Nakasusumpong ng Kaligayahan ang mga Kristiyano sa Paglilingkod
“May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—GAWA 20:35.
1. Anong maling saloobin ang laganap sa ngayon, at bakit ito nakapipinsala?
SA HULING mga dekada ng 1900, madalas marinig ang salitang “maka-ako.” Ang “maka-ako” ay nangangahulugan, sa diwa, na “ako muna” at tumutukoy sa isang saloobin ng pinagsamang pagkamakasarili at kasakiman taglay ang kawalan ng pagmamalasakit sa iba. Makatitiyak tayo na sa taóng 2000, ang maka-ako ay naririto pa rin. Ilang ulit ba ninyong naririnig ang mga tanong na, “Ano naman ang para sa akin diyan?” o, “Ano ang mapakikinabangan ko diyan?” Ang gayong makasariling saloobin ay hindi nakapagdudulot ng kaligayahan. Ito ang mismong kabaligtaran ng simulaing binanggit ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
2. Paano nakikita na ang pagbibigay ay nagdudulot ng kaligayahan?
2 Totoo ba na ang pagbibigay ay nagdudulot ng higit na kaligayahan kaysa sa pagtanggap? Oo. Isipin ang Diyos na Jehova. Siya “ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Inilalaan niya ang lahat ng kailangan natin upang tayo ay maging maligaya at mabunga. Tunay, siya ang Bukal ng ‘bawat mabuting kaloob at ng bawat sakdal na regalo.’ (Santiago 1:17) Si Jehova, ang “maligayang Diyos,” ay laging nagbibigay. (1 Timoteo 1:11) Iniibig niya ang mga taong nilikha niya, na kaniyang pinagkakalooban nang labis-labis. (Juan 3:16) Isipin, din, ang pamilya ng tao. Kung ikaw ay isang magulang, alam mo kung gaano karaming pagsasakripisyo at gaano karaming pagbibigay ang kinakailangan upang mapalaki ang isang anak. At sa loob ng maraming taon ay hindi alam ng bata ang mga pagsasakripisyong ginagawa mo. Hindi niya napapansin ang lahat ng ito. Gayunman, nakapagpapaligaya sa iyo na makitang lumalaki ang iyong anak bunga ng iyong di-makasariling pagbibigay. Bakit? Sapagkat minamahal mo siya.
3. Bakit kalugud-lugod na paglingkuran si Jehova at ang ating mga kapananampalataya?
3 Sa katulad na paraan, ang tunay na pagsamba ay nakikilala dahil sa pagbibigay na salig sa pag-ibig. Yamang iniibig natin si Jehova at iniibig natin ang ating mga kapananampalataya, isang kaluguran na paglingkuran sila, na ibigay ang ating sarili sa kanila. (Mateo 22:37-39) Sinumang sumasamba taglay ang makasariling mga motibo ay nakadarama ng kakaunting kaligayahan. Ngunit yaong mga naglilingkod nang di-makasarili, anupat higit na nag-iisip kung ano ang maibibigay nila kaysa sa kung ano ang inaasahan nilang matatanggap, ay tunay na nakasusumpong ng kaligayahan. Mauunawaan ang katotohanang ito sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang kung paano ginagamit sa Kasulatan ang ilang mga salita sa Bibliya na may kaugnayan sa ating pagsamba. Tatalakayin natin ang tatlo sa mga salitang ito sa artikulong ito at sa susunod.
Ang Pangmadlang Paglilingkod ni Jesus
4. Ano ang katangian ng “pangmadlang paglilingkod” sa Sangkakristiyanuhan?
4 Sa orihinal na Griego, ang isang mahalagang salita na may kaugnayan sa pagsamba ay lei·tour·giʹa, na isinaling “pangmadlang paglilingkod” sa Bagong Sanlibutang Salin. Sa Sangkakristiyanuhan, ang lei·tour·giʹa ang pinagmulan ng salitang “liturhiya.”a Gayunman, ang pormalismong mga liturhiya ng Sangkakristiyanuhan ay hindi isang tunay na kapaki-pakinabang na pangmadlang paglilingkod.
5, 6. (a) Anong pangmadlang paglilingkod ang isinagawa sa Israel, taglay ang anong mga kapakinabangan? (b) Anong mas dakilang pangmadlang paglilingkod ang humalili sa isinagawa sa Israel, at bakit?
5 Gumamit si apostol Pablo ng isang salitang Griego na may kaugnayan sa lei·tour·giʹa patungkol sa mga saserdote ng Israel. Sinabi niya: “Ang bawat saserdote ay lumalagay sa kaniyang dako sa araw-araw upang mag-ukol ng pangmadlang paglilingkod [isang anyo ng lei·tour·giʹa] at upang maghandog ng gayunding mga hain nang madalas.” (Hebreo 10:11) Ang mga saserdoteng Levita ay nag-ukol ng napakahalagang pangmadlang paglilingkod sa Israel. Itinuro nila ang Kautusan ng Diyos at naghandog ng mga haing nagtatakip sa mga kasalanan ng bayan. (2 Cronica 15:3; Malakias 2:7) Kapag sinusunod ng mga saserdote at ng bayan ang Kautusan ni Jehova, ang bansa ay may mga dahilan upang magalak.—Deuteronomio 16:15.
6 Ang pag-uukol ng pangmadlang paglilingkod sa ilalim ng Kautusan ay isang tunay na pribilehiyo para sa mga saserdoteng Israelita, ngunit ang kanilang paglilingkod ay nawalan ng kabuluhan nang itakwil ang Israel dahil sa kawalang-katapatan. (Mateo 21:43) Nagsaayos si Jehova ng isang bagay na mas dakila—ang pangmadlang paglilingkod na isinagawa ni Jesus, ang dakilang Mataas na Saserdote. Hinggil sa kaniya ay mababasa natin: “Siya palibhasa’y nagpapatuloy na buháy magpakailanman ay nagtataglay ng kaniyang pagkasaserdote nang walang sinumang kahalili. Dahil dito ay magagawa rin niyang iligtas nang lubusan yaong mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya ay laging nabubuhay upang makiusap para sa kanila.”—Hebreo 7:24, 25.
7. Bakit nagdudulot ng walang-katulad na mga kapakinabangan ang pangmadlang paglilingkod ni Jesus?
7 Si Jesus ay magpapatuloy bilang saserdote magpakailanman, nang walang mga kahalili. Kaya, siya lamang ang lubusang makapagliligtas sa mga tao. Isinasagawa niya ang walang-katulad na pangmadlang paglilingkod, hindi sa isang gawang-taong templo, kundi sa antitipikong templo, ang dakilang kaayusan ni Jehova sa pagsamba na nagsimula noong 29 C.E. Naglilingkod ngayon si Jesus sa Kabanal-banalan ng templong iyon, sa langit. Siya ay “isang pangmadlang lingkod [lei·tour·gosʹ] ng banal na dako at ng totoong tolda, na itinayo ni Jehova, at hindi ng tao.” (Hebreo 8:2; 9:11, 12) Bagaman matayog ang katayuan ni Jesus, siya pa rin ay “isang pangmadlang lingkod.” Ginagamit niya ang kaniyang mataas na awtoridad upang magbigay at hindi upang kumuha. At ang gayong pagbibigay ay nagdudulot sa kaniya ng kagalakan. Bahagi ito ng “kagalakang inilagay sa harapan niya” at iyan ang nagpalakas sa kaniya na magbata sa buong landasin niya sa lupa.—Hebreo 12:2.
8. Paano nagsagawa si Jesus ng isang pangmadlang paglilingkod upang halinhan ang tipang Kautusan?
8 May isa pang aspekto ang pangmadlang paglilingkod ni Jesus. Sumulat si Pablo: “Si Jesus ay nagtamo ng isang higit na napakagaling na pangmadlang paglilingkod, anupat siya rin ang tagapamagitan ng isang katumbas na lalong mabuting tipan, na itinatag nang legal sa lalong mabubuting pangako.” (Hebreo 8:6) Si Moises ang namagitan sa tipan na saligan ng pakikipag-ugnayan ng Israel kay Jehova. (Exodo 19:4, 5) Si Jesus ang namagitan sa bagong tipan, na nagpaging posible sa pagsilang ng isang bagong bansa, “ang Israel ng Diyos,” na binubuo ng pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyano mula sa maraming bansa. (Galacia 6:16; Hebreo 8:8, 13; Apocalipsis 5:9, 10) Kay husay na pangmadlang paglilingkod iyan! Anong ligaya nga nating makilala si Jesus, isang pangmadlang lingkod na sa pamamagitan niya ay makapag-uukol tayo ng kaayaayang pagsamba kay Jehova!—Juan 14:6.
Nag-uukol Din ang mga Kristiyano ng Pangmadlang Paglilingkod
9, 10. Ano ang ilang uri ng pangmadlang paglilingkod na isinagawa ng mga Kristiyano?
9 Walang tao ang nagsasagawa ng pangmadlang paglilingkod na kasindakila ng kay Jesus. Gayunman, kapag tinanggap ng pinahirang mga Kristiyano ang kanilang makalangit na gantimpala, mauupo sila sa tabi ni Jesus at makikibahagi sa kaniyang pangmadlang paglilingkod bilang mga hari at saserdote. (Apocalipsis 20:6; 22:1-5) Subalit, ang mga Kristiyano sa lupa ay gumagawa rin ng pangmadlang paglilingkod, at nakasusumpong sila ng malaking kagalakan sa paggawa nito. Halimbawa, noong magkaroon ng kakulangan ng pagkain sa Palestina, dinala ni apostol Pablo ang mga donasyon mula sa mga kapatid sa Europa upang matulungang mapagaan ang paghihirap ng mga Judiong Kristiyano sa Judea. Iyon ay isang pangmadlang paglilingkod. (Roma 15:27; 2 Corinto 9:12) Sa ngayon, naliligayahan ang mga Kristiyano na mag-ukol ng gayunding paglilingkod, anupat nagbibigay agad ng tulong kapag ang kanilang mga kapatid ay dumaranas ng kapighatian, likas na mga sakuna, o iba pang mga kalamidad.—Kawikaan 14:21.
10 Tinukoy ni Pablo ang isa pang pangmadlang paglilingkod nang sumulat siya: “Kahit na ako ay ibinubuhos tulad sa isang handog na inumin sa ibabaw ng hain at pangmadlang paglilingkod kung saan kayo inakay ng pananampalataya, ako ay natutuwa at nakikipagsaya sa inyong lahat.” (Filipos 2:17) Ang pagpapagal ni Pablo alang-alang sa mga taga-Filipos ay isang pangmadlang paglilingkod na iniukol taglay ang pag-ibig at pagsisikap. Ang gayunding pangmadlang paglilingkod ay iniuukol sa ngayon, lalo na ng pinahirang mga Kristiyano, na naglilingkod bilang “ang tapat at maingat na alipin,” na naglalaan ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon. (Mateo 24:45-47) Karagdagan pa, bilang isang grupo, ang mga ito ay “isang banal na pagkasaserdote,” na inatasan “upang maghandog ng espirituwal na mga haing kaayaaya sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo” at upang ‘maipahayag nang malawakan ang mga kamahalan ng isa na tumawag sa [kanila] mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.’ (1 Pedro 2:5, 9) Tulad ni Pablo, nagagalak sila sa gayong mga pribilehiyo kahit na ‘ibinubuhos [nila] ang kanilang mga sarili’ sa pagtupad sa kanilang mga pananagutan. Ang kanilang mga kasamahan na “ibang mga tupa” ay sumasama rin sa kanila at sumusuporta sa kanilang gawaing pagbabalita sa sangkatauhan hinggil kay Jehova at sa kaniyang mga layunin.b (Juan 10:16; Mateo 24:14) Tunay ngang ito’y isang dakila at nakagagalak na pangmadlang paglilingkod!—Awit 107:21, 22.
Mag-ukol ng Sagradong Paglilingkod
11. Paano naglaan ang propetisang si Ana ng isang mainam na halimbawa para sa lahat ng Kristiyano?
11 Ang isa pang salitang Griego na may kaugnayan sa ating pagsamba ay la·treiʹa, na isinaling “sagradong paglilingkod” sa Bagong Sanlibutang Salin. Ang sagradong paglilingkod ay may kaugnayan sa mga gawa ng pagsamba. Halimbawa, ang 84-na-taóng-gulang na balo at propetisa na si Ana ay tinukoy na “hindi kailanman lumiliban sa templo, na nag-uukol ng sagradong paglilingkod [isang salitang Griego na may kaugnayan sa la·treiʹa] gabi at araw na may mga pag-aayuno at mga pagsusumamo.” (Lucas 2:36, 37) Sumamba si Ana kay Jehova nang may katatagan. Isa siyang mainam na halimbawa para sa ating lahat—bata at matanda, lalaki at babae. Katulad ni Ana na nanalangin nang marubdob kay Jehova at regular na sumamba sa kaniya sa templo, ang panalangin at pagdalo sa pulong ay kalakip sa ating sagradong paglilingkod.—Roma 12:12; Hebreo 10:24, 25.
12. Ano ang isang pangunahing pitak ng ating sagradong paglilingkod, at paanong ito ay isa ring pangmadlang paglilingkod?
12 Binanggit ni apostol Pablo ang isang pangunahing pitak ng ating sagradong paglilingkod nang isulat niya: “Ang Diyos, na siyang pinag-uukulan ko ng sagradong paglilingkod taglay ang aking espiritu may kaugnayan sa mabuting balita tungkol sa kaniyang Anak, ang aking saksi kung paanong walang lubay na ginagawa kong lagi na banggitin kayo sa aking mga panalangin.” (Roma 1:9) Oo, ang pangangaral ng mabuting balita ay hindi lamang isang pangmadlang paglilingkod sa mga nakikinig dito kundi isa ring gawa ng pagsamba sa Diyos na Jehova. Makasumpong man tayo ng taingang makikinig o hindi, ang gawaing pangangaral ay isang sagradong paglilingkod na iniuukol kay Jehova. Ang ating pagsisikap na ipaalam sa iba ang tungkol sa maiinam na mga katangian at nagdudulot-pakinabang na mga layunin ng ating iniibig na makalangit na Ama ay tunay na nagdudulot sa atin ng malaking kagalakan.—Awit 71:23.
Saan Tayo Nag-uukol ng Sagradong Paglilingkod?
13. Anong pag-asa ang taglay ng mga nag-uukol ng sagradong paglilingkod sa pinakaloob na looban ng espirituwal na templo ni Jehova, at sino ang nagsasaya na kasama nila?
13 Sa pinahirang mga Kristiyano, sumulat si Pablo: “Yamang tayo ay tatanggap ng isang kaharian na hindi mayayanig, magpatuloy tayong magkaroon ng di-sana-nararapat na kabaitan, na sa pamamagitan nito ay kasiya-siyang makapag-uukol tayo sa Diyos ng sagradong paglilingkod nang may maka-Diyos na takot at sindak.” (Hebreo 12:28) Taglay ang may pagtitiwalang pag-asam sa pagmamana ng Kaharian, ang mga pinahiran ay di-natitinag sa pananampalataya habang sumasamba sila sa Kataas-taasan. Sila lamang ang makapag-uukol sa kaniya ng sagradong paglilingkod sa Banal na silid at sa pinakaloob na looban ng espirituwal na templo ni Jehova, at umaasa sila taglay ang may pananabik na paghihintay na makapaglingkod kasama ni Jesus sa Kabanal-banalan, sa langit mismo. Ang kanilang mga kasamahan, ang uring ibang tupa, ay nagsasaya kasama nila sa kanilang kamangha-manghang pag-asa.—Hebreo 6:19, 20; 10:19-22.
14. Paano nakikinabang ang malaking pulutong sa pangmadlang paglilingkod ni Jesus?
14 Subalit, saan naman nag-uukol ng sagradong paglilingkod ang ibang tupa? Gaya ng patiunang nakita ni apostol Juan, isang malaking pulutong sa kanila ang lumitaw sa mga huling araw na ito, at “nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero.” (Apocalipsis 7:14) Nangangahulugan ito na, gaya ng kanilang pinahirang kapuwa mga mananamba, nananampalataya sila sa pangmadlang paglilingkod ni Jesus, ang paghahandog niya ng kaniyang sakdal na buhay tao alang-alang sa sangkatauhan. Nakikinabang din ang ibang tupa mula sa pangmadlang paglilingkod ni Jesus sapagkat sila’y ‘nanghahawakan sa tipan [ni Jehova].’ (Isaias 56:6) Hindi sila mga kabahagi sa bagong tipan, ngunit nanghahawakan sila rito sa pamamagitan ng pagsunod nila sa mga kautusang may kaugnayan dito at sa pakikipagtulungan nila sa mga kaayusang ginawa sa pamamagitan nito. Nakikisama sila sa Israel ng Diyos, anupat kumakain sa iisang espirituwal na mesa at gumagawang kasama ng mga miyembro nito, na pumupuri sa Diyos nang hayagan at naghahandog ng espirituwal na mga handog na kalugud-lugod sa kaniya.—Hebreo 13:15.
15. Saan nag-uukol ng sagradong paglilingkod ang malaking pulutong, at paano sila naaapektuhan ng pagpapalang ito?
15 Kaya, ang malaking pulutong ay nakikitang “nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, na nadaramtan ng mahahabang damit na puti.” Karagdagan pa, “nasa harap [sila] ng trono ng Diyos; at nag-uukol sila sa kaniya ng sagradong paglilingkod araw at gabi sa kaniyang templo; at ang Isa na nakaupo sa trono ay maglulukob ng kaniyang tolda sa kanila.” (Apocalipsis 7:9, 15) Sa Israel, ang mga proselita ay sumamba sa looban sa dakong labas ng templo ni Solomon. Sa katulad na paraan, ang malaking pulutong ay sumasamba kay Jehova sa looban sa dakong labas ng kaniyang espirituwal na templo. Ang paglilingkod doon ay nagpapagalak sa kanila. (Awit 122:1) Kahit matanggap na ng pinakahuli sa kanilang pinahirang mga kasamahan ang kaniyang makalangit na mana, patuloy silang mag-uukol ng sagradong paglilingkod kay Jehova bilang kaniyang bayan.—Apocalipsis 21:3.
Sagradong Paglilingkod na Di-Kaayaaya
16. Anong mga babala ang ibinibigay hinggil sa sagradong paglilingkod?
16 Noong kaarawan ng sinaunang Israel, ang sagradong paglilingkod ay kailangang iukol kasuwato ng mga kautusan ni Jehova. (Exodo 30:9; Levitico 10:1, 2) Gayundin sa ngayon, may mga kahilingan na kailangang tuparin upang ang ating sagradong paglilingkod ay maging kaayaaya kay Jehova. Kaya nga sumulat si Pablo sa mga taga-Colosas: “Kami . . . ay hindi tumitigil sa pananalangin para sa inyo at sa paghingi na kayo ay mapuspos ng tumpak na kaalaman ng kaniyang kalooban sa buong karunungan at espirituwal na pagkaunawa, sa layunin na lumakad nang karapat-dapat kay Jehova upang paluguran siya nang lubos samantalang patuloy kayong namumunga sa bawat mabuting gawa at lumalago sa tumpak na kaalaman sa Diyos.” (Colosas 1:9, 10) Hindi tayo ang magpapasiya ng tamang paraan ng pagsamba sa Diyos. Ang tumpak na kaalaman sa Kasulatan, espirituwal na pagkaunawa, at maka-Diyos na karunungan ay mahalaga. Malibang gayon, maaaring maging kapaha-pahamak ang mga resulta.
17. (a) Paano pinilipit ang sagradong paglilingkod noong kaarawan ni Moises? (b) Sa ngayon, paano maaaring magkamali sa pag-uukol ng sagradong paglilingkod?
17 Alalahanin ang mga Israelita noong kaarawan ni Moises. Mababasa natin: “Ang Diyos ay bumaling at ibinigay sila upang mag-ukol ng sagradong paglilingkod sa hukbo ng langit.” (Gawa 7:42) Nakita ng mga Israelitang iyon ang makapangyarihang mga gawa ni Jehova alang-alang sa kanila. Gayunman, bumaling sila sa ibang mga diyos nang ipagpalagay nilang makabubuti ito sa kanila. Hindi sila matapat, at ang pagkamatapat ay mahalaga upang ang ating sagradong paglilingkod ay maging kalugud-lugod sa Diyos. (Awit 18:25) Totoo, iilan lamang sa ngayon ang tumatalikod kay Jehova upang sumamba sa mga bituin o sa mga ginintuang guya, ngunit may iba pang mga anyo ng idolatriya. Nagbabala si Jesus laban sa paglilingkod sa “Kayamanan,” at tinawag ni Pablo ang kaimbutan na idolatriya. (Mateo 6:24; Colosas 3:5) Itinataguyod ni Satanas ang kaniyang sarili bilang isang diyos. (2 Corinto 4:4) Ang gayong mga uri ng idolatriya ay palasak at isang silo. Halimbawa, isipin ang isa na nag-aangking sumusunod kay Jesus ngunit ang tunay niyang tunguhin sa buhay ay maging mayaman o na ang tunay na pagtitiwala niya ay sa kaniyang sarili at sa kaniyang sariling mga ideya. Sino talaga ang pinaglilingkuran niya? Naiiba kaya siya sa mga Judio noong kaarawan ni Isaias na sumumpa sa pangalan ni Jehova ngunit iniuukol ang kaniyang dakilang mga gawa sa maruruming idolo?—Isaias 48:1, 5.
18. Paano may kamaliang isinagawa ang sagradong paglilingkod noon at sa ngayon?
18 Nagbabala rin si Jesus: “Ang oras ay dumarating kapag ang bawat isa na pumapatay sa inyo ay mag-aakala na siya ay nag-ukol ng sagradong paglilingkod sa Diyos.” (Juan 16:2) Si Saul, na naging si apostol Pablo, ay walang alinlangang nag-akala na naglilingkod siya sa Diyos noong siya ay ‘sumang-ayon sa pagpaslang kay Esteban’ at ‘naghinga ng banta at pagpaslang laban sa mga alagad ng Panginoon.’ (Gawa 8:1; 9:1) Sa ngayon, ang ilang gumagawa ng etnikong paglilinis at paglipol ng lahi ay nag-aangkin ding sumasamba sa Diyos. Maraming tao ang nag-aangking sumasamba sa Diyos, ngunit ang kanilang pagsamba ay iniuukol talaga sa mga diyos ng nasyonalismo, tribolismo, kayamanan, sarili, o sa iba pang diyos.
19. (a) Paano natin minamalas ang ating sagradong paglilingkod? (b) Anong uri ng sagradong paglilingkod ang magdudulot sa atin ng kagalakan?
19 Sinabi ni Jesus: “Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.” (Mateo 4:10) Si Satanas ang kinakausap niya, ngunit kay halaga nga para sa ating lahat na magbigay-pansin sa kaniyang mga salita! Ang pag-uukol ng sagradong paglilingkod sa Soberanong Panginoon ng uniberso ay isang dakila at kamangha-manghang pribilehiyo. At ano naman ang masasabi hinggil sa pagsasagawa ng pangmadlang paglilingkod na may kaugnayan sa ating pagsamba? Ang paggawa nito alang-alang sa ating kapuwa tao ay isang nakagagalak na gawain na nagdudulot ng malaking kaligayahan. (Awit 41:1, 2; 59:16) Subalit, ang gayong paglilingkod ay magdudulot lamang ng tunay na kaligayahan kung ito’y iniaalay nang buong-puso at sa tamang paraan. Sino ang talagang mga sumasamba sa Diyos sa wastong paraan? Kaninong sagradong paglilingkod ang sinasang-ayunan ni Jehova? Masasagot natin ang gayong mga katanungan kung ating isasaalang-alang ang ikatlong salita sa Bibliya na may kaugnayan sa ating pagsamba. Ito ang gagawin natin sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Ang mga liturhiya ng Sangkakristiyanuhan ay karaniwan nang mga serbisyo sa pagsamba o espesipikong mga ritwal, tulad ng Eukaristiya sa Simbahang Romano Katoliko.
b Sa Gawa 13:2, iniulat na ang mga propeta at mga guro sa Antioquia ay “hayagang naglilingkod” (isang salin ng salitang Griego na may kaugnayan sa lei·tour·giʹa) kay Jehova. Malamang, kabilang sa hayagang paglilingkod na ito ang pangangaral sa madla.
Paano Ninyo Sasagutin?
• Anong dakilang pangmadlang paglilingkod ang isinagawa ni Jesus?
• Anong pangmadlang paglilingkod ang isinagawa ng mga Kristiyano?
• Ano ang Kristiyanong sagradong paglilingkod, at saan ito isinasagawa?
• Ano ang dapat nating tamuhin upang ang ating sagradong paglilingkod ay makalugod sa Diyos?
[Larawan sa pahina 10]
Nakasusumpong ang mga magulang ng malaking kagalakan sa pagbibigay
[Mga larawan sa pahina 12, 13]
Nag-uukol ang mga Kristiyano ng pangmadlang paglilingkod kapag tinutulungan nila ang iba at kapag inihahayag nila ang mabuting balita
[Larawan sa pahina 14]
Kailangan natin ang tumpak na kaalaman at unawa upang matiyak na ang ating sagradong paglilingkod ay kaayaaya sa Diyos