BUHAY
Ang simulain ng buhay o pagiging buháy; ang buháy na pag-iral, o haba ng buháy na pag-iral, ng isang indibiduwal. Kung tungkol sa makalupa at pisikal na buhay, ang mga bagay na may buhay ay karaniwang may kakayahan sa paglaki, sa metabolismo, sa pagtugon sa mga bagay na nasa labas nito, at sa reproduksiyon. Ang salitang Hebreo na ginamit sa Kasulatan ay chai·yimʹ, at ang salitang Griego ay zo·eʹ. Ang salitang Hebreo na neʹphesh at ang salitang Griego na psy·kheʹ, kapuwa nangangahulugang “kaluluwa,” ay ginagamit din upang tumukoy sa buhay, hindi sa diwang abstrakto, kundi sa buhay bilang isang persona o hayop. (Paghambingin ang mga salitang “kaluluwa” at “buhay,” gaya ng pagkakagamit sa Job 10:1; Aw 66:9; Kaw 3:22.) Ang mga pananim ay may buhay, yamang gumagana sa mga ito ang simulain ng buhay, ngunit hindi ang buhay bilang isang kaluluwa. Ang buhay sa ganap na diwa, kapag ikinakapit sa matatalinong persona, ay ang sakdal na pag-iral taglay ang karapatan dito.
Nagmula sa Diyos na Jehova. Mula’t sapol ay umiiral ang buhay, sapagkat ang Diyos na Jehova ang Diyos na buháy, ang Bukal ng buhay, at walang pasimula o wakas ang kaniyang pag-iral. (Jer 10:10; Dan 6:20, 26; Ju 6:57; 2Co 3:3; 6:16; 1Te 1:9; 1Ti 1:17; Aw 36:9; Jer 17:13) Ang una sa kaniyang mga nilalang ay binigyan ng buhay, samakatuwid nga, ang kaniyang bugtong na Anak, ang Salita. (Ju 1:1-3; Col 1:15) Sa pamamagitan ng Anak na ito ay nilalang ang iba pang nabubuhay na anghelikong mga anak ng Diyos. (Job 38:4-7; Col 1:16, 17) Nang maglaon, ang pisikal na uniberso ay pinangyaring umiral (Gen 1:1, 2), at noong ikatlo sa “mga araw” ng paglalang may kaugnayan sa lupa ay nilalang ang unang mga anyo ng pisikal na buhay: damo, pananim, at mga namumungang punungkahoy. Noong ikalimang araw, nilalang ang mga buháy na makalupang kaluluwa, mga hayop-dagat, at mga may-pakpak na lumilipad na nilalang, at noong ikaanim na araw ay ang mga hayop sa katihan at sa kahuli-hulihan ay ang tao.—Gen 1:11-13, 20-23, 24-31; Gaw 17:25; tingnan ang ARAW, II; PAGLALANG, NILALANG.
Dahil dito, hindi kinailangang maganap ang isang di-sinasadyang kombinasyon ng mga kemikal upang umiral ang buhay sa lupa. Kailanman ay hindi pa nangyari ang gayong bagay at sa katunayan ay imposible iyon. Umiral ang buhay sa lupa bilang resulta ng tuwirang utos ng Diyos na Jehova, ang Pinagmulan ng buhay, at ng tuwirang pagkilos ng kaniyang Anak upang isagawa ang utos na iyon. Buhay lamang ang maaaring panggalingan ng buhay. Sa bawat pagkakataon, sinasabi sa atin ng ulat ng Bibliya na ang bagay na nilalang ay nagluwal ng supling ayon sa wangis nito, o, “ayon sa uri nito.” (Gen 1:12, 21, 25; 5:3) Natuklasan ng mga siyentipiko na talagang may patlang sa pagitan ng iba’t ibang ‘mga uri,’ at, maliban sa usapin tungkol sa pinagmulan, ito ang pangunahing hadlang sa teoriya ng ebolusyon.—Tingnan ang URI, I.
Ang puwersa ng buhay at ang hininga. Nasa mga makalupang nilalang, o “mga kaluluwa,” kapuwa ang aktibong puwersa ng buhay, o “espiritu” na nagbibigay-buhay sa kanila, at ang hininga na nagpapanatili sa puwersang iyon ng buhay. Kapuwa ang espiritu (puwersa ng buhay) at hininga ay mga paglalaan mula sa Diyos, at maaari niyang puksain ang buhay sa pamamagitan ng pag-aalis ng alinman sa dalawang ito. (Aw 104:29; Isa 42:5) Noong panahon ng Baha, ang mga hayop at mga tao ay nilunod; ang kanilang hininga ay pinutol at ang puwersa ng buhay ay pinawi. Naglaho iyon. “Ang lahat ng may hininga ng puwersa ng buhay [sa literal, “may hininga ng aktibong puwersa (espiritu) ng buhay”] sa mga butas ng kaniyang ilong, samakatuwid ay lahat ng nasa tuyong lupa, ay namatay.”—Gen 7:22; ihambing ang salin ni Robert Young; tingnan ang ESPIRITU.
Organismo. Ang lahat ng mga bagay na may buhay, espirituwal man o sa laman, ay may organismo, o katawan. Ang buhay sa ganang sarili ay walang personalidad, walang materyal na katawan, palibhasa’y simulain lamang ito ng buhay. Sa pagtalakay sa uri ng katawan na tataglayin ng mga persona na bubuhaying muli, ipinaliwanag ng apostol na si Pablo na yaong mga nilalang para sa iba’t ibang kapaligiran ay may magkakaibang katawan. Kung tungkol sa mga nagtataglay ng buhay sa lupa, sinabi niya: “Hindi lahat ng laman ay magkakatulad na laman, kundi ang isa ay sa mga tao, at ibang laman ang sa mga hayop, at ibang laman ang sa mga ibon, at iba ang sa isda.” Sinabi rin niya na “may mga katawang makalangit, at mga katawang makalupa; ngunit ang kaluwalhatian ng mga katawang makalangit ay isang uri, at yaong sa mga katawang makalupa ay ibang uri.”—1Co 15:39, 40.
May kinalaman sa pagkakaiba ng laman ng iba’t ibang makalupang katawan, ang 1942 edisyon ng Encyclopædia Britannica (Tomo 14, p. 42) ay nagsabi: “Ang isa pang kaibahan ay ang kemikal na indibiduwalidad na makikita sa lahat ng dako, yamang ang bawat naiibang uri ng organismo ay waring may bukod-tangi at sarili nitong protina, at pagkakakilanlang bilis o ritmo ng metabolismo. Sa gayon, sa ilalim ng pangkalahatang katangian ng pagiging patuluyan sa kabila ng walang-tigil na metabolismo, may tatlong bagay na totoo: (1) ang pagbuo ng mga protina na kapalit niyaong mga nasisira, (2) ang pagiging nasa ‘colloidal state’ ng mga protinang ito at (3) ang pagiging katangi-tangi ng mga ito ayon sa bawat uri.”—Amin ang italiko.
Ang Pagsasalin ng Puwersa ng Buhay. Ang puwersa ng buhay na nasa mga nilalang, na pinasimulang pakilusin ni Jehova sa unang nilalang mula sa bawat uri (halimbawa, sa unang mag-asawang tao), ay maipapasa naman sa magiging supling sa pamamagitan ng proseso ng pagpaparami. Sa mga mamalya, kasunod ng paglilihi, tinutustusan ng ina ang sanggol ng oksiheno at ng iba pang pagkain hanggang sa maisilang ito, kung kailan nagsisimula naman itong huminga sa pamamagitan ng mga butas ng ilong nito, sumuso, at sa kalaunan ay kumain.
Nang lalangin si Adan, inanyuan ng Diyos ang katawan ng tao. Upang mabuhay at manatiling buháy ang bagong-lalang na katawang iyon, kinailangan kapuwa ang espiritu (puwersa ng buhay) at ang paghinga. Sinasabi ng Genesis 2:7 na pinasimulang ‘ihihip ng Diyos sa mga butas ng ilong nito ang hininga [anyo ng nesha·mahʹ] ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.’ Tiyak na higit pa sa hininga o hangin na pumapasok sa mga baga ang tinutukoy ng “hininga ng buhay.” Maliwanag na binigyan ng Diyos si Adan kapuwa ng espiritu o ningas ng buhay at ng hininga na kailangan upang mapanatili siyang buháy. Mula noon, si Adan ay nagsimulang magkaroon ng buhay bilang isang persona, magpakita ng mga katangian ng kaniyang personalidad, at sa pamamagitan ng kaniyang pananalita at mga pagkilos ay maipamamalas niya na nakatataas siya sa mga hayop, na siya ay isang “anak ng Diyos,” ginawa ayon sa Kaniyang wangis at larawan.—Gen 1:27; Luc 3:38.
Ang buhay ng tao at mga hayop ay dumedepende kapuwa sa puwersa ng buhay na pinasimulan sa unang nilalang mula sa bawat uri at sa hininga upang matustusan ang puwersa ng buhay na iyon. Ang katotohanang ito ay pinatutunayan ng siyensiya ng biyolohiya. Makikita ito sa paraan kung paano sinisikap uriin ng ilang awtoridad ang iba’t ibang aspekto sa proseso ng kamatayan: Clinical death, ang pagtigil ng mga sangkap ng palahingahan at ng sirkulasyon ng dugo; brain death, ganap at di-na-mapanunumbalik na paghinto ng paggana ng utak; somatic death, ang unti-unti at sa kalaunan ay lubusang pagtigil ng mahahalagang gawain ng lahat ng sangkap at himaymay ng katawan. Kaya naman kahit tumigil na ang paghinga, pagtibok ng puso, at paggana ng utak, ang puwersa ng buhay ay nananatili pa nang ilang sandali sa mga himaymay ng katawan.
Pagtanda at Kamatayan. Ang lahat ng uri ng buhay-halaman, gayundin ng buhay-hayop, ay pansamantala lamang. Ang isang tanong na matagal nang pinag-aaralan ng mga siyentipiko ay, Bakit tumatanda at namamatay ang tao?
Iminumungkahi ng ilang siyentipiko na ang haba ng buhay ng bawat selula ay itinatakda ng mga gene. Bilang suporta nito ay binabanggit nila ang mga eksperimento kung saan ang mga selulang inalagaan sa artipisyal na kapaligiran ay natuklasang tumitigil na maghati-hati pagkatapos ng mga 50 paghahati. Gayunman, nangangatuwiran ang ibang mga siyentipiko na hindi nililinaw ng gayong mga eksperimento kung bakit tumatanda ang buong organismo. Iba’t iba pang mga paliwanag ang ibinibigay, kasama na ang teoriya na ang utak ay naglalabas ng mga hormon na gumaganap ng malaking bahagi sa pagtanda at sa kasunod na kamatayan. Dapat mag-ingat ang isang tao sa pagtanggap ng isang teoriya nang higit kaysa sa isa pa at iminungkahi iyan ng mga komento ni Roy L. Walford, M.D., na nagsabi: “Hindi dapat ipangamba o ikagulat man kung ang Hayflick’s paradigm [ang teoriya na ang pagtanda ay likas na nasa mga gene ng selula] ay mapatunayang mali sa dakong huli, o kung mahalinhan ito ng mas mabuti ngunit sa dakong huli ay isa rin palang maling palagay. Ang lahat ng bagay ay totoo sa sarili nitong kapanahunan.”—Maximum Life Span, 1983, p. 75.
Sa pagsasaalang-alang sa mga tuklas at mga konklusyon ng mga siyentipiko, dapat pansinin na hindi kinikilala ng karamihan na ang buhay ay nagmula sa isang Maylalang. Sa pamamagitan ng sarili nilang mga pagsisikap, umaasa silang matutuklasan nila ang lihim ng pagtanda at kamatayan upang kanilang mapahaba nang walang takda ang buhay ng tao. Nakakaligtaan nila ang katotohanan na ang Maylalang mismo ang nagtalaga ng hatol na kamatayan sa unang mag-asawang tao, anupat ipinatutupad Niya ang hatol na iyon sa paraang hindi lubusang nauunawaan ng tao; sa katulad na paraan, inilalaan niya ang gantimpalang buhay na walang hanggan sa mga nananampalataya sa kaniyang Anak.—Gen 2:16, 17; 3:16-19; Ju 3:16.
Naiwala ni Adan ang buhay para sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga supling. Nang lalangin si Adan, inilagay ng Diyos sa hardin ng Eden “ang punungkahoy ng buhay.” (Gen 2:9) Maliwanag na wala namang likas na nagbibigay-buhay na mga katangian ang bunga ng punungkahoy nito, kundi kumakatawan ito sa garantiya ng Diyos na buhay “hanggang sa panahong walang takda” sa sinumang pahihintulutan ng Diyos na kumain ng bunga nito. Yamang ang punungkahoy ay inilagay roon ng Diyos ukol sa isang layunin, walang alinlangang pahihintulutan sana si Adan na kumain ng bungang ito pagkatapos siyang mapatunayang tapat hanggang sa antas na sa paningin ng Diyos ay kasiya-siya at sapat. Nang sumalansang si Adan, hinadlangan siyang makakain mula sa punungkahoy, anupat sinabi ni Jehova: “Ngayon upang hindi niya iunat ang kaniyang kamay at talagang kumuha rin ng bunga mula sa punungkahoy ng buhay at kumain at mabuhay hanggang sa panahong walang takda,—.” Pagkatapos ay kumilos si Jehova ayon sa kaniyang mga salita. Hindi niya pahihintulutan na ang isa na di-karapat-dapat sa buhay ay tumira sa hardin na ginawa para sa mga taong matuwid at makakain mula sa punungkahoy ng buhay.—Gen 3:22, 23.
Bagaman dating nagtatamasa ng sakdal na buhay na nakasalalay sa pagsunod niya kay Jehova (Gen 2:17; Deu 32:4), nagsimulang maranasan ni Adan sa kaniyang sarili ang mga epekto ng kasalanan at ang bunga nito, ang kamatayan. Gayunpaman, malakas pa rin ang kasiglahan ng kaniyang buhay. Maging sa kaniyang kalunus-lunos na kalagayan na hiwalay sa Diyos at sa tunay na espirituwalidad, nabuhay siya nang 930 taon bago siya pinanaigan ng kamatayan. Samantala, naipasa niya sa kaniyang mga inapo, hindi ang kalubusan ng buhay, kundi isang lawig lamang ng buhay, anupat marami sa mga ito ang nabuhay nang mula 700 hanggang 900 taon. (Gen 5:3-32) Ngunit ang prosesong nangyari kay Adan ay inilarawan ng kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago: “Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan; ang kasalanan naman, kapag naisagawa na ito, ay nagluluwal ng kamatayan.”—San 1:14, 15.
Kung Ano ang Kailangan ng Tao Upang Mabuhay. Hindi lamang kinaliligtaan ng karamihan sa mga siyentipikong imbestigador ang sanhi ng kamatayan ng buong sangkatauhan, kundi higit na mahalaga, ipinagwawalang-bahala nila ang pangunahing salik na kailangan upang mabuhay nang walang hanggan. Bagaman ang katawan ng tao ay kailangang palagiang pakainin at panariwain sa pamamagitan ng paghinga, pag-inom, at pagkain, mayroon pang bagay na lalong higit na mahalaga upang magpatuloy ang buhay. Ipinahayag ni Jehova ang simulaing iyon: “Hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat pananalita sa bibig ni Jehova ay nabubuhay ang tao.” (Deu 8:3) Inulit ni Jesu-Kristo ang kapahayagang ito at sinabi rin niya: “Ang aking pagkain ay ang gawin ko ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.” (Ju 4:34; Mat 4:4) Noong isang pagkakataon naman ay ipinahayag niya: “Kung paanong isinugo ako ng buháy na Ama at ako ay nabubuhay dahil sa Ama, siya rin na kumakain sa akin, maging ang isang iyon ay mabubuhay dahil sa akin.”—Ju 6:57.
Nang lalangin ang tao, ginawa siya ayon sa larawan ng Diyos, ayon sa kaniyang wangis. (Gen 1:26, 27) Sabihin pa, hindi ito tumutukoy sa pisikal na larawan o kaanyuan, sapagkat ang Diyos ay Espiritu, at ang tao ay laman. (Gen 6:3; Ju 4:24) Nangahulugan ito na ang tao, palibhasa’y naiiba sa “walang-katuwirang mga hayop” (2Pe 2:12), ay may kakayahang mangatuwiran; mayroon siyang mga katangiang tulad ng mga katangian ng Diyos, gaya ng pag-ibig, pagkadama ng katarungan, karunungan, at kapangyarihan. (Ihambing ang Col 3:10.) May kakayahan siyang maunawaan kung bakit siya umiiral at kung ano ang layunin sa kaniya ng kaniyang Maylalang. Kaya naman, di-tulad ng mga hayop, binigyan siya ng kakayahang magkaroon ng espirituwalidad. Maaari niyang pahalagahan at sambahin ang Maylalang sa kaniya. Ang kakayahang ito ay lumikha kay Adan ng isang pangangailangan. Kinailangan niya ang higit pa kaysa sa literal na pagkain; kailangan niyang magkaroon ng espirituwal na panustos; kailangan niyang gamitin ang kaniyang espirituwalidad para sa kaniyang mental at pisikal na kapakanan.
Dahil dito, kung hiwalay sa Diyos na Jehova at sa kaniyang espirituwal na mga paglalaan, hindi maaaring magpatuloy ang buhay nang walang takda. Kung tungkol sa pamumuhay nang magpakailanman, sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Ju 17:3.
Pagpapanauli. Sa layuning maisauli sa sangkatauhan ang kasakdalan ng organismo at ang pag-asa ng walang-hanggang buhay, inilaan ni Jehova ang katotohanan, “ang salita ng buhay.” (Ju 17:17; Fil 2:16) Ang pagsunod sa katotohanan ay aakay sa isa sa kaalamang inilaan ng Diyos si Jesu-Kristo, na nagbigay ng kaniyang sarili “bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mat 20:28) Sa ganitong paraan lamang maisasauli ang tao sa lubos na espirituwalidad at gayundin sa pisikal na kasakdalan.—Gaw 4:12; 1Co 1:30; 15:23-26; 2Co 5:21; tingnan ang PANTUBOS.
Kung gayon, sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ay darating ang pagpapanauli tungo sa buhay. Siya ay tinatawag na “ang huling Adan . . . espiritung nagbibigay-buhay.” (1Co 15:45) Tinutukoy siya sa hula bilang “Walang-hanggang Ama” (Isa 9:6) at ang isa na ‘nagbuhos ng kaniyang kaluluwa hanggang sa mismong kamatayan,’ na ang kaluluwa ay ‘nakatalaga bilang handog ukol sa pagkakasala.’ Bilang gayong uri ng “Ama,” kaya niyang ipanauli ang sangkatauhan, sa gayon ay mabibigyan niya ng buhay yaong mga nananampalataya sa paghahandog niya ng kaniyang kaluluwa at yaong mga masunurin.—Isa 53:10-12.
Pag-asa ng mga tao noong sinaunang panahon. Ang tapat na mga tao noong sinaunang mga panahon ay nanghawakan sa pag-asang buhay. Binanggit ng apostol na si Pablo ang bagay na ito. Nagbalik-tanaw siya sa panahon ng mga supling ni Abraham bago ibinigay ang Kautusan, at tinukoy niya ang kaniyang sarili, isang Hebreo, na para bang buháy na siya noon, sa diwa na nasa mga balakang siya ng kaniyang mga ninuno. Nagpaliwanag siya: “Ako ay dating buháy nang hiwalay sa kautusan; ngunit nang dumating ang utos, ang kasalanan ay muling nabuhay, ngunit ako ay namatay. At ang utos na ukol sa buhay, ito ay nasumpungan kong ukol sa kamatayan.” (Ro 7:9, 10; ihambing ang Heb 7:9, 10.) Ang mga lalaking tulad nina Abel, Enoc, Noe, at Abraham ay umasa sa Diyos. Naniwala sila sa “binhi” na susugat sa ulo ng serpiyente, na mangangahulugan ng katubusan. (Gen 3:15; 22:16-18) Inasam-asam nila ang Kaharian ng Diyos, ang “lunsod na may tunay na mga pundasyon.” Naniwala sila sa pagkabuhay-muli ng mga patay tungo sa buhay.—Heb 11:10, 16, 35.
Nang ibigay ang Kautusan, sinabi ni Jehova: “Tutuparin ninyo ang aking mga batas at ang aking mga hudisyal na pasiya, na kung gagawin ng isang tao ay mabubuhay rin siya sa pamamagitan ng mga iyon.” (Lev 18:5) Walang alinlangang ibinunyi ng mga Israelita ang Kautusan nang tanggapin nila iyon yamang nag-alok ito sa kanila ng pag-asang buhay. Ang Kautusan ay “banal at matuwid” at ang isa na lubusang makapamumuhay ayon sa mga pamantayan nito ay ibibilang na ganap na matuwid. (Ro 7:12) Ngunit, sa halip na magbigay ng buhay, ipinakita ng Kautusan na ang buong Israel, at ang sangkatauhan sa pangkalahatan, ay di-sakdal at makasalanan. Karagdagan pa, hinatulan nito ng kamatayan ang mga Judio. (Gal 3:19; 1Ti 1:8-10) Tunay, gaya ng sinasabi ni Pablo, “nang dumating ang utos, ang kasalanan ay muling nabuhay, ngunit ako ay namatay.” Samakatuwid, hindi maaaring magkaroon ng buhay sa pamamagitan ng Kautusan.
Nagpaliwanag ang apostol: “Kung isang kautusan na makapagbibigay-buhay ang ibinigay, ang katuwiran ay naging sa pamamagitan nga sana ng kautusan.” (Gal 3:21) Ang mga Judio ay ipinakitang mga makasalanan dahil sila’y mga supling ni Adan, ngunit hinatulan din sila dahil sa kanilang paglabag sa Kautusan. Sa dahilang ito, si Kristo ay namatay sa pahirapang tulos, gaya ng sinabi ni Pablo: “Sa pamamagitan ng pagbili ay pinalaya tayo ni Kristo mula sa sumpa ng Kautusan sa pamamagitan ng pagiging isang sumpa na kapalit natin, sapagkat nasusulat: ‘Isinumpa ang bawat tao na nakabayubay sa tulos.’” (Gal 3:13) Sa pag-aalis sa hadlang na ito, samakatuwid nga, ang sumpang sumapit sa mga Judio dahil sa paglabag nila sa Kautusan, inalis ni Jesu-Kristo para sa mga Judio ang harang na ito tungo sa buhay, anupat binigyan niya sila ng pagkakataon ukol sa buhay. Sa gayon, ang kaniyang pantubos ay maaaring magdulot ng kapakinabangan sa kanila at gayundin sa iba pa.
Ang buhay na walang hanggan ay gantimpala mula sa Diyos. Maliwanag na makikita sa buong Bibliya na ang pag-asa ng mga lingkod ni Jehova ay buhay na walang hanggan mula sa mga kamay ng Diyos. Ang pag-asang ito ang nagpasigla sa kanila na ingatan ang kanilang katapatan. At hindi naman ito mapag-imbot na pag-asa. Ang apostol ay sumulat: “Bukod diyan, kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan siya nang lubos, sapagkat siya na lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya nga ay umiiral at na siya ang nagiging tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Heb 11:6) Gayong uri siya ng Diyos; isa iyon sa kaniyang mga katangian na dahil doon ay nararapat siyang pag-ukulan ng lubos na debosyon ng kaniyang mga nilalang.
Imortalidad, kawalang-kasiraan, buhay taglay ang tulad-Diyos na kalikasan. Sinasabi ng Bibliya na si Jehova ay nagtataglay ng imortalidad at kawalang-kasiraan. (1Ti 1:17) Una niya itong ipinagkaloob sa kaniyang Anak. Noong panahong sumulat ang apostol na si Pablo kay Timoteo, si Kristo pa lamang ang kaisa-isa na binigyan ng imortalidad. (1Ti 6:16) Ngunit ipinangako ito sa iba pa, yaong magiging espirituwal na mga kapatid ni Kristo. (Ro 2:7; 1Co 15:53, 54) Gayundin, ang mga ito ay makikibahagi sa “tulad-Diyos na kalikasan”; makikibahagi sila kay Kristo sa kaniyang kaluwalhatian. (2Pe 1:4) Ang mga anghel ay mga espiritung nilalang, ngunit hindi sila imortal, sapagkat yaong naging mga balakyot na demonyo ay pupuksain.—Mat 25:41; Luc 4:33, 34; Apo 20:10, 14; tingnan ang IMORTALIDAD; KAWALANG-KASIRAAN.
Buhay sa lupa na walang kasiraan. Kumusta naman ang iba pa sa sangkatauhan na hindi tatanggap ng buhay sa langit? Sinipi ng apostol na si Juan ang sinabi ni Jesus: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Ju 3:16) Sa kaniyang talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing, yaong mga mula sa mga bansa na ibinukod sa dakong kanan ni Jesus bilang mga tupa ay papasok “sa buhay na walang hanggan.” (Mat 25:46) Tinukoy ni Pablo ang “mga anak ng Diyos” at “mga kasamang tagapagmana ni Kristo” at sinabing ang “may-pananabik na pag-asam ng sangnilalang ay naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos.” Pagkatapos ay sinabi niya na “ang sangnilalang din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Ro 8:14-23) Nang lalangin si Adan bilang sakdal na tao, siya ay isang “anak ng Diyos.” (Luc 3:38) Ang makahulang pangitain sa Apocalipsis 21:1-4 ay tumuturo sa panahon ng “isang bagong langit” at “isang bagong lupa” at nangangako na sa panahong iyon ay “hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” Yamang ang pangakong ito ay ibinibigay, hindi sa mga espiritung nilalang, kundi espesipikong sa “sangkatauhan,” tinitiyak nito na ang isang bagong makalupang lipunan ng sangkatauhan na mabubuhay sa ilalim ng “bagong langit” ay makararanas ng pagsasauli ng isip at katawan tungo sa lubos na kalusugan at buhay na walang hanggan bilang makalupang “mga anak ng Diyos.”
Sa kaniyang utos kay Adan, ipinahiwatig ng Diyos na kung susundin siya ni Adan, hindi ito mamamatay. (Gen 2:17) Gayundin naman ang masunuring sangkatauhan, kapag pinawi na ang huling kaaway ng tao, ang kamatayan, wala nang kasalanang gagana sa kanilang mga katawan upang magdulot ng kamatayan. Hanggang sa panahong walang takda ay hindi na nila kailangang mamatay. (1Co 15:26) Ang pagpawing ito sa kamatayan ay magaganap sa katapusan ng paghahari ni Kristo, na ipinakikita ng aklat ng Apocalipsis bilang 1,000 taon ang haba. Dito ay sinasabi na yaong magiging mga hari at mga saserdote na kasama ni Kristo ay “nabuhay at namahala bilang mga hari na kasama ng Kristo sa loob ng isang libong taon.” Malamang na “ang iba pa sa mga patay” na hindi nabuhay “hanggang sa matapos ang isang libong taon” ay yaong mga buháy hanggang sa katapusan ng isang libong taon, ngunit bago pakawalan si Satanas mula sa kalaliman upang magpasapit ng pangwakas na pagsubok sa sangkatauhan. Sa katapusan ng isang libong taon, naabot na ng mga tao sa lupa ang kasakdalan bilang tao, anupat nasa kalagayan nina Adan at Eva bago nagkasala ang mga ito. Sa panahong iyon ay talagang tatamasahin na nila ang sakdal na buhay. Pagkatapos nito, yaong mga makapapasa sa pagsubok kapag pinakawalan si Satanas mula sa kalaliman sa loob ng maikling panahon ay maaari nang magtamasa ng buhay na iyon magpakailanman.—Apo 20:4-10.
Ang Daan ng Buhay. Isiniwalat ni Jehova, ang Bukal ng buhay, ang daan ng buhay sa pamamagitan ng kaniyang Salita ng katotohanan. Ang Panginoong Jesu-Kristo ay “nagpasikat ng liwanag sa buhay at kawalang-kasiraan sa pamamagitan ng mabuting balita.” (2Ti 1:10) Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Ang espiritu ang siyang nagbibigay-buhay; ang laman ay walang anumang kabuluhan. Ang mga pananalitang sinalita ko sa inyo ay espiritu at buhay.” Di-nagtagal, tinanong ni Jesus ang kaniyang mga apostol kung iiwanan nila siya, gaya ng ginawa ng iba. Tumugon si Pedro: “Panginoon, kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan.” (Ju 6:63, 66-68) Tinawag ng apostol na si Juan si Jesus bilang “salita ng buhay,” at sinabi niya: “Sa pamamagitan niya ay [umiral ang] buhay.”—1Ju 1:1, 2; Ju 1:4.
Batay sa mga salita ni Jesus, maliwanag na walang saysay ang mga pagsisikap ng mga tao upang pahabain ang buhay nang walang takda o ang mga teoriya na ang ilang kaugalian sa pagkain o mga pamamaraan ay magbibigay ng buhay sa sangkatauhan. Pansamantalang kabutihan lamang sa kalusugan ang maidudulot ng mga ito. Ang tanging daan ng buhay ay ang pagsunod sa mabuting balita, ang “salita ng buhay.” (Fil 2:16) Upang magkamit ng buhay, dapat ituon ng indibiduwal ang kaniyang kaisipan “sa mga bagay na nasa itaas, hindi sa mga bagay na nasa ibabaw ng lupa.” (Col 3:1, 2) Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig: “Siya na nakikinig sa aking salita at naniniwala sa kaniya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan, at hindi siya hahantong sa paghatol kundi nakatawid na mula sa kamatayan tungo sa buhay.” (Ju 5:24; 6:40) Hindi na sila mga makasalanang hinatulan, na nasa daan ng kamatayan. Sumulat ang apostol na si Pablo: “Kaya nga yaong mga kaisa ni Kristo Jesus ay walang kahatulan. Sapagkat ang kautusan ng espiritung iyon na nagbibigay ng buhay kaisa ni Kristo Jesus ay nagpalaya na sa iyo mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.” (Ro 8:1, 2) Sinabi ni Juan na alam ng isang Kristiyano na siya ay “nakatawid na mula sa kamatayan tungo sa buhay” kung iniibig niya ang kaniyang mga kapatid.—1Ju 3:14.
Yamang “walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na siya nating dapat ikaligtas,” ang humahanap ng buhay ay dapat sumunod kay Kristo. (Gaw 4:12) Ipinakita ni Jesus na ang isang tao ay dapat na maging palaisip sa kaniyang espirituwal na pangangailangan; dapat na siya ay nagugutom at nauuhaw ukol sa katuwiran. (Mat 5:3, 6) Hindi lamang siya dapat makinig sa mabuting balita kundi dapat din siyang manampalataya kay Jesu-Kristo at sa pamamagitan nito ay tumawag siya sa pangalan ni Jehova. (Ro 10:13-15) Bilang pagsunod sa halimbawa ni Jesus, magpapabautismo siya sa tubig. (Mat 3:13-15; Efe 4:5) Pagkatapos ay dapat niyang patuloy na hanapin ang Kaharian at ang katuwiran ni Jehova.—Mat 6:33.
Ingatan ang Puso. Ang tao na naging alagad ni Jesu-Kristo ay dapat magpatuloy sa daan ng buhay. Binababalaan siya: “Siyang nag-iisip na nakatayo siya ay mag-ingat upang hindi siya mabuwal.” (1Co 10:12) Pinapayuhan siya: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan mo ang iyong puso, sapagkat nagmumula rito ang mga bukal ng buhay.” (Kaw 4:23) Ipinakita ni Jesus na sa puso nanggagaling ang balakyot na mga pangangatuwiran, pangangalunya, pagpaslang, at iba pa. Ang mga bagay na ito ay hahantong sa kamatayan. (Mat 15:19, 20) Ang pagbabantay laban sa gayong mga pangangatuwiran ng puso sa pamamagitan ng pagtustos sa puso ng nagbibigay-buhay na pagkaing espirituwal, ang katotohanan mula sa dalisay na Bukal ng buhay, ay mag-iingat sa puso upang huwag itong mapasamâ anupat maalis ang taong iyon mula sa daan ng buhay.—Ro 8:6; tingnan ang PUSO.
Upang maingatan ang buhay ng isa sa pamamagitan ng pagbabantay sa puso, ang dila ay dapat supilin. “Ang kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila, at siyang umiibig dito ay kakain ng bunga nito.” (Kaw 18:21) Ang dahilan ay ipinaliwanag ni Jesus: “Ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso, at ang mga bagay na iyon ang nagpaparungis sa isang tao.” (Mat 15:18; San 3:5-10) Ngunit sa pamamagitan ng wastong paggamit ng dila upang papurihan ang Diyos at upang magsalita ng mga bagay na tama, ang isa ay nagpapatuloy sa daan ng buhay.—Aw 34:12-14; 63:3; Kaw 15:4.
Ang Kasalukuyang Buhay na Ito. Pagkatapos masubukan ang lahat ng iniaalok ng buhay na ito sa pamamagitan ng kayamanan, mga bahay, mga hardin, at mga anyo ng kasiyahan, si Haring Solomon ay sumapit sa ganitong konklusyon: “Kinapootan ko ang buhay, sapagkat ang gawa na ginawa sa ilalim ng araw ay kapaha-pahamak ayon sa aking pangmalas, sapagkat ang lahat ng bagay ay walang kabuluhan at paghahabol sa hangin.” (Ec 2:17) Hindi naman ang buhay mismo ang kinapootan ni Solomon, sapagkat ito ay isang ‘mabuting kaloob at sakdal na regalo mula sa itaas.’ (San 1:17) Kinapootan ni Solomon ang kapaha-pahamak at walang-kabuluhang buhay na nararanasan ng isa sa kaniyang pamumuhay gaya rin ng kasalukuyang sanlibutan ng mga tao, na nasa ilalim ng kawalang-saysay. (Ro 8:20) Sa konklusyon ng kaniyang aklat, ibinigay ni Solomon ang payo na matakot sa tunay na Diyos at tuparin ang kaniyang mga utos, na siyang daan ng tunay na buhay. (Ec 12:13, 14; 1Ti 6:19) Ang apostol na si Pablo ay nagsalita tungkol sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano, anupat sinabi niya na, pagkatapos ng kanilang puspusang pangangaral at pagpapatotoo tungkol kay Kristo at ng pagkabuhay-muli sa harap ng pag-uusig, “kung sa buhay na ito lamang tayo umaasa kay Kristo, tayo sa lahat ng mga tao ang pinakakahabag-habag.” Bakit? Sapagkat kung gayon ay bulaang pag-asa lamang ang pinananaligan nila. “Gayunman,” nagpatuloy si Pablo, “si Kristo nga ay ibinangon mula sa mga patay.” “Dahil dito, mga kapatid kong minamahal,” bilang pagtatapos niya, “maging matatag kayo, di-natitinag, na laging maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon, sa pagkaalam na ang inyong pagpapagal may kaugnayan sa Panginoon ay hindi sa walang kabuluhan.”—1Co 15:19, 20, 58.
Mga Punungkahoy ng Buhay. Bukod sa punungkahoy ng buhay sa Eden (Gen 2:9), na tinalakay na rito, ang pananalitang “[mga] punungkahoy ng buhay” ay lumitaw rin nang ilang ulit sa Kasulatan, laging sa makasagisag o simbolikong diwa. Ang karunungan ay tinatawag na “isang punungkahoy ng buhay para sa mga tumatangan dito,” sapagkat tutustusan sila nito ng kailangan nila, hindi lamang upang masiyahan sa kanilang kasalukuyang buhay kundi upang tumanggap din ng walang-hanggang buhay, samakatuwid nga, ng kaalaman sa Diyos at ng kaunawaan at katinuan upang sundin ang kaniyang mga utos.—Kaw 3:18; 16:22.
“Ang bunga ng matuwid ay punungkahoy ng buhay, at siyang nagwawagi ng mga kaluluwa ay marunong,” sabi ng isa pang kawikaan. (Kaw 11:30) Sa pamamagitan ng kaniyang salita at halimbawa, ang taong matuwid ay nagwawagi ng mga kaluluwa, samakatuwid nga, sa pamamagitan ng pakikinig nila sa kaniya, ang mga tao ay nakakakuha ng pagkaing espirituwal, naaakay upang maglingkod sa Diyos, at tumatanggap ng buhay na nagiging posible dahil sa Diyos. Sa katulad na paraan, “ang kahinahunan ng dila ay punungkahoy ng buhay, ngunit ang pagpilipit nito ay pagkalugmok ng espiritu.” (Kaw 15:4) Ang mahinahong pananalita ng taong marunong ay tumutulong at nagpapaginhawa sa espiritu ng mga nakikinig sa kaniya, lumilinang ng mabubuting katangian sa kanila, umaalalay sa kanila sa daan ng buhay, ngunit ang pagpilipit ng dila ay tulad ng masamang bunga; nagdudulot ito ng kaligaligan at pagkasira ng loob, anupat nakapipinsala sa mga nakikinig dito.
Ang Kawikaan 13:12 ay kababasahan: “Ang inaasam na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso, ngunit ang bagay na ninanasa ay punungkahoy ng buhay kapag ito ay dumating.” Ang katuparan ng isang bagay na ninanais at matagal nang hinihintay ay nakapagpapalakas at nakapagpapaginhawa, anupat nagbibigay ng panibagong sigla.
Ipinangangako ng niluwalhating si Jesu-Kristo sa nananaig na Kristiyano na pagkakalooban Niya ito na kumain mula sa “punungkahoy ng buhay, na nasa paraiso ng Diyos.” (Apo 2:7) Muli, sa huling mga talata ng aklat ng Apocalipsis, mababasa natin: “At kung ang sinuman ay mag-alis ng anuman mula sa mga salita ng balumbon ng hulang ito, aalisin ng Diyos ang kaniyang bahagi mula sa mga punungkahoy ng buhay at mula sa banal na lunsod, na mga bagay na nakasulat sa balumbong ito.” (Apo 22:19) Sa konteksto ng dalawang tekstong ito sa Kasulatan, si Kristo Jesus ay nagsasalita sa mga nananaig, na hindi “mapipinsala ng ikalawang kamatayan” (Apo 2:11), bibigyan ng “awtoridad sa mga bansa” (Apo 2:26), gagawing isang “haligi sa templo ng aking Diyos” (Apo 3:12), at uupong kasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na trono. (Apo 3:21) Kaya ang punungkahoy o mga punungkahoy ay hindi maaaring maging literal, sapagkat ang mga nananaig na kakain mula rito ay yaong mga kabahagi sa makalangit na pagtawag (Heb 3:1), na pinaglaanan ng mga dako sa langit. (Ju 14:2, 3; 2Pe 1:3, 4) Samakatuwid, ang (mga) punungkahoy ay sumasagisag sa paglalaan ng Diyos ukol sa namamalaging buhay, anupat sa kasong ito ay sumasagisag sa makalangit at imortal na buhay na ibinibigay sa mga tapat dahil sa pananaig kasama ni Kristo.
Sa Apocalipsis 22:1, 2, binanggit ang “mga punungkahoy ng buhay” sa isang naiibang konteksto. Dito, ang mga bansa ay ipinakikitang nakikibahagi sa mga dahon ng mga punungkahoy sa layuning mapagaling. Sila ay nasa tabi ng ilog na umaagos mula sa templong palasyo ng Diyos, na kinaroroonan ng kaniyang trono. Ang larawang ito ay lumilitaw pagkatapos ng tagpo ng pagtatatag ng bagong langit at ng bagong lupa at pagkatapos sabihin na “ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan.” (Apo 21:1-3, 22, 24) Kung gayon, sa makasagisag na paraan, ang mga ito ay mga paglalaan na nagpapagaling at tumutustos-buhay para sa sangkatauhan, para sa kanilang buhay na walang hanggan sa dakong huli. Ang pinagmumulan ng gayong mga paglalaan ay ang maharlikang trono ng Diyos at ng Kordero na si Jesu-Kristo.
Ilang ulit na tinutukoy ang “balumbon ng buhay” o “aklat” ng Diyos. Maliwanag na naglalaman ito ng mga pangalan ng lahat ng mga nakahanay na tumanggap ng kaloob na buhay na walang hanggan alinman sa langit o sa lupa, dahil sa kanilang pananampalataya. Naglalaman ito ng mga pangalan ng mga lingkod ni Jehova “mula pa nang pagkakatatag ng sanlibutan,” samakatuwid nga, ang sanlibutan ng sangkatauhang maaaring tubusin. Kaya lumilitaw na ang pangalan ng matuwid na si Abel ang unang nakasulat sa “balumbon.”—Apo 17:8; Mat 23:35; Luc 11:50, 51.
Ano ang isinasagisag ng pagkakasulat ng pangalan ng isa sa “aklat” o “balumbon ng buhay” ng Diyos?
Ang pagkakasulat ng pangalan ng isang tao sa “aklat ng buhay” ay hindi nagtatadhana sa kaniya ukol sa walang-hanggang buhay. Ang pananatili roon ng kaniyang pangalan ay depende sa kaniyang pagsunod. Kaya naman nakiusap si Moises kay Jehova para sa Israel: “Ngayon kung pagpapaumanhinan mo ang kanilang kasalanan,—at kung hindi, pawiin mo ako, pakisuyo, mula sa iyong aklat na isinulat mo.” Sumagot si Jehova: “Ang sinumang nagkasala laban sa akin, papawiin ko siya mula sa aking aklat.” (Exo 32:32, 33) Ipinahihiwatig nito na magkakaroon ng mga pagbabago ang talaan ng mga pangalan sa “aklat” dahil sa pagsuway ng ilan, anupat ang kanilang mga pangalan ay “papawiin” mula sa “aklat.”—Apo 3:5.
Sa tagpo ng paghatol na nasa Apocalipsis 20:11-15, sa panahon ng Milenyong Paghahari ni Kristo, ipinakikitang nakabukas ang “balumbon ng buhay” upang sulatan ng karagdagang mga pangalan; may binuksan ding mga balumbon ng tagubilin. Sa gayon, yaong mga babalik sa ‘pagkabuhay-muli ng mga di-matuwid’ ay magkakaroon ng pagkakataon na ang kanilang mga pangalan ay maisulat sa “balumbon ng buhay,” kung may-pagkamasunurin nilang tutuparin ang mga gawang kasuwato ng mga balumbon ng tagubilin. (Gaw 24:15) Sabihin pa, pagdating ng panahong iyon, ang mga pangalan ng tapat na mga lingkod ng Diyos na babalik sa ‘pagkabuhay-muli ng mga matuwid’ ay nakasulat na sa “balumbon ng buhay.” Sa pamamagitan ng kanilang matapat na pagsunod sa mga tagubilin mula sa Diyos, mapananatili nila roon ang kanilang mga pangalan.
Paano permanenteng mapananatili ng isang tao ang kaniyang pangalan sa “aklat ng buhay”? Para sa mga nakahanay na tumanggap ng buhay sa langit, ito ay sa pamamagitan ng ‘pananaig’ sa sanlibutang ito taglay ang pananampalataya, anupat pinatutunayang sila ay ‘tapat maging hanggang sa kamatayan.’ (Apo 2:10; 3:5) Para naman sa mga nakahanay na tumanggap ng buhay sa lupa, ito ay sa pamamagitan ng pagpapatunay na matapat sila kay Jehova sa isang panghuling pagsubok sa katapusan ng Milenyong Paghahari ni Kristo. (Apo 20:7, 8) Permanenteng iingatan ng Diyos sa “aklat ng buhay” ang mga pangalan niyaong mga makapagpapanatili ng kanilang katapatan sa panghuling pagsubok na iyon, sa gayon ay kinikilala ni Jehova na sila ay matuwid sa ganap na diwa at karapat-dapat sa buhay na walang hanggan sa lupa.—Ro 8:33.
“Ang balumbon ng Kordero.” Ang “balumbon ng buhay ng Kordero” ay isang hiwalay na balumbon, lumilitaw na kababasahan lamang ng mga pangalan niyaong mga makikibahaging kasama ng Kordero, si Jesu-Kristo, sa kaniyang pamamahala sa Kaharian, kabilang na yaong mga narito pa sa lupa na nakahanay na tumanggap ng buhay sa langit. (Apo 13:8; ihambing ang Apo 14:1, 4.) Yaong mga nakatala sa “balumbon ng Kordero” ay binabanggit na pumapasok sa banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem, sa gayon ay nagiging bahagi ng makalangit na Mesiyanikong Kaharian. (Apo 21:2, 22-27) Ang kanilang mga pangalan ay nakasulat kapuwa sa “balumbon ng Kordero” at sa isa pang balumbon, ang “aklat ng buhay” ng Diyos.—Fil 4:3; Apo 3:5.
Ang Ilog ng Tubig ng Buhay. Sa pangitain ni Juan sa aklat ng Apocalipsis, nakakita siya ng “isang ilog ng tubig ng buhay, malinaw na gaya ng kristal, na umaagos mula sa trono ng Diyos at ng Kordero” sa gitna ng malapad na daan ng banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem. (Apo 22:1, 2; 21:2) Ang tubig ay mahalaga sa buhay. Ang pangitain ay nagsimulang matupad sa “araw ng Panginoon,” di-nagtagal matapos itatag ang Kaharian ng Diyos. (Apo 1:10) Sa panahong iyon, may mga kabilang sa uring “kasintahang babae” na narito pa sa lupa upang personal nilang maanyayahan ang “sinumang nauuhaw” para uminom ng tubig ng buhay nang walang bayad. (Apo 22:17) Pagkatapos na wasakin ang kasalukuyang sistema ng mga bagay, ang ilog ay patuloy na aagos, palakas nang palakas, sa bagong sanlibutan. Binabanggit sa pangitain na sa tabi ng ilog ay may mga punungkahoy na nagluluwal ng bunga, at may mga dahon para sa pagpapagaling sa mga bansa. Samakatuwid, ang tubig na nagbibigay-buhay ay ang mga paglalaan ni Jehova ukol sa buhay sa pamamagitan ng Kordero, si Jesu-Kristo, para sa lahat ng nasa lupa na tatanggap ng buhay.
‘Halumigmig ng Buhay.’ Sa Awit 32:1-5, ipinakikita ni David ang kaligayahang dulot ng kapatawaran, bagaman isinisiwalat din niya ang kabagabagang dinaranas ng isang tao bago nito ipagtapat kay Jehova ang paglabag at bago ito pagpaumanhinan ng Diyos. Bago nagtapat ang salmista at habang sinisikap niyang ikubli ang kaniyang pagkakamali, binagabag siya ng kaniyang budhi at sinabi niya: “Ang halumigmig ng aking buhay ay nabagong gaya ng tuyong init ng tag-araw.” Nanghina siya dahil sa pagsisikap niyang supilin ang kaniyang nababagabag na budhi, at inubos ng panggigipuspos ang kaniyang kasiglahan kung paanong naiwawala ng isang punungkahoy ang nagbibigay-buhay na halumigmig sa panahon ng tagtuyot o sa matindi at tuyong init ng tag-araw. Waring ipinahihiwatig ng mga salita ni David na dumanas siya ng masasamang epekto kapuwa sa mental at sa pisikal na paraan, o sa paanuman ay naiwala niya ang kalakhan ng kaniyang kagalakan sa buhay, dahil hindi niya ipinagtapat ang kaniyang pagkakasala. Tanging ang pagtatapat kay Jehova ang makapagdudulot ng pagpapaumanhin at ginhawa.—Kaw 28:13.
Ang “Supot ng Buhay.” Nang mamanhik si Abigail kay David na huwag ituloy ang plano nitong maghiganti kay Nabal upang hindi ito magkasala sa dugo, sinabi niya: “Kapag tumindig ang tao upang tugisin ka at hanapin ang iyong kaluluwa, ang kaluluwa ng aking panginoon ay tiyak na mababalot sa supot ng buhay na taglay ni Jehova na iyong Diyos; ngunit, kung tungkol sa kaluluwa ng iyong mga kaaway, ihihilagpos niya iyon na parang mula sa loob ng pinakalundo ng panghilagpos.” (1Sa 25:29-33) Kung paanong binabalot ng isang tao ang isang bagay na mahalaga upang mapangalagaan at maingatan ito, ang buhay ni David bilang indibiduwal ay nasa mga kamay ng Diyos na buháy, at iingatan Niya ang buhay ni David mula sa mga kaaway nito, hangga’t hindi tinatangka ni David na iligtas ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng sarili niyang kamay, kundi naghihintay siya kay Jehova. Gayunman, ang kaluluwa ng mga kaaway ni David ay itatapon ng Diyos.