ARALING ARTIKULO 37
Umasa kay Jehova Gaya ni Samson
“Kataas-taasang Panginoong Jehova, pakisuyo, alalahanin mo ako, at palakasin mo ako.”—HUK. 16:28.
AWIT BLG. 30 Aking Kaibigan, Diyos, at Ama
NILALAMANa
1-2. Bakit magandang pag-aralan natin ang ulat tungkol kay Samson?
ANO ang naiisip mo kapag narinig mo ang pangalang Samson? Baka nai-imagine mo ang isang napakalakas na lalaki. Totoo iyan. Pero may nagawa siyang maling desisyon na pinagdusahan niya. Kahit na ganoon, nagpokus si Jehova sa katapatan ni Samson at ipinasulat Niya iyon sa Bibliya para makinabang tayo.
2 Ginamit ni Jehova si Samson para tulungan ang bayan Niyang Israel. Daan-daang taon pagkamatay ni Samson, ipinasulat ni Jehova kay apostol Pablo ang pangalan ni Samson sa listahan ng mga taong may malaking pananampalataya. (Heb. 11:32-34) Mapapatibay tayo sa halimbawa ni Samson. Umasa siya kay Jehova, kahit sa mahihirap na sitwasyon. Sa artikulong ito, aalamin natin kung ano ang matututuhan natin kay Samson at kung paano tayo mapapatibay sa halimbawa niya.
NAGTIWALA SI SAMSON KAY JEHOVA
3. Anong atas ang natanggap ni Samson?
3 Nang ipanganak si Samson, pinamamahalaan ng mga Filisteo ang mga Israelita. (Huk. 13:1) Nagdusa ang mga Israelita dahil sa kanila. Pinili ni Jehova si Samson para manguna “sa pagliligtas sa Israel mula sa kamay ng mga Filisteo.” (Huk. 13:5) Napakahirap ng atas na iyon! Para magawa niya iyon, kailangan niyang umasa kay Jehova.
4. Paano tinulungan ni Jehova si Samson na makawala sa mga Filisteo? (Hukom 15:14-16)
4 Tingnan natin ang isang pagkakataon na nagtiwala at umasa si Samson kay Jehova. Pumunta noon ang hukbo ng mga Filisteo sa Lehi, malamang na sa Juda, para hulihin si Samson. Natakot ang mga lalaki ng Juda, kaya isinuko nila si Samson sa mga kaaway. Tinalian nila si Samson ng dalawang bagong lubid at dinala sa mga Filisteo. (Huk. 15:9-13) Pero “pinalakas siya ng espiritu ni Jehova,” kaya nakawala siya. Pagkatapos, “nakakita siya ng sariwang panga ng lalaking asno” at ginamit niya iyon para pabagsakin ang 1,000 lalaking Filisteo!—Basahin ang Hukom 15:14-16.
5. Nang gamitin ni Samson ang panga ng asno, paano niya ipinakitang umaasa siya kay Jehova?
5 Bakit panga ng asno ang ginamit ni Samson? Hindi naman iyon ginagamit sa pakikipaglaban. Pero siguradong alam ni Samson na tutulungan siya ni Jehova na talunin ang mga Filisteo kahit ano ang sandata niya. Ginamit ng tapat na lalaking ito kung ano ang mayroon siya para magawa ang kalooban ni Jehova. Dahil umasa si Samson kay Jehova, nagtagumpay siya.
6. Ano ang matututuhan natin kay Samson kapag gumaganap ng mga atas?
6 Papalakasin din tayo ni Jehova para magawa ang mga iniatas niya sa atin, kahit pa sa tingin natin, hindi natin kayang gawin iyon. Kaya niya tayong tulungan, at baka nga sa paraang hindi natin inaasahan. Kung pinalakas ni Jehova si Samson, makakapagtiwala ka na tutulungan ka rin Niyang magawa ang kalooban Niya kung aasa ka sa Kaniya.—Kaw. 16:3.
7. Anong halimbawa ang nagpapakita na mahalagang umasa tayo sa patnubay ni Jehova?
7 Nagtiwala kay Jehova ang maraming kapatid na kasama sa mga construction project. Dati, mga kapatid ang nagdidisenyo at nagtatayo ng mga Kingdom Hall at iba pang gusali. Pero dahil palaki nang palaki ang organisasyon, kinailangang gumawa ng mga pagbabago. Humingi ng patnubay kay Jehova ang mga nangunguna at sumubok ng bagong mga paraan, gaya ng pagbili ng mga pasilidad at pagre-renovate nito. “Noong una, nahirapan ang ilan na tanggapin ang mga pagbabago,” ang sabi ni Robert, na nakapag-volunteer sa maraming construction project sa iba’t ibang bansa nitong mga nakaraang taon. Sinabi pa niya: “Ibang-iba ito sa nakasanayan namin. Pero handang mag-adjust ang mga kapatid, kaya kitang-kita na pinagpapala ni Jehova ang mga pagbabagong ito.” Isang halimbawa pa lang ito na talagang pinapatnubayan ni Jehova ang mga lingkod niya para magawa ang kalooban niya. Sa pana-panahon, dapat nating itanong sa sarili, ‘Umaasa ba ako sa patnubay ni Jehova at handa ba akong gumawa ng mga pagbabago para mapaglingkuran siya sa pinakamahusay na paraan?’
GINAMIT NI SAMSON ANG MGA INILAAN NI JEHOVA
8. Ano ang ginawa ni Samson nang minsang uhaw na uhaw siya?
8 May iba pang kahanga-hangang bagay na ginawa si Samson. Halimbawa, pinatay niya ang isang leon gamit lang ang kamay. Di-nagtagal, pinabagsak niya ang 30 lalaking Filisteo sa Askelon. (Huk. 14:5, 6, 19) Alam ni Samson na hindi niya magagawa ang mga iyon kung wala ang tulong ni Jehova. Kitang-kita iyan nang minsang uhaw na uhaw siya matapos pabagsakin ang 1,000 Filisteo. Ano ang ginawa niya? Imbes na umasa sa sarili niya sa paghahanap ng maiinom, humingi siya ng tulong kay Jehova.—Huk. 15:18.
9. Ano ang ginawa ni Jehova nang humingi ng tulong si Samson? (Hukom 15:19)
9 Sinagot ni Jehova ang paghingi ng tulong ni Samson. Makahimala Siyang naglaan ng bukal ng tubig. Nang uminom dito si Samson, “bumalik ang lakas niya at sumigla siya ulit.” (Basahin ang Hukom 15:19.) Lumilitaw na nandoon pa rin ang bukal na iyon makalipas ang maraming taon nang isulat ni propeta Samuel ang aklat ng Mga Hukom. Malamang na naipaalala ng bukal na iyon sa mga Israelita na puwede silang umasa kay Jehova; hindi niya sila iiwan sa panahong kailangan nila ng tulong.
10. Kung gusto nating matulungan tayo ni Jehova, ano ang dapat nating gawin? (Tingnan din ang larawan.)
10 Kailangan din nating umasa sa tulong ni Jehova anuman ang kakayahan natin o nagawa sa paglilingkod sa kaniya. Dapat tayong maging mapagpakumbaba at tanggapin na magagawa lang natin ang mga atas natin kung aasa tayo kay Jehova. Lumakas si Samson nang inumin niya ang tubig na inilaan ni Jehova. Lalakas din tayo sa espirituwal kung gagamitin natin ang lahat ng inilalaan ni Jehova sa atin.—Mat. 11:28.
11. Paano natin maipapakitang umaasa tayo kay Jehova? Magbigay ng halimbawa.
11 Tingnan ang halimbawa ni Aleksey, isang brother sa Russia na matinding pinag-uusig. Ano ang nakatulong sa kaniya na manatiling tapat? Mayroon silang magandang espirituwal na rutin ng asawa niya. Sinabi niya: “Sinisikap kong maging regular ang personal study at pagbabasa ko ng Bibliya. Tuwing umaga, pinag-uusapan naming mag-asawa ang teksto sa araw na iyon at magkasama kaming nananalangin kay Jehova.” Ano ang matututuhan natin sa kanila? Imbes na umasa sa sarili natin, dapat tayong umasa kay Jehova. Paano? Dapat nating patibayin ang pananampalataya natin. Magagawa natin iyan kung regular tayong mag-aaral ng Bibliya, mananalangin, dadalo sa mga pulong, at mangangaral. Siguradong pagpapalain ni Jehova ang mga pagsisikap natin na paglingkuran siya. Pinalakas niya si Samson, kaya siguradong papalakasin niya rin tayo.
HINDI SUMUKO SI SAMSON
12. Bakit naiiba ang kaugnayan ni Samson kay Delaila kumpara sa mga naunang babae na nakilala niya, at bakit masasabing nagkamali siya ng desisyon?
12 Gaya natin, hindi perpekto si Samson, kaya nakagawa siya ng maling mga desisyon. Napahamak siya dahil sa isang maling desisyon. Nang matagal-tagal nang hukom si Samson, “umibig siya sa isang babaeng nagngangalang Delaila na nakatira sa Lambak ng Sorek.” (Huk. 16:4) Bago nito, may nagustuhan si Samson na isang babaeng Filisteo. Pero “paraan ito ni Jehova” para ‘makahanap ng pagkakataon na labanan ang mga Filisteo.’ Minsan naman, nagpunta si Samson sa Gaza, isang lunsod ng mga Filisteo, at tumuloy sa bahay ng isang babaeng bayaran. Doon, pinalakas ng Diyos si Samson para baklasin at buhatin palayo ang mga pinto ng pintuang-daan ng lunsod, kaya humina ang depensa ng lunsod. (Huk. 14:1-4; 16:1-3) Pero iba ang sitwasyon kay Delaila, kasi malamang na Israelita ito.
13. Ano ang ginawa ni Delaila para mapaamin si Samson?
13 Binigyan ng mga Filisteo si Delaila ng malaking halaga para pagtaksilan si Samson. Mahal na mahal ba ni Samson si Delaila kaya hindi niya nahalata ang totoong intensiyon nito? Anuman ang dahilan, paulit-ulit na pinilit ni Delaila si Samson na sabihin sa kaniya kung saan nanggagaling ang lakas nito. Nang bandang huli, sinabi rin ito ni Samson. Dahil dito, nawala ang lakas niya at pansamantala niyang naiwala ang pagsang-ayon ni Jehova.—Huk. 16:16-20.
14. Ano ang nangyari kay Samson dahil nagtiwala siya kay Delaila?
14 Nagdusa si Samson dahil nagtiwala siya kay Delaila imbes na kay Jehova. Hinuli siya at binulag ng mga Filisteo. Ikinulong siya at ginawang tagagiling ng butil sa Gaza, ang lunsod na sinira niya ang pintuang-daan. Pagkatapos, dinala ng mga Filisteo si Samson sa pagdiriwang nila para gawin siyang katatawanan. Nag-alay sila ng maraming handog sa diyos nilang si Dagon, dahil iniisip nila na tinulungan sila nito na mahuli si Samson. Inilabas nila si Samson mula sa bilangguan “para may mapagkatuwaan” sila—para gawin siyang katatawanan.—Huk. 16:21-25.
15. Paano ipinakita ni Samson na muli siyang umasa kay Jehova? (Hukom 16:28-30) (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
15 Malaking pagkakamali ang nagawa ni Samson, pero hindi siya sumuko. Naghanap pa rin siya ng pagkakataon na gawin ang atas sa kaniya ni Jehova na labanan ang mga Filisteo. (Basahin ang Hukom 16:28-30.) Nakiusap si Samson kay Jehova na hayaan siyang makapaghiganti sa mga ito. Sinagot ng tunay na Diyos ang panalangin niya at ibinalik ang lakas niya. Dahil diyan, mas maraming napatay na Filisteo si Samson kung ikukumpara sa mga napatay niya noon.
16. Ano ang matututuhan natin sa pagkakamali ni Samson?
16 Pinagdusahan ni Samson ang epekto ng pagkakamali niya, pero hindi siya tumigil sa paggawa ng kalooban ni Jehova. Kahit na magkamali tayo at kailangang ituwid o mawalan ng pribilehiyo, hindi tayo dapat sumuko. Tandaan na handa tayong patawarin ni Jehova. (Awit 103:8-10) Kahit nagkakamali tayo, puwede pa rin tayong bigyan ni Jehova ng lakas para magawa ang kalooban niya, gaya ng ginawa niya kay Samson.
17-18. Paano ka napapatibay ng karanasan ni Michael? (Tingnan din ang larawan.)
17 Tingnan ang halimbawa ng kabataang brother na si Michael. Abala siya sa paglilingkod kay Jehova. Isa siyang ministeryal na lingkod at regular pioneer. Pero nakakalungkot, nakagawa siya ng pagkakamali kaya nawala ang mga pribilehiyo niya. Sinabi niya: “Napaka-busy ko sa paglilingkod kay Jehova. Pero sa isang iglap lang, pakiramdam ko, wala na akong magagawa para kay Jehova. Kahit kailan, hindi ko naman inisip na iiwan ako ni Jehova. Pero hindi ako sigurado kung maibabalik ko pa ang dati kong kaugnayan sa kaniya o kung makakapaglingkod pa ulit ako gaya ng dati.”
18 Nakakatuwa, hindi sumuko si Michael. Sinabi pa niya: “Nagsikap akong ibalik ang kaugnayan ko kay Jehova. Regular akong nananalangin, nag-aaral, at nagbubulay-bulay.” Paglipas ng panahon, naibalik ni Michael ang mga pribilehiyo niya sa kongregasyon. Naglilingkod siya ngayon bilang elder at regular pioneer. Sinabi niya: “Nakatulong sa akin ang suporta at pampatibay ng mga kapatid, lalo na ng mga elder, para makita ko na mahal pa rin ako ni Jehova. Nakakapaglingkod na ulit ako ngayon sa kongregasyon nang may malinis na konsensiya. Natutuhan ko na pinapatawad ni Jehova ang mga tunay na nagsisisi.” Makakapagtiwala rin tayo na gagamitin at pagpapalain tayo ni Jehova kahit nakagawa tayo ng mga pagkakamali. Ang mahalaga, ginagawa natin ang lahat para itama ang mga iyon at patuloy tayong umaasa sa kaniya.—Awit 86:5; Kaw. 28:13.
19. Paano ka napatibay ng halimbawa ni Samson?
19 Tinalakay natin sa artikulong ito ang ilan sa mahahalagang pangyayari sa buhay ni Samson. Hindi siya perpekto. Pero hindi siya tumigil sa paglilingkod kay Jehova kahit na nagkamali siya sa desisyon niya tungkol kay Delaila. Dahil diyan, ginamit ulit siya ni Jehova. Itinuring pa rin siya ni Jehova na lalaking may malaking pananampalataya at isinama sa listahan ng mga tapat na makikita sa Hebreo kabanata 11. Talagang nakakapagpatibay na mapagmahal ang Ama natin sa langit at gustong-gusto niya tayong palakasin, lalo na kapag may mga problema tayo at kailangan natin ng tulong! Kaya gaya ni Samson, makiusap din tayo kay Jehova: “Pakisuyo, alalahanin mo ako, at palakasin mo ako.”—Huk. 16:28.
AWIT BLG. 3 Ikaw ang Aming Pag-asa at Lakas
a Marami ang nakakakilala sa karakter ng Bibliya na si Samson. Kilala siya kahit ng mga taong kaunti lang ang alam sa Kasulatan. Makikita ang kuwento niya sa mga play, kanta, at pelikula. Pero hindi lang basta isang magandang kuwento ang buhay ni Samson. Marami tayong matututuhan sa malaking pananampalataya na ipinakita niya.