Makatutulong Ka Ba sa Inyong Kongregasyon?
BAGO umakyat si Jesus sa langit, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Kayo ay magiging mga saksi ko . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Paano iyon nagawa ng unang mga Kristiyano?
Sinabi ni Martin Goodman, propesor sa Oxford University, na ang pagkadama ng “misyon ang nagpaiba sa mga Kristiyano mula sa ibang mga grupo ng relihiyon, kasama na ang mga Judio, noong maagang bahagi ng imperyo ng Roma.” Naglakbay si Jesus sa iba’t ibang lugar para mangaral. Bilang pagtulad sa kaniya, malamang na naunawaan ng mga tunay na Kristiyano na para maipalaganap ang “mabuting balita ng kaharian ng Diyos,” kailangan nilang hanapin ang mga taong nais makaalam ng katotohanang nasa Bibliya. (Luc. 4:43) Isa ito sa mga dahilan kung bakit ang unang-siglong kongregasyong Kristiyano ay may “mga apostol,” isang termino na literal na tumutukoy sa mga isinugo. (Mar. 3:14) Iniutos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.”—Mat. 28:18-20.
Wala na ang 12 apostol ni Jesus sa lupa ngayon, pero maraming lingkod ni Jehova ang nagpapakita ng espiritu ng pagmimisyonero. Ang tugon nila sa paanyaya na palawakin ang kanilang pangangaral ay: “Narito ako! Isugo mo ako.” (Isa. 6:8) Ang ilan, gaya ng libo-libong nagtapos sa Paaralang Gilead, ay lumipat sa malalayong lupain. Ang iba naman ay lumipat sa ibang lugar sa kanilang sariling bansa. Marami rin ang nag-aral ng ibang wika para umugnay sa mga kongregasyon at grupo na sumusuporta sa mga nagsasalita ng wikang iyon. Maaaring hindi laging madali o maganda ang sitwasyon ng mga kapatid na ito. Kinailangan nilang maging mapagsakripisyo para maipakita ang pag-ibig kay Jehova at sa kanilang kapuwa. Pero matapos nilang ‘tuusin ang gastusin,’ nagpasiya silang tumulong. (Luc. 14:28-30) Talagang nakatutugon sa pangangailangan ang mga kapatid na ito!
Pero iba-iba ang sitwasyon ng bawat Saksi. Hindi lahat ay nasa kalagayang lumipat kung saan mas malaki ang pangangailangan o mag-aral ng ibang wika. Kung gayon, puwede kaya tayong magpakita ng espiritu ng pagmimisyonero kahit sa sarili nating kongregasyon?
MAGING MISYONERO SA INYONG KONGREGASYON
Maliwanag na may espiritu ng pagmimisyonero ang mga Kristiyano noong unang siglo, pero malamang na karamihan sa kanila ay hindi naman umalis sa kanilang sariling bayan. Kapit pa rin sa kanila at sa lahat ng lingkod ng Diyos ang payong ibinigay kay Timoteo: “Gawin mo ang gawain ng isang ebanghelisador, lubusan mong ganapin ang iyong ministeryo.” (2 Tim. 4:5) Ang utos na ipangaral ang mensahe ng Kaharian at gumawa ng mga alagad ay kapit sa lahat ng Kristiyano saanman sila naroroon. Marami ring aspekto ng gawaing pagmimisyonero ang maikakapit sa ating sariling kongregasyon.
Halimbawa, ang isang misyonerong naglilingkod sa ibang bansa ay kailangang matutong makibagay. Maraming bagay sa kaniyang bagong atas ang ibang-iba. Paano naman kung hindi tayo maaaring lumipat kung saan mas malaki ang pangangailangan? Iisipin ba natin na alam na alam na natin ang lahat ng tungkol sa teritoryo ng ating kongregasyon? O maghahanap tayo ng bagong pamamaraan para makapangaral? Halimbawa, noong 1940, pinasigla ang mga kapatid na mag-iskedyul ng isang araw bawat linggo para magpatotoo sa lansangan. Puwede mo rin bang subukan iyan? Kumusta naman ang paggamit ng mga cart ng literatura? Ang punto ay: Napag-isipan mo na ba ang mga paraang ito ng pagbabahagi ng mabuting balita, mga paraan na maaaring bago sa iyo?
Makatutulong din sa atin ang pagiging positibo para maging masigasig tayo sa ministeryo. Kadalasan, ang mga nagboboluntaryong lumipat kung saan mas malaki ang pangangailangan o maglingkod sa teritoryong may ibang wika ay mahuhusay at kuwalipikadong mamamahayag. Kaya naman nagiging pagpapala sila sa marami, halimbawa, kapag nangunguna sila sa ministeryo. Kadalasan, mga misyonero rin ang nangangasiwa sa mga kaayusan ng kongregasyon hangga’t wala pang kuwalipikadong mga brother. Kung isa kang bautisadong brother, umaabot ka ba ng mga pribilehiyo at handang maglingkod sa mga kapananampalataya mo sa inyong kongregasyon?—1 Tim. 3:1.
MAGING “TULONG NA NAGPAPALAKAS”
Bukod sa masigasig na pangangaral at pagbalikat ng mga responsibilidad sa kongregasyon, may iba pang paraan para makatulong tayo sa ating kongregasyon. Ang lahat—bata o matanda, lalaki o babae—ay puwedeng maging “tulong na nagpapalakas” sa mga kapananampalatayang nangangailangan.—Col. 4:11.
Para matulungan ang ating mga kapananampalataya, kailangan natin silang makilalang mabuti. Hinihimok tayo ng Bibliya na “isaalang-alang natin ang isa’t isa” sa mga pagpupulong. (Heb. 10:24) Hindi ibig sabihin nito na manghihimasok tayo sa buhay-buhay ng iba kundi sisikapin nating makilala at maunawaan ang ating mga kapatid at ang mga pangangailangan nila. Maaaring ang mga iyon ay praktikal, emosyonal, o espirituwal na pangangailangan. Hindi lang mga elder at ministeryal na lingkod ang may pananagutang tumulong sa mga kapananampalataya. Totoong may mga pagkakataong sila ang nararapat maglaan ng tulong. (Gal. 6:1) Pero lahat tayo ay puwedeng makatulong sa may-edad nang mga kapatid, o mga pamilya, na may mga problema.
Halimbawa, nagkaproblema sa pera si Salvatore kung kaya ipinagbili niya ang kaniyang negosyo, bahay, at marami sa kanilang ari-arian. Nag-alala siya kung paano makakaraos ang kaniyang pamilya. Nalaman ng isang pamilya sa kanilang kongregasyon ang sitwasyon nila. Naglaan sila ng tulong pinansiyal, tinulungan si Salvatore at ang misis nito na makahanap ng trabaho, at gumugol ng maraming panahon sa pakikinig at pagpapatibay sa buong pamilya. Naging matalik na magkaibigan ang dalawang pamilyang ito. Sa kabila ng mga pinagdaanan nila noon, masayang-masaya ang mga pamilyang ito kapag naaalaala nila ang mga panahong pinagsamahan nila.
Para sa mga tunay na Kristiyano, ang relihiyon ay hindi sinasarili. Gaya ng ipinakita ni Jesus, kailangan nating ipaalam sa lahat ang magagandang pangako ng Bibliya. Nasa kalagayan man tayong lumipat o hindi, sikapin nating gumawa ng mabuti sa lahat. Tiyak na magagawa natin iyan sa sarili nating kongregasyon. (Gal. 6:10) Sa gayon, mararanasan natin ang kagalakang dulot ng pagbibigay at matutulungan tayong ‘patuloy na mamunga sa bawat mabuting gawa.’—Col. 1:10; Gawa 20:35.