ARALIN 12
Paano Kami Nangangaral?
Noong malapit nang mamatay si Jesus, sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa, at pagkatapos ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Paano maisasagawa ang pandaigdig na gawaing pangangaral na ito? Sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Jesus noong nasa lupa siya.—Lucas 8:1.
Pinupuntahan namin ang mga tao sa kanilang tahanan. Noong unang siglo, sinanay ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ipangaral ang mabuting balita sa bahay-bahay. (Mateo 10:11-13; Gawa 5:42; 20:20) Binigyan niya sila ng kani-kaniyang teritoryo na dapat nilang pangaralan. (Mateo 10:5, 6; 2 Corinto 10:13) Sa ngayon, organisado rin ang aming gawaing pangangaral, at sa bawat kongregasyon ay may nakaatas ding teritoryo. Sa ganitong paraan, nasusunod namin ang utos ni Jesus na “mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo.”—Gawa 10:42.
Sinisikap naming makausap ang mga tao saanman sila matagpuan. Nangaral si Jesus sa pampublikong mga lugar, gaya ng dalampasigan o tabi ng balon. (Marcos 4:1; Juan 4:5-15) Nakikipag-usap din kami sa mga tao tungkol sa Bibliya saanman posible—sa lansangan, sa lugar ng negosyo, sa mga pasyalan, o kahit sa telepono. Nagpapatotoo rin kami sa aming mga kapitbahay, katrabaho, kaklase, at mga kamag-anak kapag may angkop na pagkakataon. Dahil sa lahat ng pagsisikap na ito, milyon-milyon sa buong daigdig ang nakarinig ng ‘mabuting balita ng kaligtasan.’—Awit 96:2.
May naiisip ka bang puwede mong kausapin tungkol sa Kaharian ng Diyos? Ipakita mo sa kaniya ang epekto nito sa kaniyang kinabukasan. Huwag sarilinin ang nalalaman mong mensahe ng pag-asa. Ibahagi mo ito sa iba habang may panahon pa!
Anong ‘mabuting balita’ ang dapat ipangaral?
Paano tinutularan ng mga Saksi ni Jehova ang paraan ng pangangaral ni Jesus?