Ano ang Masasaksihan sa Araw ni Jehova?
“Ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw, . . . at ang lupa at ang mga gawang naroroon ay mahahantad.”—2 PED. 3:10.
1, 2. (a) Paano magwawakas ang sistemang ito ng mga bagay? (b) Anong mga tanong ang sasagutin natin?
ANG masamang sistemang ito ng mga bagay ay nakaugat sa isang kasinungalingan—na kaya ng taong pamahalaan ang lupa nang hiwalay kay Jehova. (Awit 2:2, 3) Mananatili ba magpakailanman ang isang bagay na nakaugat sa kasinungalingan? Siyempre hindi! Pero hindi naman natin kailangang hintayin na kusang magwakas ang sanlibutan ni Satanas. Pupuksain ito ng Diyos sa kaniyang itinakdang panahon at ayon sa kaniyang paraan. Makikita sa pagpuksang ito ang katarungan at pag-ibig ng Diyos.—Awit 92:7; Kaw. 2:21, 22.
2 Sumulat si apostol Pedro: “Ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw, na dito ang mga langit ay lilipas na may sumasagitsit na ingay, ngunit ang mga elemento na nag-iinit nang matindi ay mapupugnaw, at ang lupa at ang mga gawang naroroon ay mahahantad.” (2 Ped. 3:10) Ano ang “mga langit” at “lupa” na binanggit dito? Ano ang “mga elemento” na mapupugnaw? At ano ang ibig sabihin ni Pedro nang banggitin niyang “ang lupa at ang mga gawang naroroon ay mahahantad”? Ang sagot sa mga tanong na ito ay tutulong sa atin na mapaghandaan ang kakila-kilabot na mga pangyayaring malapit nang maganap.
Ang mga Langit at ang Lupa na Lilipas
3. Ano ang “mga langit” na binabanggit sa 2 Pedro 3:10? Paano lilipas ang mga ito?
3 Sa Bibliya, ang makasagisag na paggamit sa pananalitang “mga langit” ay karaniwan nang tumutukoy sa mga tagapamahala na nakatataas sa kanilang sakop. (Isa. 14:13, 14; Apoc. 21:1, 2) Ang “mga langit [na] lilipas” ay kumakatawan sa pamamahala ng tao sa di-makadiyos na sanlibutang ito. Ang paglipas na ito nang may “sumasagitsit na ingay”—“nakapangingilabot na ugong,” sa ibang salin—ay maaaring nagpapahiwatig ng dagliang paglipol sa mga langit na ito.
4. Ano ang “lupa”? Paano ito lilipulin?
4 Ang “lupa” ay kumakatawan sa sanlibutan ng mga taong hiwalay sa Diyos. Ganiyan ang mga tao noong panahon ni Noe kung kaya nilipol sila ng Diyos sa Baha. “Sa pamamagitan ng gayunding salita ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” (2 Ped. 3:7) Noong Baha, sabay-sabay na nilipol ang mga taong di-makadiyos. Pero sa “malaking kapighatian,” yugtu-yugto ang magaganap na pagpuksa. (Apoc. 7:14) Sa unang yugto, uudyukan ng Diyos ang mga tagapamahala ng daigdig na wasakin ang “Babilonyang Dakila,” anupat ipinapakita ang galit Niya sa relihiyosong patutot. (Apoc. 17:5, 16; 18:8) Pagkatapos, sa digmaan ng Armagedon—ang huling yugto ng malaking kapighatian—si Jehova mismo ang tatapos sa natitirang bahagi ng sanlibutan ni Satanas.—Apoc. 16:14, 16; 19:19-21.
“Ang mga Elemento . . . ay Mapupugnaw”
5. Ano ang kabilang sa makasagisag na mga elemento?
5 Ano ang “mga elemento” na “mapupugnaw”? Sa isang diksyunaryo sa Bibliya, ang terminong “mga elemento” ay nangangahulugang “mga panimulang simulain,” o “mga saligang tuntunin.” Ayon dito, para itong mga titik ng alpabeto na bumubuo ng mga salita ng isang wika. Kaya ang “mga elemento” na binanggit ni Pedro ay tumutukoy sa pinakaugat na mga dahilan kung bakit napakasama ng sanlibutang ito. Kabilang sa ‘mga elementong’ ito ang “espiritu ng sanlibutan” na “kumikilos . . . sa mga anak ng pagsuway.” (1 Cor. 2:12; basahin ang Efeso 2:1-3.) Ang espiritung ito, o “hangin,” ay laganap sa sanlibutan ni Satanas. Ito ang nagtutulak sa mga tao na mag-isip, magplano, magsalita, at kumilos sa paraang naaaninag ang kaisipan ni Satanas—ang hambog at palabang “tagapamahala ng awtoridad ng hangin.”
6. Paano nakikita sa mga tao ang espiritu ng sanlibutan?
6 Namamalayan man nila o hindi, hinahayaan ng mga nahawahan ng espiritu ng sanlibutan na maimpluwensiyahan ni Satanas ang kanilang isip at puso. Kaya naman nakikita sa kanila ang kaniyang kaisipan at saloobin. Ang resulta? Ginagawa nila ang gusto nila, at wala silang pakialam sa kalooban ng Diyos. Puro pride o kasakiman ang pinaiiral nila, ayaw nilang magpasakop sa awtoridad, at nagpapadala sila sa ‘pagnanasa ng laman at pagnanasa ng mga mata.’—Basahin ang 1 Juan 2:15-17.a
7. Bakit dapat nating ‘ingatan ang ating puso’?
7 Mahalagang ‘ingatan ang ating puso,’ at magagawa natin ito kung magiging maingat tayo sa pagpili ng mga kasama, babasahín, libangan, at mga binubuksang Web site sa Internet. (Kaw. 4:23) Sumulat si apostol Pablo: “Mag-ingat: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.” (Col. 2:8) Habang papalapit ang araw ni Jehova, mas dapat nating seryosohin ang babalang iyan dahil ang lahat ng “elemento” ng sistema ni Satanas ay pupugnawin ng ‘init’ ng galit ng Diyos—init na hinding-hindi matatagalan ng mga ito. Maaalala natin ang sinasabi sa Malakias 4:1: “Ang araw ay dumarating na nagniningas na parang hurno, at ang lahat ng pangahas at ang lahat ng gumagawa ng kabalakyutan ay magiging tulad ng pinaggapasan. At lalamunin nga sila niyaong araw na dumarating.”
“Ang Lupa at ang mga Gawang Naroroon ay Mahahantad”
8. Paano “mahahantad” ang lupa at ang mga gawang naroroon?
8 Ano ang ibig sabihin ni Pedro nang isulat niyang “ang lupa at ang mga gawang naroroon ay mahahantad”? Ang salitang “mahahantad” ay maaari ding isaling “masusumpungan” o “malalantad.” Sinasabi ni Pedro na sa malaking kapighatian, ilalantad ni Jehova ang sanlibutan ni Satanas—ang pagsalansang nito sa Kaniya at sa Kaniyang Kaharian—kung kaya dapat itong lipulin. Inihula sa Isaias 26:21: “Si Jehova ay lumalabas mula sa kaniyang dako upang hingan ng sulit ang kamalian ng tumatahan sa lupain laban sa kaniya, at tiyak na ilalantad ng lupain ang kaniyang pagbububo ng dugo at hindi na tatakpan ang mga napatay sa kaniya.”
9. (a) Ano ang dapat nating iwasan, at bakit? (b) Ano ang dapat nating linangin, at bakit?
9 Sa araw ni Jehova, lalabas ang totoong kulay ng mga naimpluwensiyahan ng sanlibutan at ng espiritu nito, magpapatayan pa nga sila. Sa katunayan, masasabing ikinukundisyon na ng iba’t ibang mararahas na libangan sa ngayon ang kaisipan ng marami para sa magaganap na paglalabanan nila. (Zac. 14:13) Napakahalaga ngang iwasan ang anumang bagay—pelikula, aklat, video games, at iba pa—na maaaring maging dahilan para magkaroon tayo ng pag-uugaling kinamumuhian ng Diyos, gaya ng pride at pagkahilig sa karahasan! (2 Sam. 22:28; Awit 11:5) Sa halip, linangin natin ang mga bunga ng banal na espiritu ng Diyos—mga katangiang di-matutupok ng makasagisag na init.—Gal. 5:22, 23.
“Mga Bagong Langit at Isang Bagong Lupa”
10, 11. Ano ang “mga bagong langit” at ang “bagong lupa”?
10 Basahin ang 2 Pedro 3:13. Ang “mga bagong langit” ay ang makalangit na Kaharian ng Diyos na itinatag noong 1914 nang magwakas ang “mga takdang panahon ng mga bansa.” (Luc. 21:24) Binubuo ito ni Kristo Jesus at ng kaniyang 144,000 kasamang tagapamahala na karamihan ay nasa langit na. Sa Apocalipsis, ang mga piniling ito ay inilalarawan bilang “ang banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem, na bumababang galing sa langit mula sa Diyos at nahahandang gaya ng isang kasintahang babae na nagagayakan para sa kaniyang asawang lalaki.” (Apoc. 21:1, 2, 22-24) Kung paanong nasa Jerusalem noon ang pamamahala sa sinaunang Israel, nasa kamay naman ng Bagong Jerusalem at ng kaniyang Kasintahang Lalaki ang pamamahala sa bagong sistema ng mga bagay. Ang lunsod na ito ay ‘bababa galing sa langit,’ ibig sabihin, magtutuon ito ng pansin sa lupa.
11 Ang “bagong lupa” naman ay ang bagong lipunan ng tao sa lupa na handang magpasakop sa Kaharian ng Diyos. Ang espirituwal na paraisong umiiral sa bayan ng Diyos ngayon pa lang ay matatamasa na rin sa wakas sa isang literal na paraiso sa “darating na tinatahanang lupa.” (Heb. 2:5) Paano tayo mapapabilang sa bagong sistema ng mga bagay?
Paghandaan ang Dakilang Araw ni Jehova
12. Bakit magugulat ang sanlibutan sa pagdating ng araw ni Jehova?
12 Parehong inihula nina Pablo at Pedro na darating ang araw ni Jehova “gaya ng isang magnanakaw”—di-namamalayan, di-inaasahan. (Basahin ang 1 Tesalonica 5:1, 2.) Maging ang mapagbantay na mga tunay na Kristiyano ay magugulat din sa biglang pagdating nito. (Mat. 24:44) Pero ang sanlibutan ay hindi lang basta magugulat. Sumulat si Pablo: “Kailanma’t kanilang sinasabi [ng mga taong hiwalay kay Jehova]: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay kagyat na mapapasakanila ang biglang pagkapuksa gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao; at sa anumang paraan ay hindi sila makatatakas.”—1 Tes. 5:3.
13. Paano natin maiiwasang malinlang ng sigaw na “Kapayapaan at katiwasayan!”?
13 Ang sigaw na “Kapayapaan at katiwasayan!” ay isa na namang kasinungalingan ng Diyablo, pero hindi nito malilinlang ang mga lingkod ni Jehova. “Kayo ay wala sa kadiliman,” ang sabi ni Pablo, “upang ang araw na iyon ay umabot sa inyo gaya ng sa mga magnanakaw, sapagkat kayong lahat ay mga anak ng liwanag at mga anak ng araw.” (1 Tes. 5:4, 5) Kaya manatili tayo sa liwanag at lumayo sa kadiliman ng sanlibutan ni Satanas. Isinulat ni Pedro: “Mga minamahal, yamang taglay ninyo ang patiunang kaalamang ito, maging mapagbantay upang hindi kayo mailayong kasama nila [mga bulaang guro sa kongregasyong Kristiyano] sa pamamagitan ng kamalian ng mga taong sumasalansang sa batas at mahulog mula sa inyong sariling katatagan.”—2 Ped. 3:17.
14, 15. (a) Paano tayo binibigyang-dangal ni Jehova? (b) Anong mga kinasihang salita ang dapat nating pag-isipang mabuti?
14 Pansinin na hindi lang tayo basta sinasabihan ni Jehova na ‘magbantay’ at pagkatapos ay bahala na tayo sa buhay natin. Sa halip, binibigyang-dangal niya tayo at pinagkakalooban ng ‘patiunang kaalaman,’ o ideya hinggil sa mangyayari sa hinaharap.
15 Pero nakalulungkot, ipinagwawalang-bahala o ikinagagalit pa nga ng ilan ang mga paalaalang manatiling gising. Baka sabihin nila, ‘Noon pa namin naririnig ’yan.’ Pero ang pagsasabi ng gayon ay pagkuwestiyon hindi lang sa uring tapat na alipin kundi mismong kay Jehova at sa kaniyang Anak. “Patuloy mong hintayin,” ang sabi ni Jehova. (Hab. 2:3) Sinabi rin ni Jesus: “Patuloy kayong magbantay . . . dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.” (Mat. 24:42) Bukod diyan, sumulat si Pedro: “Ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon, na hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova!” (2 Ped. 3:11, 12) Hinding-hindi ipagwawalang-bahala ng uring tapat na alipin at ng Lupong Tagapamahala nito ang mahahalagang pananalitang iyan!
16. Anong saloobin ang dapat nating iwasan, at bakit?
16 Sa totoo lang, ang “masamang alipin” ang nagsasabing nagluluwat ang Panginoon. (Mat. 24:48) Kabilang ang masamang aliping ito sa grupong inilalarawan sa 2 Pedro 3:3, 4. “Sa mga huling araw,” ang sabi ni Pedro, “darating ang mga manunuya” na “ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa” ay manlilibak sa mga mapagbantay sa araw ni Jehova. Oo, sa halip na magtuon ng pansin sa Kaharian, puro sariling pagnanasa ang inaatupag ng mga manunuyang iyon. Huwag sana tayong magkaroon ng gayong mapanganib na saloobin! Sa halip, “ituring [nawa natin] ang pagtitiis ng ating Panginoon bilang kaligtasan.” Magsipag tayo sa pangangaral at paggawa ng alagad, at huwag nating masyadong problemahin kung kailan mangyayari ang mga bagay-bagay; ang Diyos na Jehova na ang bahala roon.—2 Ped. 3:15; basahin ang Gawa 1:6, 7.
Magtiwala sa Diyos ng Kaligtasan
17. Paano tumugon ang tapat na mga Kristiyano sa utos ni Jesus na tumakas mula sa Jerusalem, at bakit?
17 Matapos lusubin ng mga Romano ang Judea noong 66 C.E., sinunod ng tapat na mga Kristiyano ang utos ni Jesus na tumakas agad mula sa Jerusalem. (Luc. 21:20-23) Bakit agad silang kumilos nang walang pag-aalinlangan? Dahil hindi nila ipinagwalang-bahala ang babala ni Jesus. Tiyak na alam nilang mahihirapan sila sa gagawin nila, gaya ng sinabi ni Kristo. Pero alam din nilang hinding-hindi pababayaan ni Jehova ang mga tapat sa Kaniya.—Awit 55:22.
18. Ano ang nadarama mo ngayon hinggil sa malaking kapighatian matapos mabasa ang sinabi ni Jesus sa Lucas 21:25-28?
18 Tayo rin naman ay dapat na lubos na magtiwala kay Jehova dahil siya lang ang makapagliligtas sa atin mula sa pinakamalaking kapighatiang mararanasan ng tao. Sa panahon ng malaking kapighatian, bago ilapat ni Jehova ang hatol sa natitirang bahagi ng sanlibutan, ang mga tao ay ‘manlulupaypay dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na dumarating sa tinatahanang lupa.’ Pero habang nanginginig sa takot ang mga kaaway ng Diyos, panatag naman ang tapat na mga lingkod ni Jehova. Sa katunayan, magagalak sila dahil alam nilang malapit na ang kanilang kaligtasan.—Basahin ang Lucas 21:25-28.
19. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
19 Isa ngang kapana-panabik na kinabukasan ang naghihintay sa mga nananatiling hiwalay sa sanlibutan at sa “mga elemento” nito! Gayunman, gaya ng tatalakayin sa susunod na artikulo, hindi lang basta pag-iwas sa masama ang dapat nating gawin kung gusto nating makaligtas. Kailangan nating linangin ang mga katangiang nakalulugod kay Jehova at gawin ang mga bagay na sinasang-ayunan niya.—2 Ped. 3:11.
[Talababa]
a Para sa higit pang pagtalakay sa mga pag-uugaling isinisiksik ng espiritu ng sanlibutan sa isip at puso ng tao, tingnan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, pahina 162-166.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Ano ang kumakatawan sa . . .
kasalukuyang ‘mga langit at lupa’?
“mga elemento”?
‘mga bagong langit at bagong lupa’?
• Bakit lubos tayong nagtitiwala sa Diyos?
[Larawan sa pahina 5]
Paano mo ‘iingatan ang iyong puso’ para makapanatiling hiwalay sa sanlibutan?
[Larawan sa pahina 6]
Paano maipapakitang ‘itinuturing natin ang pagtitiis ng ating Panginoon bilang kaligtasan’?