Kabanata 9
Nanghahawakang Mahigpit sa Pangalan ni Jesus
PERGAMO
1. Anong kongregasyon ang tumanggap ng sumunod na mensahe ni Jesus, at anong uri ng lunsod ang pinamumuhayan ng mga Kristiyanong iyon?
KUNG maglalakbay tayo nang mga 80 kilometro sa daang malapit sa baybayin pahilaga mula sa Smirna at pagkatapos ay tatawid sa libis ng Ilog Caicus nang mga 25 kilometro papaloob mula sa baybayin, makararating tayo sa Pergamo, na tinatawag ngayong Bergama. Napabantog ang lunsod dahil sa templo nito kay Zeus, o Jupiter. Noong ika-19 na siglo, inilipat ng mga arkeologo ang altar ng templong ito sa Alemanya, kung saan makikita pa rin ito sa ngayon, kasama ng maraming estatuwa at relyebe ng mga paganong diyos, sa Pergamon Museum sa Berlin. Ano kayang mensahe ang ipadadala ng Panginoong Jesus sa kongregasyon na namumuhay sa gitna ng gayong idolatriya?
2. Paano ipinakikilala ni Jesus ang kaniyang sarili, at ano ang kahulugan ng pagtataglay niya ng “tabak na may dalawang talim”?
2 Una, ipinakikilala ni Jesus ang kaniyang sarili, sa pagsasabing: “At sa anghel ng kongregasyon sa Pergamo ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi niya na may matalas at mahabang tabak na may dalawang talim.” (Apocalipsis 2:12) Inuulit dito ni Jesus ang paglalarawan sa kaniya sa Apocalipsis 1:16. Bilang Hukom at Tagapuksa, lilipulin niya ang mga umuusig sa kaniyang mga alagad. Lubhang nakaaaliw ang katiyakang ito! Gayunman, hinggil sa paghatol, dapat ding babalaan ang mga nasa loob ng kongregasyon na si Jehova, na kumikilos sa pamamagitan ng “mensahero ng tipan,” si Jesu-Kristo, ay “magiging mabilis na saksi” laban sa lahat ng nag-aangking Kristiyano na nagsasagawa ng idolatriya, imoralidad, pagsisinungaling, at pandaraya at hindi nangangalaga sa mga nangangailangan. (Malakias 3:1, 5; Hebreo 13:1-3) Dapat sundin ang payo at pagsaway na inihahatid ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus!
3. Anong huwad na pagsamba ang umiiral noon sa Pergamo, at paano masasabing naroroon ang “trono ni Satanas”?
3 Sinasabi ngayon ni Jesus sa kongregasyon: “Alam ko kung saan ka tumatahan, samakatuwid ay sa kinaroroonan ng trono ni Satanas.” (Apocalipsis 2:13a) Talagang napaliligiran ng satanikong pagsamba ang mga Kristiyanong iyon. Bukod sa templo ni Zeus, mayroon ding dambana para kay Aesculapius, ang diyos ng pagpapagaling. Napabantog din ang Pergamo bilang sentro ng kulto ng pagsamba sa emperador. Ang salitang Hebreo na isinaling “Satanas” ay nangangahulugang “Mananalansang,” at ang kaniyang “trono” ay kumakatawan sa kaniyang pandaigdig na pamamahala na pinahihintulutan ng Diyos sa isang yugto ng panahon. Ang laganap na idolatriya sa Pergamo ay katunayan na matibay na nakatatag ang “trono” ni Satanas sa lunsod na iyon. Siguradong galit na galit si Satanas dahil sa hindi pagyukod sa kaniya ng mga Kristiyano roon na tumangging makibahagi sa nasyonalistikong pagsamba!
4. (a) Anong komendasyon ang ibinibigay ni Jesus sa mga Kristiyano sa Pergamo? (b) Ano ang isinulat ng emisaryong Romano na si Pliny kay Emperador Trajan tungkol sa pagtrato sa mga Kristiyano? (c) Sa kabila ng panganib, ano ang ginawa ng mga Kristiyano sa Pergamo?
4 Oo, ang “trono ni Satanas” ay naroon mismo sa Pergamo. Sinabi pa ni Jesus: “At gayunma’y patuloy kang nanghahawakang mahigpit sa aking pangalan, at hindi mo ikinaila ang iyong pananampalataya sa akin maging noong mga araw ni Antipas, ang aking saksi, ang tapat, na pinatay sa inyong tabi, kung saan tumatahan si Satanas.” (Apocalipsis 2:13b) Nakapupukaw-damdaming komendasyon! Walang alinlangan na pinatay si Antipas dahil sa pagtanggi niyang makisangkot sa makademonyong mga gawain at sa pagsamba sa emperador ng Roma. Hindi pa natatagalan matapos tanggapin ni Juan ang hulang ito, si Pliny na Nakababata, na personal na emisaryo ni Emperador Trajan ng Roma, ay sumulat kay Trajan at ipinaliwanag ang pagtrato niya sa mga taong pinaghihinalaang Kristiyano—pagtratong sinang-ayunan naman ng emperador. Ang mga taong nagkaila na Kristiyano sila, ayon kay Pliny, ay agad na pinalalaya “matapos nilang ulitin ang aking dasal sa mga diyos, matapos silang maghandog ng insenso at alak sa harapan ng larawan mo [ni Trajan] . . . at, bilang karagdagan, matapos nilang sumpain si Kristo.” Pinapatay ang sinumang masumpungang Kristiyano. Bagaman napapaharap sa gayong panganib, hindi itinatwa ng mga Kristiyano sa Pergamo ang kanilang pananampalataya. ‘Nanghawakan silang mahigpit sa pangalan ni Jesus’ sa diwa na patuloy nilang pinarangalan ang kaniyang mataas na tungkulin bilang Tagapagbangong-puri at Hukom na inatasan ni Jehova. Matapat nilang sinundan ang mga yapak ni Jesus bilang mga saksi ng Kaharian.
5. (a) Sa makabagong panahon, ano ang katumbas ng kulto ng pagsamba sa emperador na lumikha ng matitinding pagsubok para sa mga Kristiyano sa ating panahon? (b) Anong tulong ang inilaan ng Ang Bantayan para sa mga Kristiyano?
5 Sa iba’t ibang pagkakataon, isiniwalat ni Jesus na si Satanas ang namamahala sa kasalukuyang balakyot na sanlibutang ito, subalit dahil tapat si Jesus, walang kapangyarihan si Satanas sa kaniya. (Mateo 4:8-11; Juan 14:30) Sa ating panahon, patuloy na nag-aagawan sa pandaigdig na pamamahala ang makapangyarihang mga bansa, lalung-lalo na ang “hari ng hilaga” at ang “hari ng timog.” (Daniel 11:40) Nag-aalab ang pagkamakabayan, at ang kulto ng pagsamba sa emperador ay nagkaroon ng katumbas sa makabagong panahon—ang daluyong ng nasyonalismo na lumalaganap sa buong lupa. Malinaw na isinaad sa mga artikulo tungkol sa neutralidad sa The Watchtower ng Nobyembre 1, 1939 at gayundin sa Ang Bantayan ng Mayo 1, 1980 at Setyembre 1, 1986, ang turo ng Bibliya hinggil sa isyung ito, anupat naglaan ng patnubay para sa mga Kristiyano na nagnanais lumakad sa pangalan ni Jehova at daigin ang sanlibutan, gaya ng buong-tapang na ginawa ni Jesus.—Mikas 4:1, 3, 5; Juan 16:33; 17:4, 6, 26; 18:36, 37; Gawa 5:29.
6. Gaya ni Antipas, paano nanindigang matatag ang mga Saksi ni Jehova sa makabagong panahon?
6 Lubhang kailangan ang ganitong payo. Sa harap ng panatikong pagkamakabayan, kinailangang manindigang matatag sa pananampalataya ang mga Saksi ni Jehova, kapuwa ang mga pinahiran at ang kanilang mga kasamahan. Sa Estados Unidos, daan-daang kabataan at guro ang pinatalsik sa paaralan sapagkat tumanggi silang sumaludo sa pambansang bandila, samantalang sa Alemanya, malupit na pinag-usig ang mga Saksi dahil sa pagtangging sumaludo sa swastika. Gaya ng nabanggit na, pinatay ng mga Nazi ni Hitler ang libu-libong tapat na mga lingkod ni Jehova dahil sa pagtanggi nilang makibahagi sa gayong nasyonalistikong idolatriya. Noong dekada ng 1930, kung kailan laganap sa Hapon ang pagsamba ng mga Shinto sa emperador, dalawang ministrong payunir ang naghasik ng maraming binhi ng Kaharian sa Taiwan na sinakop noon ng Hapon. Ibinilanggo sila ng mga opisyal ng militar, at isa sa kanila ang namatay dahil sa pagmamalupit. Nang maglaon ay pinalaya ang ikalawa, subalit binaril naman habang nakatalikod—isang makabagong-panahong Antipas. Hanggang ngayon, may mga lupain pa rin kung saan mahigpit na ipinag-uutos ang pagsamba sa nasyonalistikong mga sagisag at ang bukod-tanging debosyon sa Estado. Maraming kabataang Saksi ang nabilanggo, at marami rin ang pinatay, dahil sa kanilang magiting na paninindigan bilang neutral na mga Kristiyano. Kung isa kang kabataan na napapaharap sa mga isyung ito, pag-aralan mo ang Salita ng Diyos araw-araw para makamit mo ang ‘pananampalataya at maingatang buháy ang kaluluwa,’ taglay ang pag-asa sa walang-hanggang buhay.—Hebreo 10:39–11:1; Mateo 10:28-31.
7. Paano napaharap sa isyu ng nasyonalistikong pagsamba ang mga kabataan sa India, at ano ang naging resulta?
7 Ang mga kabataan sa paaralan ay napaharap sa ganito ring mga isyu. Noong 1985, sa estado ng Kerala, India, tatlong kabataang anak ng mga Saksi ni Jehova ang tumangging ikompromiso ang kanilang salig-Bibliyang pananampalataya sa pamamagitan ng hindi pagkanta ng pambansang awit. Magalang silang tumayo habang umaawit ang iba, pero pinatalsik pa rin sila sa paaralan. Nag-apela ang kanilang ama hinggil sa hatol na ito hanggang sa Korte Suprema ng India, at dalawang hukom ang nagpasiya nang pabor sa mga bata, anupat buong-tapang na nagsabi: “Ang ating tradisyon ay nagtuturo ng pagpaparaya; ang ating pilosopiya ay nagtuturo ng pagpaparaya; ang ating konstitusyon ay nagpaparaya; huwag natin itong bantuan.” Ang mga balita sa pahayagan at mga editoryal hinggil sa kasong ito ay nagpabatid sa buong bansa, na bumubuo noon sa halos ikalimang bahagi ng populasyon ng daigdig, na may mga Kristiyano sa lupaing iyon na sumasamba sa tunay na Diyos na si Jehova at na matapat silang naninindigan sa mga simulain ng Bibliya.
Nagpapasamang mga Impluwensiya
8. Ano ang nakita ni Jesus na kailangang punahin sa mga Kristiyano sa Pergamo?
8 Oo, ang mga Kristiyano sa Pergamo ay mga tagapag-ingat ng katapatan. “Gayunpaman,” sabi ni Jesus, “mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo.” Ano ba ang nagawa nila at tumanggap sila ng ganitong pagpuna? Sinasabi sa atin ni Jesus: “Mayroon ka riyang mga nanghahawakang mahigpit sa turo ni Balaam, na siyang nagturo kay Balak na maglagay ng katitisuran sa harap ng mga anak ni Israel, upang kumain ng mga bagay na inihain sa mga idolo at makiapid.”—Apocalipsis 2:14.
9. Sino si Balaam, at paano naging “katitisuran sa harap ng mga anak ni Israel” ang kaniyang payo?
9 Noong panahon ni Moises, inupahan ni Haring Balak ng Moab si Balaam, isang di-Israelitang propeta na may kaunting nalalaman tungkol sa mga daan ni Jehova, upang sumpain ang Israel. Hinadlangan ni Jehova si Balaam, kaya napilitan itong magpahayag ng pagpapala sa mga Israelita at mga kaabahan naman sa kanilang mga kaaway. Pinahupa ni Balaam ang galit ni Balak nang imungkahi nito ang mas tusong pamamaraan: Tutuksuhin ng mga babaing Moabita ang mga kalalakihan ng Israel upang gumawa ng malubhang seksuwal na imoralidad at makibahagi sa idolatrosong pagsamba sa huwad na diyos na si Baal ng Peor! Nagtagumpay ang taktikang ito. Nag-alab ang matuwid na galit ni Jehova at nagpasapit siya ng salot na pumatay sa 24,000 mapakiapid na Israelita—isang salot na napigil lamang nang gumawa ng positibong hakbang ang saserdoteng si Pinehas upang alisin ang kasamaan sa Israel.—Bilang 24:10, 11; 25:1-3, 6-9; 31:16.
10. Anu-anong katitisuran ang nakapasok sa kongregasyon ng Pergamo, at bakit marahil inakala ng mga Kristiyanong iyon na palalampasin ng Diyos ang kanilang mga pagkakasala?
10 May gayundin kayang mga katitisuran noong panahon ni Juan sa Pergamo? Mayroon din! Nakapasok sa kongregasyon ang imoralidad at idolatriya. Hindi pinakinggan ng mga Kristiyanong iyon ang mga babala na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni apostol Pablo. (1 Corinto 10:6-11) Palibhasa’y nakapagbata ng pag-uusig, inakala nila marahil na palalampasin na ni Jehova ang kanilang pagkakasala sa sekso. Kaya nililiwanag ni Jesus na dapat nilang itakwil ang gayong kabalakyutan.
11. (a) Laban sa ano dapat mag-ingat ang mga Kristiyano, at anong kaisipan ang dapat nilang iwasan? (b) Sa paglipas ng mga taon, gaano karami ang natitiwalag mula sa kongregasyong Kristiyano, at ano ang karaniwang dahilan?
11 Totoo rin ito sa ngayon, dapat mag-ingat ang mga Kristiyano na huwag ‘gawing dahilan ang di-sana-nararapat na kabaitan ng ating Diyos para sa mahalay na paggawi.’ (Judas 4) Obligado tayong kapootan ang masama at ‘bugbugin ang ating mga katawan’ upang maitaguyod natin ang landasin ng Kristiyanong kagalingan. (1 Corinto 9:27; Awit 97:10; Roma 8:6) Hindi natin kailanman dapat isipin na ang sigasig sa paglilingkod sa Diyos at katapatan sa ilalim ng pag-uusig ay nagbibigay-laya sa atin na masangkot sa seksuwal na kahalayan. Sa paglipas ng mga taon, sampu-sampung libo ang nagkakasala at itinitiwalag mula sa pandaigdig na kongregasyong Kristiyano, karaniwan nang dahil sa seksuwal na imoralidad. May mga taon na ang bilang ay higit pa kaysa roon sa mga nabuwal sa sinaunang Israel dahil sa Baal ng Peor. Patuloy nawa tayong maging mapagbantay upang huwag mapatulad sa kanila!—Roma 11:20; 1 Corinto 10:12.
12. Anu-anong simulain na kapit sa sinaunang mga lingkod ng Diyos ang kapit din sa mga Kristiyano sa ngayon?
12 Sinaway rin ni Jesus ang mga Kristiyano sa Pergamo dahil sa ‘pagkain ng mga bagay na inihain sa mga idolo.’ Ano ang nasasangkot dito? Batay sa mga salita ni Pablo sa mga taga-Corinto, marahil ay inaabuso ng ilan ang kanilang kalayaan bilang mga Kristiyano at sinasadyang saktan ang budhi ng iba. Gayunman, malamang na aktuwal silang nakibahagi sa paanuman sa idolatrosong mga seremonya. (1 Corinto 8:4-13; 10:25-30) Dapat magpakita ang tapat na mga Kristiyano sa ngayon ng walang-pag-iimbot na pag-ibig sa paggamit ng kanilang kalayaang Kristiyano, at mag-ingat na huwag makatisod sa iba. Nararapat lamang na iwasan nila ang makabagong mga anyo ng idolatriya, gaya ng pagsamba sa mga bituin sa telebisyon, pelikula, at palakasan, o pagsamba sa salapi, o maging sa kanilang sariling tiyan!—Mateo 6:24; Filipos 1:9, 10; 3:17-19.
Iwasan ang Sektaryanismo!
13. Anong pagsaway ang sumunod na ibinigay ni Jesus sa mga Kristiyano sa Pergamo, at bakit kinailangan ito ng kongregasyon?
13 Higit pang sinaway ni Jesus ang mga Kristiyano sa Pergamo, sa pagsasabing: “Gayundin naman, mayroon ka niyaong mga nanghahawakang mahigpit sa turo ng sekta ni Nicolas sa katulad na paraan.” (Apocalipsis 2:15) Bago nito, pinapurihan ni Jesus ang mga taga-Efeso dahil sa pagkapoot nila sa mga gawain ng sektang ito. Pero kailangang payuhan ang mga Kristiyano sa Pergamo upang maingatan ang kongregasyon laban sa sektaryanismo. Higit na katatagan ang kailangan sa pagtataguyod ng mga pamantayang Kristiyano upang mapanatili ang pagkakaisa na idinalangin ni Jesus sa Juan 17:20-23. Mahalaga na “kapuwa magpayo sa pamamagitan ng turo na nakapagpapalusog at sumaway doon sa mga sumasalungat.”—Tito 1:9.
14. (a) Sa simula pa lamang, sino ang kinailangang labanan ng kongregasyong Kristiyano, at paano sila inilarawan ni apostol Pablo? (b) Anong pananalita ni Jesus ang dapat pakinggan ng sinumang may tendensiyang sumama sa isang grupong humihiwalay?
14 Sa simula pa lamang, kinailangan na ng kongregasyong Kristiyano na labanan ang palalong mga apostata, na sa pamamagitan ng tuso at mapanlinlang na pananalita ay “lumilikha ng mga pagkakabaha-bahagi at mga dahilang ikatitisod na salungat sa turo” na inilalaan sa pamamagitan ng alulod ni Jehova. (Roma 16:17, 18) Sa halos lahat ng liham ni apostol Pablo, nagbabala siya hinggil sa panganib na ito.a Sa makabagong panahon, bagaman naisauli na ni Jesus ang tunay na kongregasyon sa Kristiyanong kadalisayan at pagkakaisa, nariyan pa rin ang panganib ng sektaryanismo. Kaya sinumang may tendensiyang sumama sa isang grupong humihiwalay, anupat bumubuo ng isang sekta, ay dapat makinig sa susunod na pananalita ni Jesus: “Kaya nga magsisi ka. Kung hindi, paririyan ako sa iyo nang madali, at makikipagdigma ako sa kanila sa pamamagitan ng mahabang tabak ng aking bibig.”—Apocalipsis 2:16.
15. Paano nagsisimula ang sektaryanismo?
15 Paano nagsisimula ang sektaryanismo? Marahil isang nagkukunwang guro ang naghahasik ng mga pag-aalinlangan, na tumututol sa ilang katotohanan ng Bibliya (gaya ng ating pagiging nasa mga huling araw), kaya isang maliit na grupo ang humihiwalay at sumusunod sa kaniya. (2 Timoteo 3:1; 2 Pedro 3:3, 4) O pinipintasan ng isa ang paraan ni Jehova ng pagsasakatuparan ng kaniyang gawain at hinihikayat ang iba na huwag nang magpakahirap pa sa pagbabahay-bahay upang ihayag ang mensahe ng Kaharian yamang hindi naman daw maka-Kasulatan ni kinakailangan ito. Kung nakibahagi sana ang mga taong ito sa gayong paglilingkod gaya ng halimbawang ipinakita ni Jesus at ng kaniyang mga apostol, mananatili silang mapagpakumbaba; gayunman, mas gusto pa nilang humiwalay at magparelaks-relaks, marahil ay binabasa lamang ang Bibliya paminsan-minsan nang sila-sila lamang. (Mateo 10:7, 11-13; Gawa 5:42; 20:20, 21) Kumakatha ang mga ito ng sarili nilang mga palagay hinggil sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus, sa maka-Kasulatang utos na umiwas sa dugo, sa pagdiriwang ng mga kapistahan, at paninigarilyo. Bukod dito, minamaliit nila ang pangalan ni Jehova; di-nagtatagal at muli silang nahuhulog sa maluwag na mga pamantayan ng Babilonyang Dakila. Mas masahol pa, inuudyukan ni Satanas ang ilan na balingan at ‘bugbugin ang kanilang mga kapuwa alipin,’ ang dati nilang mga kapatid.—Mateo 24:49; Gawa 15:29; Apocalipsis 17:5.
16. (a) Bakit dapat magsisi agad ang sinumang nag-aalinlangan dahil sa impluwensiya ng mga apostata? (b) Ano ang mangyayari sa mga tumatangging magsisi?
16 Sinumang nag-aalinlangan dahil sa impluwensiya ng mga apostata ay dapat tumugon agad sa panawagan ni Jesus na magsisi! Dapat tanggihan na parang lason ang propaganda ng mga apostata! Ang saligan nito ay inggit at pagkapoot, kabaligtaran ng matuwid, malinis, at kaibig-ibig na mga katotohanang inilalaan ni Jesus sa kaniyang kongregasyon. (Lucas 12:42; Filipos 1:15, 16; 4:8, 9) Para sa mga ayaw magsisi, ang Panginoong Jesus ay tiyak na ‘makikipagdigma sa kanila sa pamamagitan ng mahabang tabak ng kaniyang bibig.’ Sinasala niya ang kaniyang bayan upang maingatan ang pagkakaisa na idinalangin niya noong huling gabing kasama niya ang kaniyang mga alagad sa lupa. (Juan 17:20-23, 26) Dahil sa pagtanggi ng mga apostata sa maibiging payo at tulong na iniaalok ng mga bituin na nasa kaniyang kanang kamay, hinahatulan at pinarurusahan sila ni Jesus “nang napakatindi,” at inihahagis sila sa “kadiliman sa labas.” Itinitiwalag sila upang huwag nang maging lebadura sa gitna ng bayan ng Diyos.—Mateo 24:48-51; 25:30; 1 Corinto 5:6, 9, 13; Apocalipsis 1:16.
‘Nakatagong Manna at Isang Maliit na Batong Puti’
17. Anong gantimpala ang naghihintay sa mga pinahirang Kristiyano na ‘mananaig,’ at ano ang kailangang pagtagumpayan ng mga Kristiyano sa Pergamo?
17 Dakilang gantimpala ang naghihintay sa lahat ng makikinig sa payo ni Jesus na ibinibigay sa ilalim ng patnubay ng banal na espiritu ni Jehova. Pakinggan! “Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon: Sa kaniya na nananaig ay magbibigay ako ng bahagi ng nakatagong manna, at bibigyan ko siya ng isang maliit na batong puti, at sa maliit na bato ay nakasulat ang isang bagong pangalan na walang sinumang nakaaalam maliban sa tumatanggap nito.” (Apocalipsis 2:17) Kaya ang mga Kristiyano sa Pergamo, tulad ng mga Kristiyano sa Smirna, ay pinatitibay-loob na ‘manaig.’ Upang magtagumpay ang mga Kristiyano sa Pergamo, na kinaroroonan ng trono ni Satanas, dapat silang umiwas sa idolatriya. Dapat nilang mapagtagumpayan ang imoralidad, sektaryanismo, at ang apostasyang nauugnay kay Balak, Balaam, at sa sekta ni Nicolas. Sa paggawa nito, ang mga pinahirang Kristiyanong iyon ay aanyayahang kumain ng “nakatagong manna.” Ano ang kahulugan nito?
18, 19. (a) Ano ang manna na inilaan ni Jehova sa mga Israelita? (b) Anong manna ang nakatago? (c) Ano ang isinasagisag ng pagkain ng nakatagong manna?
18 Noong panahon ni Moises, naglaan si Jehova ng manna upang tustusan ang mga Israelita sa kanilang paglalakbay sa ilang. Hindi nakatago ang manna na iyon, sapagkat tuwing umaga—maliban na kung Sabbath—makahimala itong lumilitaw, gaya ng maninipis na piraso ng nagyelong hamog na tumatakip sa lupa. Paglalaan ito ng Diyos upang manatiling buháy ang mga Israelita. Bilang alaala, iniutos ni Jehova kay Moises na magtago ng kaunting “tinapay” na ito sa isang ginintuang banga sa loob ng sagradong kaban ng tipan ‘sa lahat ng mga salinlahi ng Israel.’—Exodo 16:14, 15, 23, 26, 33; Hebreo 9:3, 4.
19 Angkop na sagisag nga! Ang manna na ito ay nakatago sa Kabanal-banalang silid ng tabernakulo, kung saan sumisinag ang makahimalang liwanag sa takip ng Kaban bilang sagisag ng mismong presensiya ni Jehova. (Exodo 26:34) Walang sinuman ang pinahintulutang makapasok sa sagradong dakong iyon upang kumain ng nakatagong manna. Gayunman, sinabi ni Jesus na ang kaniyang pinahirang mga alagad na mananaig ay makakakain ng “nakatagong manna.” Gaya ni Kristo na nauna sa kanila, makapapasok sila, “hindi sa isang dakong banal na ginawa ng mga kamay, na isang kopya ng katunayan, kundi sa langit mismo.” (Hebreo 9:12, 24) Sa kanilang pagkabuhay-muli, magbibihis sila ng kawalang-kasiraan at imortalidad—isang kamangha-manghang paglalaan ni Jehova, na isinasagisag ng pagbibigay sa kanila ng di-nasisirang “nakatagong manna.” Kaylaki ng pribilehiyo ng maliit na grupong ito ng mga mananaig!—1 Corinto 15:53-57.
20, 21. (a) Ano ang isinasagisag ng pagbibigay sa mga pinahirang Kristiyano ng isang maliit na batong puti? (b) Yamang mayroon lamang 144,000 maliliit na batong puti, ano ang pag-asa ng malaking pulutong?
20 Tumatanggap din sila ng “isang maliit na batong puti.” Sa mga hukumang Romano, ginagamit ang maliliit na bato sa pagbibigay ng hatol. Ang maliit na batong puti ay nangangahulugan ng pagpapawalang-sala, samantalang ang maliit na batong itim ay nangangahulugan ng paghatol, madalas ay hatol na kamatayan. Ang pagkakaloob ni Jesus ng “isang maliit na batong puti” sa mga Kristiyano sa Pergamo ay nagpapahiwatig na nasumpungan niya silang walang-sala, dalisay, at malinis. Subalit maaaring may higit pang kahulugan ang mga salita ni Jesus. Noong mga panahong Romano, ginagamit din na parang mga tiket ang maliliit na bato para makapasok sa mahahalagang pagtitipon. Kaya ang maliliit na batong puti ay maaaring mangahulugan ng isang bagay na napakaespesyal para sa nananaig na pinahirang Kristiyano—ang pagpapahintulot sa kaniya na makapasok sa marangal na dako sa langit sa kasalan ng Kordero. Mayroon lamang 144,000 gayong maliliit na bato na nakalaan.—Apocalipsis 14:1; 19:7-9.
21 Nangangahulugan ba ito na hindi ka mahalaga kung kabilang ka sa malaking pulutong ng mga kasamang mananamba? Hindi naman! Bagaman hindi ka tumatanggap ng maliit na batong puti upang makapasok sa langit, kung magbabata ka, maaari kang makaligtas sa malaking kapighatian upang makibahagi sa nakagagalak na gawaing pagsasauli ng Paraiso sa lupa. Makakasama mo sa gawaing ito ang binuhay-muling mga tapat bago ang panahong Kristiyano at ang mga ibang tupa na kamakailan pa lamang namatay. Sa wakas, ang lahat ng patay na tinubos ay bubuhaying-muli sa paraisong lupa.—Awit 45:16; Juan 10:16; Apocalipsis 7:9, 14.
22, 23. Ano ang kahulugan ng pangalan na nakasulat sa maliit na bato na ipinagkakaloob sa mga pinahirang Kristiyano, at anong pampatibay-loob ang dapat idulot nito?
22 Ano ang bagong pangalan na nakasulat sa maliit na bato? Ang pangalan ay isang paraan para makilala at mapatangi sa iba ang isang tao. Natatanggap ng pinahirang mga Kristiyanong ito ang maliit na bato kapag natapos na nila ang kanilang makalupang landasin bilang mga nanaig. Kaya ang pangalan na nakasulat sa maliit na bato ay maliwanag na may kinalaman sa kanilang pribilehiyo na makasama ni Jesus sa langit—isang pantanging posisyon sa maharlikang paglilingkod na lubusang mauunawaan at makakamit lamang ng mga magmamana ng makalangit na Kaharian. Kaya iyon ay isang pangalan, o designasyon ng tungkulin, “na walang sinumang nakaaalam maliban sa tumatanggap nito.”—Ihambing ang Apocalipsis 3:12.
23 Kaylaking pampasigla nito sa uring Juan na “makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon” at ikapit ito! At talagang napatitibay-loob nito ang kanilang mga kasamahan, ang malaking pulutong, upang tapat na maglingkod kasama nila samantalang naririto pa sila sa lupa at makibahaging kasama nila sa paghahayag ng Kaharian ni Jehova!
[Talababa]
a Tingnan din ang 1 Corinto 3:3, 4, 18, 19; 2 Corinto 11:13; Galacia 4:9; Efeso 4:14, 15; Filipos 3:18, 19; Colosas 2:8; 1 Tesalonica 3:5; 2 Tesalonica 2:1-3; 1 Timoteo 6:3-5; 2 Timoteo 2:17; 4:3, 4; Tito 1:13, 14; 3:10; Hebreo 10:26, 27.
[Mga larawan sa pahina 43]
Ang mga katibayang ito ng laganap na paganong pagsamba ay makikita sa Pergamon Museum sa Berlin
[Larawan sa pahina 45]
May nakatagong kaunting manna sa kaban ng tipan. Ang pagkakaloob ng makasagisag na nakatagong manna sa nananaig na mga pinahiran ay nangangahulugang tatanggap sila ng imortalidad
[Larawan sa pahina 45]
Ang maliit na batong puti ay para sa mga papapasukin sa kasalan ng Kordero