Malapit na ang Tagumpay ng Tunay na Pagsamba
“Si Jehova ay magiging hari sa buong lupa.”—ZACARIAS 14:9.
1. Ano ang naranasan ng mga pinahirang Kristiyano noong Digmaang Pandaigdig I, at paano ito inihula?
NOONG unang digmaang pandaigdig, ang mga pinahirang Kristiyano ay dumanas ng maraming kahirapan at pagkabilanggo sa mga kamay ng nagdidigmaang mga bansa. Lubhang nahadlangan ang kanilang mga hain ng papuri kay Jehova, at sila’y napasa kalagayang bihag sa espirituwal. Lahat ng ito ay inihula sa Zacarias 14:2, na naglalarawan ng isang pagsalakay ng mga bansa sa Jerusalem. Ang lunsod sa hulang ito ay ang “makalangit na Jerusalem,” ang Kaharian ng Diyos sa langit at ang kinaroroonan ng “trono ng Diyos at ng Kordero.” (Hebreo 12:22, 28; 13:14; Apocalipsis 22:3) Ang lunsod na iyan ay kinakatawanan ng mga pinahiran ng Diyos sa lupa. Ang mga tapat sa kanila ay nakaligtas sa pagsalakay, anupat tumangging sila’y mapatapon “buhat sa lunsod.”a
2, 3. (a) Paano nagtagumpay ang pagsamba kay Jehova sapol noong 1919? (b) Mula noong 1935, anong pangyayari ang naganap?
2 Noong 1919 ang tapat na mga pinahiran ay nakalaya buhat sa kanilang bihag na kalagayan, at agad nilang sinamantala ang panahon ng kapayapaan na kasunod ng digmaan. Bilang mga embahador ng makalangit na Jerusalem, sinunggaban nila ang dakilang pagkakataon na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at tumulong sa pagtitipon ng panghuling mga miyembro ng 144,000. (Mateo 24:14; 2 Corinto 5:20) Noong 1931 ay tinanggap nila ang angkop na maka-Kasulatang pangalang mga Saksi ni Jehova.—Isaias 43:10, 12.
3 Sapol noon, hindi na lumingon ang mga pinahirang Saksi ng Diyos. Maging si Hitler at ang kaniyang militar na puwersang Nazi ay hindi nakapagpatahimik sa kanila. Sa kabila ng pambuong-daigdig na pag-uusig, naging mabunga ang kanilang gawain sa buong lupa. Lalo na mula noong taóng 1935, nakisama sa kanila ang internasyonal na “malaking pulutong,” na inihula sa aklat ng Apocalipsis. Ang mga ito rin naman ay nakaalay, bautisadong mga Kristiyano at ‘naglaba ng kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero,’ si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 7:9, 14) Gayunpaman, sila ay hindi pinahiran, na may pag-asang buhay sa langit. Ang kanilang pag-asa ay ang manahin ang naiwala nina Adan at Eva, iyon ay, sakdal na buhay bilang tao sa isang lupang paraiso. (Awit 37:29; Mateo 25:34) Sa ngayon, ang bilang ng malaking pulutong ay umaabot na sa limang milyong kaluluwa. Nagtatagumpay ang tunay na pagsamba kay Jehova, ngunit darating pa ang pangwakas na tagumpay nito.
Mga Banyaga sa Espirituwal na Templo ng Diyos
4, 5. (a) Saan sumasamba kay Jehova ang malaking pulutong? (b) Anong mga pribilehiyo ang tinatamasa nila, at bilang katuparan ng anong hula?
4 Gaya ng inihula, ang malaking pulutong “ay sumasamba [sa Diyos] araw at gabi sa kaniyang templo.” (Apocalipsis 7:15, talababa [sa Ingles]) Yamang sila ay hindi espirituwal at makasaserdoteng mga Israelita, malamang na nakita ni Juan na sila’y nakatayo sa looban ng mga Gentil sa gawing labas ng templo. (1 Pedro 2:5) Naging napakaluwalhati nga ng espirituwal na templo ni Jehova, anupat ang mga hangganan nito ay pinunô ng malaking pulutong na ito na pumupuri sa kaniya kasama ng mga nalabi ng espirituwal na Israel!
5 Ang malaking pulutong ay hindi naglilingkod sa Diyos sa kalagayang inilalarawan ng looban ng mga saserdote. Sila ay hindi ipinahahayag na matuwid sa layuning maging mga espirituwal na anak na inampon ng Diyos. (Roma 8:1, 15) Gayunpaman, sa pananampalataya sa pantubos ni Jesus, sila’y may malinis na katayuan sa harap ni Jehova. Sila’y ipinahahayag na matuwid sa layuning maging mga kaibigan niya. (Ihambing ang Santiago 2:21, 23.) Sila rin naman ay may pribilehiyo na magharap ng kalugud-lugod na mga hain sa espirituwal na altar ng Diyos. Kaya naman, sa malaking pulutong na ito, ang hula sa Isaias 56:6, 7 ay nagkakaroon ng maluwalhating katuparan: “Ang mga banyaga na naglakip ng kanilang sarili kay Jehova upang maglingkod sa kaniya at ibigin ang pangalan ni Jehova, . . . Dadalhin ko rin naman sila sa aking banal na bundok at pasasayahin sila sa loob ng aking bahay-panalanginan. Ang kanilang buong handog na sinunog at ang kanilang mga hain ay magiging ukol sa pagtanggap sa ibabaw ng aking altar. Sapagkat ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan para sa lahat ng mga bayan.”
6. (a) Anong uri ng mga hain ang inihahandog ng mga banyaga? (b) Ano ang ipinaaalaala sa kanila ng sisidlan ng tubig sa looban ng mga saserdote?
6 Kabilang sa mga hain na inihahandog ng mga banyagang ito ay “ang bunga ng mga labi [tulad ng mga handog na butil na inihandang mabuti] na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag sa pangalan [ng Diyos]” at “ang paggawa ng mabuti at ang pagbabahagi ng mga bagay-bagay sa iba.” (Hebreo 13:15, 16) Ang malaking sisidlan ng tubig na kailangang gamitin ng mga saserdote upang hugasan ang kanilang sarili ay isa ring mahalagang paalaala sa mga banyagang ito. Sila rin naman ay kailangang sumailalim sa espirituwal at moral na paglilinis habang pasulong na nililinaw sa kanila ang Salita ng Diyos.
Ang Dakong Banal at ang mga Kasangkapan Doon
7. (a) Paano minamalas ng malaking pulutong ang mga pribilehiyo ng mga kabilang sa banal na pagkasaserdote? (b) Anong karagdagang mga pribilehiyo ang tinanggap ng ilang banyaga?
7 Mayroon bang kahulugan para sa malaking pulutong na ito ng mga banyaga ang dakong Banal at ang mga kasangkapan doon? Buweno, hindi sila kailanman mapapasa kalagayan na inilalarawan ng dakong Banal. Hindi sila ipinanganganak muli gaya ng espirituwal na mga anak ng Diyos na may makalangit na pagkamamamayan. Nakadarama ba sila ng pagkainggit o pananaghili dahil dito? Hindi. Sa halip, nagagalak sila sa kanilang pribilehiyo na suportahan ang mga nalabi ng 144,000, at ipinakikita nila ang matinding pagpapahalaga sa layunin ng Diyos na ampunin ang espirituwal na mga anak na ito, na makikibahagi kay Kristo sa pag-akay sa sangkatauhan tungo sa kasakdalan. Gayundin, pinakamamahal ng malaking pulutong ng mga banyaga ang dakilang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa pagkakaloob sa kanila ng makalupang pag-asa ng buhay na walang-hanggan sa Paraiso. Ang ilan sa mga banyagang ito, tulad ng mga Netineo noon, ay nabigyan ng mga pribilehiyo ng pangangasiwa bilang pag-alalay sa banal na pagkasaserdote.b (Isaias 61:5) Mula sa mga ito ay humihirang si Jesus ng “mga prinsipe sa buong lupa.”—Awit 45:16.
8, 9. Anong kapakinabangan ang natatamo ng malaking pulutong buhat sa pagsasaalang-alang ng mga kasangkapan sa dakong Banal?
8 Bagaman hindi sila kailanman papasok sa antitipikong dakong Banal, ang malaking pulutong ng mga banyaga ay natututo ng mahahalagang aral mula sa mga kasangkapan doon. Kung papaanong ang isang patungan ng lampara ay nangangailangan ng regular na suplay ng langis, gayundin na ang mga banyaga ay nangangailangan ng banal na espiritu upang tulungan silang maunawaan ang pasulong na katotohanan buhat sa Salita ng Diyos na dumadaloy sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Bukod dito, tinutulungan sila ng espiritu ng Diyos na tumugon sa paanyayang ito: “Ang espiritu at ang kasintahang babae [ang pinahirang nalabi] ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nakikinig ay magsabi: ‘Halika!’ At ang sinumang nauuhaw ay pumarito; ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apocalipsis 22:17) Sa gayon, ang patungan ng lampara ay isang paalaala sa malaking pulutong ng kanilang obligasyon na sumikat bilang mga Kristiyano at iwasan ang anumang saloobin, kaisipan, salita, o gawa na pipighati sa banal na espiritu ng Diyos.—Efeso 4:30.
9 Ang mesa ng pantanghal na tinapay ay nagpapaalaala sa malaking pulutong na upang manatiling malusog sa espirituwal, sila’y kailangang regular na makibahagi sa espirituwal na pagkain buhat sa Bibliya at sa mga publikasyon ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 4:4) Ang altar ng insenso ay nagpapaalaala sa kanila ng kahalagahan ng marubdob na pananalangin kay Jehova para sa tulong na maingatan ang kanilang katapatan. (Lucas 21:36) Ang kanilang mga panalangin ay dapat na magpamalas ng taos-pusong kapahayagan ng papuri at pasasalamat. (Awit 106:1) Ang altar ng insenso ay nagpapaalaala rin sa kanila ng pangangailangang purihin ang Diyos sa iba pang paraan, tulad ng kanilang buong-pusong pag-awit ng mga awiting pang-Kaharian sa mga pulong Kristiyano at ng kanilang paghahandang mainam upang makagawa ng mabisang “pangmadlang pagpapahayag ukol sa kaligtasan.”—Roma 10:10.
Ang Lubusang Tagumpay ng Tunay na Pagsamba
10. (a) Anong dakilang pag-asa ang maaari nating asam-asamin? (b) Anong pangyayari ang dapat munang maganap?
10 Sa ngayon ay “maraming mga bayan” buhat sa lahat ng bansa ang humuhugos sa bahay ng pagsamba kay Jehova. (Isaias 2:2, 3) Bilang katunayan nito, ganito ang sabi ng Apocalipsis 15:4: “Sino talaga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan, sapagkat ikaw lamang ang matapat? Sapagkat ang lahat ng mga bansa ay lalapit at sasamba sa harap mo, sapagkat ang iyong matutuwid na dekreto ay naihayag na.” Inilalarawan ng Zacarias kabanata 14 kung ano ang kasunod. Sa malapit na hinaharap, ang masamang saloobin ng karamihan sa mga tao sa lupa ay aabot sa kasukdulan habang tinitipon sila sa huling pagkakataon upang makipagdigma laban sa Jerusalem—ang mga kinatawan sa lupa ng makalangit na Jerusalem. Kung magkagayo’y kikilos si Jehova. Bilang isang Mandirigmang-Diyos, siya’y “tiyak na hahayo at makikipagdigma laban sa mga bansang iyon” na mangangahas na gumawa ng pagsalakay na ito.—Zacarias 14:2, 3.
11, 12. (a) Paano tutugon si Jehova sa gagawing pangglobong pagsalakay sa mga mananamba sa kaniyang templo? (b) Ano ang magiging resulta ng digmaan ng Diyos?
11 “Ito ang mapatutunayang salot na sa pamamagitan nito’y sasalutin ni Jehova ang lahat ng bayan na aktuwal na magsasagawa ng paglilingkod militar laban sa Jerusalem: Mabubulok ang laman ng isa, samantalang ang isa ay nakatayo sa kaniyang paa; at ang mismong mga mata ng isa ay mabubulok sa kanilang mga ukit, at ang mismong dila ng isa ay mabubulok sa kaniyang bibig. At magaganap sa araw na iyon na isang kalituhan buhat kay Jehova ang lalaganap sa gitna nila; at sila’y aktuwal na susunggab, bawat isa sa kamay ng kaniyang kasamahan, at ang kaniyang kamay ay aktuwal na magbubuhat laban sa kamay ng kaniyang kasamahan.”—Zacarias 14:12, 13.
12 Literal man o makasagisag ang salot na ito, kailangang maghintay tayo. Gayunman, isang bagay ang tiyak. Samantalang kumikilos ang mga kaaway ng Diyos upang magsagawa ng kanilang pangglobong pagsalakay sa mga lingkod ni Jehova, sila’y pipigilin ng kasindak-sindak na mga pagtatanghal ng nakahihigit-sa-lahat na kapangyarihan ng Diyos. Patatahimikin ang kanilang mga bibig. Iyon ay magiging para bang nabulok ang kanilang mga dila ng pagsuway. Palalabuin ang pangitain ng kanilang nagkakaisang tunguhin, na para bang nabulok ang kanilang mga mata. Ang kanilang pisikal na lakas, na siyang nagbunsod sa kanila upang sumalakay, ay manghihina. Sa kalituhan, babaling sila sa isa’t isa nang may matinding pagpapatayan. Gayon mapaparam ang lahat ng makalupang kaaway ng pagsamba sa Diyos. Sa wakas, mapipilitang kilalanin ng lahat ng bansa ang pansansinukob na soberanya ni Jehova. Matutupad ang hula: “Si Jehova ay magiging hari sa buong lupa.” (Zacarias 14:9) Kasunod nito, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay gagapusin habang ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo ay nagsisimula na may dakilang mga pagpapalang nakalaan para sa sangkatauhan.—Apocalipsis 20:1, 2; 21:3, 4.
Ang Pagkabuhay-Muli sa Lupa
13. Sino ang mga “nalalabi buhat sa lahat ng bansa”?
13 Ang hula ni Zacarias ay nagpapatuloy sa Zac kabanata 14, talata 16: “At mangyayari na, hinggil sa lahat ng nalalabi buhat sa lahat ng bansa na umahon laban sa Jerusalem, sila rin naman ay dapat na pumaroon taun-taon upang yumukod sa Hari, si Jehova ng mga hukbo, at ipagdiwang ang kapistahan ng mga kubol.” Ayon sa Bibliya, lahat ng taong buháy ngayon na patuloy na mabubuhay hanggang sa katapusan ng balakyot na sistemang ito at nahatulan bilang mga kaaway ng tunay na pagsamba ay sasailalim sa “panghukumang kaparusahan na walang-hanggang pagkapuksa.” (2 Tesalonica 1:7-9; tingnan din ang Mateo 25:31-33, 46.) Hindi sila bubuhaying-muli. Malamang, kung gayon, kasali sa mga “nalalabi” ang mga miyembro ng mga bansa na namatay bago ang katapusang digmaan ng Diyos at sa kanila ay may salig-Bibliyang pag-asa ng pagkabuhay-muli. “Ang oras ay dumarating,” ang pangako ni Jesus, “na ang lahat niyaong nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at lalabas, yaong mga gumawa ng mabubuting bagay sa pagkabuhay-muli sa buhay, yaong mga nagsagawa ng buktot na mga bagay sa pagkabuhay-muli sa paghatol.”—Juan 5:28, 29.
14. (a) Ano ang kailangang gawin ng mga binuhay-muli upang magtamo ng buhay na walang-hanggan? (b) Ano ang mangyayari sa sinumang tatangging mag-alay ng kanilang sarili kay Jehova at magsagawa ng tunay na pagsamba?
14 Lahat ng binuhay-muling ito ay may kailangang gawin upang ang kanilang pagkabuhay-muli ay maging ukol sa buhay at hindi sa nagpapahamak na paghatol. Sila’y kailangang pumaroon sa makalupang mga looban ng templo ni Jehova at yumukod bilang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Sinumang binuhay-muli na tatangging gumawa nito ay daranas ng kaparehong salot na sasapit sa mga bansa sa kasalukuyan. (Zacarias 14:18) Sino nga ba ang nakaaalam kung ilan sa mga bubuhaying-muli ang malugod na makikisama sa malaking pulutong sa pagdiriwang ng antitipikong Kapistahan ng mga Kubol? Tiyak, napakarami, at bunga nito ay magiging lalo pang maluwalhati ang dakilang espirituwal na templo ni Jehova!
Ang Antitipikong Kapistahan ng mga Kubol
15. (a) Ano ang ilang mahalagang katangian ng Kapistahan ng mga Kubol ng sinaunang mga Israelita? (b) Bakit naghahandog ng 70 toro sa panahon ng kapistahan?
15 Bawat taon, kahilingan sa sinaunang Israel na sila’y magdiwang ng Kapistahan ng mga Kubol. Tumatagal iyon nang isang linggo at ginaganap sa pagtatapos ng kanilang pag-aani. Iyon ay isang masayang panahon ng pagpapasalamat. Sa loob ng isang linggo, sila’y kailangang manirahan sa mga kubol na ang bubong ay yari sa mga dahon ng puno, lalo na yaong sa mga sanga ng palma. Ang kapistahang ito ay nagpapaalaala sa Israel kung paano iniligtas ng Diyos ang kanilang mga ninuno mula sa Ehipto at kung paano niya sila inalagaan habang naninirahan sila sa mga kubol samantalang naglalakbay sa iláng sa loob ng 40 taon hanggang sa marating nila ang Lupang Pangako. (Levitico 23:39-43) Sa panahon ng kapistahan, 70 toro ang inihahain sa altar ng templo. Maliwanag, ang bahaging ito ng kapistahan ay larawan ng sakdal at ganap na nagliligtas-buhay na gawain ni Jesu-Kristo. Ang kapakinabangan ng kaniyang haing pantubos sa dakong huli ay aagos sa marami sa mga inapo ng 70 pamilya ng sangkatauhan na nagmula kay Noe.—Genesis 10:1-29; Bilang 29:12-34; Mateo 20:28.
16, 17. (a) Kailan nagsimula ang antitipikong Kapistahan ng mga Kubol, at paano ito nagpatuloy? (b) Paano nakikibahagi sa pagdiriwang ang malaking pulutong?
16 Kaya ang sinaunang Kapistahan ng mga Kubol ay lumalarawan sa maligayang pagtitipon ng tinubos na mga makasalanan tungo sa dakilang espirituwal na templo ni Jehova. Ang katuparan ng kapistahang ito ay nagsimula noong Pentecostes 33 C.E. nang mag-umpisa ang maligayang pagtitipon ng espirituwal na mga Israelita sa Kristiyanong kongregasyon. (Gawa 2:41, 46, 47) Nauunawaan ng mga pinahirang ito na sila ay “mga pansamantalang naninirahan” sa sanlibutan ni Satanas sapagkat ang kanilang tunay na “pagkamamamayan ay umiiral sa mga langit.” (1 Pedro 2:11; Filipos 3:20) Ang maligayang kapistahan ay pansamantalang nakulimliman ng apostasyang ibinunga ng paglitaw ng Sangkakristiyanuhan. (2 Tesalonica 2:1-3) Gayunman, ang kapistahan ay itinuloy noong 1919 sa maligayang pagtitipon ng nalalabing miyembro ng 144,000 espirituwal na mga Israelita, na sinusundan ng pagtitipon sa internasyonal na malaking pulutong ng Apocalipsis 7:9.
17 Ang malaking pulutong ay inilalarawang may hawak na mga sanga ng palma, na nagpapakitang sila rin naman ay maliligayang nagdiriwang ng antitipikong Kapistahan ng mga Kubol. Bilang nakaalay na mga Kristiyano, sila’y masayang nakikibahagi sa gawaing pagtitipon ng higit pang mananamba sa templo ni Jehova. Isa pa, bilang makasalanan, nauunawaan nila na sila’y walang karapatan sa permanenteng paninirahan sa lupa. Sila, kasama ng mga bubuhaying muli sa hinaharap, ay kailangang patuloy na sumampalataya sa haing pantubos ni Kristo hanggang sa maabot nila ang kasakdalan bilang tao sa dulo ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo.—Apocalipsis 20:5.
18. (a) Ano ang mangyayari sa dulo ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo? (b) Paano magtatagumpay sa wakas ang tunay na pagsamba kay Jehova?
18 Kung magkagayon, ang mga sumasamba sa Diyos sa lupa ay tatayo sa harap niya taglay ang kasakdalan bilang tao na hindi na nangangailangan ng makalangit na pagkasaserdote. Darating ang panahon na ‘ibibigay na ni Jesu-Kristo ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama.’ (1 Corinto 15:24) Pakakawalan si Satanas “nang kaunting panahon” upang subukin ang pinasakdal na sangkatauhan. Sinumang di-tapat ay pupuksain magpakailanman, kasama ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo. Yaong nanatiling tapat ay pagkakalooban ng buhay na walang-hanggan. Sila’y permanenteng maninirahan sa makalupang Paraiso. Sa gayon ang antitipikong Kapistahan ng mga Kubol ay sasapit sa isang maluwalhati at matagumpay na katapusan. Nagtagumpay na ang tunay na pagsamba ukol sa walang-hanggang kaluwalhatian ni Jehova at sa kaligayahan ng sangkatauhan magpakailanman.—Apocalipsis 20:3, 7-10, 14, 15.
[Mga talababa]
a Para sa talata-por-talata na komentaryo sa Zacarias kabanata 14, tingnan ang aklat na Paradise Restored to Mankind—By Theocracy!, inilathala noong 1972 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., kabanata 21 at 22.
b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa modernong-panahong mga Netineo, tingnan Ang Bantayan, Abril 15, 1992, pahina 16.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Paano sinalakay ang “Jerusalem” noong unang digmaang pandaigdig?—Zacarias 14:2.
◻ Ano ang nangyari sa bayan ng Diyos mula noong 1919?
◻ Sino sa ngayon ang nakikibahagi sa pagdiriwang ng antitipikong Kapistahan ng mga Kubol?
◻ Paano lubusang magtatagumpay ang tunay na pagsamba?
[Larawan sa pahina 23]
Gumamit ng mga sanga ng palma sa pagdiriwang ng Kapistahan ng mga Kubol