Ang Pangmalas ng Bibliya
Sino ang mga Demonyo?
ANG iba’t ibang relihiyon ay naniniwala sa mga multo, tiyanak, genie, at demonyo at itinuturing nila itong masama o mabait na espiritu, o espiritung kapuwa masama at mabait. Para naman sa iba, pamahiin o guniguni lang ang mga espiritu. Ano ang sinasabi ng Bibliya?
Itinuturo ng Bibliya na ang mismong Maylalang ay isang Espiritu at ang una niyang nilalang ay mga espiritu o mga anghel. (Juan 4:24; Hebreo 1:13, 14) Bumabanggit din ang Bibliya ng masasamang espiritu, na kung minsan ay tinatawag nitong mga demonyo. (1 Corinto 10:20, 21; Santiago 2:19) Pero hindi nito itinuturo na lumalang ang Diyos ng mga demonyo. Kaya sino ang mga demonyo, at paano sila umiral?
“Mga Anghel na Nagkasala”
Nang likhain ng Diyos ang mga espiritung nilalang, binigyan niya sila ng kalayaang magpasiya. Makapipili sila sa pagitan ng mabuti at masama. Nakalulungkot, pagkatapos malikha ang tao, isang di-tiyak na bilang ng mga anghel ang nagpasiyang magrebelde sa Diyos.
Ang una at pinakakilalang rebelyosong espiritu ay naging Satanas. “Hindi siya nanindigan sa katotohanan,” ang sabi ni Jesu-Kristo. (Juan 8:44) Bakit nagrebelde si Satanas sa Diyos? Nainggit siya sa pagsambang dapat ay para lang sa Maylalang. Kumilos siya para makuha ang gusto niya at ginawa niya ang sarili na kalaban ng Diyos, samakatuwid, ang “Satanas” na nangangahulugang “mananalansang.” Pagkalipas ng ilang siglo, sumama ang ibang anghel kay Satanas. Iniwan nila ang kanilang posisyon sa langit at nagkatawang-tao para manirahan sa lupa. (Genesis 6:1-4; Santiago 1:13-15) Nang dumating ang Baha noong panahon ni Noe, ang nagkatawang-taong “mga anghel na nagkasala” ay lumilitaw na bumalik sa dako ng mga espiritu. (2 Pedro 2:4; Genesis 7:17-24) Di-nagtagal, tinawag silang mga demonyo.—Deuteronomio 32:17; Marcos 1:34.
Ibang-iba na ngayon ang kalagayan ng mga rebeldeng anghel. Ang sabi sa Judas 6: “At ang mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang orihinal na kalagayan kundi nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako ay kaniyang [ng Diyos] itinaan sa mga gapos na walang hanggan sa ilalim ng pusikit na kadiliman ukol sa paghuhukom sa dakilang araw.” Oo, hindi na sila pinayagan ng Diyos na bumalik sa langit. Sa halip, itinalaga sila sa makasagisag na “mga hukay ng pusikit na kadiliman,” malayo sa anumang espirituwal na kaliwanagan.
“Nagliligaw sa Buong Tinatahanang Lupa”
Maliwanag na hindi na pinayagang magkatawang-tao ang mga demonyo. Pero makapangyarihan pa rin sila at malaki ang impluwensiya nila sa mga tao. Sa katunayan, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9; 16:14) Paano? Pangunahin na, sa pamamagitan ng “mga turo ng mga demonyo.” (1 Timoteo 4:1) Ang mga huwad na turong ito, kadalasan nang nauugnay sa relihiyon, ang bumulag sa isip ng milyun-milyong tao para hindi nila malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos. (2 Corinto 4:4) Narito ang ilang halimbawa.
● Ang turo na nabubuhay pa rin ang mga patay. Sa pamamagitan ng mga multo, mga tinig na naririnig, at iba pang tusong pakana, dinadaya ng mga demonyo ang mga tao para paniwalain silang puwedeng makipag-ugnayan ang mga buhay sa mga patay. Bukod diyan, dahil sa tusong pandarayang ito, napaniwala ang ilan sa kasinungalingang may kaluluwang nananatiling buhay pagkamatay ng isang tao. Pero malinaw na sinasabi ng Bibliya na ang “mga patay . . . ay walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5, 6) Yamang ‘bumaba sa katahimikan,’ kahit ang pagpuri sa Diyos ay hindi na nila magagawa.—Awit 115:17.a
● Walang sinusunod na prinsipyo. “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” ang sabi sa 1 Juan 5:19. Lubusang ginagamit ng mga demonyo ang kapangyarihan nila sa pamamagitan ng media at iba pa para itaguyod ang kaisipan na hindi masamang sundin ang anumang pagnanasa. (Efeso 2:1-3) Kaya palasak ngayon ang imoralidad, kabilang na ang pagpapakasasa sa sekso. Itinuturing pa ngang normal ang ganitong paggawi, samantalang ang mga simulain sa Bibliya ay sinasabing makaluma o mahigpit.
● Pagtataguyod ng espiritismo. Nakasalubong ni apostol Pablo ang isang alilang babae na sinapian ng “isang demonyo ng panghuhula.” Kaya ang babaing ito ay “nakapaglalaan . . . sa kaniyang mga panginoon ng maraming pakinabang sa pagsasagawa ng sining ng panghuhula.” (Gawa 16:16) Alam ni Pablo kung saan galing ang kapangyarihan niya, kaya hindi niya ito pinakinggan. Isa pa, ayaw ni Pablo na magalit ang Diyos, na ang tingin sa lahat ng anyo ng espiritismo—kabilang na ang astrolohiya at okultismo—ay kasuklam-suklam.—Deuteronomio 18:10-12.
Ingatan ang Iyong Sarili Mula sa mga Demonyo
Paano mo iingatan ang iyong sarili mula sa masasamang espiritu? Sinasabi ng Bibliya: “Magpasakop kayo sa Diyos; ngunit salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.” (Santiago 4:7) Sinusunod natin ang utos na iyan kapag namumuhay tayo ayon sa mga turo ng Bibliya, ang tanging sagradong aklat na lubusang nagbubunyag kay Satanas, sa mga demonyo, at sa kanilang tusong mga pakana. (Efeso 6:11; 2 Corinto 2:11) Sinasabi rin sa atin ng Bibliya na ang masasamang espiritu, pati na ang mga lumalaban sa Diyos, ay lilipulin. (Roma 16:20) “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito,” ang sabi ng Kawikaan 2:21.
[Talababa]
a Hinggil sa tunay na kalagayan ng mga patay at pag-asa ng pagkabuhay-muli, tingnan ang mga kabanata 6 at 7 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
● Nilalang ba ng Diyos ang mga demonyo?—2 Pedro 2:4.
● Posible bang makausap ang mga patay?—Eclesiastes 9:5, 6.
● Paano mo iingatan ang iyong sarili mula sa mga demonyo?—Santiago 4:7.
[Larawan sa pahina 21]
Sinisikap ng mga demonyo na dayain ang mga tao sa maraming paraan