Kabanata 32
Sumasapit Na sa Katapusan ang Galit ng Diyos
1. Ano ang maisasakatuparan kapag lubusan nang naibuhos ang pitong mangkok, at anu-anong tanong ang bumabangon ngayon hinggil sa mga mangkok?
NABANGGIT na ni Juan ang tungkol sa mga anghel na inatasang magbuhos ng pitong mangkok. Sinasabi niya sa atin na “ito na ang mga huli, sapagkat sa pamamagitan nila ay sumasapit na sa katapusan ang galit ng Diyos.” (Apocalipsis 15:1; 16:1) Ang mga salot na ito, na naghahayag ng kaparusahan ni Jehova sa kabalakyutan sa lupa, ay dapat na lubusang maibuhos. Kapag natapos na ito, nailapat na ang mga hatol ng Diyos. Mawawala na ang sanlibutan ni Satanas! Ano ang ibinabadya ng mga salot na ito para sa sangkatauhan at para sa mga tagapamahala ng kasalukuyang balakyot na sistema? Paano maiiwasan ng mga Kristiyano na madamay sa salot kasama ng nahatulang sanlibutang ito? Napakahalagang mga tanong ito na sasagutin ngayon. Lahat ng naghahangad sa pagtatagumpay ng katuwiran ay magiging lubhang interesado sa susunod na makikita ni Juan.
Ang Poot ni Jehova Laban sa “Lupa”
2. Ano ang resulta ng pagbubuhos ng unang anghel ng kaniyang mangkok sa lupa, at ano ang isinasagisag ng “lupa”?
2 Kumilos na ang unang anghel! “At humayo ang una at ibinuhos ang kaniyang mangkok sa lupa. At nagkaroon ng masakit at malubhang sugat ang mga tao na may marka ng mabangis na hayop at sumasamba sa larawan nito.” (Apocalipsis 16:2) Gaya sa unang tunog ng trumpeta, ang “lupa” rito ay tumutukoy sa tila matatag na sistema ng pulitika na sinimulang itayo ni Satanas sa lupa noon pa mang panahon ni Nimrod, mahigit 4,000 taon na ngayon ang nakalilipas.—Apocalipsis 8:7.
3. (a) Sa anong paraan halos pasambahin na ng maraming pamahalaan ang kanilang mga sakop? (b) Ano ang iniluwal ng mga bansa na panghalili sa Kaharian ng Diyos, at ano ang epekto nito sa mga sumasamba rito?
3 Sa mga huling araw na ito, halos pasambahin na ng maraming pamahalaan ang kanilang mga sakop sa Estado, at ipinagpipilitang dapat dakilain ito nang higit kaysa sa Diyos o sa alinmang ibang pinag-uukulan ng katapatan. (2 Timoteo 3:1; ihambing ang Lucas 20:25; Juan 19:15.) Mula noong 1914, karaniwan nang pinagsusundalo ng mga bansa ang kanilang mga kabataan upang makipagbaka, o maging handang makipagbaka, sa kagimbal-gimbal na digmaan na siyang dahilan kung bakit naging madugo ang mga pahina ng makabagong kasaysayan. Bilang panghalili sa Kaharian ng Diyos, iniluwal din ng mga bansa sa araw ng Panginoon ang larawan ng mabangis na hayop—ang Liga ng mga Bansa at ang kahalili nito, ang Nagkakaisang mga Bansa. Kaylaking pamumusong na ipahayag, gaya ng ginawa ng huling mga papa, na ang gawang-taong organisasyong ito ang tanging pag-asa ng mga bansa ukol sa kapayapaan! Mahigpit nitong sinasalansang ang Kaharian ng Diyos. Ang mga sumasamba rito ay nagiging marumi sa espirituwal, punô ng sugat, gaya ng mga Ehipsiyong sumalansang kay Jehova noong panahon ni Moises at sinalot ng literal na mga sugat.—Exodo 9:10, 11.
4. (a) Ano ang lubhang idiniriin ng laman ng unang mangkok ng galit ng Diyos? (b) Paano itinuturing ni Jehova ang mga tumatanggap ng marka ng mabangis na hayop?
4 Lubhang idiniriin ng laman ng mangkok na ito ang pagpili na dapat gawin ng mga tao. Alinman sa danasin nila ang di-pagsang-ayon ng sanlibutan o ang galit ni Jehova. Ipinipilit sa mga tao na tanggapin ang marka ng mabangis na hayop, sa layuning “walang sinumang makabili o makapagtinda maliban sa tao na may marka, ang pangalan ng mabangis na hayop o ang bilang ng pangalan nito.” (Apocalipsis 13:16, 17) Subalit may kabayaran ang lahat ng ito! Ang mga tumatanggap ng tanda ay itinuturing ni Jehova na waring may “masakit at malubhang sugat.” Mula noong 1922, hayagan silang minarkahan bilang mga tumatanggi sa buháy na Diyos. Bigo ang kanilang pulitikal na mga pakana, anupat nanggigipuspos sila. Marumi sila sa espirituwal. Malibang magsisi sila, hindi na gagaling ang “masakit” na karamdamang ito, sapagkat ngayon na ang araw ng paghatol ni Jehova. Kailangang pumili sa pagitan ng pagiging bahagi ng sistema ng mga bagay ng sanlibutan at ng paglilingkod kay Jehova sa panig ng kaniyang Kristo.—Lucas 11:23; ihambing ang Santiago 4:4.
Naging Dugo ang Dagat
5. (a) Ano ang naganap nang ibuhos ang ikalawang mangkok? (b) Paano itinuturing ni Jehova ang mga tumatahan sa makasagisag na dagat?
5 Dapat na ngayong maibuhos ang ikalawang mangkok ng galit ng Diyos. Ano ang magiging kahulugan nito para sa sangkatauhan? Sinasabi sa atin ni Juan: “At ibinuhos ng ikalawa ang kaniyang mangkok sa dagat. At ito ay naging dugo na gaya ng sa taong patay, at ang bawat buháy na kaluluwa ay namatay, oo, ang mga bagay na nasa dagat.” (Apocalipsis 16:3) Gaya ng ikalawang tunog ng trumpeta, ang mangkok na ito ay ibubuhos sa “dagat”—ang maligalig at mapaghimagsik na sangkatauhan na hiwalay kay Jehova. (Isaias 57:20, 21; Apocalipsis 8:8, 9) Sa paningin ni Jehova, ang “dagat” na ito ay gaya ng dugo, hindi maaaring panirahan ng anumang nilalang. Kaya hindi dapat maging bahagi ng sanlibutan ang mga Kristiyano. (Juan 17:14) Inihahayag ng pagbubuhos sa ikalawang mangkok ng galit ng Diyos na ang lahat ng taong tumatahan sa dagat na ito ay patay sa paningin ni Jehova. Yamang buong komunidad ang may pananagutan, lubhang nagkasala ang sangkatauhan sa pagbububo ng dugong walang-sala. Pagdating ng araw ng galit ni Jehova, literal silang mamamatay sa kamay ng kaniyang mga tagapuksa.—Apocalipsis 19:17, 18; ihambing ang Efeso 2:1; Colosas 2:13.
Binigyan Sila ng Dugo Upang Inumin
6. Ano ang naganap nang ibuhos ang ikatlong mangkok, at anong mga salita ang narinig mula sa isang anghel at mula sa altar?
6 Ang ikatlong mangkok ng galit ng Diyos, gaya ng tunog ng ikatlong trumpeta, ay nagkaroon ng epekto sa mga bukal ng tubig. “At ibinuhos ng ikatlo ang kaniyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng mga tubig. At naging dugo ang mga iyon. At narinig ko ang anghel sa mga tubig na nagsabi: ‘Ikaw, ang Isa na ngayon at ang nakaraan, ang Isa na matapat, ay matuwid, sapagkat iginawad mo ang mga pasiyang ito, sapagkat ibinuhos nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta, at binigyan mo sila ng dugo upang inumin. Nararapat iyon sa kanila.’ At narinig kong sinabi ng altar: ‘Oo, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat, totoo at matuwid ang iyong mga hudisyal na pasiya.’”—Apocalipsis 16:4-7.
7. Saan lumalarawan ang ‘mga ilog at mga bukal ng mga tubig’?
7 Ang ‘mga ilog at mga bukal ng mga tubig’ ay lumalarawan sa diumano’y sariwang pinagmumulan ng patnubay at karunungan na tinatanggap ng sanlibutang ito, gaya ng pulitikal, pang-ekonomiya, makasiyensiya, edukasyonal, panlipunan, at relihiyosong mga pilosopiya na umuugit sa kilos at pasiya ng mga tao. Sa halip na umasa kay Jehova, ang Bukal ng buhay, bilang pinagmumulan ng nagbibigay-buhay na katotohanan, ang mga tao ay ‘nagsihukay para sa kanilang sarili ng mga imbakang-tubig na sira’ at walang iniinom kundi ang ‘karunungan ng sanlibutang ito na kamangmangan sa Diyos.’—Jeremias 2:13; 1 Corinto 1:19; 2:6; 3:19; Awit 36:9.
8. Sa anu-anong paraan nagkasala sa dugo ang sangkatauhan?
8 Ang gayong maruruming “tubig” ay nag-udyok sa mga tao na magkasala sa dugo, gaya halimbawa ng paghikayat sa kanila na magbubo ng katakut-takot na dugo sa mga digmaan na noong nakaraang siglo ay kumitil ng mahigit sandaang milyong buhay. Partikular na sa Sangkakristiyanuhan, kung saan sumiklab ang dalawang digmaang pandaigdig, ang mga tao ay ‘nagmamadaling magbubo ng dugong walang-sala,’ at kasama na rito ang dugo ng mismong mga saksi ng Diyos. (Isaias 59:7; Jeremias 2:34) Nagkasala rin sa dugo ang sangkatauhan dahil sa maling paggamit ng napakaraming dugo sa pagsasalin, na labag sa matuwid na mga kautusan ni Jehova. (Genesis 9:3-5; Levitico 17:14; Gawa 15:28, 29) Bilang resulta, umani na sila ng pagdadalamhati dahil sa paglaganap ng AIDS, hepatitis, at iba pang sakit na nakukuha sa pagsasalin ng dugo. Ang ganap na paghihiganti dahil sa lahat ng pagkakasala sa dugo ay malapit nang maganap kapag ipinataw na sa mga mananalansang ang sukdulang kaparusahan, ang pagyurak sa kanila sa “malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos.”—Apocalipsis 14:19, 20.
9. Ano ang nasasangkot sa pagbubuhos ng ikatlong mangkok?
9 Noong panahon ni Moises, nang gawing dugo ang Ilog Nilo, nakapanatiling buháy ang mga Ehipsiyo sapagkat humanap sila ng ibang mapagkukunan ng tubig. (Exodo 7:24) Subalit sa ngayon, sa panahon ng espirituwal na salot, walang mapagkukunan ang mga tao ng nagbibigay-buhay na tubig saanman sa sanlibutan ni Satanas. Ang pagbubuhos ng ikatlong mangkok na ito ay nagsasangkot ng paghahayag na ang ‘mga ilog at mga bukal ng mga tubig’ ng sanlibutang ito ay gaya ng dugo, na nagdudulot ng espirituwal na kamatayan sa lahat ng iinom mula rito. Malibang bumaling kay Jehova ang mga tao, aanihin nila ang kaniyang kapaha-pahamak na paghatol.—Ihambing ang Ezekiel 33:11.
10. Ano ang ipinaaalam ng “anghel sa mga tubig,” at ano pa ang pinatototohanan ng “altar”?
10 “Ang anghel sa mga tubig,” samakatuwid nga, ang anghel na nagbubuhos ng mangkok na ito sa mga tubig, ay dumadakila kay Jehova bilang Pansansinukob na Hukom, na ang matuwid na mga pasiya ay hindi mababago. Kaya sinasabi niya hinggil sa paghatol na ito: “Nararapat iyon sa kanila.” Walang-pagsalang personal na nasaksihan ng anghel na ito ang malubhang pagbububo ng dugo at kalupitang naganap sa loob ng libu-libong taon bunga ng huwad na mga turo at pilosopiya ng balakyot na sanlibutang ito. Kaya alam niyang matuwid ang hudisyal na pasiya ni Jehova. Nagsasalita maging ang “altar” ng Diyos. Sa Apocalipsis 6:9, 10, ang mga kaluluwa ng mga pinatay bilang martir ay sinasabing nasa ilalim ng altar na iyon. Kaya ang “altar” ay mabisa ring nagpapatotoo sa pagiging makatarungan at matuwid ng mga pasiya ni Jehova.a Talagang angkop lamang na ang mga nagbubo ng napakaraming dugo at gumamit nito sa maling paraan ay sapilitang painumin ng dugo, bilang sagisag ng paghatol sa kanila ni Jehova ng kamatayan.
Pinapaso ng Apoy ang mga Tao
11. Ano ang tudlaan ng ikaapat na mangkok ng galit ng Diyos, at ano ang naganap nang ibuhos ito?
11 Ang araw ang naging tudlaan ng ikaapat na mangkok ng galit ng Diyos. Sinasabi sa atin ni Juan: “At ibinuhos ng ikaapat ang kaniyang mangkok sa araw; at ipinagkaloob sa araw na pasuin ng apoy ang mga tao. At napaso ang mga tao sa matinding init, ngunit namusong sila sa pangalan ng Diyos, na siyang may awtoridad sa mga salot na ito, at hindi sila nagsisi upang magbigay ng kaluwalhatian sa kaniya.”—Apocalipsis 16:8, 9.
12. Ano ang “araw” ng sanlibutang ito, at ano ang ipinagkaloob na gawin ng makasagisag na araw na ito?
12 Sa ngayon, sa katapusan ng sistema ng mga bagay, ang espirituwal na mga kapatid ni Jesus ay “sisikat nang maliwanag na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.” (Mateo 13:40, 43) Si Jesus mismo ang “araw ng katuwiran.” (Malakias 4:2) Gayunman, ang sangkatauhan ay may sariling “araw,” ang mga tagapamahala nito na gustong magpasikat laban sa Kaharian ng Diyos. Ipinahayag ng ikaapat na tunog ng trumpeta na ang ‘araw, buwan, at mga bituin’ sa mga langit ng Sangkakristiyanuhan ay hindi tunay na mga bukal ng kaliwanagan, kundi ng kadiliman. (Apocalipsis 8:12) Ipinakikita ngayon ng ikaapat na mangkok ng galit ng Diyos na ang “araw” ng sanlibutan ay magiging napakainit. Ang tinitingalang mga tagapamahala na gaya ng araw ang ‘papaso’ sa sangkatauhan. Ipagkakaloob sa makasagisag na araw na gawin ito. Sa ibang salita, ipahihintulot ito ni Jehova bilang bahagi ng kaniyang maapoy na paghatol sa sangkatauhan. Sa anong paraan nagaganap ang pagpasong ito?
13. Sa anong paraan ‘pinaso’ ng tulad-araw na mga tagapamahala ng sanlibutang ito ang sangkatauhan?
13 Pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig, itinatag ng mga tagapamahala ng sanlibutang ito ang Liga ng mga Bansa sa pagsisikap na lutasin ang suliranin sa pandaigdig na katiwasayan, subalit bigo ito. Kaya nag-eksperimento sila ng iba’t ibang uri ng pamamahala, gaya ng Pasismo at Nazismo. Patuloy na lumaganap ang Komunismo. Sa halip na pabutihin ang kalagayan ng tao, ang tulad-araw na mga tagapamahala ng mga sistemang ito ay nagsimulang ‘pumaso sa mga tao sa pamamagitan ng matinding init.’ Ang lokal na mga digmaan sa Espanya, Etiopia, at Manchuria ay humantong sa ikalawang digmaang pandaigdig. Iniuulat ng makabagong kasaysayan na bilang mga diktador, sina Mussolini, Hitler, at Stalin ay nagkaroon ng tuwiran at di-tuwirang pananagutan sa pagkamatay ng milyun-milyon katao, kabilang na ang napakarami sa kanilang sariling mga kababayan. Kamakailan lamang, ‘pinaso’ ng pandaigdig na mga alitan at gera sibil ang mga tao sa mga bansang gaya ng Vietnam, Kampuchea, Iran, Lebanon, at Ireland, pati na sa mga bansa ng Latin Amerika at ng Aprika. Idagdag pa natin dito ang kasalukuyang pagpapaligsahan ng mga superpower, na may kakila-kilabot na mga sandatang nuklear na maaaring tumupok sa buong sangkatauhan. Sa mga huling araw na ito, tunay na napahantad ang sangkatauhan sa nakapapasong “araw,” ang di-matuwid na mga tagapamahala nito. Itinampok ng pagbubuhos ng ikaapat na mangkok ng galit ng Diyos ang mga katotohanang ito sa kasaysayan, at ipinahahayag ito ng bayan ng Diyos sa buong lupa.
14. Ano ang itinuturo ng mga Saksi ni Jehova mula pa noon bilang tanging solusyon sa mga problema ng sangkatauhan, at paano tumugon ang sangkatauhan sa kabuuan?
14 Mula pa noon, itinuturo na ng mga Saksi ni Jehova na ang tanging solusyon sa nakalilitong mga problema ng sangkatauhan ay ang Kaharian ng Diyos, na siyang instrumento ni Jehova upang pakabanalin ang kaniyang pangalan. (Awit 83:4, 17, 18; Mateo 6:9, 10) Gayunman, ang sangkatauhan sa kabuuan ay nagbibingi-bingihan sa solusyong ito. Marami sa mga tumatanggi sa Kaharian ang namumusong din sa pangalan ng Diyos, gaya ni Paraon na tumangging kilalanin ang pagkasoberano ni Jehova. (Exodo 1:8-10; 5:2) Palibhasa’y hindi interesado sa Mesiyanikong Kaharian, pinipili pa ng mga mananalansang na ito na magdusa sa ilalim ng sarili nilang napakainit na “araw” ng mapang-aping pamamahala ng tao.
Ang Trono ng Mabangis na Hayop
15. (a) Sa ano ibinubuhos ang ikalimang mangkok? (b) Ano ang “trono ng mabangis na hayop,” at ano ang nasasangkot sa pagbubuhos dito ng mangkok?
15 Saan naman ibinubuhos ng susunod na anghel ang kaniyang mangkok? “At ibinuhos ng ikalima ang kaniyang mangkok sa trono ng mabangis na hayop.” (Apocalipsis 16:10a) Ang “mabangis na hayop” ay ang sistema ng pamahalaan ni Satanas. Wala itong literal na trono, kung paanong hindi rin naman literal ang mabangis na hayop. Gayunman, ipinakikita ng pagbanggit ng isang trono na ang mabangis na hayop ay may maharlikang awtoridad sa sangkatauhan; kasuwato ito ng bagay na bawat isa sa mga sungay ng hayop ay may maharlikang diadema. Sa katunayan, “ang trono ng mabangis na hayop” ang pundasyon, o pinagmumulan, ng awtoridad na ito.b Sa pagsasabing “ibinigay ng dragon sa hayop ang kaniyang kapangyarihan at ang kaniyang trono at dakilang awtoridad,” inihahayag ng Bibliya ang katotohanang nasa likod ng maharlikang awtoridad ng mabangis na hayop. (Apocalipsis 13:1, 2; 1 Juan 5:19) Kaya ang pagbubuhos ng mangkok sa trono ng mabangis na hayop ay nagsasangkot ng kapahayagang nagsisiwalat sa tunay na papel na ginampanan at patuloy na ginagampanan ni Satanas sa pagsuporta at pagtataguyod sa mabangis na hayop.
16. (a) Sino ang pinaglilingkuran ng mga bansa, namamalayan man nila ito o hindi? Ipaliwanag. (b) Paano nasasalamin sa sanlibutan ang personalidad ni Satanas? (c) Kailan ibabagsak ang trono ng mabangis na hayop?
16 Paano napananatili ang ugnayang ito ni Satanas at ng mga bansa? Nang tuksuhin ni Satanas si Jesus, ipinakita nito sa kaniya sa pangitain ang lahat ng kaharian sa sanlibutan at inialok “ang lahat ng awtoridad na ito at ang kaluwalhatian nila.” Subalit may kondisyon—kailangan munang gumawa si Jesus ng isang gawang pagsamba sa harap ni Satanas. (Lucas 4:5-7) Hindi ba makatuwirang isipin na gayundin ang hihingin ni Satanas sa mga pamahalaan ng sanlibutan na pinagkalooban niya ng awtoridad? Tiyak na gayon nga! Ayon sa Bibliya, si Satanas ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay, kaya namamalayan man ng mga bansa o hindi, naglilingkod sila sa kaniya. (2 Corinto 4:3, 4)c Ang kalagayang ito ay makikita sa kayarian ng kasalukuyang pandaigdig na sistema, na itinatag salig sa panatikong nasyonalismo, pagkakapootan, at pagkamakasarili. Inorganisa ito sa paraang gusto ni Satanas—upang patuloy na makontrol ang sangkatauhan. Masasalamin ang kasuklam-suklam na personalidad ni Satanas sa katiwalian sa gobyerno, pagkahayok sa kapangyarihan, mapandayang diplomasya, at pagpapaligsahan sa armas. Itinataguyod ng sanlibutan ang di-matuwid na mga pamantayan ni Satanas, sa gayo’y siya ang dinidiyos nito. Babagsak ang trono ng mabangis na hayop kapag nilipol na ang hayop at sa wakas ay naibulid na ng Binhi ng babae ng Diyos si Satanas sa kalaliman.—Genesis 3:15; Apocalipsis 19:20, 21; 20:1-3.
Kadiliman at Matinding Kirot
17. (a) Paano nauugnay ang pagbubuhos ng ikalimang mangkok sa espirituwal na kadiliman na dati nang bumabalot sa kaharian ng mabangis na hayop? (b) Paano tumutugon ang mga tao sa pagbubuhos ng ikalimang mangkok ng galit ng Diyos?
17 Ang kaharian ng mabangis na hayop na ito ay nasa espirituwal na kadiliman buhat pa nang umiral ito. (Ihambing ang Mateo 8:12; Efeso 6:11, 12.) Pinag-iibayo ng ikalimang mangkok ang pangmadlang paghahayag hinggil sa kadilimang ito. Iniharap pa nga ito sa dramatikong paraan anupat sa mismong trono ng mabangis na hayop ibinuhos ang mangkok na ito ng galit ng Diyos. “At nagdilim ang kaharian nito, at pinasimulan nilang ngatngatin ang kanilang mga dila dahil sa kanilang kirot, ngunit namusong sila sa Diyos ng langit dahil sa kanilang mga kirot at dahil sa kanilang mga sugat, at hindi nila pinagsisihan ang kanilang mga gawa.”—Apocalipsis 16:10b, 11.
18. Ano ang pagkakatulad ng ikalimang tunog ng trumpeta at ng ikalimang mangkok ng galit ng Diyos?
18 Ang ikalimang tunog ng trumpeta ay hindi eksaktong katulad ng ikalimang mangkok ng galit ng Diyos, yamang ang tunog ng trumpeta ay nagpatalastas sa salot ng mga balang. Subalit tandaan na nagdilim din ang araw at ang hangin nang pakawalan ang salot na iyon ng mga balang. (Apocalipsis 9:2-5) At sa Exodo 10:14, 15, mababasa natin ang tungkol sa mga balang na ginamit ni Jehova sa pagsalot sa Ehipto: “Ang mga iyon ay lubhang nagpapahirap. Bago ang mga iyon ay wala pang mga balang na tulad ng mga iyon ang lumitaw nang gayon, at wala nang anumang lilitaw nang gayon pagkatapos ng mga iyon. At tinakpan ng mga iyon ang nakikitang bahagi ng buong lupain, at ang lupain ay nagdilim.” Oo, kadiliman! Sa ngayon, hayag na hayag na rin ang espirituwal na kadiliman ng sanlibutan bunga ng paghihip sa ikalimang trumpeta at ng pagbubuhos ng ikalimang mangkok ng galit ng Diyos. Ang napakasakit na mensaheng ipinahahayag ng makabagong-panahong kulupon ng mga balang ay nagdudulot ng pahirap at kirot sa mga balakyot na ‘umiibig sa kadiliman sa halip na sa liwanag.’—Juan 3:19.
19. Kasuwato ng Apocalipsis 16:10, 11, ano ang idinudulot ng paglalantad kay Satanas sa madla bilang diyos ng sistemang ito ng mga bagay?
19 Bilang tagapamahala ng sanlibutan, nagdulot si Satanas ng napakatinding kalungkutan at pagdurusa. Mga taggutom, digmaan, karahasan, krimen, pag-abuso sa droga, imoralidad, mga sakit na naililipat sa pagtatalik, pandaraya, relihiyosong pagpapaimbabaw—ang mga ito at marami pang iba ang siyang pagkakakilanlan ng sistema ng mga bagay ni Satanas. (Ihambing ang Galacia 5:19-21.) Sa kabila nito, ang paglalantad kay Satanas sa madla bilang diyos ng sistemang ito ng mga bagay ay nagdulot ng paghihirap at kahihiyan sa mga namumuhay ayon sa kaniyang mga pamantayan. “Pinasimulan nilang ngatngatin ang kanilang mga dila dahil sa kanilang kirot,” lalung-lalo na sa Sangkakristiyanuhan. Nagagalit ang marami sapagkat inilalantad ng katotohanan ang kanilang istilo ng pamumuhay. Iniisip naman ng ilan na banta ito sa kanila, kaya pinag-uusig nila ang mga nagpapahayag nito. Tinatanggihan nila ang Kaharian ng Diyos at nilalait ang banal na pangalan ni Jehova. Nalalantad ang kanilang may-sakit at nakapandidiring espirituwal na kalagayan, kaya namumusong sila sa Diyos ng langit. Hindi, “hindi nila pinagsisihan ang kanilang mga gawa.” Kaya hindi tayo makaaasa na magkakaroon ng maramihang pagkakumberte bago sumapit ang katapusan ng sistemang ito ng mga bagay.—Isaias 32:6.
Natuyo ang Ilog Eufrates
20. Paano nasasangkot ang ilog ng Eufrates kapuwa sa ikaanim na tunog ng trumpeta at sa pagbubuhos ng ikaanim na mangkok?
20 Ipinatalastas ng ikaanim na tunog ng trumpeta ang pagpapalaya sa “apat na anghel na nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates.” (Apocalipsis 9:14) Batay sa kasaysayan, ang Babilonya ang dakilang lunsod na nakaupo sa ilog ng Eufrates. At noong 1919, ang pagpapalaya sa makasagisag na apat na anghel ay sinabayan ng kapaha-pahamak na pagbagsak ng Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 14:8) Kaya kapansin-pansing sangkot din ang ilog ng Eufrates sa ikaanim na mangkok ng galit ng Diyos: “At ibinuhos ng ikaanim ang kaniyang mangkok sa malaking ilog ng Eufrates, at ang tubig nito ay natuyo, upang maihanda ang daan para sa mga haring mula sa sikatan ng araw.” (Apocalipsis 16:12) Masamang balita rin ito para sa Babilonyang Dakila!
21, 22. (a) Paano natuyo ang depensang tubig ng ilog ng Eufrates sa Babilonya noong 539 B.C.E.? (b) Anong “tubig” ang kinauupuan ng Babilonyang Dakila, at paanong ngayon pa lamang ay natutuyo na ang makasagisag na mga tubig na ito?
21 Nang nasa tugatog ng kapangyarihan ang sinaunang Babilonya, naging pangunahing bahagi ng kaniyang depensa ang saganang tubig ng Eufrates. Noong 539 B.C.E., natuyo ang mga tubig na iyon nang ilihis ng lider ng Persia na si Ciro ang agos nito. Sa gayon, nabuksan ang daan upang sina Ciro na Persiano at Dario na Medo, ang mga haring mula “sa sikatan ng araw” (samakatuwid nga, ang silangan), ay makapasok sa Babilonya at malupig ito. Sa panahong iyon ng kagipitan, hindi naipagsanggalang ng ilog ng Eufrates ang dakilang lunsod na iyon. (Isaias 44:27–45:7; Jeremias 51:36) Ganito rin ang nakatakdang mangyari sa makabagong Babilonya, ang pandaigdig na sistema ng huwad na relihiyon.
22 Ang Babilonyang Dakila ay “nakaupo sa maraming tubig.” Ayon sa Apocalipsis 17:1, 15, ang mga ito ay sumasagisag sa “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika”—pulu-pulutong na mga tagasuporta na itinuturing niyang proteksiyon. Subalit natutuyo na ang “tubig”! Sa Kanlurang Europa, kung saan dati siyang maimpluwensiya, daan-daang milyon sa ngayon ang hayagan nang nagtatakwil sa relihiyon. Sa loob ng maraming taon, nagdeklara ng patakaran sa ilang lupain para pawiin ang impluwensiya ng relihiyon. Sa mga lupaing ito, hindi siya ipinagtanggol ng masa. Sa katulad na paraan, kapag dumating na ang panahon upang puksain ang Babilonyang Dakila, hindi siya maipagtatanggol ng kaniyang umuunting mga tagasuporta. (Apocalipsis 17:16) Bagaman inaangkin niyang bilyun-bilyon ang kaniyang miyembro, matutuklasan ng Babilonyang Dakila na walang magtatanggol sa kaniya laban sa “mga haring mula sa sikatan ng araw.”
23. (a) Sino ang mga haring mula sa “sikatan ng araw” noong 539 B.C.E.? (b) Sino ang “mga haring mula sa sikatan ng araw” sa araw ng Panginoon, at paano nila lilipulin ang Babilonyang Dakila?
23 Sino ang mga haring ito? Noong 539 B.C.E., sila’y sina Dario na Medo at Ciro na Persiano, na ginamit ni Jehova upang lupigin ang sinaunang lunsod ng Babilonya. Sa panahong ito ng araw ng Panginoon, ang huwad na relihiyosong sistema ng Babilonyang Dakila ay lilipulin din ng mga tagapamahalang tao. Subalit muli, magiging paghatol ito ng Diyos. Ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo, ang “mga haring mula sa sikatan ng araw,” ang maglalagay sa puso ng mga tagapamahalang tao ng “kaisipan” na balingan ang Babilonyang Dakila at lubusan siyang puksain. (Apocalipsis 17:16, 17) Ang pagbubuhos ng ikaanim na mangkok ay naghahayag sa madla na malapit nang ilapat ang hatol na ito!
24. (a) Paano inihahayag ang mga nilalaman ng unang anim na mangkok ng galit ni Jehova, at ano ang resulta? (b) Bago sabihin sa atin ang tungkol sa natitirang mangkok ng galit ng Diyos, ano ang isinisiwalat ng Apocalipsis?
24 Ang unang anim na mangkok ng galit ni Jehova ay may seryosong mensahe. Ang makalupang mga lingkod ng Diyos, na sinusuportahan ng mga anghel, ay abala sa paghahayag ng mga nilalaman nito sa buong lupa. Sa ganitong paraan, naibigay ang kaukulang babala sa lahat ng bahagi ng makasanlibutang sistema ni Satanas, at binigyan ni Jehova ng pagkakataon ang mga indibiduwal na bumaling sa katuwiran at patuloy na mabuhay. (Ezekiel 33:14-16) Gayunman, may natitira pang isang mangkok ng galit ng Diyos. Subalit bago isaysay sa atin ang tungkol dito, inihahayag muna ng Apocalipsis kung paano sinisikap salungatin ni Satanas at ng kaniyang mga kampon sa lupa ang paghahayag ng mga kahatulan ni Jehova.
Tinitipon Tungo sa Armagedon
25. (a) Ano ang sinasabi sa atin ni Juan tungkol sa marurumi at tulad-palakang “kinasihang kapahayagan”? (b) Paano nagkaroon ng kasuklam-suklam at tulad-palakang salot ng “maruruming kinasihang kapahayagan” sa araw ng Panginoon, at ano ang resulta?
25 Sinasabi sa atin ni Juan: “At nakakita ako ng tatlong maruruming kinasihang kapahayagan na tulad ng mga palaka na lumalabas sa bibig ng dragon at sa bibig ng mabangis na hayop at sa bibig ng bulaang propeta. Sa katunayan, sila ay mga kapahayagang kinasihan ng mga demonyo at nagsasagawa ng mga tanda, at pumaparoon sila sa mga hari ng buong tinatahanang lupa, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 16:13, 14) Noong panahon ni Moises, nagpasapit si Jehova ng karima-rimarim na salot ng mga palaka sa Ehipto na pinamamahalaan ni Paraon, anupat “ang lupain ay nagsimulang bumaho.” (Exodo 8:5-15) Sa araw ng Panginoon, may katulad ding kasuklam-suklam na tulad-palakang mga salot, iba nga lamang ang pinagmulan ng mga ito. Binubuo ito ng “maruruming kinasihang kapahayagan” ni Satanas, na maliwanag na sumasagisag sa propaganda na kinatha upang maniobrahin ang lahat ng tagapamahalang tao, “mga hari,” na salansangin ang Diyos na Jehova. Sa gayo’y sinisiguro ni Satanas na hindi matitinag ang mga hari sa pagbubuhos ng mga mangkok ng galit ng Diyos kundi mananatili silang matatag sa panig ni Satanas kapag nagsimula na ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.”
26. (a) Ano ang tatlong pinagmumulan ng satanikong propaganda? (b) Ano ang “bulaang propeta,” at paano natin nalaman?
26 Ang propaganda ay nanggagaling sa “dragon” (si Satanas) at mula sa “mabangis na hayop” (ang pulitikal na kaayusan ni Satanas sa lupa), mga nilikha na natalakay na natin sa Apocalipsis. Ano kung gayon ang “bulaang propeta”? Bago ito sa pangalan lamang. Nauna rito, naipakita na sa atin ang isang mabangis na hayop na may dalawang sungay na tulad ng isang kordero at gumagawa ng mga dakilang tanda sa harap ng mabangis na hayop na may pitong ulo. Ang mapandayang nilalang na ito ay nagsilbing propeta para sa mabangis na hayop na iyon. Itinaguyod nito ang pagsamba sa mabangis na hayop, anupat nagpagawa pa nga ng isang larawan nito. (Apocalipsis 13:11-14) Ang mabangis na hayop na ito na may dalawang sungay na tulad ng isang kordero ay malamang na siya ring “bulaang propeta” na binabanggit dito. Bilang pagtiyak dito, mababasa natin sa dakong huli na, gaya ng makasagisag na mabangis na hayop na may dalawang sungay, ang bulaang propeta ay “nagsagawa sa harap [ng mabangis na hayop na may pitong ulo] ng mga tanda na ipinanligáw niya sa mga tumanggap ng marka ng mabangis na hayop at sa mga nag-uukol ng pagsamba sa larawan nito.”—Apocalipsis 19:20.
27. (a) Anong napapanahong babala ang ibinibigay mismo ni Jesu-Kristo? (b) Ano ang ibinabala ni Jesus noong nasa lupa siya? (c) Paano inulit ni apostol Pablo ang babala ni Jesus?
27 Sa dami ng naglipanang satanikong propaganda, tunay na napapanahon ang sumusunod na mga salita na iniuulat ni Juan: “Narito! Ako ay dumarating na gaya ng isang magnanakaw. Maligaya ang nananatiling gising at nag-iingat ng kaniyang mga panlabas na kasuutan, upang hindi siya maglakad nang hubad at makita ng mga tao ang kaniyang kahihiyan.” (Apocalipsis 16:15) Sino ang dumarating na “gaya ng isang magnanakaw”? Si Jesus mismo, na dumarating bilang Tagapuksang itinalaga ni Jehova sa panahong hindi patiunang ipinabatid. (Apocalipsis 3:3; 2 Pedro 3:10) Noong narito pa sa lupa si Jesus, inihalintulad niya ang kaniyang pagdating sa isang magnanakaw, na sinasabi: “Patuloy kayong magbantay, kung gayon, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon. Dahil dito ay maging handa rin kayo, sapagkat sa oras na hindi ninyo iniisip, ang Anak ng tao ay darating.” (Mateo 24:42, 44; Lucas 12:37, 40) Inulit ni apostol Pablo ang babalang ito at sinabi: “Ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi. Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay kagyat na mapapasakanila ang biglang pagkapuksa.” Si Satanas ang nasa likod ng anumang huwad na paghahayag na iyon ng “Kapayapaan at katiwasayan!”—1 Tesalonica 5:2, 3.
28. Anong babala ang ibinigay ni Jesus hinggil sa paglaban sa makasanlibutang mga panggigipit, at ano ang “araw na iyon” na hindi nais ng mga Kristiyano na dumating sa kanila “na gaya ng silo”?
28 Nagbabala rin si Jesus hinggil sa mga uri ng panggigipit laban sa mga Kristiyano na gagawin ng sanlibutang ito, na tigmak ng propaganda. Sinabi niya: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang na ang araw na iyon ay kagyat na mapasainyo na gaya ng silo. . . . Manatiling gising, kung gayon, na nagsusumamo sa lahat ng panahon na magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na nakatalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao.” (Lucas 21:34-36) “Ang araw na iyon” ay ang “dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 16:14) Habang papalapit ang “araw na iyon” ng pagbabangong-puri sa pagkasoberano ni Jehova, lalo namang nagiging mahirap harapin ang mga kabalisahan sa buhay. Dapat maging alisto at mapagbantay ang mga Kristiyano, anupat nananatiling gising hanggang sa dumating ang araw na iyon.
29, 30. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng babala ni Jesus na ang mga masusumpungang natutulog ay hihiyain sa pamamagitan ng paghuhubad sa kanila ng kanilang “mga panlabas na kasuutan”? (b) Ang mga panlabas na kasuutan ay nagpapakilala sa isang nagsusuot nito bilang ano? (c) Paano maaaring mahubaran ang isa ng kaniyang makasagisag na mga panlabas na kasuutan, at ano ang magiging resulta?
29 Subalit ano ang ipinahihiwatig ng babala na ang mga masusumpungang natutulog ay mapapahiya sapagkat mawawalan sila ng kanilang “mga panlabas na kasuutan”? Sa sinaunang Israel, mabigat ang pananagutan ng isang saserdote o Levita na naatasang maging tanod sa templo. Sinasabi sa atin ng mga komentaristang Judio na sinumang tanod na mahuling natutulog ay maaaring hubaran ng kaniyang damit at sunugin ito, anupat malalagay siya sa pangmadlang kahihiyan.
30 Nagbababala rito si Jesus na maaari ding mangyari sa ngayon ang ganitong bagay. Lumalarawan ang mga saserdote at Levita sa pinahirang mga kapatid ni Jesus. (1 Pedro 2:9) Pero kumakapit din ang babala ni Jesus sa malaking pulutong. Ang mga panlabas na kasuutan na tinutukoy rito ay nagpapakilala sa isa bilang Kristiyanong Saksi ni Jehova. (Ihambing ang Apocalipsis 3:18; 7:14.) Kung hahayaan ng sinuman na makatulog sila o maging di-aktibo dahil sa mga panggigipit ng sanlibutan ni Satanas, malamang na hubaran sila ng panlabas na kasuutan—sa ibang salita, maiwala ang kanilang malinis na pagkakakilanlan bilang mga Kristiyano. Kahiya-hiya ang ganitong kalagayan. Nanganganib ang isa na lubusang mapahamak.
31. (a) Paano idiniriin ng Apocalipsis 16:16 ang pangangailangang manatiling gising ang mga Kristiyano? (b) Ano ang naging palagay ng ilang pinuno ng relihiyon hinggil sa Armagedon?
31 Lalong kailangan na manatiling gising ang mga Kristiyano ngayong malapit nang matupad ang susunod na talata ng Apocalipsis: “At kanilang [ang mga kapahayagang kinasihan ng mga demonyo] tinipon sila [ang makalupang mga hari, o tagapamahala] sa dako na sa Hebreo ay tinatawag na Har–Magedon.” (Apocalipsis 16:16) Ang terminong ito, na mas karaniwang tinatawag na Armagedon, ay minsan lamang lumitaw sa Bibliya. Subalit pinukaw nito ang imahinasyon ng mga tao. Nagbabala ang mga lider sa daigdig hinggil sa posibleng nuklear na Armagedon. Ang Armagedon ay iniuugnay rin sa sinaunang lunsod ng Megido, ang dako ng maraming matagumpay na digmaan noong panahon ng Bibliya, kaya ipinalalagay ng ilang pinuno ng relihiyon na magaganap ang pangwakas na digmaan sa lupa doon lamang sa dakong iyon. Sa bagay na ito ay maling-mali sila.
32, 33. (a) Sa halip na isang literal na dako, ano ang kahulugan ng terminong Har–Magedon, o Armagedon? (b) Ano pang ibang termino sa Bibliya ang katulad o kaugnay ng “Armagedon”? (c) Kailan ibubuhos ng ikapitong anghel ang huling mangkok ng galit ng Diyos?
32 Ang terminong Har–Magedon ay nangangahulugang “Bundok ng Megido.” Subalit hindi ito isang literal na dako, sa halip ay kumakatawan ito sa pandaigdig na situwasyon kung saan tinitipon ang lahat ng bansa laban sa Diyos na Jehova at kung saan niya sila pupuksain. Pandaigdig ang lawak nito. (Jeremias 25:31-33; Daniel 2:44) Katulad ito ng “malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos” at ng “mababang kapatagan ng pasiya,” o ang “mababang kapatagan ni Jehosapat,” kung saan tinitipon ang mga bansa upang puksain sila ni Jehova. (Apocalipsis 14:19; Joel 3:12, 14) Nauugnay rin ito sa “lupa ng Israel” kung saan lilipulin ang satanikong mga hukbo ni Gog ng Magog at sa dako na nasa “pagitan ng malaking dagat at ng banal na bundok ng Kagayakan” kung saan ang hari ng hilaga ay darating “hanggang sa kaniyang kawakasan” sa mga kamay ni Miguel na dakilang prinsipe.—Ezekiel 38:16-18, 22, 23; Daniel 11:45–12:1.
33 Kapag minaniobra na ng maingay na propagandang nagmumula kay Satanas at sa kaniyang makalupang mga ahente ang mga bansa tungo sa situwasyong ito, panahon na upang ibuhos ng ikapitong anghel ang huling mangkok ng galit ng Diyos.
“Naganap Na!”
34. Sa ano ibinubuhos ng ikapitong anghel ang kaniyang mangkok, at anong kapahayagan ang ‘lumalabas sa santuwaryo mula sa trono’?
34 “At ibinuhos ng ikapito ang kaniyang mangkok sa hangin. Dahil dito ay isang malakas na tinig ang lumabas sa santuwaryo mula sa trono, na nagsasabi: ‘Naganap na!’”—Apocalipsis 16:17.
35. (a) Ano ang “hangin” sa Apocalipsis 16:17? (b) Sa pagbubuhos ng kaniyang mangkok sa hangin, ano ang ipinahahayag ng ikapitong anghel?
35 Ang “hangin” ang huling elementong tumutustos sa buhay na sasalutin. Subalit hindi ito ang literal na hangin. Wala namang kasalanan ang literal na hangin upang maging karapat-dapat sa kapaha-pahamak na hatol ni Jehova, kung paanong hindi rin karapat-dapat dumanas ng hatol ni Jehova ang literal na lupa, dagat, mga bukal ng tubig, o araw. Sa halip, ito ang “hangin” na tinatalakay ni Pablo nang tawagin niya si Satanas na “tagapamahala ng awtoridad ng hangin.” (Efeso 2:2) Ito ang satanikong “hangin” na nilalanghap ng sanlibutan ngayon, ang espiritu, o pangkalahatang hilig ng kaisipan, na siyang pagkakakilanlan ng kaniyang buong balakyot na sistema ng mga bagay, ang satanikong kaisipan na nakaiimpluwensiya sa bawat pitak ng buhay sa labas ng organisasyon ni Jehova. Kaya sa pagbubuhos niya ng kaniyang mangkok sa hangin, ipinahahayag ng ikapitong anghel ang galit ng Diyos laban kay Satanas, sa kaniyang organisasyon, at sa bawat bagay na nag-uudyok sa sangkatauhan na sumuporta kay Satanas sa pagsalansang sa pagkasoberano ni Jehova.
36. (a) Kabuuan ng ano ang pitong salot? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng pagsasabi ni Jehova ng: “Naganap na!”?
36 Ito at ang naunang anim na salot ang kabuuan ng mga kahatulan ni Jehova laban kay Satanas at sa kaniyang sistema. Mga kapahayagan ito ng pagkapuksa ni Satanas at ng kaniyang binhi. Kapag naibuhos na ang huling mangkok na ito, si Jehova mismo ang magsasabi: “Naganap na!” Wala nang dapat sabihin pa. Kapag ang mga nilalaman ng mga mangkok ng galit ng Diyos ay naihayag na ayon sa kagustuhan ni Jehova, hindi na magluluwat ang paglalapat niya ng mga hatol na ipinahayag ng mga mensaheng ito.
37. Paano inilalarawan ni Juan ang naganap nang maibuhos na ang ikapitong mangkok ng galit ng Diyos?
37 Si Juan ay nagpapatuloy: “At nagkaroon ng mga kidlat at mga tinig at mga kulog, at nagkaroon ng isang malakas na lindol na ang gaya nito ay hindi pa nangyayari buhat nang umiral ang tao sa lupa, napakalawak na lindol, napakalakas. At ang dakilang lunsod ay nahati sa tatlong bahagi, at ang mga lunsod ng mga bansa ay bumagsak; at ang Babilonyang Dakila ay naalaala sa paningin ng Diyos, upang ibigay sa kaniya ang kopa ng alak ng galit ng kaniyang poot. Gayundin, ang bawat pulo ay tumakas, at ang mga bundok ay hindi nasumpungan. At makapal na graniso na ang bawat bato ay mga kasimbigat ng isang talento ang bumagsak sa mga tao mula sa langit, at namusong sa Diyos ang mga tao dahil sa salot ng graniso, sapagkat ang salot nito ay lubhang matindi.”—Apocalipsis 16:18-21.
38. Ano ang isinasagisag (a) ng “malakas na lindol”? (b) ng bagay na “ang dakilang lunsod,” ang Babilonyang Dakila, ay nahati sa “tatlong bahagi”? (c) ng bagay na “ang bawat pulo ay tumakas, at ang mga bundok ay hindi na nasumpungan”? (d) ng “salot ng graniso”?
38 Minsan pa, may tiyak na pagkilos na gagawin si Jehova sa sangkatauhan, ayon sa inihuhudyat ng “mga kidlat at mga tinig at mga kulog.” (Ihambing ang Apocalipsis 4:5; 8:5.) Yayanigin ang sangkatauhan sa paraang hindi pa nangyari kailanman, na wari’y dulot ng mapangwasak na lindol. (Ihambing ang Isaias 13:13; Joel 3:16.) Ang pagkalakas-lakas na pagyanig na ito ay wawasak sa “dakilang lunsod,” ang Babilonyang Dakila, anupat mahahati ito sa “tatlong bahagi”—na sumasagisag sa pagguho na wala nang pag-asang maitayo pang muli. Bukod dito, “ang mga lunsod ng mga bansa” ay babagsak. Maglalaho ang “bawat pulo” at “mga bundok”—mga institusyon at organisasyon na waring di-matitinag sa sistemang ito. Ang “makapal na graniso,” mas makapal pa kaysa roon sa sumapit sa Ehipto sa ikapitong salot, na bawat tipak ay tumitimbang ng mga isang talento, ay babayo nang buong tindi sa sangkatauhan.d (Exodo 9:22-26) Ang matinding ulan na ito ng nagyelong tubig ay malamang na lumalarawan sa napakabigat na berbal na mga kapahayagan ng paghatol ni Jehova, na nagsisilbing hudyat na dumating na rin sa wakas ang katapusan ng sistemang ito ng mga bagay! Maaari din namang gumamit si Jehova ng literal na graniso sa kaniyang pagpuksa.—Job 38:22, 23.
39. Sa kabila ng pagbubuhos ng pitong salot, ano ang igagawi ng karamihan sa sangkatauhan?
39 Kaya matitikman ng sanlibutan ni Satanas ang matuwid na paghatol ni Jehova. Hanggang sa huling sandali, patuloy na sasalansang at mamumusong sa Diyos ang karamihan sa sangkatauhan. Gaya ni Paraon noong sinauna, ang kanilang mga puso ay hindi mapalalambot ng paulit-ulit na mga salot ni ng nakamamatay na kasukdulan ng mga salot na ito. (Exodo 11:9, 10) Hindi magkakaroon ng malawakang pagbabagong-loob sa huling sandali. Habang naghihingalo, patuloy pa rin nilang lilibakin ang Diyos na nagpahayag nang ganito: “At makikilala nila na ako si Jehova.” (Ezekiel 38:23) Gayunman, ang pagkasoberano ng Diyos na Jehova na Makapangyarihan-sa-lahat ay maipagbabangong-puri.
[Mga talababa]
a Para sa mga halimbawa ng pagiging saksi o pagpapatotoo ng mga bagay na walang buhay, ihambing ang Genesis 4:10; 31:44-53; Hebreo 12:24.
b Ginamit din sa katulad na paraan ang salitang “trono” sa pananalitang ipinatutungkol kay Jesus sa makahulang paraan: “Ang Diyos ang iyong trono hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.” (Awit 45:6) Si Jehova ang pinagmumulan, o pundasyon, ng maharlikang awtoridad ni Jesus.
c Tingnan din ang Job 1:6, 12; 2:1, 2; Mateo 4:8-10; 13:19; Lucas 8:12; Juan 8:44; 12:31; 14:30; Hebreo 2:14; 1 Pedro 5:8.
d Kung ang nasa isip ni Juan ay ang talentong Griego, bawat tipak ng graniso ay titimbang ng mga 20 kilo. Talagang magiging mapangwasak na ulan iyon ng graniso.
[Kahon sa pahina 221]
“Sa Lupa”
Inihayag ng uring Juan ang poot ni Jehova laban sa “lupa” sa pamamagitan ng mga pananalitang gaya ng sumusunod:
“Pagkaraan ng maraming siglo ng pagsisikap, pinatunayan ng mga partido ng pulitika na wala silang kakayahang harapin ang kasalukuyang mga kalagayan at lutasin ang nakapipighating mga suliranin. Sa masusing pagsusuri sa problema, nasumpungan ng mga ekonomista at mga estadista na wala silang anumang magagawa.”—Millions Now Living Will Never Die, 1920, pahina 61.
“Walang isa mang pamahalaan sa lupa ngayon ang nakapagbibigay-kasiyahan kahit man lamang sa isang maliit na bahagi ng daigdig. Maraming bansa ang pinamamahalaan ng mga diktador. Halos bangkarote na ang buong daigdig.”—A Desirable Government, 1924, pahina 5.
“Ang pagdadala sa kawakasan sa kalakarang ito ng mga bagay . . . ang siyang paraan ng paglilinis sa lupa ng kasamaan at sa pagbibigay dako para sa kapayapaan at katuwiran na managana.”—“Ang Mabuting Balitang Ito ng Kaharian,” 1954, mga pahina 23, 24.
“Ang kasalukuyang kaayusan ng sanlibutan ay kilala sa kaniyang lumulubhang pagkakasala, kalikuan at paghihimagsik laban sa Diyos at sa kaniyang kalooban. . . . Hindi na maaari pang baguhin ito. Kaya nga, ito’y kailangang alisin!” —Ang Bantayan, Mayo 15, 1982, pahina 6.
[Kahon sa pahina 223]
“Sa Dagat”
Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga pananalitang inilathala ng uring Juan sa nakalipas na mga taon na naghahayag ng poot ng Diyos laban sa maligalig at mapaghimagsik na “dagat” ng di-makadiyos na sangkatauhang hiwalay kay Jehova:
“Ipinakikita ng kasaysayan ng bawat bansa na naging alitan ito sa pagitan ng mga pangkat. Naging alitan ito ng kakaunti laban sa nakararami. . . . Ang mga alitang ito ay humantong sa maraming himagsikan, matinding paghihirap, at labis na pagdanak ng dugo.”—Government, 1928, pahina 244.
Sa bagong sanlibutan, “ang simbolikong ‘dagat’ ng maliligalig, mapaghimagsik, na likong mga bayan na doon umaahon ang simbolikong mabangis na hayop noong sinaunang panahon upang gamitin ng Diyablo ay mawawala na.”—Ang Bantayan, Hunyo 15, 1968, pahina 377.
“Ang kasalukuyang lipunan ng tao ay maysakit at may karamdaman sa espiritu. Walang sinoman sa atin ang makapagliligtas nito, sapagka’t ipinakikita ng Salita ng Diyos na ang karamdaman nito ay hahantong na sa kamatayan.”—Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan—Saan Magmumula?, 1973, pahina 131.
[Kahon sa pahina 224]
“Sa mga Ilog at sa mga Bukal ng mga Tubig”
Inilantad ng ikatlong salot ang ‘mga ilog at mga bukal ng mga tubig’ sa pamamagitan ng mga pananalitang gaya ng sumusunod:
“Ang klero, na nag-aangking mga guro ng mga doktrina [ni Kristo], ay nagbasbas sa digmaan at ginawa itong isang bagay na banal. Tuwang-tuwa sila na ang kanilang mga larawan at estatuwa ay naitatanghal katabi ng mga mandirigmang tigmak ng dugo.”—The Watch Tower, Setyembre 15, 1924, pahina 275.
“Ang espirituwalismo [espiritismo] ay nasasalig sa malaking kabulaanan, ang kasinungalingan na ang isa’y nananatiling buháy pagkamatay at ang bagay na walang kamatayan umano ang kaluluwa ng tao.”—Ano ang Sinasabi ng mga Kasulatan Hinggil sa “Buhay Pagkatapos ng Kamatayan”?, 1955, pahina 54.
“Ang mga pilosopiya ng tao, ang mga teorista sa pulitika, ang mga tagapag-organisa ng lipunan, mga tagapayo sa ekonomiya at ang mga tagapagtaguyod ng relihiyosong mga tradisyon ay hindi kailanman nakapagdulot ng nagbibigay-buhay na kaginhawahan . . . Ang tubig na ito ay nagtulak pa nga sa mga umiinom nito sa lumabag sa kautusan ng Maylikha hinggil sa kabanalan ng dugo at makibahagi sa relihiyosong mga pag-uusig.”—Resolusyong pinagtibay sa “Walang-Hanggang Mabuting Balita” na Internasyonal na Kombensiyon, 1963.
“Hindi kaligtasan sa pamamagitan ng siyensiya, kundi pagkalipol ng lahi ng tao ang maaasahan mula sa tao mismo. . . . Hindi natin maaasahang mababago ng lahat ng sikologo at saykayatris sa daigdig ang takbo ng isipan ng mga tao . . . Hindi tayo makaaasa na may anumang pandaigdig na puwersa ng kapulisan na mabubuo . . . upang gawing ligtas na dako ang lupa na maaaring panirahan ng tao.”—Saving the Human Race—In the Kingdom Way, 1970, pahina 5.
[Kahon sa pahina 225]
“Sa Araw”
Samantalang ‘pinapaso’ ng “araw” ng pamamahala ng tao ang sangkatauhan sa panahon ng araw ng Panginoon, itinawag-pansin ng uring Juan kung ano ang nangyayari sa pamamagitan ng mga pananalitang gaya ng sumusunod:
“Nanganganib ngayon ang kapayapaan ng buong daigdig dahil kina Hitler at Mussolini, ang di-makatarungang mga diktador, at lubos silang suportado ng Romano Katolikong Herarkiya sa kanilang pagyurak sa kalayaan.”—Fascism or Freedom, 1939, pahina 12.
“Sa buong kasaysayan, ang patakarang sinusunod ng mga taong diktador ay ang, Mamahala o magpahamak! Subalit ang regulasyong ipatutupad ngayon sa buong lupa ng Haring itinalaga ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay, Magpasakop o mapuksa.”—When All Nations Unite Under God’s Kingdom, 1961, pahina 23.
“Sapol noong 1945 mahigit na 25 milyong katao ay nangamatay sa humigit-kumulang 150 digmaan sa buong globo.”—Ang Bantayan, Hulyo 15, 1980, pahina 7.
“Ang mga bansa sa buong daigdig ay . . . [walang] gaanong pagmamalasakit na sumunod sa [internasyonal na obligasyon at] mga tiyak na alituntunin ng paggawi. Upang makamit ang kanilang mga layunin, ang mga ibang bansa ay lubusang naniniwala na may dahilan silang gumamit ng ano mang paraan na inaakala nilang nararapat gamitin—mga lansakang pagpatay, asasinasyon, pagha- hijacking, mga pagpapasabog ng bomba, at iba pa . . . Hanggang kailan pa kaya gagawi ang mga bansa ng ganiyang walang saysay na pagkilos?”—Ang Bantayan, Agosto 15, 1985, pahina 4.
[Kahon sa pahina 227]
“Sa Trono ng Mabangis na Hayop”
Inilantad ng mga Saksi ni Jehova ang trono ng mabangis na hayop at inihayag ang paghatol dito ni Jehova sa pamamagitan ng mga pananalitang gaya nito:
“Ang mga tagapamahala at ang maka-politikang mga patnubay ng mga bansa ay hinihikayat ng balakyot na mga kapangyarihang nakahihigit sa tao na buong higpit na nagtataboy sa kanila sa pagpapatiwakal na pagsulong tungo sa magpapasiyang labanan ng Armagedon.”—Pagkaraan ng Armagedon—Ang Bagong Sanlibutan ng Diyos, 1953, pahina 8.
“Ang ‘mabangis na hayop’ ng di-teokratikong pamahalaan ng tao ay tumanggap ng kaniyang kapangyarihan, kapamahalaan at luklukan mula sa Dragon. Kaya’t yao’y kailangang kumagat sa hanay ng partido, ang hanay ng Dragon.”—Pagkaraan ng Armagedon—Ang Bagong Sanlibutan ng Diyos, 1953, pahina 15.
“Ang mga bansang Gentil ay tiyak na nasa . . . panig ng Pangunahing Kalaban ng Diyos, si Satanas na Diyablo.”—Resolusyon na pinagtibay sa “Banal na Tagumpay” na Internasyonal na Kombensiyon, 1973.
[Kahon sa pahina 229]
“Ang Tubig Nito ay Natuyo”
Ngayon pa lamang, natutuyo, o nawawala na, ang suporta sa maka-Babilonyang relihiyon sa maraming dako, na nagpapahiwatig sa mangyayari kapag sumalakay na ang “mga haring mula sa sikatan ng araw.”
“Ipinakikita ng isang pambansang surbey na 75 porsiyento ng mga naninirahan sa mga kabayanan [ng Thailand] ay hindi na nagpupunta sa mga templong Budista upang makinig sa mga sermon, samantalang patuloy na bumababa nang mga singkuwenta porsiyento ang bilang ng mga taga-lalawigan na dumadalaw sa mga templo.”—Bangkok Post, Setyembre 7, 1987, pahina 4.
“Naglaho na ang gayuma ng Taoismo sa lupain [ng Tsina] kung saan ito itinatag mga dalawang libong taon na ang nakalilipas. . . . Palibhasa’y nawala na ang mga panggayumang ginamit nila at ng kanilang mga ninuno upang makahikayat ng maraming tagasunod, nasumpungan ng mga pari na wala nang hahalili sa kanila, anupat napapaharap sila sa halos pagkalipol na ng Taoismo bilang isang organisadong relihiyon sa kontinente.”—The Atlanta Journal and Constitution, Setyembre 12, 1982, pahina 36-A.
“Ang Hapon . . . ang may pinakamaraming banyagang misyonero sa daigdig, halos 5,200, pero . . . wala pang 1% ng populasyon ang Kristiyano. . . . Naniniwala ang isang paring Pransiskano na nagseserbisyo na rito mula pa noong dekada ng 1950 . . . na ‘tapos na ang araw ng pagmimisyonero ng mga banyaga sa Hapon.’”—The Wall Street Journal, Hulyo 9, 1986, pahina 1.
Sa Inglatera nitong nakalipas na tatlong dekada, “halos 2,000 sa 16,000 simbahang Anglikano ang isinara na dahil hindi naman nagagamit. Sa mga bansang nag-aangking Kristiyano pinakamababa ang bilang ng mga nagsisimba. . . . ‘Hindi na maituturing ngayon na bansang Kristiyano ang Inglatera,’ sabi [ng Obispo ng Durham].”—The New York Times, Mayo 11, 1987, pahina A4.
“Pagkaraan ng maraming oras ng mainitang pagtatalo, inaprubahan ng Parlamento [ng Gresya] sa araw na ito ang batas na magpapahintulot sa Pamahalaang Sosyalista na angkinin ang malalawak na lupain na pag-aari ng Simbahang Griego Ortodokso . . . Bukod dito, ipinagkaloob ng batas sa mga hindi miyembro ng klero ang kapamahalaan sa mga konsilyo at mga komite ng simbahan na responsable sa pangangasiwa ng mahahalagang ari-arian ng simbahan gaya ng mga otel, tibagan ng marmol at malalaking gusaling pang-opisina.”—The New York Times, Abril 4, 1987, pahina 3.
[Mga larawan sa pahina 222]
Ang unang apat na mangkok ng galit ng Diyos ay nagdudulot ng mga salot na nakakatulad ng ibinubunga ng unang apat na tunog ng trumpeta
[Larawan sa pahina 226]
Inilalantad ng ikalimang mangkok na ang trono ng mabangis na hayop ay ang awtoridad na ibinigay ni Satanas sa mabangis na hayop
[Mga larawan sa pahina 231]
Tinitipon ng makademonyong propaganda ang mga tagapamahala ng lupa tungo sa sukdulang situwasyon, ang Har–Magedon, kung saan ibubuhos sa kanila ang mga paghatol ni Jehova
[Larawan sa pahina 233]
Ang mga naiimpluwensiyahan ng maruming “hangin” ni Satanas ay dapat lapatan ng matuwid na mga paghatol ni Jehova