Magtatagumpay ba ang mga Pakana Ukol sa Pandaigdig na Katiwasayan?
“ANG Cold War, na umiral sa daigdig nang mahigit na 40 taon, ay waring sa tulong ng Diyos natapos na,” ang sabi ng One World, isang magasin ng WCC (World Council of Churches). “Ang makahulugang mga pangyayari sa Central at Silangang Europa . . . ay waring may mabuting palatandaan para sa kapayapaan at katiwasayan sa Europa at sa natitirang bahagi ng daigdig,” isinusog ng Anglicanong manunulat na si John Pobee, ng WCC’s Programme on Theological Education.
Hindi lamang ang mga kinatawan ng WCC ang nag-uugnay sa Diyos at sa mga pakana ng tao para sa pandaigdig na katiwasayan. Noong Abril 1991, katatapos lamang ng digmaan sa Persian Gulf, si Papa Juan Paulo ay nagpadala ng mensahe sa dating UN secretary-general Javier Pérez de Cuéllar na ganito ang sinasabi: “Ang mga obispo ng mga Simbahang Katoliko ng Gitnang Silangan at ng Kanluran ay may tiwala sa gawain ng Nagkakaisang mga Bansa . . . Sila’y umaasa na, sa pamamagitan ng Nagkakaisang mga Bansa at ng natatanging mga organisasyon nito, yaong mga inilagay ng kamakailang digmaan sa isang kalagayan ng apurahang pangangailangan ay hindi mabibigo sa pagkasumpong ng internasyonal na sensitibidad at solidaridad.”
Isa pa, ang Vaticano ay isa sa 35 Estado na bumuo at lumagda kapuwa sa 1975 Helsinki Agreement at sa 1986 Stockholm Document. Nang ipahayag ng Nagkakaisang mga Bansa ang 1986 bilang ang “Internasyonal na Taon ng Kapayapaan,” ang papa ay tumugon sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa mga kinatawan ng mga pangunahing relihiyon ng daigdig upang sumali sa isang selebrasyon ng “Pandaigdig na Araw ng Pananalangin Ukol sa Kapayapaan.” Noong Oktubre 1986, ang mga kinatawan ng Buddhista, Hindu, Islamico, Shinto, Anglicano, Lutherano, Greek Orthodox, Judio, at iba pang mga relihiyon ay nagsiupong sama-sama sa Assisi, Italya, at hali-haliling nanalangin ukol sa kapayapaan ng daigdig.
Mga ilang taon ang nakalipas, sa isang sermon na kaniyang binigkas sa Roma, ang Anglicanong Arsobispo ng Canterbury ay nakaalaala ng binanggit na okasyon. “Sa Assisi,” aniya, “aming nasaksihan ang nagawa ng Obispo ng Roma [ang papa] na tipuning sama-sama ang mga Iglesiyang Kristiyano. Kami’y nakapanalanging sama-sama, nakapagsalitang sama-sama at nakakilos na sama-sama ukol sa kapayapaan at sa ikabubuti ng sangkatauhan . . . Sa kinusang pananalanging iyon ukol sa kapayapaan ng daigdig nadama kong ako’y nasa harap ng Diyos na nagsabi ‘Narito ako’y gumagawa ng isang bagong bagay.’ ”
Ang ibang mga relihiyon, bagaman walang kinatawan sa Assisi, ay may maaliwalas na pag-asa rin tungkol sa mga pakana ng tao para sa pandaigdig na katiwasayan. Isang editoryal sa Die Kerkbode, ang opisyal na lathalain ng Dutch Reformed Church ng South Africa, ay nagsabi: “Nararanasan natin ang paglipat tungo sa isang bagong sanlibutang kaayusan. Ang waring hindi man lamang naiisip mga ilang taon na ngayon ang nakalipas ay nangyayari sa harap na harap ng ating mga mata. Ang pagkakasundong nagaganap sa lalong malaking eksena ng daigdig sa pagitan ng Unyon Sobyet at ng Kanluran ay may malawak na mga kahulugan sa rehiyon. Sa ating bahagi ng daigdig, ang tradisyonal na nagkakasalungatang mga tao na karaniwan nang sumasalungat sa isa’t isa at pusakal na magkakaaway ay nag-uusap na sa isa’t isa, at ang hilig sa ‘kapayapaan’ ay bumabangon na saanman . . . Sa isang punto de vistang Kristiyano, lahat ng pagsisikap na makapagtatag ng kapayapaan sa pagitan ng mga tao ay dapat na ikalugod. Maaari na tayong manalangin ukol sa kapayapaan sa panahon natin.”
Pinagpapala ba ng Diyos ang mga pakana ng tao para sa pandaigdig na katiwasayan?
Ano ba ang Sinasabi ng Bibliya?
Kung tungkol sa pagtitiwala sa mga pagsisikap ng tao, ang Bibliya ay nagbibigay ng isang tuwirang babala: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, ni sa anak man ng makalupang tao, na hindi makapagliligtas. Ang espiritu niya ay pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:3, 4) Ang kasalukuyang pagsulong tungo sa kapayapaan ay waring nakapagpapatibay-loob. Ngunit tayo’y kailangang maging makatotohanan. Ang mga kapangyarihan ng tao ay limitado. Malimit, ang mga pangyayari ay mas malalaki kaysa kanila. Sila’y pambihirang nakauunawa ng mga pailalim na nangyayari, ang nakukubling mga puwersa, na sumisira sa kanilang pinakamagagaling na plano.
Pitong daang taon bago ng panahon ni Jesus, noong kaarawan ni propeta Isaias, ang mga lider na Judio ay nagpaplano ng katiwasayan sa pamamagitan ng internasyonal na tratado na binuong kasama ng karatig na mga bansa sa paraan na maihahambing sa nagaganap ngayon. Noong mga kaarawan ding iyon, ang relihiyosong mga lider ay sumuporta sa ginagawa ng mga pulitiko. Subalit si Isaias ay nagbabala: “Magsaplano kayo ng isang pakana, at yao’y masisira! Magsalita kayo ng anumang salita, at yao’y hindi tatayo.” (Isaias 8:10) Ang kanilang pakana ay lumabas na isang kapaha-pahamak na pagkabigo. Maaari rin kayang mangyari ang ganiyang bagay sa ngayon?
Oo, maaari, yamang sa pamamagitan ng propeta ring iyon, ang Diyos ay nagpahayag na Siya’y may Kaniyang sariling paraan ng pagdadala ng katiwasayan sa lupa. Iyon ay, hindi sa pamamagitan ng anumang organisasyon ng tao, kundi sa pamamagitan ng isang inapo ng haring Israelita na si David. (Isaias 9:6, 7) Ang Tagapagmanang ito ni Haring David ay si Jesu-Kristo, na, nang tanungin ni Poncio Pilato, inamin niya na siya’y isang Hari ngunit nagsabi: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36; Lucas 1:32) Sa katunayan, ang Kaharian ni Jesus ay makalangit. At ito—hindi ang Nagkakaisang mga Bansa o anumang pulitikal na bansa—ang magdadala ng walang-hanggan, maaasahang katiwasayan sa lupang ito.—Daniel 2:44.
Inihula ni Jesu-Kristo na ang kaniyang Kaharian ay magsisimulang maghari buhat sa langit sa panahon na may “mga digmaan at balita ng mga digmaan,” na ‘bansa ay babangon laban sa bansa at kaharian laban sa kaharian.’ Ang katuparan ng hula ang nagtatakda na ang 1914 ang panahon na naganap iyan at ipinakikilalang ang mga taon sapol noon “ang katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mateo 24:3, 6-8.
Ano ba ang ibig sabihin nito? Na ang panahong natitira para sa kasalukuyang kalakaran ng daigdig ay limitado, at hindi na magtatagal ito ay mauubos na. Iyan ba ay isang dahilan upang mabahala o malungkot? Hindi, kung nagugunita natin ang kalupitan, ang kawalang katarungan, ang paniniil, ang digmaan, at lahat ng pagdurusa na makikita sa sistemang ito ng mga bagay. Tiyak na iyan ay isang panahon ng kaginhawahan sa ilalim ng paniniwala ng isang hari na tungkol sa kaniya’y sinasabi ng Salita ng Diyos, ang Bibliya: “Ang espiritu ni Jehova ay sasakaniya, ang espiritu ng karunungan at ng kaunawaan, ang espiritu ng payo at ng kalakasan, ang espiritu ng kaalaman at ng pagkatakot kay Jehova.”—Isaias 11:2.
Ang Tunay na Katiwasayan sa Lupa
Sa katunayan, hindi magkakaroon ng tunay na katiwasayan sa lupa hanggang, sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, hindi natutupad ang hula ni Isaias sa lawak na pambuong-daigdig: “Ako’y lumilikha ng mga bagong langit at isang bagong lupa; at ang dating mga bagay ay hindi maaalaala, o mapapasapuso man.” (Isaias 65:17) Gaano man karaming mga panalangin ang usalin ng relihiyosong mga lider sa kapakanan ng sanlibutang ito, ang mga pakana ng tao para sa pandaigdig na katiwasayan ay hindi maaaring ihalili sa paraan ng Diyos ng pagdadala ng kapayapaan at katiwasayan.
Ang pambuong-daigdig, permanenteng katiwasayan na dadalhin ng Kaharian ng Diyos ay magiging maluwalhati. Narito ang isa lamang sa mga paglalarawang masusumpungan sa Bibliya: “Kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Sila’y hindi magtataas ng tabak, ang bansa laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikidigma. At sila’y aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos, at walang tatakot sa kanila; sapagkat sinalita ng mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo.”—Mikas 4:3, 4.
Tanging ang katiwasayan na garantisado ng Diyos mismo ang maaaring mamalagi at maaasahan. Kung gayon, imbes na ilagak ang inyong tiwala sa mga dakilang tao, bakit hindi sa kaniya ilagak ang inyong tiwala? Kung magkagayo’y masusumpungan ninyo na totoo nga pala ang mga salita ng salmista: “Maligaya ang isa na ang Diyos ni Jacob ang kaniyang pinaka-tulong, na ang pag-asa ay nasa kay Jehova na kaniyang Diyos, ang Maygawa ng langit at lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon, na Siyang nag-iingat ng katotohanan hanggang sa panahong walang-takda.”—Awit 146:5, 6.
[Kahon sa pahina 7]
Ang Iglesiya Katolika at ang Pandaigdig na Pulitika
“Bagaman sinabi ni Kristo na ang kaniyang kaharian ay ‘hindi sa sanlibutang ito,’ ang mga klerigong nasa matataas na puwesto at ang papado bilang isang institusyon ay nakibahagi nang puspusan sa pandaigdig at pambansa na mga kilusang pulitika sapol noong panahon ni Constantino.”—The Catholic Church in World Politics, ni Propesor Eric Hanson ng Jesuit Santa Clara University.