WIKA
Alinmang pamamaraan, sinasalita o iba pa, na sa pamamagitan niyaon ang mga damdamin o mga kaisipan ay naipapahayag o naitatawid. Gayunman, sa pangkalahatan, ang wika ay nangangahulugang isang kalipunan ng mga salita at mga pamamaraan ng pag-uugnay-ugnay sa mga iyon ayon sa pagkaunawa ng isang grupo ng mga tao. Ang mga salitang Hebreo at Griego para sa “dila” ay nangangahulugang “wika.” (Jer 5:15, tlb sa Rbi8; Gaw 2:11, Int) Ang terminong Hebreo para sa “labi” ay ginagamit sa katulad na paraan.—Gen 11:1, tlb sa Rbi8.
Sabihin pa, ang wika ay may napakalapit na kaugnayan sa isip, na gumagamit ng mga sangkap sa pagsasalita—lalamunan, dila, labi, at ngipin—bilang mga instrumento nito. (Tingnan ang DILA.) Kaya naman, ganito ang sabi ng Encyclopædia Britannica (edisyon ng 1959): “Magkaugnay ang pag-iisíp at ang mga salita. Sapagkat ang pag-iisíp, upang maging malinaw, ay kailangang umasa sa mga pangalan [o pangngalan] at sa iba’t ibang kaugnayan ng mga iyon sa isa’t isa. . . . Bagaman makatuwiran naman ang ilang maliliit na pag-aalinlangan, may napakaraming katibayan . . . na sumusuporta sa nabanggit na pangangatuwiran—kung walang mga salita, walang pag-iisíp.” (Tomo 5, p. 740) Pangunahin nang sa pamamagitan ng mga salita tumatanggap, nag-iimbak, nagmamanipula, at naghahatid ng impormasyon ang tao.
Pinagmulan ng Pagsasalita. Nilalang ang unang taong si Adan taglay ang isang bokabularyo, gayundin ang kakayahang lumikha ng bagong mga salita at sa gayo’y mapalalawak niya ang kaniyang bokabularyo. Kung walang bigay-Diyos na bokabularyo, tulad ng walang-katuwirang mga hayop, hindi mauunawaan ng bagong lalang na tao ang berbal na mga tagubilin mula sa kaniyang Maylalang. (Gen 1:27-30; 2:16-20; ihambing ang 2Pe 2:12; Jud 10.) Kaya, bagaman ang matalinong tao lamang sa lahat ng mga nilalang sa lupa ang may kakayahan ng tunay na pagsasalita, hindi sa tao nagmula ang wika kundi sa Marunong-sa-Lahat na Maylalang ng tao, ang Diyos na Jehova.—Ihambing ang Exo 4:11, 12.
Hinggil sa pinagmulan ng wika, ganito ang isinulat ng kilalang leksikograpong si Ludwig Koehler: “May napakaraming espekulasyon, lalo na noong unang mga panahon, tungkol sa kung paano ‘umiral’ ang pananalita ng tao. Sinikap ng mga manunulat na saliksikin ang ‘wika ng hayop’. Sapagkat nagagawa rin ng mga hayop na ipahayag nang naririnig sa pamamagitan ng mga tunog at mga kalipunan ng mga tunog ang kanilang mga damdamin at mga pakiramdam, tulad ng pagkakontento, takot, emosyon, banta, galit, seksuwal na pagnanasa at kasiyahan kapag natutugunan iyon, at marahil marami pang ibang bagay. Gaano man kasari-sari ang mga kapahayagang ito [ng mga hayop], . . . ang mga ito ay salat sa ideya at kaisipan, ang mahalagang elemento ng wika ng tao.” Pagkatapos ipakita kung paano masasaliksik ng mga tao ang pisyolohikal na aspekto ng pananalita ng tao, sinabi pa niya: “Subalit hindi natin nauunawaan kung ano talaga ang nangyayari sa pananalita, kung paano pinupukaw ng katiting na pagkaunawa ang diwa ng isang bata, o ng sangkatauhan sa pangkalahatan, upang maging salitang binibigkas. Isang lihim ang pananalita ng tao; isa itong kaloob ng Diyos, isang himala.”—Journal of Semitic Studies, Manchester, 1956, p. 11.
Ang wika ay ginagamit na sa loob ng di-mabilang na panahon bago pa lumitaw ang tao sa tanawin ng sansinukob. Nakipagtalastasan ang Diyos na Jehova sa kaniyang makalangit na panganay na Anak at maliwanag na ginamit Niya ito sa pakikipagtalastasan sa iba pa niyang espiritung mga anak. Dahil dito, ang panganay na Anak na iyon ay tinawag bilang “ang Salita.” (Ju 1:1; Col 1:15, 16; Apo 3:14) Gumawa ang apostol na si Pablo ng kinasihang pagtukoy sa “mga wika ng mga tao at ng mga anghel.” (1Co 13:1) Nagsasalita ang Diyos na Jehova sa kaniyang mga anghelikong nilalang sa kanilang “wika” at ‘tinutupad nila ang kaniyang salita.’ (Aw 103:20) Yamang Siya at ang kaniyang espiritung mga anak ay hindi umaasa sa isang atmospera (na nagpapaging posible sa mga sound wave at vibration na kailangan sa pagsasalita ng tao), maliwanag na hindi mauunawaan o maaabot ng kaisipan ng tao ang wika ng mga anghel. Kaya naman, bilang mga mensahero ng Diyos, gumamit ang mga anghel ng wika ng tao upang makipag-usap sa mga tao, at ang mga anghelikong mensahe ay nakaulat sa Hebreo (Gen 22:15-18), Aramaiko (Dan 7:23-27), at Griego (Apo 11:15), anupat isinulat sa mga wikang ito ang nabanggit na mga teksto ayon sa pagkakasunud-sunod.
Bakit nagkakaiba-iba ang mga wika?
Ayon sa United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO), mga 6,000 wika ang sinasalita ngayon sa buong lupa. Ang iba ay sinasalita ng daan-daang milyon katao, ang iba naman ay sinasalita ng wala pang isang libo. Bagaman maaaring halos pareho ang mga ideyang ipinapahayag at itinatawid, maraming paraan upang ipahayag ang mga ito. Tanging ang kasaysayan sa Bibliya ang nagpapaliwanag ng pinagmulan ng pambihirang pagkakaiba-ibang ito sa pakikipagtalastasan ng tao.
Hanggang sa isang panahon pagkatapos ng pangglobong Baha, ang buong sangkatauhan “ay nagpatuloy na iisa ang wika [sa literal, “labi”] at iisa ang kalipunan ng mga salita.” (Gen 11:1) Ipinahihiwatig ng Bibliya na ang orihinal na ‘iisang wika’ na iyon ay ang wikang tinawag na Hebreo noong dakong huli. (Tingnan ang HEBREO, II.) Gaya ng ipakikita, hindi ito nangangahulugan na ang lahat ng iba pang wika ay nagmula at nauugnay sa Hebreo kundi ang Hebreo ay nauna sa lahat ng iba pang wika.
Inilalarawan ng ulat ng Genesis ang pagsasama-sama ng ilang bahagi ng pamilya ng tao pagkaraan ng Baha sa isang proyektong salungat sa kalooban ng Diyos na sinabi noon kay Noe at sa mga anak nito. (Gen 9:1) Sa halip na mangalat at ‘punuin ang lupa,’ ipinasiya nilang isentralisado ang lipunan ng tao, anupat maninirahan lamang sila sa isang lugar na nakilala bilang ang Kapatagan ng Sinar sa Mesopotamia. Maliwanag, ito ay magiging isang sentro rin ng relihiyon, na may isang relihiyosong tore.—Gen 11:2-4.
Pinigilan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang kanilang pangahas na proyekto sa pamamagitan ng pagsira sa nagkakaisa nilang pagkilos, anupat isinagawa niya ito sa pamamagitan ng paggulo sa kanilang iisang wika. Dahil dito, naging imposible ang anumang nagkakaisang paggawa sa kanilang proyekto at humantong ito sa pangangalat nila sa lahat ng bahagi ng globo. Ang paggulo sa kanilang wika ay makahahadlang o makapagpapabagal din sa pagsulong sa hinaharap tungo sa isang maling direksiyon, isang direksiyon na salansang sa Diyos, yamang malilimitahan nito ang kakayahan ng sangkatauhan na pagsama-samahin ang intelektuwal at pisikal na lakas nila para sa ambisyosong mga pakana at sa pamamagitan din nito ay magiging mahirap na magamit ang natipong kaalaman ng iba’t ibang nabuong mga grupo na may kani-kaniyang wika—kaalamang hindi mula sa Diyos kundi natamo sa pamamagitan ng karanasan at pananaliksik ng tao. (Ihambing ang Ec 7:29; Deu 32:5.) Kaya bagaman lumikha ito ng isang malaking salik na nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi sa lipunan ng tao, sa totoo ay nakinabang ang lipunan ng tao sa paggulo sa pananalita ng tao dahil napabagal nito ang pag-abot sa mapanganib at nakapipinsalang mga tunguhin. (Gen 11:5-9; ihambing ang Isa 8:9, 10.) Kailangan lamang na isaalang-alang ng isa ang ilang pangyayari sa ating sariling panahon, na resulta ng natipong sekular na kaalaman at ng maling paggamit dito ng tao, upang matanto kung ano ang patiuna at matagal nang nakita ng Diyos na mangyayari kung hindi hahadlangan ang mga pagsisikap sa Babel.
Karaniwan na, ang mga wika ay inuuri ng pilolohiya, ang pahambing na pagsusuri sa mga wika, sa magkakaibang “mga pamilya.” Kadalasan, ang “magulang” na wika ng bawat pangunahing pamilya ay hindi matukoy; bukod dito, walang anumang ebidensiya na nagtuturo sa alinmang “magulang” na wika bilang ang pinagmulan ng lahat ng libu-libong wika na sinasalita ngayon. Hindi sinasabi ng ulat ng Bibliya na ang lahat ng wika ay nagmula, o nagsanga mula, sa Hebreo. Sa karaniwan nang tinatawag na Talahanayan ng mga Bansa (Gen 10) ang mga inapo ng mga anak ni Noe (sina Sem, Ham, at Japet) ay itinala at sa bawat kaso ay pinangkat ‘ayon sa kani-kanilang pamilya, ayon sa kani-kanilang wika, sa kani-kanilang mga lupain, sa kani-kanilang mga bansa.’ (Gen 10:5, 20, 31, 32) Kaya nga, lumilitaw na, noong makahimala niyang guluhin ang wika ng tao, ang nilikha ng Diyos na Jehova ay hindi mga diyalekto ng Hebreo, kundi maraming ganap na bagong wika, anupat maipapahayag sa bawat isa sa mga iyon ang lahat ng uri ng damdamin at kaisipan ng tao.
Kaya matapos guluhin ng Diyos ang kanilang wika, ang mga tagapagtayo ng Babel ay hindi lamang nawalan ng ‘iisang kalipunan ng mga salita’ (Gen 11:1), ng iisang bokabularyo, kundi nawalan din sila ng iisang balarila, ng iisang paraan ng pagpapahayag ng kaugnayan ng mga salita. Sinabi ni Propesor S. R. Driver: “Gayunman, ang mga wika ay hindi lamang sa balarila at mga salitang-ugat nagkakaiba-iba, kundi gayundin . . . sa paraan ng pagbuo ng mga ideya upang maging isang pangungusap. Hindi pare-pareho ang paraan ng pag-iisíp ng iba’t ibang lahi; at dahil dito ang mga anyo ng mga pangungusap sa iba’t ibang wika ay hindi magkakapareho.” (A Dictionary of the Bible, inedit ni J. Hastings, 1905, Tomo IV, p. 791) Samakatuwid nga, ang iba’t ibang wika ay nangangailangan ng lubhang magkakaibang kaisipan, anupat dahil dito ay nagiging mahirap para sa isang bagong nag-aaral ng wika ang ‘mag-isip sa wikang iyon.’ (Ihambing ang 1Co 14:10, 11.) Ito rin ang dahilan kung bakit maaaring maging waring walang-katuturan ang literal na salin ng isang bagay na sinabi o isinulat sa isang di-pamilyar na wika, anupat kadalasa’y nasasabi ng mga tao, “Hindi ko maintindihan!” Kaya, lumilitaw na noong ginulo ng Diyos na Jehova ang pananalita ng mga nasa Babel, binura muna niya ang lahat ng alaala ng kanilang dating iisang wika at saka niya ipinasok sa isip nila hindi lamang ang bagong mga bokabularyo kundi gayundin ang bagong mga kaisipan, na nagbunga naman ng bagong mga balarila.—Ihambing ang Isa 33:19; Eze 3:4-6.
Bilang halimbawa, masusumpungan natin na may mga wika na monosyllabic (binubuo ng mga salitang may isang pantig lamang), tulad ng Tsino. Ibang-iba naman dito, ang bokabularyo ng ibang mga wika ay pangunahin nang binubuo sa pamamagitan ng agglutination, samakatuwid nga, pinagdidikit-dikit ang mga salita, gaya sa salitang Aleman na Hausfriedensbruch, na literal na nangangahulugang “pagkasira ng kapayapaan ng bahay,” o, sa isang anyong mas mauunawaan ng mga nagsasalita ng Ingles, “trespass” (pumasok nang walang pahintulot). Sa ilang wika, napakaimportante ng sintaks, ang pagkakasunud-sunod ng mga salita sa pangungusap; sa ibang wika naman ay hindi ito gaanong mahalaga. Gayundin, may ilang wika na may maraming pagbabanghay [conjugation] (mga anyo ng pandiwa); ang ibang wika, tulad ng Tsino, ay wala nito. Napakaraming pagkakaiba ang maaaring banggitin, anupat bawat isa ay humihiling ng pagbabago sa paraan ng pag-iisíp, na kadalasa’y nangangailangan ng malaking pagsisikap.
Maliwanag na sa paglipas ng panahon ang orihinal na mga wikang nalikha ng pagkilos ng Diyos sa Babel ay nagluwal ng magkakaugnay na mga diyalekto, at kalimitan ang mga diyalekto naman ay nalilinang tungo sa magkakabukod na mga wika, anupat kung minsan ay halos hindi na makilala ang kaugnayan nila sa kanilang “kapatid” na mga diyalekto o sa “magulang” na wika. Maging ang mga inapo ni Sem, na lumilitaw na hindi kasama sa pulutong sa Babel, noong maglaon ay hindi lamang nagsalita ng Hebreo kundi gayundin ng Arameano, Akkadiano, at Arabe. Ayon sa kasaysayan, may iba’t ibang salik na nagiging dahilan ng pagbabago ng mga wika: pagkakahiwalay dahil sa distansiya o heograpikong mga harang, mga digmaan at pananakop, pagkasira ng komunikasyon, at pandarayuhan niyaong mga may ibang wika. Dahil sa gayong mga salik, nagkawatak-watak ang sinaunang mga pangunahing wika, anupat may mga wika na bahagyang napahalo sa ibang mga wika, at may ilang mga wika naman na lubusan nang naglaho at napalitan ng mga wika ng mga mananakop.
Ang pananaliksik sa wika ay naglalaan ng katibayan hinggil sa naunang impormasyon. Sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang pinakaunang mga rekord ng nasusulat na wika, ang tanging mga fosil ng wika na makukuha ng tao, ay may edad lamang na mga 4,000 o 5,000 taon.” (1985, Tomo 22, p. 567) Sinasabi ng isang artikulo sa Science Illustrated ng Hulyo 1948 (p. 63): “Ang mas matatandang anyo ng mga wika na kilala ngayon ay higit na mas mahirap unawain kaysa sa makabagong mga wika na nagmula sa mga iyon . . . lumilitaw na ang tao ay hindi nagsimula sa isang simpleng pananalita, at pagkatapos ay unti-unti itong ginawang mas masalimuot, kundi sa halip ay nanghahawakan sa isang napakakomplikadong pananalita sa nagdaang panahon, at pagkatapos ay unti-unting pinasimple iyon tungo sa makabagong mga anyo.” Sinasabi rin ng lingguwistang si Dr. Mason na “ang ideya na ang ‘mga taong-gubat’ ay nagsasalita sa pamamagitan ng sunud-sunod na mga ungol, at hindi nila kayang magpahayag ng maraming ‘sibilisadong’ kaisipan, ay maling-mali” at na “marami sa mga wika ng mga taong di-marunong bumasa’t sumulat ay mas higit na masalimuot kaysa sa makabagong mga wikang Europeo.” (Science News Letter, Setyembre 3, 1955, p. 148) Sa gayon, ang katibayan ay salungat sa anumang ideya ng tulad-ebolusyong pinagmulan ng pagsasalita o ng sinaunang mga wika.
Tungkol sa sentro kung saan nagsimulang mangalat ang sinaunang mga wika, ganito ang sabi ni Sir Henry Rawlinson, isang iskolar ng mga wika sa Silangan: “Kung ang magiging giya natin ay ang salubungan lamang ng mga landas ng wika, at hindi sasangguni sa lahat ng pagtukoy sa rekord ng kasulatan, aakayin pa rin tayo nito sa kapatagan ng Sinar, bilang ang pinagmulan ng iba’t ibang landas ng wika.”—The Journal of the Royal Asiatic Society of Great Britain and Ireland, London, 1855, Tomo 15, p. 232.
Kabilang sa pangunahing “mga pamilya” na itinala ng makabagong mga pilologo ay: Indo-Europeo, Tsino-Tibetano, Afro-Asiano, Hapon at Koreano, Dravidiano, Malayo-Polynesian, at Black African. Maraming wika ang hanggang sa ngayon ay napakahirap uriin. Sa bawat pangunahing mga pamilya ay may nakapaloob na maraming subdibisyon, o mas maliliit na pamilya. Kaya, kabilang sa Indo-Europeong pamilya ang Germanic, Romanse (Italic), Balto-Slavic, Indo-Iraniano, Griego, Celtic, Albaniano, at Armeniano. Ang karamihan naman sa mas maliliit na pamilyang ito ay may ilang mga miyembro. Halimbawa, kalakip sa mga wikang Romanse ang Pranses, Kastila, Portuges, Italyano, at Romaniano.
Mula kay Abraham Patuloy. Maliwanag na hindi nahirapan ang Hebreong si Abraham na makipag-usap sa bayang Hamitiko ng Canaan. (Gen 14:21-24; 20:1-16; 21:22-34) Walang binabanggit na gumamit si Abraham ng mga tagapagsalin, ni may binabanggit man na gumamit siya nito noong magpunta siya sa Ehipto. (Gen 12:14-19) Malamang na marunong siya ng Akkadiano (Asiro-Babilonyo) dahil dati siyang naninirahan sa Ur ng mga Caldeo. (Gen 11:31) May panahon na naging isang internasyonal na wika ang Akkadiano. Posible na ang mga tao sa Canaan, na naninirahan malapit sa mga bayang Semitiko ng Sirya at Arabia, sa isang antas ay nakapagsasalita ng dalawang wika. Gayundin, ang alpabeto noon ay maliwanag na kakikitaan ng katibayan ng Semitikong pinagmulan niyaon, at maaaring nakaimpluwensiya rin iyon nang malaki sa paggamit ng mga wikang Semitiko ng mga taong kabilang sa ibang mga grupo na may kani-kaniyang wika, partikular na ang mga tagapamahala at mga opisyal.—Tingnan ang CANAAN, CANAANITA Blg. 2 (Wika); PAGSULAT.
Lumilitaw na naging madali rin para kay Jacob na makipagtalastasan sa kaniyang mga kamag-anak na Arameano (Gen 29:1-14), bagaman may mga pagkakataong magkaiba ang ginagamit nilang termino.—Gen 31:46, 47.
Nang una siyang makipag-usap sa kaniyang mga kapatid na Hebreo noong dumating ang mga ito sa Ehipto, si Jose, na malamang na natuto ng wikang Ehipsiyo noong isa siyang alipin ni Potipar, ay gumamit ng isang tagapagsalin. (Gen 39:1; 42:6, 23) Palibhasa’y lumaki sa mga korte ni Paraon, walang alinlangan na si Moises ay marunong ng ilang wika, gaya ng Hebreo, Ehipsiyo, malamang ng Akkadiano, at marahil ng iba pa.—Exo 2:10; ihambing ang talata 15-22.
Nang maglaon, napalitan ng Aramaiko ang Akkadiano bilang ang lingua franca, o internasyonal na wika, anupat ginamit ito noon maging sa mga pagliham sa Ehipto. Gayunman, noong panahon ng pagsalakay ng Asiryanong si Haring Senakerib sa Juda (732 B.C.E.), hindi naiintindihan ng karamihan sa mga Judio ang Aramaiko (sinaunang Siryano), bagaman naiintindihan iyon ng mga Judeanong opisyal. (2Ha 18:26, 27) Gayundin, sa pandinig ng mga Judio ang wikang Caldeo ng Semitikong mga Babilonyo, na lumupig sa Jerusalem nang dakong huli noong 607 B.C.E., ay parang yaong “mga nauutal ang mga labi.” (Isa 28:11; Dan 1:4; ihambing ang Deu 28:49.) Bagaman ang Babilonya, Persia, at ang iba pang mga kapangyarihang pandaigdig ay nakapagtatag ng malalaking imperyo at nanupil ng mga bayang may maraming wika, hindi nila inalis ang hadlang na pagkakaiba-iba ng wika na nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi.—Dan 3:4, 7; Es 1:22.
Nagpakita si Nehemias ng malaking pagkabahala nang malaman niyang ang mga anak mula sa pakikipag-asawa sa mga banyaga ng nagbalik na mga Judio ay hindi marunong ng “Judio” (Hebreo). (Ne 13:23-25) Nababahala siya para sa dalisay na pagsamba, yamang natatalos niya ang kahalagahan na maunawaan ang Sagradong Kasulatan (na hanggang noong panahong iyon ay nasa wikang Hebreo lamang) kapag binabasa at tinatalakay ang mga ito. (Ihambing ang Ne 13:26, 27; 8:1-3, 8, 9.) Sa ganang sarili, ang pagkakaroon ng iisang wika ay magsisilbi ring isang puwersa sa pagkakaisa sa gitna ng bayan. Walang alinlangan na naging isang pangunahing salik sa katatagan ng wikang Hebreo ang Hebreong Kasulatan. Sa panahon ng isang libong taon na isinusulat ang mga ito, halos walang napansing pagbabago sa wika.
Noong nasa lupa si Jesus, ang Palestina, sa kalakhang bahagi, ay naging isang rehiyong may iba’t ibang wika. May matibay na ebidensiya na pinanatili pa rin ng mga Judio ang paggamit nila ng Hebreo, ngunit nagsasalita rin sila ng Aramaiko at Koine. Ang Latin ay lumitaw rin sa opisyal na mga liham ng mga tagapamahalang Romano ng lupain (Ju 19:20) at walang alinlangang naririnig ito sa mga kawal na Romano na nakatalaga roon. Kung tungkol naman sa wikang karaniwang sinasalita noon ni Jesus, tingnan ang ARAMAIKO; gayundin ang HEBREO, II.
Noong araw ng Pentecostes, 33 C.E., ang banal na espiritu ay ibinuhos sa Kristiyanong mga alagad na nasa Jerusalem, at bigla silang nakapagsalita ng maraming wika na hindi nila kailanman pinag-aralan at natutuhan. Ipinakita ng Diyos na Jehova sa Babel ang makahimalang kakayahan niya na maglagay ng iba’t ibang bokabularyo at iba’t ibang balarila sa isip ng mga tao. Muli niyang ginawa ang gayon noong Pentecostes ngunit may malaking pagkakaiba, sapagkat hindi nalimutan ng mga Kristiyanong biglang pinagkalooban ng kakayahang magsalita ng bagong mga wika ang kanilang orihinal na wika, ang Hebreo. Isang lubhang naiibang layunin din ang isinakatuparan dito ng espiritu ng Diyos, hindi kalituhan at pangangalat kundi pagbibigay-kaliwanagan at pagbubuklod sa tapat-pusong mga tao tungo sa pagkakaisang Kristiyano. (Gaw 2:1-21, 37-42) Mula noon, ang katipang bayan ng Diyos ay naging isang bayang nagsasalita ng maraming wika, ngunit ang hadlang na dulot ng pagkakaiba-iba ng wika ay napagtagumpayan sapagkat napuno ng iisang wika ng katotohanan ang kanilang pag-iisip. May pagkakaisa silang nagsalita ng papuri kay Jehova at sa kaniyang matuwid na mga layunin sa pamamagitan ni Kristo Jesus. Sa gayon, natupad ang pangako sa Zefanias 3:9 nang bigyan ng Diyos na Jehova ang ‘mga bayan ng pagbabago tungo sa isang dalisay na wika, upang silang lahat ay tumawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran siya nang balikatan.’ (Ihambing ang Isa 66:18; Zac 8:23; Apo 7:4, 9, 10.) Upang mangyari ito, kailangan na silang “lahat ay magsalita nang magkakasuwato” at maging ‘lubos na nagkakaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.’—1Co 1:10.
Ang pagiging “dalisay” ng wikang sinasalita ng kongregasyong Kristiyano ay dahil din sa pagiging malaya nito mula sa mga salitang nagpapahayag ng mapait na saloobin, galit, poot, hiyawan, at katulad na mapang-abusong mga salita, at gayundin dahil sa pagiging malaya nito mula sa panlilinlang, kahalayan, at kabuktutan. (Efe 4:29, 31; 1Pe 3:10) Dapat na gamitin ng mga Kristiyano ang wika sa pinakamatayog na paraan, anupat pinupuri ang kanilang Maylalang at pinatitibay ang kanilang kapuwa sa pamamagitan ng mabuti at tapat na pananalita, pantangi na ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mat 24:14; Tit 2:7, 8; Heb 13:15; ihambing ang Aw 51:15; 109:30.) Habang papalapit na ang panahon ng paglalapat ng Diyos ng kaniyang hudisyal na pasiya sa lahat ng bansa sa sanlibutan, marami pa ang tutulungan ni Jehova na makapagsalita ng dalisay na wikang iyan.
Sinimulang isulat ang Bibliya sa wikang Hebreo, at nang maglaon ang ilang bahagi ay itinala naman sa Aramaiko. Pagkatapos, noong unang siglo ng Karaniwang Panahon, ang nalalabing bahagi ng Sagradong Kasulatan ay isinulat sa Koine, o karaniwang Griego (bagaman unang isinulat ni Mateo sa wikang Hebreo ang kaniyang Ebanghelyo). Nang panahong iyon ay mayroon na ring nagawang isang salin ng Hebreong Kasulatan sa wikang Griego. Tinawag ito na Septuagint, at bagaman hindi ito isang kinasihang salin, ginamit ito ng mga Kristiyanong manunulat ng Bibliya sa maraming pagsipi. (Tingnan ang PAGKASI.) Gayundin naman, ang Kristiyanong Griegong Kasulatan at noong bandang huli ang buong Bibliya ay isinalin sa ibang mga wika, anupat kabilang sa mga pinakauna ay Latin, Syriac, Ethiopic, Arabe, at Persiano. Sa kasalukuyan, ang Bibliya, buo man o ilang bahagi lamang, ay makukuha sa mahigit na 3,000 wika. Pinabilis nito ang paghahayag ng mabuting balita at sa gayon ay nakatulong upang mapagtagumpayan ang hadlang ng pagkakabaha-bahagi ng wika, sa layuning mabuklod ang mga tao mula sa maraming lupain sa dalisay na pagsamba sa kanilang Maylalang.