PIPINO
[sa Heb., qish·shu·ʼahʹ].
Kabilang ang pipino sa mga pagkain ng Ehipto na lubhang ninasa ng nagrereklamong mga Israelita at haluang pulutong, kasama ang pakwan, puero, sibuyas, at bawang. (Bil 11:5) Palibhasa’y minamalas ng ilang iskolar na masyadong pangkaraniwan ang pipino upang nasain nang gayon, iminumungkahi nila na malamang na melon (Cucumis melo) ang tinutukoy. Gayunman, pipino ang tinutukoy ng katibayan mula sa nauugnay na mga wika, gayundin yaong mula sa maagang mga salin.
Ang pipino ay tumutubo bilang isang mahaba at gumagapang na baging na may mga bulaklak na dilaw o maputi. Ang bunga ng karaniwang pipino (Cucumis sativus) ay may balat na makinis at berde hanggang mangasul-ngasul na berde, at may mabutong ubod sa loob na kulay puting maberde-berde. Ang natutubigang-mainam na mga pampang ng Nilo at ang mahamog na lupain ng Palestina, lakip ang init ng araw, ay angkop na angkop sa pagtubo ng halamang ito na malawakang itinatanim sa mga bansang iyon.
Naging kaugalian noon na magtayo ng isang kubol o kubo sa mga hardin ng gulay o sa mga ubasan upang masilungan ng bantay na nagsasanggalang sa mga ani ng bukid laban sa mga magnanakaw at mga hayop na sumasalakay. Kung ang kubo ay katulad niyaong mga ginamit nitong mga panahong kalilipas lamang, maituturing na isa itong marupok na istraktura na binubuo ng apat na patayong poste na ibinaon sa lupa, na pinagdudugtung-dugtong ng mga pirasong pahalang. Mga sanga ang ginamit sa paggawa ng bubong at mga gilid, anupat kung minsan ay hinabi-habi ang mga ito (samakatuwid nga, pinagsanib-sanib ang maliliit at payat na mga sanga), samantalang ang pangunahing mga sugpungan naman ng istraktura ay itinali sa pamamagitan ng maliliit at malalambot na sanga na ginamit bilang lubid. Kapag tapos na ang kapanahunan ng pagtatanim, ang mga kubong ito ay pinababayaan, at kapag nagsimula na ang hangin at ulan ng taglagas, ang mga ito ay maaaring gumiray o bumagsak pa nga. Kaya naman sa gitna ng pagkatiwangwang, makulay na inilalarawan ang Sion bilang “naiwang gaya ng isang kubol sa ubasan, gaya ng isang kubong bantayan sa bukid ng mga pipino.”—Isa 1:8.
Naglalagay rin noon ng mga haligi, mga poste, o iba pang mga bagay sa tinamnang mga bukid upang magsilbing panakot sa mga hayop, at sa gayong pipi at walang-buhay na “panakot ng ibon sa bukid ng mga pipino” inihalintulad ng propetang si Jeremias ang mga imahen na ginagawa ng idolatrosong mga bansa.—Jer 10:5.