ARALING ARTIKULO 12
Obserbahan ang mga Nilalang ni Jehova Para Mas Makilala Siya
“Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa nang lalangin ang mundo, dahil ang mga ito . . . ay nakikita sa mga bagay na ginawa niya.”—ROMA 1:20.
AWIT 6 Ang Langit ay Lumuluwalhati sa Diyos
NILALAMANa
1. Paano mas nakilala ni Job si Jehova?
SA BUONG buhay ni Job, siguradong hindi niya nakalimutan ang pag-uusap nila ng Diyos na Jehova. Binanggit ni Jehova kay Job ang ilan sa mga kahanga-hangang nilalang Niya. Dahil doon, mas nakita ni Job ang karunungan ni Jehova at ang kakayahan Niyang pangalagaan ang mga lingkod Niya. Halimbawa, ipinaalala ng Diyos kay Job na naglalaan Siya para sa mga hayop, kaya lalong hindi Niya pababayaan si Job. (Job 38:39-41; 39:1, 5, 13-16) Mas nakilala ni Job ang Diyos dahil sa mga nilalang Niya.
2. Bakit mahirap kung minsan na pag-aralan ang mga nilalang ni Jehova?
2 Mas makikilala rin natin ang ating Diyos kung pag-aaralan natin ang mga nilalang niya. Pero hindi laging madaling gawin iyan. Kung nakatira tayo sa siyudad, baka bihira tayong makakita ng mga bagay sa kalikasan. At kahit nakatira tayo sa nayon, baka wala naman tayong oras na pag-aralan ang mga nilalang ni Jehova. Kaya alamin natin kung bakit mahalagang magsikap at maglaan ng panahon para gawin iyon. Tatalakayin din natin kung paano ginamit ni Jehova at ni Jesus ang mga nilalang para turuan ang mga tao at kung ano pa ang puwede nating gawin para matuto sa kalikasan.
BAKIT DAPAT NATING OBSERBAHAN ANG MGA NILALANG?
3. Paano natin nasabi na gusto ni Jehova na masiyahan si Adan sa mga nilalang Niya?
3 Gusto ni Jehova na masiyahan si Adan sa mga nilalang Niya. Nang likhain ng Diyos si Adan, pinatira Niya siya sa isang magandang paraiso at inatasan siyang alagaan at palawakin iyon. (Gen. 2:8, 9, 15) Siguradong natutuwa si Adan habang nakikita niyang tumutubo at namumulaklak ang mga halaman. Napakagandang pribilehiyo para kay Adan na pangalagaan ang hardin ng Eden! Inatasan din ni Jehova si Adan na pangalanan ang mga hayop, kahit puwede naman sanang siya na lang ang gumawa noon. (Gen. 2:19, 20) Bago pangalanan ni Adan ang mga hayop, siguradong inobserbahan muna niya ang hitsura at katangian ng mga ito. Tiyak na nag-enjoy si Adan sa paggawa nito. Dahil dito, nagkaroon siya ng pagkakataon na mas pahalagahan ang karunungan at pagiging malikhain ng kaniyang Ama.
4. (a) Ano ang isang dahilan kung bakit dapat nating obserbahan ang mga nilalang? (b) Anong nilalang ni Jehova ang personal mong napahalagahan?
4 Ang isang dahilan kung bakit dapat nating pag-aralan ang mga nilalang ay dahil gusto ni Jehova na gawin natin iyon. Inaanyayahan niya tayo: “Tumingala kayo sa langit at tingnan ninyo.” Pagkatapos, nagtanong siya: “Sino ang lumalang sa mga ito?” Alam na natin ang sagot. (Isa. 40:26) Punong-puno ng magagandang nilalang ni Jehova ang langit, pati ang lupa at dagat, at marami tayong matututuhan sa mga iyon. (Awit 104:24, 25) Pag-isipan din ang pagkakalikha ng Diyos sa atin. Binigyan niya tayo ng kakayahan na mapahalagahan ang magagandang bagay sa kalikasan. At para masiyahan tayo sa iba’t ibang nilalang niya, binigyan din niya tayo ng limang pandamdam—paningin, pandinig, pandama, panlasa, at pang-amoy.
5. Ayon sa Roma 1:20, paano tayo makikinabang kapag pinag-aralan natin ang mga nilalang ni Jehova?
5 May sinasabi pa ang Bibliya na isang mahalagang dahilan kung bakit dapat nating pag-aralan ang mga nilalang—nakikita sa mga ito ang mga katangian ni Jehova. (Basahin ang Roma 1:20.) Halimbawa, napakaganda ng pagkakadisenyo ng mga bagay sa kalikasan. Kitang-kita sa mga ito ang karunungan ng Diyos. Isipin din ang sari-saring pagkain na ibinigay niya sa atin. Patunay iyan na mahal ni Jehova ang mga tao. Dahil sa mga nilalang ni Jehova, mas nakikilala natin siya at mas napapalapit tayo sa kaniya. Talakayin natin ngayon kung paano ginamit ni Jehova ang mga nilalang para turuan ang mga tao.
GINAGAMIT NI JEHOVA ANG MGA NILALANG PARA MAS MAKILALA NATIN SIYA
6. Ano ang matututuhan natin sa mga ibong nagma-migrate?
6 May takdang panahon si Jehova. Taon-taon, sa pagitan ng Pebrero at Mayo, nakikita ng mga Israelita ang mga lumilipad na siguana na nagma-migrate pahilaga. Sinabi ni Jehova sa mga Israelita: “Ang siguana sa langit ay nakaaalam ng mga panahon niya.” (Jer. 8:7) Nagtakda ng panahon si Jehova para mag-migrate ang mga ibong ito; nagtakda rin siya ng panahon para ilapat ang mga hatol niya. Kaya kapag nakakakita tayo ng mga ibong nagma-migrate, tandaan na may “takdang panahon” si Jehova para wakasan ang masamang sanlibutang ito.—Hab. 2:3.
7. Ano ang matututuhan natin sa paglipad ng ibon? (Isaias 40:31)
7 Pinapalakas ni Jehova ang mga lingkod niya. Nangako si Jehova na palalakasin niya ang bayan niya kapag nanghihina sila o nasisiraan ng loob. Sa pamamagitan ni Isaias, sinabi Niya: “Lilipad sila nang mataas na para bang may mga pakpak gaya ng agila.” (Basahin ang Isaias 40:31.) Nakikita ng mga Israelita noon ang mga agila na lumilipad nang hindi masyadong pinapagaspas ang mga pakpak nila dahil sumasabay sila sa paitaas na hangin. Kung tinutulungan ni Jehova ang mga ibong ito na makalipad, siguradong tutulungan din niya ang mga lingkod niya! Kaya kapag nakakakita ka ng ibong lumilipad nang mataas pero bihirang pumagaspas, tandaan na kaya kang bigyan ni Jehova ng lakas para makayanan mo ang mga problema mo.
8. Gaya ni Job, ano ang matututuhan natin sa mga nilalang ng Diyos?
8 Makakapagtiwala tayo kay Jehova. Tinulungan ni Jehova si Job na mas magtiwala sa Kaniya. (Job 32:2; 40:6-8) Sa pag-uusap nila, binanggit ng Diyos ang mga nilalang Niya, gaya ng mga bituin, ulap, at kidlat. Binanggit din ni Jehova ang mga hayop, gaya ng torong-gubat at kabayo. (Job 38:32-35; 39:9, 19, 20) Kitang-kita sa mga ito, hindi lang ang kapangyarihan ng Diyos, kundi pati na ang pag-ibig at karunungan niya. Dahil sa pag-uusap nila, mas nagtiwala si Job kay Jehova. (Job 42:1-6) Kapag pinag-aaralan natin ang mga nilalang, nakikita rin natin na mas marunong at mas makapangyarihan si Jehova kaysa sa atin. Siguradong gusto niyang tapusin ang mga problema natin, at kaya niyang gawin iyon. Kung tatandaan natin iyan, mas magtitiwala tayo sa kaniya.
GINAMIT NI JESUS ANG MGA NILALANG PARA TURUAN TAYO TUNGKOL SA KANIYANG AMA
9-10. Ano ang itinuturo sa atin ng araw at ulan tungkol kay Jehova?
9 Napakaraming alam ni Jesus tungkol sa kalikasan. Bilang isang “dalubhasang manggagawa,” nagkapribilehiyo siyang tulungan ang kaniyang Ama sa paglalang ng uniberso. (Kaw. 8:30) At noong nasa lupa si Jesus, ginamit niya ang mga nilalang para turuan ang mga alagad niya tungkol sa kaniyang Ama. Tingnan ang ilang halimbawa.
10 Mahal ni Jehova ang lahat ng tao. Sa Sermon sa Bundok, binanggit ni Jesus sa mga alagad niya ang tungkol sa ulan at pagsikat ng araw, na madalas bale-walain ng mga tao pero napakahalaga para mabuhay tayo. Puwede sanang ipagkait ni Jehova ang mga ito sa mga hindi naglilingkod sa kaniya. Pero dahil mapagmahal siya, nakikinabang ang lahat sa araw at ulan. (Mat. 5:43-45) Itinuro iyan ni Jesus sa mga alagad niya para ipakitang gusto ni Jehova na mahalin natin ang lahat ng tao. Kaya kapag nakakakita tayo ng magandang sunset o ng nakakarepreskong ulan, tandaan natin ang di-nagtatanging pag-ibig ni Jehova. Mapapakilos tayo nito na mahalin ang lahat ng tao at mangaral sa kanila.
11. Bakit tayo mapapatibay kung titingnan nating mabuti ang mga ibon?
11 Inilalaan ni Jehova ang materyal na pangangailangan natin. Sa sermon ding iyon, sinabi ni Jesus: “Tingnan ninyong mabuti ang mga ibon sa langit; hindi sila nagtatanim o umaani o nagtitipon sa kamalig, pero pinakakain sila ng inyong Ama sa langit.” Posibleng may nakikitang lumilipad na ibon ang mga nakikinig kay Jesus nang tanungin niya sila: “Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa sa kanila?” (Mat. 6:26) Sinisigurado niyang ilalaan ni Jehova ang materyal na pangangailangan natin! (Mat. 6:31, 32) Napapatibay ng aral na iyan ang mga tapat na lingkod ng Diyos ngayon. Isang kabataang sister na payunir sa Spain ang pinanghinaan ng loob kasi wala siyang mahanap na matitirhan. Pero nakakita siya ng mga ibon na kumakain ng mga prutas at butil. Nakatulong iyon para maging mas positibo siya. Sinabi niya, “Ipinaalala sa akin ng mga ibong iyon na pinangangalagaan sila ni Jehova, kaya hindi niya rin ako pababayaan.” Di-nagtagal, nakahanap din ang sister ng matitirhan.
12. Ayon sa Mateo 10:29-31, ano ang matututuhan natin sa mga maya tungkol kay Jehova?
12 Mahalaga kay Jehova ang bawat isa sa atin. Bago isugo ni Jesus ang mga apostol niya para mangaral, tinulungan niya silang madaig ang takot nila sa pag-uusig. (Basahin ang Mateo 10:29-31.) Paano? Binanggit niya ang isang karaniwang ibon sa Israel: ang maya. Napakaliit ng halaga ng mga ibong ito noong panahon ni Jesus. Pero sinabi niya sa mga alagad niya: “Walang isa man sa mga ito ang nahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama.” Pagkatapos, sinabi niya: “Mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.” Sinisigurado ni Jesus sa mga alagad niya na mahalaga kay Jehova ang bawat isa sa kanila. Kaya wala silang dahilan para matakot sa pag-uusig. Habang nangangaral ang mga alagad, siguradong naaalala nila ang itinuro ni Jesus kapag nakakakita sila ng mga maya. Kaya kapag nakakakita ka ng maliit na ibon, tandaan na mahal na mahal ka ni Jehova kasi ‘mas mahalaga ka kaysa sa maraming maya.’ Hindi ka dapat matakot sa pag-uusig kasi tutulungan ka niya.—Awit 118:6.
PAANO PA TAYO MATUTUTO TUNGKOL SA DIYOS SA MGA NILALANG NIYA?
13. Paano tayo matututo sa mga nilalang?
13 Marami pa tayong matututuhan tungkol kay Jehova sa mga nilalang niya. Ano ang dapat nating gawin? Una, maglaan ng panahon para obserbahan ang mga nilalang. Pagkatapos, isipin kung ano ang matututuhan natin sa mga ito tungkol kay Jehova. Pero hindi laging madali iyan. Sinabi ni Géraldine, isang sister sa Cameroon, “Laking-siyudad ako, kaya kailangan ko talagang mag-effort para maobserbahan ang kalikasan.” Sinabi naman ni Alfonso, na isang elder: “Kailangan kong mag-schedule ng panahon para mapag-isa ako. Gusto ko kasing obserbahan ang mga nilalang para mabulay-bulay ang itinuturo ng mga ito tungkol kay Jehova.”
14. Ano ang natutuhan ni David sa pagbubulay-bulay niya sa mga nilalang ng Diyos?
14 Binulay-bulay ni David ang mga nilalang ng Diyos. Sinabi niya kay Jehova: “Kapag tinitingnan ko ang iyong langit, ang mga gawa ng iyong kamay, ang buwan at ang mga bituin na inihanda mo, ano ang hamak na tao para alalahanin mo?” (Awit 8:3, 4) Kapag pinagmamasdan ni David ang langit tuwing gabi, hindi lang niya basta pinapahalagahan ang kagandahan ng uniberso. Binubulay-bulay rin niya kung ano ang itinuturo ng mga bituin tungkol sa Diyos. Natutuhan niya kung gaano karunong at kalakas si Jehova. May pagkakataon din na pinag-isipan ni David kung paano siya nabuo sa sinapupunan ng nanay niya. Dahil kahanga-hanga ang pagkakagawa sa katawan ng tao, lalo niyang napahalagahan ang karunungan ni Jehova.—Awit 139:14-17.
15. Magbigay ng mga halimbawa kung paano mo nakita ang mga katangian ni Jehova sa mga nilalang niya. (Awit 148:7-10)
15 Gaya ni David, hindi mo na kailangang lumayo para bulay-bulayin ang mga nilalang ni Jehova. Tumingin ka sa paligid mo, at makikita mo ang mga katangian niya. Halimbawa, makikita mo ang kapangyarihan ni Jehova kapag nararamdaman mo ang init ng araw sa iyong balat. (Jer. 31:35) Mamamangha ka sa karunungan niya kapag nakakita ka ng ibon na gumagawa ng pugad. Mapapansin mo rin ang pagiging masayahin ni Jehova kapag nakakita ka ng tuta na hinahabol ang sarili nitong buntot. At mauunawaan mo ang pag-ibig niya kapag nakakita ka ng nanay na nakikipaglaro sa baby niya. Marami tayong pagkakataon na matuto tungkol kay Jehova, dahil ang lahat ng nilalang niya—malaki man o maliit, malapit man o malayo—ay pumupuri sa kaniya.—Basahin ang Awit 148:7-10.
16. Ano ang dapat nating gawin?
16 Talagang matalino, mapagmahal, malikhain, at makapangyarihan ang Diyos natin. Kitang-kita ang mga katangian niya sa kalikasan. Kailangan lang nating obserbahan ito. Lagi sana tayong maglaan ng panahon para masiyahan sa mga nilalang at pag-isipan kung ano ang matututuhan natin sa mga ito tungkol kay Jehova. Siguradong mas mapapalapit tayo sa ating Maylalang. (Sant. 4:8) Sa susunod na artikulo, aalamin natin kung paano magagamit ng mga magulang ang mga nilalang para tulungan ang mga anak nila na mapalapit kay Jehova.
AWIT 5 Mga Kamangha-manghang Gawa ng Diyos
a Namamangha tayo sa sari-saring nilalang ni Jehova, gaya ng magagandang bulaklak at ng matinding enerhiya ng araw. Mas nakikilala natin si Jehova dahil sa mga nilalang niya. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung bakit dapat tayong maglaan ng panahon para pag-aralan ang mga nilalang at kung paano iyan makakatulong para mas mapalapit tayo sa ating Diyos.