Tayo ang Uri na May Pananampalataya
Ipinangangaral ang Kaharian sa Altiplano sa Peru
SA PAGITAN ng silanganin at kanluraning kahabaan ng Bundok Andes—kung saan nagtatagpo ang Bolivia at Peru—naroon ang Altiplano. Ang pangalan nito ay nangangahulugang “mataas na kapatagan,” o “talampas.” Ang kalakhang bahagi nito ay nasa Bolivia.
Ang Altiplano ay may lawak na 100 kilometro at may haba na mahigit sa 1,000 kilometro, at ang katamtamang taas nito ay mga 3,700 metro mula sa kapantayan ng dagat. Kapag nakasakay ka sa isang eroplano na papunta roon mula sa kabiserang lunsod ng Peru na nasa baybaying-dagat, ang Lima, madaraanan mo ang El Misti na natatakpan ng yelo, isang bulkan na umaabot sa mga ulap na may taas na 5,822 metro. Umaabot sa taas na 6,000 metro ang mga taluktok ng Nevado Ampato at Nevado Coropuna na natatakpan ng yelo at natatanaw sa malayo. Biglang tatambad sa paningin ang isang napakalawak na talampas—ang Altiplano sa timugang Peru.
Ang kabisera ng Altiplano sa Peru ay ang Puno, na matatagpuan sa hilagang-kanluraning dulo ng Lawa ng Titicaca, ang pinakamataas na lawa sa buong daigdig na mapaglalayagan ng mga barko. Dahil sa ang rehiyon ay may taas na higit sa tatlong kilometro, sandaling naninibago ang mga bisita sa hangin na may kaunting oksiheno. Ang mga Quechua at Aymara Indian ang naninirahan sa may Lawa ng Titicaca. Nakadamit ng makukulay na kasuutang pula, berde, o asul, sila ay makikitang nagtatrabaho sa kanilang mga chacra, o maliliit na bukid. Bagaman ang Kastila ang pangunahing wika ng Peru, ang Quechua at Aymara ay sinasalita rin sa Altiplano.
Pinangungunahan ang Gawaing Pangangaral
Marami sa mapagpakumbaba at masisipag na taong nagsasalita ng Quechua at Aymara ang nakaalam ng tumpak na kaalaman sa katotohanan sa Bibliya nitong kamakailan lamang. Sa kalakhang bahagi, ito ay dahil sa mayamang pagpapala ni Jehova sa masigasig na pagsisikap ng buong-panahong mga tagapagbalita ng Kaharian na naglilingkuran bilang mga special pioneer.
Halimbawa, ang mga special pioneer na sina José at Silvia ay naatasan sa bayan ng Putina, mga 50 kilometro mula sa Lawa ng Titicaca. Sa loob ng dalawang buwan, nagdaraos si Silvia ng 16 na pantahanang pag-aaral sa Bibliya, at si José ay may 14. Sa loob lamang ng anim na buwan, ang bilang ng mga mamamahayag sa kongregasyon ay dumami mula sa 23 tungo sa 41. Samantala, ang bilang ng dumadalo sa pulong ay dumami mula sa 48 tungo sa pinakamataas na bilang na 132.
“Kapag nagpapasimula ng mga pulong sa kongregasyon sa mga nakabukod na pamayanang ito,” ang sabi ni José, “nasumpungan naming praktikal na magpasimula sa Pangmadlang Pulong at sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Dahil dito, mas nagiging madali para sa mga interesadong baguhan na magpasimulang dumalo sa mga pagpupulong.”
Dalawang magkapatid na babae—ang isa’y payunir—ang unang nagdala ng mabuting balita sa nakabukod na pamayanan ng Muñani, mga 20 kilometro mula sa Putina. Doon, nagpasimula sila ng isang pag-aaral sa Bibliya sa isang bulag na lalaking nagngangalang Lucio.a Inanyayahan niya ang kaniyang nakababatang kapatid na lalaki na si Miguel, isang pangkaraniwang Katolikong misyonero at lider sa komunidad sa kalapit na lugar. Nang isang kaibigan ang magtanong kay Miguel kung bakit siya nagpupunta sa Muñani linggu-linggo, sinabi niyang ito’y upang matuto hinggil kay Jehova at sa kaniyang Salita. Pagkatapos ay bumangon ang tanong: “Bakit hindi natin pag-aralan ang Bibliya rito?” Dahil sa interes na ipinakita ng mga tao sa komunidad ni Miguel, isinaayos ng mga Saksi na magdaos ng mga pagpupulong doon.
Sinimulan ni Miguel na ibahagi sa iba ang kaniyang natututuhan. Ngunit paano na ang kaniyang posisyon bilang isang pangkaraniwang Katolikong misyonero at tenyente gobernador? Sa isang pagpupulong sa bulwagan ng komunidad, ipinahayag niya ang kaniyang pagbibitiw bilang isang Katolikong misyonero. May papalit ba sa kaniya? May isa mula sa mga tagapakinig ang nagsabi: “Bakit pa natin kakailanganin ang isang misyonero gayong natututuhan natin ang katotohanan?” Siyempre pa, ito’y pagtukoy sa mga bagay na itinuturo ng mga Saksi ni Jehova. Ang isa pa ay nagdagdag: “Hindi kami sang-ayon na ikaw lamang mag-isa ang magbitiw. Bakit hindi tayong lahat ay magbitiw?” Ang lahat ng dumalo ay nagkakaisang sumigaw: “Lahat kami’y nagbibitiw!”
Ang mga idolo at krus ay tinalakay sa isang pagpupulong ng komunidad di-nagtagal pagkatapos nito. Hiniling ng isang lalaki na basahin ng lahat ng mga naroroon ang Deuteronomio 7:25, na nagsasabi: “Ang mga nililok na imahen ng kanilang mga diyos ay susunugin ninyo sa apoy. Huwag mong nanasain ang pilak at ang ginto na nasa mga iyon, ni kukunin mo man iyon para sa iyong sarili, dahil baka masilo ka niyaon; sapagkat iyon ay isang bagay na karima-rimarim kay Jehova na iyong Diyos.”
Pagkatapos ay hiniling ng lalaki na magtaas ng kamay yaong mga sumasang-ayon na sunugin ang lahat ng idolo. Ang lahat ay karaka-rakang nagtaas ng kamay. (Gawa 19:19, 20) Ngayon, 23 sa 25 pamilya sa komunidad ang nag-aaral ng Salita ng Diyos. Dalawa ang naglilingkod bilang mga di-bautismadong mamamahayag, at limang mag-asawa ang nagbabalak na gawing legal ang kanilang pag-aasawa upang magkaroon sila ng malinis na katayuan sa harap ni Jehova.—Tito 3:1; Hebreo 13:4.
Pagtuturo Gamit ang mga Cassette Recording
Yamang marami sa Altiplano ang hindi makapagbasa at makapagsulat, ang mga video at cassette recording ng Watch Tower sa lokal na mga wika ay isang malaking pantulong—maging sa pagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sa tulong ng isang audio cassette, isang special pioneer na nagngangalang Dora ang nagdaraos ng mga pag-aaral sa brosyur na Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin? Kaniyang pinatutunog ang bawat parapo mula sa cassette at tinatanong ang inaaralan ng Bibliya hinggil sa materyal na katatapos pa lamang mapakinggan.
Regular na isinasahimpapawid ng isang lokal na istasyon ng radyo ang mga bahagi ng Hinihiling na brosyur sa wikang Quechua. Gayundin ang ginagawa sa mga bahagi mula sa magasin na Gumising! sa Kastila. Kaya maraming tao ang nakababatid sa mensahe ng Kaharian at nagnanais na matuto kapag ang mga Saksi ni Jehova ay dumalaw sa kanilang mga tahanan.
Ang Altiplano ay hindi napapansin ng kalakhang bahagi ng daigdig ngunit hindi ito lingid sa mata ng Diyos. Salamat sa pag-ibig ni Jehova para sa sangkatauhan, maraming tao na nakatira sa Altiplano sa Andes ang nagiging bahagi ng karamihan na lumuluwalhati sa kaniyang maringal na bahay ng tunay na pagsamba.—Hagai 2:7.
[Talababa]
a Pinalitan ang ilang pangalan sa artikulong ito.