Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Apocalipsis—I
HABANG nakabilanggo sa isla ng Patmos, ang may-edad nang si apostol Juan ay nakakita ng 16 na sunud-sunod na pangitain. Nakita niya kung ano ang isasakatuparan ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo sa araw ng Panginoon—ang yugtong sumasaklaw mula sa pagkakatatag ng Kaharian ng Diyos noong 1914 hanggang sa katapusan ng Milenyong Paghahari ni Kristo. Ang aklat ng Apocalipsis, na isinulat ni Juan noong mga taóng 96 C.E., ay isang kapana-panabik na ulat tungkol sa mga pangitaing ito.
Talakayin natin ngayon ang mga tampok na bahagi ng Apocalipsis 1:1–12:17, na sumasaklaw sa unang pitong pangitain ni Juan. Mahalagang isaalang-alang natin ang mga pangitaing ito yamang tumutukoy ang mga ito sa mga pangyayaring nagaganap sa daigdig sa ngayon at ipinakikita nito kung paano kikilos si Jehova sa malapit na hinaharap. Tunay na maaaliw at mapatitibay ang mga bumabasa at nananampalataya sa ulat ng Apocalipsis hinggil sa mga pangitaing ito.—Heb. 4:12.
BINUKSAN NG “KORDERO” ANG ANIM SA PITONG TATAK
Una, nakita ni Juan ang niluwalhating si Jesu-Kristo na nagbigay sa kaniya ng sunud-sunod na mensahe na kailangan niyang ‘isulat sa isang balumbon at ipadala sa pitong kongregasyon.’ (Apoc. 1:10, 11) Sumunod ang pangitain tungkol sa isang trono na nasa kinalalagyan nito sa langit. Isang balumbon na may pitong tatak ang nasa kanang kamay ng Isa na nakaupo sa trono. Ang itinuring na “karapat-dapat na magbukas ng balumbon” ay walang iba kundi “ang Leon na mula sa tribo ni Juda,” o ang “kordero . . . na may pitong sungay at pitong mata.”—Apoc. 4:2; 5:1, 2, 5, 6.
Isinisiwalat ng ikatlong pangitain kung ano ang nangyayari habang isa-isang binubuksan ng “Kordero” ang unang anim na tatak. Habang binubuksan ang ikaanim na tatak, isang malakas na lindol ang naganap at dumating ang dakilang araw ng poot. (Apoc. 6:1, 12, 17) Pero sa kasunod na pangitain, makikitang ‘hinahawakang mahigpit ng apat na anghel ang apat na hangin ng lupa’ hanggang sa matapos ang pagtatatak sa 144,000. Isang “malaking pulutong” ng mga hindi natatakan ang makikitang “nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero.”—Apoc. 7:1, 9.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:4; 3:1; 4:5; 5:6—Ano ang ipinahihiwatig ng pananalitang “pitong espiritu”? Ang bilang na pito ay sumasagisag sa pagiging ganap ayon sa pangmalas ng Diyos. Kaya ang mensahe sa “pitong kongregasyon” ay lubusang kumakapit sa lahat ng lingkod ng Diyos na nagtitipong magkakasama sa mahigit 100,000 kongregasyon sa buong daigdig. (Apoc. 1:11, 20) Inilalaan ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu ayon sa kaniyang kalooban, kaya ang pananalitang “pitong espiritu” ay nangangahulugan ng ganap na pagkilos nito sa paghahatid ng kaunawaan at pagpapala sa mga nagbibigay-pansin sa hula. Mapapansin na madalas gamitin ang bilang na pito sa aklat ng Apocalipsis. Ang bilang na pito rito ay kumakatawan sa pagiging ganap, at sa katunayan, tinatalakay ng aklat kung paano sasapit “sa katapusan,” o magiging ganap, “ang sagradong lihim ng Diyos.”—Apoc. 10:7.
1:8, 17—Kanino tumutukoy ang mga titulong “ang Alpha at ang Omega” at “ang Una at ang Huli”? Ang titulong “ang Alpha at ang Omega” ay kumakapit kay Jehova, at idiniriin nito na walang umiiral na Diyos na makapangyarihan-sa-lahat na nauna sa kaniya at wala nang susunod pa. Siya “ang pasimula at ang wakas.” (Apoc. 21:6; 22:13) Bagaman kay Jehova tumutukoy ang pananalita sa Apocalipsis 22:13 na “ang una at ang huli,” sa diwa na walang nauna o susunod pa sa kaniya, ang titulo namang “ang Una at ang Huli” sa unang kabanata ng Apocalipsis ay kumakapit kay Jesu-Kristo, ayon sa ipinakikita ng konteksto nito. Siya ang unang tao na binuhay-muli bilang imortal na espiritu at ang huli na personal na binuhay-muli ni Jehova.—Col. 1:18.
2:7—Ano ba ang “paraiso ng Diyos”? Yamang ang pananalitang ito ay ipinatutungkol sa mga pinahirang Kristiyano, ang paraiso rito ay malamang na tumutukoy sa malaparaisong makalangit na dako—ang mismong presensiya ng Diyos. Ang tapat na mga pinahiran ay gagantimpalaan ng pagkakataong makakain mula sa “punungkahoy ng buhay.” Ibig sabihin, tatanggap sila ng imortalidad.—1 Cor. 15:53.
3:7—Kailan natanggap ni Jesus ang “susi ni David,” at paano niya ginagamit mula noon ang susing iyon? Nang bautismuhan si Jesus noong 29 C.E., siya ay naging Haring-Itinalaga sa angkan ni David. Gayunman, natanggap lamang ni Jesus ang susi ni David noong 33 C.E. nang itaas siya sa kanan ng Diyos sa langit. Doon ay minana niya ang lahat ng karapatan sa Davidikong Kaharian. Mula noon, ginagamit na ni Jesus ang susing iyon upang magbukas ng mga pagkakataon para sa paglilingkod may kaugnayan sa Kaharian. Noong 1919, iniatang ni Jesus ang “susi ng sambahayan ni David” sa balikat ng “tapat at maingat na alipin” sa pamamagitan ng pag-aatas sa uring aliping ito “sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.”—Isa. 22:22; Mat. 24:45, 47.
3:12—Ano ang “bagong pangalan” ni Jesus? Ang pangalang ito ay may kinalaman sa bagong tungkulin at mga pribilehiyo ni Jesus. (Fil. 2:9-11) Bagaman walang sinuman ang nakaaalam sa pangalang iyon maliban kay Jesus, isinusulat niya iyon sa noo ng kaniyang tapat na mga kapatid sa langit, anupat nagkakaroon sila ng matalik na kaugnayan sa kaniya. (Apoc. 19:12) Ibinabahagi pa nga niya ang kaniyang mga pribilehiyo sa kanila.
Mga Aral Para sa Atin:
1:3. Yamang ang “takdang panahon [para sa paglalapat ng mga kahatulan ng Diyos sa sanlibutan ni Satanas] ay malapit na,” kailangang-kailangan nating maunawaan ang mensahe sa aklat ng Apocalipsis at kumilos ayon dito.
3:17, 18. Upang maging mayaman sa espirituwal, kailangan nating bumili kay Jesus ng “gintong dinalisay ng apoy.” Samakatuwid nga, dapat tayong magsikap na maging mayaman sa maiinam na gawa. (1 Tim. 6:17-19) Kailangan din nating magbihis ng “mga puting panlabas na kasuutan,” na magpapakilala sa atin bilang mga tagasunod ni Kristo, at gumamit ng “pamahid sa mata,” gaya ng mga payo na nakalathala sa magasing Bantayan, upang magtamo ng espirituwal na kaunawaan.—Apoc. 19:8.
7:13, 14. Ang 24 na matatanda ay kumakatawan sa 144,000 na nasa kanilang maluwalhating dako sa langit, kung saan sila naglilingkod hindi lamang bilang mga hari kundi bilang mga saserdote rin. Inilalarawan sila ng mga saserdote sa sinaunang Israel, na hinati ni Haring David sa 24 na dibisyon o pangkat. Isa sa matatanda ang nagsiwalat kay Juan ng pagkakakilanlan ng malaking pulutong. Kaya malamang na nagsimula ang pagbuhay-muli sa mga pinahirang Kristiyano bago pa ang taóng 1935. Bakit natin nasabi ito? Dahil noong taóng iyon isiniwalat sa mga pinahirang lingkod ng Diyos sa lupa ang wastong pagkakakilanlan ng malaking pulutong.—Luc. 22:28-30; Apoc. 4:4; 7:9.
ANG PAGBUBUKAS SA IKAPITONG TATAK AY UMAKAY SA PAGPAPATUNOG SA PITONG TRUMPETA
Binuksan ng Kordero ang ikapitong tatak. Pitong anghel ang tumanggap ng pitong trumpeta. Hinipan ng anim sa mga anghel ang kanilang mga trumpeta, na inihahayag ang mensahe ng kahatulan sa “ikatlo” ng sangkatauhan—ang Sangkakristiyanuhan. (Apoc. 8:1, 2, 7-12; 9:15, 18) Ito ang nakita ni Juan sa ikalimang pangitain. Naging bahagi si Juan ng sumunod na pangitain, kung saan kinain niya ang maliit na balumbon at sinukat ang santuwaryo ng templo. Matapos ang paghihip sa ikapitong trumpeta, ganito ang inihayag ng malalakas na tinig: “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo.”—Apoc. 10:10; 11:1, 15.
Dinetalye ng ikapitong pangitain ang nakasaad sa Apocalipsis 11:15, 17. Isang dakilang tanda ang nakita sa langit. Ang makalangit na babae ay nagsilang ng isang anak na lalaki. Pinalayas ang Diyablo sa langit. Palibhasa’y napopoot sa makalangit na babae, humayo ang Diyablo ‘upang makipagdigma sa mga nalalabi sa binhi ng babae.’—Apoc. 12:1, 5, 9, 17.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
8:1-5—Bakit nagkaroon ng katahimikan sa langit, at ano ang inihagis sa lupa pagkatapos? Nagkaroon ng makasagisag na katahimikan sa langit upang marinig ang “mga panalangin ng mga banal.” Naganap ito sa pagtatapos ng unang digmaang pandaigdig. Hindi umakyat sa langit ang mga pinahirang Kristiyano sa pagtatapos ng Panahong Gentil, di-gaya ng inaakala ng marami na mangyayari. Naging napakahirap para sa kanila ang panahon ng digmaan. Kaya marubdob silang nanalangin upang humingi ng patnubay. Bilang sagot sa kanilang panalangin, isang anghel ang naghagis sa lupa ng makasagisag na apoy na nagpaalab sa sigasig ng mga pinahirang Kristiyano. Bagaman kakaunti lamang sila noon, sinimulan nila ang isang pambuong-daigdig na kampanya ng pangangaral anupat ang Kaharian ng Diyos ay naging isang nagbabagang isyu na nagpaningas ng apoy sa Sangkakristiyanuhan. Dumagundong na parang kulog ang mga babala mula sa Bibliya, kumislap na parang kidlat ang mga katotohanan sa Kasulatan, at nayanig ang pinakapundasyon ng huwad na relihiyon, gaya ng pagyanig ng mga gusali kapag lumilindol.
8:6-12; 9:1, 13; 11:15—Kailan naghanda ang pitong anghel para hipan ang kanilang trumpeta, at kailan at sa anong paraan tumunog ang mga trumpeta? Mula 1919 hanggang 1922, ang napasiglang mga miyembro ng uring Juan sa lupa ay pinaglaanan ng patnubay bilang paghahanda sa paghihip sa pitong trumpeta. Abala noon ang mga pinahiran sa muling pag-oorganisa sa pangmadlang ministeryo at pagtatayo ng mga palimbagan. (Apoc. 12:13, 14) Ang pagpapatunog sa mga trumpeta ay lumalarawan sa walang-takot na paghahayag sa mga kahatulan ni Jehova laban sa sanlibutan ni Satanas na isinasagawa ng bayan ng Diyos sa tulong ng mga anghel. Kapansin-pansin, nagsimula ito sa kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, noong 1922 at magpapatuloy hanggang sa sumapit ang malaking kapighatian.
8:13; 9:12; 11:14—Paano naging “mga kaabahan” ang tunog ng huling tatlong trumpeta? Kung ang tunog ng unang apat na trumpeta ay mga kapahayagang naghahantad sa patay na espirituwal na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan, ang tunog naman ng huling tatlo ay mga kaabahan sa diwa na tumutukoy ang mga ito sa espesipikong mga pangyayari. Ang tunog ng ikalima ay may kaugnayan sa pagpapalaya sa bayan ng Diyos mula sa “kalaliman” ng pagiging di-aktibo noong 1919 at sa kanilang walang-tigil na pagpapatotoo, na nagsilbing salot na nagpapahirap sa Sangkakristiyanuhan. (Apoc. 9:1) Ang tunog ng ikaanim ay tungkol naman sa pinakamalawakang pagsalakay ng hukbo ng mga mangangabayo at sa pambuong-daigdig na kampanya ng pangangaral na nagsimula noong 1922. Ang tunog ng huling trumpeta ay may kinalaman sa pagsilang ng Mesiyanikong Kaharian.
Mga Aral Para sa Atin:
9:10, 19. Ang mapananaligang mga salig-Bibliyang pahayag na nasa mga publikasyon ng “tapat at maingat na alipin” ay naglalaman ng nakakatibong mensahe. (Mat. 24:45) Ang mensaheng ito ay inihalintulad sa buntot ng mga balang na may “mga tibo na tulad ng mga alakdan” at ng mga kabayo ng isang hukbo, na ang “mga buntot ay tulad ng mga serpiyente.” Bakit? Dahil ang mga publikasyong ito ay nagbababala tungkol sa “araw ng paghihiganti” ni Jehova. (Isa. 61:2) Maging matapang tayo at masigasig sa pamamahagi ng mga ito.
9:20, 21. Maraming maaamo na nakatira sa tinatawag na mga di-Kristiyanong bansa ang lubusang tumugon sa mensaheng inihahayag natin. Pero hindi tayo umaasa na marami ang makukumberte mula sa mga di-kabilang sa Sangkakristiyanuhan na tinutukoy rito bilang “mga nalabi sa mga tao.” Gayunman, matiyaga pa rin tayo sa ministeryo.
12:15, 16. Itinaguyod ng “lupa”—mga elemento sa loob ng mismong sistema ni Satanas, o mga makapangyarihang tagapamahala sa iba’t ibang lupain—ang kalayaan sa pagsamba. Mula noong dekada ng 1940, “nilulon [ng mga kapangyarihang ito] ang ilog [ng pag-uusig] na ibinuga ng dragon mula sa kaniyang bibig.” Tunay ngang kapag ginusto ni Jehova, maaari niyang maniobrahin ang mga pamahalaan para isakatuparan ang kaniyang kalooban. Kaya naman angkop ang sinasabi ng Kawikaan 21:1: “Ang puso ng hari ay gaya ng mga batis ng tubig sa kamay ni Jehova. Ibinabaling niya iyon saanman niya kalugdan.” Tiyak na mapatitibay nito ang ating pananampalataya sa Diyos.