Kabanata 25
Pagbuhay-Muli sa Dalawang Saksi
1. Ang malakas na anghel ay nananawagan kay Juan na gawin ang ano?
BAGO tuluyang matapos ang ikalawang kaabahan, nanawagan ang malakas na anghel kay Juan na makibahagi sa isa pang makahulang pagtatanghal, na may kinalaman naman sa templo. (Apocalipsis 9:12; 10:1) Narito ang ulat ni Juan: “At isang tambo na tulad ng isang tungkod ang ibinigay sa akin habang sinasabi niya: ‘Tumindig ka at sukatin mo ang santuwaryo ng templo ng Diyos at ang altar at yaong mga sumasamba roon.’”—Apocalipsis 11:1.
Ang Santuwaryo ng Templo
2. (a) Anong santuwaryo ng templo ang mananatili hanggang sa ating panahon? (b) Sino ang Mataas na Saserdote ng santuwaryo ng templo, at ano ang Kabanal-banalan nito?
2 Ang templong binabanggit dito ay hindi maaaring tumukoy sa anumang literal na templo sa Jerusalem, yamang ang kahuli-hulihan sa mga ito ay winasak ng mga Romano noong 70 C.E. Gayunman, ipinakita ni apostol Pablo na bago pa man ang pagkawasak na iyon, mayroon nang lumitaw na isang santuwaryo ng templo na mananatili hanggang sa ating panahon. Ito ang dakilang espirituwal na templo na siyang makahulang inilalarawan ng tabernakulo at nang maglaon, ng mga templo na itinayo sa Jerusalem. Ito ang “tunay na tolda, na itinayo ni Jehova, at hindi ng tao,” at ang Mataas na Saserdote nito ay si Jesus, na ayon sa paglalarawan ni Pablo ay “umupo [na] sa kanan ng trono ng Karingalan sa langit.” Ang Kabanal-banalan nito ang kinaroroonan ng presensiya ni Jehova sa mismong langit.—Hebreo 8:1, 2; 9:11, 24.
3. Sa tabernakulo, ano ang inilalarawan ng (a) kurtina na naghihiwalay sa Kabanal-banalan mula sa Banal na silid? (b) mga haing hayop? (c) altar na pinaghahainan?
3 Ipinaliliwanag ni apostol Pablo na ang kurtina ng tabernakulo, na naghihiwalay sa Kabanal-banalan mula sa Banal na silid, ay lumalarawan sa laman ni Jesus. Nang ihandog ni Jesus ang kaniyang buhay, nahati sa dalawa ang kurtinang ito, na nagpapakitang ang laman ni Jesus ay hindi na hadlang sa pagpasok niya sa presensiya ni Jehova sa langit. Salig sa hain ni Jesus, ang kaniyang pinahirang mga katulong na saserdote na mamamatay nang tapat ay makapapasok din sa mga langit sa takdang panahon. (Mateo 27:50, 51; Hebreo 9:3; 10:19, 20) Ipinakita rin ni Pablo na ang palagiang paghahain ng mga hayop sa tabernakulo ay lumalarawan sa iisang hain ni Jesus, ang kaniyang sakdal na buhay bilang tao. Ang altar na pinaghahainan sa looban ay kumakatawan sa probisyon ni Jehova, ayon sa kaniyang kalooban, sa pagtanggap sa hain ni Jesus alang-alang sa “marami”—sa mga pinahiran at, nang maglaon, sa ibang tupa—na ‘marubdob na hahanap sa kaniya para sa kanilang kaligtasan.’—Hebreo 9:28; 10:9, 10; Juan 10:16.
4. Ano ang isinasagisag ng (a) Dakong Banal? (b) pinakaloob na looban?
4 Batay sa impormasyong ito na kinasihan ng Diyos, mahihinuha natin na ang Dakong Banal sa tabernakulo ay sumasagisag sa banal na kalagayan na unang tinamasa ni Kristo at nang maglaon, ng pinahirang mga miyembro ng maharlikang pagkasaserdote ng 144,000 samantalang nasa lupa pa sila, bago sila pumasok sa “kurtina.” (Hebreo 6:19, 20; 1 Pedro 2:9) Angkop na lumalarawan ito sa pag-aampon sa kanila bilang mga espirituwal na anak ng Diyos, kung paanong kinilala ng Diyos si Jesus bilang kaniyang Anak pagkatapos ng bautismo ni Jesus sa Jordan noong 29 C.E. (Lucas 3:22; Roma 8:15) Ano naman ang pinakaloob na looban, ang tanging bahagi ng tabernakulo na nakikita ng di-makasaserdoteng mga Israelita at ang dako kung saan ginagawa ang paghahain? Lumalarawan ito sa sakdal na katayuan ng taong si Jesus, na siyang dahilan kung bakit kuwalipikado siyang ihandog ang kaniyang buhay alang-alang sa sangkatauhan. Lumalarawan din ito sa matuwid na katayuan bilang mga banal, salig sa hain ni Jesus, na tinatamasa ng kaniyang pinahirang mga tagasunod samantalang nasa lupa sila.a—Roma 1:7; 5:1.
Pagsukat sa Santuwaryo ng Templo
5. Sa mga hula sa Hebreong Kasulatan, ano ang ipinahihiwatig ng (a) pagsukat sa Jerusalem? (b) pagsukat sa templo sa pangitain ni Ezekiel?
5 Inutusan si Juan na ‘sukatin ang santuwaryo ng templo ng Diyos at ang altar at ang mga sumasamba roon.’ Ano ang ipinahihiwatig nito? Sa mga hula sa Hebreong Kasulatan, ang ganitong pagsukat ay isang garantiya na ilalapat ang katarungan salig sa sakdal na mga pamantayan ni Jehova. Noong panahon ng balakyot na si Haring Manases, ang makahulang pagsukat sa Jerusalem ay katibayan na hindi mababago ang hatol na pagkawasak ng lunsod na iyon. (2 Hari 21:13; Panaghoy 2:8) Gayunman, nang makita ni Jeremias nang dakong huli na sinusukat ang Jerusalem, naging katiyakan ito na muling maitatayo ang lunsod. (Jeremias 31:39; tingnan din ang Zacarias 2:2-8.) Kasuwato nito, ang malawakan at detalyadong pagsukat sa templo sa pangitain na nasaksihan ni Ezekiel ay isang garantiya sa mga Judiong tapon sa Babilonya na maisasauli sa kanilang sariling lupain ang tunay na pagsamba. Yamang nagkasala ang Israel, paalaala rin ito na kailangan silang makaabot sa banal na mga pamantayan ng Diyos.—Ezekiel 40:3, 4; 43:10.
6. Tanda ng ano ang utos kay Juan na sukatin ang santuwaryo ng templo at ang mga saserdoteng sumasamba roon? Ipaliwanag.
6 Kaya nang utusan si Juan na sukatin ang santuwaryo ng templo, at ang mga saserdoteng sumasamba roon, tanda ito na walang makahahadlang sa pagsasakatuparan ng mga layunin ni Jehova hinggil sa kaayusan ng templo at sa mga naglilingkod doon, at na papalapit na sa kasukdulan ang mga layuning ito. Ngayong nailagay na ang lahat ng bagay sa ilalim ng mga paa ng malakas na anghel ni Jehova, panahon na upang “ang bundok ng bahay ni Jehova” ay ‘matibay na maitatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok.’ (Isaias 2:2-4) Ang dalisay na pagsamba kay Jehova ay dapat na maitaas, pagkaraan ng maraming siglo ng apostasya ng Sangkakristiyanuhan. Panahon na rin upang buhaying muli tungo sa “Banal ng mga Banal” ang tapat na mga kapatid ni Jesus na namatay na. (Daniel 9:24; 1 Tesalonica 4:14-16; Apocalipsis 6:11; 14:4) At ang kahuli-hulihang tinatakang “mga alipin ng ating Diyos” sa lupa ay dapat ding sukatin ayon sa mga pamantayan ng Diyos upang maging karapat-dapat sa kanilang permanenteng dako sa kaayusan ng templo bilang inianak-sa-espiritung mga anak ng Diyos. Alam na alam ng uring Juan sa ngayon ang banal na mga pamantayang iyon at determinado silang makaabot sa mga ito.—Apocalipsis 7:1-3; Mateo 13:41, 42; Efeso 1:13, 14; ihambing ang Roma 11:20.
Pagyurak sa Looban
7. (a) Bakit sinabihan si Juan na huwag sukatin ang looban? (b) Kailan niyurakan ang banal na lunsod sa loob ng 42 buwan? (c) Paano nabigo ang klero ng Sangkakristiyanuhan na itaguyod ang matuwid na mga pamantayan ni Jehova sa loob ng 42 buwan?
7 Bakit pinagbawalan si Juan na sukatin ang looban? Ganito ang sinasabi niya sa atin: “Ngunit kung tungkol naman sa looban na nasa labas ng santuwaryo ng templo, lubusan mo itong pabayaan at huwag mong sukatin, sapagkat ibinigay na ito sa mga bansa, at yuyurakan nila ng kanilang mga paa ang banal na lunsod sa loob ng apatnapu’t dalawang buwan.” (Apocalipsis 11:2) Nabanggit na natin na ang pinakaloob na looban ay lumalarawan sa matuwid na katayuan ng inianak-sa-espiritung mga Kristiyano sa lupa. Gaya ng makikita natin, ang tinutukoy rito ay literal na 42 buwan na sumasaklaw mula Disyembre 1914 hanggang Hunyo 1918, nang sumailalim sa matinding pagsubok ang lahat ng nag-aangking Kristiyano. Itataguyod kaya nila ang matuwid na mga pamantayan ni Jehova sa mga taóng ito ng digmaan? Karamihan ay hindi. Inuna ng mga klero ng Sangkakristiyanuhan, sa kabuuan, ang nasyonalismo kaysa sundin ang kautusan ng Diyos. Sa magkabilang panig ng digmaan, na naganap pangunahin na sa mga bansang saklaw ng Sangkakristiyanuhan, hinimok ng klero ang mga kabataang lalaki na sumabak sa labanan. Milyun-milyon ang namatay. Nang magsimula ang paghatol sa bahay ng Diyos noong 1918, nasangkot na rin sa pagbububong ito ng dugo ang Estados Unidos, at ang klero ng buong Sangkakristiyanuhan ay nagkasala sa dugo, na hanggang sa ngayon ay sumisigaw ukol sa paghihiganti ng Diyos. (1 Pedro 4:17) Ang pagtatakwil sa kanila ay naging permanente at hindi na mababago.—Isaias 59:1-3, 7, 8; Jeremias 19:3, 4.
8. Noong Digmaang Pandaigdig I, ano ang natanto ng marami sa mga Estudyante ng Bibliya, subalit ano ang hindi pa nila lubusang nauunawaan?
8 Kumusta naman ang maliit na grupo ng mga Estudyante ng Bibliya? Agad ba silang sinukat noong 1914 hinggil sa panghahawakan nila sa mga pamantayan ng Diyos? Hindi. Gaya ng nag-aangking mga Kristiyano sa Sangkakristiyanuhan, dapat din silang subukin. Sila ay ‘lubusang pinabayaan, ibinigay sa mga bansa’ upang buong-tinding subukin at pag-usigin. Natanto ng marami sa kanila na hindi sila dapat makipagdigma at pumatay ng kanilang kapuwa, subalit hindi pa nila lubusang nauunawaan nang panahong iyon ang kahulugan ng Kristiyanong neutralidad. (Mikas 4:3; Juan 17:14, 16; 1 Juan 3:15) Dahil sa panggigipit ng mga bansa, nakipagkompromiso ang ilan.
9. Ano ang banal na lunsod na niyurakan ng mga bansa, at sino sa lupa ang kumakatawan sa lunsod na ito?
9 Gayunman, sa anong paraan niyurakan ng mga bansang iyon ang banal na lunsod? Maliwanag na hindi ito tumutukoy sa Jerusalem na nawasak mahigit 25 taon bago isulat ang Apocalipsis. Sa halip, ang banal na lunsod ay ang Bagong Jerusalem, na inilalarawan sa dakong huli ng Apocalipsis, at na kinakatawan ngayon sa lupa ng nalalabi sa mga pinahirang Kristiyano na nasa pinakaloob na looban ng templo. Sa takdang panahon, magiging bahagi rin ang mga ito ng banal na lunsod. Kaya ang pagyurak sa kanila ay katumbas na rin ng pagyurak sa mismong lunsod.—Apocalipsis 21:2, 9-21.
Ang Dalawang Saksi
10. Ano ang gagawin ng tapat na mga saksi ni Jehova kahit na niyuyurakan sila?
10 Kahit niyuyurakan sila, nananatiling tapat kay Jehova ang mga saksing ito. Kaya nagpapatuloy ang hula: “‘At ang aking dalawang saksi ay pangyayarihin kong manghula nang isang libo dalawang daan at animnapung araw na nadaramtan ng telang-sako.’ Ang mga ito ay isinasagisag ng dalawang punong olibo at ng dalawang kandelero na nakatayo sa harap ng Panginoon ng lupa.”—Apocalipsis 11:3, 4.
11. Ano ang kahulugan ng panghuhula ng tapat na mga pinahirang Kristiyano na nadaramtan ng “telang-sako”?
11 Kailangang magbata ang tapat na mga pinahirang Kristiyanong ito, sapagkat manghuhula sila na nadaramtan ng “telang-sako.” Ano ang kahulugan nito? Noong panahon ng Bibliya, malimit na sumasagisag sa pagdadalamhati ang telang-sako. Ang pagsusuot nito ay nagpapahiwatig na ang isa ay matamlay dahil sa pamimighati o kabagabagan. (Genesis 37:34; Job 16:15, 16; Ezekiel 27:31) Ang telang-sako ay iniuugnay sa malulungkot na mensahe ng lagim o ng pamimighati na kinailangang ipahayag ng mga propeta ng Diyos. (Isaias 3:8, 24-26; Jeremias 48:37; 49:3) Ang pagsusuot ng telang-sako ay maaaring magpahiwatig ng kapakumbabaan o pagsisisi dahil sa babala ng Diyos. (Jonas 3:5) Ang telang-sako na suot ng dalawang saksi ay waring nagpapahiwatig ng kanilang mapagpakumbabang pagbabata sa paghahayag ng mga kahatulan ni Jehova. Mga saksi sila na nagpapahayag ng kaniyang araw ng paghihiganti na magdudulot din ng pagdadalamhati sa mga bansa.—Deuteronomio 32:41-43.
12. Bakit waring literal ang yugto ng panahon ng pagyurak sa banal na lunsod?
12 Dapat ipangaral ng uring Juan ang mensaheng ito ayon sa isinaad na takdang panahon: 1,260 araw, o 42 buwan, na siya ring haba ng panahon ng pagyurak sa banal na lunsod. Waring literal ang yugtong ito, yamang sinasabi ito sa dalawang magkaibang paraan, una’y sa pamamagitan ng mga buwan at pagkatapos ay sa pamamagitan ng mga araw. Bukod dito, sa pagpapasimula ng araw ng Panginoon, may kapansin-pansing yugto na tatlo at kalahating taon kung kailan ang mahihirap na karanasang sinapit ng bayan ng Diyos ay tumutugma sa mga pangyayaring inihula rito—pasimula noong Disyembre 1914 hanggang Hunyo 1918. (Apocalipsis 1:10) Ipinangaral nila ang ‘telang-sakong’ mensahe tungkol sa kahatulan ni Jehova laban sa Sangkakristiyanuhan at sa sanlibutan.
13. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ang mga pinahirang Kristiyano ay isinasagisag ng dalawang saksi? (b) Anong hula ni Zacarias ang naaalaala natin dahil sa pagtukoy ni Juan sa dalawang saksi bilang ‘dalawang punong olibo at dalawang kandelero’?
13 Ang bagay na isinasagisag sila ng dalawang saksi ay tumitiyak sa atin na tumpak at may matatag na saligan ang kanilang mensahe. (Ihambing ang Deuteronomio 17:6; Juan 8:17, 18.) Tinutukoy sila ni Juan bilang ‘dalawang punong olibo at dalawang kandelero,’ at sinasabing “nakatayo [sila] sa harap ng Panginoon ng lupa.” Maliwanag na pagtukoy ito sa hula ni Zacarias, na nakakita ng isang kandelero na may pitong sanga at dalawang punong olibo. Sinasabing lumalarawan ang mga punong olibo sa “dalawang pinahiran,” samakatuwid nga, kay Gobernador Zerubabel at sa mataas na saserdoteng si Josue, na “nakatayo sa tabi ng Panginoon ng buong lupa.”—Zacarias 4:1-3, 14.
14. (a) Ano ang ipinahiwatig ng pangitain ni Zacarias hinggil sa dalawang punong olibo? at hinggil sa kandelero? (b) Ano ang mararanasan ng mga pinahirang Kristiyano sa panahon ng unang digmaang pandaigdig?
14 Nabuhay si Zacarias noong panahon ng muling pagtatayo, at ang kaniyang pangitain tungkol sa dalawang punong olibo ay nangangahulugang pagpapalain ni Jehova ng kaniyang espiritu sina Zerubabel at Josue upang palakasin ang bayan ukol sa gawain. Ang pangitain tungkol sa kandelero ay nagpaalaala kay Zacarias na hindi niya dapat ‘hamakin ang araw ng maliliit na bagay’ sapagkat ang mga layunin ni Jehova ay isasakatuparan—“‘hindi sa pamamagitan ng hukbong militar, ni sa pamamagitan man ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Zacarias 4:6, 10; 8:9) Ang maliit na grupo ng mga Kristiyano na matiyagang naghatid ng liwanag ng katotohanan sa sangkatauhan noong unang digmaang pandaigdig ay gagamitin din naman sa isang gawain ng muling pagtatayo. Pagmumulan din sila ng pampatibay-loob at, yamang kakaunti lamang sila noon, matututuhan nilang manalig sa lakas ni Jehova, anupat hindi hinahamak ang araw ng maliliit na pasimula.
15. (a) Ang paglalarawan sa mga pinahirang Kristiyano bilang dalawang saksi ay nagpapaalaala rin sa atin tungkol sa ano? Ipaliwanag. (b) Anu-anong uri ng tanda ang awtorisadong isagawa ng dalawang saksi?
15 Ang paglalarawan sa kanila bilang dalawang saksi ay nagpapaalaala rin sa atin tungkol sa pagbabagong-anyo. Sa pangitaing iyon, tatlo sa mga apostol ni Jesus ang nakakita sa kaniya sa kaluwalhatian ng Kaharian na kasama sina Moises at Elias. Lumalarawan ito sa pagluklok ni Jesus sa kaniyang maluwalhating trono noong 1914 upang isakatuparan ang gawaing inilarawan ng dalawang propetang iyon. (Mateo 17:1-3) Kaya angkop lamang na nakikita ngayon ang dalawang saksi na gumagawa ng mga tanda na gaya ng ginawa nina Moises at Elias. Halimbawa, ganito ang sinasabi ni Juan tungkol sa kanila: “At kung nais ng sinuman na pinsalain sila, lumalabas ang apoy mula sa kanilang mga bibig at nilalamon ang kanilang mga kaaway; at kung nanaisin ng sinuman na pinsalain sila, sa ganitong paraan siya dapat patayin. Ang mga ito ay may awtoridad na sarhan ang langit upang walang bumuhos na ulan sa mga araw ng kanilang panghuhula.”—Apocalipsis 11:5, 6a.
16. (a) Paano ipinaaalaala sa atin ng tanda hinggil sa apoy ang panahon nang hamunin ang awtoridad ni Moises sa Israel? (b) Paano hinamon at ginulo ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang mga Estudyante ng Bibliya noong unang digmaang pandaigdig, at paano lumaban ang mga ito?
16 Ipinaaalaala nito sa atin ang panahon nang hamunin ang awtoridad ni Moises sa Israel. Ang propetang iyon ay bumigkas ng maaapoy na salita ng paghatol, at pinuksa ni Jehova ang mga rebelde, anupat nilipol ng literal na apoy mula sa langit ang 250 sa kanila. (Bilang 16:1-7, 28-35) Sa katulad na paraan, hinamon ng mga lider ng Sangkakristiyanuhan ang mga Estudyante ng Bibliya, na sinasabing hindi man lamang nakapagtapos sa mga kolehiyo ng teolohiya ang mga ito. Subalit mas mabigat ang kredensiyal ng mga saksi ng Diyos bilang mga ministro: ang maaamong tao na tumugon sa kanilang maka-Kasulatang mensahe. (2 Corinto 3:2, 3) Noong 1917, inilathala ng mga Estudyante ng Bibliya ang The Finished Mystery, isang mapuwersang komentaryo tungkol sa Apocalipsis at Ezekiel. Sinundan ito ng pamamahagi ng 10,000,000 kopya ng apat-na-pahinang tract na The Bible Students Monthly na may tampok na artikulong pinamagatang “Ang Pagbagsak ng Babilonya—Kung Bakit Kailangang Magdusa Ngayon ang Sangkakristiyanuhan—Ang Pangwakas na Kahihinatnan.” Sa Estados Unidos, sinamantala ng galít na klero ang kaguluhang dulot ng digmaan upang maipagbawal ang aklat. Sa ibang bansa, ang aklat ay binawasan ng mga bahaging hindi nila naibigan. Sa kabila nito, patuloy na lumaban ang mga lingkod ng Diyos sa pamamagitan ng maaapoy na isyu ng apat-na-pahinang tract na pinamagatang Kingdom News. Habang nagpapatuloy ang araw ng Panginoon, nilinaw ng iba pang mga publikasyon ang patay na espirituwal na kalagayan ng Sangkakristiyanuhan.—Ihambing ang Jeremias 5:14.
17. (a) Anu-anong pangyayari noong panahon ni Elias ang nagsangkot ng tagtuyot at apoy? (b) Sa anong paraan lumabas ang apoy mula sa bibig ng dalawang saksi, at anong tagtuyot ang nasangkot?
17 Kumusta naman si Elias? Noong panahon ng mga hari sa Israel, isiniwalat ng propetang ito na magkakaroon ng tagtuyot bilang kapahayagan ng galit ni Jehova sa mga Israelitang sumasamba kay Baal. Tumagal ito nang tatlo at kalahating taon. (1 Hari 17:1; 18:41-45; Lucas 4:25; Santiago 5:17) Sa kalaunan, nang magsugo si Haring Ahazias ng mga kawal upang sapilitang paharapin si Elias sa kaniyang maharlikang presensiya, ang propeta ay humiling ng apoy mula sa langit upang puksain ang mga kawal. Sumang-ayon lamang si Elias na sumama upang humarap sa hari nang magpakita ng wastong paggalang sa kaniyang tungkulin bilang propeta ang isang kumandante ng militar. (2 Hari 1:5-16) Katulad nito, sa pagitan ng 1914 at 1918, buong-giting na itinawag-pansin ng pinahirang nalabi ang espirituwal na tagtuyot na umiiral sa Sangkakristiyanuhan at nagbabala hinggil sa maapoy na paghatol sa ‘pagdating ng dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova.’—Malakias 4:1, 5; Amos 8:11.
18. (a) Anong awtoridad ang ibinigay sa dalawang saksi, at paano ito nakakatulad niyaong ibinigay kay Moises? (b) Paano inilantad ng dalawang saksi ang Sangkakristiyanuhan?
18 Ganito pa ang sinasabi ni Juan hinggil sa dalawang saksi: “At may awtoridad sila sa mga tubig upang gawing dugo ang mga ito at upang hampasin ang lupa ng bawat uri ng salot sa tuwing kanilang naisin.” (Apocalipsis 11:6b) Upang mahikayat si Paraon na palayain ang Israel, ginamit ni Jehova si Moises upang magpasapit ng mga salot sa mapang-aping Ehipto, kasama na rito nang gawing dugo ang tubig. Ilang siglo pagkaraan nito, tandang-tanda pa rin ng mga Filisteong kaaway ng Israel ang ginawa ni Jehova laban sa Ehipto, anupat napasigaw sila: “Sino ang magliligtas sa atin mula sa kamay ng maringal na Diyos na ito? Ito ang Diyos na nanakit sa Ehipto sa pamamagitan ng bawat uri ng pagpatay [“salot,” Revised Standard Version] sa ilang.” (1 Samuel 4:8; Awit 105:29) Si Moises ay lumarawan kay Jesus, na may awtoridad na magpahayag ng mga kahatulan ng Diyos sa mga lider ng relihiyon noong kaniyang panahon. (Mateo 23:13; 28:18; Gawa 3:22) At noong unang digmaang pandaigdig, inilantad ng mga kapatid ni Kristo, ang dalawang saksi, na nakamamatay ang “mga tubig” na ipinaiinom ng Sangkakristiyanuhan sa kaniyang mga kawan.
Pinatay ang Dalawang Saksi
19. Ayon sa ulat ng Apocalipsis, ano ang magaganap kapag natapos na ng dalawang saksi ang kanilang pagpapatotoo?
19 Napakatindi ng salot na ito sa Sangkakristiyanuhan anupat pagkaraang manghula ang dalawang saksi sa loob ng 42 buwan na nadaramtan ng telang-sako, ginamit ng Sangkakristiyanuhan ang kaniyang makasanlibutang impluwensiya upang ‘ipapatay’ sila. Sumulat si Juan: “At kapag natapos na nila ang kanilang pagpapatotoo, ang mabangis na hayop na umaahon mula sa kalaliman ay makikipagdigma sa kanila at dadaigin sila at papatayin sila. At ang kanilang mga bangkay ay malalagay sa malapad na daan ng dakilang lunsod na sa espirituwal na diwa ay tinatawag na Sodoma at Ehipto, kung saan ang kanilang Panginoon ay ibinayubay rin. At yaong mula sa mga bayan at mga tribo at mga wika at mga bansa ay titingin sa kanilang mga bangkay nang tatlo at kalahating araw, at hindi nila hahayaang mailagay sa libingan ang kanilang mga bangkay. At yaong mga tumatahan sa lupa ay nagsasaya dahil sa kanila at nagkakatuwaan, at magpapadala sila ng mga kaloob sa isa’t isa, sapagkat pinahirapan ng dalawang propetang ito yaong mga tumatahan sa lupa.”—Apocalipsis 11:7-10.
20. Ano ang “mabangis na hayop na umaahon mula sa kalaliman”?
20 Ito ang kauna-unahan sa 37 pagtukoy sa isang mabangis na hayop sa Apocalipsis. Habang nagpapatuloy tayo, detalyado nating susuriin ang hayop na ito at ang iba pang mga hayop. Sapat nang sabihin sa ngayon na “ang mabangis na hayop na umaahon mula sa kalaliman” ay likha ni Satanas, isang buháy na pulitikal na sistema ng mga bagay.b—Ihambing ang Apocalipsis 13:1; Daniel 7:2, 3, 17.
21. (a) Paano sinamantala ng relihiyosong mga kaaway ng dalawang saksi ang kalagayang dulot ng digmaan? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng hindi paglilibing sa mga bangkay ng dalawang saksi? (c) Paano dapat unawain ang yugto na tatlo at kalahating araw? (Tingnan ang talababa.)
21 Mula noong 1914 hanggang 1918, abala ang mga bansa sa unang digmaang pandaigdig. Nag-aalab ang damdaming makabayan, at noong tagsibol ng 1918, sinamantala ng relihiyosong mga kaaway ng dalawang saksi ang kalagayang ito. Minaniobra nila ang sistemang legal ng Estado upang maipabilanggo ang responsableng mga ministro ng mga Estudyante ng Bibliya salig sa maling mga paratang ng sedisyon. Nabigla ang kanilang tapat na mga kamanggagawa. Halos mapatigil ang gawaing pang-Kaharian. Waring patay na ang gawaing pangangaral. Noong mga panahon ng Bibliya, malaking kahihiyan ang hindi mailibing sa alaalang libingan. (Awit 79:1-3; 1 Hari 13:21, 22) Kaya malaking kadustaan ang hindi pagpapalibing sa dalawang saksi. Sa mainit na klima ng Palestina, ang isang bangkay na iniwan sa lansangan ay talagang mangangamoy pagkaraan ng literal na tatlo at kalahating araw.c (Ihambing ang Juan 11:39.) Kaya ang detalyeng ito sa hula ay nagpapahiwatig sa kahihiyan na kailangang batahin ng dalawang saksi. Ang mga nabanggit sa itaas na ibinilanggo ay hindi pa nga pinahintulutang magpiyansa habang iniaapela ang kanilang kaso. Matagal-tagal din silang inilantad sa madla upang umalingasaw sa mga nananahan sa “dakilang lunsod.” Subalit ano ang “dakilang lunsod” na ito?
22. (a) Ano ang dakilang lunsod? (b) Paano nakisaya ang mga pahayagan sa klero nang mapatahimik ang dalawang saksi? (Tingnan ang kahon.)
22 Naglalaan si Juan ng ilang pahiwatig. Sinasabi niya na ibinayubay roon si Jesus. Kaya agad nating maiisip ang Jerusalem. Subalit sinasabi rin niya na ang dakilang lunsod ay tinatawag na Sodoma at Ehipto. Buweno, minsan ay tinawag na Sodoma ang literal na Jerusalem dahil sa maruruming gawain nito. (Isaias 1:8-10; ihambing ang Ezekiel 16:49, 53-58.) At ang Ehipto, ang unang kapangyarihang pandaigdig, ay lumalarawan kung minsan sa makasanlibutang sistema ng mga bagay. (Isaias 19:1, 19; Joel 3:19) Kaya ang dakilang lunsod na ito ay sumasagisag sa nadumhang “Jerusalem,” na nag-aangking sumasamba sa Diyos subalit naging marumi at makasalanan, gaya ng Sodoma, at naging bahagi ng makasanlibutang sistema ng mga bagay ni Satanas, gaya ng Ehipto. Lumalarawan ito sa Sangkakristiyanuhan, ang makabagong katumbas ng di-tapat na Jerusalem, ang organisasyon na ang mga miyembro ay labis na nagsaya nang mapatahimik nila ang nakagagambalang pangangaral ng dalawang saksi.
Muling Ibinangon!
23. (a) Ano ang nangyari sa dalawang saksi pagkaraan ng tatlo at kalahating araw, at ano ang epekto nito sa kanilang mga kaaway? (b) Kailan nagkaroon ng makabagong-panahong katuparan ang Apocalipsis 11:11, 12 at ang hula ni Ezekiel hinggil sa libis ng mga tuyong buto na hiningahan ni Jehova?
23 Nakiisa sa klero ang mga pahayagan sa panlalait sa bayan ng Diyos, anupat isang pahayagan ang nagsabi: “Winakasan na ang The Finished Mystery.” Subalit malayung-malayo ito sa katotohanan! Hindi nanatiling patay ang dalawang saksi. Mababasa natin: “At pagkatapos ng tatlo at kalahating araw ay pumasok sa kanila ang espiritu ng buhay mula sa Diyos, at tumayo sila sa kanilang mga paa, at dinatnan ng malaking takot yaong mga nagmamasid sa kanila. At narinig nila ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi sa kanila: ‘Umakyat kayo rito.’ At umakyat sila sa langit na nasa ulap, at pinagmasdan sila ng kanilang mga kaaway.” (Apocalipsis 11:11, 12) Kaya naranasan nila ang katulad ng nangyari sa mga tuyong buto sa libis na dinalaw ni Ezekiel sa pamamagitan ng pangitain. Hiningahan ni Jehova ang mga tuyong buto na iyon, at nabuhay ang mga ito, na nagsilbing paglalarawan sa muling pagsilang ng bansang Israel pagkaraan ng 70-taóng pagkabihag sa Babilonya. (Ezekiel 37:1-14) Ang dalawang hulang ito, sa Ezekiel at sa Apocalipsis, ay nagkaroon ng kapansin-pansing makabagong-panahong katuparan noong 1919, nang buhaying muli ni Jehova ang kaniyang “namatay” na mga saksi.
24. Nang muling mabuhay ang dalawang saksi, paano naapektuhan ang kanilang relihiyosong mga mang-uusig?
24 Gitlang-gitla ang mga mang-uusig na iyon! Ang mga bangkay ng dalawang saksi ay bigla na lamang nabuhay at muling naging aktibo. Hindi ito matanggap ng mga klerigong iyon, lalung-lalo na yamang malaya na naman at lubusang napawalang-sala sa dakong huli ang mga ministrong Kristiyano na pinagkaisahan nilang ipabilanggo. Malamang na lalong tumindi ang pagkagitla nila noong Setyembre 1919, nang magdaos ng kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, E.U.A. ang mga Estudyante ng Bibliya. Pinasigla ng kalalaya pa lamang na si J. F. Rutherford ang mga kombensiyonista sa pamamagitan ng kaniyang pahayag na “Naghahayag ng Kaharian,” salig sa Apocalipsis 15:2 at Isaias 52:7. Muli na namang ‘nanghula,’ o nangaral nang hayagan, ang uring Juan. Lumakas sila nang lumakas at walang-takot na inilantad ang pagpapaimbabaw ng Sangkakristiyanuhan.
25. (a) Kailan sinabi sa dalawang saksi na “Umakyat kayo rito,” at paano naganap ito? (b) Ano ang nakagigitlang epekto sa dakilang lunsod ng pagkabuhay-muli ng dalawang saksi?
25 Paulit-ulit na sinikap ng Sangkakristiyanuhan na muling magtagumpay gaya noong 1918. Gumamit siya ng pang-uumog, pagmamaniobra sa batas, pagbibilanggo, at pati na pagpatay—pero walang saysay ang lahat ng ito! Pagkaraan ng 1919, hindi na niya kayang abutin ang espirituwal na kinaroroonan ng dalawang saksi. Sinabi sa kanila ni Jehova nang taóng iyon: “Umakyat kayo rito,” at umakyat sila sa isang matayog na espirituwal na kalagayan kung saan maaari silang makita ng kanilang mga kaaway subalit hindi na sila maaaring maabot pa. Inilalarawan ni Juan ang nakagigitlang epekto sa dakilang lunsod ng kanilang pagkabuhay-muli: “At nang oras na iyon ay nagkaroon ng isang malakas na lindol, at ang ikasampu ng lunsod ay bumagsak; at pitong libong tao ang napatay ng lindol, at ang iba ay natakot at nagbigay ng kaluwalhatian sa Diyos ng langit.” (Apocalipsis 11:13) Nagkaroon nga ng malalakas na pagyanig sa mga relihiyon. Nang magpatuloy sa kanilang gawain ang muling napasiglang grupo ng mga Kristiyano, waring nayanig ang lupang kinatatayuan ng mga lider ng tatag na mga relihiyon. Gayon na lamang ang epekto ng kanilang gawain anupat ang ikasampu ng lunsod, ang makasagisag na 7,000 katao, ay sinasabing napatay.
26. Kanino lumalarawan ang “ikasampu ng lunsod” at ang “pitong libo” sa Apocalipsis 11:13? Ipaliwanag.
26 Ipinaaalaala sa atin ng pananalitang “ikasampu ng lunsod” ang hula ni Isaias tungkol sa sinaunang Jerusalem na nagsasabing ikasampung bahagi nito ay makaliligtas sa pagkawasak ng lunsod na iyon bilang isang binhing banal. (Isaias 6:13) Sa katulad na paraan, ipinaaalaala sa atin ng bilang na 7,000 na noong akalain ni Elias na siya na lamang ang natitirang tapat sa Israel, sinabi sa kaniya ni Jehova na, sa katunayan, mayroon pang 7,000 hindi lumuhod kay Baal. (1 Hari 19:14, 18) Noong unang siglo, sinabi ni apostol Pablo na ang 7,000 ito ay lumalarawan sa nalabi ng mga Judio na tumugon sa mabuting balita tungkol sa Kristo. (Roma 11:1-5) Tinutulungan tayo ng mga tekstong ito na maunawaan na ang “pitong libo” at ang “ikasampu ng lunsod” sa Apocalipsis 11:13 ay yaong mga tumutugon sa binuhay-muling dalawang saksi at umaalis sa makasalanang dakilang lunsod. Sa diwang ito, namamatay sila sa Sangkakristiyanuhan. Inaalis ang kanilang mga pangalan sa kaniyang talaan ng mga miyembro. Hindi na sila umiiral ayon sa kaniyang pangmalas.d
27, 28. (a) Paano ‘nagbigay ng kaluwalhatian sa Diyos ng langit ang iba’? (b) Ano ang napilitang kilalanin ng klero ng Sangkakristiyanuhan?
27 Subalit paano ‘nagbigay ng kaluwalhatian sa Diyos ng langit ang iba’ sa Sangkakristiyanuhan? Tiyak na hindi sa pamamagitan ng pagtalikod sa kanilang apostatang relihiyon at pagiging mga lingkod ng Diyos. Sa halip, gaya iyon ng paliwanag ng Word Studies in the New Testament ni Vincent, na tumalakay sa pariralang “nagbigay ng kaluwalhatian sa Diyos ng langit.” Isinasaad doon: “Ang parirala ay nagpapahiwatig, hindi ng pagkakumberte, ni ng pagsisisi, ni ng pagpapasalamat, kundi ng pagkilala, na siyang karaniwang kahulugan nito sa kasulatan. Ihambing ang Jos. vii. 19 (Sept.). Juan ix. 24; Gawa xii. 23; Roma iv. 20.” Napahiya ang Sangkakristiyanuhan at napilitang kilalanin na ang Diyos ng mga Estudyante ng Bibliya ay gumawa ng dakilang bagay sa pagpapanumbalik sa kanila sa gawaing Kristiyano.
28 Marahil ay kinilala ito ng klero pero sa kanilang isipan lamang. Tiyak na walang isa man sa kanila ang napaulat na gumawa ng pangmadlang pagkilala sa Diyos ng dalawang saksi. Subalit tumutulong sa atin ang hula ni Jehova sa pamamagitan ni Juan na maunawaan kung ano ang nasa puso nila at matalos ang nakabibiglang kahihiyan na naranasan nila noong 1919. Mula nang taóng iyon, nang lisanin ng “pitong libo” ang Sangkakristiyanuhan sa kabila ng kaniyang determinadong pagsisikap na mapanatili ang kaniyang mga tupa, napilitang kilalanin ng klero na mas makapangyarihan ang Diyos ng uring Juan kaysa sa kanilang diyos. Sa kalaunan, higit nilang maliliwanagan ito, habang parami nang parami sa kanilang kawan ang humihiwalay, na sinasambit ang mga salita ng bayan nang magtagumpay si Elias laban sa mga mananamba ni Baal sa Bundok Carmel: “Si Jehova ang tunay na Diyos! Si Jehova ang tunay na Diyos!”—1 Hari 18:39.
29. Ano ang sinasabi ni Juan na dumarating nang madali, at ano pang karagdagang pagyanig ang naghihintay sa Sangkakristiyanuhan?
29 Ngunit pakinggan! Sinasabi sa atin ni Juan: “Ang ikalawang kaabahan ay natapos na. Narito! Ang ikatlong kaabahan ay dumarating nang madali.” (Apocalipsis 11:14) Kung nayanig ang Sangkakristiyanuhan sa naganap hanggang sa puntong ito, ano kaya ang gagawin niya kapag ipinahayag na ang ikatlong kaabahan, kapag hinipan na ng ikapitong anghel ang kaniyang trumpeta, at kapag sumapit na sa katapusan nito ang sagradong lihim ng Diyos?—Apocalipsis 10:7.
[Mga talababa]
a Para sa detalyadong pagtalakay sa dakilang espirituwal na templong ito, tingnan ang mga artikulong “Ang Dakilang Espirituwal na Templo ni Jehova” sa Hulyo 1, 1996, isyu ng Ang Bantayan at “Ang Kaisa-isahang Tunay na Templo na Sambahan” sa Hunyo 1, 1973, isyu ng Ang Bantayan.
b Ang “kalaliman” (Griego, aʹbys·sos; Hebreo, tehohmʹ) ay makasagisag na tumutukoy sa isang dako ng kawalang-ginagawa. (Tingnan ang Apocalipsis 9:2.) Gayunman, sa literal na diwa, maaari din itong tumukoy sa malawak na dagat. Ang salitang Hebreong ito ay madalas isaling “matubig na mga kalaliman.” (Awit 71:20; 106:9; Jonas 2:5) Kaya “ang mabangis na hayop na umaahon mula sa kalaliman” ay maaaring iugnay sa “mabangis na hayop na umaahon mula sa dagat.”—Apocalipsis 11:7; 13:1.
c Pansinin na sa pagsusuri sa mga karanasan ng bayan ng Diyos sa panahong ito, lumilitaw na bagaman ang 42 buwan ay kumakatawan sa literal na tatlo at kalahating taon, ang tatlo at kalahating araw ay hindi kumakatawan sa literal na yugto na 84 na oras. Malamang, dalawang ulit na binabanggit (sa talata 9 at 11) ang espesipikong yugto na tatlo at kalahating araw upang idiin na ito ay magiging maikling yugto ng panahon lamang kung ihahambing sa literal na tatlo at kalahating taon ng gawain na nauna rito.
d Ihambing ang paggamit ng mga salitang “patay,” “namatay,” at “nabubuhay” sa mga tekstong gaya ng Roma 6:2, 10, 11; 7:4, 6, 9; Galacia 2:19; Colosas 2:20; 3:3.
[Kahon sa pahina 168]
Ang Pagsasaya sa Apocalipsis 11:10
Sa kaniyang aklat na Preachers Present Arms, na inilathala noong 1933, binanggit ni Ray H. Abrams ang matinding pagsalansang ng klero sa aklat ng mga Estudyante ng Bibliya na The Finished Mystery. Nirepaso niya ang mga pagsisikap ng klero na patahimikin ang mga Estudyante ng Bibliya at ang kanilang “nakapeperhuwisyong panghihikayat.” Umabot ito sa hukuman at nasentensiyahan si J. F. Rutherford at pito pang kasama nang maraming taóng pagkabilanggo. Idinagdag pa ni Dr. Abrams: “Nakita sa pagsusuri sa buong kaso na ang mga simbahan at ang klero ang talagang pasimuno ng kilusan upang patahimikin ang mga Russellite. Sa Canada, noong Pebrero, 1918, sinimulan ng mga ministro ang sistematikong kampanya laban sa kanila at sa kanilang mga publikasyon, partikular na ang The Finished Mystery. Ayon sa Tribune ng Winnipeg, . . . ang pagbabawal sa kanilang aklat ay pinaniniwalaang tuwirang resulta ng ‘alegasyon ng klero.’”
Nagpatuloy si Dr. Abrams: “Nang makarating sa mga editor ng relihiyosong mga pahayagan ang balita hinggil sa dalawampung-taóng sentensiya, halos lahat ng mga publikasyong iyon, malaki man o maliit, ay nagsaya. Wala akong nabasa ni isa mang salita ng pakikiramay mula sa alinman sa relihiyosong babasahin ng mga ortodokso. ‘Walang alinlangan,’ ang naging konklusyon ni Upton Sinclair, na ‘ang isang dahilan ng pag-uusig . . . ay sapagkat naging tudlaan sila ng pagkapoot ng relihiyosong grupong “ortodokso.”’ Ang nabigong gawin ng pinagsamang pagsisikap ng mga relihiyon ay waring matagumpay na nagawa ngayon ng pamahalaan para sa kanila.” Matapos sipiin ang mapanirang mga komento ng ilang relihiyosong publikasyon, tinukoy naman ng manunulat ang pagbaligtad sa desisyon sa Korte ng Apelasyon at nagkomento nang ganito: “Nanahimik ang mga simbahan nang lumabas ang desisyong ito.”
[Larawan sa pahina 163]
Sinusukat ni Juan ang espirituwal na templo—may mga pamantayang dapat maabot ang pinahirang pagkasaserdote
[Mga larawan sa pahina 165]
Ipinahiwatig ng gawaing muling pagtatayo nina Zerubabel at Josue na sa araw ng Panginoon, ang maliliit na pasimula ay susundan ng malaking pagsulong ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga pasilidad gaya ng ipinakikita sa itaas, na nasa Brooklyn, New York, ay kinailangang palakihin nang husto upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan
[Mga larawan sa pahina 166]
Ang maaapoy na mensahe ng paghatol na ipinahayag ng dalawang saksi ay inilarawan ng gawaing panghuhula nina Moises at Elias
[Mga larawan sa pahina 169]
Gaya ng mga tuyong buto sa Ezekiel kabanata 37, ang dalawang saksi ay muling binuhay ukol sa makabagong-panahong gawaing pangangaral