturo sa inyo sa mismong oras na iyon ng mga bagay na dapat ninyong sabihin.”—Lucas 12:11, 12.
19. Ano ang nadarama mo sa iyong ministeryo?
19 Kaya magtiwala sa tulong ng espiritu ng Diyos kapag lumalapit kayo sa mga tao sa maibiging paraan taglay ang mabuting balita. Milyun-milyon ang nagtitiwala sa kadalasa’y di-karapat-dapat na mga lalaki at babae na naririto ngayon at naglalaho bukas. Nagtitiwala tayo kay Jehova at sa kaniyang makalangit na organisasyon—kay Kristo Jesus, sa banal na mga anghel, at sa binuhay-muling pinahirang mga Kristiyano—na nabubuhay magpakailanman! Kaya, tandaan: “Mas marami ang kasama natin kaysa sa mga kasama nila”!—2 Hari 6:16.
[Talababa]
a Para sa higit pang mga halimbawa, tingnan ang 1994 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 217-20.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Anong papel ang ginagampanan ng makalangit na organisasyon ng Diyos sa pagkaligtas ng bayan ni Jehova?
◻ Anong pulitikal at relihiyosong mga grupo ang sumalakay sa mga Saksi ni Jehova sa ika-20 siglong ito?
◻ Paano ibinabagay ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang ministeryo sa mga pangangailangan ng panahong ito?
◻ Ano ang nag-uudyok sa iyo upang mangaral?
[Larawan sa pahina 17]
Henryka Żur
[Mga larawan sa pahina 18]
Hapon
Martinique
Estados Unidos
Kenya
Estados Unidos
Nangangaral ang mga Saksi ni Jehova kailanman at saanman masusumpungan ang mga tao
[Larawan sa pahina 20]
Sa pagsisimula ng siglong ito, gumamit ng mga ponograpo upang palaganapin ang mensahe ng Kaharian