Mga Anghel—Apektado ba Nila ang Buhay Mo?
TALAGA nga bang mayroong mga anghel? O sila ba’y bunga lamang ng guniguni? Kung sila’y umiiral, maaari ba nilang maapektuhan ang iyong buhay?
Mayroon lamang iisang mapagkukunan ng mapanghahawakang mga sagot sa ganiyang mga tanong. Iyan ay ang kinasihang Kasulatan na ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan—ang kaniyang Salita, ang Banal na Bibliya. Tungkol dito si apostol Pablo ay sumulat: “Ang lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan . . . sa pagtutuwid ng mga bagay.”—2 Timoteo 3:16.
Sa gayon, makapagtitiwala tayo na ang Bibliya ay makapagbibigay sa atin ng tuwirang mga sagot tungkol sa pag-iral ng mga anghel at kung apektado tayo ng mga ito. Tiyak na ang Maylikha ng sansinukob ay makapagsasabi sa atin kung ang mga anghel ay kabilang sa kaniyang mga paglalang.
Tunay ba ang mga Anghel?
Ang Bibliya ay malinaw na nagsasabi: “Ginawa niya [ng Diyos] na mga espiritu ang kaniyang mga anghel.” (Hebreo 1:7) Samakatuwid ang Maylikha ay may espiritung mga nilalang sa makalangit na dako. Ang mga ito ay hindi natin nakikita, at sila ay makapangyarihan.—Awit 104:4; 2 Pedro 2:11.
Nilayon ba ng Diyos na ang mga anghel ay maging malalabong mga bagay lamang na walang persona? Kung ganoon nga, bakit inilalarawan ng Bibliya ang mga anghel bilang may mga damdamin? Halimbawa, sinasabi nito sa atin na nang ilatag ang pundasyon ng lupa, ang mga anghel ay “may kagalakang nagsiawit na magkakasama, at ang lahat ng mga anak ng Diyos [ang mga anghel] ay naghiyawan sa kagalakan.”—Job 38:4-7.
Lumilitaw nga na, tulad ng matatalinong makalupang mga nilalang ng Diyos, ang matatalinong mga espiritung nilikha, ang mga anghel, ay mayroong kanilang sariling personalidad. Bagama’t sa Bibliya ay tinutukoy ang mga pangalan ng dalawa lamang mga anghel (si Miguel at si Gabriel), ang bagay na may mga pangalan ang mga anghel ay nagbibigay sa kanila ng mga iba pang katangian bilang mga indibiduwal. (Lucas 1:11, 19, 26; Judas 9) Sa Bibliya ay matinding ipinagbabawal ang pagsamba sa mga anghel, at kasali na rito ang pananalangin sa kanila. Imbis na sa mga anghel tayo mananalangin, ganito ang ipinapayo sa atin ni apostol Pablo: “Sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipabatid ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan.”—Filipos 4:6; Apocalipsis 19:10; 22:8, 9.
Subalit ang mga anghel ba ay isinaprograma na anupa’t wala silang kapangyarihan na gumawa ng sariling pagpapasiya kung ano ang tama at mali na mistulang mga robot na walang isip? Hindi, ang mga anghel ay may kalayaang magpasiya, tulad din ng mga tao. Halimbawa, nang may mga anghel na sumira sa kautusan ng Diyos noong mga kaarawan ni Noe, sila’y itinakwil ng Diyos at sila’y pinaalis sa makalangit na dako ng Diyos. Ang kanilang pagsuway ay malinaw na nagpapakitang ang mga anghel ay mga indibiduwal.—Genesis 6:1, 2; 2 Pedro 2:4; Mateo 25:41.
Samakatuwid, ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng impormasyon na tumutulong sa atin upang maalaman ang pinagmulan, ang buhay, at ang kalikasan ng mga anghel. Pagka hinigitan pa ng isang indibiduwal ang sinasabi ng Salita ng Diyos tungkol sa kanila siya ay mahihila sa walang katuturang pagbubulaybulay tungkol sa mga tanong na hindi sinasagot ng Bibliya. Ito’y maaari pa ngang umakay sa pagbibigay ng di nararapat na atensiyon o pagsamba sa mga anghel. (Colosas 2:18) Ang Bibliya ay nagpapaalaala sa atin na “tiyakin ang lalong mahalagang mga bagay” at huwag ‘lalampas sa mga bagay na ipinahayag na bilang mabuting balita.’—Filipos 1:10; Galacia 1:8.
Ang mga Anghel sa Layunin ng Diyos
Bagaman marami ang maaaring sumasang-ayon tungkol sa pinagmulan at mga katangian ng mga anghel, kakaunti ang talagang nakakaalam ng dahilan ng kanilang pag-iral at kung paanong apektado ng mga anghel ang ating buhay ngayon.
Sa Bibliya, ang dalawang salita na ginagamit para sa “anghel” ay mal·’akhʹ (Hebreo) at agʹge·los (Griego). Ito’y kapuwa nangangahulugan ng “mensahero.” Sinasabi nito sa atin ang isa sa mga tungkulin ng mga anghel. Ang mga anghel ay nagsisilbing mga mensahero, o mga sugo, sa pagitan ng Diyos at ng tao.
Halimbawa, isang anghel ang sinugo upang maghatid ng mensahe kay Abraham tungkol sa kaniyang anak na si Isaac at sa pagpapala na darating sa pamamagitan niya, isang pagpapala na maaari nating tanggapin. (Genesis 22:11-17) Isang anghel ang sinugo upang makipag-usap kay Moises. (Gawa 7:37, 38) Ang Diyos ay nagsugo rin ng isang anghel na may mga tagubilin kay propeta Elias. (2 Hari 1:3) At isang anghel ang nagpakita kay Jose, ang ama-amahan ni Jesus, taglay ang natatanging mga tagubilin tungkol sa sanggol.—Mateo 2:13.
Mga anghel din naman ang sinugo upang magbigay ng proteksiyon sa bayan ng Diyos: “Ang anghel ni Jehova ay nagbabantay sa lahat ng natatakot sa kaniya, at inililigtas sila.” (Awit 34:7) Halimbawa, isang anghel ang nagpalaya buhat sa bilangguan kay apostol Pedro. (Gawa 12:6-11) Dalawang anghel ang tumulong kay Lot at sa kaniyang mga anak na babae upang makaligtas nang puksain ang Sodoma at Gomora sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na makalabas sa lugar na iyon. Subalit, ang asawa ni Lot ay hindi kumilos na lubusang kasuwato ng mga anghel, kaya naman siya’y napuksang kasama ng mga lunsod na iyon.—Genesis 19:1-26.
Ang Bibliya ay bumabanggit ng maraming iba pang mga halimbawa ng ginawa ng mga anghel na pagtulong, anupa’t pinagtitibay ang sinasabi ng Hebreo 1:7 at 14: “Kung tungkol sa mga anghel ay sinasabi niya: ‘At kaniyang ginagawa na mga espiritu ang kaniyang mga anghel, ang kaniyang pangmadlang mga lingkod ay isang ningas ng apoy.’ Hindi baga silang lahat ay mga espiritu para sa pangmadlang paglilingkod, na sinugo upang maglingkod alang-alang sa magsisipagmana ng kaligtasan?”
Isang anghel ang nagdala ng malaking kaaliwan kay Jesus. Nang gabi bago siya namatay, batid ni Jesus kung ano ang nakaharap sa kaniya—na siya’y ipagkakanulo, gugulpihin, at buong lupit na papatayin. Kailangan niya noon ang lakas upang matiis ang pagsubok na ito sa kaniyang integridad. Sa pinakamaselang na sandaling iyon, isang anghel ang napakita sa kaniya ‘upang palakasin siya.’ Anong laking pagpapala ang pag-aliw na ginawang iyon ng anghel kay Jesus! Kaya naman, bagama’t siya’y dumanas ng gayong katinding dalamhati na anupa’t “ang kaniyang pawis ay naging mistulang dugo na lumalaglag sa lupa,” siya’y nakapagtiis nang buong katapatan hanggang kamatayan.—Lucas 22:43, 44.
Ang Diyos ay gumamit din ng mga anghel upang lipulin ang mga kaaway ng kaniyang bayan. Nang ang Pandaigdig na Kapangyarihan ng Asirya ay magbanta sa sinaunang mga mananamba sa Diyos, ganito ang nangyari: “At nangyari nang gabing iyon na ang anghel ni Jehova ay lumabas at namaslang ng isang daan at walumpu’t limang libo sa kampamento ng mga Asiryo. Nang ang mga tao’y magsibangon nang maaga sa kinaumagahan, aba, silang lahat ay mga bangkay na.” (2 Hari 19:35) Makikita mo riyan ang pagkalaki-laking kapangyarihan ng mga anghel—kinailangan ang isa lamang anghel upang lumipol sa 185,000 na mga mananalansang sa Diyos at sa kaniyang bayan!
Ang mapamusong na si Herodes ay napaharap din sa kapangyarihan ng isang anghel. Nang magsimulang nag-isip si Herodes na siya ay mistulang Diyos, “kapagdaka’y sinaktan siya ng anghel ni Jehova, sapagkat ang kaluwalhatian ay hindi niya sa Diyos ibinigay; at siya’y kinain ng mga uod at nalagutan ng hininga.”—Gawa 12:21-23.
Sa atin ay ipinagbibigay-alam na hindi na magtatagal, wawakasan ng Diyos ang buong balakyot na sistemang ito ng mga bagay, at muli na namang gagamitin ang mga anghel bilang mga tagapuksa. “Susuguin ng Anak ng tao ang kaniyang mga anghel, at kanilang titipunin sa labas ng kaniyang kaharian ang lahat ng mga bagay na nakapagpapatisod at ang mga nagsisigawa ng katampalasanan, at sila’y kanilang ihahagis sa nag-aapoy na hurno.”—Mateo 13:41, 42.
Samakatuwid, ang mga anghel ay malayo sa marahil ay ginuguniguni ng maraming mga tao. Ang Alemang awtor ng relihiyon na si Dr. Manfred Barthel ay nagsabi: “Kung ibig nating gunigunihin ang mga anghel ng Panginoon gaya ng pagkakita sa kanila ng mga awtor ng Matandang Tipan, kailangang unang-una’y kalimutan natin ang mga kerubin na may puyo sa pisngi . . . na nakagayak sa ating mga tarhetang pambati.”—What the Bible Really Says.
Paano Ka ba Apektado ng mga Anghel?
Subalit, ang tanong ay nariyan pa rin: Ano ba ang ginagawa ng mga anghel ngayon? Sila ba’y may epekto sa atin sa mismong sandaling ito? Oo, sila’y tunay na may epekto!
Gunitain na sa kaniyang hula tungkol sa “katapusan ng sistema ng mga bagay” inihula ni Jesus: “Pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng anghel, kung magkagayon luluklok siya sa kaniyang maluwalhating trono. At titipunin sa harap niya ang lahat ng bansa, at ang mga tao’y pagbubukdin-bukdin niya.”—Mateo 24:3; 25:31, 32.
Paano nga gaganapin ang pagbubukud-bukod na ito ng mga tao? Inihula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Oo, ginagamit ng Diyos ang kaniyang bayan sa lupa upang magsagawa ng pangglobong pangangaral na ito.
Ang Kaharian ng Diyos ang pamahalaan na magdadala ng tanging lunas sa mga problema ng sangkatauhan. Sa ngayon, ang mensahe tungkol dito ang ipinapahayag sa buong daigdig ng mahigit na tatlong milyong mga Saksi ni Jehova, at sila’y may mga anghel na nagtataguyod sa kanila. “Ganiyan ang mangyayari sa katapusan ng sistema ng mga bagay: ang mga anghel ay magsisilabas at ang mga balakyot ay ibubukod sa mga matuwid.”—Mateo 13:49.
Sa pinangangasiwaan ng mga anghel na gawaing pangangaral na ito sa ngayon ay hindi pare-pareho ang pakikitungo ng mga tao. May mga nagsasabi na sila’y totoong magawain upang makinig o basta talagang ayaw nila na makinig. Ang mga iba ay nag-aatubili o urong-sulong. Subalit, maraming mga taong tapat-puso, na nababahala tungkol sa kanilang hinaharap, ang buong-pusong tumutugon. Sa paano?
Sa 208 mga lupain, ang mga Saksi ni Jehova ay nagdaraos ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya sa angaw-angaw na mga tao na “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan” at mga ‘nagugutom sa katuwiran.’ (Mateo 5:3, 6) Maraming mga karanasan ang nagpapakita na malimit na mga anghel ang umaakay sa mga lingkod ng Diyos upang matagpuan ang gayong tapat-pusong mga tao at dalhan sila ng balita ng kaligtasan. Sa Apocalipsis 14:6 ay simbolikong inilalarawan ang isang “anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit” na may “walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masasayang balita sa mga tumatahan sa lupa.” At tunay na nangyayari iyan sa mismong sandaling ito! Paano maaapektuhan nito ang iyong kinabukasan?
Mga Anghel sa Iyong Kinabukasan
Sa Bibliya ay malinaw na tinutukoy ang ating panahon bilang ang “mga huling araw” ng kasalukuyang sistemang ito. (2 Timoteo 3:1-5) Ipinababatid din sa atin ng Bibliya na ang mga anghel sa ngayon ay “nakatayo sa apat na sulok ng lupa, at mahigpit na pinipigil nila ang apat na hangin.” (Apocalipsis 7:1) Ano ba ang ibig sabihin ng simbolismong ito?
Dahil sa sila’y nasa mga “sulok” ng lupa, ang mga anghel ay maaaring magpakawala ng mapamuksang mga “hangin” buhat sa lahat ng direksiyon. Walang lugar sa lupa ang makakaligtas, na mangangahulugan ng “kapinsalaan,” o pagkawasak, para sa balakyot na sistemang ito at lahat ng mga tumatangkilik dito. Ang mga anghel ng Diyos ay sa gayon tinutukoy na handa nang kumilos pagka ang hudyat ay ibinigay!—Apocalipsis 7:3; 19:11-21.
Ang mapamuksang “kapinsalaan,” gayunman, ay para lamang sa mga taong hindi tutugon sa itinataguyod ng mga anghel na mensahe na ngayo’y ipinangangaral sa buong lupa. Ito’y hindi pipinsala sa mga taong humahanap sa Diyos at nakikinig sa mensahe ng Kaharian. Sila’y iingatang buháy, gaya ng sinasabi ng Salita ng Diyos: “Hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa . . . Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaypala ay makukubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”—Zefanias 2:3.
Ano kung gayon ang kakamtin ng gayong “maaamo”? Sinasabi ng Awit 37:11: “Ang maaamo ay siyang mismong magmamay-ari ng lupa, at tunay na kanilang masusumpungan ang katangi-tanging kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” Hanggang kailan? “Ang matuwid ay magsisipagmana ng lupa at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” (Awit 37:29) Nangangahulugan iyan na ang buhay na walang-hanggan ay makakamit na sa ibabaw ng isang lupa na gagawing isang paraiso, gaya ng sinabi ni Jesus.—Lucas 23:43.
Kung gayon, ang kailangang itanong mo ay: ‘Ano ba ang magiging kinabukasan ko?’ Ang sagot ay depende sa kung paano ka tumutugon sa ginagawang pagtitipon ng mga anghel. Ikaw ba ay makikinig at kikilos pagka ihinaharap sa iyo ang mensahe na kanilang itinataguyod? Kung gayon, makakabilang ka sa mga taong makaaasa nang may pagtitiwala sa hinaharap, taglay ang tiyak na pangako ng Diyos: “Ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.
[Larawan sa pahina 7]
Mga anghel ang ngayo’y ‘pumipigil sa apat na hangin.’ Bakit?