Ang Ating Aktibong Lider sa Ngayon
“Humayo siyang nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig.”—APOC. 6:2.
1, 2. (a) Paano inilarawan sa Bibliya ang paghahari ni Kristo mula noong 1914? (b) Ano ang mga ginawa ni Kristo mula nang maghari siya?
NOONG 1914, si Kristo ay iniluklok bilang Hari ng Mesiyanikong Kaharian ni Jehova. Ano na kaya ang ginagawa niya ngayon? Siya ba’y nakaupo lang sa kaniyang trono at pasulyap-sulyap lang sa kaniyang kongregasyon dito sa lupa? Kung ganiyan ang nasa isip natin, nagkakamali tayo. Sa Mga Awit at sa Apocalipsis, inilarawan siya bilang isang aktibong hari na nakasakay sa kabayo, na “nananaig at upang lubusin ang kaniyang pananaig,” hanggang sa ganap na “magtagumpay.”—Apoc. 6:2; Awit 2:6-9; 45:1-4.
2 Ang unang ginawa ni Kristo bilang hari ay ang pananaig niya ‘sa dragon at sa mga anghel nito.’ Bilang ang arkanghel na si Miguel na may awtoridad sa kaniyang mga anghel, inihagis ni Kristo si Satanas at ang mga demonyo nito sa kapaligiran ng lupa. (Apoc. 12:7-9) Pagkaraan, bilang ang “mensahero ng tipan” ni Jehova, dumating si Jesus kasama ng kaniyang Ama para siyasatin ang espirituwal na templo. (Mal. 3:1) Hinatulan niya ang Sangkakristiyanuhan, ang pinakakasuklam-suklam na bahagi ng “Babilonyang Dakila,” dahil sa pagbububo ng dugo at espirituwal na pakikiapid sa pulitikal na sistema ng sanlibutang ito.—Apoc. 18:2, 3, 24.
Nilinis ang Kaniyang Alipin sa Lupa
3, 4. (a) Ano ang ginawa ni Kristo bilang “mensahero” ni Jehova? (b) Ano ang nakita nang siyasatin ang templo? Bilang Ulo ng kongregasyon, anong pag-aatas ang ginawa ni Jesus?
3 Nang siyasatin ni Jehova at ng kaniyang “mensahero” ang espirituwal na templong iyon, nakita rin nila sa makalupang looban nito ang isang grupo ng mga tunay na Kristiyanong hindi bahagi ng Sangkakristiyanuhan. Pero maging ang mga pinahirang Kristiyanong ito, o “mga anak ni Levi,” ay kailangan ding linisin. Gaya nga ng inihula ni propeta Malakias: “Siya [si Jehova] ay uupong gaya ng tagapagdalisay at tagapaglinis ng pilak at lilinisin niya ang mga anak ni Levi; at dadalisayin niya silang parang ginto at parang pilak, at kay Jehova sila ay magiging bayan na nagdadala ng isang handog na kaloob sa katuwiran.” (Mal. 3:3) Ginamit ni Jehova ang kaniyang “mensahero ng tipan,” si Kristo Jesus, para linisin ang espirituwal na mga Israelitang ito.
4 Gayunman, nadatnan ni Kristo ang tapat na mga pinahirang ito na buong-sikap na naglalaan ng napapanahong espirituwal na pagkain sa bayan ng Diyos. Mula 1879 patuloy, anuman ang kalagayan, inilalathala nila sa magasing ito ang mga katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos. Inihula ni Jesus na sa kaniyang “pagdating” para siyasatin ang mga lingkod ng sambahayan sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” makakasumpong siya ng aliping naglalaan sa kanila ng “pagkain sa tamang panahon.” Ipapahayag niyang maligaya ang aliping iyon at “aatasan niya siya sa lahat ng kaniyang mga pag-aari” sa lupa. (Mat. 24:3, 45-47) Bilang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, ginagamit ni Kristo ang “tapat at maingat na alipin” na ito para mangasiwa sa kapakanan ng Kaharian dito sa lupa. Naglalaan siya ng patnubay sa pinahirang “mga lingkod ng sambahayan” at sa kasama nilang “ibang mga tupa” sa pamamagitan ng Lupong Tagapamahala.—Juan 10:16.
Pag-aani sa Lupa
5. Ayon sa pangitain ni Juan, ano ang gagawin ng Mesiyanikong Hari?
5 Nakita ni apostol Juan sa pangitain ang isa pang bagay na gagawin ng Mesiyanikong Hari “sa araw ng Panginoon,” matapos Siyang iluklok noong 1914. Isinulat ni Juan: “Nakita ko, at, narito! isang puting ulap, at sa ulap ay may nakaupong tulad ng isang anak ng tao, na may ginintuang korona sa kaniyang ulo at isang matalas na karit sa kaniyang kamay.” (Apoc. 1:10; 14:14) Narinig ni Juan nang sabihin ng isang anghel ni Jehova sa Mang-aaning ito na gamitin ang karit dahil “ang aanihin sa lupa ay lubusang hinog na.”—Apoc. 14:15, 16.
6. Ano ang sinabi ni Jesus na mangyayari sa paglipas ng panahon?
6 Ang pananalitang “aanihin sa lupa” ay nagpapaalala ng talinghaga ni Jesus tungkol sa trigo at panirang-damo. Inihalintulad niya ang kaniyang sarili sa isang lalaking naghasik ng binhi ng trigo sa kaniyang bukid at umasang aani siya ng maraming maiinam na trigo, na sumasagisag sa “mga anak ng kaharian,” mga tunay na Kristiyano na pinahiran para makasama niya sa Kaharian. Pero pagsapit ng gabi, isang kaaway, “ang Diyablo,” ang naghasik dito ng mga panirang-damo, “ang mga anak ng isa na balakyot.” Tinagubilinan ng manghahasik ang kaniyang mga manggagawa na hayaang lumaking magkasama ang trigo at panirang-damo hanggang sa panahon ng pag-aani, sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” Sa panahong iyon, isusugo niya ang kaniyang mga anghel para ihiwalay ang trigo sa panirang-damo.—Mat. 13:24-30, 36-41.
7. Paano isinasagawa ni Kristo ang ‘pag-aani sa lupa’?
7 Bilang katuparan ng pangitain ni Juan, si Jesus ay may isinasagawang pandaigdig na pag-aani. Ang ‘pag-aani sa lupa’ ay nagsimula nang tipunin ang mga nalabi ng 144,000 “mga anak ng kaharian,” “ang trigo” sa talinghaga ni Jesus. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, lalong nakita ang pagkakaiba ng tunay at ng huwad na mga Kristiyano, anupat naisagawa naman ang ikalawang bahagi ng ‘pag-aani sa lupa’—ang pagtitipon sa ibang mga tupa. Hindi ito ang “mga anak ng kaharian” kundi “isang malaking pulutong” ng masunuring mga sakop ng Kahariang iyon. Inaani sila mula sa lahat ng “mga bayan, mga liping pambansa at mga wika.” Nagpapasakop sila sa Mesiyanikong Kaharian, na binubuo ni Kristo Jesus at ng 144,000 “mga banal” na makakasama niya sa makalangit na pamahalaang iyon.—Apoc. 7:9, 10; Dan. 7:13, 14, 18.
Nangunguna sa mga Kongregasyon
8, 9. (a) Bakit masasabing inoobserbahan ni Kristo hindi lang ang kabuuan ng kongregasyon kundi pati na ang paraan ng pamumuhay ng bawat miyembro nito? (b) Gaya ng makikita sa pahina 26, anu-anong “malalalim na bagay ni Satanas” ang dapat nating iwasan?
8 Sa naunang artikulo, tinalakay natin na sinubaybayang mabuti ni Kristo ang espirituwal na kalagayan ng bawat kongregasyon noong unang siglo C.E. Sa ngayon, bilang Hari na pinagkalooban ng “lahat ng awtoridad . . . sa langit at sa lupa,” ang ating Lider na si Kristo ay aktibong nangunguna sa mga kongregasyon sa buong daigdig at sa mga tagapangasiwa nito. (Mat. 28:18; Col. 1:18) Inatasan siya ni Jehova bilang “ulo sa ibabaw ng lahat ng mga bagay sa kongregasyon” ng mga pinahiran. (Efe. 1:22) Kaya naman nakikita niyang lahat ang nangyayari sa mahigit 100,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.
9 Sinabi ni Jesus sa kongregasyon ng Tiatira: “Ito ang mga bagay na sinasabi ng Anak ng Diyos, siya na ang mga mata ay tulad ng nagliliyab na apoy, . . . ‘Alam ko ang iyong mga gawa.’” (Apoc. 2:18, 19) Sinaway niya ang mga miyembro ng kongregasyong iyon dahil sa kanilang imoral na pamumuhay at pagpapalayaw sa sarili, na sinasabi: “Ako ang siyang sumasaliksik ng mga bato at mga puso, at ibibigay ko sa bawat isa sa inyo ang ayon sa inyong mga gawa.” (Apoc. 2:23) Ipinahihiwatig nito na inoobserbahan ni Kristo hindi lang ang kabuuan ng kongregasyon kundi pati na ang paraan ng pamumuhay ng bawat miyembro nito. Pinuri ni Jesus ang mga Kristiyano sa Tiatira na “hindi nakaalam ng ‘malalalim na bagay ni Satanas.’” (Apoc. 2:24) Sa ngayon, natutuwa rin siya sa mga hindi nakikisangkot sa “malalalim na bagay ni Satanas” sa pamamagitan ng Internet o mararahas na video game o ng pakikiayon sa mapagkunsinting pangangatuwiran ng tao. Tuwang-tuwa siyang makita ang malaking pagsisikap at sakripisyo ng maraming Kristiyano para makasunod sa kaniya sa lahat ng bagay!
10. Paano inilarawan ang pangunguna ni Kristo sa mga elder sa kongregasyon? Pero anong kaayusan ang dapat kilalanin?
10 Maibiging pinangangasiwaan ni Kristo ang kaniyang mga kongregasyon sa pamamagitan ng mga elder. (Efe. 4:8, 11, 12) Noong unang siglo, ang lahat ng tagapangasiwa ay inianak sa espiritu. Inilarawan sila sa Apocalipsis bilang mga bituin sa kanang kamay ni Kristo. (Apoc. 1:16, 20) Sa ngayon, ang karamihan sa mga elder ay mula sa ibang mga tupa. Inatasan sila matapos manalangin at sa patnubay ng banal na espiritu, kaya masasabing sila rin ay pinapatnubayan ni Kristo, o nasa kaniyang kamay. (Gawa 20:28) Gayunman, kinikilala nilang ginagamit ni Kristo ang isang maliit na grupo ng mga pinahirang lalaki bilang Lupong Tagapamahala para manguna at pumatnubay sa kaniyang mga alagad.—Basahin ang Gawa 15:6, 28-30.
“Pumarito Ka, Panginoong Jesus”
11. Bakit nasasabik tayong makita ang pagdating ng ating Lider?
11 Sa pagsisiwalat na ibinigay kay Juan, ilang ulit na sinabi ni Jesus na siya’y dumarating nang madali. (Apoc. 2:16; 3:11; 22:7, 20) Tiyak na ang tinutukoy niya ay ang kaniyang pagdating para hatulan ang Babilonyang Dakila at ang iba pang bahagi ng sistema ni Satanas. (2 Tes. 1:7, 8) Palibhasa’y sabik makita ang katuparan ng kamangha-manghang mga pangyayaring inihula, sinabi ng matanda nang si Juan: “Amen! Pumarito ka, Panginoong Jesus.” Sa ngayon, nasasabik din tayong makita ang pagdating ng ating Lider at Hari para pabanalin ang pangalan ng kaniyang Ama at ipagbangong-puri ang Kaniyang soberanya.
12. Ano muna ang gagawin ni Kristo bago pakawalan ang mapamuksang mga hangin?
12 Bago dumating si Jesus para puksain ang nakikitang organisasyon ni Satanas, kailangan munang tumanggap ng pangwakas na pagtatatak ang natitirang miyembro ng 144,000. Malinaw na sinasabi ng Bibliya na hindi pakakawalan ang mapamuksang mga hangin hangga’t hindi nakukumpleto ang pagtatatak na ito.—Apoc. 7:1-4.
13. Paano ihahayag ni Kristo ang kaniyang pagkanaririto sa unang yugto ng “malaking kapighatian”?
13 Ang “pagkanaririto” ni Kristo mula noong 1914 ay hindi napapansin ng halos lahat ng tao. (2 Ped. 3:3, 4) Pero hindi na magtatagal, ihahayag niya ang kaniyang pagkanaririto kapag inilapat na niya ang hatol ni Jehova sa iba’t ibang bahagi ng sistema ni Satanas. Ang pagpuksa sa “taong tampalasan,” ang klero ng Sangkakristiyanuhan, ay isang malinaw na “pagkakahayag ng kaniyang pagkanaririto.” (Basahin ang 2 Tesalonica 2:3, 8.) Magiging katibayan ito na si Kristo ay kumilos na bilang inatasang Hukom. (Basahin ang 2 Timoteo 4:1.) Ang paglipol sa pinakakasuklam-suklam na bahagi ng Babilonyang Dakila ay magsisilbing pasimula ng lubusang pagpuksa sa imperyo ng huwad na relihiyon. Pakikilusin ni Jehova ang pulitikal na mga lider para wasakin ang espirituwal na patutot na ito. (Apoc. 17:15-18) Iyan ang unang yugto ng “malaking kapighatian.”—Mat. 24:21.
14. (a) Bakit paiikliin ang unang yugto ng malaking kapighatian? (b) Ano ang magiging kahulugan ng “tanda ng Anak ng tao” para sa bayan ni Jehova?
14 Sinabi ni Jesus na ang mga araw ng kapighatiang iyon ay paiikliin “dahil sa mga pinili,” ang nalabi ng mga pinahiran na narito pa sa lupa. (Mat. 24:22) Hindi pahihintulutan ni Jehova na malipol ang mga pinahiran at ang kasama nilang ibang mga tupa dahil sa pagsalakay na ito sa huwad na relihiyon. Sinabi pa ni Jesus na “pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na iyon,” magkakaroon ng mga tanda sa araw, buwan, at mga bituin, “at kung magkagayon ang tanda ng Anak ng tao ay lilitaw sa langit.” Dahil dito, “dadagukan [ng mga bansa] ang kanilang sarili sa pananaghoy.” Pero ang mga pinahiran at ang kasama nilang ibang mga tupa ay ‘titindig nang tuwid at itataas ang kanilang mga ulo, sapagkat ang kanilang katubusan ay nalalapit na.’—Mat. 24:29, 30; Luc. 21:25-28.
15. Ano ang gagawin ni Kristo sa kaniyang pagdating?
15 Bago tapusin ang kaniyang pananaig, ang Anak ng tao ay darating sa iba pang paraan. Inihula niya: “Kapag ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian, at ang lahat ng mga anghel na kasama niya, kung magkagayon ay uupo siya sa kaniyang maluwalhating trono. At ang lahat ng mga bansa ay titipunin sa harap niya, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao sa isa’t isa, kung paanong ibinubukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing. At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, ngunit ang mga kambing sa kaniyang kaliwa.” (Mat. 25:31-33) Tumutukoy ito sa pagdating ni Kristo bilang Hukom para ang mga tao sa “lahat ng mga bansa” ay pagbukurin sa dalawang uri: “mga tupa,” ang mga sumusuporta sa kaniyang espirituwal na mga kapatid (mga pinahirang nasa lupa) at “mga kambing,” ang “mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.” (2 Tes. 1:7, 8) Ang mga tupa, o “mga matuwid,” ay tatanggap ng “buhay na walang hanggan” sa lupa, pero ang mga kambing ay “magtutungo sa walang-hanggang pagkalipol.”—Mat. 25:34, 40, 41, 45, 46.
Lulubusin ni Jesus ang Kaniyang Pananaig
16. Paano lulubusin ng ating Lider na si Kristo ang kaniyang pananaig?
16 Kapag natatakan na ang lahat ng haring saserdote at nailagay na sa kaniyang kanan ang mga tupa, puwede nang “lubusin [ni Kristo] ang kaniyang pananaig.” (Apoc. 5:9, 10; 6:2) Kasama ang hukbo ng makapangyarihang mga anghel at ang kaniyang binuhay-muling mga kapatid, pupuksain niya ang pulitikal, militar, at komersiyal na sistema ni Satanas sa lupa. (Apoc. 2:26, 27; 19:11-21) Malulubos ang pananaig ni Kristo kapag pinuksa na niya ang sistema ni Satanas. Pagkatapos, ibubulid niya sa kalaliman si Satanas at ang mga demonyo sa loob ng isang libong taon.—Apoc. 20:1-3.
17. Saan aakayin ni Kristo ang ibang mga tupa sa kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari? Ano ang dapat na maging determinasyon natin?
17 Tungkol naman sa “malaking pulutong” ng ibang mga tupa na makakaligtas sa malaking kapighatian, inihula ni apostol Juan na “ang Kordero, na nasa gitna ng trono, ay magpapastol sa kanila, at aakay sa kanila sa mga bukal ng mga tubig ng buhay.” (Apoc. 7:9, 17) Oo, sa kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari, patuloy na mangunguna si Kristo sa ibang mga tupa, na nakikinig na mabuti sa kaniyang tinig, at aakayin niya sila tungo sa buhay na walang hanggan. (Basahin ang Juan 10:16, 26-28.) Buong-katapatan sana nating sundan ang ating Hari at Lider—ngayon at hanggang sa bagong sanlibutang ipinangako ni Jehova!
Bilang Repaso
• Ano ang ginawa ni Kristo matapos iluklok bilang Hari?
• Sino ang ginagamit ni Kristo para manguna sa mga kongregasyon?
• Sa ano pang mga paraan darating ang ating Lider na si Kristo?
• Paano tayo patuloy na pangungunahan ni Kristo sa bagong sanlibutan?
[Larawan sa pahina 29]
Mahahayag ang pagkanaririto ni Kristo kapag pinuksa na niya ang sistema ni Satanas