Bakit Tayo Dapat Matakot sa Diyos?
“MATAKOT kayo sa Diyos at magbigay kaluwalhatian sa kaniya, sapagkat dumating na ang panahon ng kaniyang paghatol.” (Apocalipsis 14:7) Ang nakapupukaw na mga salitang ito ay unang narinig ng matanda nang apostol na si Juan sa isang pangitain. Ito’y binigkas ng isang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng kalangitan, at iniukol lalung lalo na sa mga taong nabubuhay sa panahong ito ng kawakasan, ang pagsisimula ng panahong “araw ng Panginoon.”—Apocalipsis 1:10.
Gayunman ang mga salitang ito’y baka waring di-angkop kung wariin ng iba! Marami ang marahil nag-aalinlangan kung mayroon ngang Diyos, lalo pa ang siya’y katakutan. Para sa marami sa mga nag-aangking Kristiyano, ang ideang pagkatakot sa Diyos ay waring lipas na. Ang pag-ibig sa Diyos ay maaari pang tanggapin nila. Subalit ang sila’y matakot sa kaniya ay waring para lamang sa mga nangabuhay noong Edad Medya. Ganiyan ba rin ang pangmalas mo sa bagay na iyan?
Ang Pagkatakot ni Jesus sa Diyos
Kung gayon, isaalang-alang kung ano ang ibig sabihin ng pagiging isang Kristiyano. Sang-ayon sa Bibliya, sa pagiging isang Kristiyano ay kasangkot ang maingat na pagsunod sa mga yapak ni Jesu-Kristo. (1 Pedro 2:21) Ngayon, bagaman walang alinlangan na inibig ni Jesus ang Diyos, lubhang nililinaw ng Bibliya na siya’y natakot din sa kaniya. Sa pagsasalita ni Isaias ng hula tungkol kay Jesus, sinabi niya na ito’y magkakaroon ng “espiritu ng kaalaman at ng pagkatakot kay Jehova.” (Isaias 11:2) Kapansin-pansin, gayunman, na ang pagkatakot na ito ay hindi isang pabigat kay Jesus. Hindi natin dapat isipin na iyon ay katulad ng pagkatakot ng isang bata sa isang malupit na ama o pagka ang mga mamamayan ay sinusupil ng isang mapang-aping pinuno. Sa katunayan, si Isaias ay humula rin tungkol kay Jesus: “Ang kaniyang kaluguran ay nasa pagkatakot kay Jehova.” (Isaias 11:3) Paano ka nga malulugod kung ikaw ay natatakot sa kaninuman?
Ang totoo ay, sa Bibliya ang salitang “pagkatakot” ay maraming iba ibang kulay ng kahulugan. Nariyan ang pisikal na pagkatakot o pangamba na nadarama natin pagka mayroong ibig na gumawa sa atin nang masama. Sa gayon, ang mga hukbong Israelita ay “takut na takot” kay Goliat. (1 Samuel 17:23, 24) At nariyan din ang pagkatakot sa nakagugulat na di-inaasahan o di-kilala, gaya ng nadama ni Zacarias nang biglang magpakita sa kaniya ang anghel ni Jehova sa templo. (Lucas 1:11, 12) Subalit, ang pagkatakot na nadama ni Jesus sa kaniyang Ama ay di-gaya ng alinman sa mga iyan.
Bagkus, ang orihinal na mga salitang Hebreo at Griego na ginamit sa Bibliya ukol sa “pagkatakot” ay kadalasan tumutukoy sa matinding paggalang at may sindak na pagpipitagan sa Diyos. Gayon ang maka-Diyos na pagkatakot na taglay ni Jesus at yaong inihihimok ng anghel sa lahat na kanilang pagyamanin. Ang may pagpipitagang pagkasindak na ito, o pagkatakot, ay nag-uugat sa ating puso pagka ating binubulay-bulay ang lakas at kapangyarihan ni Jehova at inihahambing iyon sa ating sariling lubusang kawalang-halaga. Ito’y lumalaki pagka ating pinag-iisipan ang kaniyang makapangyarihang mga gawa, at umuunlad din sa pamamagitan ng lakip-panalanging pagsasa-gunita ng bagay na siya ang Kataastaasang Hukom na may kapangyarihang magbigay ng buhay at gayundin magparusa sa pamamagitan ng walang hanggang kamatayan.
Ang ganiyang pagkatakot ay mahalaga sapagkat pumipigil sa atin sa paggawa ng masama at sa pagkilos na ipinagwawalang-bahala ang Diyos, wika nga. Ito’y tumutulong sa atin na iwasan ang saloobing gaya ng: ‘Patatawarin naman ako ng Diyos. Batid niyang ako’y mahina,’ pagka tayo’y napaharap sa tukso at baka padala tayo imbis na labanan iyon. Gaya ng sinasabi sa atin ng Kawikaan 8:13: “Ang pagkatakot kay Jehova ay nangangahulugan ng pagkapoot sa masama.” At isinususog pa ng Kawikaan 16:6: “Sa pagkatakot kay Jehova ang isa’y humihiwalay sa masama.” Si Adan at si Eva ay hindi sumunod sa wasto, mainam na pagkatakot kay Jehova nang sila’y sumuway sa kaniya. Ang resulta? Sila’y nakadama ng ibang negatibong uri ng pagkatakot at nagtago upang huwag niyang makita. Sinabi ni Adan: “Ang iyong tinig ay narinig ko sa halamanan, ngunit ako’y natakot.”—Genesis 3:10.
Di-gaya ni Adan at ni Eva, si Job ay isang taong nanatiling tapat kay Jehova sa kabila ng pinakamatinding pagsubok. Bakit? Si Jehova na rin ang nagsabing si Job ay ‘isang taong natatakot sa kaniya at sa gayu’y tumatalikod sa masama.’ (Job 1:8; 2:3) Sa ngayon kailangang tiyakin natin na ganiyan din ang masasabi ni Jehova tungkol sa atin! Ang pagkatakot sa Diyos ay nararapat, at kailangang maging bahagi ng atin kaisipan.
Pagkatakot sa Diyos at Pagkatakot sa Tao
Ang pagkatakot sa Diyos ay isang likas na damdamin na nagbibigay sa atin ng gayunding uri ng katiwasayan na ibinibigay sa kaniyang mga anak ng isang amang karapatdapat sa matinding paggalang. Ang gayung takot ay tumutulong din upang alisin ang di-kaaya-ayang negatibong pagkatakot sa tao, na isang silo. (Kawikaan 29:25) Ang isang hindi natuto ng aral na ito ay si Urias, ang anak ni Semaias, na nangaral sa Jerusalem kasama ni Jeremias bago sumapit ang 607 B.C.E. Di-tulad ni Jeremias, pinayagan ni Urias na masilo siya ng pagkatakot sa hari. Siya’y huminto ng pangangaral at tumakas sa iniatas na gawain sa kaniya. Sa wakas, siya’y nahuli ng hari at ipinapatay. (Jeremias 26:20-23) Paano kaya maiiwasan ni Urias ang gayung malungkot na kinahinatnan niya? Sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng pagkatakot kay Jehova nang mas matindi kaysa sa kaniyang pagkatakot sa tao.
Pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli at pag-akyat sa langit, si Jesus ay nagpayo sa kaniyang mga tagasunod: “Huwag kayong matakot sa mga bagay na kay lapit-lapit na ninyong danasin.” (Apocalipsis 2:10) Ipinakikita ng kasaysayan ang pangangailangan sa payong iyan, yamang ang mga Kristiyano—mula sa mga arena ng mga Romano hanggang sa mga kampong piitan ng Nazi—ay napaharap sa kakila-kilabot na mga kalagayan. Paano nga nila napagtagumpayan ang takot na napaharap sa kanila dahil sa kanilang mga kaaway? Sa pamamagitan ng pagkakapit sa mga salita ni Jesus: “Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan at pagkatapos ay hindi na makagawa ng anupaman. Subalit ipakikita ko sa inyo kung sino ang inyong katatakutan: Matakot kayo sa kaniya na pagkatapos pumatay ay may kapamahalaan na maghagis sa Gehena.”—Lucas 12:4, 5.
Sa Awit 19:9 itinuturo sa atin: “Ang takot kay Jehova ay dalisay, tatayo magpakailanman. Ang mga hatol ni Jehova’y totoo; napatunayang matutuwid na talaga.” Kaya’t walang anumang negatibo kung tungkol sa pagkatakot sa Diyos. Ito ay dalisay at nagbibigay ng proteksiyon at ang isang lingkod ng Diyos ay lalong pinalalakas kaysa sa kaniyang mga kaaway. Katulad ni Jesus, ang isang Kristiyano ay nasisiyahan sa ganitong pagkatakot gaya rin ng kung paanong nasisiyahan siya sa lahat ng iba pang mga pagpapalang nanggagaling kay Jehova.—Isaias 11:3.
Kung gayon, lubusang naaangkop na lahat ng tao ay himukin ng anghel na matakot sa Diyos. Kung walang nararapat at maka-Diyos na pagkatakot, malamang na tayo’y magbigay-daan sa mga maling mithiin o mahila ng takot sa tao. Kung ating pagyayamanin ang nararapat na anyo ng pagkatakot, tayo’y matutulungan na kumilos nang may katalinuhan. “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan.” (Kawikaan 9:10; Awit 111:10) Totoo, dapat nating ibigin ang Diyos nang ating buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. (Marcos 12:30) At tayo ay dapat ding magkaroon ng magalang na pagkasindak sa kaniya, na nagpipitagan sa kaniya, o, sa mga salita ng anghel, “matakot kayo sa Diyos at magbigay-kaluwalhatian sa kaniya, sapagkat dumating na ang panahon ng kaniyang paghatol.”—Apocalipsis 14:7.
[Larawan sa pahina 30]
Kung sana’y nagkaroon si Urias ng matinding pagkatakot kay Jehova, ang pagkatakot sa tao ay hindi sana magiging isang silo sa kaniya