Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Apocalipsis—II
ANO ang magiging kinabukasan ng mga sumasamba at hindi sumasamba sa Diyos na Jehova? Ano ang kahihinatnan ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo? Anong mga pagpapala ang tatanggapin ng masunuring sangkatauhan sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo? Isinisiwalat sa Apocalipsis 13:1–22:21 ang sagot sa mga tanong na ito at sa iba pang mahahalagang tanong.a Nilalaman ng mga kabanatang ito ang huling 9 sa 16 na mga pangitaing nakita ni apostol Juan sa pagtatapos ng unang siglo C.E.
“Maligaya siya na bumabasa nang malakas at yaong mga nakikinig sa mga salita ng hulang ito, at tumutupad sa mga bagay na nakasulat dito,” ang isinulat ni Juan. (Apoc. 1:3; 22:7) Ang pagbabasa at pagkakapit ng ating natututuhan sa aklat ng Apocalipsis ay makaaapekto sa ating motibo sa paglilingkuran sa Diyos, magpapatibay ng ating pananampalataya sa Diyos at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, at magbibigay sa atin ng magandang pag-asa sa hinaharap.b—Heb. 4:12.
IBINUHOS ANG PITONG MANGKOK NG GALIT NG DIYOS
“Ang mga bansa ay napoot,” ang sabi sa Apocalipsis 11:18, “at ang . . . sariling poot [ng Diyos] ay dumating, at ang takdang panahon . . . upang ipahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.” Para ipakita kung bakit dumating ang poot ng Diyos, inilalarawan sa ikawalong pangitain ang gawain ng “isang mabangis na hayop . . . na may sampung sungay at pitong ulo.”—Apoc. 13:1.
Sa ikasiyam na pangitain, nakita ni Juan “ang Kordero na nakatayo sa Bundok Sion” na kasama ang “isang daan at apatnapu’t apat na libo.” Sila ay “binili mula sa sangkatauhan.” (Apoc. 14:1, 4) Sumunod ay kapahayagan ng mga anghel. Sa ikasampung pangitain, nakita ni Juan ang “pitong anghel na may pitong salot.” Maliwanag, si Jehova mismo ang nag-utos sa mga anghel na ito na ibuhos “ang pitong mangkok ng galit ng Diyos” sa iba’t ibang bahagi ng sanlibutan ni Satanas. Ang mangkok ay naglalaman ng mga babala at kapahayagan ng ipapataw na mga hatol ng Diyos. (Apoc. 15:1; 16:1) Ang dalawang pangitaing ito ay nagbibigay ng mga detalye sa higit pang mga hatol ng Kaharian na may kaugnayan sa ikatlong kaabahan at sa paghihip ng ikapitong trumpeta.—Apoc. 11:14, 15.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
13:8—Ano ang “balumbon ng buhay ng Kordero”? Ito ay makasagisag na balumbon na naglalaman lamang ng pangalan ng mga taong mamamahalang kasama ni Jesu-Kristo sa makalangit na Kaharian. Kasama rito ang pangalan ng pinahirang mga Kristiyano na naririto pa sa lupa na may pag-asang mabuhay sa langit.
13:11-13—Paano kumikilos na gaya ng dragon ang mabangis na hayop na may dalawang sungay at paano ito nagpapababa ng apoy mula sa langit? Ang pagsasalita ng mabangis na hayop na may dalawang sungay—ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano—na gaya ng dragon ay nagpapahiwatig na gumagamit ito ng mga pagbabanta, panggigipit, at karahasan para pilitin ang mga tao na tanggapin ang anyo ng pamamahala nito. Nagpapababa ito ng apoy mula sa langit, sa diwa na umaasta siyang parang tunay na propeta sa pamamagitan ng pag-aangking nilupig niya ang Komunismo at ang puwersa ng masasama sa dalawang pandaigdig na digmaan noong ika-20 siglo.
16:17—Ano ang “hangin” kung saan ibinuhos ang ikapitong mangkok? Sumasagisag ang “hangin” sa satanikong kaisipan, “ang espiritu [o, hilig ng kaisipan] na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway.” Ang nakalalasong hanging ito ay nilalanghap ng buong balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas.—Efe. 2:2.
Mga Aral Para sa Atin:
13:1-4, 18. Umaahon “mula sa dagat,” samakatuwid nga, sa maliligalig na sangkatauhan, ang “isang mabangis na hayop” na sumasagisag sa mga pamahalaan ng tao. (Isa. 17:12, 13; Dan. 7:2-8, 17) Ang hayop na ito, na nilikha at binigyang-kapangyarihan ni Satanas, ay may bilang na 666 na nagdiriin sa pagiging di-sakdal nito. Ang pagkaunawa sa kung ano ang hayop ay tutulong sa atin na huwag itong sundan, hangaan, o sambahin na gaya ng ginagawa ng mga tao sa pangkalahatan.—Juan 12:31; 15:19.
13:16, 17. Sa kabila ng mga problemang napapaharap sa atin dahil sa pang-araw-araw na mga gawaing gaya ng ‘pamimili o pagtitinda,’ hindi tayo dapat magpadala sa panggigipit na hayaan ang mabangis na hayop na kontrolin ang ating buhay. Ang pagtanggap sa ‘marka ng mabangis na hayop sa ating kamay o noo’ ay katumbas ng pagpapahintulot sa mabangis na hayop na kontrolin ang ating pagkilos o pag-iisip.
14:6, 7. Itinuturo sa atin ng kapahayagan ng anghel na dapat nating ipahayag nang may pagkaapurahan ang mabuting balita na naitatag na ang Kaharian ng Diyos. Dapat nating tulungan ang ating mga estudyante sa Bibliya na matakot sa Diyos at lumuwalhati kay Jehova.
14:14-20. Kapag ang “aanihin sa lupa,” samakatuwid nga, ang pagtitipon sa mga taong ililigtas, ay natapos na, ito na ang panahon para ihagis ng anghel “sa malaking pisaan ng ubas ng galit ng Diyos” ang natipong “punong ubas ng lupa.” Ang punong ubas na iyan—ang nakikita at tiwaling sistema ng mga pamahalaan ni Satanas sa sangkatauhan pati na ang “mga kumpol” ng masasamang bunga nito—ay lilipulin magpakailanman. Dapat tayong maging determinado na hindi maimpluwensiyahan ng punong ubas ng lupa.
16:13-16. Ang “maruruming kinasihang kapahayagan” ay sumasagisag sa propaganda ng mga demonyo na nilayon para tiyaking ang mga hari sa lupa ay hindi maaapektuhan ng pagbubuhos ng pitong mangkok ng galit ng Diyos kundi sa halip ay sumalansang kay Jehova.—Mat. 24:42, 44.
16:21. Habang papalapit ang katapusan ng sanlibutang ito, maaaring kasama sa kapahayagan ng mga hatol ni Jehova laban sa balakyot na sistema ni Satanas ang napakabigat at tuwirang pananalitang naghahayag ng paghatol ng Diyos na malamang na inilalarawan ng graniso. Gayunman, patuloy pa ring mamumusong sa Diyos ang karamihan ng mga tao.
NAMAMAHALA NA ANG MATAGUMPAY NA HARI
Ang “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ay isang kasuklam-suklam na bahagi ng balakyot na sanlibutan ni Satanas. Inilalarawan siya sa ika-11 pangitain bilang “dakilang patutot”—isang imoral na babae—“na nakaupo sa isang kulay-iskarlatang mabangis na hayop.” Siya ay lubusang pupuksain ng “sampung sungay” ng mismong hayop na sinasakyan niya. (Apoc. 17:1, 3, 5, 16) Sa paghahambing sa patutot sa isang “dakilang lunsod,” ipinahahayag ng kasunod na pangitain ang kaniyang pagbagsak at ang apurahang panawagan sa bayan ng Diyos na ‘lumabas sa kaniya.’ Magdadalamhati ang marami dahil sa pagbagsak ng dakilang lunsod. Gayunman, may pagsasaya sa langit dahil sa “kasal ng Kordero.” (Apoc. 18:4, 9, 10, 15-19; 19:7) Sa ika-13 pangitain, nakipagdigma sa mga bansa ang nakasakay sa “kabayong puti.” Winakasan niya ang balakyot na sanlibutan ni Satanas.—Apoc. 19:11-16.
Ano naman ang mangyayari sa “orihinal na serpiyente, na siyang Diyablo at Satanas”? Kailan siya ‘ihahagis sa lawa ng apoy’? Iyan ang isa sa mga paksa ng ika-14 na pangitain. (Apoc. 20:2, 10) Nagbibigay ng ideya ang huling dalawang pangitain tungkol sa magiging buhay sa panahon ng Milenyo. Habang papatapos na ang “pagsisiwalat,” nakita ni Juan ang ‘isang ilog ng tubig ng buhay na umaagos sa gitna ng malapad na daan,’ at isang magandang paanyaya ang ipinaaabot sa “sinumang nauuhaw.”—Apoc. 1:1; 22:1, 2, 17.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
17:16; 18:9, 10—Bakit namimighati “ang mga hari sa lupa” sa mismong organisasyon na kanilang winasak? Makasarili ang dahilan ng kanilang pamimighati. Kapag napuksa na ang Babilonyang Dakila, matatanto ng mga hari sa lupa na malaki pala ang pakinabang nila sa kaniya. Sa pamamagitan ng relihiyon, naging katanggap-tanggap ang kanilang paniniil. Tinulungan din sila ng Babilonyang Dakila na mangalap ng mga kabataan para makipagdigma. Karagdagan pa, mahalaga ang naging papel niya para mapasunod ng mga hari sa lupa ang mga tao.
19:12—Bakit si Jesus lamang ang nakaaalam ng kaniyang hindi binanggit na pangalan? Waring ang pangalang ito ay tumutukoy sa posisyon at mga pribilehiyo, gaya ng nakaulat sa Isaias 9:6, na taglay ni Jesus sa araw ng Panginoon. Walang nakaaalam ng pangalang ito kundi siya lamang dahil ang mga pribilehiyong ito ay natatangi at siya lamang ang nakaiintindi kung paano gagampanan ang mataas na posisyong ito. Gayunman, ibinabahagi ni Jesus ang ilan sa pribilehiyong ito sa mga miyembro ng uring kasintahang babae na sa diwa ay ‘isinusulat sa kanila ang bago niyang pangalan.’—Apoc. 3:12.
19:14—Sino ang kasama ni Jesus na nakasakay sa mga kabayong puti sa Armagedon? Kabilang sa ‘mga hukbo sa langit’ na makakasama ni Jesus sa digmaan ng Diyos ay mga anghel gayundin ang pinahirang mga manlulupig na nakatanggap na ng kanilang makalangit na gantimpala.—Mat. 25:31, 32; Apoc. 2:26, 27.
20:11-15—Kaninong mga pangalan ang nakasulat sa “balumbon [o, “aklat”] ng buhay”? Ito ang balumbon na naglalaman ng mga pangalan ng tatanggap ng buhay na walang hanggan—ang pinahirang mga Kristiyano, ang mga miyembro ng malaking pulutong, at ang tapat na mga lingkod ng Diyos na makararanas ng ‘pagkabuhay-muli ng mga matuwid.’ (Gawa 24:15; Apoc. 2:10; 7:9) Ang mga pangalan ng mabubuhay sa ‘pagkabuhay-muli ng mga di-matuwid’ ay maisusulat lamang sa “balumbon ng buhay” kung kikilos sila kasuwato ng “mga bagay na nakasulat sa mga balumbon” ng mga tagubilin na bubuksan sa panahon ng Milenyo. Gayunman, hindi pa permanenteng nakasulat ang kanilang pangalan sa balumbong iyon. Magiging permanente lamang na nakasulat dito ang pangalan ng mga pinahiran kapag nakapanatili silang tapat hanggang kamatayan. (Apoc. 3:5) Samantala, magiging permanenteng nakasulat dito ang pangalan ng mga tatanggap ng buhay sa lupa kapag nakapasa sila sa huling pagsubok sa katapusan ng sanlibong taon.—Apoc. 20:7, 8.
Mga Aral Para sa Atin:
17:3, 5, 7, 16. Matutulungan tayo ng “karunungan mula sa itaas” na maunawaan “ang hiwaga ng babae at ng [kulay-iskarlatang] mabangis na hayop na sinasakyan niya.” (Sant. 3:17) Ang makasagisag na mabangis na hayop na ito ay nagsimula bilang Liga ng mga Bansa at muling bumangon nang maglaon bilang Nagkakaisang mga Bansa. Dapat tayong mapakilos ng pagkaunawa sa hiwagang ito na maging masigasig sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at sa paghahayag ng araw ng hatol ni Jehova.
21:1-6. Lubusan tayong makatitiyak na matutupad ang mga inihulang pagpapala sa pamamahala ng Kaharian. Bakit? Dahil may kinalaman sa mga ito, ganito ang sinabi: “Naganap na ang mga iyon!”
22:1, 17. Lumalarawan ang “ilog ng tubig ng buhay” sa mga paglalaan ni Jehova upang iligtas ang masunuring sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. Makakakuha tayo sa paanuman ng tubig na ito. Pahalagahan nawa natin at tanggapin ang paanyaya na “kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad” at puspusan ding ipag-anyaya ito sa iba!
[Mga talababa]
a Para sa pagtalakay ng Apocalipsis 1:1–12:17, tingnan ang “Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Apocalipsis—I” sa Enero 15, 2009 ng Ang Bantayan.
b Para sa talata-por-talatang pagtalakay sa aklat ng Apocalipsis, tingnan ang Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
[Larawan sa pahina 5]
Tunay ngang kamangha-mangha ang mga pagpapalang tatamasahin ng masunuring sangkatauhan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian!