Ang Walang Kasinsamáng Patutot—Ang Kaniyang Pagkapuksa
“Purihin, mo bayan, si Jah! Ang pagliligtas at ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan ay nauukol sa ating Diyos, sapagkat tunay at matuwid ang kaniyang mga hatol. Sapagkat kaniyang isinagawa ang hatol sa bantog na patutot na nagpasamâ sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang pakikiapid, at iginanti niya ang dugo ng kaniyang mga alipin.”—APOCALIPSIS 19:1, 2.
1. Paano nakiapid ang dakilang patutot sa “mga hari sa lupa,” at ano ang naging resulta nito?
LAHAT ng atin nang tinalakay ay lubhang mahalaga. Gayunman, pansinin natin na sa Apocalipsis 17:2 ay may binabanggit din na pakikiapid ng dakilang patutot sa “mga hari sa lupa.” Bagaman siya’y dumanas ng pagbagsak, siya pa rin ay kaibigang-kaibigan ng sanlibutan, at kaniyang sinisikap na maneobrahin ang makasanlibutang mga pinuno upang makamit ang kaniyang layunin. (Santiago 4:4) Ang naging resulta ng espirituwal na pagpapatutot na ito, na bawal na relasyon sa pagitan ng Babilonyang Dakila at ng makapulitikang mga pinuno, ay ang di-napapanahong kamatayan ng sampu-sampung milyon na inosenteng mga tao! Grabe ang pagkasangkot ng dakilang patutot sa magkabilang panig ng labanan sa Digmaang Pandaigdig I. Subalit ang kaniyang mga kasalanan may kaugnayan sa Digmaang Pandaigdig II ay tiyak na “abot hanggang langit”! (Apocalipsis 18:5) Bakit nga ganiyan ang sabi natin?
2. (a) Paano tinulungan ni Franz von Papen si Adolf Hitler upang maging pangulo ng Alemanya, at paanong tinukoy ng isang naunang kanselaryong Aleman ang kabalyerong iyan ng papa? (b) Sa Kasunduan ng Estadong Nazi at ng Vaticano, anong dalawang sugnay ang iningatang lihim? (Tingnan ang talababa.)
2 Bueno, bilang isang halimbawa, paano ba naging kanselaryo—at diktador si Adolf Hitler—ng Alemanya? Iyon ay sa pamamagitan ng intriga sa pulitika na ang isang kabalyero ng papa na ayon sa pagkatukoy ng naunang kanselaryong Aleman, na si Kurt von Schleicher, ay “isang mistulang santo si Judas Iscariote kung ihahambing sa traidor na ito.” Ito ay si Franz von Papen, na nagsaayos sa Aksiyong Katolika at sa mga lider sa industriya upang sumalungat sa Komunismo at pagkaisahin ang Alemanya sa ilalim ni Hitler. Bilang isang bahagi ng isang ultimong baratilyo, si von Papen ay ginawang bise-kanselaryo. Si Hitler ay nagpadala ng isang delegasyon sa Roma na pinanguluhan ni von Papen upang makipag-ayos ng isang kasunduan sa pagitan ng Estadong Nazi at ng Vaticano. Sinabi ni Papa Pio XI sa mga sugong Aleman ang kaniyang malaking kagalakan dahil sa “ang Gobyernong Aleman ngayon ay pinangunguluhan ng isang lalaking walang pakikipagkompromisong salungat sa Komunismo,” at noong Hulyo 20, 1933, sa isang magarbong seremonya sa Vaticano, si Cardinal Pacelli (na noo’y di na magtatagal at magiging si Papa Pio XII) ay lumagda sa kasunduan.a
3. (a) Ano ang isinulat ng isang historyador tungkol sa Kasunduan sa pagitan ng Estadong Nazi at ng Vaticano? (b) Sa mga pagdiriwang sa Vaticano, anong karangalan ang ipinagkaloob kay Franz von Papen? (c) Anong papel ang ginampanan ni Franz von Papen sa pananakop ng mga Nazi sa Austria?
3 Isang historyador ang sumulat: “Ang Kasunduan [na pinasukan ng Vaticano] ay isang dakilang tagumpay para kay Hitler. Ito’y nagbigay sa kaniya ng unang pagsuportang moral na kaniyang tinanggap sa sanlibutan sa labas, at ito’y buhat sa pinakamataas na pinagmulan.” Sa mga pagdiriwang sa Vaticano, ipinagkaloob ni Pacelli kay von Papen ang pinakamataas na karangalang ibinibigay ng papa na Grand Cross of the Order of Pius.b Sa kaniyang aklat na The Gathering Storm, nalathala noong 1948, binabanggit ni Winston Churchill kung paanong ginamit pa rin ni von Papen ang “kaniyang reputasyon bilang isang mabuting Katoliko” upang makamit ang pagsuporta ng simbahan sa pananakop ng mga Nazi sa Austria. Noong 1938, sa karangalan ni Hitler sa kaniyang kompleanyo, iniutos ni Cardinal Innitzer na lahat ng mga simbahan sa Austria ay magwagayway ng banderang swastika, magrepike ng kanilang mga kampana, at manalangin alang-alang sa diktador Nazi.
4, 5. (a) Bakit ang kakila-kilabot na kasalanang pagbububo ng dugo ay nakaatang sa Vaticano? (b) Paanong ang mga obispong Katolikong Aleman ay nagbigay ng hayagang pagsuporta kay Hitler?
4 Isang kakila-kilabot na kasalanang pagbububo ng dugo kung gayon ang nakaatang sa Vaticano! Bilang isang pangunahing bahagi ng Babilonyang Dakila, ito’y may malaking nagawa sa paglalagay kay Hitler sa kapangyarihan at sa pagbibigay sa kaniya ng suportang “moral.” Ang Vaticano ay nagpatuloy pa rin sa walang imik na pagkunsinte sa mga kalupitan ni Hitler. Sa mahabang panahon ng pagmamalupit ng mga Nazi ang papang Romano ay nanatiling walang imik habang daan-daang libong mga sundalong Katoliko ang nakikipaglaban at nangamamatay alang-alang sa ikaluluwalhati ng pamamahalang Nazi at samantalang angaw-angaw na mga iba pang kapus-palad ang inuutas sa mga silid ni Hitler na pasingawan ng gas.
5 Ang mga obispong Katolikong Aleman ay nagbigay pa man din ng hayagang pagsuporta kay Hitler. Noon mismong araw na ang Hapón, ang noo’y kasalukuyang kakampi ng Aleman sa digmaan, ay patraidor na umatake sa Pearl Harbor, ganito ang ulat ng The New York Times: “Ang Komperensiya ng mga Obispong Katoliko na Aleman na nagtipon sa Fulda ay nagrekomenda ng paggamit ng isang natatanging ‘pandigmang dasal’ na babasahin sa pasimula at sa katapusan ng lahat ng banal na serbisyo. Ang dasal ay sumasamo sa Maykapal na basbasan ang mga armas ng Aleman upang magtagumpay at magkaloob ng proteksiyon sa buhay at kalusugan ng lahat ng mga sundalo. Ang mga Obispo ay nag-utos pa sa mga klerigong Katoliko na banggitin at alalahanin sa isang pantanging sermon kung Linggo kahit minsan man lamang sa isang buwan ang mga sundalong Aleman ‘sa katihan, sa dagat, at sa himpapawid.’”
6. Anong masaklap na karanasan at mga kalupitan ang naiwasan sana ng daigdig kung ang Vaticano ay hindi nagsagawa ng espirituwal na pakikiapid sa mga Nazi?
6 Kung hindi nakilaguyo ang Vaticano sa mga Nazi, naiwasan sana ng daigdig ang masaklap na pagkasawi ng napakaraming milyun-milyong mga sundalo at sibilyan na nangamatay sa digmaan, ang anim na milyong Judio na pinaslang dahil sa hindi sila mga Aryano, at—pinakamahalaga sa lahat sa paningin ni Jehova—ang libu-libo ng kaniyang mga Saksi, kapuwa ang pinahiran at ang “mga ibang tupa,” na dumanas ng malaking kalupitan, at maraming mga Saksi na nangamatay sa mga concentration camp ng mga Nazi.—Juan 10:10, 16.
Isang Malapitang Pagmamasid sa Patutot
7. Paano inilalarawan ni apostol Juan ang kaniyang malapitang pagmamasid sa dakilang patutot?
7 Anong angkop nga ng pangitain na susunod na nahahayag sa hula ng Apocalipsis! Sa pagbaling sa Apoc kabanata 17, talatang 3 hanggang 5, makikita nating sinasabi ni Juan sa anghel: “At ako’y kaniyang dinalang nasa kapangyarihan ng espiritu sa isang ilang. At nakita ko ang isang babae na nakasakay sa isang matingkad-pulang mabangis na hayop na punô ng mga pangalang pamumusong at may pitong ulo at sampung sungay. At ang babae ay nararamtan ng kulay-ube at matingkad na pula, at nabibihisan ng ginto at mamahaling bato at mga perlas at may hawak sa kamay na isang gintong kopa na punô ng mga kasuklam-suklam na bagay at ng maruruming bagay ng kaniyang pakikiapid. At sa kaniyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, isang hiwaga: ‘Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng mga nakasusuklam na bagay sa lupa.’”
8. (a) Ano ang dala-dala ng dakilang patutot sa kaniyang gintong kopa na sa pamamagitan nito’y makikilala siya? (b) Paanong sa makatalinghagang pangungusap ang Babilonyang Dakila ay “nararamtan ng kulay-ube at matingkad na pula” at nahihiyasan ng “ginto at mamahaling bato at mga perlas”?
8 Dito si Juan ay nagmamasid nang malapitan sa Babilonyang Dakila. Tunay na siya’y nababagay sa ilang na iyan, kasama ng mababangis na hayop na naninirahan diyan. Ang dakilang patutot na ito ay malinaw na makikilala sa pamamagitan ng dala-dala niya sa kaniyang kopa, bagaman iyon ay nakalilinlang dahil sa tinging-mamahalin kung sa panlabas pagmamasdan. Siya’y umiinom ng isang bagay na kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos. Ang kaniyang pakikipagkaibigan sa sanlibutan, ang kaniyang mga doktrinang walang katotohanan, ang kaniyang kaluwagan sa moral, ang kaniyang pakikipagkalunyaan sa mga maykapangyarihang pulitikal—walang isa man sa mga bagay na ito ang pinapayagan ni Jehova, “ang Hukom ng buong lupa.” (Genesis 18:22-26; Apocalipsis 18:21, 24) Oh, anong ganda ng pagkagayak niya sa kaniyang sarili! Siya’y bantog dahil sa kaniyang mararangyang katedral na may kahanga-hangang arkitektura at de-kulor na mga bintanang kristal, sa kaniyang nahihiyasang mga pagoda at mga wat, ang kaniyang antigong mga templo at mga bahay-sambahan. Kasuwato ng pinausong mga moda ng dakilang patutot, ang kaniyang mga pari at mga monghe ay nararamtan ng mamahaling mga kasuotang matingkad na pula, kulay-ube, at kulay-kahel.—Apocalipsis 17:1.
9. Ang Babilonyang Dakila ay may anong mahabang kasaysayan ng kasalanang pagbububo ng dugo at paano angkop na tinatapos ni Juan ang kaniyang paglalarawan dito?
9 Datapuwat, ang pinakamalubhang maisusumbat sa kaniya ay ang kaniyang kasalanang pagbububo ng dugo. Si Jehova ay may napakatagal nang pakikipagtuos na dapat malutas may kinalaman sa bagay na iyan! Kaniyang tinangkilik ang uhaw-sa-dugong mga diktador sa modernong panahon, at ang kaniyang nakasusuklam na kasaysayan ng pagbububo ng dugo ay nagsimula marami nang siglo ang nakalipas, hanggang sa mga digmaang relihiyoso, sa Inquisicion, sa mga Krusada, oo, noon pang panahon ng pagmamartir ng mga ilan sa mga apostol at nang paslangin ang sariling Anak ng Diyos, ang Panginoong Jesu-Kristo, at lampas pa rito. (Gawa 3:15; Hebreo 11:36, 37) Idagdag pa sa lahat ng ito ang pamamaslang sa mga Saksi ni Jehova noong nakalilipas lamang na mga taon sa pamamagitan ng firing squad, ng pagbitay, ng palakol, ng gilutina, ng tabak, at di-makataong pakikitungo sa kanila sa mga bilangguan at mga concentration camp. Hindi kataka-takang wakasan ni Juan ang kaniyang paglalarawan sa pamamagitan ng pagsasabi: “At nakita ko na ang babae ay lasing sa dugo ng mga banal at sa dugo ng mga saksi ni Jesus”!—Apocalipsis 17:6.
‘ANG HIWAGA NG BABAE AT NG HAYOP’
10. (a) Paanong pinag-usig ng dakilang patutot ang mga Saksi ni Jehova hanggang sa araw na ito? (b) Anong uri ng mga tagaakay ang mga klerigo ng Babilonyang Dakila?
10 Si Juan ay “nanggilalas nang malaking panggigilalas” sa kaniyang nakita. Sa ngayon, tayo ay nanggigilalas din! Noong mga taon ng 1930 at 1940, ginamit ng dakilang patutot ang Aksiyong Katolika at ang mga intriga sa pulitika upang pag-usigin at maipagbawal ang gawain ng tapat na mga Saksi ni Jehova. Hanggang sa araw na ito, kung saan siya’y may sapat na impluwensiya, ang Babilonyang Dakila ay patuloy na humahadlang, naghihigpit, at mali ang pagpapakilala sa gawain ng mga Saksi ni Jehova, na nagbabalita sa maningning na pag-asang Kaharian ng Diyos. Dahil sa daan-daang milyon ang pinanatiling bihag sa mga organisasyong relihiyoso ng dakilang patutot, ang kaniyang mga klero ay nagsisilbing ‘bulag na mga tagaakay ng bulag,’ anupa’t inaakay nila ang mga ito sa bangin ng kapahamakan. Hinding-hindi makapagsasabi ang kasumpa-sumpang patutot na ito ng gaya ng sinabi ni apostol Pablo: “Tinatawagan ko kayo na saksihan . . . na ako’y malinis buhat sa dugo ng lahat ng tao.”—Mateo 15:7-9, 14; 23:13; Gawa 20:26.
11, 12. Ano ang hiwaga ng “matingkad-pulang mabangis na hayop” na sinasakyan ng kasumpa-sumpang patutot, at anong liwanag ang tinanggap ng mga Saksi ni Jehova noong 1942 tungkol sa hiwagang ito?
11 Nang mapansin ang panggigilalas ni Juan, sa kaniya’y sinabi ng anghel: “Bakit ka nanggigilalas? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae at ng mabangis na hayop na sinasakyan niya at may pitong ulo at sampung sungay.” (Apocalipsis 17:7) Ano ba ang “mabangis na hayop” na ito? Mahigit na 600 taon ang kaagahan, si propeta Daniel ay nakakita ng mababangis na hayop sa pangitain, at ipinaliwanag sa kaniya na ang mga ito’y kumakatawan sa “mga hari,” o makapulitikang mga pamamahala dito sa lupa. (Daniel 7:2-8, 17; 8:2-8, 19-22) Dito’y nakita pa ni Juan sa pangitain ang gayong pinagsama-samang mga pamamahala—“isang matingkad-pulang mabangis na hayop.” Ito ay ang gawang-taong Liga ng mga Bansa na lumitaw sa tanawin ng sanlibutan noong 1920 subalit napabulusok sa bangin ng di-pagkaaktibo nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939. Subalit, ano ba “ang hiwaga ng babae at ng mabangis na hayop”?
12 Inilaan ng Diyos na ang mga Saksi ni Jehova’y tumanggap ng liwanag noong 1942 tungkol sa hiwagang iyan. Ang Digmaang Pandaigdig II ay nasa kasukdulan noon, at marami ang may akalang iyon ay hahantong na sa Armagedon. Subalit iba ang iniisip ni Jehova! Mayroon pang malaking gawain na dapat gawin ang kaniyang mga Saksi! Sa kanilang Bagong Sanlibutang Teokratikong Asamblea noong Setyembre 18-20, 1942, na ang pinaka-sentrong siyudad ng Cleveland, Ohio, ay ikinatnig sa 51 iba pang mga lugar sa Estados Unidos, si Nathan H. Knorr, presidente ng Watch Tower Society, ay nagbigay ng pahayag pangmadla, na “Peace—Can It Last?” (Kapayapaan—Magpapatuloy Kaya?) Doon ay kaniyang pinagbalikang-tanaw ang Apocalipsis 17:8, na tungkol sa “matingkad-pulang mabangis na hayop” ay nagsasabi na iyon “ay naging siya, ngunit wala na, gayunman ay halos aahon na buhat sa kalaliman, at ito’y patungo sa pagkawasak.” Kaniyang ipinakita kung paanong ang Liga ng mga Bansa “ay naging siya” mula 1920 hanggang 1939. Pagkatapos ang yugtong “wala na” ay sumapit dahilan sa pagkamatay ng Liga. Subalit pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ang samahang ito ng mga bansa ay aahon buhat sa kalaliman. Natupad ba ang hulang iyan na salig sa Bibliya? Tunay na natupad nga! Noong 1945 ang internasyonal na “mabangis na hayop” ay umahon buhat sa kaniyang kinahulugang kalaliman ng pagka-di-aktibo bilang ang Nagkakaisang mga Bansa (UN).
13. Paano patuloy na itinataguyod ng Babilonyang Dakila ang kaniyang tulad-patutot na mga paraan ng pakikitungo sa UN na “mabangis na hayop”?
13 Bagaman humina dahilan sa kaniyang pagbagsak, ang Babilonyang Dakila ay nagpatuloy sa kaniyang tulad-patutot na mga paraan ng pakikitungo sa UN na “mabangis na hayop.” Halimbawa, noong Hunyo 1965, mga pinunò buhat sa pitong pangunahing mga sangay ng relihiyon ng sanlibutan, na umano’y mga Kristiyano at di-Kristiyano na kumakatawan daw sa kalahati ng mga tao sa daigdig, ang nagtipun-tipon sa San Francisco upang ipagdiwang ang ika-20 taóng pagkatatag ng UN.c Nang taon ding iyon, ang UN ay tinukoy ni Papa Paulo VI bilang “ang huling pag-asa sa pagkakasundo at kapayapaan,” at nang maglaon si Papa Juan Paulo II ay nagpahayag ng kaniyang pag-asa na “ang Nagkakaisang mga Bansa ay laging mananatiling ang kataas-taasang pinaka-sentro ng kapayapaan at katarungan.” Noong 1986 ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ang nanguna sa pagtataguyod ng UN Internasyonal na Taon ng Kapayapaan. Subalit dumating ba ang kapayapaan at katiwasayan bilang kasagutan sa kanilang relihiyosong mga panalangin? Malayung-malayo! Higit at higit, ang mga miyembrong bansa ng UN ay nagpapakitang sila’y walang tunay na pag-ibig sa dakilang patutot.
Pagliligpit sa Patutot
14. Anong pantanging paglilingkod ang gagawin ng UN na “mabangis na hayop,” at paano ito inilarawan ng anghel ng Diyos?
14 Sa takdang panahon, ang “matingkad-pulang mabangis na hayop” mismo ay tutungo sa pagkawasak. Subalit bago mangyari ito, at kahit na bago pa maganap ang pangwakas at makahayop na pag-atake sa bayan ng Diyos, ang mabangis na hayop na iyan, ang UN, ay may pantanging paglilingkod na kailangang gawin. Ang gagawin ni Jehova ay ‘ilalagay ang kaniyang kaisipan sa puso ng mabangis na hayop at ng militarisadong mga sungay nito.’ Ano ba ang resulta? Ang anghel ng Diyos ang sumasagot: “At ang sampung sungay na nakita mo, at ang mabangis na hayop, ang mga ito ay mapopoot sa patutot at kanilang wawasakin at huhubaran siya, at kanilang kakanin ang kaniyang laman at lubusang susunugin siya sa apoy.” “Kaniyang niluwalhati ang kaniyang sarili at siya’y namuhay sa walang patumanggang luho,” ngunit ngayon lahat na ito ay nabaligtad. Ang kaniyang mararangyang mga gusaling relihiyoso at ang malawak na mga ari-arian niya ay hindi magliligtas sa kaniya. Gaya ng sinabi ng anghel: “Iyan ang dahilan kung bakit darating sa kaniya sa isang araw ang mga salot, ang kamatayan at pagdadalamhati at gutom, at siya’y lubos na susunugin ng apoy, sapagkat ang Diyos na Jehova, na humatol sa kaniya, ay malakas.”—Apocalipsis 17:16, 17; 18:7, 8.
15. Paano maaapektuhan ng pagpanaw ng patutot ang kaniyang makapulitikang mga kalaguyo, pati ang mga negosyante ng malalaking-negosyo?
15 Mananaghoy ang kaniyang makapulitikang mga kalaguyo pagsapit ng kaniyang pagpanaw, at sasabihin: “Sayang ka, sayang ka, ikaw na dakilang lunsod, ang Babilonya na bayang matibay, sapagkat sa isang oras ay dumating ang hatol sa iyo!” Sa katulad na paraan, ang mga negosyante sa malalaking negosyo, na nakinabang nang malaki sa kaniya dahil sa mga pandaraya, ay “mananangis at mananaghoy, na sasabihin, ‘Sayang ka, sayang ka . . . sapagkat sa isang oras ay nalipol ang pagkalaki-laking kayamanan!’”—Apocalipsis 18:9-17.
16. Ano ang itutugon ng bayan ng Diyos sa pagkapuksa ng dakilang patutot, at paano ito pinatutunayan ng Apocalipsis?
16 Subalit, ano naman ang tugon ng sariling bayan ng Diyos? Lahat na ito ay kasali sa mga salita ng anghel: “Magalak ka tungkol sa kaniya, Oh langit, pati kayong mga banal at kayong mga apostol at kayong mga propeta, sapagkat siya’y hinatulan na at pinarusahan na ng Diyos alang-alang sa inyo!” Buong bilis ang pagkabulusok ng Babilonyang Dakila, anupa’t hindi na siya muling makauupasala sa banal na pangalan ni Jehova. Ang pagkapuksa ng dakilang patutot ay susundan ng pagdiriwang at mga awit ng tagumpay sa pagpuri kay Jehova. Bilang ang una sa sunud-sunod na mga pag-awit ng Aleluya, masayang awitan ang maririnig na: “Purihin, mo bayan, si Jah! Ang pagliligtas at ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan ay nauukol sa ating Diyos, sapagkat tunay at matuwid ang kaniyang mga hatol. Sapagkat kaniyang isinagawa ang hatol sa bantog na patutot na nagpasamâ sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang pakikiapid, at iginanti niya ang dugo ng kaniyang mga alipin.”—Apocalipsis 18:20–19:3.
17. Pagkatapos na mailigpit ang dakilang patutot, paano magpapatuloy ang mga paghatol ng Diyos hanggang sa matapos?
17 Ang mga paghatol ay mabilis na magaganap hanggang sa matapos samantalang niyuyurakan ng “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon,” si Kristo Jesus, “ang alilisan ng alak ng kabangisan ng galit ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Armagedon. Doon ay kaniyang lilipulin ang balakyot na mga pinuno at lahat ng iba pang natitira sa organisasyon ni Satanas sa lupa. Sasakmalin ng gutóm na mga ibon ang kanilang mga laman. (Apocalipsis 16:14, 16; 19:11-21) Anong laki ng ating kagalakan na ang itinakdang panahon ng Diyos ay malapit na upang alisin sa ating magandang lupa ang lahat ng bagay na liko, karumal-dumal, at nagpapasamâ!
18. Ano ang dakilang kasukdulan ng aklat ng Apocalipsis?
18 Iyan ba ang kasukdulan ng aklat ng Apocalipsis? Hindi, hindi pa! Sapagkat pagka ganap na ang pagkabuhay-muli ng 144,000 sa langit, saka natutupad ang kasal ng Kordero. Ang Kaniyang “nobya,” na nagagayakan para sa kaniyang asawang lalaki, ay itinalaga na sa puwesto sa “isang bagong langit,” at mula roon siya ay bumababa, sa pananalitang talinghaga, bilang katulong ng Nobyo sa pagsasakatuparan ng layunin ni Jehova na ‘gawing bago ang lahat ng bagay.’ Ang espirituwal na kagandahan ng nobya ay yaong taglay ng banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem, na iniilawan ni Jehovang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ng kaniyang kaluwalhatian, at ang Kordero ang siyang ilawan nito. (Apocalipsis 21:1-5, 9-11, 23) Kaya dito sumasapit ang Apocalipsis sa dakilang kasukdulan nito, na ang pangalan ni Jehova ay napabanal na at ang Kordero, si Kristo Jesus, kasama ang kaniyang nobya, ang Bagong Jerusalem, ay humahayo ng pagpapala sa masunuring sangkatauhan sa pagbibigay sa kanila ng buhay na walang hanggan sa makalupang Paraiso.
19. (a) Bukod sa paglabas sa Babilonyang Dakila, ano pa ang kailangan para maligtas ka? (b) Anong apurahang paanyaya ang bukás pa, at ano ang dapat na pagtugon natin?
19 Ikaw ba ay nagising na sa panlilinlang na ginagawa ng huwad na relihiyon at lumabas ka sa Babilonyang Dakila? At nagawa mo na ba ang hakbang na paglapit kay Jehovang Diyos, sa pamamagitan ni Kristo Jesus, sa buong pusong pag-aalay na hahantong sa bautismo? Ito ay kailangan din para maligtas ka! Habang ang itinakdang panahon para sa pagsasagawa ng katapusang paghatol ni Jehova ay lumalapit, ang paanyayang maririnig na may lubhang pagkaapurahan ay: “Ang espiritu at ang nobya ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’” Harinawang lahat ng nakikinig sa panawagang iyan ay mag-alay ng kanilang buhay kay Jehova at maging masigasig sa pagsasabi ng “Halika!” sa mga iba pa. Oo, “ang nauuhaw ay pumarito; at ang may ibig ay kumuha nang walang bayad sa tubig ng buhay.” (Apocalipsis 22:17) Ang paanyaya ay bukas pa. Tunay na magagalak ka kung ikaw ay maninindigan at mananatili sa paninindigang iyan sa harap ng trono ng Diyos at ng Kordero bilang isa sa nag-alay, bautismadong lingkod ni Jehova. Ang itinakdang panahon ay mas malapit kaysa iyong inaakala marahil! Oo, ang dakilang kasukdulan ng Apocalipsis ay malapit na!
Bilang pagtatapos ng Pag-aaral ng Bantayan sa linggong ito, dapat hilingin ng konduktor na basahin ang sumusunod na Resolusyon at repasuhin ito sa tulong ng mga tanong na kalakip nito. Ito ang Resolusyon na iniharap sa buong daigdig sa “Banal na Katarungan” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova noong 1988, sa pagtatapos ng pahayag na “Ang Walang Kasinsamáng ‘Patutot’—Ang Kaniyang Pagbagsak at Pagkapuksa.”
[Mga talababa]
a Sa malinaw na mga dahilan, dalawang sugnay ng Kasunduan ang iningatang lihim noon, at ang mga ito’y tungkol sa isang nagkakaisang paglaban sa Unyong Sobyet at sa mga tungkulin ng mga paring Katoliko na kinalap maging bahagi ng hukbo ni Hitler. Ang gayong pangangalap ay isang paglabag sa Tratado ng Versailles (1919) na obligado pa rin noon ang Alemanya na sundin; kung ipahahayag sa publiko ang sugnay na ito ay maliligalig ang iba pang mga lumagda sa Kasunduan sa Versailles.
b Si Franz von Papen ay kabilang sa mga Nazi na nilitis bilang mga kriminal ng digmaan sa Nuremberg, Alemanya, noong mga katapusang taon ng 1940. Siya’y pinawalang-sala subalit nang maglaon ay ipinataw sa kaniya ang isang mabigat na sintensiya buhat sa isang hukumang Aleman na lumilitis sa mga Nazi. At pagkatapos pa rin nito, noong 1959, siya’y ginawang isang Papal Privy Chamberlain.
c Tungkol sa pagtitipong ito, sinabi ni Papa Paulo VI: “Talagang tama nga at angkop na ang isang relihiyosong pagtitipon ukol sa kapayapaan ay isinali sa mga seremonyang nagsisilbing alaala ng paglagda sa Carta ng United Nations may dalawampung taon na ngayon ang lumipas.”
Natatandaan Mo Ba?
◻ Ano ang nagpapatunay na ang Babilonyang Dakila ay bumagsak noong 1919?
◻ Ano ang nagpapakita kung ang klero baga ay nangunguna sa pagtataguyod ng moral?
◻ Ano ang isinisiwalat ng kasaysayan ng Babilonyang Dakila kung tungkol sa kasalanang pagbububo ng dugo?
◻ Paano nakiapid ang patutot sa “mga hari sa lupa”?
Sa Wakas, Bilang Pagrerepaso—
◻ Paanong ibinunyag “ang hiwaga ng babae at ng mabangis na hayop”?
◻ Ano ang itutugon ng matataas ang ranggong mga tao ng sanlibutan at ng bayan ni Jehova sa pagkapuksa ng patutot?
◻ Ano ang dakilang kasukdulan ng Apocalipsis, at paano ka maaaring makabahagi roon?
◻ Bakit napakatindi ang pananalita ng Resolusyon?
◻ Anong nakagagalak na pasiya ang ipinahahayag ng mga Saksi ni Jehova?
[Kahon sa pahina 11]
ANG DI-PAG-IMIK NG PAPA
Sa kaniyang aklat na Franz von Papen—His Life and Times, inilathala noong 1939, detalyadong inilalarawan ni W. H. Blood-Ryan ang mga intriga na tumulong ang kabalyerong iyan ng papa na mapasa-kapangyarihan si Hitler at namagitan sa pakikipagkasunduan ng Vaticano sa mga Nazi. Tungkol sa kakila-kilabot na mga lansakang pagpatay, kasali rito ang mga Judio, mga Saksi ni Jehova, at mga iba pa, ganito ang sinasabi ng autor: “Bakit si Pacelli [Papa Pio XII] ay nagsawalang-imik? Sapagkat sa balak ni von Papen tungkol sa isang Banal na Imperyong Romano ng mga Kanlurang Aleman kaniyang nakikini-kinita sa hinaharap ang isang lalong malakas na Iglesiya Katolika, anupa’t ang Vaticano ay napabalik uli sa sentro ng makasanlibutang kapangyarihan . . . Ang Pacelli ding iyan ang ngayo’y may hawak ng kapangyarihan ng espirituwal na diktadora sa angaw-angaw na mga kaluluwa, gayunma’y hindi nagbangon ng kahit na isang bahagyang pagtutol sa ginawa ni Hitler na pananakop at pag-uusig. . . . Samantalang isinusulat ko ang mga taludtod na ito, tatlong araw ng lansakang pamamaslang ang naganap at kahit isang panalangin ay walang nanggaling sa Vaticano alang-alang sa mga kaluluwa ng mga nangasawi, na halos kalahati ay mga Katoliko. Kakila-kilabot ang pagtutuos pagka ang mga lalaking ito, na hinubaran ng lahat ng kanilang makalupang impluwensiya, ay tumindig sa harap ng kanilang Diyos, na Siyang hihingi ng pagsusulit. Ano kaya ang kanilang maidadahilan? Wala!”
[Kahon sa pahina 15]
PAGKASANGKOT NG VATICANO
Nag-ulat ang The New York Times ng Marso 6, 1988, na ang Vaticano’y umaasang magkakaroon ng isang malaking kakulangan na $61.8 milyon para sa 1988. Sinabi ng pahayagan: “Isang pinagkagastusan ng kapital ang ipinagpapalagay na tungkol sa isang pangakong ginawa noong 1984 na bayaran ang halos $250 milyon sa mga mangungutang ng Banco Ambrosiano. Ang Vaticano ay napasangkot nang husto sa bangko sa Milan bago bumagsak ito noong 1982.” Ito’y lubhang napasangkot nga sa eskandalong iyan, kung kaya’t ang Vaticano ay nagmatigas at tumangging isuko sa mga autoridad ang tatlong matataas na opisyales ng Vaticano, kasali na ang isang arsobispong Amerikano, upang humarap sa paglilitis sa mga hukuman sa Italya!
[Mga larawan sa pahina 12]
Nadamay ang Vaticano sa sala ni von Papen at ni Hitler sa kakila-kilabot na pagbububo ng dugo
[Credit Lines]
UPI/Bettmann Newsphotos
UPI/Bettmann Newsphotos
[Mga larawan sa pahina 15]
Imbes na itaguyod ang Kaharian ng Diyos, ipinahayag ng mga papa na ang UN ‘ang huling pag-asa sa kapayapaan’
[Credit Line]
Kalakip: UN photos