Introduksiyon sa Marcos
Manunulat: Marcos
Saan Isinulat: Roma
Natapos Isulat: mga 60-65 C.E.
Panahong Saklaw: 29-33 C.E.
Mahahalagang Impormasyon:
Ito ang pinakamaikli sa lahat ng Ebanghelyo. Mabilis ang takbo ng mga pangyayari sa ulat ni Marcos. Ang salitang Griego na eu·thysʹ, na puwedeng isaling “agad” o “pagkatapos na pagkatapos,” ay lumitaw dito nang mahigit 40 beses. Kapana-panabik ang paglalahad ni Marcos ng buhay at ministeryo ni Jesus, at matatapos basahin ang Ebanghelyo niya sa loob lang ng isa o dalawang oras.
Sinasabing si apostol Pedro ang pinagmulan ng marami sa mga pangyayaring iniulat ni Marcos, dahil personal niyang nasaksihan ang mga ito. (13:3) Kaayon iyan ng ipinapahiwatig sa 1Pe 5:13 na nagkasama sina Marcos at Pedro sa Babilonya.
Madalas na iulat ni Marcos ang nararamdaman at reaksiyon ni Jesus. (3:5; 7:34; 8:12; 9:36; 10:13-16, 21)
Mas nakapokus si Marcos sa mga ginawa ng Kristo kaysa sa mga turo ni Jesus. Kitang-kita sa ulat ni Mateo ang pagiging ipinangakong Mesiyas at Hari ni Jesus, samantalang ipinakita naman ni Marcos ang pagiging aktibo ni Jesus bilang Tagapagligtas at bilang Anak ng Diyos na gumawa ng maraming himala. Di-bababa sa 19 na himala ang iniulat ni Marcos. Pero kaunti lang ang iniulat niyang ilustrasyon ni Jesus; isa sa mga ito ay sa Marcos lang mababasa. (4:26-29)
Posibleng isinulat ang Ebanghelyong ito noong 60-65 C.E. nang dalawin ni Marcos si Pablo sa Roma.
Isinulat ni Mateo ang Ebanghelyo niya para sa mga Judio, at lumilitaw na sumulat naman si Marcos pangunahin nang para sa mga Romano. Ipinaliwanag niya ang mga kaugalian at turo ng mga Judio na hindi pamilyar sa mga di-Judiong mambabasa. (2:18; 7:3, 4; 14:12; 15:42) Isinalin niya ang mga ekspresyong Hebreo at Aramaiko. (3:17; 5:41; 7:11, 34; 14:36; 15:22, 34) Nagbigay siya ng karagdagang impormasyon tungkol sa mga lugar at panahon na hindi na kailangan kung mga Judio ang babasa sa ulat niya. (1:13; 11:13; 13:3) Ginamit niya ang perang Romano para ipakita ang halaga ng mga perang karaniwang ginagamit ng mga Judio. (Tingnan ang study note sa Mar 12:42.) Mas marami siyang ginamit na ekspresyon at idyomang Latin kaysa sa ibang manunulat ng Ebanghelyo. Ang ilan sa mga ito ay speculator (sundalo), praetorium (bahay ng gobernador), at centurio (opisyal ng hukbo). (6:27; 15:16, 39)