-
Mga Tipan Tungkol sa Walang-Hanggang Layunin ng DiyosAng Bantayan—1989 | Pebrero 1
-
-
Mga Tipan Tungkol sa Walang-Hanggang Layunin ng Diyos
“Siya si Jehova . . . kaniyang inalaala ang kaniyang tipan hanggang sa panahong walang takda, ang salita na kaniyang iniutos, hanggang sa libong sali’t salinlahi.”—AWIT 105:7, 8.
1, 2. Bakit natin masasabi na karamihan sa atin ay naapektuhan ng isang tipan?
POSIBLE na naapektuhan ka ng isang tipan—ang iyong nakaraan, ang iyong kasalukuyan, at ang iyong hinaharap. ‘Anong tipan?’ marahil ay itatanong mo. Sa kasong ito, iyon ay ang pag-aasawa, sapagkat karamihan sa atin ay supling na bunga ng pag-aasawa at marami sa atin mismo ay may asawa. Kahit na yaong mga taong hindi pa nag-aasawa ay maaaring nag-iisip tungkol sa mga pagpapalang tinatamasa sa maligayang pag-aasawa sa hinaharap.
2 Mga daan-daang taon na ngayon ang nakalipas nang ang propetang Hebreo na si Malakias ay sumulat tungkol sa “asawa ng iyong kabataan,” “iyong kasama at siyang asawa ng iyong tipan.” (Malakias 2:14-16) Tinawag niyang isang tipan ang pag-aasawa, sapagkat iyan ay isang kontrata o pormal na kasunduan, isang kaayusan sa pagitan ng mga partido na gawin nilang magkasama sila sa paggawa ng isang bagay. Ang pag-aasawa ay isang kasunduang bilateral o dalawang-panig na tipan na kung saan dalawang partido ang nagkakasundong maging mag-asawa, anupa’t tinatanggap nila ang mga obligasyon sa isa’t isa at inaasam nila ang pagtatamo ng namamalaging pakinabang.
3. Bakit marahil ang mga ibang tipan ay may mas malawak na epekto sa atin kaysa pag-aasawa?
3 Ang pag-aasawa ay baka tila man din ang tipan na may pinakamalaking epekto sa atin, subalit ang Bibliya’y tumatalakay sa mga tipan na may mas malawak na epekto. Sa pagpapakita ng mga tipan sa Bibliya bilang naiiba sa mga tipan ng mga relihiyong di-salig sa Bibliya, isang ensayklopedia ang nagsasabi na tanging sa Bibliya na “ang pagsasaayos na ito ng relasyon sa pagitan ng Diyos at ng kaniyang bayan ay nagiging isang malawakang sistema na sa wakas may kaugnayan sa sansinukob.” Oo, ang mga tipang ito ay tungkol sa walang-hanggang layunin ng ating maibiging Maylikha. Gaya ng makikita mo, ang iyong pagtanggap ng di-mabilang na pagpapala ay kaugnay ng mga tipang ito. ‘Ngunit paano nagkakagayon?’ ang marahil ay may dahilan ka na itanong.
4. Anong unang-unang tipan ang nakatutok sa walang-hanggang layunin ng Diyos?
4 Alam na alam mo ang kalunus-lunos na naging resulta nang tanggihan ni Adan at ni Eva ang kapamahalaan ng Diyos. Tayo’y nagmana ng di-kasakdalan buhat sa kanila, na siyang dahilan kung bakit tayo dumaranas ng sakit, at ito’y humahantong sa kamatayan. (Genesis 3:1-6, 14-19) Gayunman, ating maipagpapasalamat na ang kanilang kasalanan ay hindi nakahadlang sa layunin ng Diyos na punuin ang lupa ng mga tunay na mananambang nagtatamasa ng walang-hanggang kalusugan at kaligayahan. Kaugnay nito, gumawa si Jehova ng tipan na nasusulat sa Genesis 3:15: “At pag-aalitin ko ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Kaniyang susugatan ka sa ulo at iyong susugatan siya sa sakong.” Gayumpaman, dahil sa kaiklian at sa simbolikong pananalita ng pangungusap na ito, maraming mga tanong ang hindi pa nasasagot. Paano tutuparin ni Jehova ang kaniyang ipinangako sa tipang ito?
5, 6. (a) Anong pamamaraan ang minabuti ng Diyos na gamitin sa pagtupad sa kaniyang mga layunin? (b) Bakit tayo dapat maging interesado sa pamamaraan ng Diyos ng paggawa nito?
5 At minabuti pa ng Diyos na magsaayos ng isang natatanging sunud-sunod na mga banal na tipan, na, kasama pati ang tipan sa Eden, ay pito lahat-lahat. Bawat isa sa atin na umaasang magtatamasa ng walang-hanggang pagpapala ay dapat na makaunawa ng mga tipang ito. Kasali na rito ang pagkaalam kung kailan at kung paano ginawa ang mga ito, sino ang mga kasangkot, ano ang layunin o mga kundisyon nito, at paano may kaugnayan sa isa’t isa ang mga tipang ito sa layunin ng Diyos na pagpalain at bigyan ng buhay na walang-hanggan ang masunuring sangkatauhan. Ito’y isang angkop na panahon na pagbalikang-tanaw ang mga tipang ito, sapagkat sa Marso 22, 1989, ang mga kongregasyon ng mga Kristiyano ay magtitipon upang alalahanin ang Hapunan ng Panginoon, na may tuwirang kaugnayan sa mga tipang ito.
6 Kung sabagay, sa mga ibang tao ang ideya tungkol sa mga tipan ay baka walang kalasa-lasang pakinggan, makiling sa legalidad, hindi gaanong nakapupukaw-interes sa tao. Gayunman, isaalang-alang ang sinasabi ng Theological Dictionary of the Old Testament: “Ang mga termino para sa ‘tipan’ sa sinaunang Gitnang Silangan at gayundin sa daigdig ng mga Griego at mga Romano . . . ay ipinamamahagi ayon sa dalawang larangan ng kahulugan: sumpa at pangako sa isang panig, pag-ibig at pagkakaibígan sa kabila naman.” Makikita natin ang magkabilang panig—sumpa at pagkakaibígan—bilang ang pinaka-suhay ng mga tipan ni Jehova.
Ang Tipan kay Abraham—Saligan para sa Walang-Hanggang mga Pagpapala
7, 8. Anong uri ng tipan ang ginawa ni Jehova kay Abraham? (1 Cronica 16:15, 16)
7 Ang patriarkang si Abraham, “ang ama ng lahat ng may pananampalataya,” ay “kaibigan ni Jehova.” (Roma 4:11; Santiago 2:21-23) Ang Diyos ay sumumpa sa kaniya, at bumuo ng isang tipan na kailangan upang tanggapin natin ang walang-hanggang mga pagpapala.—Hebreo 6:13-18.
8 Samantalang si Abraham ay nasa Ur, siya’y sinabihan ni Jehova na lumipat sa ibang lupain, na iyon nga ay ang Canaan. Noon ay ipinangako ni Jehova kay Abraham: “Gagawin kitang isang dakilang bansa at pagpapalain kita at ang iyong pangalan ay aking padadakilain; . . . at tunay na pagpapalain ng lahat ng angkan sa lupa ang kanilang sarili sa pamamagitan mo.”a (Genesis 12:1-3) Pagkatapos, sa pana-panaho’y nagdagdag ang Diyos ng mga detalye na sa matuwid na paraan ay tinutukoy natin na ang tipang Abrahamiko: Ang binhi, o tagapagmana ni Abraham, ay magmamana ng Lupang Pangako; ang kaniyang binhi ay aabot sa di-mabilang na dami; kina Abraham at Sara manggagaling ang mga hari.—Genesis 13:14-17; 15:4-6; 17:1-8, 16; Awit 105:8-10.
9. Paano natin nalalaman na tayo’y maaaring mapasangkot sa tipan kay Abraham?
9 Ito’y tinukoy ng Diyos na ‘aking pakikipagtipan sa iyo [Abraham].’ (Genesis 17:2) Subalit tunay na dapat nating madamang kasangkot dito ang ating buhay, sapagkat nang maglaon ay pinalawak pa ng Diyos ang tipan, sa pagsasabi: “Tiyak na pagpapalain kita at tiyak na pararamihin ko ang iyong binhi gaya ng mga bituin sa langit at gaya ng mga buhangin sa tabing-dagat; at aariin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway. At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 22:17, 18) Tayo ay bahagi ng mga bansang iyon; may nakalaan sa atin na pagpapalang posibleng makamtan natin.
10. Anong mga bagay ang mauunawaan natin buhat sa tipan kay Abraham?
10 Tayo’y huminto sumandali upang pag-isipan kung ano ang ating maaaring matutuhan buhat sa tipan kay Abraham. Katulad ng tipan sa Eden na nauna rito, ito’y tumutukoy sa isang darating na “binhi,” sa gayu’y nagpapahiwatig na ang binhi’y magmumula sa angkan ng tao. (Genesis 3:15) Iyon ay magmumula sa angkan ni Sem, hanggang kay Abraham, at daraan sa kaniyang anak na si Isaac. Sa angkang ito’y kasangkot ang paghahari, at ito’y magdudulot ng pagpapala hindi lamang sa isang pamilya kundi sa mga tao ng lahat ng bansa. Paano natupad ang tipang iyon?
11. Paano nagkaroon ng isang literal na katuparan ang tipan kay Abraham?
11 Ang mga inapo ni Abraham kay Jacob, o Israel, ay dumami hanggang sa maging isang dakilang bansa. Bilang literal at di-mabilang na binhi ni Abraham, sila’y nag-alay sa dalisay na pagsamba sa Diyos ni Abraham, Isaac, at Jacob. (Genesis 28:13; Exodo 3:6, 15; 6:3; Gawa 3:13) Malimit na ang mga Israelita ay lumilihis sa dalisay na pagsamba, gayunman “si Jehova’y naawa sa kanila at nahabag sa kanila . . . dahil sa kaniyang tipan kay Abraham, kay Isaac at kay Jacob; at sila’y hindi nilipol.” (2 Hari 13:23; Exodo 2:24; Levitico 26:42-45) Kahit na pagkatapos tanggapin ng Diyos ang kongregasyong Kristiyano bilang kaniyang bayan, siya’y nagpatuloy nang ilang panahon sa pagpapakita ng pantanging kagandahang-loob sa mga Israelita bilang isang bayan na literal na binhi ni Abraham.—Daniel 9:27.
Espirituwal na Binhi ni Abraham
12, 13. Paano pinatunayan ni Jesus na siya ang pangunahing bahagi ng binhi sa espirituwal na katuparan ng tipan kay Abraham?
12 Ang tipan kay Abraham ay may isa pang katuparan, ang espirituwal. Ang lalong malaking katuparang ito ay hindi maliwanag bago noong panahon ni Jesus, subalit ikagagalak natin na ito ay malinaw na sa panahon natin. Nasa Salita ng Diyos ang paliwanag ng katuparan nito. Si Pablo ay sumulat: “Ngayon ang mga pangako ay sinabi kay Abraham at sa kaniyang binhi. Hindi sinasabi: ‘At sa mga binhi,’ na gaya baga sa marami, kundi gaya sa iisa lamang: ‘At sa iyong binhi,’ na si Kristo.”—Galacia 3:16.
13 Oo, ang binhi ay darating sa pamamagitan ng isa lamang angkan, o pamilya, na natupad kay Jesus, ipinanganak na isang likas na Judio, isang literal na inapo ni Abraham. (Mateo 1:1-16; Lucas 3:23-34) Isa pa, siya’y bahagi ng pamilya ng Lalong-dakilang Abraham sa langit. Tandaan na dahil sa malaking pananampalataya ang patriarkang si Abraham ay handang isakripisyo ang kaniyang anak na si Isaac kung iyon ang ibig ng Diyos. (Genesis 22:1-18; Hebreo 11:17-19) Sa katulad na paraan, ang kaniyang bugtong na anak ay sinugo ni Jehova sa lupa upang maging isang haing pantubos para sa sumasampalatayang mga tao. (Roma 5:8; 8:32) Sa gayu’y mauunawaan kung bakit ipinakilala ni Pablo si Jesu-Kristo bilang ang pangunahing bahagi ng binhi ni Abraham ayon sa tipang ito.
14. Ano ang pangalawang bahagi ng binhi ni Abraham, at sa ano pang pagtalakay umaakay ito?
14 Si Pablo ay nagpatuloy at ipinakita na ‘pararamihin [ng Diyos] ang binhi ni Abraham’ sa espirituwal na katuparan. Siya’y sumulat: “Kung kay Kristo kayo, tunay na binhi kayo ni Abraham, mga tagapagmana tungkol sa pangako.” (Genesis 22:17; Galacia 3:29) Sila’y yaong 144,000 pinahiran-ng-espiritung mga Kristiyanong bubuo ng pangalawang bahagi ng binhi ni Abraham. Sila’y hindi sumasalansang sa pangunahing bahagi ng binhi kundi sila’y “kay Kristo.” (1 Corinto 1:2; 15:23) Batid natin na marami sa kanila ay hindi makapagsasabing sila’y mga inapo ni Abraham, sapagkat sila’y buhat sa mga bansang di-Judio. Gayumpaman, sa espirituwal na katuparan, sila’y hindi likas na bahagi ng pamilya ng Lalung-dakilang Abraham, si Jehova; bagkus, sila’y galing sa di-sakdal na pamilya ng makasalanang si Adan. Kaya’t kailangang makita natin buhat sa mga tipan sa bandang huli kung paano sila magiging kuwalipikado na maging bahagi ng “binhi ni Abraham.”
Pansamantalang Idinagdag ang Tipang Kautusan
15-17. (a) Bakit ang tipang Kautusan ay idinagdag sa tipang Abrahamiko? (b) Paano ginanap ng Kautusan ang mga layuning ito?
15 Pagkatapos na ang tipang Abrahamiko’y gawin ng Diyos na isang mahalagang hakbang tungo sa kaganapan ng kaniyang layunin, paanong ang angkan ng Binhi ay maiingatan buhat sa pagkahawa sa kasamaan o sa pagkalipol hanggang sa panahon na siya’y pumarito? Pagdating dito ng Binhi, paano siya makikilala ng mga tunay na mananamba? Ang ganiyang mga tanong ay sinagot ni Pablo sa pamamagitan ng pagpapaliwanag tungkol sa karunungan ng Diyos sa pansamantalang pagdaragdag ng tipang Kautusan. Ang apostol ay sumulat:
16 “Bakit, kung gayon, may Kautusan? Idinagdag iyon upang mahayag ang mga pagsalansang, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan; at ito’y tinanggap sa pamamagitan ng mga anghel buhat sa kamay ng isang tagapamagitan. . . . Ang Kautusan ang naging guro natin patungo kay Kristo, upang tayo’y ariing matuwid dahil sa pananampalataya.”—Galacia 3:19, 24.
17 Sa Bundok Sinai, si Jehova ay gumawa ng isang pambihirang pambansang tipan sa pagitan niya at ng Israel—ang tipang Kautusan, na si Moises ang tagapamagitan.b (Galacia 4:24, 25) Ang mga tao ay pumayag na makasali sa tipang ito, at ito’y binigyang-bisa sa pamamagitan ng dugo ng mga baka at mga kambing. (Exodo 24:3-8; Hebreo 9:19, 20) Ito’y nagbigay sa Israel ng mga batas teokratiko at ng isang balangkas para sa isang matuwid na pamahalaan. Ang tipan ay nagbawal ng pakikipag-asawa sa mga pagano o pakikibahagi sa imoral at huwad na mga gawaing relihiyoso. Sa ganoo’y iningatan nito ang mga Israelita at isang puwersa sa pag-iingat sa angkan ng binhi upang huwag mahawa ng karumihan. (Exodo 20:4-6; 34:12-16) Subalit yamang walang di-sakdal na Israelita na lubusang makasusunod sa Kautusan, pinalitaw nito ang mga kasalanan. (Galacia 3:19) Itinuro rin nito na kailangan ang isang sakdal, permanenteng saserdote at ang isang haing hindi na kakailanganing ulit-ulitin sa taun-taon. Ang Kautusan ay mistulang isang guro na umakay sa isang bata sa kinakailangang tagapagturo, na iyon na nga ay ang Mesiyas, o Kristo. (Hebreo 7:26-28; 9:9, 16-22; 10:1-4, 11) Kung maganap na nito ang layunin, ang tipang Kautusan ay matatapos.—Galacia 3:24, 25; Roma 7:6; tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa,” pahina 31.
18. Ano pang pagkakataon ang ibinibigay ng tipang Kautusan, ngunit bakit ito mahirap maunawaan?
18 Sa paggawa ng pansamantalang tipang ito, binanggit din ng Diyos ang nakagagalak na layunin nito: “Kung maingat na susundin ninyo ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan, kung gayu’y magiging aking tanging pag-aari nga kayo . . . At kayo mismo ay magiging isang kaharian ng mga saserdote sa akin at isang banal na bansa.” (Exodo 19:5, 6) Anong pambihirang pagkakataon! Isang bansa ng mga haring-saserdote. Subalit, paano mangyayari ito? Gaya ng espesipikong tinukoy sa Kautusan noong bandang huli, ang nagpupunong tribo (Juda) at ang makasaserdoteng tribo (Levi) ay binigyan ng iba’t ibang mga pananagutan. (Genesis 49:10; Exodo 28:43; Bilang 3:5-13) Walang taong maaaring maging kapuwa isang pinunong sibilyan at isang saserdote. Gayunman, ang mga salita ng Diyos sa Exodo 19:5, 6 ay nagbigay ng dahilan upang maniwala na sa isang di pa inihahayag na paraan, yaong mga nasa tipang Kautusan ay magkakaroon ng pagkakataon na sa kanila makuha ang mga magiging bahagi ng “isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa.”
Ang Tipan sa Kaharian kay David
19. Paano binanggit sa mga tipan ang tungkol sa mga hari?
19 Nang sumapit ang panahon si Jehova ay nagdagdag ng panibagong tipan na higit pang nagpaliwanag kung paano niya gaganapin ang kaniyang layunin, sa ating walang-hanggang ikapagpapala. Nakita nating binanggit ng tipang Abrahamiko ang tungkol sa mga hari na manggagaling sa literal na binhi ni Abraham. (Genesis 17:6) Ang tipang Kautusan ay nagpahiwatig din ng tungkol sa mga hari sa gitna ng bayan ng Diyos, sapagkat sinabi ni Moises sa Israel: “Sa wakas pagka ikaw ay dumating sa [Lupang Pangako] at iyong sinabi, ‘Ako’y maglalagay ng isang hari sa akin gaya ng lahat ng mga bansang nasa palibot ko’; ang ilalagay mo ngang hari sa iyo ay yaong pipiliin ni Jehovang iyong Diyos. . . . Hindi ka papayagang maglagay sa iyo ng isang banyaga.” (Deuteronomio 17:14, 15) Paano magsasaayos ang Diyos ng gayong paghahari, at paanong may kaugnayan iyon sa tipan kay Abraham?
20. Paano pumasok sa larawan si David at ang kaniyang angkan?
20 Bagaman ang unang hari ng Israel ay si Saul ng tribo ni Benjamin, siya’y sinundan ng may tibay-loob at tapat na si David ng Juda. (1 Samuel 8:5; 9:1, 2; 10:1; 16:1, 13) Pagkatapos ng maraming taóng paghahari ni David, minagaling ni Jehova na gumawa ng isang tipan kay David. Una muna’y Kaniyang sinabi: “Aking ibabangon ang iyong binhi pagkatapos mo, na manggagaling sa loob ng iyong katawan; at gagawin kong matatag ang kaniyang kaharian. Kaniyang ipagtatayo ng bahay ang aking pangalan, at gagawin kong matatag ang trono ng kaniyang kaharian hanggang sa panahong walang takda.” (2 Samuel 7:12, 13) Gaya ng ipinakita, ang anak ni David na si Solomon ang humaliling hari, at siya’y ginamit upang magtayo ng isang bahay, o templo, para sa Diyos sa Jerusalem. Subalit, mayroong higit pa.
21. Gumawa ng paglalaan para sa ano ang tipan sa Kaharian kay David?
21 Si Jehova ay nagpatuloy at ginawa niya ang tipang ito kay David: “Ang iyong sambahayan at ang iyong kaharian ay tunay na magiging matiwasay magpakailanman; at ang iyo mismong trono ay mapatatatag magpakailanman.” (2 Samuel 7:16) Sa ganito’y nagtatatag noon ang Diyos ng isang dinastiya para sa Israel sa pamilya ni David. Iyon ay hindi lamang isang patuluyang paghahali-halili ng mga hari sa angkan ni David. Sa wakas, mayroong isa sa angkan ni David na maghahari hanggang “sa panahong walang takda, at ang kaniyang trono ay [magiging] gaya ng araw sa harap ng [Diyos].”—Awit 89:20, 29, 34-36; Isaias 55:3, 4.
22. Paanong ang tipan kay David ay may kaugnayan sa angkang pagmumulan ng Binhi, at ano ang resulta?
22 Kung gayon, maliwanag na ang tipan kay David ay nagpahiwatig ng tungkol sa tiyak na angkang pagmumulan ng Binhi. Maging ang mga Judio noong unang siglo ay nakaunawa na sa angkan ni David manggagaling ang Mesiyas upang maging inapo niya. (Juan 7:41, 42) Si Jesu-Kristo, ang pangunahing bahagi ng binhi sa tipang Abrahamiko, ay kuwalipikado na maging ang permanenteng Tagapagmana ng Kahariang ito ni David, gaya ng pinatotohanan ng isang anghel. (Lucas 1:31-33) Sa gayu’y nakamit ni Jesus ang karapatan na maghari sa Lupang Pangako, ang lupain na pinagharian ni David. Ito’y dapat magbigay sa atin ng lalong higit na pagtitiwala kay Jesus; siya’y naghahari, hindi dahil sa labag-batas na pang-aagaw ng kapangyarihan, kundi dahil sa isang itinatag na kaayusan ayon sa batas, ang isang banal na tipan.
23. Anong mga tanong at mga bagay-bagay ang kailangan pa ring sagutin at lutasin?
23 Ating naisaalang-alang ang apat lamang sa banal na mga tipan na may kinalaman sa kung paanong isinaayos ng Diyos na matupad ang kaniyang layunin na dalhan ng walang-hanggang pagpapala ang sangkatauhan. Malamang, iyong nakikita na hindi pa kumpleto ang larawang iyan. May mga tanong pa rin: Yamang ang mga tao’y nagpatuloy na di-sakdal, anong saserdote o hain ang makapagbabago pa niyan magpakailanman? Paano makapagiging kuwalipikado ang mga tao upang maging bahagi ng binhi ni Abraham? May dahilan bang maniwala na ang karapatang maghari ay palalawakin upang makasali roon ang higit pa kaysa isa lamang makalupang nasasakupan? Paanong ang binhi ni Abraham, kapuwa ang pangunahin at ang pangalawang mga bahagi, ay makapagdudulot ng pagpapala sa “lahat ng mga bansa sa lupa,” kasali ang bawat isa sa atin? Tingnan natin.
[Mga talababa]
a Ito ay isang unilateral na tipan, yamang isa lamang panig (ang Diyos) ang nangako na magsasagawa ng mga termino nito.
b “Ang ideya ng pagkasangkot sa isang tipan ay isang natatanging bahagi ng relihiyon ng Israel, ang tanging humihingi ng bukud-tanging katapatan at humahadlang sa posibilidad ng pagtatapat sa dalawa o sa marami gaya ng ipinahihintulot sa mga ibang relihiyon.”—Theological Dictionary of the Old Testament, Tomo II, pahina 278.
Ano ang Sagot Mo?
◻ Paano inilagay ng tipang Abrahamiko ang saligan para sa pagtanggap natin ng walang-hanggang mga pagpapala?
◻ Ano ang literal, makalamang binhi ni Abraham? Ang simbolikong binhi?
◻ Bakit idinagdag sa tipan kay Abraham ang tipang Kautusan?
◻ Paanong pinasulong ng tipan sa Kaharian kay David ang layunin ng Diyos?
[Dayagram sa pahina 13]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Tipan sa Eden Genesis 3:15
Tipan kay Abraham
Pangunahing binhi
Pangalawang binhi
Walang-hanggang mga pagpapala
[Dayagram sa pahina 14]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Tipan sa Eden Genesis 3:15
Tipan kay Abraham
Tipang Kautusan
Tipan kay David sa Kaharian
Pangunahing binhi
Pangalawang binhi
Walang-hanggang mga pagpapala
[Larawan sa pahina 10]
Upang matupad ang kaniyang layunin alang-alang sa sangkatauhan, ang Diyos ay gumawa ng isang tipan sa tapat na si Abraham
-
-
Makikinabang Ka ba sa mga Tipan ng Diyos?Ang Bantayan—1989 | Pebrero 1
-
-
Makikinabang Ka ba sa mga Tipan ng Diyos?
“‘Sa pamamagitan mo’y pagpapalain ang lahat ng bansa.’ Kaya’t ang mga nananatili sa pananampalataya ay pinagpapala kasama ng tapat na si Abraham.”—GALACIA 3:8, 9.
1. Ano ang ipinakikita ng kasaysayan tungkol sa epekto ng maraming pamamahala?
“ANG mapagkawanggawa [o, naliwanagan] na mga hari-harian” ang tawag sa mga ilang tagapamahalang Europeo ng ika-18 siglo. Sila’y ‘may layunin na pamahalaan ang mga mamamayan taglay ang makaamang kabaitan, subalit ang mga balak nila ay nasinsay at ang kanilang mga reporma ay nabigo.’a (The Encyclopedia Americana) Ito’y naging isang pangunahing sanhi ng mga rebolusyon na madaling lumaganap sa Europa.
2, 3. Papaanong si Jehova ay naiiba sa mga haring tao?
2 Anong laking pagkakaiba ni Jehova sa pabagu-bagong mga tagapamahalang tao. Agad nating nakikita ang lubhang pangangailangan ng sangkatauhan ng pagbabago na sa wakas ay magdudulot ng tunay na lunas sa pang-aapi at pagdurusa. Subalit huwag nating isipin na ang pagkilos ng Diyos upang maisagawa ito ay depende sa kapritso ninuman. Sa pinakamalaganap na aklat sa daigdig, ang kaniyang pangako na dulutan ng walang-hanggang mga pagpapala ang sumasampalatayang sangkatauhan ay kaniyang nilakipan ng katibayan. Ito’y gagawin niya anuman ang dating bansa, ang lahi, pinag-aralan, o katayuan sa lipunan ng mga tao. (Galacia 3:28) Subalit makapanghahawakan ka kaya rito?
-