Impiyerno—Walang-Hanggang Pagpapahirap o Karaniwang Libingan?
SINABIHAN ka ba na ang sinaunang mga Ama ng Iglesya, mga teologo noong edad medya, at mga Repormista ay nangangatwiran na ang mga pagpapahirap na nararanasan sa impiyerno ay walang-hanggan? Kung gayon, marahil ay magtataka ka na malamang ang ilang tanyag na mga iskolar sa Bibliya ay naghaharap ngayon ng hamon sa ganiyang paniniwala. Sa Britanya, isa sa kanila, si John R. W. Stott, ay sumulat na ang “Kasulatan ay nakaturo sa direksiyon ng pagkapuksa, at na ‘ang walang-hanggang may kamalayang pagpaparusa’ ay isang tradisyon na kailangang sumuko sa kataas-taasang awtoridad ng Kasulatan.”—Essentials—A Liberal-Evangelical Dialogue.
Ano ang umakay sa kaniya na magpasiya na ang walang-hanggang pagpapahirap ay hindi nakasalig sa Bibliya?
Ang Aralin sa Wika
Ang kaniyang unang argumento ay may kaugnayan sa wika. Kaniyang ipinaliliwanag na pagka tinutukoy ng Bibliya ang katapusang kalagayan ng kapahamakan (“Gehenna”; tingnan ang kahon, pahina 8), malimit na ginagamit nito ang talasalitaan ng “pagpuksa,” ang Griegong “pandiwa na apollumi (puksain) at ang pangngalan na apòleia (pagpuksa).” Ang mga salita bang ito ay tumutukoy sa pagpapahirap? Binabanggit ni Stott na pagka ang pandiwa ay tahasan at palipát, ang ibig sabihin ng “apollumi” ay “patayin.” (Mateo 2:13; 12:14; 21:41) Sa gayon, sa Mateo 10:28, kung saan binabanggit ng King James Version na ang pinupuksa ng Diyos “kapuwa ang kaluluwa at ang katawan sa impiyerno,” ang katutubong idea ay pinupuksa sa kamatayan, hindi sa walang-hanggang pagdurusa. Sa Mateo 7:13, 14, ipinakikita ni Jesus ang pagkakaiba ng “makitid . . . na daang patungo sa buhay” sa “malapad . . . na daang patungo sa kapahamakan.” Binabanggit ni Stott: “Waring kataka-taka, samakatuwid, kung ang mga taong sinasabi na dumaranas ng pagkapuksa ay sa katunayan hindi napupuksa.” May katuwiran naman na siya’y nanghihinuha: “Kung ang pagpatay ay pagkitil ng buhay sa katawan, ang impiyerno ay waring pagkitil ng kapuwa pisikal at espirituwal na buhay, samakatuwid baga, ang pagkawala ng pag-iral.”—Essentials, pahina 315-16.
Ang Interpretasyon ng Paglalarawan sa Apoy ng Impiyerno
Gayunman, maraming taong relihiyoso ang sasang-ayon sa pangulo ng Southern Baptist Convention na si Morris H. Chapman, na nagsabi: “Ako’y nangangaral ng isang literal na impiyerno.” Kaniyang isinusog: “Sa Bibliya ay tinatawag iyon na isang ‘dagat-dagatang apoy,’ at sa palagay ko ay hindi na mapabubuti pa ang katuturang iyan.”
Ipagpalagay natin, ang paglalarawan sa apoy na ginamit sa Bibliya ay nagbabangon sa kaisipan ng isang larawan ng pagpapahirap. Gayunman, sinasabi ng aklat na Essentials: “Walang alinlangan na dahil sa lahat tayo’y nakaranas ng matinding kirot ng pagkapaso, kaya ang apoy ay iniuugnay sa ating kaisipan sa ‘may kamalayang pagpapahirap’. Subalit ang pangunahing gawain ng apoy ay hindi upang magdulot ng kirot, kundi pumuksa, gaya ng patotoo ng lahat ng insinerador sa daigdig.” (Pahina 316) Ang pagsasaisip ng mahalagang pagkakaibang iyan ay tutulong sa iyo na iwasan ang pagdaragdag ng kahulugan sa isang bagay sa Kasulatan na wala naman doon. Narito ang ilang halimbawa:
Tungkol sa mga ibinubulid sa Gehenna, sinabi ni Jesus na “doo’y hindi namamatay ang kanilang uod at ang apoy ay hindi namamatay.” (Marcos 9:47, 48) Palibhasa’y naimpluwensiyahan ng mga salita sa apokripang aklat ng Judith (“Siya’y magpapadala ng apoy at mga uod sa kanilang laman at sila’y tatangis dahil sa sakit magpakailanman.”—Judith 16:17, The Jerusalem Bible), may paniniwala ang ilang komentarista sa Bibliya na ang mga salita ni Jesus ay nagpapahiwatig ng walang-hanggang pagpapahirap. Gayunman, ang apokripang aklat ng Judith, palibhasa’y hindi kinasihan ng Diyos, ay hindi isang batayan para matiyak ang kahulugan ng mga sulat ni Marcos. Ang Isaias 66:24, na tekstong waring ipinahihiwatig ni Jesus, ay nagsasabi na ang apoy at mga uod ang pumupuksa sa mga patay na katawan (“ang mga bangkay,” sinasabi ni Isaias) ng mga kaaway ng Diyos. Walang ipinahihiwatig na walang-hanggang may-malay na pagpapahirap sa mga salita ni Isaias o ni Jesus. Ang sagisag ng apoy ay kumakatawan sa lubos na pagkapuksa.
Sa Apocalipsis 14:9-11 ay tinutukoy ang ilan na “pinahihirapan sa apoy at asupre . . . At ang usok ng kanilang hirap ay pumapailanlang magpakailan-kailanman.”a Subalit ito ba’y nagpapatunay ng walang-hanggang may-malay na pagpapahirap sa apoy ng impiyerno? Sa katunayan, ang sinasabi lamang ng talatang ito ay na pinahihirapan ang balakyot, hindi ibig sabihin na sila’y pinahihirapan magpakailanman. Ang teksto ay nagsasabi na ang usok—ang patotoo na ginawa na ng apoy ang gawain niyaon na pagpuksa—ang nagpapatuloy magpakailanman, hindi ang pagpapahirap sa apoy.
Ang Apocalipsis 20:10-15 ay nagsasabi na sa “dagat-dagatang apoy at asupre, . . . sila ay pahihirapan araw at gabi magpakailan-kailan man.” Sa unang pagbasa, ito ay waring may taginting ng patotoo ng walang-hanggang may-kamalayang pagpapahirap sa apoy, subalit tiyak na hindi gayon. Bakit? Bukod sa iba pang mga dahilan, “ang mabangis na hayop at ang bulaang propeta” at “ang kamatayan at ang Hades” ay sa wakas tutungo sa tinatawag na “dagat-dagatang apoy.” Gaya nang madaling mahihinuha mo, ang mabangis na hayop, ang bulaang propeta, ang kamatayan, at ang Hades ay hindi literal na mga persona; samakatuwid, sila’y hindi makararanas ng may-kamalayang pagpapahirap. Sa halip, isinulat ni G. B. Caird sa A Commentary on the Revelation of St. John the Divine, “ang dagat-dagatang apoy” ay nangangahulugan ng “pagkalipol at lubusang nakakalimutan.” Ang ganitong pagkaunawa ay madaling masasakyan, sapagkat ang Bibliya mismo ay nagsasabi tungkol sa dagat-dagatang apoy na ito: “Ito’y nangangahulugan ng ikalawang kamatayan, ang dagat-dagatang apoy.”—Apocalipsis 20:14.
Paghihiwalay sa Magkakambal na Turong Relihiyoso
Sa kabila ng mga argumentong ito, iginigiit ng maraming naniniwala rito na ang “pagkapuksa” ay hindi nangangahulugan ng sinasabi ng salita kundi nangangahulugan ng walang-hanggang pagpapahirap. Bakit? Ang kanilang kaisipan ay naimpluwensiyahan ng relihiyosong kakambal ng apoy sa impiyerno—ang doktrina ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao. At yamang ang kanilang iglesya ang ina ng magkakambal na ito sa loob ng daan-daang taon, inaakala nila na ang mga tekstong bumabanggit ng pagkapuksa ay aktuwal na nangangahulugan ng walang-hanggang pagpapahirap. Sa kabila ng lahat, ang walang-kamatayang kaluluwa ng tao ay hindi maaaring mawala sa pag-iral—o gayon nga ayon sa pangangatuwiran ng marami.
Subalit pansinin ang puntong iniharap ng Anglikanong klerigo na si Philip E. Hughes: “Ang paninindigan na ang kaluluwa ng tao ay likas na walang-kamatayan ay pananatili sa isang paniniwala na hindi sinasang-ayunan saanman ng Kasulatan, sapagkat sa paglalarawan ng Bibliya ang kalikasan ng tao ay laging nakikita bilang binubuo ng kapuwa espirituwal at ng katawan. . . . Ang babala ng Diyos nang pasimula, tungkol sa ibinawal na bungang-kahoy, ‘Sa araw na kumain ka niyaon ay mamamatay ka,’ ay sinabi sa tao bilang isang pisikal-espirituwal na nilalang—sakaling kaniyang kanin iyon, siya’y mamamatay bilang isang pisikal-espirituwal na nilalang. Walang ipinahihiwatig na ang isang bahagi niya ay walang-kamatayan at samakatuwid ang kaniyang pagkamatay ay sa isang bahagi lamang.”—The True Image—The Origin and Destiny of Man in Christ.
Sa katulad na paraan, ang teologong si Clark Pinnock ay nagsasabi: “Ang ideang ito [na walang kamatayan ang kaluluwa ng tao] ay nakaimpluwensiya sa teolohiya sa loob ng napakahabang panahon subalit ito ay hindi maka-kasulatan. Hindi itinuturo ng Bibliya ang likas na pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa.” Ang Ezekiel 18:4, 20 at Mateo 10:28 ang nagpapatunay nito. Higit pa riyan, si Jesus mismo ay bumanggit tungkol sa kaniyang namatay na kaibigang si Lazaro bilang “nagpahinga,” o natulog. Sinabi ni Jesus na kaniyang “gigisingin siya sa pagkatulog.” (Juan 11:11-14) Samakatuwid ang tao, o ang kaluluwang tao, si Lazaro ay namatay, subalit kahit sa paglipas ng ilang panahon, siya ay maaaring buhaying-muli, ibalik na muli sa buhay. Ang mga katibayan ay nagpapatunay niyan. Binuhay-muli ni Jesus si Lazaro mula sa mga patay.—Juan 11:17-44.
Papaano ba naaapektuhan ng mga puntong ito ang doktrina ng walang-hanggang pagpapahirap? Noong ika-17 siglo, ang manunulat ng sanaysay na si William Temple ay sumulat: “May [mga kasulatan] na tumutukoy ng paghahagis sa apoy na hindi namamatay. Subalit kung hindi natin tatalakayin ang mga ito na taglay ang paniniwala na kung ang gayong inihahagis doon ay hindi mapupuksa, magkakaroon tayo ng impresyon, hindi na iyon ay magliliyab nang walang-hanggan, kundi na iyon ay mapupuksa.” Ang ganiyang tamang pagkasuri ay totoo pa rin, sapagkat ganoon ang aktuwal na itinuturo ng Bibliya.
Hindi maikakaila, mayroon ka ng kapani-paniwalang mga dahilan upang mag-alinlangan tungkol sa idea ng walang-hanggang may-malay na pagpapahirap sa impiyerno. O marahil ibig mo ay higit pa sa pagtatanong at sundin ang payo ng propesor ng teolohiya na si Pinnock, na nagsabi: “Ang buong kalipunan ng mga paniniwalang nakapalibot sa impiyerno, kasali na ang walang-hanggang pagpapahirap, . . . ay dapat ibasura sa ngalan ng doktrinang kapani-paniwala.” Oo, ang moralidad, katarungan, at—pinakamahalaga—ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang nagsasabi sa iyo na gawin iyan.
Kung gagawin mo iyan, makikita mo na ang tunay na kalikasan ng impiyerno ay kapani-paniwala nga. Makasusumpong ka ng impormasyon na tutulong sa iyo sa paksang ito sa aklat na Maaari Kang Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa.b Pakisuyong humiling nito pagka may nakita kang mga Saksi ni Jehova. Basahin ang mga kabanatang “Ano ang Nangyayari Kapag ang Isa’y Namatay?” “Ano Bang Uri ng Lugar ang Impiyerno?” at “Pagkabuhay-Muli—Ukol Kanino at Saan?” Masusumpungan mo na ang tunay na kalikasan ng impiyerno ay hindi lamang kapani-paniwala kundi nagbibigay rin ng pag-asa.
[Mga talababa]
a Sa talatang ito ng Bibliya, ang “pinahihirapan sa apoy” ay unang-una tumutukoy sa isang espirituwal, ngunit may-hangganan, na pagpapahirap. Para sa higit pang detalye, tingnan ang Apocalipsis—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito! inilathala ng Watchtower Bible ang Tract Society of New York, Inc.
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 8]
KATUTURAN NG MGA SALITA
Sa artikulong ito ang mga salitang “impiyerno” at “apoy ng impiyerno” ayon sa pagkagamit ng mga teologo sa Sangkakristiyanuhan ay tumutukoy sa salitang Griego na geʹen·na, na lumilitaw ng 12 beses sa “Bagong Tipan.” (Mateo 5:22, 29, 30; 10:28; 18:9; 23:15, 33; Marcos 9:43, 45, 47; Lucas 12:5; Santiago 3:6) Bagaman ang sari-saring salin ng Bibliya ay “impiyerno” ang pagkasalin sa salitang Griegong ito, ang ibang mga salin ay isinalin ito nang letra-por-letra na “Gehenna.” Ito’y katumbas ng “ikalawang kamatayan, ang dagat-dagatang apoy,” isang sagisag ng walang-hanggang pagkapuksa na matatagpuan sa huling aklat ng Bibliya.—Apocalipsis 20:14.
Tungkol sa dalawa pang ibang salita na kung minsan isinaling “impiyerno,” ang A Dictionary of the Bible (1914), isinaayos ni William Smith, ay nagsasabi: “Ang impiyerno . . . ang salitang pangkalahatan at di-dapat na ginagamit ng ating mga tagapagsalin ng Hebreong Sheol. Marahil ay mas mabuti pa na gamitin ang salitang Hebreo na Sheol, o isalin lagi ito na ‘ang libingan’ o ‘ang hukay’. . . . Sa B[agong] T[ipan], ang salitang Hades, tulad ng Sheol, ay kung minsan nangangahulugan lamang ng ‘ang libingan’ . . . Sa ganitong diwa kung kaya sinasabi ng mga kredo tungkol sa ating Panginoon na ‘Siya’y bumaba sa impiyerno,’ na ang tinutukoy ay ang kalagayan ng mga patay sa pangkalahatan.”
Di-gaya ng Gehenna, na sumasagisag sa katapusang pagpuksa, ang Sheol at ang Hades ay tumutukoy sa kamatayan sa karaniwang libingan ng sangkatauhan, taglay ang pag-asang ang isa’y bubuhaying-muli.—Apocalipsis 20:13.
[Larawan sa pahina 9]
Ginising ni Jesus si Lazaro buhat sa tulog na kamatayan