Mga Gawa ng mga Apostol
12 Nang panahong iyon, sinimulang pagmalupitan ni Haring Herodes ang ilan sa kongregasyon.+ 2 Pinatay niya si Santiago na kapatid ni Juan+ gamit ang espada.+ 3 Nang makita niyang nagustuhan ito ng mga Judio, inaresto rin niya si Pedro. (Panahon iyon ng Tinapay na Walang Pampaalsa.)+ 4 Dinakip niya ito at ibinilanggo;+ apat na grupo ng tig-aapat na sundalo ang nagpapalitan sa pagbabantay rito. Gusto niya kasing iharap ito sa mga tao* pagkatapos ng Paskuwa.+ 5 Kaya nanatili si Pedro sa bilangguan, pero ang kongregasyon ay nananalangin nang marubdob sa Diyos para sa kaniya.+
6 Nang gabi bago siya ilabas ni Herodes, natutulog si Pedro. Nasa gitna siya ng dalawang sundalo at nakatanikala sa mga ito. May mga bantay rin sa harap ng pinto ng bilangguan. 7 Pero may lumitaw na anghel ni Jehova+ at may liwanag na suminag sa selda. Tinapik nito si Pedro sa tagiliran at ginising siya: “Dali, bumangon ka!” At natanggal ang tanikala sa mga kamay niya.+ 8 Sinabi ng anghel: “Magbihis ka at isuot mo ang sandalyas mo.” Ginawa niya iyon. Sinabi pa nito: “Isuot mo ang iyong balabal* at sundan mo ako.” 9 At lumabas siya at patuloy itong sinundan, pero hindi niya alam na totoo ang mga nangyayari at ang anghel. Akala niya ay nakakakita lang siya ng pangitain. 10 Pagkalampas nila sa una at ikalawang grupo ng mga guwardiya, nakarating sila sa bakal na pintuang-daan ng bilangguan na papunta sa lunsod; kusa itong bumukas+ at lumabas sila. Pumunta sila sa isang lansangan, at agad na humiwalay sa kaniya ang anghel. 11 Natauhan si Pedro, at sinabi niya: “Sigurado na ako ngayon na isinugo ni Jehova ang anghel niya para iligtas ako mula sa kamay ni Herodes at sa lahat ng gustong mangyari ng mga Judio.”+
12 Pagkatapos pag-isipan ito, pumunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan na tinatawag na Marcos,+ kung saan marami ang nagtitipon at nananalangin. 13 Nang kumatok siya sa pinto,* lumapit ang alilang si Roda para tingnan kung sino iyon. 14 Nakilala niya ang boses ni Pedro, at sa sobrang tuwa, hindi niya binuksan ang pinto kundi tumakbo siya sa loob at sinabing nasa pinto si Pedro. 15 Sinabi nila: “Nahihibang ka.” Pero ipinipilit niya na totoo ang sinabi niya. Kaya sinabi nila: “Anghel iyon.” 16 Hindi umalis si Pedro at patuloy na kumatok. Pagbukas nila sa pinto, nakita nila siya at gulat na gulat sila. 17 Pero sinenyasan niya sila na tumahimik at sinabi nang detalyado kung paano siya inilabas ni Jehova sa bilangguan. Sinabi pa niya: “Ibalita ninyo ito kay Santiago+ at sa mga kapatid.” Pagkatapos, umalis siya at pumunta sa ibang lugar.
18 Nang mag-umaga na, nagkagulo ang mga sundalo; iniisip nila kung ano talaga ang nangyari kay Pedro. 19 Ipinahanap siyang mabuti ni Herodes, pero nang hindi siya makita, pinagtatanong nito ang mga guwardiya at iniutos na parusahan ang mga ito;+ at mula sa Judea ay pumunta si Herodes sa Cesarea at nanatili roon nang ilang panahon.
20 Galit si* Herodes sa mga mamamayan ng Tiro at Sidon. Kaya pumunta sila sa kaniya na iisa ang pakay,* at kinumbinsi nila si Blasto, ang nangangasiwa sa sambahayan ng hari, na tulungan sila. Pagkatapos, humiling sila ng kapayapaan, dahil sa lupain ng hari nanggagaling ang pagkain ng bansa nila. 21 Sa isang espesyal na araw, nagsuot si Herodes ng magarbong kasuotan at umupo sa luklukan ng paghatol at nagtalumpati sa harap ng mga tao. 22 At sumigaw ang nagkakatipong mga tao: “Tinig ng isang diyos, at hindi ng tao!” 23 Agad siyang sinaktan ng anghel ni Jehova, dahil hindi niya ibinigay sa Diyos ang kaluwalhatian, at kinain siya ng mga uod at namatay.
24 Pero ang salita ni Jehova ay patuloy na lumalaganap at marami ang nagiging mananampalataya.+
25 Kung tungkol naman kina Bernabe+ at Saul, pagkatapos nilang maibigay ang lahat ng kinakailangang tulong sa Jerusalem,+ bumalik sila at isinama si Juan,+ na tinatawag ding Marcos.