C1
Ang Pagbabalik ng Pangalan ng Diyos sa “Bagong Tipan”
Noong nasa lupa pa si Jesus at ang mga apostol niya, mababasa sa mga manuskritong Hebreo ng “Lumang Tipan” ang pangalan ng Diyos, o Tetragrammaton. (Tingnan ang Apendise A4 at A5.) Mababasa rin ang pangalan ng Diyos sa Septuagint, ang Griegong salin ng “Lumang Tipan” na karaniwang ginagamit noong unang siglo C.E. Nang panahong iyon, ang pangalan ng Diyos sa Septuagint ay nakasulat sa Hebreong mga letra (YHWH) o sa transliterasyong Griego ng mga letrang iyon (IAO). May natirang ilang bahagi ng Septuagint na mula pa noong unang siglo C.E. o mas luma pa rito kung saan mababasa ang mga letrang ito. Kaya kapag sumisipi noon mula sa “Lumang Tipan” ang mga manunulat ng “Bagong Tipan,” siguradong nakikita nila ang Tetragrammaton, direkta man silang sumisipi mula sa “Lumang Tipan” na nasa wikang Hebreo o sa Griegong salin nito, ang Septuagint.
Pero ngayon, wala nang natirang manuskrito ng “Bagong Tipan” mula noong unang siglo C.E. na masusuri natin. Kaya wala tayong magagamit na orihinal na mga manuskritong Griego ng “Bagong Tipan” para matiyak kung ginamit ng mga manunulat ng Bibliya ang Tetragrammaton. Ang magagamit nating basehan sa ngayon ay ang mga manuskritong Griego ng “Bagong Tipan” na ginawa noong mga 200 C.E. o pagkatapos pa nito. Ang mas kumpletong mga manuskrito naman ay mula noong ikaapat na siglo C.E., maraming taon na ang lumipas mula nang isulat ang orihinal na mga manuskrito. Kaya lang, noong mga ikalawa o ikatlong siglo C.E., naging kaugalian na ng mga tagakopya ng mga manuskrito na palitan ang Tetragrammaton ng titulong Panginoon o Diyos o kumopya mula sa mga manuskrito kung saan napalitan na ang pangalan ng Diyos.a
Dahil sa kaugaliang iyan, hindi naging ganoon kadali ang pagsasalin ng “Bagong Tipan.” Halimbawa, kapag ang Griegong “Bagong Tipan” ay may siniping bahagi mula sa “Lumang Tipan,” hindi makikita ng tagapagsalin ang Tetragrammaton sa tekstong Griego. Pero kailangan niyang tandaan ang dalawang bagay na ito: (1) Posibleng makikita ang Tetragrammaton sa mismong bahaging sinipi mula sa “Lumang Tipan,” at (2) ang tekstong Griegong ginagamit niya ay nakabase sa mga manuskritong ginawa noong panahong nakaugalian ng mga tagakopya na palitan ng titulo ang pangalan ng Diyos. Dahil dito, dapat gumawa ang tagapagsalin ng mahalagang desisyon. Gagayahin ba niya ang tekstong Griego na gumamit ng Kyʹri·os o The·osʹ at hindi ng Tetragrammaton, o sisikapin niyang alamin kung saan malamang na lumitaw ang Tetragrammaton sa orihinal na mga manuskritong Griego?
Ito ang tanong na dapat masagot: Dahil lumitaw ang Tetragrammaton sa orihinal na tekstong Hebreo na sinipi ng mga manunulat ng Bibliya noong unang siglo, sinadya ba ng mga manunulat na iyon na palitan ng Kyʹri·os o The·osʹ ang Tetragrammaton tuwing sumisipi sila sa “Lumang Tipan”? Noon pa man, maraming tagapagsalin ng Bibliya ang naniniwalang hindi nangyari ang pagpapalit na iyon. Kaya napakilos ang mga tagapagsaling iyon na ibalik ang pangalan ng Diyos sa salin nila ng “Bagong Tipan.” Ganiyan din ang pananaw ng mga tagapagsalin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ng Bagong Sanlibutang Salin.b
SAAN DAPAT IBALIK ANG PANGALAN NG DIYOS?
Makikita sa susunod na dalawang seksiyon ng Apendise C ang mga talata kung saan lumitaw ang pangalang Jehova sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ng Bagong Sanlibutang Salin.c Nasa Apendise C2 ang mga talata na tuwiran o di-tuwirang sumipi sa mga tekstong gumamit ng Tetragrammaton sa orihinal na “Lumang Tipan” na nasa wikang Hebreo. Nasa Apendise C3 naman ang mga talatang hindi sumipi sa “Lumang Tipan” at ang mga dahilan kung bakit ibinalik ang pangalan ng Diyos sa mga tekstong iyon.
Sa Apendise C4, makikita ang ilang salin ng “Bagong Tipan” na nagbalik ng pangalan ng Diyos sa iba’t ibang teksto.d (Ito ang mga reperensiyang tinutukoy sa Apendise C2 at C3.) Hindi lang ibinalik ng ilan sa mga saling ito ang pangalan ng Diyos sa tuwirang mga pagsipi mula sa “Lumang Tipan,” kundi ibinalik din ng mga ito ang pangalang iyon sa mga talata kung saan makatuwiran itong gawin batay sa konteksto o sa iba pang dahilan. Hindi ginawa ng mga Saksi ni Jehova ang alinman sa mga saling ito.e Kasama sa mga ito ang ilang salin sa Hebreo, pati na rin sa marami pang ibang wika. Para mas madaling matukoy ang mga reperensiya, bawat isa ay binigyan ng code na letrang J na sinusundan ng isang numero. Para sa listahan ng mahigit 120 wika at diyalekto kung saan makikita ang pangalan ng Diyos sa mismong mga talata ng “Bagong Tipan,” o Kristiyanong Griegong Kasulatan, tingnan ang Apendise A5.
a Kadalasan na, pinapalitan nila ang pangalan ng Diyos ng salitang Griego na Kyʹri·os (Panginoon), The·osʹ (Diyos), o ng pinaikling anyo ng isa sa mga salitang ito. Maraming diksyunaryo ng sinaunang Griego ang nagsasabi na ang dalawang salitang Griego na ito ay ipinanunumbas sa pangalan ng Diyos.—Tingnan ang A Greek and English Lexicon to the New Testament, ni J. Parkhurst, nirebisang edisyon ng 1845; The New Thayer’s Greek-English Lexicon of the New Testament, ni J. H. Thayer, 1981; A Greek-English Lexicon, nina Liddell at Scott, 1996; A Greek-English Lexicon of the New Testament and Other Early Christian Literature, Ikatlong Edisyon, 2000.
b Pero may ilang iskolar na kumokontra sa pananaw na ito. Isa sa kanila si Jason BeDuhn, awtor ng aklat na Truth in Translation: Accuracy and Bias in English Translations of the New Testament. Pero sinabi rin ni BeDuhn: “Balang-araw, posibleng may makitang isang napakalumang manuskritong Griego ng Bagong Tipan na may letrang Hebreo na YHWH sa ilang mga talata [ng “Bagong Tipan.”] Kapag nangyari iyan, kapag may ebidensiya na, dapat na muling pag-isipan ng mga mananaliksik ng Bibliya ang pananaw ng mga editor ng Bagong Sanlibutang Salin.”
c Ang makikita lang dito ay ang mga aklat ng Bibliya na nailathala na sa Edisyon sa Pag-aaral online.
d Kasama rin dito ang mga reperensiya na nagpapakitang ang mga salitang Kyʹri·os at The·osʹ ay ipinanunumbas sa Tetragrammaton.
e Inimprenta ng mga Saksi ni Jehova ang isang edisyon ng The Emphatic Diaglott (J21), pero ang saling ito ay ginawa ni Benjamin Wilson.