ARALING ARTIKULO 32
Tularan si Jehova—Maging Makatuwiran
“Makita nawa ng lahat ang pagiging makatuwiran ninyo.”—FIL. 4:5.
AWIT BLG. 89 Makinig at Sumunod Upang Pagpalain Ka
NILALAMANa
1. Anong klase ng puno ang dapat gayahin ng mga Kristiyano? (Tingnan din ang larawan.)
PAG-ISIPAN ito: Hindi kayang baliin ng malakas na hangin ang isang flexible na puno. Para patuloy na makapaglingkod nang masaya kay Jehova ang mga Kristiyano, kailangan din nilang maging flexible, o madaling mag-adjust. Paano natin iyan magagawa? Kung magiging makatuwiran tayo kapag nagbago ang kalagayan natin at kapag iba ang pananaw natin sa pananaw ng iba.
2. Anong mga katangian ang tutulong sa atin kapag nagbago ang kalagayan natin, at ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
2 Dahil mga lingkod tayo ni Jehova, gusto nating maging makatuwiran. Gusto rin nating maging mapagpakumbaba at makonsiderasyon. Tatalakayin sa artikulong ito kung paano nakatulong ang mga katangiang iyan sa ilang Kristiyano nang magbago ang kalagayan nila. Aalamin din natin kung paano makakatulong sa atin ang mga katangiang ito. Pero talakayin muna natin ang perpektong halimbawa ni Jehova at ni Jesus sa pagiging makatuwiran.
MAKATUWIRAN SI JEHOVA AT SI JESUS
3. Paano natin nalaman na makatuwiran si Jehova?
3 Tinawag si Jehova na “ang Bato” dahil matatag siya at di-natitinag. (Deut. 32:4) Pero makatuwiran din siya. Dahil patuloy na nagbabago ang sitwasyon ng mundo, lagi ring nag-a-adjust si Jehova para matupad ang lahat ng pangako niya. Nilalang tayo ni Jehova ayon sa larawan niya. Kaya may kakayahan din tayong mag-adjust kapag nagbago ang kalagayan. Nagbigay siya ng mga prinsipyo sa Bibliya para makagawa tayo ng tamang mga desisyon anuman ang mapaharap sa atin. Makikita sa halimbawa ni Jehova at sa mga prinsipyong ibinigay niya na kahit siya “ang Bato,” makatuwiran pa rin siya.
4. Magbigay ng halimbawa kung paano naging makatuwiran si Jehova. (Levitico 5:7, 11)
4 Perpekto at makatuwiran si Jehova. Hindi siya sobrang higpit o mapaghanap sa mga lingkod niya. Halimbawa, naging makatuwiran si Jehova sa mga Israelita. Hindi niya hiniling na pareho ang ihandog ng mayayaman at mahihirap. Sa ilang pagkakataon, pinayagan niya na ihandog ng isang tao kung ano lang ang kaya nitong ibigay.—Basahin ang Levitico 5:7, 11.
5. Magbigay ng halimbawa kung paano nagpakita si Jehova ng kapakumbabaan at konsiderasyon.
5 Naging makatuwiran din si Jehova dahil mapagpakumbaba siya at makonsiderasyon. Halimbawa, kitang-kita ang kapakumbabaan ni Jehova nang pupuksain na niya ang mga taga-Sodoma. Ginamit ni Jehova ang mga anghel para utusan si Lot na tumakas papunta sa mabundok na rehiyon kasama ang pamilya niya. Takot doon si Lot. Kaya nakiusap siya na pumunta na lang sila sa Zoar, isang maliit na bayan na kasama sa pupuksain ni Jehova. Puwede sanang ipinilit ni Jehova kay Lot na sundin kung ano ang eksaktong iniutos Niya. Pero pinagbigyan niya si Lot, at hindi niya pinuksa ang Zoar. (Gen. 19:18-22) Daan-daang taon pagkatapos nito, nagpakita ng konsiderasyon at awa si Jehova sa mga taga-Nineve. Inatasan niya si propeta Jonas para ihayag na malapit nang puksain ang lunsod at ang masasamang nakatira dito. Pero nang magsisi ang mga Ninevita, naawa si Jehova sa kanila at hindi niya winasak ang Nineve.—Jonas 3:1, 10; 4:10, 11.
6. Magbigay ng mga halimbawa kung paano tinularan ni Jesus ang pagiging makatuwiran ni Jehova.
6 Tinularan ni Jesus ang pagiging makatuwiran ni Jehova. Isinugo siya sa lupa para mangaral sa “nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel.” Pero naging makatuwiran siya sa pagganap ng atas na iyon. Halimbawa, nakiusap sa kaniya ang isang di-Israelitang babae na pagalingin ang anak nito na ‘sinasaniban ng demonyo.’ Naawa si Jesus sa babae kaya pinagaling niya ang anak nito. (Mat. 15:21-28) Tingnan ang isa pang halimbawa. Sinabi ni Jesus: “Kung ikinakaila ako ng sinuman . . . , ikakaila ko rin siya.” (Mat. 10:33) Pero nang ikaila siya ni Pedro nang tatlong beses, ikinaila rin ba siya ni Jesus? Hindi. Alam ni Jesus na tapat si Pedro at na nagsisi ito. Nang buhaying muli si Jesus, nagpakita siya kay Pedro at ipinaramdam dito ang pagmamahal niya at pagpapatawad.—Luc. 24:33, 34.
7. Gaya ng makikita sa Filipos 4:5, ano ang gusto nating maging tingin sa atin ng iba?
7 Nakita natin na makatuwiran ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo. Kumusta naman tayo? Inaasahan ni Jehova na magiging makatuwiran din tayo. (Basahin ang Filipos 4:5.) Ganito ang salin ng isang Bibliya sa talatang ito: “Makilala nawa kayong makatuwiran.” Tanungin ang sarili: ‘Kilala ba ako na makatuwiran at mapagparaya? O iniisip ba ng iba na masyado akong istrikto at hindi nagpaparaya? Ipinipilit ko ba sa iba na sundin kung ano ang iniisip kong dapat gawin? O nakikinig ba ako sa iba at pinagbibigyan sila kung posible?’ Kung magiging mas makatuwiran tayo, mas matutularan natin si Jehova at si Jesus. Talakayin natin ang dalawang sitwasyon na kailangan nating maging makatuwiran—kapag nagbago ang kalagayan natin at kapag iba ang pananaw natin sa pananaw ng iba.
MAGING MAKATUWIRAN KAPAG NAGBAGO ANG KALAGAYAN
8. Ano ang makakatulong sa atin na maging makatuwiran kapag nagbago ang kalagayan natin? (Tingnan din ang talababa.)
8 Makatuwiran din tayo kung handa tayong mag-adjust kapag nagbago ang kalagayan natin. Baka hindi natin inaasahan iyon. Baka bigla tayong magkaroon ng malalang sakit. O baka mahirapan tayo kasi biglang nagbago ang ekonomiya o sitwasyon sa politika sa lugar natin. (Ecles. 9:11; 1 Cor. 7:31) Puwede ring maging hamon kapag nagbago ang atas natin. Anuman ang maging pagbabago, makakapag-adjust tayo kung gagawin natin ang mga ito: (1) tanggapin ang sitwasyon natin ngayon, (2) isipin ang mga puwede nating gawin, (3) maging positibo, at (4) tumulong sa iba.b Tingnan kung paano nakatulong ang mga ito sa mga kapatid natin.
9. Paano nakayanan ng mag-asawang misyonero ang mga pagbabago sa sitwasyon nila?
9 Tanggapin ang sitwasyon natin ngayon. Naatasan bilang mga misyonero sa ibang bansa sina Emanuele at Francesca. Pinag-aaralan pa lang nila ang wika doon at hindi pa nila masyadong kilala ang mga kapatid sa bago nilang kongregasyon nang magsimula ang COVID-19 pandemic. Kaya hindi nila makasama nang personal ang iba. Pagkatapos, biglang namatay ang nanay ni Francesca. Gustong-gusto niyang makasama ang pamilya niya, pero hindi siya makabiyahe dahil sa pandemic. Paano niya nakayanan ang mga ito? Una, ipinanalangin nilang mag-asawa kay Jehova na bigyan sila ng karunungan para makayanan ang bawat araw at huwag masyadong ma-stress. Ginamit ni Jehova ang organisasyon niya para sagutin agad ang panalangin nila. Halimbawa, napatibay sila sa sinabi ng brother sa isang video: “Kung tatanggapin natin agad ang bago nating sitwasyon, magiging masaya tayo uli, lalo na kung sasamantalahin natin ang pagkakataon para paglingkuran si Jehova at tulungan ang iba.”c Ikalawa, pinasulong nila ang kakayahan nila sa telephone witnessing at nakapagpasimula sila ng Bible study. Ikatlo, pinahalagahan nila ang pampatibay at tulong ng mga kapatid doon. Isang sister ang araw-araw na nagpapadala sa kanila ng maikling message na may kasamang teksto sa Bibliya, at isang taon niyang ginawa iyon. Kung tatanggapin din natin ang sitwasyon natin ngayon, magiging masaya tayo sa mga nagagawa natin.
10. Paano nag-adjust ang isang sister sa malaking pagbabago sa buhay niya?
10 Isipin ang mga puwede nating gawin, at maging positibo. Nalungkot si Christina, isang sister na Romanian na nakatira sa Japan, nang ma-dissolve ang English congregation kung saan siya nakaugnay. Pero hindi siya nagpokus doon. Umugnay siya sa isang Japanese congregation at pinasulong ang ministeryo niya sa wikang iyon. Nagpatulong siya sa dati niyang katrabaho para humusay siya sa pagsasalita ng Japanese. Pumayag ang babae na turuan si Christina ng Japanese gamit ang Bibliya at ang brosyur na Masayang Buhay Magpakailanman. Bukod sa humusay si Christina sa pagsasalita ng Japanese, naging interesado rin ang babae sa katotohanan. Kung magiging positibo tayo at hindi magpopokus sa nakaraan, puwede tayong pagpalain sa paraang hindi natin inaasahan.
11. Ano ang nakatulong sa isang mag-asawa nang mamroblema sila sa pinansiyal?
11 Tumulong sa iba. Isang mag-asawa ang nakatira sa bansang ipinagbabawal ang gawain natin. Namroblema sila sa pinansiyal nang bumagsak ang ekonomiya doon. Paano sila nag-adjust? Una, nagpasimple sila ng buhay. Pagkatapos, imbes na isipin ang mga problema nila, nagpokus sila sa pagtulong sa iba—naging abala sila sa pangangaral. (Gawa 20:35) Sinabi ng brother, “Dahil busy kami sa ministeryo, hindi na namin masyadong naiisip ang mga problema namin at mas nakapokus kami sa gusto ng Diyos na gawin namin.” Kapag nagbago ang kalagayan natin, dapat nating tandaan kung gaano kahalaga ang pagtulong sa iba, lalo na sa ministeryo.
12. Paano natin matutularan si apostol Pablo pagdating sa pakikibagay sa ministeryo?
12 Sa ministeryo, kailangan na flexible tayo, o marunong makibagay. Iba-iba ang paniniwala at pinagmulan ng mga nakakausap natin. Marunong makibagay si apostol Pablo, kaya matututo tayo sa kaniya. Inatasan ni Jesus si Pablo na maging “apostol para sa ibang mga bansa.” (Roma 11:13) Kaya nangaral siya sa mga Judio, Griego, edukado, ordinaryong tao, matataas na opisyal, at mga hari. Para maabot ang puso nila, si Pablo ay “naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao.” (1 Cor. 9:19-23) Pinag-isipan niyang mabuti ang paniniwala at pinagmulan ng mga tao, at ibinagay niya doon ang paksa at paraan ng pakikipag-usap niya. Magiging mas epektibo rin tayo sa ministeryo kung marunong tayong makibagay at iisipin natin ang pinakamagandang paraan para matulungan ang kausap natin.
IGALANG ANG PANANAW NG IBA
13. Ayon sa 1 Corinto 8:9, ano ang maiiwasan natin kung igagalang natin ang pananaw ng iba?
13 Kung makatuwiran tayo, igagalang din natin ang pananaw ng iba. Halimbawa, may mga sister na gustong mag-makeup; ayaw naman ng iba. May ilang kapatid na umiinom ng kaunting alak, pero pinili naman ng iba na huwag na talagang uminom. Gusto ng lahat ng Kristiyano ng magandang kalusugan, pero magkakaiba tayo ng pinipiling paraan ng pangangalaga dito. Kung sa tingin natin, tayo ang laging tama at kukumbinsihin natin ang mga kapatid na tanggapin ang pananaw natin, baka makatisod tayo at maging dahilan ito ng pagkakabaha-bahagi. Siyempre, ayaw nating mangyari iyan! (Basahin ang 1 Corinto 8:9; 10:23, 24) Tingnan natin ang dalawang halimbawa na nagpapakitang nakakatulong ang pagsunod sa mga prinsipyo sa Bibliya para maging balanse tayo at mapanatili natin ang kapayapaan.
14. Anong mga prinsipyo sa Bibliya ang dapat nating tandaan tungkol sa pananamit at pag-aayos?
14 Pananamit at pag-aayos. Hindi sinabi ni Jehova kung ano ang mga dapat nating isuot, pero nagbigay siya ng mga prinsipyo na susundin natin. Dapat na nagpaparangal sa Diyos ang pananamit natin. Dapat na nagpapakita ito ng kahinhinan, “matinong pag-iisip,” at pagiging makatuwiran. (1 Tim. 2:9, 10; 1 Ped. 3:3) Kaya ayaw nating maging agaw-pansin ang pananamit natin. Makakatulong din sa mga elder ang mga prinsipyo sa Bibliya para hindi sila gumawa ng sariling mga batas tungkol sa pananamit at istilo ng buhok. Halimbawa, gustong tulungan ng mga elder ang ilang kabataang brother sa kongregasyon nila. Ginaya kasi ng mga ito ang nauusong istilo ng buhok na maikli pero magulo. Paano sila matutulungan ng mga elder nang hindi gumagawa ng sariling batas? Pinayuhan ng tagapangasiwa ng sirkito ang mga elder na sabihin sa mga kabataang brother, “Kung nasa stage kayo at mas nakapokus ang mga tagapakinig sa hitsura ninyo imbes na sa sinasabi ninyo, ibig sabihin, may problema sa pananamit ninyo at pag-aayos.” Kaya naintindihan ng mga kabataang brother ang dapat nilang gawin nang hindi gumagawa ng sariling batas ang mga elder.d
15. Anong mga utos at prinsipyo sa Bibliya ang tutulong sa atin sa pagpili ng paraan ng pangangalaga sa kalusugan? (Roma 14:5)
15 Pangangalaga sa kalusugan. Ang bawat Kristiyano ang dapat magpasiya kung paano niya papangalagaan ang kalusugan niya. (Gal. 6:5) Pagdating sa pagpili ng paraan ng paggamot, iilan lang ang espesipikong utos sa Bibliya, gaya ng pag-iwas sa dugo at espiritismo. (Gawa 15:20; Gal. 5:19, 20) Pero bukod diyan, ang bawat isa na ang magpapasiya kung anong uri ng paggamot ang tatanggapin niya. May ilan na kumokonsulta lang sa mga propesyonal sa medisina. Ang ibang kapatid naman, pinipili ang alternatibong paraan ng paggamot. Anuman ang pananaw natin sa isang espesipikong paraan ng paggamot, dapat nating igalang ang karapatan ng mga kapatid na pumili ng gusto nila. Tungkol dito, ito ang mga dapat nating tandaan: (1) Kaharian lang ng Diyos ang permanenteng makakapagpagaling sa lahat ng sakit. (Isa. 33:24) (2) Dapat na “lubusang kumbinsido” ang isang Kristiyano sa pipiliin niya. (Basahin ang Roma 14:5.) (3) Hindi tayo manghuhusga o gagawa ng anuman na makakatisod sa iba. (Roma 14:13) (4) Nagpapakita ng pag-ibig ang mga Kristiyano, at alam nila na mas mahalaga ang pagkakaisa ng kongregasyon kaysa sa opinyon nila. (Roma 14:15, 19, 20) Kung tatandaan natin ang mga iyan, mananatili tayong malapít sa mga kapatid at maiingatan natin ang kapayapaan sa kongregasyon.
16. Paano magiging makatuwiran ang isang elder sa mga kapuwa niya elder? (Tingnan din ang mga larawan.)
16 Dapat magpakita ng magandang halimbawa ang mga elder sa pagiging makatuwiran. (1 Tim. 3:2, 3) Halimbawa, hindi dapat asahan ng isang elder na laging tatanggapin o masusunod ang iniisip niya dahil lang sa mas matanda siya sa ibang elder. Alam niya na puwedeng pakilusin ng espiritu ni Jehova ang sinuman sa lupon para makapagbigay ng komento na tutulong para makagawa ng magandang desisyon. At kung sang-ayon ang nakakaraming elder sa isang desisyon at hindi naman ito labag sa mga prinsipyo sa Bibliya, susuportahan ito ng isang makatuwirang elder, kahit iba sana ang gusto niyang maging desisyon.
MGA PAGPAPALA NG PAGIGING MAKATUWIRAN
17. Ano ang mga pagpapala kung makatuwiran tayo?
17 Marami tayong tatanggaping pagpapala kung makatuwiran tayo. Magiging mas malapít tayo sa mga kapatid, at magiging payapa ang kongregasyon. Mag-e-enjoy tayong makasama ang mga kapatid na may iba’t ibang kultura at katangian na nagkakaisang sumasamba kay Jehova. At higit sa lahat, magiging masaya tayo kasi natutularan natin ang makatuwiran nating Diyos, si Jehova.
AWIT BLG. 90 Patibayin ang Isa’t Isa
a Makatuwiran si Jehova at si Jesus, at gusto nila na maging ganoon din tayo. Kung makatuwiran tayo, magiging mas madali sa atin na mag-adjust kapag nagbago ang kalagayan natin, halimbawa, sa kalusugan o pinansiyal. Makakatulong din tayo para mapanatili ang kapayapaan at pagkakaisa ng kongregasyon.
b Tingnan ang artikulong “Kung Paano Haharapin ang Pagbabago” sa Gumising! Blg. 4 2016.
c Panoorin ang video na Interbyu kay Brother Dmitriy Mikhaylov na nasa artikulong “Ginamit ni Jehova ang Pag-uusig Para Makapagpatotoo” sa Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong, isyu ng Marso-Abril 2021.
d Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pananamit at pag-aayos, tingnan ang aralin 52 ng aklat na Masayang Buhay Magpakailanman.