Ikalawang Liham ni Pedro
3 Mga minamahal, ito na ngayon ang ikalawang liham na isinusulat ko sa inyo, at gaya ng sa una kong liham, pinaaalalahanan ko kayo+ para gisingin ang inyong malinaw na pag-iisip, 2 para maalaala ninyo ang mga inihayag* noon ng banal na mga propeta at ang utos ng Panginoon at Tagapagligtas na sinabi ng inyong mga apostol. 3 Una sa lahat, dapat ninyong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya para manuya, at gagawin nila ang ayon sa mga pagnanasa nila,+ 4 at sasabihin nila: “Nasaan itong ipinangakong presensiya* niya?+ Aba, mula nang araw na mamatay* ang mga ninuno namin, walang anumang bagay ang nagbago mula nang pasimula ng paglalang.”+
5 Dahil sinasadya nilang bale-walain ang katotohanang noon pa man ay may langit at may lupa na nakatayong matatag sa ibabaw ng tubig at sa gitna ng tubig sa pamamagitan ng salita ng Diyos,+ 6 at na sa pamamagitan ng mga iyon, ang sanlibutan nang panahong iyon ay napuksa dahil sa baha.+ 7 Pero sa pamamagitan ng salita ring iyon, ang langit at ang lupa na umiiral ngayon ay nakalaan sa apoy sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.+
8 Pero huwag ninyong kalilimutan, mga minamahal, na ang isang araw kay Jehova* ay gaya ng isang libong taon at ang isang libong taon ay gaya ng isang araw.+ 9 Si Jehova* ay hindi mabagal sa pagtupad sa pangako niya,+ gaya ng iniisip ng iba; ang totoo, matiisin siya sa inyo dahil hindi niya gustong mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.+ 10 Pero ang araw ni Jehova*+ ay darating na gaya ng magnanakaw,+ kung kailan ang langit ay maglalaho+ na may malakas na ugong, pero ang mga elemento na napakainit ay matutunaw, at ang lupa at ang mga gawang naroon ay mahahantad.+
11 Dahil ang lahat ng bagay na ito ay matutunaw sa ganitong paraan, pag-isipan ninyo kung anong uri ng pagkatao ang dapat na taglay ninyo—may banal na paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon, 12 habang hinihintay ninyo at isinasaisip* ang pagdating* ng araw ni Jehova,*+ kung kailan ang langit ay wawasakin+ sa apoy at ang mga elemento ay matutunaw sa matinding init! 13 Pero may hinihintay tayong bagong langit at bagong lupa gaya ng pangako niya,+ at sa mga ito ay magiging matuwid ang lahat ng bagay.+
14 Kaya mga minamahal, dahil hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, gawin ninyo ang buong makakaya ninyo, para sa katapusan ay makita niyang wala kayong batik at dungis at kayo ay nasa kapayapaan.+ 15 Bukod diyan, ituring ninyo ang pagtitiis ng ating Panginoon bilang kaligtasan, gaya ng isinulat sa inyo ng minamahal nating kapatid na si Pablo ayon sa karunungang ibinigay sa kaniya.+ 16 Ang mga bagay na iyan ang sinasabi niya sa lahat ng liham niya. Gayunman, ang ilan sa nilalaman ng mga iyon ay mahirap maintindihan, at ang mga bagay na ito ay pinipilipit ng mga walang alam* at di-matatag, gaya ng ginagawa rin nila sa iba pang bahagi ng Kasulatan, at dahil doon ay mapupuksa sila.
17 Kaya mga minamahal, dahil alam na ninyo ang mga ito, mag-ingat kayo para hindi kayo maligaw kasama nila dahil sa mga pagkakasala ng mga taong walang sinusunod na batas at hindi ninyo maiwala ang katatagan ninyo.+ 18 Pero patuloy kayong tumanggap ng higit pang walang-kapantay na kabaitan at kaalaman tungkol sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian, ngayon at magpakailanman. Amen.