Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Mayroon bang ilang mga pinahirang Kristiyano na makaliligtas sa “malaking kapighatian” upang mamuhay sa lupa sa bagong sanlibutan bago sila dalhin sa langit?
Sa tuwiran, hindi sinasabi iyan ng Bibliya.
Malaon nang ang mga Kristiyano ay interesado sa mga pribilehiyo na maaaring ibigay sa kanila ng Diyos. (Gawa 1:6) Iyan ay lalung-lalo nang totoo sa panahon natin sapol nang matatag ang Kaharian. (Mateo 24:3, 24, 34) Ngayon na ang katapusan ng balakyot na sistemang ito ay sasapit sa panahon nila, ang mga Kristiyano ay nag-iisip kung mayroon bagang mga pinahiran ng espiritu na makatatawid sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos” at maglilingkod sa lupa sa loob ng isang panahon bago tanggapin ang kanilang makalangit na gantimpala. (Apocalipsis 16:14) Hindi sinasabi ng Bibliya na ito nga ay magaganap, subalit may mga halimbawa na mapagpaparisan at mga hula na nagpapakitang baka ganiyan nga ang mangyari. Imbis na maging dogmatiko, tayo’y maaaring maghintay upang makita kung papaano pangyayarihin ng Diyos ang mga bagay-bagay.
May mga pangyayari sa Bibliya na nagkaroon ng mga kahalintulad sa dakong huli sa gitna ng bayan ng Diyos. Halimbawa, batid natin na si Jonas ay napasa-tiyan ng isang malaking isda nang may tatlong araw at tatlong gabi. Ang pagkakita riyan ng ibang mga tao ay isang halimbawa lamang iyan ng pagliligtas ng Diyos, subalit sinabi ni Jesus na iyan ay isang makahulang halimbawa ng kung papaano siya mapasasa-libingan sa loob ng isang kahalintulad na panahon bago siya buhaying-muli. (Jonas 1:17; Mateo 12:40) Oo, ang karanasan ni Jonas ay isang makahulang tipo. Mauunawaan nga, na ang mga hula at espesipikong mga paglalahad sa Bibliya ay inunawa ng mga lingkod ng Diyos upang alamin kung ang mga ito ay maaaring magpakita kung papaano makikitungo sa kanila si Jehova sa hinaharap.
Bilang isang halimbawa tungkol sa hula sa Bibliya, ang The Watch Tower ng Disyembre 15, 1928, ay tumalakay sa Mikas 5:2-15. Ang aklat ni Mikas ay tungkol sa paggigiba ng ‘Asirya’ sa Samaria at sa pagbabalik ng mga Judio galing sa pagkabihag sa Babilonya. (Mikas 1:1, 5-7; 4:10) Ngunit ito’y tumukoy rin sa mga pangyayari noong bandang huli, tulad baga ng pagsilang ng Mesiyas sa Bethlehem. (Mikas 5:2) Humula si Mikas na pagkatapos ng kanilang pagkaligtas sa “taga-Asirya,” “ang mga nalalabi ng Jacob” ay magiging “parang hamog mula kay Jehova” at “parang isang batang leon sa mga kawan ng mga tupa.” (Mikas 5:6-8) Nagkomento ang The Watch Tower: “Ito’y maaaring unawain na isang pagpapahiwatig na ang ilan sa mga nalabi ay naririto pa rin sa lupa kahit na pagkatapos ng labanan ng Armagedon at magkakaroon pa rin ng iba pang gawain sa pangalan ng Panginoon at sa ikapupuri at ikaluluwalhati.” Pansinin ang may kahinhinan, rasonableng pananalita na ginamit upang ipakilala na ito’y posible: “Ito’y maaaring unawain na isang pagpapahiwatig.”
Kumusta naman ang isang paglalahad sa Bibliya na maaaring kahalintulad ng gayong kaligtasan sa lupa? Ang isang halimbawa na iniharap ay tungkol kay Noe at sa kaniyang pamilya. May paniwala na si Noe ay lumalarawan kay Jesus sa panahong ito ng kawakasan. (Genesis 6:8-10; Mateo 24:37) Kung papaanong inakay ni Noe ang kaniyang asawa at ang kanilang tatlong anak pati mga manugang hanggang sa katapusan ng sinaunang sistemang iyan, si Kristo man ay mangunguna sa pag-akay sa nalabi ng kaniyang uring kasintahan at sa mga magiging anak ng “Walang-hanggang Ama,” si Jesus. Ang asawa ni Noe ay nakaligtas sa Baha at nakibahagi sa pagpapanumbalik ng tunay na pagsamba sa isang lupang nalinis na. Ang isang kahalintulad nito ay ang pagkaligtas sa bagong sanlibutan ng isang nalabi ng uring kasintahan.—Isaias 9:6, 7; 2 Corinto 11:2; Apocalipsis 21:2, 9.a
May paniwala na nagmumungkahi ang mga iba pang ulat sa Bibliya na ang ilan sa mga pinahiran ay posibleng mabuhay pa hanggang sa bagong sanlibutan. Halimbawa, si Jeremias ay nakaligtas nang puksain ang Jerusalem; “ang lalaki” na may tintero ng kalihim ay patuloy na nabuhay upang makita ang gawaing pagpuksa bago siya bumalik upang ibigay ang kaniyang ulat.—Ezekiel 9:4, 8, 11.
Ang mga komento tungkol sa posibilidad na makapanatiling buháy hanggang sa bagong sanlibutan ang ilan sa mga pinahiran ay sinalita na may mabuting hangarin at sa liwanag ng mga pangyayaring mapagbabatayan sa Bibliya sa pagsisikap na maunawaan ang mga hula o mga halimbawa na mapagpaparisan sa bandang huli. Kung ang mangyari’y wala sa pinahiran ang matira rito sa lupa, walang dahilan upang hindi masiyahan. Tinanggap na natin na may mga bagay sa Bibliya na mas nauunawaan habang lumilipas ang panahon. Halimbawa, sa The Watchtower ng Hulyo 15, 1981, tinalakay uli ang Mikas 5:6-9 at ipinaliwanag na “ang nalabi ng espirituwal na mga Israelita ay hindi na kailangan pang maghintay hanggang sa matapos . . . ang Har–Magedon upang magsilbing isang ‘hamog’ na nagpapaginhawa sa mga tao.” Ang pagtalakay na ito ay muling nagharap ng posibilidad na ang nalabi ay maaaring makaligtas nang buháy sa dakilang digmaan ng Diyos at sa loob ng kaunting panahon “magpatuloy na maging isang nakagiginhawang ‘hamog’ sa ‘malaking pulutong’ ng ‘mga ibang tupa.’ ” Sa ganiyan, makikita natin na ang paglipas ng panahon at ang karagdagang espirituwal na liwanag ay maaaring magpalawak at bumago ng ating pagkaunawa ng hula o ng mga drama sa Bibliya.—Kawikaan 4:18.
Batid natin na iniuugnay ng Bibliya ang ‘pagparito ng Anak ng tao’ sa ‘pagtitipon sa mga pinili buhat sa apat na hangin.’ (Mateo 24:29-31) Gayundin, sa panahon ng “pagkanaririto ng Panginoon” sa kapangyarihan ng Kaharian, ang mga pinahiran na nangatutulog sa kamatayan ay binubuhay-muli sa langit. (1 Tesalonica 4:15, 16) Ang mga tinatakang ito ay naroroon upang maging bahagi ng asawa ng Kordero. Kailan nagaganap ito?
Sa aklat ng Apocalipsis, karakaraka pagkatapos na banggitin ni Juan ang pagpuksa sa relihiyosong patutot, ang Babilonyang Dakila, kaniyang inilalahad “ang kasal ng Kordero.” Ang isang malaswa, imoral na “babae” ay nawawala na sa tanawin, at ating nakikita “ang kasintahan, ang asawa ng Kordero” na ‘nakadamit ng makintab, malinis, mahalagang lino, na kumakatawan sa matuwid na mga gawa ng mga banal.’ (Apocalipsis 18:10; 19:2, 7, 8; 21:9) Ang pagpuksa sa Babilonyang Dakila ay bahagi ng malaking kapighatian. (Mateo 24:21; Apocalipsis 7:14) Kaya maikakatuwiran na ang ilan sa mga uring kasintahan ay makatatawid sa malaking kapighatian bilang katunayan ng pagsang-ayon at proteksiyon sa kanila ni Jehova. (Zefanias 2:3; ihambing ang Mateo 24:22.) Kung sila sa ganoong paraan ay napanatiling buháy sa lupa, sila’y makalalagi rito hanggang sa mabutihin ng Diyos na dalhin sila sa langit.
Gayunman, ang paglalahad sa Apocalipsis ay hindi eksaktong sunud-sunod. At hindi sa bagay na ang munting nalabi ng mga pinahiran ay kakailanganin upang masimulan ang bagong sanlibutan, sapagkat kanila nang nasanay ang milyun-milyong tapat na mga Kristiyano na mabubuhay magpakailanman sa lupa. Kaya naman, ang mga pinahiran ay maaaring dalhin ng Diyos sa langit karakaraka pagkatapos na mapuksa ang Babilonyang Dakila, anupa’t inihahanda “ang kasal ng Kordero” upang ganapin na. Lahat ng mga banal kung gayon ay makababahagi na kasama ni Kristo sa ‘pagpapastol sa mga bansa sa pamamagitan ng panghampas na bakal’ sa nalalabing bahagi ng malaking kapighatian. (Apocalipsis 2:26, 27; 19:11-21) Kung ganiyan ang gagawin ng Diyos, lahat ng 144,000 ay makakasama na ni Jesus upang ‘magpunong kasama ng Kristo para sa buong isang libong taon.’—Apocalipsis 20:4.
Tunay na napakainam na ang bayan ng Diyos ay lubhang interesado na malaman kung papaano aakayin at gagantimpalaan niya ang kaniyang mga lingkod. (Ihambing ang 1 Pedro 1:12.) Mababanaag dito ang kanilang pagtitiwala na magaganap ang kaniyang kalooban. Bagaman tayo’y hindi maaaring maging makitid-isip at di-dapat maging gayon kung tungkol sa mga partikular na bagay, tayo’y makaaasam-asam ng mga mangyayari.
[Talababa]
a Ihambing: You May Survive Armageddon Into God’s New World, pahina 61, 292, 351; “Your Will Be Done on Earth,” pahina 347; The Watchtower ng Mayo 1, 1942, pahina 133. (Pawang lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.)