Exodo
34 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: “Gumawa ka ng dalawang tapyas ng bato na tulad ng mga nauna,+ at isusulat ko sa mga tapyas ang mga isinulat ko sa unang mga tapyas+ na binasag mo.+ 2 Maghanda ka para sa kinaumagahan, dahil sa kinaumagahan ay aakyat ka sa Bundok Sinai at tatayo ka sa harap ko, doon sa tuktok ng bundok.+ 3 Pero walang puwedeng sumama sa iyo sa pag-akyat, at walang sinuman ang dapat makita sa buong bundok. Kahit ang mga kawan o bakahan ay hindi puwedeng manginain sa tapat ng bundok na iyon.”+
4 Kaya gumawa si Moises ng dalawang tapyas ng bato na tulad ng mga nauna, maagang bumangon kinabukasan, at umakyat sa Bundok Sinai, gaya ng iniutos ni Jehova sa kaniya, at dinala niya ang dalawang tapyas ng bato sa kaniyang kamay. 5 At bumaba si Jehova+ sa ulap at tumayong kasama niya at ipinahayag ang pangalan ni Jehova.+ 6 Dumaan si Jehova sa harap niya at ipinahayag: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain+ at mapagmalasakit,*+ hindi madaling magalit+ at sagana sa tapat na pag-ibig*+ at katotohanan,*+ 7 nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa libo-libo,+ nagpapatawad sa pagkakamali at pagsuway at kasalanan,+ pero tinitiyak niyang mapaparusahan ang mga may kasalanan+ at pinaparusahan ang mga anak at mga apo dahil sa kasalanan ng mga ama, pati na ang ikatlo at ikaapat na henerasyon.”+
8 Si Moises ay nagmadaling lumuhod at yumukod. 9 Pagkatapos, sinabi niya: “Kung ako ngayon ay kalugod-lugod sa paningin mo, O Jehova, pakisuyo, Jehova, sumama ka sa amin,+ kahit na kami ay isang bayang matigas ang ulo,*+ at patawarin mo ang aming pagkakamali at kasalanan,+ at gawin mo kaming pag-aari mo.” 10 Sinabi naman niya: “Nakikipagtipan ako sa iyo ngayon: Sa harap ng iyong buong bayan, gagawa ako ng kahanga-hangang mga bagay na hindi pa nangyayari* saanman sa lupa o sa alinmang bansa,+ at makikita ng lahat ng bayan sa palibot ninyo ang gawa ni Jehova, dahil kamangha-mangha ang mga gagawin ko para sa inyo.+
11 “Bigyang-pansin mo ang iniuutos ko sa iyo ngayon.+ Palalayasin ko sa harap mo ang mga Amorita, Canaanita, Hiteo, Perizita, Hivita, at Jebusita.+ 12 Bantayan mo ang iyong sarili nang hindi ka makipagtipan sa mga nakatira sa lupaing pupuntahan mo,+ dahil magiging bitag iyon sa iyo.+ 13 Sa halip, ibabagsak ninyo ang mga altar nila, gigibain ang mga sagradong haligi nila, at puputulin ang mga sagradong poste* nila.+ 14 Hindi ka dapat yumukod sa ibang diyos,+ dahil kilala si Jehova na* humihiling ng bukod-tanging debosyon.* Oo, siya ay isang Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.+ 15 Bantayan mo ang iyong sarili nang hindi ka makipagtipan sa mga nakatira sa lupain, dahil kapag nakikiapid* sila sa mga diyos nila at naghahain sa mga ito,+ may mag-aanyaya sa iyo at kakain ka ng hain niya.+ 16 At tiyak na kukunin mo ang ilan sa mga anak nilang babae para sa mga anak mong lalaki,+ at ang mga anak nilang babae ay makikiapid* sa mga diyos nila at hihikayatin ang mga anak mong lalaki na makiapid din sa mga diyos nila.+
17 “Huwag kang gagawa ng mga diyos na yari sa tinunaw na metal.+
18 “Ipagdiriwang mo ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa.+ Kakain ka ng tinapay na walang pampaalsa, gaya ng iniutos ko sa iyo; pitong araw mo itong gagawin sa itinakdang panahon sa buwan ng Abib,*+ dahil buwan ng Abib nang lumabas ka sa Ehipto.
19 “Ang bawat panganay na lalaki* ay akin,+ kasama ang lahat ng iyong alagang hayop, ito man ay panganay na lalaking baka o tupa.+ 20 Ang panganay ng asno ay tutubusin mo ng isang tupa. Pero kung hindi mo iyon tutubusin, babaliin mo ang leeg nito. Tutubusin mo rin ang bawat panganay na lalaki sa iyong pamilya.+ Hindi puwedeng humarap sa akin ang sinumang walang dala.
21 “Anim na araw kang magtatrabaho, pero sa ikapitong araw ay magpapahinga ka.*+ Kahit sa panahon ng pag-aararo at pag-aani ay magpapahinga ka.
22 “At ipagdiriwang mo ang iyong Kapistahan ng mga Sanlinggo, na inihahandog ang mga unang hinog na bunga mula sa pag-aani ng trigo, at ang Kapistahan ng Pagtitipon ng Ani* sa pagtatapos ng taon.+
23 “Tatlong beses sa isang taon, ang lahat ng lalaki ay haharap sa tunay na Panginoon, si Jehova, ang Diyos ng Israel.+ 24 Dahil palalayasin ko ang mga bansa sa harap mo,+ at palalawakin ko ang teritoryo mo, at walang magtatangkang umangkin sa iyong lupain kapag umaalis ka para humarap sa* iyong Diyos na si Jehova nang tatlong beses sa isang taon.
25 “Ang dugo ng hain para sa akin ay huwag mong ihahandog kasama ng anumang may pampaalsa.+ Walang dapat matira sa hain ng kapistahan ng Paskuwa hanggang kinaumagahan.+
26 “Dadalhin mo sa bahay ni Jehova na iyong Diyos ang pinakamainam sa mga unang hinog na bunga ng iyong lupa.+
“Huwag mong pakukuluan ang batang kambing sa gatas ng ina nito.”+
27 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: “Isulat mo ang mga salitang ito,+ dahil nakikipagtipan ako sa iyo at sa Israel ayon sa mga salitang ito.”+ 28 At nanatili siya roon kasama ni Jehova nang 40 araw at 40 gabi. Hindi siya kumain ng tinapay o uminom ng tubig.+ At isinulat Niya sa mga tapyas ang mga salita ng tipan, ang Sampung Utos.*+
29 Pagkatapos, bumaba si Moises mula sa Bundok Sinai hawak ang dalawang tapyas ng Patotoo.+ Nang bumaba siya mula sa bundok, hindi alam ni Moises na nagliliwanag ang kaniyang balat sa mukha dahil sa pakikipag-usap niya sa Diyos. 30 Nang makita ni Aaron at ng lahat ng Israelita si Moises, napansin nilang nagliliwanag ang kaniyang balat sa mukha kaya natakot silang lumapit sa kaniya.+
31 Pero tinawag sila ni Moises, kaya pumunta sa kaniya si Aaron at ang lahat ng pinuno ng bayan, at kinausap sila ni Moises. 32 Pagkatapos, lumapit sa kaniya ang lahat ng Israelita, at sinabi niya sa kanila ang lahat ng utos na ibinigay sa kaniya ni Jehova sa Bundok Sinai.+ 33 Kapag tapos nang makipag-usap sa kanila si Moises, tinatakpan niya ng tela ang mukha niya.+ 34 Pero kapag humaharap si Moises kay Jehova para makipag-usap, inaalis niya ang tela.+ Pagkatapos ay lumalabas siya at sinasabi sa mga Israelita ang natanggap niyang mga utos.+ 35 At nakikita ng mga Israelita na nagliliwanag ang balat ni Moises sa mukha; at ibinabalik ni Moises ang tela sa mukha niya hanggang sa humarap siyang muli sa Diyos* para makipag-usap.+